Return   Facebook   Zip File

Obligatory

Dapat usalin sa umaga, sa tanghali at sa gabi

Sinuman ang nagnanais manalangin, hayaang hugasan niya ang kaniyang mga kamay, at samantalang siya ay naghuhugas, hayaang sabihin niya:

Palakasin ang aking kamay, O aking Diyos, upang magawa nitong hawakan ang Iyong Aklat nang buong katatagan at nang ang mga hukbo ng daigdig ay hindi makapanaig dito. Ingatan ito, kung gayon, upang hindi maki­alam sa anumang hindi niya pag-aari. Ikaw, sa katunayan, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas.

At habang naghihilamos, hayaang sabihin niya:

Ibinaling ko ang aking mukha sa Iyo, O aking Panginoon! Tanglawan ito ng liwanag ng Iyong kaanyuan. Pangalagaan ito, kung gayon, sa pagbaling sa sinuman liban sa Iyo.

Pagkatapos hayaan siyang tumayo, at nakaharap sa Qiblih, hayaang sabihin niya;

Pinatutunayan ng Diyos na walang iba pang Diyos maliban sa Kaniya. Kaniya ang mga kaharian ng Rebelasyon at ng sangnilikha. Siya, sa katotohanan, ang nagpahayag na sa Kaniya na Pamimitak ng Rebelasyon, na nakipag-usap sa Sinai, na sa pamamagitan Niya ang panawagan ay ipinatalastas sa lahat ng nasa langit at nasa lupa: “Masdan, ang Nagmamay-ari sa Lahat ay dumating na. Ang lupa at langit, kaluwalhatian at kaharian, ay sa Diyos, ang Nagmamay-ari ng Trono sa itaas at sa daigdig sa ibaba!”

Hayaan siya, pagkatapos, ay yumuko, nang ang mga kamay ay nakapatong sa mga tuhod, at sabihin:

Ikaw ay higit na dakila kaysa sa aking pagpupuri at sa pagpupuri ng sinuman bukod sa akin, higit sa aking paglalarawan at paglalarawan ng lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa!

Pagkatapos, nang nakatayo na bukas ang mga kamay, ang mga palad ay nakataas at nakaharap sa mukha, bayaang sabihin niya:

Huwag biguin, O aking Diyos, siya na may nagsusumamong mga daliri, na nangapit sa laylayan ng Iyong kahabagan at ng Iyong biyaya, O Ikaw na sa lahat ng nagpapakita ng habag ay ang Pinakamahabagin!

Hayaan siya, pagkatapos, na maupo at sabihin:

Saksi ako sa Iyong kaisahan at sa Iyong pagkakaisa, na Ikaw ang Diyos, at walang iba pang Diyos liban sa Iyo. Sa katunayan, Iyong ipinahayag ang Iyong Kapakanan, tinupad ang Iyong Banal na Kasunduan, at binuksan nang maluwang ang pinto sa Iyong mga minamahal, na ang mga pagbabago at pagkakataon ng daigdig ay hindi nakapigil sa kanila upang bumaling sa Iyo, at yaong ibinigay ang lahat ng nasa kanila, sa pag-asang matamo yaong nasa Iyo. Ikaw, sa katunayan, ang Laging Nagpapatawad, ang Mapagbigay-Biyaya sa Lahat.

(Kung nais ng sinuman na usalin, sa halip ng mahabang taludtod ang mga katagang ito: “Pinatutunayan ng Diyos na walang iba pang Diyos maliban sa Kaniya, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling Ganap,” ito ay makasasapat. Gayundin, makasasapat na kung habang nakaupo ay usalin niya ang mga salitang ito: “Saksi ako sa Iyong kaisahan at sa Iyong pagkakaisa, na Ikaw ang Diyos, na walang iba pang Diyos liban sa Iyo.”

#4377
- Bahá'u'lláh

 

Dapat usalin minsan sa dalawampu't apat na oras

Sinumang nagnanais na umusal sa panalanging ito, hayaang siya ay tumindig at humarap sa Diyos, at habang siya ay nakatayo sa kaniyang lugar, hayaang siya ay tumingin sa kanan at sa kaliwa, na waring naghihintay ng habag ng kaniyang Panginoon, ang Pinaka Mahabagin, ang Madamayin. Pagkatapos, hayaang sabihin niya:

O Ikaw na Panginoon ng lahat ng mga pangalan at Lumikha ng mga kalangitan! Isinasamo ko sa Iyo sa pamamagitan nila na mga Pamimitak ng Iyong di-nakikitang Kalikasan, ang Pinaka Dakila, ang Maluwalhati sa Lahat, na sa aking dalangin ay lumikha ng isang apoy na sisilab sa mga lambong na naglingid sa akin sa Iyong kagandahan, at ng isang liwanag na mag-aakay sa akin patungo sa karagatan ng pagkamalas sa Iyo.

Pagkatapos, hayaang itaas niya ang kaniyang mga kamay sa pagsusumamo sa Diyos-pagpalain at luwalhatiin Siya-at sabihin:

O Ikaw na Mithiin ng daigdig at Minamahal ng mga bansa! Nakikita Mo akong bumabaling sa Iyo, at malaya sa lahat ng kaugnayan sa anuman maliban sa Iyo, at nangangapit sa Iyong kuldon, na sa paggalaw nito ang buong santinakpan ay napukaw. Ako ang Iyong tagapaglingkod, O aking Panginoon, at anak ng Iyong tagapaglingkod. Iyo akong masdan nang nakatayo at handang gawin ang Iyong kalooban at ang Iyong nais, at walang ibang hinahangad maliban sa Iyong mabuting kasiyahan. Isinasamo ko sa Iyo sa Karagatan ng Iyong kahabagan at sa Araw-Bituin ng Iyong biyaya na gawin sa Iyong tagapaglingkod ang Iyong niloloob at ikinasisiya. Saksi ang Iyong kapangyarihan na hindi makakayang abutin ng lahat ng pagbanggit at pagpuri! Anuman ang Iyong ipinahayag ay ang hangarin ng aking puso at ang minamahal ng aking kaluluwa. O Diyos, aking Diyos! Huwag tingnan ang aking mga pag-asa at aking mga gawa, sa halip tingnan ang Iyong kalooban na pumapalibot sa mga kalangitan at kalupaan. Saksi ang Iyong Pinakadakilang Pangalan, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng bansa! Ang tanging hangad ko ay ang Iyong hinahangad, at ang tanging pag-ibig ko ay ang Iyong iniibig.

Hayaang siya ay lumuhod, at nang nakayukod ang noo sa lupa, hayaang sabihin niya:

Ikaw ay dakila nang higit sa paglalarawan ng sinumam maliban sa Iyong Sarili, at pag-unawa ng sinumang iba pa liban sa Iyo.

Hayaang siya ay tumindig at sabihin:

Gawin ang aking dalangin, O aking Panginoon, na maging isang bukal ng mga buhay na tubig upang dito ako ay maaaring mabuhay habang nananatili ang Iyong paghahari, at maaaring banggitin Kita sa bawat daigdig ng Iyong mga daigdig.

Hayaang muling itaas niya ang kaniyang mga kamay sa pagsusumamo, at sabihin:

O Ikaw na ang pagkalayo sa Iyo ay ikinatutunaw ng mga puso at kaluluwa, na sa pamamagitan ng apoy ng Iyong pag-ibig ay nagliyab ang buong daigdig! Sumasamo ako sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong Pangalan na sumakop sa buong santinakpan, na huwag ipagkait sa akin yaong nasa sa Iyo, O Ikaw na naghahari sa lahat ng tao! Iyong nakikita, O aking Panginoon, ang dayuhang ito na nagmamadaling patungo sa kaniyang pinakadakilang tahanan sa lilim ng bubong ng Iyong kamahalan at sa loob ng mga bakuran ng Iyong kahabagan; at ang nagkasalang ito na hinahanap ang karagatan ng Iyong kapatawaran; at ang abang ito na hinahanap ang liwasan ng Iyong kaluwalhatian; at ang dukhang ito na hinahanap ang kinaroroonan ng Iyong kayamanan. Nasa Iyo ang kapangyarihan na mag-atas ng anumang Iyong niloloob. Saksi ako na Ikaw ay dapat purihin sa Iyong mga ginagawa, at dapat sundin ang Iyong mga utos, at dapat manatiling hindi napipigilan sa Iyong mga pag-uutos.

Hayaang itaas niya ang kaniyang mga kamay at bigkasin nang tatlong ulit ang Pinakadakilang Pangalan. Hayaan siyang yumuko sa harap ng Diyos-pagpalain at luwalhatiin Siya-at, nang nakapatong ang mga kamay sa mga tuhod, ay sabihin:

Iyong nakikita, O aking Diyos, kung papaanong ang aking espiritu ay ginising sa loob ng aking mga kamay at paa at mga bahagi ng aking katawan, sa paghahangad nitong sumamba sa Iyo, at sa pagnanasa nitong gunitain Ka at luwalhatiin Ka; kung papaanong pinatutunayan nito yaong pinatunayan ng Dila ng Iyong Kautusan sa kaharian ng Iyong pananalita at sa kalangitan ng Iyong kaalaman. Ninanais ko, sa ganitong kalagayan, O aking Panginoon, na hilingin sa Iyo ang lahat ng nasa Iyo, upang maipakita ko ang aking karukhaan at mapalaki ang Iyong pagpapala at ang Iyong mga kayamanan, at maipahayag ang aking kawalang-kakayahan, at maipakita ang Iyong lakas at Iyong kapangyarihan.

Hayaang siya ay tumayo at dalawang ulit na itaas sa pagsusumamo ang kaniyang mga kamay, at sabihin:

Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Nagtatadhana sa simula at sa wakas. O Diyos, aking Diyos! Ang Iyong pagpapatawad ay nakapagpatapang sa akin, at ang Iyong habag ay nakapagpalakas sa akin, at ang Iyong panawagan ay nakapukaw sa akin, at ang Iyong biyaya ay nakapagpabangon sa akin, at umakay sa akin tungo sa Iyo. Sino, kung gayon, ako na magtatangkang tumayo sa pintuan ng lunsod ng Iyong pagkakalapit, o iharap ang aking mukha sa mga liwanag na nagniningning sa langit ng Iyong kalooban? Iyong nakikita, O aking Panginoon, ang hamak na nilikhang ito na kumakatok sa pintuan ng Iyong pagpapala, at ang napaparam na kaluluwang ito na naghahanap sa ilog ng walang hanggang buhay buhat sa mga kamay ng Iyong pagpapala. Nasa Iyo ang pag-uutos sa lahat ng panahon, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng pangalan; at nasa akin ang pagtanggap at handang pagpapasailalim sa Iyong kalooban, O Maylikha ng mga kalangitan!

Hayaang itaas niya nang tatlong ulit ang kaniyang mga kamay at sabihin:

Higit na dakila ang Diyos kaysa bawat ibang dakila!

Hayaang lumuhod siya, at habang nakayukod ang ulo sa lupa ay sabihin:

Ikaw ay napakataas para sa papuri ng mga malapit sa Iyo upang makaakyat sa kalangitan ng Iyong pagkamalapit, o para sa mga ibon ng mga puso ng matatapat sa Iyo upang makarating sa bungad ng Iyong pintuan. Pinatutunayan ko na Ikaw ay pinagpala nang higit sa lahat ng mga katangian at banal sa lahat ng mga pangalan. Walang Diyos maliban sa Iyo, ang Pinakadakila, ang Ma- luwalhati sa Lahat.

Hayaang umupo siya at sabihin:

Pinatutunayan ko yaong pinatunayan ng lahat ng nilalang na bagay, at ng Kalipunan sa itaas, at ng mga nananahan sa Paraiso ng pinakamataas sa lahat, at sa kabila ng mga iyon ay ang Dila ng Kamaharlikaan mismo mula sa maluwalhati sa lahat na Sugpungang-guhit, na Ikaw ang Diyos, na walang Diyos maliban sa Iyo, at Siya na inihayag ay ang Natatagong Hiwaga, ang Pinaka-iingatang Sagisag, na sa pamamagitan Niya ang mga pantig na Ma at Ging (Maging) ay napagkabit at napagsama. Pinatutunayan ko na Siya yaong ang pangalan ay isinulat ng Panulat ng Pinakamataas, at Siya yaong binanggit sa mga Aklat ng Diyos, ang Panginoon ng Trono sa kaitaasan at ng daigdig sa ibaba.

Hayaang tumindig siya nang tuwid at sabihin:

O Panginoon ng lahat ng nilalang at Nagmamay-ari ng lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita! Iyong nakikita ang aking mga luha at naririnig ang aking mga buntong-hininga; at napakikinggan ang aking pagdaing, at ang aking pagtangis, at ang paghihinagpis ng aking puso. Saksi ang Iyong Kapangyarihan! Ang aking mga pagkakamali ay nakapigil sa akin sa paglapit sa Iyo; at ang aking mga pagkakasala ay nakapaglayo sa akin sa liwasan ng Iyong kabanalan. Ang Iyong pag-ibig, O aking Panginoon, ay nagpayaman sa akin, at ang pagkahiwalay sa Iyo ay nakawasak sa akin, at ang pagkalayo sa Iyo ay nakatupok sa akin. Isinasamo ko sa Iyo sa pamamagitan ng mga bakas ng Iyong paa sa kagubatang ito, at sa pamamagitan ng mga salitang "Narito Ako. Narito Ako," na binigkas ng Iyong mga pinili sa kalawakang ito, at sa mga hininga ng Iyong Rebelasyon, at sa malulumanay na hangin ng Pagbubukang-liwayway ng Iyong Kahayagan, na itadhana na mamalas ko ang Iyong kagandahan at sundin ang anumang nasa Iyong Aklat.

Hayaang ulitin niya nang tatlong ulit ang Pinakadakilang Pangalan at yumuko nang nakapatong sa mga tuhod ang mga kamay at sabihin:

Luwalhati sa Iyo, O aking Diyos, na ako ay Iyong tinulungan upang Ikaw ay gunitain at Ikaw ay purihin, at Iyong ipinabatid sa akin Siya na Pamimitak ng Iyong mga palatandaan, at naging sanhi upang ako ay yumuko sa harap ng Iyong Pagka-Panginoon, at magpakumbaba ng aking sarili sa harap ng Iyong Pagka-Diyos, at tanggapin yaong binanggit ng Dila ng Iyong kamaharlikaan.

Hayaang siya ngayon ay tumayo at sabihin:

O Diyos, aking Diyos! Ang aking likod ay nabaluktot sa bigat ng aking mga pagkakasala, at ang aking kapabayaan ay sumira sa akin. Kailanmang limiin ko ang aking mga ginagawang masama at ang Iyong kabaitan, ang aking puso ay natutunaw sa loob ng aking sarili, at ang aking dugo ay kumukulo sa aking mga ugat. Saksi ang Iyong Kagandahan, O Ikaw na Mithiin ng daigdig! Namumula ako sa hiya kung ako ay magtataas ng mukha sa Iyo, at ang aking nananabik na mga kamay ay napapahiyang umunat tungo sa kalangitan ng Iyong pagpapala. Iyong nakikita, O aking Diyos, kung papaanong pinipigilan ako ng aking mga luha sa paggunita sa Iyo at sa pagbibigay-puri sa Iyong mga katangian, O Ikaw na Panginoon ng Trono sa kaitaasan at ng daigdig sa ibaba! Sumasamo ako sa Iyo sa pamamagitan ng mga palatandaan ng Iyong Kaharian at sa mga hiwaga ng Iyong Kapangyarihan na gawin sa Iyong mga minamahal ang sang-ayon sa Iyong pagpapala, O Panginoon ng lahat ng nilalang, at yaong karapat-dapat sa Iyong pagpapala, O Hari ng nakikita at ng di-nakikita!

Hayaang ulitin niya nang tatlong ulit ang Pinakadakilang Pangalan, at lumuhod at habang nakayukod ang ulo sa lupa ay sabihin:

Purihin Ka nawa, O aming Diyos, pagka't Iyong inihulog sa amin yaong naglalapit sa amin sa Iyo, at Iyong ipinagkaloob sa amin ang bawat mabuting bagay na Iyong ipinadala sa Iyong mga aklat at sa Iyong mga banal na kasulatan. Iyo kaming iligtas, sumasamo kami sa Iyo, O aking Panginoon, mula sa mga hukbo ng mga walang kabuluhang mga isipan at walang saysay na mga guni-guni. Ikaw sa katotohanan, ang Makapangyarihan, ang Nakababatid ng Lahat.

Hayaang itaas niya ang kaniyang ulo, iupo ang kaniyang sarili at sabihin:

Pinatutunayan ko, O aking Diyos, yaong pinatunayan ng Iyong mga hinirang, at tinatanggap yaong tinanggap ng mga nanananhan sa pinakamataas sa lahat na Paraiso at yaong mga tinanggap ng mga lumilibot sa Iyong makapangyarihang Trono. Ang mga kaharian ng kalupaan at kalangitan ay Iyo, O Panginoon ng mga daigdig!

#4378
- Bahá'u'lláh

 

Dapat usalin sa tanghali

Saksi ako, O aking Diyos, na nilalang Mo ako upang kumilala sa Iyo at

sumamba sa Iyo. Sumasaksi ako, sa sandaling ito, sa aking kawalang-lakas at

sa Iyong kapangyarihan, sa aking karukhaan at sa Iyong kayamanan.

Walang iba pang Diyos liban sa Iyo, ang Tulong sa Panganib, ang

Sariling-Ganap.

#4376
- Bahá'u'lláh

 

General

Banal Na Kasunduan

Luwalhatiin Ka, O Hari ng kawalang hanggan, at Maylikha ng mga bansa, at Mayhabi ng bawat nadudurog na buto! Idinadalangin ko sa Iyo, sa Iyong Pangalan na namagitan sa pagtawag Mo sa lahat ng sangkatauhan patungo sa sugpungang-guhit ng Iyong kamahalan at kaluwalhatian, at sa pagpatnubay Mo sa Iyong mga tagapaglingkod tungo sa liwasan ng Iyong biyaya at pagtatangkilik, na ibilang Mo ako sa mga nakapag-alis ng lahat ng kanilang sarili liban sa Iyong Sarili, at nakapag-ukol ng kanilang sarili tungo sa Iyo, at hindi napigil ng mga kasawiang-palad na gaya ng mga itinakda Mo sa pagbaling sa kinaroroonan ng Iyong mga handog.

Humawak ako, O aking Panginoon, sa ugit ng Iyong pagpapala, at mahigpit na nangapit sa laylayan ng damit ng Iyong pagtatangkilik. Ihulog, kung gayon, sa akin, buhat sa mga alapaap ng Iyong kagandahang-loob, yaong makapag-aalis sa akin ng gunita ng sinuman liban sa Iyo, at loobin Mong makabaling ako sa Kaniya na Kinauukulan ng pagsamba ng lahat ng sangkatauhan at laban sa Kaniya ay naihanay ang mga manunulsol ng paghihimagsik na lumabag sa Iyong banal na kasunduan, at hindi naniniwala sa Iyo at sa Iyong mga tanda.

Huwag mong ikait sa akin, O aking Panginoon ang mga kabanguhan ng Iyong kasuutan sa Iyong mga araw, at huwag ipagdamot sa akin ang mga hinga ng Iyong Rebelasyon sa paglitaw ng mga luningning ng liwanag ng Iyong mukha. Makapangyarihan Ka upang magawa ang ikinasisiya Mo. Walang makatututol sa Iyong kalooban, ni makabibigo sa nilayon Mo sa Iyong Kapangyarihan.

Walang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Matalino sa Lahat.

#4379
- Bahá'u'lláh

 

Siya ang Makapangyarihan, ang Nagpapatawad, ang Mahabagin!

O Diyos, aking Diyos! Nakikita Mo ang Iyong mga tagapaglingkod sa bangin ng pagkapahamak at pagkakamali; nasaan ang Iyong liwanag ng banal na pamamatnubay, O Ikaw na hangarin ng daigdig? Batid mo ang kanilang kawalang-kakayahan at ang kanilang kahinaan; nasaan ang Iyong lakas, O Ikaw na naghahawak sa mga lakas ng langit at lupa?

Hinihiling ko sa Iyo, O Panginoon, aking Diyos, sa kaluningningan ng mga liwanag ng Iyong mapagmahal na kahabagan at malalaking alon ng karagatan ng Iyong kaalaman at dunong at sa Iyong Salitang namagitan sa pagpapakilos Mo sa mga mamamayan ng Iyong kaharian, na ipahintulot na ako’y maging isa sa kanilang nagsigawa ng ipinag-utos Mo sa Iyong Aklat. At iatas Mo para sa akin yaong iniatas Mo para sa Iyong pinagkakatiwalaan, sila na nagsitungga ng alak ng banal na inspirasyon sa kalis ng Iyong pagpapala at nagsipagmadaling gumawa ng Iyong ikinasisiya at nagsitupad sa Iyong Banal na Kasunduan, at Habilin. Makapangyarihan Ka upang magawa ang niloloob Mo, walang ibang Diyos maliban sa Iyo, ang Nakababatid ng Lahat, ang Madunong sa Lahat.

Iatas mo para sa akin, sa Iyong pag­papala, O Panginoon, yaong makapagpapasagana sa akin sa daigdig na ito at sa haharapin at makapaglalapit sa akin sa Iyo, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng tao. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Iisa, ang Makapangyarihan, ang Maluwalhati.

#4380
- `Abdu'l-Bahá

 

Patatagin ang aming mga hakbang, O Panginoon, sa Iyong landas at palakasin Mo ang aming mga puso sa pagsunod sa Iyo. Ibaling ang aming mga mukha tungo sa kagandahan ng Iyong pagkakaisa at bigyang-galak ang aming mga dibdib sa pamamagitan ng mga tanda ng Iyong banal na kaisahan. Palamutihan ang aming mga katawan ng damit ng Iyong pagpapala at alisin sa aming mga mata ang lambong ng pagkamakasalanan at bigyan kami ng kalis ng Iyong biyaya; upang ang ubod ng lahat ng nilalang ay umawit ng papuri sa Iyo sa harap ng pangitain ng Iyong kamaharlikahan. Ipahayag ang Iyong Sarili, O Panginoon, sa pamamagitan ng Iyong mahabaging pananalita at hiwaga ng Iyong Banal na Sarili, upang ang banal na lubos na kaligayahan ng panalangin ay pumuspos sa aming mga kaluluwa—isang panalanging mangingibabaw sa mga salita at mga titik at makalalampas sa usal ng mga kataga at tunog—upang ang lahat ng bagay ay pagsama-samahin sa kawalan sa harap ng kapahayagan ng Iyong kaluwalhatian.

Panginoon! Ito ang mga tagapaglingkod na nanatiling matapat sa Iyong Banal na Kasunduan at sa Iyong Habilin, na mahigpit na nanghawak sa kuldon ng pagpapakatapat sa Iyong Kapakanan at nangapit sa laylayan ng damit ng Iyong kamaharlikaan. Tulungan Mo sila, O Panginoon, sa Iyong biyaya, pagtibayin ng Iyong kapangyarihan at palakasin ang kanilang mga balakang sa pagsunod sa Iyo.

Ikaw ang Nagpapatawad, ang Mapagbigay-biyaya.

#4381
- `Abdu'l-Bahá

 

O Mahabaging Diyos! Salamat sa Iyo dahil sa ginising Mo ako at binigyan ng kamalayan. Pinagkalooban Mo ako ng nakakikitang mata at itinangi Mo ako sa pagbibigay ng nakaririnig na tainga; inakay Mo akong patungo sa Iyong kaharian at pinamatnubayan Mo ako sa Iyong Landas. Ipinakita Mo sa akin ang tumpak na daan at itinulot Mong makapasok ako sa Arko ng Kaligtasan. O Diyos! Panatilihin akong maging matatag at gawin Mo akong matibay at malakas. Ipagtanggol Mo ako sa mararahas na pagsubok at panatilihing ligtas at ikanlong sa matibay na moog ng Iyong Banal na Kasunduan at Habilin. Ikaw ang Makapangyarihan. Ikaw ang Nakakikita. Ikaw ang Nakaririnig. Ikaw ang Mahabaging Diyos. Ipagkaloob Mo sa akin ang isang pusong tulad ng kristal ay mapagliliwanag ng tanglaw ng Iyong pag-ibig, at ibigay Mo sa akin ang isang kaisipang makapagbabago sa daigdig na ito upang maging isang halamanan ng rosas sa pamamagitan ng pagpapalang espiritwal. Ikaw ang Mahabagin, ang Maawain. Ikaw ang Dakilang Mapagpalang Diyos.

#4382
- `Abdu'l-Bahá

 

O aking Panginoon at aking Pag-asa! Tulungan Mo ang Iyong mga minamahal na maging matatag sa Iyong matibay na Banal na Kasunduan, na manatiling matapat sa Iyong malinaw na Kapakanan, at isakatuparan ang mga utos na Iyong sadyang itinalaga para sa kanila sa Iyong Aklat ng mga Karilagan; nang sila ay maging mga bandila ng patnubay at mga ilawan ng Kapulungan sa Itaas, bukal ng Iyong walang hanggang dunong, at mga bituing gumagabay nang wasto, habang sila ay sumisikat sa lupa mula sa kalangitan ng Diyos.

Sa katunayan, Ikaw ang Hindi Malulupig; ang Pinakamalakas, ang Makapangyarihan sa Lahat.

#4383
- `Abdu'l-Bahá

 

Espiritwal Na Mga Katangian

Buhat sa humahalimuyak na mga batis ng Iyong kawalang-hanggan, bigyan Mo ako ng inumin, O aking Diyos, at sa mga bunga ng punong kahoy ng Iyong sarili, hayaan Mo akong tumikim, O aking Pag-asa! Sa mga kristal na bukal ng Iyong pag-ibig, tulutan Mo akong uminom, O aking Luwalhati, at sa lilim ng anino ng Iyong walang katapusang pagpapala, hayaan Mo akong manahan, O aking Liwanag! Sa loob ng mga pastulan ng Iyong kalapitan sa harap Mo, pahintulutan Mong ako’y makagala, O aking Mahal, at sa gawing kanan ng trono ng Iyong Habag ay iluklok ako, O aking Ninanais! Buhat sa mababangong hangin ng Iyong kaligayahan, hayaang may dumapyo sa akin na isang simoy, O aking Hantungan, at sa mga kataasan ng paraiso ng Iyong realidad, tulutan akong makapasok, O aking Sinasamba! Sa mga awitin ng kalapati ng Iyong kaisahan, tulutan Mo akong makapakinig, O Lubhang Maningning, at sa pamamagitan ng espiritu ng Iyong lakas at Iyong kapangyarihan buhayin Mo ako, O aking Tagapagtustos! Sa diwa ng Iyong pag-ibig loobin Mo akong maging matapat, O aking Tagasaklolo, at sa landas ng Iyong mabuting kasiyahan patatagin ang aking mga hakbang, O aking Manlilikha! Sa loob ng hardin ng Iyong kawalang-kamatayan, sa harap ng Iyong kaanyuan, tulutan Mo akong manahan magpakailanman, O Ikaw na Mahabagin sa akin, at sa luklukan ng Iyong kaluwalhatian itatag Mo ako, O Ikaw na aking Tagapagmay-ari! Sa langit ng Iyong mapagmahal na kabutihan itaas Mo ako, O aking Tagapagbuhay, at tungo sa Bituing-Araw ng Iyong pamamatnubay akayin Mo ako, O Ikaw na aking Taga-akit! Sa harap ng mga kahayagan ng Iyong di-nakikitang espiritu tawagin Mo ako’t paharapin, O Ikaw na aking Pinagmulan at aking Pinakamatayog na Hangarin, at sa buod ng kabanguhan ng Iyong kagandahan, na Iyong ihahayag, loobin Mo akong makabalik, O Ikaw na aking Diyos!

May kakayahan Kang gumawa ng Iyong ninanais. Tunay na Ikaw ang Kataas-taasan, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Matayog sa Lahat.

#4394
- Bahá'u'lláh

 

Likhain Mo sa akin ang isang pusong dalisay, O aking Diyos, at gawin Mong panibago ang isang payapang budhi sa loob ng aking sarili, O aking Pag-asa! Sa pamamagitan ng espiritu ng lakas, pagtibayin Mo ako sa Iyong Kapakanan, O aking Pinakamamahal, at sa pamamagitan ng liwanag ng Iyong kaluwalhatian, ihayag Mo sa akin ang Iyong landas, O Ikaw na Hantungan ng aking hangarin! Sa pamamagitan ng lakas ng Iyong nangingibabaw na mauring kapangyarihan, itaas Mo ako patungo sa langit ng Iyong kabanalan, O Mula ng aking pagkatao, at sa pamamagitan ng mga simoy ng Iyong kawalang-hanggan, bigyang-kagalakan Mo ako, O Ikaw na aking Diyos! Tulutang ang Iyong walang hanggang mga awitin ay sumimoy ang katiwasayan sa akin, O aking Kasama, at tulutang ang mga kayamanan ng Iyong napakatandang kaanyuan ay maglayo sa akin sa lahat liban sa Iyo, O aking Panginoon, at tulutang ang mga balita ng kapahayagan ng Iyong di-nasisirang Diwa ay maghatid sa akin ng lugod, O Ikaw na pinakahayag sa lahat ng hayag at pina­katago sa lahat ng natatago!

#4395
- Bahá'u'lláh

 

Siya ang Magandang-loob, ang Mapagpala sa Lahat!

O Diyos, aking Diyos! Ang Iyong Tawag ay nakaakit sa akin at ang Tinig ng Iyong Panulat ng Kaluwalhatian ay gumising sa akin. Ang daloy ng Iyong banal na pananalita ay bumalot sa akin at ang alak ng Iyong inspirasyon ay nakabighani sa akin. Nakikita Mo ako, O Panginoon, na hiwalay sa lahat ng bagay liban sa Iyo, nakahawak sa kuldon ng Iyong pagpapala at naghahangad ng mga kahanga-hanga sa Iyong biyaya. Hinihiling ko sa Iyo, sa walang hanggang mga alon ng Iyong mapagmahal na kahabagaan at nagniningning na mga liwanag ng Iyong masuyong pag-aalaga at pagtatangkilik, na ipagkaloob yaong maglalapit sa akin sa Iyo at makapagpapasagana sa akin sa Iyong kayamanan. Ang aking dila, ang aking panulat, ang aking buong katauhan, ay sumasaksi sa Iyong lakas, sa Iyong kapangyarihan, sa Iyong biyaya at sa Iyong pagpapala, sumasaksing Ikaw ang Diyos at walang iba pang Diyos liban sa Iyo, ang Mala­kas, ang Makapangyarihan.

Saksi ako, sa sandaling ito, O aking Diyos, sa aking kawalang-kakayahan at sa Iyong paghahari, sa aking kahinaan at sa Iyong kalakasan. Hindi ko talos kung ano yaong nakabubuti o nakapipinsala sa akin; tunay na Ikaw ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat. Iatas Mo para sa akin, O aking Kamahalan, aking Diyos, at aking Panginoon, yaong makapagpapadama sa akin ng kasiyahan sa Iyong walang-hanggang kautusan at makapagpapasagana sa akin sa bawat daigdig Mo. Ikaw sa katotohanan ang Mapgbigay-biyaya, ang Mapagpala.

Panginoon! Huwag Mo akong ilayo sa karagatan ng Iyong kayamanan at sa langit ng Iyong kahabagan, at iatas Mo para sa akin ang mabubuti ng daigdig na ito at ng darating. Tunay, Ikaw ang Panginoon ng luklukang-habag, nakaluklok sa pinakamataas; walang iba pang Diyos liban sa Iyo, ang Isa, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.

#4396
- Bahá'u'lláh

 

O Aking Panginoon! Ang Iyong kagandahan ay gawin Mong aking pagkain at ang pagkamalas sa Iyo ang aking inumin, at ang Iyong kasiyahan ang aking pag-asa, at ang pagpuri sa Iyo ang aking kilos, at ang gunita Mo ang aking kasama, at ang lakas ng Iyong paghahari ang aking tagasaklolo, at ang Iyong kinaroroonan ang aking tahanan, at ang aking tirahan ang luklukang iniligtas Mo sa mga sagabal na iniatang sa kanilang inilingid wari ng isang lambong sa Iyo.

Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa lahat, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Pinakamalakas.

#4397
- Bahá'u'lláh

 

Purihin nawa ang Iyong Pangalan, O Panginoon kong Diyos! Ako ang Iyong tagapaglingkod na humawak sa kuldon ng Iyong masuyong kahabagan, at nangapit sa laylayan ng Iyong kasaganaan. Isinasamo ko sa Iyo sa Iyong Pangalang ginamit Mo sa pagsakop sa lahat ng kinapal na nakikita at di nakikita, at sa pamamagitan niyon ay naikalat sa buong santinakpan ang hiningang siyang tunay na buhay, isinasamo kong palakasin ako ng Iyong lakas na nakapalibot sa mga langit at sa lupa, at ipag-adya ako sa lahat ng pagkakaramdam at paghihirap. Saksi ako na Ikaw ang Panginoon ng lahat ng mga pangalan, at Tagapagatas ng lahat na ikasisiya Mo. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.

Iatas Mo para sa akin, O aking Panginoon, yaong pakikinabangan ko sa bawat daigdig ng Iyong mga daigdig. Tustusan Mo ako, kung gayon, niyong inilagda Mo sa Iyong mga pinili sa Iyong mga kinapal, na hindi nailayo sa Iyo ng pagsisi ng mga maninisi, ni ng pag-uudyok ng mga walang pananampalataya, ni ng paglayo ng mga nagsilayo sa Iyo.

Tunay na Ikaw ang Tulong sa Panganib sa pamamagitan ng lakas ng Iyong paghahari. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas.

#4398
- Bahá'u'lláh

 

O aking Diyos, ang Diyos ng pagpapala at kahabagan! Ikaw yaong Haring sa pamamagitan ng Kaniyang nag-uutos na salita ay nalikha ang buong santinakpan; at Ikaw yaong Mapagpala sa Lahat na ang mga gawa ng Kaniyang mga tagapaglingkod ay hindi nakahadlang sa Kaniyang biyaya, ni hindi nagbigay kabiguan sa mga pagpapahayag ng Kaniyang pagpapala.

Tulutan ang tagapaglingkod na ito, isinasamo ko sa Iyo, ay makarating doon sa dahilan ng kaniyang kaligtasan sa bawat daigdig ng Iyong mga daigdig. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.

#4399
- Bahá'u'lláh

 

Siya ang Diyos na dumidinig sa dalangin, ang Diyos na tumutugon sa dalangin!

Saksi ang Iyong kaluwalhatian, O Minamahal, Ikaw na tagapagbigay ng liwanag sa daigdig! Ang mga apoy ng pagkahiwalay ay lumamon sa akin at ang aking pagsusuway ay tumunaw sa aking puso. Hinihiling ko sa Iyo, sa Iyong Pinakadakilang Pangalan, O Ikaw na Hangarin ng daigdig at Pinakamamahal ng sangkatauhan, na ipagkaloob na ang simoy ng Iyong inspirasyon ay makabuhay sa aking kaluluwa, na ang Iyong kahanga-hangang tinig ay makarating sa aking tainga, na ang aking mga mata ay makamalas sa Iyong mga tanda at sa Iyong liwanag na gaya ng pagkahayag sa mga kaanyuan ng Iyong mga pangalan at Iyong mga katangian, O Ikaw na sa Kaniyang hawak ay ang lahat ng mga bagay!

Nakikita Mo, O Panginoon, Diyos ko, ang luha ng Iyong mga itinatangi, na natigis dahil sa kanilang pagkahiwalay sa Iyo at ang mga takot ng mga matapat sa Iyo dahil sa kanilang pagkalayo sa Iyong Banal na Liwasan. Saksi ang Iyong lakas na nagpapauga sa lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita! Marapat sa Iyong mga minamahal na sila’y magtigis ng luhang dugo dahil sa kapahamakang tinamo ng mga matatapat sa kamay ng masasama at ng mga manlulupig ng daigdig. Nakikita Mo, O aking Diyos, kung paanong nakubkob ng mga di maka-Diyos ang Iyong mga lunsod at Iyong mga lupain! Hinihiling ko sa Iyo sa Iyong mga Tagapagbalita at sa Iyong mga pinili at sa Kaniya na sa pamamagitan Niya ang watawat ng banal na kaisahan ay naitanim sa gitna ng Iyong mga tagapaglingkod, na sila’y ipagsanggalang sa Iyong Pagpapala. Ikaw, tunay, ang Mapagbigay-biyaya, ang Mapagpala sa Lahat.

At muli, hinihiling ko sa Iyo sa matatamis na mga ulan ng Iyong biyaya at sa malalaking mga alon ng karagatan ng Iyong pagtatangkilik, na iatas para sa Iyong mga banal yaong makapagbibigay lugod sa kanilang mga mata at makapagbibigay-ginhawa sa kanilang mga puso. Panginoon! Nakikita Mo siyang nakaluhod na naghahangad na tumindig at maglingkod sa Iyo, ang mga patay na humihingi ng walang-hanggang buhay buhat sa karagatan ng Iyong pagtatangkilik at nagnanais na makalipad sa mga langit ng Iyong kayamanan, ang di-kilala na nagnanais ng kaniyang tahanan ng luwalhati sa lilim ng bubong ng Iyong biyaya, ang naghahanap na sa pamamagitan ng Iyong kahabagan ay nagmamadali patungo sa Iyong pintuan ng pagpapala, ang makasalanang bumabaling sa karagatan ng pagpapatawad at pagpapaumanhin.

Saksi ang Iyong kapangyarihan, O Ikaw na niluwalhati sa mga puso ng mga tao, ako ay bumaling sa Iyo, tinalikuran ang aking sariling kalooban at hangarin, upang ang Iyong banal na kalooban at kasiyahan ay maghari sa loob ng aking sarili at mag-atas sa akin alinsunod sa ipinasiya para sa akin ng panulat ng Iyong walang-hanggang kautusan. Ang tagapaglingkod na ito, O Panginoon, kahima’t walang-kakayahan ay humaharap sa Buntala ng Iyong lakas, kahima’t hamak ay nagmamadaling patungo sa Pamimitak ng kaluwalhatian, kahima’t nangangailangan ay naghahangad ng karagatan ng Iyong biyaya. Isinasamo ko sa Iyo sa Iyong pagtatangkilik at pagpapala, na huwag Mo siyang ilayo sa Iyo. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nagpapatawad, ang Maawain.

#4400
- Bahá'u'lláh

 

Ipagkaloob sa akin, O aking Diyos, ang kabuuang sukat ng Iyong pag-ibig at Iyong mabuting kasiyahan, at sa pamamagitan ng mga pag-aakit ng Iyong nagniningning na liwanag, pagalakin nang masidhi ang aming mga puso, O Ikaw na Siyang Sukdulan na Katibayan at ang Luwalhati sa Lahat. Ipagkaloob sa akin, bilang tanda ng Iyong kagandahang loob, ang Iyong nagbibigay-buhay na mga simoy sa buong maghapon at sa panahon ng gabi, O Panginoon ng biyaya.

Wala akong nagawa, O aking Panginoon, upang maging karapat-dapat na masilayan ang Iyong mukha, at tiyak na alam ko na kahit mabuhay pa ako hanggang narito pa ang daigdig ay hindi pa rin ako makagagawa ng anumang bagay upang maging karapat-dapat sa ganitong biyaya, yamang ang kalagayan ng isang tagapaglingkod ay hindi kailanman makaaabot sa Iyong banal na mga kapaligiran, maliban lamang kung umabot sa akin ang Iyong pagpapala at ang Iyong mapagmahal na habag ay lumaganap sa akin at ang Iyong mapagmahal na Kagandahang-loob ay pumalibot sa akin.

Lahat ng papuri ay sumasa-Iyo, O Ikaw na maliban sa Iyo ay walang ibang Diyos. Buong pagmamahal na tulutan Mo akong makapanhik sa Iyo, na maipagkaloob sa akin ang karangalan ng pananahan sa Iyong kalapitan at ng magkaroon ng pakikipagniig sa Iyo lamang. Walang ibang Diyos maliban sa Iyo.

Sa katunayan kung nanaisin Mo na magbigay ng biyaya sa isang tagapaglingkod, kakatkatin Mo mula sa kaharian ng kaniyang puso ang bawat pagbanggit o hilig maliban sa pagbanggit sa Iyo; at kung itatadhana Mo ang kasamaan sa isang tagapaglingkod dahil sa ginawa ng kaniyang mga kamay na hindi makatarungan sa harap ng Iyong mukha, susubukin Mo siya sa pamamagitan ng mga kapakinabangan ng daigdig na ito at ng susunod nang sa ganoon, ay maging abala siya dito at malimutan ang pag-alala sa Iyo.

#4402
- The Báb

 

O Diyos, aking Diyos! Ito ang Iyong mahihinang mga tagapaglingkod; sila ang Iyong matatapat na mga alipin at mga babaeng naglilingkod, na nagsi­pagyuko sa harap ng Iyong dindakilang Salita at nagsipagpakumbaba sa Iyong Pintuan ng liwanag, at nagsipagsaksi sa Iyong kaisahan na sa pamamagitan nito ang Araw ay napasikat sa katanghaliang kaningningan nito. Nakinig sila sa mga tawag na binigkas Mo mula sa natatago Mong Kaharian, at nang may mga pu­song kinikilig sa pag-ibig at masidhing kagalakan, tumugon sila sa Iyong tawag.

O Panginoon, paulanin sa kanila ang lahat ng mga agos ng Iyong awa, ibuhos sa kanila ang lahat ng mga tubig ng Iyong biyaya. Palakihin sila na tulad ng magagandang mga halaman sa hardin ng langit, at mula sa punong-puno at umaapaw na mga ulap ng Iyong mga kaloob at mula sa malalalim na mga lawa ng Iyong masaganang pagpapala tulutan Mong mamulaklak ang harding ito, at panatilihin itong laging luntian at ma­kintab, laging sariwa at kumikinang at maganda.

Ikaw, sa katunayan, ang Malakas, ang Dinadakila, ang Makapangyarihan, na Siya lamang, sa mga langit at lupa ang nananatiling hindi nagbabago. Wa­ lang ibang Diyos maliban sa Iyo, ang Panginoon ng hayag na mga sagisag at palatandaan.

#4408
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos, panariwain at bigyang-galak ang aking espiritu. Dalisayin ang aking puso. Tanglawan ang aking mga kakayahan. Lahat ng aking mga gawain ay ipinagkakatiwala ko sa Iyong kamay. Ikaw ang aking Patnubay at ang aking Kanlungan. Hindi na ako malulungkot at magdadalamhati pa, ako ay magiging isang nilalang na maligaya at lipos ng tuwa. O Diyos, hindi na ako mapupuspos ng bagabag, ni hindi ko na tutulutang pahirapan pa ako ng mga kaguluhan. Hindi ko na pagkakaabalahan ang di kasiya-siyang mga bagay sa buhay. O Diyos, Ikaw ay higit na kaibigan sa akin kaysa ako sa aking sarili. Iniha­handog ko ang aking sarili sa Iyo, O Panginoon.

#4403
- `Abdu'l-Bahá

 

O aking Diyos! O aking Diyos! Luwalhatiin Ka dahil sa pinagtibay Mo ako sa paghahayag ng Iyong kaisahan, inakit Mo ako sa salita ng Iyong pagkaisa, pinagningas Mo ako sa apoy ng Iyong pag-ibig, at ginawa Mo akong abala sa pagbanggit sa Iyo at sa paglilingkod sa Iyong mga kaibigan at mga babaing kawaksi.

O Panginoon, tulungan Mo akong maging malumanay at mababang-loob at bigyan-lakas ako sa paghiwalay ng aking sarili sa lahat ng mga bagay at sa paghawak sa laylayan ng damit ng Iyong kaluwalhatian upang ang aking puso ay mapuno ng Iyong pag-ibig at huwag mag-iwan ng puwang ukol sa pag-ibig sa daigdig at sa pagkakaugnay sa mga kaurian niyon.

O Diyos! Iadya Mo ako sa lahat ng iba pa liban sa Iyo, linisin Mo ako sa mga dumi ng mga kasalanan at mga paglalabag at loobin Mong magkaroon ako ng isang puso at budhing espiritwal.

Tunay na Ikaw ay Mahabagin at tunay na Ikaw ang Pinaka Magandang-loob, ang Matulungin.

#4404
- `Abdu'l-Bahá

 

O aking Panginoon! O aking Panginoon! Ito ay isang ilawang pinagsindi ng apoy ng Iyong pag-ibig at pinagliyab ng apoy na sinindihan sa punong-kahoy ng Iyong kahabagan. O aking Panginoon! Dagdagan Mo pa ang pagniningas nito, ang init at lagablab ng apoy na pinagsindi sa Sinai ng Iyong Kapahayagan. Tunay na Ikaw ang Tagapagpatibay, ang Tumutulong, ang Malakas, ang Magandang-loob, ang Mapagmahal.

#4405
- `Abdu'l-Bahá

 

O aking Diyos! O aking Diyos! Ito ang Iyong tagapaglingkod, ay sumulong tungo sa Iyo, buong sigasig na gumagala sa disyerto ng Iyong pag-ibig, nananalunton sa landas ng paglilingkod sa Iyo, umaasam ng Iyong pagtatangkilik, umaasa sa Iyong pagpapala, nananangan sa Iyong Kaharian, at nilango ng alak ng Iyong kaloob. O aking Diyos! Dagdagan ang alab ng kaniyang pag-ibig sa Iyo, ang kaniyang pagkamatapat sa pagpupuri sa Iyo at ang kaniyang kataimtiman sa Iyong pag-ibig. Tunay na Ikaw ang Mapagpala at puspos ng kagandahang-loob! Walang Diyos liban sa Iyo, ang Mapagpatawad, ang Mahabagin.

#4406
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos, aking Diyos! Ito ang Iyong nagniningning na tagapaglingkod, ang Iyong espiritwal na alipin, na lumapit sa Iyo at sumapit sa Iyong kinaroroonan. Ibinaling niya ang kaniyang mukha sa Iyo, kinikilala ang Iyong pagkakaisa, sumasaksi sa Iyong pag-iisa, at isinigaw niya ang Iyong pangalan sa mga bansa, at inakay ang mga tao patungo sa dumadaloy na mga tubig ng Iyong habag, O Ikaw na Pinakabukas-Palad na Panginoon! Sa mga nagtanong pinainom Niya buhat sa kalis ng pamamatnubay na umaapaw sa alak ng Iyong di masusukat na biyaya.

O Panginoon, tulungan siya sa lahat ng mga kalagayan, tulutang matuunan niya ang Iyong tunay na natatagong mga himala, at paulanin sa kaniya ang Iyong nakatagong mga perlas. Gawin siyang isang bandila sa mga tuktok ng kastilyo na wumagayway sa mga hangin ng Iyong makalangit na tulong, gawin siyang bukal ng napakalinaw na tubig.

O mapagpatawad kong Panginoon! Tanglawan ang mga puso sa pamamagitan ng mga sinag ng ilawan na nagkakalat ng kaniyang mga silahis at binubunyag ang realidad ng lahat ng bagay sa Iyong mga tao na Iyong masaganang pinagkalooban.

Sa katunayan, Ikaw ang Napakalakas, ang Makapangyarihan, ang Tagapagtanggol, ang Malakas, ang Mapagbigay! Sa katunayan, Ikaw ang Panginoon ng lahat ng habag!

#4407
- `Abdu'l-Bahá

 

Siya ay Diyos! O Diyos, aking Diyos! Ang mga ito ay tagapaglingkod Mo na naaakit sa Iyong mga araw sa pamamagitan ng kabanguhan ng Iyong kabanalan, pinagningas ng apoy na nagliliyab sa Iyong banal na punong-kahoy, tumutugon sa Iyong tinig, bumibigkas ng papuri sa Iyo, ginigising ng Iyong hangin, pinasigla ng Iyong matatamis na halimuyak, nagmamalas sa Iyong mga tanda, nakauunawa sa Iyong mga taludtod, dumirinig sa Iyong mga salita, nananalig sa Iyong Rebelasyon at may katiyakan sa Iyong mapagmahal na kahabagan. Ang kanilang mga mata, O Panginoon, ay nakapako sa Iyong Kaharian ng nagniningning na kaluwalhatian at ang kanilang mga mukha ay nakaharap sa Iyong kaharian sa itaas, ang kanilang mga puso ay pumipintig sa pag-ibig ng Iyong maningning at maluwalhating kagandahan, ang kanilang mga kaluluwa ay natutupok sa apoy ng Iyong pag-ibig, O Panginoon ng daigdig na ito at ng daigdig na susunod, ang kanilang mga buhay ay sabik na sabik sa init ng kanilang paghahangad sa Iyo at ang kanilang mga luha ay tumatagaktak nang dahil sa Iyo.

Ikanlong Mo sila sa kuta ng Iyong pangangalaga at pagliligtas, kupkupin sila ng Iyong mapagmasid na pag-aalaga, bantayan sila ng mga mata ng Iyong pagpapala at habag, gawin silang mga tanda ng Iyong banal na kaisahan na hayag sa lahat ng pook, mga bandila ng Iyong kapangyarihan na wumawagayway sa itaas ng Iyong maharlikang mga mansiyon, ang nagniningning na mga ilawan na umaapoy sa langis ng Iyong karunungan sa mga salamin ng Iyong pamamatnubay, mga ibon ng hardin ng Iyong kaalaman na nagsisihuni sa pinakamataas na sanga ng Iyong lumililim na paraiso at mga balyena ng karagatan ng Iyong pagpapala na sa pamamagitan ng kataas-taasan Mong kahabagan ay sumisisid sa di-maarok na mga kalaliman.

O Panginoon, aking Diyos! Aba ang Iyong mga tagapaglingkod na ito, luwalhatiin Mo sila sa Iyong Kaharian sa itaas; mahina, sila’y palakasin ng Iyong kataas-taasang kapangyarihan; hamak, sila’y pagkalooban Mo ng Iyong kaluwalhatian sa Iyong kataas-taasang kinaroroonan; dukha, sila’y payamanin sa Iyong dakilang kaharian. Iatas Mo para sa kanila ang lahat ng mabubuting itinalaga Mo sa Iyong mga daigdig na nakikita at di-nakikita, pasaganahin sila sa daigdig na ito sa ibaba, bigyang-galak ang kanilang mga puso ng Iyong inspirasyon, O Panginoon ng lahat ng nilalang! Liwanagan ang kanilang mga puso ng Iyong magagalak na balitang pinalaganap buhat sa Iyong Kalagayang maluwalhati sa lahat, patatagin ang kanilang mga hakbang sa Iyong Matatag na Habilin at palakasin ang kanilang mga balakang sa Iyong Pinaka Dakilang Banal na Kasunduan, sa Iyong pagpapala at ipinangangakong biyaya, O Magandang-loob at Mahabagin! Tunay na Ikaw ang Magandang-loob, ang Mapagpala sa Lahat.

#4409
- `Abdu'l-Bahá

 

O Ikaw na Nagkakaloob! Ihininga Mo sa mga kaibigan sa Kanluran ang matamis na samyo ng Banal na Espiritu, at sa pamamagitan ng ilaw ng banal na pamamatnubay ay pinaliwanag Mo ang langit ng kanluran. Ginawa Mong mapalapit sa Iyong Sarili yaong dating mga malalayo; ginawa Mong mapagmahal na mga kaibigan yaong dating mga di-magkakilala; ginising Mo yaong mga natutulog; ginawa Mong maingat yaong dating pabaya.

O Ikaw na Nagkakaloob! Tulungan ang mga marangal na mga kaibigan na ito na makamtan ang Iyong mabuting kasiyahan, at gawin silang mga tagahangad ng kabutihan sa kapwa di-kilala at kaibigan. Papasukin sila sa daigdig na nananatili nang magpakailanman; pagkalooban sila ng bahagi ng makalangit na pagpapala; gawin silang mga tunay na Bahá’í, tunay na maka-Diyos; iligtas sila sa panlabas na mga anyo, at matibay na itatag sila sa katotohanan. Gawin silang mga sagisag at palatandaan ng Kaharian, nagniningning na mga bituin sa itaas ng sugpungang-guhit ng buhay na ito sa ibaba. Gawin silang kaginhawaan at kaaliwan para sa sangkatauhan at mga tagapaglingkod para sa kapayapaan ng daigdig. Gawing masayang-masaya sila sa pamamagitan ng alak ng Iyong payo, at tulutan na silang lahat ay makalakad sa landas ng Iyong mga utos. O Ikaw na Nagkakaloob! Ang pinakamimithing hangarin nitong tagapaglingkod ng Iyong Pintuan ay ang makita ang mga kaibigan sa Silangan at sa Kanluran na mahigpit na magkaakap; na makita ang lahat ng mga kasapi ng lipunan ng tao na may pag-ibig na natitipon sa isang malaking kalipunan, tulad ng bawat patak ng tubig na tinipon sa iisang malawakang dagat; na makita silang lahat na tulad ng mga ibon sa iisang hardin ng mga rosas, na tulad ng mga perlas ng iisang dagat, na tulad ng mga dahon ng iisang puno, na tulad ng mga silahis ng iisang araw.

Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan, at Ikaw ang Diyos ng kalakasan, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakakikita sa Lahat.

#4410
- `Abdu'l-Bahá

 

Gabi

O aking Diyos, aking Panginoon, Hantungan ng aking hangarin! Ito, ang Iyong tagapaglingkod, ay naglalayong matulog sa kanlungan ng Iyong kahabagan, at humimlay sa ilalim ng bubong ng Iyong biyaya, humihingi ng Iyong pangangalaga at pagtatanggol. Isinasamo ko sa Iyo, O aking Panginoon, sa pamamagitan ng Iyong matang hindi natutulog na tanuran ang aking mga mata upang huwag itong makakita ng anuman liban sa Iyo. Palakasin, kung gayon, ang kanilang paningin upang makita nila ang Iyong mga tanda, at mamalas ang Sugpungang-guhit ng Iyong Rebelasyon. Ikaw Siya na sa harap ng mga kahayagan ng Iyong walang hanggang kapangyarihan ay nangatal ang kabuuran ng lakas.

Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakasasakop sa Lahat, ang Ganap.

#4411
- Bahá'u'lláh

 

Paano ko mapipiling tumulog, O Diyos, aking Diyos, samantalang ang mga mata nilang naghahangad sa Iyo ay gising dahil sa kanilang pagkahiwalay sa Iyo; at paano ako makahihiga upang mapahingalay samantalang ang mga kaluluwa ng mga umiibig sa Iyo ay labis na naghihirap sa kanilang pagkalayo sa Iyong harapan?

Naipagkatiwala ko, O aking Pangi­noon ang aking espiritu at ang aking buong sarili sa kanang kamay ng Iyong kapangyarihan at ng Iyong pagkukupkop, at inihihimlay ko ang aking ulo sa aking unan sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihan at ibinabangon iyon ayon sa Iyong kalooban at sa Iyong mabuting kasiyahan. Tunay na Ikaw ang Tagapagligtas, ang Tagapagkupkop, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas.

Saksi ang Iyong kapangyarihan! Wala akong hinihiling, tulog o gising man, kundi yaong ninanais Mo. Ako ay Iyong tagapaglingkod at sumasaiyong mga kamay. Buong kahabagang tulungan Mo ako na makagawa ng makapagdadaloy sa kabanguhan ng Iyong kasiyahan. Tunay na ito ang aking pag-asa at ang pag-asa nilang nagtatamasa ng pagkakalapit sa Iyo. Purihin Ka, O Panginoon ng mga daigdig!

#4412
- Bahá'u'lláh

 

O naghahanap ng Katotohanan! Kung ninanais mong buksan ng Diyos ang iyong espiritwal na mata, magsumamo ka sa Diyos, dumalangin at maki­isa sa Kaniya sa hatinggabi, sa pagsasabing:

O Panginoon, ibinaling ko ang aking mukha sa Iyong Kaharian ng Pagkaisa at ako’y nalulunod sa dagat ng Iyong kahabagan! O Panginoon, liwanagin ang aking paningin sa pamamagitan ng pagmalas sa Iyong mga tanglaw sa madilim na gabing ito, at paligayahin ako sa pamamagitan ng alak ng Iyong pag-ibig sa kahanga-hangang panahong ito! O Panginoon, hayaang marinig ko ang Iyong tawag, at buksan sa harap ng aking mukha ang mga pinto ng Iyong kalangitan, upang makita ko ang liwanag ng Iyong kaluwalhatian (Bahá) at maakit ako sa Iyong kagandahan!

Tunay, Ikaw ang Tagapagbigay, ang Magandang-loob, ang Mahabagin, ang Mapagpatawad.

#4413
- `Abdu'l-Bahá

 

Kabuhayan

Lahat ng mga kaibigan ng Diyos. . . ay dapat na magbigay ng kanilang abot-kaya, gaanuman kaliit ang kanilang handog. Ang Diyos ay hindi nagpapapasan ng higit sa kakayahan ng bawat kaluluwa. Ang mga abuloy na ito ay dapat na magbuhat sa lahat ng mga sentro at sa lahat ng mga mananampalataya. . . O mga Kaibigan ng Diyos! Tiyakin na bilang kapalit ng mga ambag na ito, ang inyong agrikultura, ang inyong industriya at ang inyong pangangalakal ay pagpapalain ng maraming karagdagan, at mga mabubuting mga biyaya at mga kaloob. Sinumang gumawa ng isang mabuting bagay ay tatanggap ng sampung-ulit na gantimpala. Walang alinlangan na ang buhay na Panginoon ay bukas-palad na magpapatibay doon sa mga gumugugol ng kanilang kayamanan para sa Kaniyang landas.

O Diyos, aking Diyos! Paliwanagin ang mga noo ng Iyong tunay na mga mangingibig, at itaguyod sila sa pamamagitan ng mala-anghel na hukbo ng tiyak na tagumpay. Pagtibayin ang kanilang mga yapak sa Iyong tuwid na landas, at mula sa isang sinaunang pagpapala, buksan Mo sa kanila ang mga pintuan ng Iyong mga biyaya; dahil ginugugol nila para sa Iyong landas ang Iyong pinagkaloob sa kanila, pinangangalagaan ang Iyong Pananampalataya, inilalagay ang buong pagtitiwala sa pag-alaala sa Iyo, inihahandog ang kanilang mga puso alang-alang sa pagmamahal sa Iyo, at di-pinagkakait ang kanilang mga pag-aari sa pagsamba sa Iyong kagandahan at sa kanilang paghanap ng mga paraang makasisiya sa Iyo.

O aking Panginoon! Pagkalooban sila ng masaganang bahagi, ng nakatakdang pakinabang at tiyak na gantimpala.

Tunay na Ikaw ang Nagbibigay Lakas, ang Tumutulong, ang Magandang-loob, ang Mapagbigay-Biyaya, ang Walang hanggang Nagkakaloob.

#4414
- `Abdu'l-Bahá

 

Panginoon! Kahabag-habag kami, kaya’t pagkalooban Mo kami ng Iyong tangkilik; mga dukha, kami’y pagkalooban Mo ng isang bahagi sa karagatan ng Iyong kayamanan; mga nangangailangan, kami’y Iyong bigyan ng kasiyahan; mga naaba, kami’y pagkalooban Mo ng Iyong kaluwalhatian. Ang mga ibon sa himpapawid at ang mga hayop sa parang ay nagsisitanggap ng kanilang pagkain araw-araw buhat sa Iyo, at lahat ng nilalang ay nakikibahagi sa Iyong Pangangalaga at mapagmahal na kagandahang-loob.

Huwag Mong ipagkait sa mahinang ito ang Iyong kahanga-hangang biyaya at ipagkaloob sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihan ang Iyong pagpapala sa walang kakayahang kaluluwang ito.

Ipagkaloob Mo sa amin ang kakanin sa araw-araw at ang Iyong mga karagdagang biyaya ayon sa mga pangagailangan sa buhay; upang kami ay hindi manangan sa iba pa maliban sa Iyo, upang kami’y lubusang makiisa sa Iyo, upang kami’y makatuntun sa Iyong mga landas at ipahayag ang Iyong mga himala. Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat at ang Mapagmahal at ang Tagapagpala sa buong sangkatauhan.

#4415
- `Abdu'l-Bahá

 

Kapatawaran

Nasa kaluwalhatian Ka, O Panginoon kong Diyos! Ipinamamanhik Ko sa Iyo, sa pamamagitan ng Iyong mga Pinili, at sa pamamagitan ng mga Tagapagdala ng Iyong Tiwala, at sa pa­mamagitan Niya na inatasan Mong maging Selyo ng Iyong mga Propeta at ng Iyong mga Tagapagbalita, na ipahintulot Mong ang Iyong gunita ang aking maging kasama, at ang Iyong pag-ibig ang aking maging layunin, at ang Iyong mukha ang aking maging hantungan, at ang Iyong pangalan ang aking maging tanglaw, at ang Iyong kalooban ang aking maging hangarin, at ang Iyong kasiyahan ang aking maging kaligayahan.

Ako ay isang makasalanan, O aking Panginoon, at Ikaw ang Laging Nagpapatawad. Sa sandaling nakilala Kita, nagmadali akong makarating sa mataas na liwasan ng Iyong mapagmahal na kabaitan. Patawarin Mo ako, O aking Panginoon, sa aking mga kasalanang nakahadlang sa akin sa pagtalunton sa mga landas ng Iyong mabuting kasiyahan, at sa pagsapit sa mga pampang ng karagatan ng Iyong pagkaisa.

Walang iba, O aking Panginoon, na makapagpapala sa akin at mapagbabalingan ko ng aking mukha, at walang magdadalang habag sa akin na mahihilingan ko ng awa. Huwag Mo po ako ilayo, isinasamo ko sa Iyo, sa harap ng Iyong biyaya, ni huwag Mong ipagkait sa akin ang mga tagay ng Iyong kagandahang-loob at pagpapala. Iatas Mo para sa akin, O aking Panginoon, yaong iniatas Mo para sa kanilang nagmamahal sa Iyo, at isulat Mo para sa aking yaong naisulat Mo para sa Iyong mga pinili. Ang aking tanaw, sa lahat ng panahon, ay nakapako sa sugpungang-guhit ng Iyong mabiyayang pagkalinga, at ang aking mga mata ay nakatuon sa liwasan ng Iyong masuyong mga kahabagan. Gawin Mo sa akin ang Iyong marapatin. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Diyos ng kapangyarihan, ang Diyos ng kaluwalhatian, na ang tulong ay hinihiling ng lahat ng tao.

#4416
- Bahá'u'lláh

 

Ako siya, O aking Panginoon, na nagtuon ng Kaniyang mukha tungo sa Iyo, at nagpako ng aking pag-asa sa kamanghaan ng Iyong biyaya at sa mga kapahayagan ng Iyong pagpapala. Idinadalangin ko sa Iyo na hindi Mo tutulutang tumalikod ako nang bigo sa pintuan ng Iyong habag, ni hindi ako pababayaan sa gayong mga nilikha Mo na hindi tumanggap sa Iyong Kapakanan.

Ako, O aking Diyos ay Iyong tagapaglingkod at anak ng Iyong tagapaglingkod. Nakilala ko ang Iyong katotohanan sa Iyong mga araw, at itinuon ko ang aking mga hakbang tungo sa mga dalampasigan ng Iyong pagkaisa, kaalinsabay sa pagpapahayag sa Iyong pagiging nag-iisa, pagtanggap sa Iyong kaisahan at pag-asa sa Iyong pagpapaumanhin at pagpapatawad. Makapangyarihan Ka at magagawa Mo ang Iyong loobin; walang Diyos liban sa Iyo, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Laging Nagpapatawad.

#4417
- Bahá'u'lláh

 

Nakikita Mo ako, O aking Panginoon, na ang aking mukha ay nakabaling sa langit ng Iyong pagpapala at sa karagatan ng Iyong tangkilik, hiwalay sa lahat ng iba pa liban sa Iyo. Hinihiling ko sa Iyo, sa pamamagitan ng mga kaningningan ng Araw ng Iyong rebelasyon sa Sinai, at sa pamamagitan ng sinag ng Buntala ng Iyong biyaya na sumisikat sa sugpungang guhit ng Iyong Pangalan, ang Laging Nagpapatawad, na ipagkaloob sa akin ang Iyong patawad at magkaroon Ka ng habag sa akin. Ilagda para sa akin sa pamamagitan ng Iyong panulat ng kaluwalhatian yaong magtataas sa akin sa pamamagitan ng Iyong Pangalan sa daigdig ng mga nilalang. Tulungan Mo ako, O aking Panginoon, na mag-ukol ng aking sarili sa Iyo, at duminig sa tinig ng Iyong mga minamahal, na hindi pinahina ng mga kapangyarihan sa lupa, at hindi nailayo sa Iyo ng mga kaharian ng mga bansa, at silang sa paglapit sa Iyo ay nagsabi: “Ang Diyos ang aming Panginoon, ang Panginoon ng lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa!”

#4418
- Bahá'u'lláh

 

Luwalhatiin Ka nawa, O Panginoon kong Diyos! Tuwing nangangahas akong banggitin Ka, ako’y pinipigilan ng aking malalaking mga kasalanan at malubhang mga pagkakasala laban sa Iyo, at namamalas ang aking sarili na lubos na pinagkakaitan ng Iyong pagpapala, at ganap na walang kakayahan na ipagdiwang ang pagpuri sa Iyo. Ang aking malaking tiwala sa Iyong kagandahang loob, gayunman, ang muling bumubuhay sa aking pag-asa sa Iyo, at ang aking katiyakan na pakikitunguhan Mo ako nang buong kasaganahan ay nagpalakas ng loob ko na Ikaw ay purihin, at hingin sa Iyo ang mga bagay na Iyong tinataglay.

Nagsusumamo ako sa Iyo, O aking Diyos, sa pamamagitan ng Iyong habag na nilalampasan ang lahat ng mga bagay na nilikha, at sinasaksihan ng lahat ng mga lubog sa ilalim ng mga karagatan ng Iyong mga pangalan, na huwag akong pabayaan sa aking sarili, sapagkat ang aking puso ay madaling maakit sa kasa­maan. Pangalagaan Mo ako kung gayon, sa loob ng matibay na kuta ng Iyong pagtanggol at sa kanlungan ng Iyong pangangalaga. Ako siya, O aking Diyos, na ang tanging hangarin ay kung ano ang Iyong itinakda sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iyong lakas. Ang lahat ng pinili ko para sa aking sarili ay ang matulungan ng Iyong mapagmahal na paghirang at ang pamamayani ng Iyong kagustuhan, at ang matulungan ng mga palatandaan ng Iyong ipinag-uutos at paghatol.

Nagsusumamo ako sa Iyo, O Ikaw na Siyang Pinakamamahal ng mga puso na nananabik sa Iyo, sa mga Kapahayagan ng Iyong Kapakanan at ng mga Pamimitak ng Iyong inspirasyon, at ng mga Tagapagtanggol ng Iyong Kamahalan, at ng mga Kaban ng Iyong kaalaman, at huwag akong hayaan na pagkaitan ng Iyong banal na Tahanan, Iyong Sambahan at Iyong Tabernakulo. Tulungan Mo ako, O aking Panginoon, na maabot ang Kaniyang liwasan, umikot sa Kaniyang Sarili at mapakumbabang tumayo sa Kaniyang pintuan.

Ikaw Siya na ang kapangyarihan ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan. Walang nakaiiwas sa Iyong kaalaman. Ikaw, sa katunayan, ang Diyos ng kapangyarihan, ang Diyos ng kaluwalhatian at kadunungan.

Purihin ang Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig!

#4419
- Bahá'u'lláh

 

Purihin nawa ang Iyong Pangalan, O aking Diyos at Diyos ng lahat ng bagay, aking Luwalhati at Luwalhati ng lahat ng bagay, aking Hangarin at Hangarin ng Lahat ng bagay, aking Lakas at Lakas ng lahat ng bagay, aking Hari at Hari ng lahat ng bagay, aking Tagapagmay-ari at Tagapagmay-ari ng lahat ng bagay, aking Layunin at Layunin ng lahat ng bagay, aking Tagapagpakilos at Tagapagpakilos ng lahat ng bagay! Huwag Mong tulutan, isinasamo ko sa Iyo, na ako’y mapigilan mula sa karagatan ng Iyong mga masuyong kahabagan, ni huwag Mong itulot na ako ay maging malayo sa mga dalampasigan ng pagkakalapit sa Iyo.

Walang iba pa liban sa Iyo, O aking Panginoon, na nakapagdudulot ng ikinabubuti ko, at ang pagkalapit sa sinuman liban sa Iyo ay walang naibibigy na mabuti sa akin. Isinasamo ko sa Iyo sa kasaganaan ng Iyong mga kayamanan, na siyang dahilan kung bakit hindi Mo kailangan ang iba pa liban sa Iyo, na ibilang Mo ako sa mga nagharap ng kanilang mukha tungo sa Iyo at nagsibangon upang maglingkod sa Iyo.

Patawarin, kung gayon, O aking Panginoon, ang Iyong mga tagapaglingkod at ang Iyong mga babaeng naglilingkod. Tunay na Ikaw ang Laging Nagpapatawad, ang Pinakamahabagin.

#4420
- Bahá'u'lláh

 

Nagsusumamo ako na patawarin Mo ako, O aking Panginoon, sa bawat pagbanggit liban sa pagbanggit sa Iyo, at sa bawat papuri liban sa papuri sa Iyo at sa bawat kagalakan liban sa kagalakan sa pagkalapit sa Iyo, at sa bawat kaluguran liban sa kaluguran sa pakikipagniig sa Iyo, at sa bawat ligaya maliban sa kaligayahan sa Iyong pag-ibig at sa Iyong mabuting kaluguran, at sa lahat ng mga bagay na nauukol sa akin na walang kaugnayan sa Iyo, O Ikaw na Panginoon ng mga panginoon, Siya na nagbibigay ng mga kaparaanan at nagbubukas ng mga pintuan.

#4423
- The Báb

 

O Diyos na aming Panginoon! Pangalagaan kami sa pamamagitan ng Iyong biyaya mula sa anumang kinasusuklaman Mo at marapatin para sa amin ang mga bagay na makasisiya sa Iyo. Pagkalooban Mo pa kami mula sa Iyong biyaya, at pagpalain Mo kami. Patawarin Mo kami sa mga bagay na aming nagawa, at hugasan ang aming mga kasalanan, at patawarin kami ng Iyong mapagmahal na pagpapatawad. Sa katunayan Ikaw ang Pinakamataas, ang Sariling Ganap.

Ang Iyong mapagmahal na kalinga ang sumaklaw sa lahat ng mga bagay na nilalang sa mga langit at sa lupa, at ang Iyong pagpapatawad ang humigit sa buong nilikha. Nasa Iyo ang kataas-taasang kapangyarihan; nasa Iyo ang mga Kaharian ng Sangnilikha at Rebelasyon; sa Iyong kanang kamay tinatanganan Mo ang lahat ng mga nilikhang bagay, at hawak Mo ang mga itinakdang sukat ng kapatawaran. Pinatatawad Mo ang sinuman sa Iyong mga tagapaglingkod na ninanais Mo. Sa katunayan, Ikaw ang Laging Nagpapatawad, ang Laging Mapagmahal. Walang anumang makalalagpas sa Iyong kaalaman, at walang anumang maililihim sa Iyo.

O Diyos aming Panginoon! Pangalagaan kami sa pamamagitan ng bisa ng Iyong kapangyarihan, tulutan kaming makapasok sa Iyong kahanga-hangang dumadaluyong na karagatan, at ipagkaloob Mo sa amin yaong karapat-dapat sa Iyo.

Ikaw ang Pinakamataas na Pinuno, ang Makapangyarihang Gumagawa, ang Kataas-taasan, ang Laging Nagmamahal.

#4421
- The Báb

 

Purihin Ka, O Panginoon! Patawarin kami sa aming mga kasalanan, kaawaan kami at tulutang makabalik kami sa Iyo. Huwag Mo kaming hayaan na umasa sa sinuman liban sa Iyo, at marapatin para sa amin, sa pamamagitan ng Iyong kagandahang-loob, ang anumang minamahal at ninanais Mo at nababagay sa Iyo. Itaas Mo ang katayuan nila na tunay na naniniwala, at patawarin sila ng Iyong mapagpalang kapatawaran. Ikaw ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

#4422
- The Báb

 

Luwalhati sa Iyo, O Diyos! Paano ako makababanggit ng ukol sa Iyo samantalang Ikaw ay di-maaabot ng papuri ng buong sangkatauhan. Dakilain nawa ang Iyong Pangalan, O Diyos, Ikaw ang Hari, ang Walang Hanggang Katotohanan; nalalaman Mo kung ano ang nasa mga kalangitan at sa lupa, at sa Iyo lahat ay babalik. Ipinadala Mo ang Iyong banal na itinakdang Rebelasyon sang-ayon sa malinaw na panukat. Purihin Ka, O Panginoon! Sa Iyong kautusan pinagtatagumpay Mo ang sinumang nais Mo, sa pamamagitan ng mga hukbo ng langit at lupa at anumang naroroon sa pagitan nila. Ikaw ang Makapangyarihan, ang Walang-hanggang Katotohanan, ang Panginoon ng Dimalupig na Kalakasan.

Luwalhatiin Ka nawa, O Panginoon, pinatatawad Mo sa lahat ng oras ang mga kasalanan ng gayon sa Iyong mga tagapaglingkod na nagsusumamo sa Iyong pagpapatawad. Hugasan ang aking mga pagkakasala at ang mga pagkakasala nilang naghahangad na Iyong kapatawaran sa bukang-liwayway at sila na nananalangin sa Iyo sa mga oras ng araw at sa panahon ng gabi, sila na nagnanasa ng walang iba liban sa Diyos, sila na nag-aalay ng anumang magiliw na ipagkaloob sa kanila ng Diyos, sila na nagdiriwang ng papuri sa Iyo sa umaga at takipsilim, at sila na hindi nagkukulang sa kanilang mga tungkulin.

#4424
- The Báb

 

O Ikaw na mapagpatawad na Panginoon! Ikaw ang kanlungan ng lahat ng mga ito na Iyong tagapaglingkod. Nalalaman Mo ang mga lihim at batid Mo ang lahat ng mga bagay. Kaming lahat ay walang kakayahan, at Ikaw ang Napakalakas, ang Makapangyarihan sa Lahat. Kaming lahat ay mga makasala­nan, at Ikaw ang Nagpapatawad ng mga kasalanan, ang Mahabagin, ang Maawain. O Panginoon! Huwag Mong tingnan ang aming mga pagkukulang. Pakitunguhan kami sang-ayon sa Iyong pagpapala at biyaya. Ang aming mga pagkukulang ay marami, ngunit ang karagatan ng Iyong pagpapatawad ay walang-hanggan. Ang aming karupukan ay napakatindi, ngunit ang mga palatandaan ng Iyong tangkilik at tulong ay maliwanag. Sa ganoon, pagtibayin at palakasin Mo kami. Tulutan kaming makagawa ng yaong karapat-dapat sa banal na Pintuan ng Iyong Dambana. Tanglawan ang aming mga puso, pagkalooban kami ng nakauunawang mga mata, at ng nakikinig na mga tainga. Buhayin muli ang patay at pagalingin ang may sakit. Pagkalooban ng kayamanan ang mga mahirap at bigyan ng kapayapaan at katiwasayan ang mga natatakot. Tanggapin Mo kami sa Iyong kaharian at tanglawan Mo kami ng liwanag ng Iyong patnubay. Ikaw ang Pinakamalakas, ang Pinakanakapangyarihan. Ikaw ang Mapagbigay, Ikaw ang Mahabagin, Ikaw ang Mabait.

#4425
- `Abdu'l-Bahá

 

Katatagan

O Ikaw na ang pagkalapit sa Iyo ay siyang aking nais, na ang pagkamalas sa Iyo ay siyang aking pag-asa, na ang pagkagunita sa Iyo ay siyang aking hangarin, na ang liwasan ng Iyong luwalhati ay siyang aking tunguhin, na ang tahanan Mo ay aking layunin, na ang pangalan Mo ay siyang aking lunas, na ang pag-ibig Mo ay siyang magpapaningning sa aking puso, na ang paglilingkod sa Iyo ang aking pinakamataas na adhikain! Isinasamo ko sa Iyo sa Iyong Pangalan na sa pamamagitan nito pumailanlang silang mga nakakilala sa Iyo sa pinakamataas na kabatiran tungkol sa Iyo at silang mga matatapat na sumasamba sa Iyo ay magkaroon ng lakas na makaakyat sa mga kapaligiran ng liwasan ng Iyong banal na pagtatangkilik, na tulungan Mo akong magbaling ng aking mukha tungo sa Iyong mukha, magpako ng aking mga mata sa Iyo, at magsaysay ng Iyong kaluwalhatian.

Ako, O aking Panginoon, yaong nakalimot sa lahat ng iba pa liban sa Iyo, at nagbaling sa Pamimitak ng Iyong biyaya, yaong nag-iwan ng lahat liban sa Iyong sarili sa pag-asang malalapit sa Iyong liwasan. Masdan Mo ako na ang aking mga mata’y nakatitig nang paitaas sa Luklukang pinakikinang ng mga sinag ng liwanag ng Iyong Mukha. Ihulog Mo sa akin, O aking Mahal, yaong makatutulong na ako’y maging matatag sa Iyong Kapakanan, upang ang mga pag-aalinlangan ng mga walang pananampalataya ay hindi makahadlang sa akin sa patungo sa Iyo.

Ikaw, tunay, ang Diyos ng Kalakasan, ang Tulong sa Panganib, ang Malu­ walhati sa Lahat, ang Makapangyarihan sa Lahat.

#4427
- Bahá'u'lláh

 

O Diyos, aking Diyos! Buong pagbabalik-loob na nagbaling ako sa Iyo at tunay na Ikaw ang Nagpapatawad, ang Mahabagin.

O Diyos, aking Diyos! Nagbalik ako sa Iyo, at tunay na Ikaw ang Laging Nag­ papatawad, ang Mapagbigay-biyaya.

O Diyos, aking Diyos! Nangapit ako sa kuldon ng Iyong pagpapala, at nasa Iyo ang kamalig ng lahat ng nasa langit at nasa lupa.

O Diyos, aking Diyos! Nagmadali akong patungo sa Iyo, at tunay na Ikaw ang Nagpapatawad, ang Panginoon ng saganang biyaya.

O Diyos, aking Diyos! Nauuhaw ako sa makalangit na alak ng Iyong pag­ papala, at tunay na Ikaw ang Nagbibigay, ang Mapagpala, ang Magandang-loob, ang Malakas sa Lahat.

O Diyos, aking Diyos! Saksi ako na Ikaw ay nagpahayag ng Iyong Kapakanan, tumupad ng Iyong pangako at ihinulog buhat sa langit ng Iyong biyaya yaong nakapaglapit sa Iyo sa mga puso ng Iyong mga itinatangi. Nasa mabuting kalagayan siya na mahigpit na humawak sa Iyong matatag na Kuldon at nangapit sa laylayan ng Iyong maningning na Damit!

Hinihiling ko sa Iyo, O Panginoon ng lahat na kinapal at Hari ng mga nakikita at di-nakikita, sa Iyong kalakasan, sa Iyong kamahalan at sa Iyong kapangyarihan, na pahintulutang ang aking pangalan ay maitala ng Iyong panulat ng luwalhati na kasama ng mga matapat sa Iyo, silang mga hindi nahadlangan ng kasulatan ng mga makasalanan sa pagbaling sa Liwanag ng Iyong kaanyuan, O dumirinig sa dalangin, tumutugon sa dalangin na Diyos!

#4428
- Bahá'u'lláh

 

Luwalhatiin nawa ang Iyong Panga lan, O Panginoon kong Diyos! Isinasamo ko sa Iyong lakas na nakapangyayari sa lahat ng kinapal, at sa Iyong paghahari na nangibabaw sa buong santinakpan, at sa Iyong Salita na nakatago sa Iyong karunungan at namagitan sa Iyong paglikha sa langit Mo at sa lupa Mo upang kapwa mapagtibay ng mga ito kami sa aming pag-ibig sa Iyo at sa aming pagiging masunurin sa Iyong ikasisiya, at upang maipako namin ang aming paningin sa Iyong mukha, at maipagdiwang ang Iyong kaluwalhatian. Bigyang-lakas Mo kami, kung gayon, O aking Diyos, na maipalaganap sa ibayong lugar ang Iyong mga tanda sa piling ng Iyong mga nilalang, at matanuran ang Iyong Pananampalataya sa Iyong lupain. Kailanman ay nanatili Kang malaya sa pagbanggit ng alinman sa Iyong mga kinapal, at lagi at laging manananatili Kang ganyan.

Sa Iyo inilagak ko ang aking buong pagtitiwala, sa Iyo ibinaling ko ang aking mukha, sa kuldon ng Iyong mapagmahal na pagpapala ako ay nangapit, at patungo sa lilim ng Iyong kahabagan ako ay nagmadali. Huwag Mo akong paalising palabas sa Iyong pinto na tulad ng isang nabigo, O aking Diyos at huwag Mong ilingid sa akin ang Iyong biyaya, sapagkat tanging Ikaw ang aking hinahanap. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Laging Nagpapatawad, ang Pinakamapagpala.

Purihin Ka nawa, O Ikaw na Minamahal ng Lahat ng nakakikilala sa Iyo!

#4426
- Bahá'u'lláh

 

Purihin Ka nawa, O Panginoon, aking Pinakamamahal! Gawin akong matatag sa Iyong Kapakanan, at tulutang mapabilang ako sa yaong mga hindi lumabag sa Iyong Banal na Kasunduan ni hindi sumunod sa mga diyos-diyosan ng kanilang walang kabuluhang guni-guni. Tulutan, kung gayon, na makakamit ako ng luklukan ng katotohanan sa Iyong kinaroroonan, pagkalooban ako ng tanda ng Iyong awa at isama ako sa yaong mga tagapaglingkod Mo na hindi makadarama ng takot ni hindi maglulumbay. Huwag akong hayaan sa aking sarili, O aking Panginoon, ni ipagkait sa akin ang pagkilala sa Kaniya na Kahayagan ng Iyong Sarili, ni ipalagay akong kasama sa yaong mga tumalikod sa Iyong banal na kinaroroonan. Ibilang ako, O aking Diyos sa yaong mga binigyan ng karapatan na ituon ang kanilang mga titig sa Iyong Kagandahan at ganoon na lamang ang kanilang kagalakan rito na hindi nila ipagpapalit ang isang sandali nito sa kapangyarihan ng kaharian ng mga langit at lupa o sa buong kaharian ng mga sangnilikha. Magkaroon Ka ng habag sa akin, O aking Diyos, sa mga araw na ito na ang mga tao sa Iyong daigdig ay lubhang nagkasala; ipagkaloob sa akin kung gayon, O aking Diyos, yaong mabuti at karapat-dapat sa Iyong paningin. Ikaw sa katunayan ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagmahal, ang Mapagpala, ang Laging-Nagpapatawad.

Tulutan, O aking Diyos, na hindi ako mabilang sa yaong bingi ang mga tainga, bulag ang mga mata, pipi ang mga dila, at hindi nakauunawa ang mga puso. Iadya ako, O Panginoon, sa apoy ng kamangmangan at ng makasariling pagnanasa, tulutan akong makarating sa mga kapaligiran ng Iyong nangingibabaw na habag at ipagkaloob sa akin yaong itinalaga Mo para sa Iyong mga pinili. May kapangyarihan Kang gawin ang Iyong ninanais. Sa katunayan Ikaw ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

#4429
- The Báb

 

Purihin at luwalhatiin Ka, O Diyos! Tulutan na ang araw ng pagtatamo sa Iyong banal na piling ay mabilis na papalapit. Pagalakin ang aming mga puso sa pamamagitan ng bisa ng Iyong pag-ibig at mabuting-kasiyahan, at pagkalooban kami ng katatagan nang sa ganoon ay kusang-loob kaming sumailalim sa Iyong Kalooban at Iyong Atas. Tunay na ang Iyong kaalaman ay sumasaklaw sa lahat ng mga bagay na Iyong nilalang o lalalangin, at ang Iyong makalangit na kapangyarihan ay higit sa anumang Iyong nilikha o lilikhain. Walang dapat sambahin maliban sa Iyo, walang dapat mithiin maliban sa Iyo, walang dapat pakamahalin maliban sa Iyo at walang dapat ibigin maliban sa Iyong mabuting-kasiyahan.

Sa katunayan, Ikaw ang kataas-taasang Pinuno, ang Pinakamataas na Katotohanan, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

#4430
- The Báb

 

O Panginoon kong Diyos! Tulungan Mo ang Iyong mga minamahal na maging matatag sa Iyong Pananampalataya, na makapanunton sa Iyong mga landas, na makapanatili sa Iyong Kapakanan. Ipagkaloob Mo sa kanila ang Iyong biyaya upang mapaglabanan nila ang udyok ng sarili at kapusukan, upang masundan ang liwanag ng Banal na Pamamatnubay. Ikaw ang Malakas, ang Mapagbigay-biyaya, ang Sariling Ganap, ang Tagapagkaloob, ang Mahabagin, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagpala sa Lahat.

#4431
- `Abdu'l-Bahá

 

O Ikaw, aking Diyos, Ikaw na namamatnubay sa naghahanap patungo sa landas na nagbigay-daan nang wasto, Ikaw na lumiligtas sa naliligaw at nabubulag na kaluluwa mula sa kaparangan ng pagkapahamak, Ikaw na Siyang nagkakaloob sa mga tapat ng labis na biyaya at kagandahang-loob, Siyang nangangalaga sa mga takot sa loob ng Iyong di-magagaping kanlungan, Siyang sumasagot, mula sa Iyong kataas-taasang sugpungang-guhit, sa tawag nilang mga tumatawag sa Iyo. Purihin Ka nawa, O aking Panginoon! Patnubayan Mo ang nalilito na makaligtas sa kamatayan ng di-pagsampalataya, at hinatid Mo silang mga lumalapit sa Iyo sa hantungan ng paglalakbay, at pinaligaya Mo ang mga nakatitiyak sa Iyong mga tagapaglingkod sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng kanilang pinakamimithing mga hangarin, at mula sa Iyong Kaharian ng kagandahan ay binuksan Mo sa mga mukha ng mga nananabik sa Iyo ang mga tarangkahan ng muling pagsasama, at iniligtas Mo sila sa mga apoy ng kasalatan at kapahamakan, nang sa gayon ay nagmadali sila patungo sa Iyo at sumapit sa Iyong harapan, at dumating sa Iyong malugod na tumanggap na pintuan, at nakatanggap ng masaganang bahagi ng mga biyaya.

O aking Panginoon, sila ay nauhaw, itinaas Mo sa kanilang mga tuyot na labi ang mga tubig ng muling-pagsasama. O Siyang Magiliw, Siyang Nagkakaloob, pinawi Mo ang kanilang pagdurusa sa pamamagitan ng pang-alo ng Iyong biyaya at kaloob, at ginamot Mo ang kanilang mga karamdaman sa pamamagitan ng pinakamabisang gamot ng Iyong malasakit. O Panginoon, patatagin ang kanilang mga paa sa Iyong tuwid na landas, palakihin para sa kanila ang butas ng karayum, at tulutan sila, samantalang nakasuot ng mga damit ng maharlika, na lumakad sa kaluwalhatian magpakailanman.

Sa katunayan Ikaw ang Mapagkaloob, ang Laging Nagbibigay, ang Pinakamamahal, ang Pinakamapagbigay. Walang ibang Diyos maliban sa Iyo, ang Makapangyarihan, ang Malakas, ang Dakila, ang Matagumpay.

#4432
- `Abdu'l-Bahá

 

Mga Bata At Kabataan

Purihin ka nawa, O Panginoon aking Diyos! Magiliw na ipahintulot na ang sanggol na ito ay mapakain buhat sa dibdib ng Iyong mapagmahal na kahabagan, at madamaying kalinga at maging malusog sa bunga ng Iyong makalangit na mga punong-kahoy. Huwag siyang ipahintulot na pangalagaan ng sinuman maliban sa Iyo, yamang Ikaw, sa Iyong Sarili, sa tulong ng lakas ng Iyong pinakadakilang kagustuhan at kapangyarihan ay nagawang malikha at tawagin siya sa pagkabuhay. Walang ibang Diyos maliban sa Iyo, ang Pinakamakapangyarihan, ang Nakaaalam ng Lahat.

Purihin Ka, O aking Pinakamamahal, ipasamyo sa kaniya ang matamis na linamnam ng Iyong nangingibabaw na kagandahang-loob at ng mga halimuyak ng Iyong banal na pagpapala. Gawin sana niya kung gayon na hanapin ang kanlungan sa ilalim ng Iyong pinakadakilang Pangalan, O Ikaw na Siyang may tangan sa kaharian ng mga pangalan at mga katangian. Tunay na Ikaw ay may kapangyarihan ng gawin ang anumang Iyong nais, at Ikaw sa katunayan ang Malakas, ang Dakila, ang Laging Nagpapatawad, ang Magiliw, ang Mapagkaloob, ang Maawain.

#4384
- Bahá'u'lláh

 

Luwalhati Ka nawa, O Panginoon kong Diyos! Nagpapasalamat ako sa Iyo dahil nilikha Mo ako sa Iyong mga araw, at isinalin Mo sa akin ang Iyong pag-ibig at ang Iyong kaalaman. Nagsusumamo ako sa Iyo, sa Iyong pangalan na sa pamamagitan nito ang mabubuting mga perlas ng Iyong karunungan at Iyong mga salita ay inilabas mula sa mga kabanyaman ng mga puso nilang mga tagapaglingkod Mo na malalapit sa Iyo, at sa pamamagitan nito ang Pamimitak ng Iyong pangalan, ang Mapagmalasakit, ay nagbigay ng liwanag sa lahat ng nasa Iyong kalangitan at sa ibabaw ng Iyong lupa, na ipagkaloob sa akin sa pamamagitan ng Iyong biyaya at pagpapala, ng Iyong kamangha-mangha at natatagong mga biyaya.

Ito ang pinakamaagang mga araw ng aking buhay, O aking Diyos, na iniugnay Mo sa Sarili Mong mga araw. Ngayon na pinagkablooban Mo ako ng gayong kalaking karangalan, huwag Mong ipagkait sa akin yaong mga bagay na itinalaga Mo para sa Iyong mga napili.

Ako, O aking Diyos, ay isa lamang napakamunting binhi na itinanim Mo sa lupa ng Iyong pag-ibig, at tinulutang umusbong sa pamamagitan ng kamay ng Iyong pagpapala. Ang binhi na ito ay nagnanais, kung gayon, mula sa kaniyang kaibuturan, ng mga tubig ng Iyong Awa at ng nabubuhay na bukal ng Iyong pagpapala. Ipagkaloob sa kaniya, buhat sa langit ng Iyong mapagmahal na kagandahang loob, yaong makapagpapayabong sa kaniya sa lilim ng Iyong anino at sa loob ng mga hangganan ng Iyong liwasan. Ikaw ang Siyang nagdidilig sa mga puso ng lahat ng kumilala sa Iyo buhat sa Iyong masaganang sapa at buhat sa bukal ng Iyong nabubuhay na mga tubig.

Purihin ang Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig.

#4401
- Bahá'u'lláh

 

O ikaw na walang kahambing na Panginoon! Tulutang maalagaan ang pasusuhing sanggol na ito mula sa dibdib ng Iyong mapagmahal na kabutihang-loob, bantayan siya sa loob ng duyan ng Iyong kaligtasan at pangalagaan at ipahintulot na siya ay mapalaki sa mga bisig ng Iyong magiliw na pagmamahal.

#4385
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos! Palakihin ang munting sanggol na ito sa sinapupunan ng Iyong pag-ibig at bigyan siya ng gatas buhat sa dibdib ng Maykapal. Alagaan ang sariwang halamang ito sa hardin ng rosas ng Iyong pag-ibig at tulungan siyang lumaki sa pamamagitan ng mga ambon ng Iyong pagpapala. Gawin siyang isang anak ng Kaharian at akayin siya tungo sa Iyong banal na daigdig. Ikaw ay makapangyarihan at maawain, at Ikaw ang Tagapagbigay, ang Tagapagkaloob, na ang mga pagpapala ay higit sa lahat!

#4386
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos! Turuan ang mga batang ito. Ang mga batang ito ang mga pananim sa Iyong Taniman, ang mga bulaklak sa Iyong parang, ang mga rosas sa Iyong hardin. Bayaang ang Iyong ulan ay pumatak sa kanila; bayaang ang Araw ng Katotohanan ay sumikat sa kanila lakip ang Iyong pag-ibig. Bayaang ang Iyong simoy ang magpasariwa sa kanila upang sila’y masanay, lumaki at lumusog at magkaroon ng anyong sukdulang ganda. Ikaw ang Tagapagbigay! Ikaw ang Mahabagin!

#4387
- `Abdu'l-Bahá

 

O Ikaw na matulunging na Pangnoon! Ang mga kaibig-ibig na mga batang ito ay gawang-kamay ng mga daliri ng Iyong lakas at ang kahanga-hangang mga tanda ng Iyong kadakilaan. O Diyos! Pangalagaan ang mga batang ito, magiliw na tulungan silang maturuan upang sila ay makapaglingkod sa daigdig ng sangkatauhan. O Diyos! Ang mga batang ito ay mga perlas, hayaan silang maalagaan sa loob ng kabibi ng Iyong mapagkandiling pagmamahal.

Ikaw ang Mapagbigay, ang Mapagmahal sa Lahat.

#4388
- `Abdu'l-Bahá

 

O Panginoon! Gawin ang mga batang ito na maging napakagaling na mga halaman. Hayaan silang lumaki at yumabong sa Hardin ng Iyong Banal na Kasunduan, at ipagkaloob ang kasariwaan at kagandahan sa tulong ng mga ulan ng mga ulap sa Kahariang Abhá.

O Ikaw na matulunging Panginoon! Ako ay isang maliit na bata, itaas ako, sa pagtanggap sa akin sa kaharian. Ako ay makalupa, gawin akong makalangit; ako ay nasa daigdig sa ibaba, hayaan akong mabilang sa kaharian sa kaitaasan; mapanglaw, pahintulutan akong maging makinang; makalupa, gawin akong makalangit, at ipahintulot na aking maipamalas ang Iyong walang hanggang kagandahang-loob.

Ikaw ang Makapangyarihan, ang Mapagmahal sa Lahat.

#4389
- `Abdu'l-Bahá

 

Siya ay Diyos! O Diyos, aking Diyos! Pagkalooban Mo ako ng isang dalisay na puso, na tulad ng isang perlas.

#4390
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos, patnubayan Mo ako, pangalagaan Mo ako, pagningasin ang tanglaw ng aking puso at gawin Mo akong isang maningning na bituin. Ikaw ang Malakas at Makapangyarihan.

#4391
- `Abdu'l-Bahá

 

O aking Panginoon! O aking Panginoon!

Ako ay isang batang may murang gulang. Pasusuhin Mo ako sa dibdib ng Iyong kahabagan, sanayin Mo ako sa pinakapuso ng Iyong pag-ibig, turuan Mo ako sa paaralan ng Iyong pamamatnubay at paunlarin Mo ako sa lilim ng anino ng Iyong pagpapala! Iligtas Mo ako buhat sa kadiliman, gawin Mo akong isang maningning na liwanag; palayain Mo ako buhat sa kawalang-galak, gawin Mo akong isang bulaklak sa halamanan ng rosas; tulutan Mo akong maging tagapaglingkod sa Iyong Pintuan at ipagkaloob Mo sa akin ang kaisipan at kaugalian ng mga matuwid; gawin Mo akong isang dahilan ng pagpapala sa daigdig ng tao at putungan Mo ako ng korona ng walang hanggang buhay!

Tunay na Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan, ang Nakakikita, ang Nakaririnig!

#4392
- `Abdu'l-Bahá

 

O Panginoon! Paningningin ang kabataan ito, at ipagkaloob ang Iyong biyaya sa kahabag-habag na nilikhang ito. Ipagkaloob sa kaniya ang karunungan, bigyan siya ng karagdagang lakas sa simula ng bawat araw at tanuran siya sa lilim ng Iyong pangangalaga upang maligtas siya sa kamalian, ng maihandog niya ang kaniyang sarili sa paglilingkod sa Iyong Kapakanan, mapatnubayan ang mga naliligaw ang landas, maakay ang mga sawimpalad, mapalaya ang mga bihag at magising ang mga pabaya, nang ang lahat ay pagpalain sa Iyong pag-alaala at papuri. Ikaw ang Malakas at Makapangyarihan.

#4393
- `Abdu'l-Bahá

 

Mga Pagpupulong

O Ikaw na maawaing Diyos! O Ikaw na makapangyarihan at malakas! O Ikaw na pinakamabuting Ama! Ang mga tagapaglingkod na ito ay nagsipag-ipun-ipon, bumabaling sa Iyo, nananawagan sa Iyong pintuan, naghahangad ng Iyong walang katapusang pagpapala buhat sa Iyong dakilang katiyakan. Wala silang layunin liban sa Iyong mabuting kasiyahan. Wala silang adhikain liban sa paglilingkod sa daigdig ng sangkatauhan.

O Diyos! Pagningningngin ang kapulungang ito. Gawing mahabagin ang mga puso. Ipagkaloob ang mga pagpapala ng Banal na Espiritu. Pagkalooban sila ng isang kapangyarihang buhat sa langit. Bigyan sila ng mga makalangit na isipan. Dagdagan ang kanilang katapatan upang may buong kapakumbabaan at pagsisisi ay bumaling sila sa Iyong Kaharian at puspusang maglingkod sa daigdig ng sangkatauhan. Nawa’y maging isang maningning na kandila ang bawat isa. Nawa’y maging isang maluningning na bituin ang bawat isa. Nawa’y magkaroon ng magandang kulay at maging mabangung-mabango sa Kaharian ng Diyos ang bawat isa.

O maawaing Ama! Ipagkaloob ang Iyong mga pagpapala. Huwag isaalang-alang ang aming mga pagkukulang. Liliman kami ng Iyong pagkukupkop. Huwag alalahanin ang aming pagkakasala. Pagalingin kami sa Iyong kahabagan. Kami ay mahina; Ikaw ay malakas; Kami ay dukha; Ikaw ang mayaman. Kami ay may sakit; Ikaw ang Manggagamot. Kami ay nangangailangan; Ikaw ang Pinakamagandang-loob.

O Diyos! Pagkalooban kami ng Iyong pagpapala. Ikaw ang Makapangyarihan! Ikaw ang Tagapagbigay! Ikaw ang Mapagpala!

#4454
- `Abdu'l-Bahá

 

O Ikaw na mahabaging Panginoon! Ito ay Iyong mga tagapaglingkod na nagsipagtipon sa kapulungang ito, nagbaling sa Iyong Kaharian at nangangailangan ng Iyong kaloob at basbas. O Ikaw na Diyos! Ipahayag at ipakilala ang mga tanda ng Iyong pagkaisa na inilagak sa lahat ng mga realidad ng buhay. Ihayag at ipakita ang mabubuting katangian na Iyong ipinaloob at itinago dito sa mga realidad ng tao.

O Diyos! Kami ay tulad ng mga halaman at ang Iyong pagpapala ay tulad ng ulan. Panariwain Mo at palakihin ang mga halamang ito sa pamamagitan ng Iyong mga kaloob. Kami ay mga tagapaglingkod Mo; palayain Mo kami sa mga tanikala ng materyal na pagkabuhay. Kami ay mga walang muwang; gawin kaming madunong. Kami ay patay; buhayin kami. Kami ay materyal; bigyan kami ng espiritu. Kami ay mga pinagkaitan; gawin kaming mga nakatatalos ng Iyong mga hiwaga. Kami ay mga nangangailangan; bigyan kami ng kasaganaan at pagpapala buhat sa Iyong walang hanggang kabanyaman. O Diyos! Muling buhayin kami, bigyan kami ng paningin, bigyan kami ng pandinig. Sanayin kami sa mga hiwaga ng buhay, upang ang mga lihim ng Iyong Kaharian ay mahayag sa amin sa daigdig na ito ng nilalang at aming ipahayag ang Iyong kaisahan. Bawat kaloob ay nagbubuhat sa Iyo; bawat basbas ay Iyo.

Ikaw ay Makapangyarihan! Ikaw ay Malakas! Ikaw ang Tagapagbigay at Ikaw ang Laging Mapagpala!

#4455
- `Abdu'l-Bahá

 

O Ikaw na mapagpatawad na Diyos! Ang mga tagapaglingkod na ito ay nagsisibaling sa Iyong Kaharian at nagsisipaghanap ng Iyong biyaya at pagpapala. O Diyos! Pabutihin at padalisayin ang kanilang mga puso upang sila’y maging karapat-dapat sa Iyong pag-ibig. Dalisayin at banalin ang kanilang mga espiritu upang ang liwanag ng Araw ng Katotohanan ay sumikat sa kanila. Dalisayin at banalin ang mga mata upang mamalas nila ang Iyong liwanag. Dalisayin at banalin ang mga tainga upang marinig nila ang tawag ng Iyong Kaharian.

O Panginoon! Tunay na kami ay mahihina ngunit Ikaw ay malakas. Tunay na kami ay mga dukha ngunit Ikaw ay mayaman. Kami ay mga naghahanap at Ikaw ang hinahanap. O Panginoon! Mahabag Ka sa amin at kami’y patawarin; ipagkaloob sa amin ang kakayahan at kahandaan upang kami’y maging karapat-dapat sa Iyong mga pagtatangkilik, maakit sa Iyong Kaharian, mapagningas ng apoy ng Iyong pag-ibig at mabuhay sa pamamagitan ng mga hininga ng Iyong Banal na Espiritu sa maningning na Siglong ito.

O Diyos, aking Diyos! Isabog Mo sa pagtitipong ito ang mga sulyap ng Iyong mapagmahal na kabaitan. Panatilihing ligtas ang lahat ng bawat isa sa pamamagitan ng Iyong kalinga at sa ilalim ng Iyong pangangalaga. Ipadala Mo sa mga kaluluwang ito ang Iyong makalangit na mga biyaya at ilubog Mo sila sa karagatan ng Iyong awa at pasiglahin sila sa pamamagitan ng mga hininga ng Banal na Espiritu.

O Panginoon! Ipagkaloob Mo ang magiliw na tulong at pagpapatibay sa makatarungang pamahalaang ito. Ang bansang ito ay nasa ilalim ng kumakanlong na anino ng Iyong pangangalaga at ang mga taong ito ay naglilingkod sa Iyo. O Panginoon! Pagkalooban sila ng Iyong makalangit na biyaya at gawin Mong ang buhos ng Iyong pagpapala at kaloob ay maging napakarami at masagana. Tulutan ang kagalang-galang na bansang ito ay kilalaning marangal at tulungang ito ay tanggapin sa Iyong kaharian.

Ikaw ay Malakas; Ikaw ay Makapangyarihan sa Lahat; Ikaw ay Mahabagin; at Ikaw ay Pinakamapagbigay, ang Panginoong puspos ng biyaya.

#4456
- `Abdu'l-Bahá

 

O Banal ns Pagpapala! Ang lupong ito ay binubuo ng Iyong mga kaibigan na naaakit sa Iyong Kagandahan at naglalagablab sa apoy ng Iyong pag-ibig. Baguhin ang mga kaluluwang ito upang maging makalangit na mga anghel, muli silang buhayin sa pamamagitan ng hininga ng Iyong Banal na Espiritu, bigyan sila ng mahusay na mga dila at matatag na mga puso, ipagkaloob sa kanila ang makalangit na lakas at maawaing mga damdamin, gawin Mo silang maging mga tagapamalita ng pagkakaisa ng sangkatauhan at sanhi ng pag-ibig at pagkakasunduan dito sa daigdig ng sangkatauhan nang sa ganoon ang mapanganib na lagim na walang batayang paniniwala na dulot ng kamangmangan ay mawala sa pamamagitan ng liwanag ng Araw ng Katotohanan, ang malungkot na daigdig na ito ay lumiwanag, ang makalupang kaharian na ito ay tumanggap ng mga sinag ng daigdig ng espiritu, ang iba’t-ibang mga kulay na ito ay maging iisang kulay at ang himig ng pagpaparangal ay maka-akyat sa kaharian ng Iyong kabanalan.

Sa katunayan Ikaw ang Pinakamakapangyarihan at ang Pinakamalakas.

#4457
- `Abdu'l-Bahá

 

Mga Pamilya

Luwalhatiin Ka, O Panginoon kong Diyos! Isinasamo ko sa Iyo na patawarin Mo ako at yaong mga nagtataguyod sa Iyong Pananampalataya. Tunay, Ikaw ang pinakadakilang Panginoon, ang Tagapagpatawad, ang Mapagpala sa Lahat. O aking Diyos! Tulutan ang yaong mga tagapaglingkod Mo na pinagkaitan ng kaalaman ay matanggap sa Iyong Kapakanan: sapagkat kung kilala Ka na nila nagpapatunay sila sa katotohanan ng Araw ng Paghukom at hindi sila tumututol sa mga palatandaan ng Iyong pagpapala, at pagkalooban sila, saan man sila nananahan, ng masaganang bahagi ng mga bagay na Iyong iniatas para sa mga banal sa Iyong mga tagapaglingkod. Ikaw sa katotohanan ang kataas-taasang Pinuno, ang Laging-Mapagpala, ang Pinakamapagkawanggawa.

O aking Diyos! Tulutang ang mga daloy ng Iyong biyaya at mga pagpapala ay manaog sa mga tahanan na ang mga naninirahan ay yumakap sa Iyong Pananampalataya, bilang sagisag ng Iyong pagpapala at tanda ng mapagmahal na kabaitan mula sa Iyo. Tunay na wala Kang kapantay sa pagbibigay ng kapatawaran. Kung ang Iyong biyaya ay ipagkait sa sinuman, papaano siya maituturing na kabilang sa mga tagasunod ng Pananampalataya sa Iyong Araw?

Pagpalain Mo ako, O aking Diyos, at sila na maniniwala sa Iyong mga sagisag sa itinakdang Araw, at silang magpapahalaga sa aking pagmamahal sa kanilang mga puso—isang pagmamahal na Iyong itinanim sa kanila. Sa katunayan Ikaw ang Panginoon ng katarungan, ang Pinakamarangal.

#4475
- The Báb

 

Sumasamo ako sa Iyong kapatawaran, O aking Diyos, at nagsusumamo ng paumanhin tulad ng pamamaraan na ninanais Mo mula sa Iyong mga tagapaglingkod sa kanilang pagbaling sa Iyo. Isinasamo ko sa Iyo na hugasan ang aming mga kasalanan na naaangkop sa Iyong pagka-Panginoon at patawarin ako, ang aking mga magulang, at sila na sa Iyong panantiya ay nakapasok sa tahanan ng Iyong pagmamahal sa pamamaraang karapat-dapat sa Iyong nangingibabaw na kadakilaan at naaayon sa kaluwalhatian ng Iyong makalangit na kapangyarihan.

O aking Diyos! Binigyan Mo ng pagnanais ang aking kaluluwa na maghandog ng panalangin sa Iyo, at kung hindi dahil sa Iyo, hindi ako tatawag sa Iyo. Pinupuri at niluluwalhati Ka; ipinapasa-Iyo ko ang aking pagpuri sapagkat ipinahayag Mo sa akin ang Iyong sarili, at isinasamo ko sa Iyo na patawarin ako, sapagkat nagkulang ako sa aking tungkuling kumilala sa Iyo at hindi nakatupad sa daan ng Iyong pag-ibig.

#4476
- The Báb

 

O Panginoon! Sa Pinakadakilang Dispensasyon na ito ay tinatanggap Mo na mamagitan ang mga anak sa ngalan ng kanilang mga magulang. Ito ay isa sa mga natatanging walang hanggang mga kaloob sa Dispensasyon na ito. Samakatwid, O Ikaw na mabuting Panginoon, tanggapin ang kahilingan nitong Iyong tagapaglingkod sa bungad ng Iyong kaisahan at itubog ang kanyang ama sa dagat ng Iyong pagpapala, sapagkat ang anak na ito ay bumangon na upang maglingkod sa Iyo at nagsisikap sa lahat ng panahon sa landas ng Iyong pagmamahal. Sa katunayan, Ikaw ang Nagbibigay, ang Nagpapatawad at ang Mabuti!

#4477
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos, aking Diyos! Itong Iyong babaeng naglilingkod ay tumatawag sa Iyo, nagtitiwala sa Iyo, nagbabaling ng kaniyang mukha sa Iyo, nagsusumamo sa Iyo na padaluyin ang makalangit na biyaya sa kaniya, at ihayag sa kaniya ang Iyong mga espiritwal na himala, at ipaabot sa kaniya ang mga liwanag ng Iyong pagka-Diyos.

O aking Panginoon! Gawing makakita ang mga mata ng aking asawa. Pasayahin ang kaniyang puso sa pamamagitan ng liwanag ng kaalaman tungkol sa Iyo, ibaling Mo ang kaniyang isip sa maningning Mong kagandahan, pasiglahin Mo ang kaniyang espiritu sa pamamagitan ng pagpapahayag sa kaniya ng Iyong lantad na mga kaluwalhatian.

O aking Panginoon! Pawiin Mo ang lambong ng kaniyang paningin. Paulanin Mo ang masaganang pagpapala sa kaniya, langohin siya ng alak ng pagmamahal sa Iyo, gawin siyang isa sa Iyong mga anghel na ang mga paa ay lumalakad sa daigdig na ito habang ang kanilang mga kaluluwa ay pumapailanlang sa matataas ng mga kalangitan. Tulutan siyang maging kumikislap na lampara, nagniningning na liwanag ng Iyong dunong habang nasa kalangitan ng Iyong mga tao.

Sa katunayan, Ikaw ang Minimithi, ang Laging-Nagbibigay, ang Bukas ang Kamay.

#4478
- `Abdu'l-Bahá

 

Aking Panginoon! Aking Panginoon! Pinupuri Kita at pinasasalamatan Kita para doon sa mga bagay na pinagkaloob Mo sa Iyong mapagkumbabang kawaksing babae, ang Iyong tagapaglingkod na nagsusumamo at nagmamakaawa sa Iyo, sapagkat sa katunayan ay inakay Mo siya sa Iyong malinaw na Kaharian at itinulot Mong marinig niya ang Iyong kataas-taasang Tawag sa lumilipas na mundong ito at upang mamalas niya ang Iyong mga Tanda na nagpapatunay sa pagdating ng Iyong matagumpay na pamamahala sa lahat ng mga bagay.

O aking Panginoon, inihahandog ko ang nasa aking sinapupunan sa Iyo. Kung gayon ay gawin siyang kapuri-puring bata sa Iyong Kaharian at isang mapalad sa pamamagitan ng Iyong biyaya at sa Iyong kagandahang-loob; upang umunlad at lumaki sa ilalim ng pamamatnubay ng Iyong pagtuturo. Sa katunayan, Ikaw ang Mapagpala! Sa katunayan, Ikaw ang Panginoon ng Dakilang Biyaya.

#4479
- `Abdu'l-Bahá

 

Pag-Iisang Dibdib

“Ang pag-iisang dibdib ng Bahá’í ay ang pagbubuklod at magalang na pagmamahal sa pagitan ng dalawang panig. Gayunman, dapat silang gumamit ng sukdulang ingat at makilala ang pag-uugali ng isa’t isa. Itong di-magmamaliw na pagkaka-ugnay sa kanila ay dapat pagtibayin ng matatag na kasunduan, at ang kanilang layunin ay upang patibayin ang pagkakasundo, pagkakaibigan, pag­ kakaisa at upang matamo ang buhay na walang hanggan.” — ‘Abdu’l-Bahá

Ang sumpa ng pag-iisang dibdid, ang pariralang magkasunod na bibigkasin ng nobya at nobyo sa harap ng dalawa man lamang saksi na tinatanggap ng Spiritual Assembly, sang-ayon sa nakasaad sa Kitáb-i-Aqdas, ay:

“Lahat kami, sa katunayan, ay susunod sa Kalooban ng Diyos.”

Siya ang Tagapagkaloob, ang Mapagpala!

Purihin ang Diyos, ang Napakatanda, ang Laging Nananahan, ang Walang Pagbabago, ang Walang-hanggan! Siya na nagpatunay sa Kaniyang Sarili na tunay na Siya ang Iisa, ang Nag-iisa, ang Di-nasasagkaan, ang Maluwalhati. Saksi kami na tunay na walang Diyos kundi Siya; tinatanggap ang Kaniyang kaisahan, pinatutunayang ang Kaniyang pagiging iisa. Siya kailanman ay nananahan sa di-mararating na mga kataasan, sa mga tugatog ng Kaniyang katayugan, malayo sa pagbanggit ng sinuman liban sa Kaniyang Sarili, hindi mailalarawan ng sinuman liban sa Kaniya.

At nang naisin Niyang magpakita ng biyaya at pagpapala sa tao, at isaayos ang daigdig, nagpahayag Siya ng mga dapat isagawa at lumikha ng mga batas; kabilang sa mga ito, itinatag niya ang batas sa pag-iisang dibdib, ginawa itong gaya ng isang moog sa ikabubuti at kaligtasan, at iniutos ito sa atin doon sa pinapanaog Niya buhat sa langit ng kabanalan sa Kaniyang Pinakabanal na Aklat. Sabi Niya, dakila ang Kaniyang kaluwalhatian; “Magsipag-asawa, O mga tao, upang harinawa ay magsilang kayo noong babanggit sa Akin na kasama ng Aking mga tagapaglingkod. Ito ang Aking utos sa inyo; mangapit nang mahigpit dito bilang tulong sa inyong mga sarili.”

#4433
- Bahá'u'lláh

 

Luwalhati sa Iyo, O aking Diyos! Tunay, ang Iyong tagapaglingkod at Iyong babaeng naglilingkod ay natitipon sa lilim ng anino ng Iyong kahabagan at sila’y pinag-isa sa pamamagitan ng Iyong pagtatangkilik at kagandahang loob. O Panginoon! Tulungan sila sa daigdig Mong ito at sa Iyong Kaharian at itadhana para sa kanila ang bawat mabuti sa pamamagitan ng Iyong pagpapala at biyaya. O Panginoon! Pagtibayin sila sa pagsisilbi sa Iyo at tulungan sila sa paglilingkod sa Iyo. Loobing sila’y maging mga tanda ng Iyong Pangalan sa Iyong daigdig at kalingain sila sa pamamagitan ng Iyong mga kaloob na hindi masasaid sa daigdig na ito at sa daigdig na darating. O Panginoon! Sila ay naninikluhod patungo sa Kaharian ng Iyong kahabagan at nananawagan sa lupain ng Iyong kaisahan. Tunay na Sila’y pinag-isang dibdib sa pagsunod sa Iyong kautusan. Loobing sila’y maging tanda ng pagkakasundo at pagkakaisa hanggang sa wakas ng panahon. Tunay na Ikaw ang Walang-hanggang Lakas, ang Sumasalahat at ang Makapangyarihan sa Lahat!

#4434
- `Abdu'l-Bahá

 

Siya ay Diyos! O walang kapantay na Panginoon! Sa Iyong dunong na makapangyarihan sa lahat, iniatas Mong magsipag-asawa ang mga tao, upang ang mga salinlahi ng tao ay magsusunod-sunod sa walang katiyakang daigdig na ito at upang magpakailan man, habang ang daigdig ay nananatili, sila’y maging abala sa pintuan ng Iyong pagkaisa sa paglilingkod at pagsamba, nang may pagbati, pananambalan at pagpupuri. “Hindi ko nilikha ang mga espiritu at mga tao, kundi upang sila’y sumamba sa akin.” (Qur'án 51:56) Kung gayon, pag-isahing dibdib Mo sa langit ng Iyong habag ang dalawang ibong ito ng pugad ng Iyong pag-ibig, at gawin silang tagapang-akit ng walang hanggang biyaya; nang upang sa pag-iisa ng dalawang dagat na ito ng pag-ibig ay dumagsa ang isang alon ng pagkamasuyo at ihagis ang mga perlas ng dalisay at mabuting supling sa dalampasigan ng buhay. “Pinawalan Niya ang dalawang dagat, nang upang magkatagpo sila: Sa pagitan nila ay may isang hadlang na hindi nila matawiran. Alin sa mga pagpapala ng iyong Panginoon ang iyong itatanggi? Buhat sa bawat isa, Siya ay naghahango ng malalaki at mumunting perlas.”(Qur'án 55:19-22)

O Ikaw na mabait na Panginoon! Gawin Mo ang pag-iisang dibdib na ito ay makapagbigay ng korales at perlas. Tunay na Ikaw ang Malakas sa Lahat, ang Pinakadakila, ang Laging Nagpapa­ tawad!

#4435
- `Abdu'l-Bahá

 

O aking Panginoon, O aking Panginoon! Itong dalawang maningning na liwanag ay pinag-isang dibdib sa Iyong pagmamahal, pinagsama sa paglilingkod sa Iyong Banal na Dambana, magkaisa sa pagtulong sa Iyong Kapakanan. Gawin Mong ang pag-iisang dibdib na ito ay maging tulad ng mga nilalakarang liwanag ng Iyong nag-uumapaw na biyaya, O aking Panginoon, ang Maawain sa lahat, ang mga maluningning na silahis ng Iyong mga pagpapala, O Ikaw na Mabait, ang Laging Nagbibigay, upang mayroon mga tutubo dito sa dakilang puno na mga sanga na yayabong na luntian at malusog sa pamamagitan ng Iyong mga ulap ng pagpapala.

Sa katunayan, Ikaw ang Mapagbigay. Sa katunayan, Ikaw ang Makapangyarihan. Sa katunayan, Ikaw ang Mahabagin, ang Maawain sa Lahat.

#4436
- `Abdu'l-Bahá

 

Pagkakaisa

O aking Diyos! O aking Diyos! Tunay na tinatawagan Kita at naninikluhod ako sa Iyong pintuan at humihiling sa Iyo na ang lahat ng awa Mo ay ipagkaloob sa mga kaluluwang ito. Dalubhasain Mo sila para sa Iyong tangkilik at sa Iyong katotohanan.

O Panginoon! Pag-isahin at bigkising sama-sama ang mga puso, pagkasunduin ang lahat ng mga kaluluwa at pasiglahin ang mga espiritu sa pamamagitan ng mga tanda ng Iyong kabanalan at pagkakaisa. O Panginoon! Ang mga mukhang ito ay pagningningin sa pamamagitan ng liwanag ng Iyong pagkakaisa. Palakasin ang mga balakang ng Iyong mga tagapaglingkod sa paglilingkod sa Iyong kaharian.

O Panginoon, Ikaw na nagtataglay ng walang-hanggang kahabagan! O Panginoon ng pagbibigay at pagpapatawad! Ipatawad ang aming mga pagkakasala, pagbigyan ang aming mga pagkukulang at tulutang kami ay makatungo sa kaharian ng Iyong habag, tumatawag sa kaharian ng kapangyarihan at lakas, naninikluhod sa Iyong dambana at mapagkumbaba sa harap ng kaluwalhatian ng Iyong mga patibay.

O Panginoong Diyos! Kami ay gawing tulad ng mga alon ng dagat, tulad ng mga bulaklak sa hardin, nagkakaisa, nagkakasundo sa pamamagitan ng mga pagpapala ng Iyong pag-ibig. O Panginoon! Buksan ang mga dibdib sa pamamagitan ng mga tanda ng Iyong pagkakaisa at ang buong sangkatauhan ay gawing gaya ng mga bituing nagniningning mula sa magkasingtaas na kaluwalhatian, gaya ng mga walang kapintasang bunga sa Iyong Punungkahoy ng Buhay.

Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Sariling-Ganap, ang Tagapagkaloob, ang Mapagbigay, ang Mapagpatawad, ang Nakababatid ng Lahat, ang Iisang Manlilikha!

#4438
- `Abdu'l-Bahá

 

O aking Diyos! O aking Diyos! Pagkaisahin ang mga puso ng Iyong mga tagapaglingkod, at ihayag sa kanila ang Iyong dakilang layunin. Nawa’y manalunton sila sa Iyong mga kautusan at manatili sa Iyong batas. Tulungan sila, O Diyos, sa kanilang pagsisikap, at pagkalooban sila ng lakas na maglingkod sa Iyo. O Diyos! Huwag Mo silang iiwan sa kanilang mga sarili, kundi patnubayan Mo ang kanilang mga hakbag sa liwanag ng Iyong kaalaman at bigyang galak ang kanilang mga puso ng Iyong pag- ibig. Tunay na Ikaw ang kanilang Tulong at ang kanilang Panginoon.

#4437
- `Abdu'l-Bahá

 

Pagkawalay

Tulutan Mo, O aking Diyos, na makalapit ako sa Iyo, at makapanahan sa loob ng saklaw ng Iyong liwasan, sapagkat ang pagkalayo sa Iyo ay halos ikinawasak ko. Pagpahingahin Mo ako sa lilim ng mga bagwis ng Iyong biyaya dahil sa ang apoy ng pagkawalay ko sa Iyo ay tumunaw sa pusong nasa loob ko. Ilapit Mo ako sa ilog na siyang tunay na buhay, sapagkat ang aking kaluluwa ay labis na nauuhaw sa walang tigil na paghahanap sa Iyo. Ang aking mga daing O aking Diyos, ay naghahayag ng kapaitan ng aking pagdurusa, at ang mga luhang itinigis ko ay patunay ng aking pag-ibig sa Iyo.

Isinasamo ko sa Iyo, sa papuring ipinagpupuri Mo sa Iyong Sarili at sa luwalhati Mo sa Iyong Pinakadiwa, na ipahintulot na kami ay mabilang sa kanilang nakakilala sa Iyo at kumilala sa Iyong paghahari sa Iyong mga araw. Tulungan Mo kami, kung gayon, O aking Diyos, na makainom mula sa mga daliri ng Iyong kahabagan ng nabubuhay na mga tubig ng Iyong mapagmahal na kabutihang loob upang ganap naming malimot ang lahat liban sa Iyo, at mapuspos kami ng Iyong Sarili lamang. Makapangyarihan Ka at magagawa Mo ang Iyong naisin. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

Luwalhatiin ang Iyong pangalan, O Ikaw na Hari ng lahat ng Hari!

#4439
- Bahá'u'lláh

 

Nasa kaluwalhatian Ka, O aking Diyos! Nagpapasalamat ako sa Iyo sapagkat ipinakilala Mo sa akin Siya na Pamimitak ng Iyong kahabagan, at Pook-Liwayway ng Iyong biyaya, at Tinggalan ng Iyong Kapakanan. Isinasamo ko sa Iyo sa Iyong Pangalan, na sa pamamagitan niyon ay pumuti ang mga mukha ng malapit sa Iyo, at ang mga puso ng matatapat sa Iyo ay mabilis na nakalipad patungo sa Iyo na ipagkaloob Mong makahawa ako sa Iyong Kuldon sa lahat ng sandali at sa ilalim ng lahat ng kalagayan, at maputol ang lahat ng pagkakaugnay ko sa sinuman liban sa Iyo, at mapanatili ko ang aking paninging nakatuon sa sugpungang-guhit ng Iyong Rebelasyon, at nawa’y maisagawa ko ang iniatas Mo sa akin sa Iyong mga tableta.

Damtan Mo, O aking Panginoon, kapwa ang aking panloob at panlabas na katauhan, ng damit ng Iyong mga pagtatangkilik at ng Iyong mapagmahal na kahabagan. Ingatan Mo akong ligtas, kung gayon, sa anumang kasuklam suklam sa Iyo, at buong kagandahang loob na tulungan Mo ako at ang aking mga kaanak na makasunod sa Iyo, at malayuan ang anumang nakapupukaw ng anumang kasamaan o balakyot na hangarin sa loob ng aking sarili.

Tunay na Ikaw ang Panginoon ng lahat ng tao, ang nagmamay-ari sa daigdig na ito at sa susunod. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.

#4440
- Bahá'u'lláh

 

Maraming malamig na puso, O aking Diyos, ang pinapagningas ng apoy ng Iyong Kapakanan, at maraming nangatutulog ang ginising ng katamisan ng Iyong tinig. Gaano karami ang di-kilala na nakatagpo ng kanlungan sa lilim ng anino ng punong-kahoy ng Iyong kaisahan, at gaano karami ang humihingal para sa bukal ng Iyong buhay na mga tubig sa Iyong mga araw!

Pinagpala siya na nag-ukol ng sarili sa Iyo, at nagmadaling makarating sa Pamimitak ng mga liwanag ng Iyong mukha. Pinagpala siya na buong pag-ibig na bumaling sa Pook-Liwayway ng Iyong Rebelasyon at sa Ulong-Bukal ng Iyong inspirasyon. Pinagpala siya na gumugol sa Iyong landas ng ipinagkaloob Mo sa kaniya sa pamamagitan ng Iyong pagpapala at pagtatangkilik. Pinagpala siya na sa kaniyang masidhing paghahangad sa Iyo ay nag-alis ng lahat liban sa Iyong Sarili. Pinagpala siya na nagtamasa ng matalik na pakikipag-isa sa Iyo at pumutol sa lahat ng kaniyang pakakaugnay sa sinuman liban sa Iyo.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Panginooon, sa Kaniya na Iyong Pangalan na sa pamamagitan ng lakas ng Iyong paghahari at kapangyarihan ay nakasikat sa itaas ng sugpungang-guhit ng Kaniyang bilangguan, na iatas Mo para sa bawat isa yaong marapat sa Iyo at minamarapat ng Iyong karangalan.

Ang Iyong kapangyarihan, sa katotohanan, ay katimbang ng lahat ng bagay.

#4441
- Bahá'u'lláh

 

Hindi ko batid, O aking Diyos, kung ano ang Apoy na pinagningas Mo sa Iyong lupain. Hindi kailanman matatabingan ng daigdig ang ningning niyon, ni mapapatay ng tubig, ang apoy niyon. Lahat ng tao sa daigdig ay walang kakayahang makalaban sa lakas niyon. Malaki ang pagpapala niya na nakalapit doon at nakarinig sa dagundong niyon.

Ang ilan, O aking Diyos, sa pamamagitan ng nagbibigay-lakas Mong biyaya ay niloob Mong makalapit doon, samantalang ang iba ay hindi Mo tinutulan dahil sa mga bagay na ginawa ng kanilang mga kamay sa Iyong mga araw. Sinumang nagmadaling magtungo roon at nakarating doon, sa kaniyang pananabik na makamalas sa Iyong kagandahan, ay naghain ng kaniyang buhay sa Iyong landas, at nakaakyat patungo sa Iyo, nang ganap na nakahiwalay sa anumang iba pa liban sa Iyong Sarili.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Panginoon, sa Apoy na itong nagniningas at naglalagablab sa daigdig ng mga kinapal, na punitin ang mga lambong na nakahadlang sa akin sa pagharap sa trono ng Iyong kamahalan, at sa pagtindig sa bungad ng Iyong pintuan. Iatas mo para sa akin, O aking Panginoon, ang bawat mabuting bagay na ipinapanaog Mo sa Iyong Aklat, at tulutan Mong huwag akong malayo sa lilim ng Iyong kahabagan.

Makapangyarihan Ka, at magagawa Mo ang Iyong naisin. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamagandang-loob.

#4442
- Bahá'u'lláh

 

Luwalhatiin Ka, O aking Diyos! Ako ay isa sa Iyong mga tagapaglingkod na sumasampalataya sa Iyo at sa Iyong mga tanda. Nakikita Mo kung paano naitungo ko ang aking sarili sa pintuan ng Iyong kahabagan, at naibaling ko ang aking mukha sa kinaroroonan ng Iyong mapagmahal na kabaitan. Isinasamo ko sa Iyo, sa Iyong pinakamagaling na mga pamagat at sa Iyong pinakamaluwalhating mga katangian, na buksan sa harap ko ang mga pinto ng Iyong mga kaloob. Tulungan Mo ako, kung gayon, na makagawa ng mabuti, O ikaw na Nagmamay-ari ng lahat ng pangalan at katangian!

Ako ay dukha, O aking Panginoon, at Ikaw ang mayaman. Iniharap ko ang aking mukha sa Iyo, at inihiwalay ko ang aking sarili sa lahat liban sa Iyo. Huwag Mong ipagkait sa akin, isinasamo ko sa Iyo, ang mga simoy ng Iyong masuyong kahabagan, at huwag Mong ilingid sa aking yaong mga iniatas Mo para sa pinili sa Iyong mga tagapaglingkod.

Alisin ang lambong sa aking mga mata, O aking Panginoon, upang makita ko yaong hinahangad Mo para sa Iyong mga kinapal, at matuklasan ko sa lahat ng kaanyuan ng Iyong makapangyarihang lakas. Puspusin ang aking kaluluwa, O Panginoon ko, ng Iyong pinakamakapangyarihang mga tanda, at hanguin Mo ako buhat sa kailaliman ng aking balakyot at masasamang hangarin. Isulat kung gayon, para sa akin ang mabubuting bagay ng daigdig na ito at ng daigdig na darating. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Maluwalhati sa Lahat, na ang tulong ay hinahangad ng lahat ng tao.

Nagpapasalamat ako sa Iyo, O aking Panginoon, sapagkat ginising Mo ako sa pagkakatulog, at pinabangon Mo ako, at nilikha Mo sa akin ang paghahangad na mabatid yaong ang karamihan ng Iyong mga tagapaglingkod ay nabigong maunawaan. Bigyan Mo ako ng kakayahan, kung gayon, O aking Panginoon, na mamalas, alang-alang sa pag-ibig sa Iyo at sa Iyong ikasisiya, ang anumang ninais Mo. Ikaw Siya na ang lakas ng kapangyarihan at paghahari ay sinasaksihan ng lahat ng bagay.

Walang iba pang Diyos liban sa Iyo ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagpala.

#4443
- Bahá'u'lláh

 

Sa Pangalan ng Iyong Panginoon, ang Maylikha, ang Makapangyarihan, ang Nakasasapat sa Lahat, ang Pinakadakila. Siya na ang tulong ay hinihiling ng lahat ng tao.

Sabihin: O aking Diyos! O Ikaw na Siyang gumawa ng mga langit at lupa, O Panginoon ng Kaharian! Ikaw ay lubos na nakaaalam sa mga lihim ng mga puso, samantalang ang Iyong Kalagayan ay hindi naunawaan ng lahat maliban sa Iyong Sarili. Nakikita Mo ang anumang nauukol sa akin, samantalang walang sinumang makagagawa nito maliban sa Iyo. Marapatin Mo para sa akin, sa pamamagitan ng Iyong biyaya, yaong nakapag-aalis sa lahat liban sa Iyo at italaga Mo para sa akin na hindi ako aasa sa sinuman maliban sa Iyo. Ipagkaloob na aking matamo ang kapakinabangan ng aking buhay sa daigdig na ito at sa susunod. Buksan sa aking harapan ang mga pintuan ng Iyong pagpapala, at buong pagmamahal na ipagkaloob sa akin ang Iyong magiliw na habag at mga biyaya.

O Ikaw na Siyang Panginoon ng masaganang pagpapala! Hayaan ang Iyong makalangit na tulong ay pumaligid sa kanila na umiibig sa Iyo, at ipagkaloob sa amin ang mga handog at ang kagandahang loob na Ikaw ang nagmamay-ari. Maging Ikaw ay sapat na sa amin sa lahat ng bagay, patawarin ang aming mga pagkakasala at magkaroon ng habag sa amin. Ikaw nga ang aming Panginoon at ang Panginoon ng lahat ng nilikhang mga bagay. Walang sinuman ang aming tinatawagan kundi Ikaw, at wala rin kaming hihingiin kundi ang Iyong mga kabutihang loob. Ikaw ang Panginoon ng kagandahang-loob at pagpapala, hindi magagapi ang Iyong kapangyarihan at ang pinakamahusay sa Iyong mga gawain. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Nagmamay-ari sa Lahat, ang Pinakadakila.

Ipagkaloob ang Iyong mga pagpapala, O aking Panginoon, sa mga Tagapagbalita, sa kanila na mga banal at sa mga matuwid. Tunay na Ikaw nga ang Diyos, ang Walang Kahambing, ang Lging Nananaig.

#4444
- The Báb

 

O Panginoon! Sa Iyo ako pumupunta upang magpakupkup at ang aking puso ay itinututok ko sa lahat ng Iyong mga tanda.

O Panginoon! Kahiman naglalakbay o kaya’y nasa tahanan, at sa aking tungkulin at sa aking gawain, inilalagay ko ang aking buong pagtitiwla saa Iyo.

Ipagkaloob Mo sa akin kung gayon ang Iyong sapat na tulong upang ako ay hindi na aasa sa anumang bagay, O Ikaw na hindi mahihigitan sa Iyong awa! Ipagkaloob sa akin ang aking bahagi, O Panginoon, sang-ayon sa Iyong kagustuhan, at tulutan Mo na ako ay masiyahan sa anumang itinalaga Mo para sa akin.

Nasa Iyo ang ganap na kapangyarihang mag-utos.

#4445
- The Báb

 

Diyos Ko! Diyos Ko! Ikaw ang aking pag-asa at ang aking Minamahal, ang aking pinakamataas na Layunin at Hangarin! Buong pagpapakumbaba at buong pag-ibig na idinadalangin ko sa Iyo na gawin Mo akong tore ng Iyong pag-ibig sa Iyong pook, ilawa ng Iyong karunungan sa Iyong mga nilikha at bandila ng banal na biyaya sa Iyong Kaharian.

Ibilang Mo akong isa sa Iyong mga tagapaglingkod na naghiwalay ng kanilang sarili sa lahat liban sa Iyo, na pinalaya ang mga sarili sa mga pag-udyok ng mga nagsasabi ng mga walang kabuluhang guni-guni.

Tulutan Mong ang aking puso ay bumukas sa kagalakan sa pamamagitan ng diwa ng pagpapatibay buhat sa Iyong Kaharian, at liwanagan ang aking paningin sa pamamagitan ng pagkakita sa mga hukbo ng banal na tulong na sunod sunod na nananaog patungo sa akin mula sa kaharian ng Iyong Makapang­ yarihan sa Lahat na Kaluwalhatian.

Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Maluwalhati sa lahat, ang Malakas sa Lahat.

#4446
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos, aking Diyos! Punuin Mo para sa akin ang kopa ng pagkawalay sa lahat ng mga bagay, at sa kapulungan ng Iyong karilagan at mga pagpapala, pasayahin Mo ako sa alak ng pagmamahal sa Iyo. Palayain Mo ako sa mga pagsalakay ng silakbo ng damdamin at pagnanasa, patirin Mo ang aking kadena sa makalupang daigdig na ito, akitin Mo ako sa masidhing kagalakan tungo sa Iyong makalangit na kaharian, at panariwain ako sa kalipunan ng mga babaeng naglilingkod sa pamamagitan ng mga hinga ng Iyong kabanalan.

O Panginoon, paliwanagin Mo ang aking mukha sa mga ilaw ng Iyong mga pagpapala, tanglawan Mo ang aking mga mata sa pamamagitan ng pagtanaw ng mga tanda ng Iyong laging lumulupig na lakas; pagalakin Mo ang aking puso, sa kaluwalhatian ng Iyong kaalaman na sumakop sa lahat ng mga bagay, pasayahin Mo ang aking kaluluwa, O Ikaw na Hari ng daigdig na ito at ng kaharian sa itaas, O Ikaw na Panginoon ng kapangyarihan at lakas, nang sa gayon ay maikalat ko sa iba’t-ibang dako ang Iyong mga tanda at mga patotoo, at ipahayag ang Iyong Kapakanan, at palaganapin ang Iyong mga Aral, at paglingkuran ang Iyong Batas at dakilain ang Iyong Salita.

Ikaw nga, tunay, ang Malakas, ang Laging Nagbibigay, ang May Kakaya­ han, ang Makapangyarihan sa Lahat.

#4447
- `Abdu'l-Bahá

 

Pagpapagaling

O Diyos, aking Diyos! Isinasamo ko sa Iyo sa karagatan ng Iyong pagpapagaling, at sa ningning ng Araw-Bituin ng Iyong biyaya, at sa pagsakop sa Pangalan na ginamit Mo sa pagsakop sa Iyong mga tagapaglingkod, at sa nakapagpapalagos na lakas ng Iyong pinakamaluwalhating Salita at kapangyarihan ng Iyong pinakadakilang Panulat, at sa Iyong kahabagan na nauna pa sa paglalang ng lahat ng nasa lupa, na sa pamamagitan ng mga tubig ng Iyong pagpapala ay linisin ako sa bawat paghihirap at kaguluhan, at sa lahat ng kahinaan at karupukan.

Nakikita Mo, O aking Panginoon, ang sa Iyo’y naninikluhod na naghihintay sa pintuan ng Iyong pagpapala, gayon din siyang nag-ukol ng kaniyang mga pag-asa sa Iyo at nangangapit sa kuldon ng Iyong kagandahang-loob. Isinasamo ko na huwag Mong ipagkait sa kaniya ang mga bagay na hinahanap niya sa karagatan ng Iyong biyaya at sa Araw-Bituin ng Iyong mapagmahal na kahabagan.

Makapangyarihan Ka at magagawa Mo ang Iyong marapatin. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Laging-Nagpapatawad, ang Pinakamagandang-loob.

#4448
- Bahá'u'lláh

 

Luwalhati sa Iyo, O Panginoon kong Diyos! Isinasamo ko sa Iyo sa Iyong Pangalan, na sa pamamagitan niyon ay itinaas Mo ang mga bandila ng Iyong pamamatnubay, at pinadaloy ang ningning ng Iyong mapagmahal na kahabagan, at ipinahayag ang kapangyarihan ng Iyong pagka-Panginoon; na sa pamamagitan niyon ay lumitaw ang lampara ng Iyong mga pangalan sa loob ng kinalalagyan ng Iyong mga katangian, at Siya na Tabernakulo ng Iyong kaisahan at Kapahayagan ng pagkakatiwalag ay sumikat; na sa pamamagitan niyon ay naipakilala ang mga daan ng Iyong pamamatnubay, nabigyang-tanda ang mga landas ng Iyong mabuting kasiyahan; na sa pamamagitan niyon ang mga saligan ng katiwalian ay nagawang mayanig at ang mga tanda ng kasamaan ay naiwaksi; na sa pamamagitan niyon ang mga bukal ng kadunungan ay bumulwak, at naibaba ang makalangit na hapag; na sa pamamagitan niyon ay napangalagaan Mo ang Iyong mga tagapaglingkod at naipagkaloob ang Iyong pagpapagaling; na sa pamamagitan niyon ay naipakita Mo ang Iyong masuyong mga habag sa Iyong mga tagapaglingkod at naipahayag ang Iyong pagpapatawad sa Iyong mga nilalang—isinasamo ko sa Iyo na ingatan siya na mahigpit na nangangapit at nagbalik sa Iyo, at nanghahawak sa Iyong habag, at nakakapit sa laylayan ng Iyong mapagmahal na kalinga. Ihulog Mo, kung gayon, sa kaniya ang Iyong lunas, at siya’y pagalingin Mo, at bigyan Mo siya ng hindi nagbabagong katapatan na ipinagkaloob Mo, at ng katiwasayan na kaloob ng Iyong Kataasan.

Tunay na Ikaw ang Tagapagpagaling, ang Tagapagbuhay, ang Tumutulong, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Malakas, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Nakababatid ng Lahat.

#4450
- Bahá'u'lláh

 

Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Sa pamamagitan ng Iyong Pinakadakilang Pangalan na ginamit Mo sa pagpukaw sa Iyong mga tagapaglingkod at pagtatayo ng Iyong mga lunsod, at sa pamamagitan ng Iyong mga pinakadakilang katangian, isinasamo ko sa Iyo na tulungan Mo ang Iyong mga tao na bumaling sa kinaroroonan ng masagana Mong pagpapala, at iharap ang kanilang mga mukha sa Tabernakulo ng Iyong dunong. Pagalingin Mo ang mga karamdamang nagpapahirap sa mga kaluluwa sa bawat panig at nakapigil sa kanila sa pag-uukol ng kanilang paningin sa Paraisong naroon sa lilim ng Iyong lumulukob na Pangalan, na iniatas Mong maging Hari ng lahat ng nasa lupa. May kakayahan Kang gumawa ng minamarapat Mo. Nasa Iyong mga kamay ang imperyo ng lahat ng pangalan. W alang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan, ang Madunong.

Ako ay isa lamang hamak na nilalang, O aking Panginoon; nangangapit ako sa laylayan ng Iyong mga kayamanan. Ako ay malubhang may sakit; mahigpit akong nangapit sa kuldon ng Iyong pagpapagaling. Iligtas Mo ako sa mga karamdamang nakapalibot sa akin, at hugasan Mo akong ganap ng mga tubig ng Iyong kagandahang-loob at kaawaan, at damtan Mo ako ng saplot ng kagalingan, sa pamamagitan ng Iyong pagpapatawad at pagpapala. Ipako Mo, kung gayon, ang aking mga mata sa Iyo, at putulin Mo ang lahat ng pagkakaugnay ko sa alin mang iba pa liban sa Iyo. Tulungan Mo akong makagawa ng Iyong ninanais, at maisakatuparan ko ang nakasisiya sa Iyo.

Tunay na Ikaw ang Panginoon ng buhay na ito at ng darating. Ikaw sa katotohanan, ang Laging Nagpapatawad, ang Pinakamahabagin.

#4451
- Bahá'u'lláh

 

Luwalhati sa Iyo, O Panginoon kong Diyos! Ipinamamanhik ko sa Iyo sa Iyong Pangalan na sa pamamagitan niyon ay naitatag ang Iyong kagandahan sa trono ng Iyong Kapakanan, at sa Iyong Pangalan na sa pamamagitan niyon ay binago Mo ang lahat ng bagay, at inipon Mo ang lahat ng bagay, at ginantimpalaan ang lahat ng bagay, at iningatan ang lahat ng bagay, at pinanatili ang lahat ng bagay—ipinamamanhik ko sa Iyo na tanuran ang kawaksing babaing ito na tumakas patungo sa kublihan Mo, at humanap ng kanlungan sa Kaniya na kung Kanino Ikaw Mismo ay nahahayag, at naglagak ng kaniyang buong pagtitiwala at pag-asa sa Iyo.

Siya ay may sakit, O aking Diyos, at napasa-lilim ng punungkahoy ng Iyong pagpapagaling; naghihirap, at tumakas tungo sa Lunsod ng Iyong pagkukupkop; may karamdaman, at humarap sa Ulong-Bukal ng Iyong pagtatangkilik; labis na nagdurusa, at nagmadaling makarating sa Batis ng Iyong kapayapaan; nabibigatan sa pagkakasala, at nagharap ng kaniyang mukha sa liwasan ng Iyong pagpapatawad.

Damtan Mo siya, sa pamamagitan ng Iyong paghahari at ng Iyong mapagmahal na kahabagan, O aking Diyos at aking Mahal, ng saplot ng Iyong balsamo at ng Iyong lunas, at painumin siya sa kopa ng Iyong kahabagan at ng Iyong pagtatangkilik. Gayon din, ipagtanggol siya sa bawat paghihirap at pagkakaramdam, sa lahat ng dusa at sakit, at sa alinmang maaaring maging kasuklam-suklam sa Iyo.

Tunay na Ikaw ay lubhang maluwalhati sa ibabaw ng lahat ng iba liban sa Iyo. Tunay na Ikaw ang Tagapagpagaling, ang Ganap sa lahat, ang Tagapag-ingat, ang Laging-Nagpapataawad, ang Pinakamahabagin.

#4452
- Bahá'u'lláh

 

Siya ang Tagalunas, ang Nagbibigay ng Sapat, ang Katulong, ang Laging Nagpapatawad, ang Pinaka Maawain.

Tumawag ako sa Iyo O Siyang Marangal, O Siyang Matapat, O Siyang Maluwalhati! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Kamahalan, O Tagapagtaas, O Tagahatol! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Walang-Katumbas, O Siyang Walang Hanggan, O Siyang Iisa! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Pinakapupuri, O Siyang Banal, O Siyang Tumutulong! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Nakababatid ng Kalahat-lahatan, O Pinakamadunong, o Siyang Pinakadakila! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Maawain, O Siyang Makahari, O Siyang Tagapagtalaga! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Pinakamamahal, O Siyang Itinatangi, O Siyang may Masidhing Kagalakan! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Pinakamakapangyarihan, O Siyang Nagpapatuloy, O Siyang Mabisa! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Namamahala, O Sariling-Ganap, O Siyang Laging Nakaaalam! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikawna Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo, O Espiritu, O Liwanag, O Siyang Pinakahayag! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Ikaw na Pinaglalagian ng lahat, O Ikaw na Kilala ng Lahat, O Ikaw na Natatago sa lahat! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Nalilihim, O Siyang Matagumpay, O Siyang Nagkakaloob! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O May Kapangyarihan, O Siyang Sumasaklolo, O Siyang Naglilihim! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Tagapaghugis, O Nakapagbigay-Kasiyahan, O Tagalipol! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Sumisikat, O Siyang Tagatipon, O Siyang Nagpaparangal! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Nagpapabuti nang Ganap, O Siyang Walang Nakapipigil, O Siyang Mapagbigay-biyaya! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Mapagbigay, O Siyang Di-Nagbubunyag, O Siyang Lumilikha! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Maringal, O Siyang Napakaganda, O Siyang may Kagandahang-loob! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag sa Iyo O Siyang Makatarungan, O Siyang Magiliw, O Siyang Bukas-Palad! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Laging Nagpapasunod, O Laging Walang maliw, O Siyang Pinakaaalam ng lahat! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Dakila, O Napakatanda sa mga Araw, O Siyang Napakalaki ang Puso! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Pinakaiingatan, O Panginoon ng Kagalakan, O Siyang Ninanais! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Ikaw na Mabait sa lahat, O Ikaw na Maawain sa lahat, O Siyang Lubos na Mapagkawanggawa! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Kanlungan para sa lahat, O Kublihan ng lahat, O Siyang Laging Nag-aalaga! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Ikaw na Nagliligtas ng lahat, O Ikaw na Hinihingian ng tulong ng lahat, O Siyang Nagpapasigla! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Tagapagladlad, O Tagapagwasak, O Siyang Lubos na Mahabagin! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Ikaw na aking Kaluluwa, O Ikaw na aking Pinakaiibig, O Ikaw na aking Pananampalataya! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo o Tagaalis ng mga Uhaw, O Nangingibabaw na Panginoon, O Siyang Pinakamahalaga! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Pinakadakilang Alaala, O Pinakamaharlikang Pangalan, O Lubhang Napakatandang Daan! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Lubos na Pinaparangalan, O Pinakabanal, O Siyang Sagrado! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Tagabukas ng nakasara, O Tagapagpayo, O Tagapagligtas! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Kaibigan, O Manggagamot, O Siyang Nakaaakit! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Luwalhati, O Kagandahan, O Siyang Mapagbigay-biyaya! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Lubos na Pinagkakatiwalaan, O ang Lubos na Mangingibig, O Panginoon ng Madaling-Araw! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw , O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Nagpapaningas, O Nagpapaningning, O Tagapagdala ng Malaking Katuwaan! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Panginoon ng Biyaya, O Pinakamaawain, O Siyang Lubos na Maawain! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Siyang Di- Nagbabago, O Siyang Nagbibigay-buhay, O Pinanggalingan ng lahat ng Nilalang! Ikaw ang Nagbibigay nang Sapat, Ikaw ang Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Ikaw na Tinatagos ang lahat ng bagay, O Diyos na Nakakikita ng Lahat, O Panginoon ng Pagsasalita! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Hayag ngunit Tago, O Di-nakikita ngunit Kilala ng Lahat, O Tumitingin na hinahanap ng lahat! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

Tumatawag ako sa Iyo O Ikaw na Pumapatay sa mga Mangingibig, O Diyos ng Pagpapala sa mga taong masasama! Ikaw na Nagbibigay nang Sapat, Ikaw na Lumulunas, Ikaw na Walang-maliw, O Ikaw na Siyang Walang-maliw!

O Nagbibigay nang Sapat, tumatawag ako sa Iyo, O Nagbibigay nang Sapat!

O Lumulunas, tumatawag ako sa Iyo, O Lumulunas!

O Walang-maliw, tumatawag ako sa Iyo, O Walang-maliw!

Ikaw na Laging Walang-maliw, O Ikaw na Siyang W alang-maliw!

Ikaw ay Banal, O aking Diyos! Sinasamo ko sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong kagandahang-loob, na dahil dito ay nabuksan nang maluwang ang mga pintuan ng Iyong biyaya at pagpapala, na dahil dito ay naitatag sa trono ng kawalang-hanggan ang Templo ng Iyong Kabanalan; at sa pamamagitan ng Iyong awa, na dahil dito ay inanyayaan Mo ang lahat ng nilalang na bagay sa hapag ng Iyong pagpapala, na dahil dito ay tinugunan Mo sa Iyong Sarili ng Iyong kataga “Oo” sa ngalan ng lahat ng nasa langit at lupa, sa oras na ang Iyong kapangyarihan at ang Iyong Kadakilaan ay maliwanag na nakabunyag na, sa madaling-araw na ang lakas ng Iyong nasasakupan ay ipinahayag. At muli akong nagsusumamo sa Iyo, sa pamamagitan nitong lubos na magagandang mga pangalan, sa pamamagitan nitong lubos na marangal at dakilang mga katangian, at sa pamamagitan ng Iyong Pinakamataas na Alaala, at sa pamamagitan ng Iyong Dalisay at walang-batik na Kagandahan, at sa pamamagitan ng Iyong natatagong Liwanag sa pinakanatatagong kandungan, at sa pamamagitan ng Iyong Pangalan, na binibihisan ng damit ng paghihirap tuwing umaga at gabi, na pangalagaan ang maydala nitong banal na Tableta, at sinumang bumigkas nito, at sinumang makatagpo nito, at sinuman ang dumaang palibot sa tahanang kinaroroonan nito. Pagalingin Mo kung gayon, sa pamamagitan nito ang bawat may damdamin, maysakit at nakaaawa sa bawat kahirapan at gambala, sa bawat nakasusuklam na sakit at kalungkutan, at patnubayan Mo sa pamamagitan nito ang sinumang magnanais na pumasok sa mga landas ng Iyong patnubay, at sa mga pamamaraan ng Iyong pagpapatawad at pagpapala.

Ikaw sa katunayan ang Pinakamalakas, ang Laging may Kasapatan, ang Lumulunas, ang Tagapangalaga, ang Nagbibigay, ang Mapagmalasakit, ang Laging Bukas-Palad, ang Maawain sa Lahat.

#4453
- Bahá'u'lláh

 

Ang Iyong Pangalan ang makapagpapagaling sa akin, O aking Diyos, at ang Iyong gunita ang aking lunas. Ang pagkalapit sa Iyo ang aking pag-asa, at ang pag-ibig sa Iyo ang aking kasama. Ang awa Mo sa akin ang siya kong lunas at timbulan sa daigdig na ito at sa daigdig na darating. Tunay na Ikaw ang Mapagpala sa Lahat, ang Nakababatid sa Lahat, ang Marunong sa Lahat.

#4449
- Bahá'u'lláh

 

Pagtuturo

Dakilain ang Iyong pangalan, O aking Diyos, sapagkat ipinamalas Mo ang Araw na Siyang Hari ng mga Araw, ang Araw na ipinahayag mo sa Iyong mga Hinirang at mga Propeta sa Iyong pinakamagaling na mga tableta, ang Araw na dito’y ibinubuhos Mo ang liwanag ng luwalhati ng lahat ng nilikhang mga bagay. Napakalaki ng kaniyang biyaya sinumang sinaayos ang kaniyang sarili patungo sa Iyo, at pumasok sa Iyong kinaroroonan, at naulinigan ang mga himig ng Iyong boses.

Ako ay sumasamo sa Iyo, O aking Panginoon, sa ngalan Niya na Siyang nililibitan sa pagsamba ang kaharian ng Iyong mga pangalan, na magiliw Mong tutulungan silang malapit sa Iyo na luwalhatiin ang Iyong salita sa Iyong mga tagapaglingkod at ikalat sa ibayong lugar ang pagpuri sa Iyo sa Iyong mga nilikha, upang ang mga lubos na kagalakan ng Iyong Rebelasyon ay mapuspos ang mga kaluluwa ng lahat ng naninira­ han sa Iyong sangkalupaan.

Ngayon na pinatnubayan Mo sila, O aking Panginoon, patungo sa mga buhay ng tubig ng Iyong pagpapala, ipagkaloob sa pamamagitan ng Iyong biyaya, na hindi sila mailayo sa Iyo; at ngayong ipinatawag Mo na sila sa kinaroroonan ng Iyong trono, huwag Mo silang palayasin sa Iyong harapan, sa pamamagitan ng Iyong mapagmahal na kabaitan. Ipadala Mo sa kanila yaong buong makapaglalayo sa kanila sa lahat maliban sa Iyo, at pahintulutan silang pumailanlang sa kalawakan ng Iyong kalapitan, sa isang paraan na kahit na ang tagumpay ng manlulupig o ang mga sulsol nila na mga hindi naniniwala sa Iyong pinakadakila at pinakamalakas na Sarili ay di-magkakaroon ng bisa na ilayo sila sa Iyo.

#4458
- Bahá'u'lláh

 

Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Isinasamo ko sa Iyo, sa Iyong Pangalan na walang sinumang tunay na nakakilala at ang kahalagahan ay hindi natarok ng sinumang kaluluwa; Isinasamo ko sa Iyo, sa Kaniya na Siyang Ulong-bukal ng Iyong Rebelasyon at Araw-Bukal ng Iyong mga tanda, na ang aking puso ay gawing isang sisidlan ng Iyong pag-ibig at ng gunita sa Iyo. Ihabi Mo ito, kung gayon, sa Iyong pinakadakilang Karagatan, upang dumaloy buhat doon ang buhay na tubig ng Iyong karunungan at ang mga kristal na daloy ng pagluwalhati at pagpupuri sa Iyo.

Ang aking mga paa at kamay ay saksi sa Iyong kaisahan, at ang aking buhok ay nagpapahayag ng lakas ng Iyong paghahari at kapangyarihan. Tumayo ako sa pintuan ng Iyong biyaya nang buong kaabahan, at walang pahalaga sa sarili, at nangapit sa laylayan ng Iyong pagpapala, at nagpako ng aking mga mata sa sugpungang-guhit ng Iyong mga handog.

Gawin Mong hantungan ko, O aking Diyos, yaong karapat-dapat sa kadakilaan ng Iyong kamahalan, at tulungan Mo ako, sa pamamagitan ng Iyong nagpapalakas na biyaya, na maituro ang Iyong Kapakanan upang ang mga patay ay magmadaling palabas sa kanilang mga libingan, at magsidagsang patungo sa Iyo, nagtitiwalang ganap sa Iyo, at nagpapako ng kanilang paningin sa silangan ng Iyong Kapakanan, at sa pook-liwayway ng Iyong Rebelasyon.

Ikaw, tunay, ang Pinakamalakas, ang Kataas-taasan, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.

#4459
- Bahá'u'lláh

 

Luwalhatiin Ka, O Ikaw na Diyos ng daigdig at Hangarin ng mga bansa, O Ikaw na nahayag sa Pinakadakilang Pangalan, na sa pamamagitan niyon ay nagsilitaw ang mga perlas ng kadunungan at pananalita buhat sa mga kabibi ng malaking dagat ng Iyong kaalaman, at ang mga langit ng banal na rebelasyon ay napalamutihan ng liwanag ng paglitaw ng araw ng Iyong kaanyuan! Isinasamo ko sa Iyo, sa Salitang yaon na sa pamamagitan nito ang Iyong patunay ay ginawang ganap sa piling ng Iyong mga nilalang at ang Iyong pagsasaksi ay natupad sa Iyong mga tagapaglingkod, na palakasin ang Iyong mga tao sa isang paraang ang mukha ng Kapakanan ay magliliwanag sa Iyong nasasakupan at ang mga bandila ng Iyong pamamatnubay ay maitatatag sa kabuuan ng Iyong mga lupain sa Iyong mga tagapaglingkod.

O aking Diyos! Namamalas Mo silang nakapangapit sa lubid ng Iyong biyaya at mahigpit na nakahawak sa laylayan ng tapis ng Iyong pagpapala. Iatas Mo para sa kanila yaong makapaglalapit sa kanila sa Iyo, at ilayo Mo sila sa lahat ng iba pa liban sa Iyo.

Isinasamo ko sa Iyo, O Ikaw na Hari ng pagkabuhay at tagapagtanggol ng nakikita at di-nakikita, na ang sinumang magbangon upang maglingkod sa Iyong Kapakanan ay gawin Mong tulad ng isang dagat na pinakikilos ng Iyong hangarin; naglalagablab sa apoy ng Iyong Banal na Punongkahoy, sumisikat buhat sa sugpungang-guhit ng langit ng Iyong kalooban. Tunay na Ikaw ang Siyang Makapangyarihan, na kapwa hindi mapanlupaypay ng puwersa ng lahat sa daigdig ni ng lakas ng mga bansa. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Isa, ang Nag-iisa, ang Tagapagtanggol, ang Sariling-Ganap!

#4460
- Bahá'u'lláh

 

O Diyos, na May-Akda ng Lahat ng Kahayagan, at Pinagmulan ng lahat ng mga Pinagmulan, na Ulong-Bukal ng lahat ng Rebelasyon, at Pinagbubukalan ng lahat ng mga Liwanag! Sumasaksi ako na sa Iyong Pangalan ang langit ng pag-unawa ay pinalamutihan, at ang karagatan ng pananalita ay dumaluyong, at ang mga kaloob ng Iyong pagpapala ay pinalaganap sa mga tagasunod ng lahat ng relihiyon.

Isinasamo ko sa Iyo na payamanin Mo ako nang upang hindi na umasa sa lahat liban sa Iyo, at upang maging malaya ako sa anuman liban sa Iyong Sarili. Paulanin Mo, kung gayon, sa akin buhat sa mga alapaap ng Iyong pagpapala yaong pakikinabangan ko sa bawat daigdig ng Iyong mga daigdig. Tulungan Mo ako, kung gayon sa pamamagitan ng Iyong nagpapalakas na biyaya, upang makapaglingkod sa Iyong Kapakanan sa piling ng Iyong mga tagapaglingkod at nang maipakita ko yaong magtutulot na ako’y maalaala habang nananatili ang Iyong sariling Kaharian at nabubuhay ang Iyong mga sakop.

Ito ang Iyong mga tagapaglingkod, O aking Panginoon, na nagbaling ng kanilang buong katauhan sa sugpungang guhit ng Iyong pagpapala at sa karagatan ng Iyong biyaya at sa langit ng Iyong mga kaloob. Gawin Mo sa akin, kung gayon, ang minamarapat ng Iyong kamahalan, at ng Iyong kaluwalhatian at ng Iyong pagpapala, at ng Iyong biyaya.

Ikaw, sa katotohanan, ang Diyos ng lakas at kapangyarihan, na nakatutugon sa lahat ng nagsisidalangin sa Iyo. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.

#4461
- Bahá'u'lláh

 

O aking Diyos, tulungan Mo ang Iyong mga tagapaglingkod na itaguyod ang Salita, at pabulaanan ang kapalaluan at kasinungalingan, itatag ang katotohanan, ipalaganap ang mga banal na taludtod sa ibayong lugar, ipahayag ang mga kaluwalhatian, at gawin ang liwanag ng umaga na mamitak sa mga puso ng mga matuwid na Kapulungan sa kaitaasan.

Ikaw, sa katunayan, ang Mapagbigay, ang Mapagpatawad.

#4462
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos, aking Diyos! Tulungan Mo ang Iyong pinankakatiwalaang mga tagapaglingkod na magkaroon ng mapagmahal at mahabaging mga puso. Tulungan Mo silang ipalaganap, sa mga bansa sa sangkalupaan, ang liwanag ng patnubay na galing sa Samahan sa Kaitaasan. Sa katunayan, Ikaw ang Matibay, ang Makapangyarihan, ang Napakalakas, ang Sumusugpo sa lahat, ang Laging Nagkakaloob. Sa katunayan, Ikaw ang Mapagbigay, ang Mahinahon, ang Mahabagin, ang Pinakamasagana.

#4463
- `Abdu'l-Bahá

 

Nakikita Mo ako, o aking Diyos, na nakayukod sa kababaan, nagpapakumbaba sa harap ng Iyong mga utos, nagpapasaklaw sa Iyong kapangyarihan, nanginginig sa lakas ng Iyong pamamahala, patakbong lumalayo sa Iyong galit, nagsusumamo sa Iyong pagpapala, umaasa sa Iyong pagpapatawad, nangangatal sa pagkasindak sa Iyong matinding galit. Nagsusumamo ako sa Iyo nang may malakas na tibok ng puso, nang may umaagos na mga luha, at nananabik na kaluluwa at buong pagkawalay sa lahat ng mga bagay, na gawin ang Iyong mga mangingibig na tulad ng silahis ng liwanag sa kalawakanng Iyong mga nasasakupan, at tulungan ang Iyong hinirang na mga tagapaglingkod na parangalan ang Iyong Salita, nang ang kanilang mga mukha ay maging magaganda at maliliwanag na may luningning, nang ang kanilang mga puso ay mapuspos ng hiwaga, nang ang bawat kaluluwa ay maibaba ang pasanin ng kasalanan nito. Pangalagaan sila kung gayon sa mga mananalakay, sa kaniya na nawalan na ng hiya at lapastangan sa Diyos na gumagawa ng kamalian.

Sa katunayan, ang Iyong mga mangingibig ay nauuhaw, O aking Panginoon; akayin sila sa pinagbubukalan ng biyaya at pagpapala. Sa katunayan, sila ay gutom, ipadala Mo sa kanila ang Iyong makalangit nga habag. Sa katunayan, sila ay hubad; bihisan Mo sila sa mga damit ng pagkatuto at kaalaman.

Mga bayani sila, O aking Panginoon, akayin Mo sila sa larangan ng digmaan. Tagapatnubay sila, pasalitain Mo sila nang may mga katuwiran at katibayan. Mga tumutulong na tagapaglingkod sila, mangyaring ipaabot nila sa lahat ng nakalibot ang kopa na punong-puno ng alak ng katiyakan. O aking Diyos, gawin silang manganganta na umaawit sa mga magagandang hardin, gawin silang mga leon na naninirahan sa masukal na lugar, mga balyena na sumisisid sa malawak na kailaliman.

Sa katunayan, Ikaw yaong may walang hanggang pagpapala. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Malakas, ang Makapangyarihan, ang Laging Nagbibigay.

#4464
- `Abdu'l-Bahá

 

O Ikaw na walang kahambing na Diyos! O Ikaw na Panginoon ng Kaharian! Ang mga kaluluwang ito ang Iyong hukbo sa langit. Tulungan sila at sa pamamagitan ng mga pangkat ng Kataas-taasang Kalipunan ay pagtagumpayin sila; upang ang bawat isa sa kanila ay maging tulad ng isang rehimyento at masakop ang mga bansang ito sa pamamagitan ng pag-ibig ng Diyos at pagtanglaw ng mga banal na aral.

O Diyos! Ikaw ang maging tagatangkilik at katulong nila, at sa ilang, sa bundok, sa kalambakan, sa mga gubat, sa malalawak na damuhan at sa mga dagat, Ikaw ang kanilang maging katapatang-lihim—upang sila’y makasigaw sa pamamagitan ng kapangyarihan at hininga ng Banal na Espiritu!

Tunay na Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan at ang Nakababatid ng Lahat, at Ikaw ang Madunong, ang Nakaririnig at ang Nakakikita.

#4465
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos! O Diyos! Nakikita Mo akong nababalani at naaakit sa Iyong kaharian, ang El-Abhá, pinagniningas ng apoy ng Iyong pag-ibig sa sangkatauhan, isang tagapagbalita ng Iyong Kaharian sa malapad at malawak na mga bansang ito, hiwalay sa anuman liban sa Iyo, nananangan sa Iyo, nag-iwan ng kapahingahan at kaginhawahan, malayo sa aking sariling tahanan, isang lagalag sa mga pook na ito, isang dayuhang nabuwal sa lupa, hamak sa harap ng Iyong maluwalhating pintuan, mapagkumbaba sa Iyong pinakamataas na lupain, nagsusumamo sa Iyo sa kalaliman ng gabi at sa pagbubukang-liwayway, namamanhik at nananawagan sa Iyo sa umaga at gabi upang buong giliw na tulungan Mo ako sa paglilingkod sa Iyong Kapakanan, sa pagpapalaganap ng Iyong mga Turo at sa pagluwalhaati sa Iyong Salita sa kabuuan ng Silangan at ng Kanluran.

O Panginoon! Palakasin ang aking likod at pagtibayin ako sa aking paglilingkod na lakip ang lahat kong pagsisikap, at huwag Mo akong iwanang walang kasama, nag-iisa at walang kakayahan sa sa mga rehiyon na ito.

O Panginoon! Pagkalooban ako ng pakikipag-niig sa Iyo sa aking pag-iisa at samahan ako sa aking mga paglalakbay sa banyagang mga lupang ito.

Tunay na Ikaw ang Tagapagpatibay ng sinumang loobin Mo sa anumang Iyong hinahangad, at tunay na Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan sa Lahat.

#4466
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos, O Diyos! Nakikita Mo ang aking kahinaan, kababaan at pagkahamak sa harap ng Iyong mga nilalang; gayon man ay nagtiwala ako sa Iyo at nagbangon sa pagpapalaganap ng Iyong mga Turo sa Iyong malalakas na tagapaglingkod, nananangan sa Iyong lakas at kapangyarihan!

O Panginoon! Ako ay isang ibong may baling bagwis at nagnanais na lumipad dito sa Iyong kalawakang walang hanggan. Paano ko magagawa ito kung hindi sa pamamagitan ng Iyong pamamatnubay at biyaya, ng Iyong pagpapatibay at pagtulong!

O Panginoon! Maawa sa aking kahinaan at palakasin ako sa pamamagitan ng Iyong lakas!

O Panginoon! Maawa sa aking kawalang-kakayahan at tulungan ako sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihan at kamahalan!

O Panginoon! Kung ang mga hininga ng Banal na Espiritu ay magpapatibay sa pinakamahina sa mga nilalang, siya ay makararating sa pinakamataas na himpilan ng kadakilaan at magtatamo ng anumang kaniyang naisin. Tunay, tinulungan Mo ang Iyong mga tagapaglingkod sa nakaraan, at sila ay pinakamahina sa Iyong mga nilalang, pinaka­aba sa Iyong mga tagapaglingkod at pinakawalang-katuturan sa lahat ng nabuhay sa lupa; ngunit sa pamamagitan ng Iyong pagpapahintulot at bisa ay nauna sila sa pinakamaluwalhati sa Iyong mga tao at pinakadakila sa Iyong sangkatauhan. Bagaman sila’y dating tulad ng mga gamu-gamu, sila’y naging maharlikang mga falcon, at bagaman sila’y dating tulad ng mga batis sila’y naging mga dagat. Sa pamamagitan ng Iyong kaloob, Iyong habag at Iyong pinakadakilang pagtatangkilik, sila’y naging mga bituing nagniningning sa sugpungang-guhit ng pamamatnubay, mga ibong nagsisiawit sa mga hardin ng rosas ng kawalang-kamatayan, mga leon na nagsisiatungal sa mga gubat ng kaalaman at karunungan at mga balyenang nagsisilangoy sa mga karagatan ng buhay.

Tunay na Ikaw ang Mapagbigay, ang Malakas, ang Makapangyarihan, ang Pinakamahabagin sa Dilang Maha­bagin!

#4467
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos! O Diyos! Nakikita Mo na ang maitim na karimlan ay kumukubkob sa lahat ng pook, lahat ng bansa ay nasisilab sa sunog ng kasuwailan at ang apoy ng digmaan at pagpatay ay nagsiklab sa mga silangan ng lupa at mga kanluran niyon. Ang dugo ay nabububo, at ang mga bangkay ay nagratay sa lupa at ang mga pugot na ulo ay nagsibagsakan sa alabok ng larangan ng digmaan.

O Panginoon! Magdalang-habag sa mga walang muwang na ito, itunghay sa kanila ang mata ng pagpapaumanhin at pagpapatawad. Subhan ang apoy na ito upang ang mapapanglaw na ulap na nakatakip sa sugpungang guhit ay maikalat; ang Araw ng Katotohanan ay makasikat na taglay ang mga sinag ng pagkakasundo; ang karimlang ito ay mapunit at lahat ng bansa ay matanglawan ng mga liwanag ng kapayapaan.

O Panginoon! Hanguin sila buhat sa mga kalaliman ng dagat ng pagkamuhi at pakikipag-away, at iligtas sila sa di mapasok na kadilimang ito, pagkaisahin ang kanilang mga puso at liwanagan ang kanilang mga mata sa pamamagitan ng ilaw ng kapayapaan at pagkakasundo.

O Panginoon! Iligtas sila buhat sa mga kalaliman ng digmaan at pagdanak ng dugo, at palayain sila buhat sa dilim ng pagkakamali, punitin ang lambong sa kanilang mga mata, paningningin ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng liwanag ng pamamatnubay, pakitunguhan sila sa pamamagitan ng Iyong masuyong habag at pakikiramay, at sila’y huwag pakitunguhan ayon sa Iyong katarungan at galit na pinangatal ang mga kamay at paa ng mga makapangyarihan!

O Panginoon! Tunay na ang mga digmaan ay tumagal, ang mga kapahamakan ay dumami, at bawat gusali ay naaguho.

O Panginoon! tunay na ang mga dibdib ay balisa at ang mga kaluluwa ay namimilipit sa sakit. Mahabag sa mga kaawa-awang mga kaluluwa na ito at huwag silang pabayaan sa mga kalabisan ng kanilang sariling mga kagustuhan!

O Panginoon! Gawing hayag sa Iyong mga bansa ang mapagkumbaba at mapagpahinuhod na mga kaluluwa, ang kanilang mga mukha ay naliliwanagan ng mga sinag ng pamamatnubay, hiwalay sa daigdig, dinadakila ang Iyong Pangalan, bumibigkas ng Iyong papuri, at nagpapalaganap ng Iyong mga banal na kabanguhan sa sangkatauhan!

O Panginoon! Palakasin ang kanilang mga likod, palakasin ang kanilang mga balakang at papintigin ang kanilang mga puso sa mga tanda ng Iyong pinakadakilang pag-ibig.

O Panginoon! Tunay na sila’y mahina at Ikaw ang Malakas at Makapangyarihan; at sila’y walang kakayahan at Ikaw ang Tumutulong at ang Mahabagin!

O Panginoon! Tunay na ang dagat ng pagsalansang ay umaalon nang mataas at ang mga unos na ito ay hindi mapapayapa liban sa pamamagitan ng Iyong walang hanggang biyaya na sumasaklaw sa lahat ng mga dako!

O Panginoon! Tunay na ang mga tao ay nasa malalim na bangin ng pagnanasa at walang makapagliligtas sa kanila liban sa Iyong walang hanggang mga pagpapala.

O Panginoon! Pawiin ang mga karimlan nitong balakyot na mga hangarin at liwanagan ang mga puso ng tanglaw ng Iyong pag-ibig, na nagbibigay ng liwanag sa lahat ng mga bansa. Pagtibayin, gayundin, ang Iyong mga minamahal, yaon na lumisan sa kanilang mga bansa, sa kanilang mga pamilya, at sa kanilang mga anak, naglalakbay sa mga banyagang lupa nang dahil sa pag-ibig sa Iyong kagandahan, sa pagkakalat ng Iyong mga kabanguhan, at sa pagpapalaganap ng Iyong mga turo. Ikaw ang maging kasama nila sa kanilang pangungulila, katulong nila sa isang banyagang lupa, tagapawi ng kanilang kalungkutan, kanilang tagaaliw sa kalamidad. Ikaw ay maging tagatighaw ng kanilang pagkauhaw, tagapagpagaling ng kanilang karamdaman at pang-alo ng apoy ng kanilang paghahangad.

Tunay na Ikaw ang Pinaka Bukas Palad, ang Panginoon ng Masaganang Biyaya, at tunay na Ikaw ang Madamayin at ang Mahabagin.

#4468
- `Abdu'l-Bahá

 

O Ikaw na maawaing Panginoon! Purihin Ka sa pagpapakita Mo sa amin ng malawak na daan ng pamamatnubay, sa pagbubukas sa mga pinto ng Kaharian at sa pagpapahayag ng Iyong sarili sa pamamagitan ng Araw ng Katotohanan. Sa bulag ay nagkaloob Ka ng paningin; sa bingi ay nagbigay Ka ng pandinig; muli Mong binuhay ang patay; pinayaman Mo ang mahirap; ipinakita Mo ang daan sa mga naligaw; inakay Mo yaong may mga tigang na labi tungo sa bukal ng pamamatnubay; pinahintulutan Mong ang nauuhaw na isda ay makarating sa karagatan ng katotohanan at inanyayahan Mo ang nagsisigalang ibon sa halamanan ng rosas ng biyaya.

O Ikaw na Makapangyarihan sa Lahat! Kami ay Iyong mga tagapaglingkod at Iyong mga dukha! Kami ay malayo at nagnanais na makasama Ka; kami’y nauuhaw sa tubig ng Iyong bukal; kami’y may sakit, nagnanais ng Iyong pagpapagaling. Kami’y lumalakad sa Iyong landas at walang layunin o pag-asa kundi ang maikalat ang Iyong mga kabanguhan upang ang mga kaluluwa ay isigaw ang: “O Diyos! Akayin kami sa tuwid na landas!” Nawa’y buksan nila ang kanilang mga mata sa pagmalas sa mga liwanag at maging malaya sila sa karimlan ng kamangmangan! Nawa’y lumakad silang palibot sa ilaw ng pamamatnubay! Nawa’y ang bawat walang bahagi ay tumanggap ng isang bahagi. Nawa’y ang mga pinagkaitan ay maging mga katapatang-lihim ng Iyong mga hiwaga!

O Makapangyarihan sa Lahat! Itunghay sa amin ang sulyap ng kahabagan! Pagkalooban kami ng makalangit na pagpapatibay! Ipagkaloob sa amin ang mga hininga ng banal na Espiritu, upang matulungan kami sa paglilingkod sa Iyo at tulad ng maningning na mga bituin ay sumikat kami sa mga pook na yaon sa liwanag ng Iyong pamamatnubay. Tunay, Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan, at Ikaw ang Madunong at ang Nakakikita!

#4469
- `Abdu'l-Bahá

 

O aking Diyos! O aking Diyos! Nakikita Mo ako sa aking kababaan at kahinaan, na abala sa pinakadakilang Gawain, nagtitikang itaas ang Iyong salita sa mga karamihan at ikalat ang Iyong mga turo sa Iyong mga tao. Paano ako magtatagumpay kung hindi Mo ako tutulungan sa pamamagitan ng hininga ng Banal na Espiritu, tulungan akong magtagumpay sa pamamagitan ng mga hukbo ng Iyong maluwalhating kaharian, at paulanin sa akin ang Iyong mga pagpapatibay, na sila lamang ang makapagpapabago ng niknik upang maging isang agila, isang patak ng tubig upang maging mga ilog at mga dagat, at ng isang atomo upang maging mga liwanag at mga araw? O aking Panginoon! Tulungan ako sa pamamagitan ng Iyong matagumpay at mabisang lakas, nang sa gayon ang dila ko ay bumigkas ng Iyong mga papuri at mga katangian sa lahat ng mga tao at ang kaluluwa ko ay umapaw sa alak ng Iyong pag-ibig at kaalaman.

Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat at ang Gumagawa ng anumang ninanais Mo.

#4470
- `Abdu'l-Bahá

 

O Panginoon, aking Diyos! Ang papuri at pasasalamat ay suma-Iyo dahil sa pinamtnubayan Mo ako sa malawak na daan ng Kaharian, pinahintulutan akong lumakad sa tuwid at mahabang landas na ito, niliwanagan ang aking mata sa pagkamalas ng mga karingalan ng Iyong liwanag, hinayaan akong makinig sa mga awitin ng mga ibon ng kabanalan buhat sa Kaharian ng mga Hiwaga at inakit ang aking puso sa Iyong Pag-ibig sa piling ng mga nasa katuwiran.

O Panginoon! Pagtibayin ako sa Banal na Espiritu, upang makatawag ako sa Iyong Pangalan sa mga bansa at makapagbigay ng masasayang balita ng paghahayag ng Iyong Kaharian sa palibot ng mga tao.

O Panginoon! Ako ay mahina, palakasin ako ng Iyong lakas at kakayahan. Ang aking dila ay nauumid, pahintulutang mausal ko ang paggunita at pagpuri sa Iyo. Ako ay aba, parangalan ako sa pamamagitan ng pagpasok sa Iyong Kaharian. Ako ay nalalayo, hayaang makalapit ako sa pintuan ng Iyong pagkamahabagin. O Panginoon! Gawin akong isang makinang na ilawan at isang maningning na bituin at isang pinagpalang punong kahoy, napapalamutian ng mga bunga, ang mga sanga ay nakalilim sa lahat ng pook! Tunay, Ikaw ang Makapangyarihan, ang Malakas at ang Di-mapipigilan!

#4471
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos, O Diyos! Ito ay isang ibong may baling bagwis at ang kaniyang paglipad ay napakabagal—tulungan siya upang makalipad tungo sa tugatog ng kasaganaan at pagkaligtas, bigyang bagwis siya sa kaniyang landas na lakip ang pinakasukdulang tuwa at kaligayahan sa walang hangganang kalawakan, itaas ang kaniyang awitin sa Iyong Kataas-taasang Pangalan sa lahat ng pook, pasiglahin ang mga tainga sa tawag na ito, at paningningin ang mga mata sa pagkamalas sa mga tanda ng pamamatnubay!

O Panginoon! Ako’y walang kasama, nag-iisa at aba. Para sa akin, walang gabay kundi Ikaw, walang katulong liban sa Iyo at walang tagapagtaguyod kundi Ikaw. Pagtibayin ako sa paglilingkod sa Iyo, tulungan ako sa pamamagitan ng mga pangkat ng Iyong mga anghel, pagtagumpayin ako sa pagpapalaganap ng Iyong Salita at itulot na maisaysay ko ang Iyong kadunungan sa Iyong mga nilalang. Tunay, Ikaw ang tagapagkupkop ng mga dukha at tagapagtanggol ng mga mumunti, at tunay na Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan at ang Di-mapipigilan!

#4472
- `Abdu'l-Bahá

 

Luwalhatiin Ka, O aking Diyos! Ito ay Iyong mga tagapaglingkod, na naakit ng mga kabanguhan ng Iyong pagkamahabagin, pinagningas ng apoy na naglalagablab sa punung-kahoy ng Iyong pagiging nag-iisa at ang kanilang mga mata ay pinakinang ng pagkamalas sa kaluningningan ng liwanag na kumi­ kislap sa Sinai ng Iyong pagkaisa!

O Panginoon! Pakawalan ang kanilang mga dila sa paggunita sa Iyo sa nakapalibot sa Iyong mga tao; tulutang maisaysay nila ang Iyong kapurihan sa pamamagitan ng Iyong pagtatangkilik at biyaya, tulungan sila sa pamamagitan ng mga pangkat ng Iyong mga anghel, palakasin ang kanilang mga balakang sa paglilingkod sa Iyo at gawin silang mga tanda ng Iyong pamamatnubay sa Iyong mga nilalang!

Tunay, Ikaw ang Malakas, ang Maluwalhati, ang Tagapagpatawad at ang Mahabagin!

#4473
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos, aking Diyos! Nakikita Mo ang mahinang ito na namamalimos ng makalangit na lakas sa Iyong Kaharian! Ang dukhang ito na humihiling ng mga kayamanan sa Iyong langit! Ang nauuhaw na ito na nagnanais ng bukal ng walang hanggang buhay! Ang maysakit na ito na nananabik sa Iyong ipinangakong pagpapagaling sa pamamagitan ng Iyong walang hanggang kahabagan, na itinalaga Mo para sa Iyong mga piling tagapaglingkod sa Iyong Kataas-taasang Kaharian.

O Panginoon! Wala akong ibang katulong liban sa Iyo, walang kanlungan liban sa Iyo at walang ibang tagapagtaguyod maliban sa Iyo. Tulungan Mo ako sa pamamagitan ng Iyong mga anghel sa pagkakalat ng Iyong mga banal na kabanguhan at sa pagpapalaganap ng Iyong mga turo sa pinakapili sa Iyong mga tao!

O aking Panginoon! Tulutang makakalas ako sa anuman liban sa Iyo, makapangapit nang mahigpit sa laylayan ng Iyong biyaya; gawin akong matapat sa Iyong pananampalataya, matatag sa Iyong pag-ibig at namumuhay nang alinsunod sa iniutos Mo sa Iyong Aklat.

Tunay, Ikaw ang Malakas, ang Ma­kapangyarihan at Pinakamabisa.

#4474
- `Abdu'l-Bahá

 

Pangangalaga

Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Nakikita Mo ako at nababatid na tumawag ako sa Iyong mga tagapaglingkod upang sila’y huwag magbaling kahit saan liban sa kinaroroonan ng Iyong mga kaloob, at inatasan ko silang huwag gumawa ng anuman liban sa mga bagay na itinakda Mo sa Iyong malinaw na Aklat, ang Aklat na ipinapanaog ayon sa Iyong di malirip na kautusan at di-mababaling layunin.

Wala akong mabibigkas na salita, O aking Diyos, liban sa kung ako’y pahintulutan Mo, at hindi ako makatutungo saanman liban sa kung ako’y magtamo ng Iyong pagpapatibay, Ikaw, O aking Diyos, ang tumawag sa akin upang mabuhay sa pamamagitan ng lakas ng Iyong kapangyarihan, at pinuspos ako ng Iyong biyaya upang maipahayag ang Iyong Kapakanan. Sa gayon ako’y pinalasap ng gayong mga paghihirap na ang aking dila ay napigil sa pagpupuri sa Iyo at pagdadakila sa Iyong kaluwalhatian.

Lahat ng papuri ay mapasa-Iyo, O aking Diyos, dahil sa mga bagay na iniatas Mo para sa akin sa pamamagitan ng Iyong kautusan at ng lakas ng Iyong kapangyarihan. Isinasamo ko sa Iyo na ang aking sarili at silang nagmamahal sa akin ay pagtibayin Mo sa aming pag-ibig sa Iyo, at panatilin kaming matatag sa Iyong Kapakanan. Sumusumpa ako sa Iyong kapangyarihan! O aking Diyos! Ang kahihiyan ng Iyong tagapaglingkod ay ang matakpan ng waring isang lambong mula sa Iyo at ang kaniyang luwalhati ay ang makilala Ka. Nasasandatahan ng lakas ng Iyong Pangalan, walang anumang makasasakit sa akin, at dahil angkin ko ang Iyong pag-ibig sa aking puso lahat ng dusa ng daigdig ay hindi makapagdudulot sa akin ng pangamba.

Ihulog Mo, kung gayon, O Panginoon ko, sa akin at sa aking mga mahal yaong makapag-aadya sa amin sa kasamaan ng mga tumanggi sa Iyong katotohanan at hindi nanampalataya sa Iyong mga tanda. Tunay na Ikaw ang Maluwalhati sa Lahat, ang Pinakamapagpala.

#4480
- Bahá'u'lláh

 

Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Ito ay Iyong tagapaglingkod na uminom buhat sa mga kamay ng Iyong biyaya ng alak ng Iyong masuyong kahabagan, at nakatikim ng tamis ng Iyong pag-ibig sa Iyong mga araw. Isinasamo ko sa Iyo sa mga kumakatawan sa Iyong mga pangalan na hindi mapipigilan ng anumang dalamhati sa pagdiriwang sa Iyong pag-ibig o sa pagmamalas sa Iyong mukha, at walang kakayahan ang lahat ng mga kawan ng mga pabaya na ilihis sila buhat sa landas na Iyong ikinasisiya, na pagkakalooban Mo siya ng mabubuting bagay na inaangkin Mo, at dalhin Mo siya sa kataasan upang buhat doon ay maituring niya ang daigdig na isang aninong nawawala nang mabilis pa sa isang kisapmata.

Ingatan Mo rin siyang ligtas, O aking Diyos, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iyong di-masukat na kamahalan, mula sa lahat ng Iyong kinasusuklaman. Tunay na Ikaw ang kaniyang Panginoon at ang Panginoon ng lahat ng daigdig.

#4481
- Bahá'u'lláh

 

O Diyos, aking Diyos! Ako ay lumabas buhat sa aking tahanan, na nakahawak nang mahigpit sa kuldon ng Iyong pag-ibig, at inilaan kong ganap ang aking sarili sa Iyong pag-iingat at sa Iyong pagtatanggol. Isinasamo ko sa Iyo, sa Iyong kapangyarihang ginamit Mo sa pagtatanggol sa Iyong mga minamahal laban sa nangaligaw at masasama, at sa bawat mapaghimagsik na manlulupig, at sa bawat nagsisigawa ng masama na nagsilayo sa Iyo, na ingatan akong ligtas sa pamamagitan ng Iyong pagpapala at ng Iyong biyaya. Loobin Mong makauwi ako sa aking tahanan sa pamamagitan ng Iyong lakas at kapangyarihan. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-ganap.

#4482
- Bahá'u'lláh

 

Iukol sa akin, O aking Panginoon, at sa mga naniniwala sa Iyo, ang siyang ipinalagay Mong pinakamabuti para sa amin sa Iyong paningin, sang­ayon sa nakasaad sa Inang-Aklat, dahil sa hawak ng Iyong kamay ay natatanganan Mo ang tiyak na sukat ng lahat ng mga bagay.

Ang Iyong mabubuting mga kaloob ay walang-patid na umaambon sa kanilang mga nagmamahal sa Iyong pag-ibig, at ang kamangha-manghang mga tanda ng Iyong makalangit na mga biyaya ay labis na ipinagkaloob sa kanilang mga kumikilala sa Iyong banal na Kaisahan. Ipinauubaya namin sa Iyong pag-iingat ang anumang nakatakda para sa amin, at nagsusumamo sa Iyo na ipagkaloob sa amin ang lahat ng kabutihan na sinasaklawan ng Iyong kaalaman.

Ipag-adya Mo ako, O aking Panginoon, sa lahat ng kasamaan na nababatid ng Iyong walang hanggang kaalaman, dahil sa walang kapangyarihan o lakas maliban sa Iyo, walang tagumpay ang darating maliban kung naroon Ka, at nasa Iyo lamang ang mag-utos. Ang anumang ginusto ng Diyos ay natupad, at ang anumang hindi Niya ginusto ay hindi matutupad.

Walang Kapangyarihan o lakas mali­ ban sa Diyos, ang Pinakamataas, ang Pinakamakapangyarihan.

#4483
- The Báb

 

Luwalhatiin Ka, O Diyos! Ikaw ang Diyos na umiral bago pa ang lahat, Siya na iiral paglipas ng lahat ng mga bagay at mananatili lagpas sa lahat ng mga bagay. Ikaw ang Diyos na nakaaalam sa lahat ng mga bagay at pinakamataas sa lahat ng mga bagay. Ikaw ang Diyos na nakikitungo nang may awa sa lahat ng mga bagay, na humahatol at namamagitan sa lahat ng mga bagay at Siyang ang pananaw ay sumasaklaw sa lahat ng mga bagay. Ikaw ang Diyos at aking Panginoon, alam Mo ang aking panloob at panlabas na anyo.

Idulot Mo ang Iyong pagpapatawad sa akin at sa mga mananampalataya na tumanggap sa Iyong Tawag. Ikaw sana ang maging aking sapat na katulong laban sa masamang gawain ng sinumang magnais na magdulot ng pighati sa akin, o maghangad ng masama sa akin. Sa katunayan, Ikaw ang Panginoon ng Lahat ng mga nilalang. Sapat Ka kanino man, subalit walang sinuman ang makasasapat sa sarili nang wala Ka.

#4484
- The Báb

 

Sa Ngalan ng Diyos, ang Panginoong may nag-uumapaw na kamaharlikaan, at Nananaig sa Lahat. Sambahin ang Panginoon na nasa Kaniyang kamay ang pinanggagalingan ng kapangyarihan. Nililikha Niya anuman ang Kaniyang gustuhin sa pamamagitan ng utos ng Kaniyang Salita “maging” at tupad na ito. Laging nasa Kanya ang lakas ng kapangyarihan ngayon at kailanman, at ito ay mananatili sa Kaniya magpakailanman. Kaniyang pinagtatagumpay ang sinumang Kaniyang kinasisiya, sa bisa ng Kaniyang kagustuhan. Siya sa katotohanan ang Pinakamalakas, ang Makapangyarihan sa Lahat. Para sa Kaniya nauukol lahat ng luwalhati at makamaharlikaan sa mga kaharian ng Rebelasyon at Sangnilikha at anumang nasa pagitan nito. Sa katunayan, Siya ang Mabisa, ang Maluwalhati sa Lahat. Mula sa walang hanggan Siya na ang Pinanggagalingan ng di-mapasukong lakas at mananatiling ganito hanggang sa walang hanggan. Siya sa katunayan ang Panginoon ng lakas at kapangyrihan. Lahat ng mga kaharian ng langit at lupa at anupang nasa pagitan nito ay sa Diyos, at ang Kaniyang lakas ay nakatataas sa lahat ng mga bagay. Lahat ng mga kayamanan ng lupa at langit at lahat ng nasa pagitan nito ay Kaniya, at ang Kaniyang pangangalaga ay umaabot sa lahat. Siya ang Lumikha ng mga langit at ng lupa at anupamang nasa pagitan nito, at Siya sa katunayan ay saksi sa ibabaw ng lahat ng mga bagay. Siya ang Panginoon ng Pagtutuos para sa lahat ng naninirarahan sa mga langit at sa lupa at anumang nasa pagitan nito, at sa katunayan ang Diyos ay mabilis humatol. Siya ang naglalagay ng takdang sukat sa lahat ng nasa mga langit at lupa at anumang nasa pagitan nito. Sa katunayan, Siya ang Pinakamataas na Tagapangalaga. Hawak Niya sa Kaniyang mga kamay ang mga susi ng langit at lupa at ng anupamang nasa pagitan nito. At sa Sarili Niyang pasiya ay nagkakaloob Siya ng mga biyaya, sa lakas ng Kaniyang utos. Sa katunayan ang Kaniyang pagpapala ay sumasaklaw sa lahat, at Siya ang nakaaalam ng Lahat. Sabihin ang Diyos at sapat sa akin; Siya Yaong humahawak sa Kanyang mga kamay ang kaharian ng lahat ng mga bagay. Sa kapangyarihan ng Kaniyang mga hukbo ng langit at lupa at anupamang nasa pagitan nito, kinakalinga Niya ang sinumang nais Niya sa Kaniyang mga tagapaglingod. Ang Diyos, sa katotohanan, ay sumusubaybay sa lahat ng mga bagay.

Di-masukat ang Iyong kadakilaan, O Panginoon! Pangalagaan Mo kami doon sa nasa harapan namin at nasa likuran namin, nasa ibabaw ng aming mga ulo, nasa aming kanan, nasa aming kaliwa, nasa ilalim ng aming mga paa at lahat ng iba pang panig na kami ay nakalantad. Sa katunayan, ang Iyong kalinga sa lahat ng mga bagay ay hindi mabibigo.

#4485
- The Báb

 

O Diyos, aking Diyos! Ipagsanggalang ang Iyong pinagkakatiwalaang mga tagapaglinkod mula sa mga kasamaan ng sarili at mapusok na damdamin, pangalagaaan sila ng mapagmasid na mata ng Iyong mapagmahal na kahabagan laban sa lahat ng poot, pagkamuhi at inggit, kupkupin sila sa matibay na kuta ng Iyong Pangangalaga, at nang ligtas sa mga palaso ng paghihinala, sila ay gawing mga kapahayagan ng Iyong maluwalhating mga tanda, liwanagan ang kanilang mga mukha ng maningning na sinag na isinasabog ng Pamimitak ng Iyong banal na Kaisahan, bigyang-galak ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng mga taludtod na ipinahayag mula sa Iyong banal na Kaharian, palakasin ang kanilang mga balakang sa pamamagitan ng Iyong walang-makahahadlang na kapangyarihang nagmumula sa Iyong Kaharian ng kaluwalhatian. Ikaw ang Mapagpala sa Lahat, ang Tagapagtanggol, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya!

#4486
- `Abdu'l-Bahá

 

O aking Panginoon, batid Mo na ang mga tao ay nalilibot ng dusa at kapahamakan at naliligid ng mga hirap at bagabag. Bawat pagsubok na sumasapit sa tao at bawat mahigpit na pakikipagtunggali ay dumarating sa kaniya na tulad ng pagsalakay ng isang ahas. Walang lilim at kanlungan para sa kaniya liban sa ilalim ng pakpak ng Iyong pangangalaga, pagtatanggol, pagtatanod at pagkupkop.

O Ikaw, ang Siyang Mahabagin! O aking Panginoon! Ang Iyong pangangalaga ay gawin Mong aking kalasag, ang Iyong pagtatanggol ay aking panangga, ang kababaang-loob sa harap ng pintuan ng Iyong kaisahan ay aking tanod, at ang Iyong pag-aampon at pagtatanggol ay aking moog at aking tahanan. Iligtas Mo ako sa mga adyok ng aking sarili at pagnanasa, at ipag-adya Mo ako sa bawat pagkakasakit, pagsubok, kahirapan at pagdurusa.

Tunay na Ikaw ang Tagapagtanggol, ang Tagapag-ampon, ang Tagapagligtas, ang Tagapagbigay nang Sapat, at tunay na Ikaw ang Mahabagin sa Pinakamahabagin.

#4487
- `Abdu'l-Bahá

 

Papuri At Pasasalamat

Lahat ng papuri, O aking Diyos ay suma-Iyo nawa, Ikaw na Pinagmumulan ng lahat ng kaluwalhatian at kamahalan, ng kadakilaan at karangalan, ng paghahari at pamumuno, ng kataasan at biyaya, ng pagkamangha at kapangyarihan. Sinumang marapatin Mo ay niloloob Mong mapalapit sa Pinakadakilang Karagatan at sinumang naisin Mo ay pinagkalooban Mo ng karangalang makilala ang Iyong Lubhang Napakatandang Pangalan. Sa lahat ng nasa langit at lupa, walang sinumang makatututol sa pagsasakatuparan ng Iyong makapangyarihang Kalooban. Buhat sa lahat ng walang-hanggan ay pinamahalaan Mo ang buong santinakpan, at magpakailan man ay magpapatuloy Kang mamahala sa lahat ng kinapal. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamaluwalhati, ang Malakas sa Lahat, and Marunong sa Lahat.

Tanglawan, O Panginoon, ang mga mukha ng Iyong mga tagapaglingkod, upang mamalas Ka nila; at linisin ang kanilang mga puso upang sila’y manumbalik sa liwasan ng Iyong mga panlangit na pagtatangkilik, at makilala nila Siya na Kapahayagan ng Iyong Sarili at Araw Bukal ng Iyong Diwa. Tunay na Ikaw ang Panginoon ng lahat ng daigdig. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Di-napipigilan, ang Nakasasakop sa Lahat.

#4488
- Bahá'u'lláh

 

Sa Pangalan ng Diyos, ang Kataas-taasan! Purihin at luwalhatiin Ka, Panginoon, Diyos na Makapangyarihan sa Lahat! Ikaw na sa harap ng Iyong kadunungan ang madunong ay hindi nakapantay at nabigo, sa harap ng Iyong kaalaman ang marunong ay umamin ng kaniyang kamangmangan, sa harap ng Iyong lakas ang malakas ay nanghina, sa harap ng Iyong kasaganaan ang mayaman ay sumasaksi sa kaniyang kahirapan, sa harap ng Iyong liwanag ang naliliwanagan ay nawawala sa karimlan, tungo sa dambana Iyong kaalaman ay bumaling ang diwa ng lahat ng pag-unawa at palibot ng santuwaryo ng Iyong kinaroroonan ay umiikot ang mga kaluluwa ng sangkatauhan.

Paano ko maaawit, kung gayon, at masasabi ang Iyong Diwa, yamang ang dunong ng madudunong at ang kaalaman ng mga maaalam ay nabigong maunawaan ito, yamang hindi magagawang awitin ng sinumang tao yaong hindi niya nauunawaan, ni hindi maisasaysay yaong hindi niya naaabot, samantalang buhat pa sa walang hanggan Ikaw ay yaon nang Di-Naaabot, ang Di-Malirip. Bagaman ako’y walang lakas na maka­akyat sa mga langit ng Iyong kaluwalhatian at makalipad sa mga pook ng Iyong kaalaman, ang tangi kong magagawa ay isaysay ang mga sagisag na nagbabadya ng Iyong kahanga-hangang gawa.

Saksi ang Iyong Kaluwalhatian! O Minamahal ng lahat ng puso, Ikaw na nag-iisang nakapagpapatahimik sa kabalisahan ng paghahangad sa Iyo! Kahiman ang lahat ng mananahan sa langit at lupa ay nagkaisang lumuwalhati sa pinakamaliit sa Iyong mga tanda, na pinagpahayagan Mo ng Iyong Sarili, sila’y mabibigo pa rin, gaano pa kaya sa pagpuri sa Iyong banal na Salita, ang lumalang sa lahat ng Iyong mga sagisag Lahat ng papuri at pagluluwalhati ay suma-Iyo nawa, Ikaw na kung kanino ang lahat ng mga bagay ay sumasaksi na Ikaw ay iisa at walang iba pang Diyos liban sa Iyo, Ikaw na mula pa sa kawalang hanggan ay higit na dakila kaysa lahat ng kapantay o katulad at hanggang sa kailanman ay mananatiling gayon. Lahat ng mga hari ay mga tagapaglingkod Mo lamang at lahat ng nilalang, nakikita man o di nakikita ay tulad ng hindi umiiral sa Iyong harapan. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Magiliw, ang Makapangyarihan, ang Kataas-taasan.

#4489
- Bahá'u'lláh

 

Dumakila nawa ang Iyong Pangalan, O Panginoon kong Diyos! Ikaw yaong sinasamba ng lahat ng bagay at yaong walang sinasambang sinuman, ang Panginoon ng lahat ng bagay at hindi tagasunod ng sinuman, ang nakababatid ng lahat ng bagay at hindi batid ng sinuman. Ninais Mong ipakilala ang Iyong sarili sa mga tao; kung kaya sa pamamagitan ng isang salita ng Iyong bibig, nilalang Mo ang mga kinapal at nilikha ng daigdig. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Manlilikha, ang Maykapal, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Pinakamalakas.

Isinasamo ko sa Iyo, sa salitang ito na nagninging sa itaas ng sugpungang-guhit ng Iyong kalooban, na tulutan Mong makainom akong mabuti sa mga buhay na tubig na ibinuhay Mo sa mga puso ng Iyong mga pinili at bumuhay sa mga kaluluwa ng mga umiibig sa Iyo, nang magawa ko, sa lahat ng sandali at sa lahat ng kalagayan, na ganap na maibaling ang aking mukha sa Iyo.

Ikaw ang Diyos ng lakas, ng kaluwalhatian at pagpapala. Walang Diyos liban sa Iyo, Ikaw ang Pinakamataas na Tagapamahala, ang Pinakamaluwalhati sa Lahat, ang Marunong sa Lahat.

#4490
- Bahá'u'lláh

 

Purihin Ka nawa, O Panginoon kong Diyos! Sa bawat sandaling sinusubukan kong banggitin Ka, napipigilan ako sa karilagan ng Iyong kahayagan at sa nakapupuspus na kadakilaaan ng Iyong kapangyarihan. Dahil kung pupurihin Kita sa buong kahabaan ng Iyong kaharian at sa buong panahon ng Iyong kapangyarihan, matutuklasan ko na ang pagpuri ko sa Iyo ay angkop lamang doon sa nakakatulad ko na sila man ay Iyong nilikha sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iyong kautusan at hinubog sa pamamagitan ng Iyong kagustuhan. At sa anumang sandali ang aking panulat ay maghadog ng luwalhati sa isa man sa Iyong mga pangalan, pakiwari ay naririnig ko ang tinig ng kaniyang paghihinagpis dahil sa kalayuan nito sa Iyo, at nakikilala ko ang kaniyang panaghoy dahil sa kaniyang pagkakawalay sa Iyong Sarili. Sumasaksi ako na ang lahat ng bagay maliban sa Iyo ay pawang nilalang Mo at hawak sa palad ng Iyong kamay. Na tinanggap Mo ang anumang kilos o papuri na galing sa Iyong nilikha ay palatandaan lamang ng Iyong mga kahanga-hangang biyaya at maraming pagpapala, at isang kahayagan ng Iyong kagandahang-loob at kalinga.

Sumasamo ako sa Iyo, O aking Panginoon, sa Iyong Pinakadakilang Pangalan na sa pamamagitan nito ay inihiwalay Mo ang liwanag sa apoy, ang katotohanan sa pagtatakwil, na ipadala sa akin at doon sa aking minamahal mga na aking kasama ang mabuti dito sa daigdig at sa susunod. Pagkalooban kami, kung gayon, ng Iyong mga kahanga hangang biyaya na natatago mula sa mga mata ng tao. Ikaw ay, sa katunayan, ang Tagahu­ bog ng lahat ng nilikha. Walang Diyos maliban sa Iyo, ang Makapangyarihan, ang Pinakamataas.

#4491
- Bahá'u'lláh

 

Lahat ng kamaharlikaan at kaluwalhatian, O aking Diyos, at lahat ng pamamahala at liwanag at kadakilaan at kaningningan ay suma-Iyo. Ipinagkakaloob Mo ang kapangyarihan sa kanino mang Iyong gustuhin at ipinagkakait ito sa sinumang Iyong naisin. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Nag-aangkin ng Lahat, ang Pinakadakila. Ikaw yaong lumikha mula sa kawalan ng santinakpan at lahat ng naninirahan dito. Walang karapat-dapat sa Iyo maliban sa Iyong Sarili, samantalang ang lahat maliban sa Iyo ay mga itinakwil sa Iyong harapan at mga walang halaga kung ihahambing sa luwalhati ng Iyong Sarili.

Malayo para sa akin na parangalan ang Iyong mga katangian maliban sa mga yaong pinarangalan ng Iyong sarili sa Iyong matimbang na Aklat na dito ay Iyong sinabi, “Walang nakauunawa sa Kaniya, ngunit nauunawaan Niya ang lahat. Siya ang Mahiwaga, ang Nakadarama sa Lahat.” Luwalhatiin Ka, O aking Diyos, tunay na walang isip o pananaw, na gaanumang katalas o lubos na maingat, ay kailanman mauunawaan ang sariling katangian, ng pinaka walang halaga sa Iyong mga tanda. Sa katunayan, Ikaw ang Diyos, walang ibang Diyos maliban sa Iyo. Ako ay sumasaksi na Ikaw at Ikaw lamang ang tanging nagpapahayag ng Iyong mga katangian, na walang pagpuri ng sinuman maliban sa Iyo ay nakaabot sa Iyong banal na korte o ang Iyong mga katangian ay maarok ninoman maliban sa Iyong Sarili.

Luwalhatiin Ka, hindi maabot ninoman na ilarawan Ka maliban sa Iyong Sarili, dahil labas sa kakayahan ng tao na mabigyan ng karapat-dapat na halaga ang Iyong mga kabutihan o umunawasa kaibuturang realidad ng Iyong Diwa. Hindi maangkop sa Iyong kaluwalhatian na ang mga nilikha ay ilarawan Ka o sinuman maliban sa Iyo ay kailanman makauunawa sa Iyo. Nakilala Kita, O aking Diyos sa dahilan na ginawa Mong makilala Kita, sapagkat kung hindi Mo ipinahayag ang Iyong Sarili sa akin hindi maaaring makilala Kita. Sumasamba ako sa Iyo dahilan sa Iyong pagtawag sa akin, sapagkat kung hindi sa Iyong mga tawag ay hindi ako sasamba sa Iyo.

#4492
- The Báb

 

Sangkatauhan

Aking Diyos, na dinadalanginan ko at sinasamba! Saksi ako sa Iyong kaisahan at sa Iyong pagkaisa, at kinikilala ko ang Iyong mga kaloob, sa nakaraan at sa kasalukuyan. Ikaw ang Mapagpala sa Lahat, na ang nag-uumapaw na mga ulan ay pumatak sa matataas at gayon din sa mabababang lugar, at ang ningning ng Iyong biyaya ay nasabog sa mga masunurin at gayon din sa mga mapaghimagsik.

O Diyos ng habag, na sa Iyong pintuan ay yumukod ang pinakabuod ng habag, na sa paligid ng santuwaryo ng Iyong Kapakanan ay nakapalibot ang mapagmahal na kahabagan sa pinakabuod na diwa nito, ipinamamanhik ko sa Iyo, lakip ang pagsamo sa Iyong dati nang biyaya at ang paglapit sa Iyong kasalukuyang pagtatangkilik, na magkaroon Ka sana ng habag sa lahat ng kapahayagan ng daigdig ng buhay, at huwag ipagkait sa kanila ang mga taglay ng Iyong biyaya sa Iyong mga araw.

Lahat ay dukha at nangangailangan, at tunay na Ikaw ang May-ari ng Lahat, ang Nakasasakop sa Lahat, ang Makapangyarihan sa Lahat!

#4493
- Bahá'u'lláh

 

O Ikaw na mahabaging Panginoon! Ikaw na magandang-loob at may kakayahan! Kami ay Iyong mga tagapaglingkod na sumisilong sa lilim ng Iyong pagpapala. Ilingap sa amin ang Iyong sulyap ng pagtatangkilik. Bigyan ng liwanag ang aming mga mata, pandinig ang aming mga tainga at pang-unawa at pag-ibig ang aming mga puso. Pagalakin at paligayahin ang aming mga kaluluwa sa pamamagitan ng Iyong masasayang balita. O Panginoon! Ituro sa amin ang landas ng Iyong Kaharian at ibangon muli kaming lahat sa pamamagitan ng hininga ng Banal na Espiritu. Ipagkaloob sa amin ang walang hanggang buhay at putungan kami ng walang katapusang karangalan. Bigkisin ang sangkatauhan at tanglawan ang daigdig ng mga tao. Nawa’y taluntunin naming lahat ang Iyong mga landas, hangarin ang Iyong mabuting kasiyahan at hanapin ang mga hiwaga ng Iyong Kaharian. O Diyos! Pagkaisahin kami at bigkisin ang aming mga puso ng Iyong di-nalalagot na ugnayan. Tunay na Ikaw ang Tagapagbigay, Ikaw ang Mahabagin at Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat!

#4494
- `Abdu'l-Bahá

 

O Ikaw na mahabaging Panginoon! Nilalang Mo ang lahat ng sangkatauhan buhat sa iisang pinagmulan. Nilalayon Mong lahat ay mabilang sa iisang sambahayan. Sa Iyong Banal na Harapan, silang lahat ay Iyong mga tagapaglingkod at lahat ng sangkatauhan ay sumisilong sa lilim ng Iyong Tabernakulo; lahat ay naiipon sa Iyong hapag ng pagpapala at nagniningning sa liwanag ng Iyong pagkukupkop.

O Diyos! Ikaw ay mahabagin sa lahat, pinagkalooban Mo ang lahat, nililiman Mo ang lahat, binigyan Mo ng buhay ang lahat. Lahat ay binibigyan Mo ng talino at kakayahan; lahat ay nakalubog sa karagatan ng Iyong kaawaan.

O Ikaw na mahabaging Panginoon! Pagkaisahin ang lahat. Hayaang magkasundo ang lahat ng pananampalataya, at gawing iisa ang mga bansa upang makita nila ang isa’t isa bilang iisang pamilya at ang buong daigdig ay iisang tahanan. Nawa’y mamuhay silang lahat nang sama-sama sa ganap na pagkakasunduan.

O Diyos! Itaas ang bandila ng pagiging isa ng sangkatauhan.

O Diyos! Itatag ang Pinakadakilang Kapayapaan.

Pagdikitin ang mga puso, O Diyos!

O Ikaw na mahabaging Ama, Diyos! Pasiglahin ang mga puso sa pamamagitan ng pabango ng Iyong pag-ibig. Paliwanagin ang mga mata sa pamamagitan ng tanglaw ng Iyong pamamatnubay, Pasayahin ang pandinig sa pamamagitan ng mga awit na Iyong Salita at kupku­ pin kami sa yungib ng Iyong pagpapala.

Ikaw ang Makapangyarihan at Malakas! Ikaw ang Mapagpatawad at Ikaw Siya na hindi pumapansin sa mga pagkukulang ng sangkatauhan.

#4495
- `Abdu'l-Bahá

 

O Diyos, O Ikaw na nagsabog ng Iyong karingalan sa nagniningning na mga realidad ng mga tao, na ipinasinag sa kanila ang makinang na mga liwanag ng kaalaman at pamamatnubay, at pinili sila mula sa lahat ng nilikhang bagay para sa marilag na biyayang ito, at ginawa silang makasaklaw ng lahat ng bagay, na maunawaan ang kanilang kaibuturang diwa, at ibunyag ang kanilang mga hiwaga, na inilalabas ang mga ito mula sa karimlan tungo sa nakikitang daigdig! “Siya ay tunay na nagpapakita ng Kaniyang tanging habag sa kaninumang loobin Niya.” (Qur’án 3:67)

O Panginoon, tulungan Mo ang Iyong mga minamahal na matamo ang kaalaman at ang mga agham at ang mga sining, at tastasin ang mga lihim na iniingatan sa kaloob-loobang realidad ng lahat ng nilikhang bagay. Gawing marinig nila ang natatagong mga katotohanan na nakasulat at nakabaon sa pinakapuso ng lahat ng umiiral. Gawin silang mga watawat ng patnubay sa lahat ng mga nilalang, at tumatagos na mga sinag ng kaisipan na nagpapasikat ng kanilang liwanag dito, sa “unang buhay.” (Qur’án 56:62) Gawin silang mga taga-akay sa Iyo, mga gabay sa Iyong landas, mga tumatakbo na humihimok sa mga tao tungo sa Iyong kaharian.

Ikaw sa katunayan ay ang Makapangyarihan, ang Tagapangalaga, ang Mabisa, ang Tagapagtanggol, ang Malakas, ang Pinaka Bukas-Palad.

#4496
- `Abdu'l-Bahá

 

Spiritual Assembly

Kailanma’t pumasaok ka sa silid sanggunian, usalin ang dalanging ito nang ang puso ay tumitibok ng pag-ibig sa Diyos at ang dila ay walang taglay ng anuman liban sa paggunita sa Kaniya, at nang ang Makapangyarihan sa Lahat ay buong kabaitang tumulong sa iyo na nakapagtamo ng sukdulang tagumpay.

O Diyos! Aking Diyos! Kami ay mga tagapaglingkod Mo na nagsibaling nang buong kataimtiman sa Iyong banal na Mukha, na nagsipagwalay ng sarili sa lahat liban sa Iyo sa maluwalhating araw na ito. Kami’y nagtipon sa Spiritual Assembly na ito, nagkakaisa sa aming mga pananaw at isipan, na ang aming mga layunin ay nagkakaisa sa pagluluwalhati sa Iyong Salita sa sangkatauhan. O Panginoon, aming Diyos! Gawin kaming mga tanda ng Iyong banal na pamamatnubay, O Ikaw na aming Kataas-taasang Panginoon, mga kapahayagan ng Iyong Banal na Pagkakaisa sa Kahariang ‘Abhá, at ang maningning na mga bituin na nagliliwanag sa lahat ng mga pook. Panginoon! Tulungan kaming maging mga dagat na nagtutumaan sa malalaking alon ng Iyong kahanga-hangang Biyaya, mga batis na dumadaloy buhat sa Iyong kaluwalhatiang Kataasan, mabubuting bunga sa punong kahoy ng Iyong makalangit na Kapakanan, mga punong kahoy na nagsisiugoy sa mga hangin ng Iyong Pagpapala sa Iyong Ubasang makalangit. O Diyos! Pananganin ang aming mga kaluluwa sa mga Taludtod ng Iyong Banal na Kaisahan, ang aming mga puso ay pasiglahin sa mga tagay ng Iyong Biyaya, upang kami’y mabigkis na tulad ng mga alon ng isang dagat at mapagsama-sama na tulad ng mga sinag ng Iyong maluningning na Liwanag; upang ang aming mga isipan, ang aming mga pananaw, ang aming mga damdamin ay maging iisang realidad, na nagpapahayag ng espiritu ng pagkaisa sa buong daigdig. Ikaw ang Mapagbigay-biyaya, ang Masagana, ang Mapagpala, ang Tagapagkaloob, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Maawain, ang Mahabagin.

#4497
- `Abdu'l-Bahá

 

Magtipon kayo sa dalisay na kagalakan, at sa simula ng pagpupulong, bigkasin ninyo ang panalanging ito:

O Ikaw na Panginoon ng Kaharian! Bagama’t ang aming mga katawan ay natitipon dito, gayumpaman ang aming mga nabighaning puso at natatangay ng Iyong pagmamahal, at gayumpaman kami ay nadadala ng mga silahis ng Iyong maluningning na mukha. Wala man kaming lakas, kami ay naghihintay ng pagpapahayag ng Iyong kapangyarihan at lakas. Mahirap man kami, na walang yaman ni pagkukunan, kumukuha pa rin kami ng yaman sa mga kayamanan ng Iyong Kaharian. Mga patak man kami, sumasalok pa rin kami sa kailaliman ng Iyong mga karagatan. Alikabok man kami, kumikislap pa rin kami sa luwalhati ng Iyong maningning ng Araw.

O Ikaw na aming Nagkakaloob! Ibaba ang Iyong tulong, na bawat isa sa natitipon dito ay maging maysinding kandila, bawat isa ay sentro ng pag-akit, bawat isa ay tagatawag tungo sa Iyong Makalangit na mga kaharian, hanggang sa wakas ay gawin namin itong daigdig sa ibaba ay isalamin ang larawan ng Iyong Paraiso.

#4498
- `Abdu'l-Bahá

 

Dalangin na uusalin sa pagtatapos ng pagpupulong ng Spiritual Assembly.

O Diyos! O Diyos! Nakatunghay Ka sa amin buhat sa Iyong di-nakikitang Kaharian ng pagkaisa, namamalas na kami’y naiipon sa spiritual assembly na ito, nananampalataya sa Iyo, nagtitiwala sa Iyong mga tanda, matatag sa Iyong Banal na Kasunduan at Habilin at naakit sa Iyo, nagniningas sa apoy ng Iyong pag-ibig, at matapat sa Iyong Kapakanan, mga tagapaglingkod sa Iyong ubasan, tagapagpalaganap ng Iyong relihiyon, taimtim na mga sumasamba sa Iyong mukha, mapagkumbaba sa Iyong mga minamahal, nagpapahinuhod sa Iyong pintuan at sumasamong pagtibayin Mo kami sa paglilingkod sa Iyong mga pinili. Tangkilikin kami sa pamamagitan ng Iyong di-nakikitang mga hukbo, palakasin ang aming mga balakang sa paglilingkod sa Iyo at gawin kaming mga masunurin at nagmamahal na mga lingkod, nakikipagniig sa Iyo.

O aming Panginoon! Kami ay mahina at Ikaw ang Makapangyarihan, ang Malakas. Kami ay walang buhay at Ikaw ang dakilang Espiritung nagbibigay buhay! Kami ay nangangailangan at Ikaw ang Tagapagtaguyod at Malakas!

O aming Panginoon! Ibaling ang aming mga mukha sa Iyong banal na mukha, pakainin kami sa Iyong makalangit na hapag sa pamamagitan ng Iyong maka-Diyos na biyaya; tulungan kami sa pamamagitan ng mga hukbong Iyong kataas-taasang mga anghel at pagtibayin kami sa pamamagitan ng mga banal sa Kaharian ng ‘Abhá.

Tunay na Ikaw ang Magandang-loob, ang Mahabagin! Ikaw ang Nagmamay-ari ng malaking pagpapala at tunay na Ikaw ang Mapagbigay at Mapagkaloob-biyaya!

#4499
- `Abdu'l-Bahá

 

Tagumpay Ng Kapakanan

Luwalhati sa Iyo, O Panginoon, Ikaw na Siyang bumuo ng lahat ng mga nilikhang bagay sa pamamagitan ng Iyong utos.

O Panginoon! Tulungan silang mga tumalikod sa lahat maliban sa Iyo, at bigyan sila ng dakilang tagumpay. Ipadala sa kanila, O Panginoon, ang kalipunan ng mga anghel sa langit at lupa at sa lahat ng nasa pagitan nito, upang tulungan ang Iyong mga tagapaglingkod, upang bigyan sila ng kakayahan na makamit ang tagumpay, upang alalayan sila, upang gawaran sila ng karangalan at kadakilaan, upang pagyamanin sila at gawin silang matagumpay sa pamamagitan ng kamangha-manghang tagumpay.

Ikaw ang kanilang Panginoon, ang Panginoon ng mga langit at lupa, ang Panginoon ng lahat ng mga daigdig. Palakasin ang Pananampalatayang ito, O Panginoon, sa pamamagitan ng lakas ng mga tagapaglingkod na ito, at tulutan silang manaig sa lahat ng mga tao ng daigdig; dahil sila, sa katunayan, ay Iyong mga tagapaglingkod na iniwalay ang kanilang mga sarili sa lahat maliban sa Iyo, at Ikaw, sa katunayan, ang tagapagtanggol ng mga tunay na mananampalataya.

Ipagkaloob Mo, O Panginoon, na ang kanilang mga puso, sa pamamagitan ng katapatan dito sa Iyong di-malalabag na Pananampalataya, ay humigit ang lakas kaysa sa anumang nasa pagitan nito; at palakasin, O Panginoon, ang kanilang mga kamay sa pamamagitan ng Iyong kamangha-manghang kapangyarihan nang sa gayon ay maipakita nila ang Iyong kapangyarihan sa harap ng paningin ng buon sangkatauhan.

#4500
- The Báb

 

O Panginoon! Itadhana ang mabilis na paglaki ng Puno ng Iyong banal na pagkakaisa; diligin ito sa gayon, O Panginoon, ng dumadaloy na mga tubig ng Iyong kabutihang-loob, at tulutan ito, sa harap ng mga kahayagan ng Iyong banal na katiyakan, na magbunga ng yaong mga prutas na ninanais Mo para sa Iyong kaluwalhatian at kaitaasan, sa Iyong papuri at pasasalamat, at upang dakilain ang Iyong Pangalan, upang papurihan ang kaisahan ng Iyong Diwa at upang maghandog ng pagsamba sa Iyo, dahil sa ang lahat ng mga bagay na ito ay nasa Iyong hawak at sa walang iba.

Napakalaki ng kabanalan nila na ang kanilang dugo ang Iyong napili na pandilig sa Puno ng Iyong pagpapatibay, at sa gayon ay dakilain ang Iyong banal at di-mababagong Salita.

#4501
- The Báb

 

O Panginoon! Gawing matagumpay ang Iyong mapagtiis na mga tagapaglingkod sa Iyong mga araw sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng isang karapat-dapat na tagumpay, dahil sa pinili nila ang pagkakamartir sa Iyong landas. Ipagkaloob sa kanila yaong magbibigay ng kaginhawahan sa kanilang mga isip, magpapaligaya sa kanilang panloob na sarili, magbibigay ng katiyakan sa kanilang mga puso at katahimikan sa kanilang mga katawan at magbibigay ng kakayahan sa kanilang mga kaluluwa na umakyat sa kinaroroonan ng Diyos, ang Pinakamataas, at upang makamit nila ang katas-taasang Paraiso at yaong mga pahingahan ng kaluwalhatian na itinadhana Mo para sa mga taong may tunay na kaalaman at kabutihan. Sa katunayan nalalaman Mo ang lahat ng bagay, samantalang kami ay Iyong mga tagapaglingkod lamang, Iyong mga sakop, Iyong mga takdang katulong at Iyong mga dukha. Walang ibang Panginoon maliban sa Iyo ang aming tinatawagan, O Diyos, aming Panginoon, ni hindi kami nagsusumamo ng mga biyaya o kaloob mula sa kanino man maliban sa Iyo, O Ikaw na Siyang Diyos ng habag sa daigdig na ito at sa susunod. Kami ay siya lamang mga larawan ng karukhaan, ng kawalaan, ng kawalang kakayahan at ng kapahamakan, samantalang ang Iyong buong Sarili ay sumasagisag sa kayamanan, kasarinlan, kaluwalhatian, kamahalan at walang-hanggang pagpapala.

Gawin ang aming kabayaran, O Panginoon, na maging yaong karapat-dapat sa Iyo sa mga kabutihan ng daigdig na ito at ng susunod, at ang iba’t-ibang mga biyaya na nagbubuhat sa kaitaasan tungo sa daigdig sa ibaba.

Sa katunayan Ikaw ang aming Panginoon at ang Panginoon ng lahat ng mga bagay. Sa Iyong mga kamay namin isinusuko ang aming mga sarili, na humahangad sa mga bagay na nauukol sa Iyo.

#4502
- The Báb

 

O Panginoon! Tulutang makapsok ang lahat ng mga tao ng daigdig sa Paraiso ng Iyong Pananampalataya, nang sa ganoon ay walang nilikha ang maiiwan sa labas ng Iyong kabutihang-loob. Mula pa sa panahong hindi na magunita ang makapangyarihan Ka na gawin ang ikasisiya Mo at nangingibabaw sa anumang ninanais Mo.

#4503
- The Báb

 

O Diyos, aking Diyos! Purihin Ka nawa sa pagpaparikit ng apoy ng banal na pag-ibig sa Banal na Puno sa tuktok ng pinakamataas na bundok: yaong Puno na “hindi mula sa Silangan o sa Kanluran.” Yaong apoy na lumiyab hanggang ang alab nito ay umakyat patungo sa Kalipunan sa kaitasan, at mula dito yaong mga katotohanan ay nakakuha ng ilaw ng pamamatnubay, at nagsipagsigaw sila ng: “Sa katunayan ay nakita naming ang apoy sa libis ng Bundok Sinai.”

O Diyos, aking Diyos! Palakihin Mo ang apoy na ito, tulad ng isang araw na sinusundan ng isa pang araw, hanggang ang bugso nito ay magpapakilos sa buong daigdig. O Ikaw, aking Panginoon! Pagningasin ang ilaw ng Iyong pag-ibig sa bawat puso, ihinga sa kaluluwa ng mga tao ang espiritu ng Iyong kaalaman, pagalakin ang kanilang mga dibdib sa mga taludtod ng Iyong kaisahan. Buhayin Mo silang mga nananahan sa kanilang mga libingan, babalaan ang mga mapagmalaki, gawing pandaigdigan ang kasiyahan, ipadala ang Iyong kristal na mga tubig, at sa kalipunan ng mga hayag na karingalan ay ipasa ang kalis na “Itinimpla sa bukal ng alkampor.”

Sa katunayan, Ikaw ang Nagbibigay, ang Nagpapatawad, ang Laging Nagka­ kaloob. Sa katunayan, Ikaw ang Maawain, ang Mapagmalasakit.

#4504
- `Abdu'l-Bahá

 

Siya ang Diyos!

O Panginoon, aking Diyos, aking Pinakamamahal! Ito ang Iyong mga tagapaglingkod na nakarinig sa Iyong Tinig, nakinig sa Iyong Salita at dininig ang Iyong Tawag. Naniwala sila sa Iyo, sumaksi sa Iyong mga himala, kumilala sa Iyong katibayan at nagpatotoo sa Iyong katunayan. Naglakad sila sa Iyong mga daan, sumunod sa Iyong pamamatnubay, nakatuklas sa Iyong mga hiwaga, nakaunawa sa mga lihim ng Iyong Aklat, sa mga taludtod ng Iyong Pergamino at sa mga balita ng Iyong mga Epistolo at mga Tableta. Nakahawak sila sa laylayan ng Iyong damit at nangapit nang mahigpit sa kasuotan ng Iyong ilaw at karingalan. Ang kanilang mga yapak ay pinalakas sa Iyong Banal na Kasunduan at ang kanilang mga puso ay pinatatag sa Iyong Habilin. Panginooon! Pagningasin sa kanilang mga puso ang alab sa Iyong banal na pag-aakit at tulutang ang ibon ng pag-ibig at pag-uunawa ay umawit sa kanilang mga puso. Tulutan silang maging halintulad ng mabisang mga palatandaan, maningning na mga bandila, at kasing ganap ng Iyong Salita. Dakilain ang Iyong Kapakanan sa pamamagitan nila, iladlad ang Iyong mga watawat at ipahayag sa kalayuan at kalawakan ang Iyong mga himala. Sa pamamagitan nila ay gawing matagumpay ang Iyong Salita, at palakasin ang mga balakang ng Iyong mga minamahal. Kalagan ang kanilang mga dila upang purihin ang Iyong Pangalan, at pukawin silang gawin ang Iyong banal na kalooban at kagustuhan. Tanglawan ang kanilang mga mukha sa Iyong Kaharian ng kabanalan, at gawing ga­ nap ang kanilang kaligayahan sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makabangon para sa ikatatagumpay ng Iyong Kapakanan.

Panginoon! Mahina kami, palakasin kami upang maikalat ang mga halimuyak ng Iyong Kabanalan; dukha, payamanin kami mula sa mga kayamanan ng Iyong Banal na Kaisahan; hubad, kami ay damtan ng baro ng Iyong biyaya; makasalanan, patawarin Mo ang aming mga kasalanan sa pamamagitan ng Iyong pagpapala, Iyong kagandahang-loob at Iyong pagpapatawad. Ikaw ay sa katunayan ang Tagatulong, ang Tumutulong, ang Mapagmahal, ang Makapangyarihan, ang Malakas.

Ang luwalhati ng mga kaluwalhatianay mapasakanilang mga matibay at matatag.

#4505
- `Abdu'l-Bahá

 

Tulong

O Ikaw na ang mukha ay siyang hantungan ng aking pagsamba, na ang kagandahan ay siyang aking kanlungan, na ang tirahan ay siyang aking hangarin, na ang pagpuri ay siyang aking pag-asa, na ang kalinga ay siyang aking kasama, na ang pag-ibig ay siyang dahilan ng aking pagkabuhay, na ang pagbanggit ay siyang aking kaaliwan, na ang pagkakalapit ay siyang aking hangarin, na ang makapiling Ka ay siyang aking pinakananais at pinakamataas napangarap, isinasamo ko sa Iyo na huwag Mo akong pagkaitan ng mga bagay na itinalaga mo para sa mga pinili sa Iyong mga tagapaglingkod. Pagkalooban Mo ako, kung gayon, ng mga kabutihan sa daigdig na ito at sa susunod.

Tunay na Ikaw ang Hari ng lahat ng tao. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Laging Nagpapatawad, ang Pinakabukas-palad.

#4506
- Bahá'u'lláh

 

Diyos ko, tanging aking Sinasamba, aking Hari, aking Hangarin! Anong wika ang makapagbibigay-tinig sa aking pasasalamat sa Iyo! Ako’y hindi nakikinig, pinukaw Mo ako. Ako ay tumalikod sa Iyo, buong magiliw na tinulungan Mo ako na bumaling sa Iyo. Ako ay tulad sa isang patay, ibinangon Mo ako sa pamamagitan ng tubig ng buhay. Ako ay laing, pinanariwa Mo ako sa pamamagitan ng makalangit na bukal ng Iyong pangungusap na dumaloy sa Panulat ng Mahabagin sa Lahat.

O Dakilang Maykapal! Ang santinakpan ay nilalang sa Iyong pagpapala; huwag pagkaitan ang mga iyon ng Iyong kalinga, huwag ding ilayo iyon sa dagat ng Iyong kahabagan. Isinasamo kong tulungan Mo at patnubayan ako sa lahat ng panahon at sa anumang kalagayan, at hinahangad buhat sa langit ng Iyong biyaya ang Iyong dating pagtatangkilik. Ikaw, sa katotohanan, ang Panginoon ng pagpapala, at ang Makapangyarihan sa kaharian ng kawalang hanggan.

#4507
- Bahá'u'lláh

 

O aking Diyos, aking Panginoon, at aking Sinusunod! Inihiwalay ko ang aking sarili mula sa aking kaanak at hinangad sa pamamagitan Mo na maging malaya sa lahat ng naninirahan sa lupa at laging handa na tumanggap ng anumang kapuri-puri sa Iyong paningin. Ipagkaloob Mo sa akin ang mabuting bagay upang maging malaya liban sa Iyo at pagkalooban ako ng sapat na bahagi ng Iyong walang-hanggang mga pagpapala. Tunay, Ikaw ang Panginoon ng masaganang biyaya.

#4508
- The Báb

 

O Ikaw na mabuting Panginoon!

Kami ay mga tagapaglingkod sa Iyong Pintuan, nanganganlong sa Iyong banal na Pinto. Hindi kami naghahangad ng ibang kublihan liban sa matatag na haliging ito, hindi bumabaling sa ibang kanlungan liban sa Iyong pagkakandili. Pangalagaan kami, pagpalain kami, tulungan kami, gawin kami na walang mamahalin maliban sa Iyong mabuting kaluguran, na bibigkasin lamang ang Iyong papuri, tataluntunin lamang ang landas ng katotohanan, upang maging sapat na mariwasa nawa kami na maiwaksi ang lahat liban sa Iyo, at matanggap ang aming biyaya mula sa karagatan ng Iyong kagandahang-loob, upang lagi kaming magsikap na dakilain ang Iyong Kapakanan at mapalaganap sa lahat ng lugar ang matamis Mong halimuyak, upang malimot namin ang sarili at maging abala lamang sa Iyo, at maitakwil ang lahat at maakit lamang sa Iyo.

O Ikaw na Tagapagbigay, O Ikaw na Tagapagpatawad! Ipagkaloob sa amin ang Iyong pagpapala at mapagmahal na kabutihang-loob, ang Iyong mga biyaya at ang Iyong kaloob, at tulungan kami, upang matamo namin ang aming hangarin. Ikaw ang Makapangyarihan, ang May Kakayahan, ang Nakaaalam, ang Nakakikita; at tunay, Ikaw ang Mapagbigay at tunay, Ikaw ang Maawain sa Lahat, at tunay, Ikaw ang Laging Nagpapatawad, na sa Kaniya ay nararapat lamang iharap ang pagsisisi, Siya na Nagpapatawad sa kahit na sa pinakamasama na mga kasalanan.

#4509
- `Abdu'l-Bahá

 

Huwag Mong alisin, O Panginoon, ang dulang na inilatag sa Iyong Pangalan at huwag patayin ang ningas na pinagsindi ng Iyong hindi napapatay na apoy. Huwag pigilin sa pagdaloy ang Iyong Buhay na Tubig na umaaliw-iw sa himig ng Iyong kaluwalhatian at ng Iyong gunita, at huwag ipagkait sa Iyong mga tagapaglingkod ang samyo ng Iyong matatamis na halimuyak na ikinakalat ang kabanguhan ng Iyong pag-ibig.

Panginoon! Ang nakababagabag na mga alalahanin ng Iyong mga kasaping banal ay loobin Mong maging kapanatagan, ang kanilang kaabahan ay maging kaluwalhatian, ang kanilang kalungkutan ay maging kagalakan, O Ikaw na naghahawak sa ugit ng buong sangkatauhan!

Tunay na Ikaw ang Isa, ang Nag-iisa, ang Makapangyarihan, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.

#4510
- `Abdu'l-Bahá

 

Tulong Sa Mga Pagsubok

Pawiin ang aking kalungkutan sa pamamagitan ng Iyong pagpapala at ng Iyong kagandahang-loob, O Diyos, aking Diyos, at iwaksi ang aking pagdurusa sa pamamagitan ng Iyong paghahari at ng Iyong kapangyarihan. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na ang mukha’y nakatuon sa Iyo sa isang panahong ang mga dalamhati ay nakapaligid sa akin. Isinasamo ko sa Iyo, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng kinapal, at lumililim sa lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita, sa Iyong Pangalan na sumakop sa mga puso at mga kaluluwa ng mga tao, at sa matataas na alon ng Karagatan ng Iyong kahabagan at sa ningning ng Araw-Bituin ng Iyong pagpapala, na ibilang Mo ako sa kanilang hindi napigil ng anuman sa pagtutuon ng kanilang mukha sa Iyo, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng pangalan at Maylikha ng mga langit.

Namamalas Mo, O aking Panginoon, ang mga bagay na naganap sa akin sa Iyong mga araw. Isinasamo ko sa Iyo, sa Kaniya na Pamimitak ng Iyong mga pangalan at Pook-Liwayway ng Iyong mga katangian, na iatas Mo para sa akin yaong makapagtutulot na magbangon ako upang maglingkod sa Iyo at purihing maigi ang Iyong mga kabutihan, Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas, na sanay na tumugon sa mga dalangin ng lahat ng tao!

At sa wakas, hinihiling ko sa Iyo sa Liwanag ng Iyong kaanyuan na pagpalain ang aking mga gawain, at tubusin ang aking mga pagkakautang, at bigyang kasiyahan ang aking mga pangangailangan. Ikaw Siya na ang lakas at ang kaharian ay sinaksihan ng bawat dila, at ang kamahalan at paghahari ay tinanggap ng bawat pusong nakauunawa. Walang Diyos liban sa Iyo, na nakaririnig at handang tumugon.

#4511
- Bahá'u'lláh

 

Pinupuri at niluluwalhati Ka, O aking Diyos! Isinasamo ko sa Iyo sa hinaing ng mga umiibig sa Iyo at sa luhang itinigis ng mga naghahangad na makamalas sa Iyo, na huwag Mong ipagkait sa akin ang Iyong masusuyong kahabagan sa Iyong Araw, ni huwag Mong alisin sa akin ang mga awitin ng Kalapating nagpupuri sa Iyong pagkaisa sa harap ng liwanag na nagbubuhat sa Iyong mukha. Ako ay isang nasa kahirapan, O Diyos! Masdan Mo akong nakapangapit sa Iyong Pangalan, ang Nagmamay-ari ng Lahat. Ako ang nakatitiyak na maglalaho; masdan Mo akong nakapangapit sa Iyong Pangalan, ang Di-Maglalaho. Isinasamo ko sa Iyo, samakatwid, sa Iyong Sarili, ang Maluwalhati, ang Kataas-taasan, na huwag Mo akong pabayan sa aking sarili at sa mga hangarin ng isang masamang hilig. Hawakan Mo ang aking kamay sa pamamagitan ng kamay ng Iyong lakas, at hanguin Mo ako sa kalaliman ng aking mga walang katuturang isipin at guni-guni at hugasan Mo ako sa lahat ng kasuklam-suklam sa Iyo.

Tulutan Mo ako, kung gayon, na ganap na makabaling sa Iyo, mailagak ang aking buong pagtitiwala sa Iyo, mahanap ko Ikaw bilang aking kanlungan, at makatakas akong patungo sa Iyong mukha. Ikaw nga Siya na sa pamamagitan ng lakas ng Kaniyang kapangyarihan ay nakagagawa ng anumang naisin Niya, at nakapag-uutos sa pamamagitan ng kakayahan ng Kaniyang kalooban, ng anumang Kaniyang marapatin. Walang makasasalansang sa pagkatupad ng Iyong kautusan; walang makapagbabaling sa takbo ng Iyong paghirang. Ikaw, sa katotohanan, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Pinakamapagpala.

#4512
- Bahá'u'lláh

 

O Ikaw na ang mga pagsubok ay isang panlunas na gamot sa mga malapit sa Iyo, na ang tabak ay ang masidhing hangarin ng lahat ng umiibig sa Iyo, na ang tunod ay ang pinakananais ng mga pusong nagnanais sa Iyo, na ang kautusan ay ang tanging pag-asa ng mga nakakikilala sa Iyong katotohanan! Isinasamo ko sa Iyo, sa Iyong banal na katamisan at sa ningning ng kaluwalhatian ng Iyong mukha, na ihulog sa amin buhat sa Iyong mga kanlungan sa itaas yaong makapagtutulot na mapalapit kami sa Iyo. Gawin Mo, kung gayon, na maging matatag ang aming mga paa, O aking Diyos, sa Iyong Kapakanan, at liwanagan ang aming mga puso ng ningning ng Iyong kaalaman, at liwanagan ang aming mga dibdib ng kaluningningan ng Iyong mga pangalan.

#4513
- Bahá'u'lláh

 

Luwalhati sa Iyo, O aking Diyos! Kung hindi sa mga paghihirap na ibinalikat sa Iyong landas, papaano makikilala ang mga tunay na mangingibig sa Iyo; at kung hindi sa mga pagsubok na dinanas sa pag-ibig sa Iyo, paano mahahayag ang kalagayan ng mga naghahangad sa Iyo? Ang Iyong kapangyarihan ay aking sinasaksihan! Ang mga kasama ng lahat ng sumasamba sa Iyo at ang mga luhang itinigis nila, at ang kaginhawahan ng mga naghahanap sa Iyo ay ang mga daing na kanilang ipinarinig at ang pagkain ng mga nagmamadaling makipagtagpo sa Iyo ay ang mga piraso ng kanilang mga pusong wasak.

Gaano katamis sa aking panlasa ang kapaitan ng kamatayang tinamo sa Iyong landas, at gaano kahalaga sa aking pagtantiya ang mga sibat ng Iyong mga kaaway kapag nakaharap nang dahil sa pagpapaluwalhati sa Iyong salita! Tulutan Mong inumin ko sa Iyong Kapakanan, O aking Diyos, ang anumang naisin Mo, at ihulog Mo sa akin sa Iyong pag-ibig ang lahat ng Iyong iniatas. Saksi ang Iyong kaluwalhatian! Ang ninanais ko ay ang Iyong nais lamang, at ang pinakamamahal ko ay ang Iyong pinakamamahal. Sa Iyo, sa lahat ng panahon, inilalagak ko ang aking buong pagtitiwala.

Ibangon, isinasamo ko sa iyo, O aking Diyos, bilang mga katulong sa Rebelasyong ito, yaong mabibilang na karapat-dapat sa Iyong Pangalan at sa Iyong paghahari, upang magunita nila ako sa piling ng Iyong mga kinapal, at itaas ang mga bandila ng Iyong tagumpay sa Iyong lupain.

May kakayahan Kang gumawa ng Iyong ikasisiya. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

#4514
- Bahá'u'lláh

 

Mayroon bang Tagapag-alis ng mga kahirapan liban sa Diyos? Sabihin: Purihin ang Diyos! Siya ay Diyos! Lahat ay Kaniyang tagapaglingkod, at lahat ay sumusunod sa Kaniyang mga utos!

#4515
- The Báb

 

Sabihin: Ang Diyos ay sapat sa lahat ng bagay at higit sa anumang bagay, at walang anumang bagay sa langit o sa lupa ay makasasapat liban sa Diyos. Tunay, Siya sa Kaniyang Sarili ay ang Nakababatid, ang Tumutustos, ang Makapangyarihan sa Lahat.

#4516
- The Báb

 

Nagsusumamo ako sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong lakas, O aking Diyos! Huwag hayaang mapahamak ako sa panahon ng mga pagsubok, at sa mga sandali ng kapabayaan patnubayan ang aking mga yapak sa kawastuan sa pamamagitan ng Iyong inspirasyon. Ikaw ang Diyos, makapangyarihan Ka na gawin ang Iyong nais. Walang makapipigil sa Iyong Kagustuhan o makapagbabago sa Iyong Layunin.

#4517
- The Báb

 

O Panginoon! Ikaw ang Tagapag-alis ng bawat pagdurusa at tagapawi ng bawat dalamhati. Ikaw ang Siyang nagwawaksi ng bawat kalungkutan at nagpapalaya sa bawat alipin, ang Manunubos ng bawat kaluluwa. O Panginoon! Ipagkaloob ang kaligtasan sa pamamagitan ng Iyong awa, at ibaling ako sa Iyong mga tagapaglingkod na nakatamo na ng kaligtasan.

#4518
- The Báb

 

Alam na alam Mo, O aking Diyos, na ang mga paghihirap ay umulan sa akin buhat sa lahat ng dako at na walang makawawaksi o makababago sa mga ito maliban sa Iyo. Tiyak na alam ko, sa pamamagitan ng aking pag-ibig sa Iyo, na hindi Mo kailanman tutulutang sumapit ang paghihirap sa anumang kaluluwa kung hindi Mo ninanais na itaas ang kanayang kalagayan sa Iyong makalangit na Paraiso at palakasin ang kaniyang puso sa makalupang buhay na ito sa pamamagitan ng tagapagsanggalang ng Iyong laging-nakapipilit na kapangyarihan, nang sa gayon ay hindi ito mahilig sa mga karangyaan ng daigdig na ito. Sa katunayan ay alam na alam Mo na sa lahat ng kalagayan ay pakamamahalin ko ang pag-alaala sa Iyo higit na higit pa sa pag-aari ng lahat ng nasa mga langit at sa lupa.

Palakasin ang aking puso, O aking Diyos, sa pagsunod sa Iyo at sa Iyong pag-ibig, at tulutang malayo ako sa buong lupon ng Iyong mga kaaway. Tunay na isinisumpa ko sa Iyong kaluwalhatian na wala akong hinahangad liban sa Iyong Sarili, ni wala rin akong ninanais bukod sa Iyong habag, ni wala rin akong kinatatakutan maliban sa Iyong katarungan. Isinasamo ko sa Iyo na patawarin ako at pati na rin ang mga minamahal Mo, sa anumang paraang ninanais Mo. Sa katunayan, Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay.

Napakataas Mo, O Panginooon ng mga langit at lupa, para sa papuri ng lahat ng mga tao, at nawa’y ang kapayapaan ay mapasa tagapaglingkod Mong mga matatapat at luwalhatiin ang Diyos, ang Panginoon ng lahat ng mga daigdig.

#4519
- The Báb

 

O Panginoon, aking Diyos at aking Kanlungan sa aking pagkabagabag! Aking Kalasag at aking Silungan sa aking mga salaghati! Aking Takbuhan at Taguan sa panahon ng pangangailangan at sa pangungulila ko ay aking Kasama! Sa aking pagdurusa ay Kaaliwan ko, at sa aking pag-iisa ay isang mapagmahal na kaibigan! Ang Tagapag-alis ng mga hapdi ng Aking kalungkutan at Tagapagpatawad ng aking mga kasalanan!

Ganap na sa Iyo ako bumabaling, mataimtim na nagsusumamo sa Iyo na lakip ang buong puso, pag-iisip at dila, na sanggahan ako sa lahat ng lumalabag sa Iyong kalooban, dito, sa siglo ng Iyong banal na kaisahan, at linisin mo ako sa lahat ng karumihan na hahadlang sa akin sa paghanap, nang walang batikat walang dungis, sa lilim ng Punongkahoy ng Iyong Biyaya.

Maawa Ka, O Panginoon, sa mahina, pagalingin ang maysakit, at patighawin ang matinding pagkauhaw. Pagalakin ang dibdib na pinag-uubugan ng apoy ng Iyong pag-ibig at pagningasin iyon sa apoy ng Iyong makalangit na pag-ibig at espiritu.

Damtan ang mga tabernakulo ng banal na kaisahan ng kasuotan ng kabanalan at iputong sa aking ulo ang korona ng Iyong pagtatangkilik.

Pagliwanagin ang aking mukha sa ningning ng Buntala ng Iyong pagpapala at buong kagandahang-loob na tulungan ako sa paglilingkod sa Iyong Banal na Pintuan.

Paapawin ang aking puso ng pagibig sa Iyong mga nilalang at ipahintulot na ako ay maging tanda ng Iyong kahabagan, alaala ng Iyong biyaya, tagapanimula ng pagkakasundo ng Iyong mga minamahal, matapat sa Iyo, bumibigkas ng paggunita sa Iyo at lumilimot sa sarili ngunit laging nag-aalala ng mga bagay na sa Iyo.

O Diyos! Aking Diyos! Huwag ilayo sa akin ang mabining simoy ng Iyong pagpapatawad at pagpapala, at huwag ikait sa akin ang mga balong ng Iyong tulong at pagtatangkilik.

Sa lilim ng Iyong nangangalagang mga pakpak ay hayaan Mo akong humimlay, at ibaling Mo sa akin ang sulyap ng Iyong mata na nangangalaga sa lahat.

Pakawalan ang aking dila upang pumuri sa Iyong Pangalan sa piling ng Iyong mga tao, upang ang aking tinig ay maitaas sa malalaking mga kapulungan, at buhat sa aking mga labi ay dumaloy ang mga papuri sa Iyo.

Ikaw, sa buong katotohanan, ang Mapagbigay-biyaya, ang Maluwalhati, ang Malakas, ang Makapangyarihan sa Lahat!

#4520
- `Abdu'l-Bahá

 

Siya ang Mahabagin, ang Mapagpala sa Lahat!

O Diyos, aking Diyos! Nakikita Mo ako, nakikilala Mo ako; Ikaw ang aking Kanlungan at ang aking Takbuhan. Wala akong hinanap at walang hahanapin liban sa Iyo, walang landas na nilakaran ko o lalakaran pa kundi ang landas ng Iyong pag-ibig. Sa madilim na gabi ng kawalang pag-asa, ang aking mata ay umaasam at lipos ng pag-asang bumabaling sa umaga ng Iyong walang- hanggang pagtatangkilik at sa oras ng pagmamadaling araw, ang aking lantang kaluluwa ay nananariwa at lumalakas sa paggunita sa Iyong kagandahan at kaganapan. Siya na tinulungan ng Iyong kahabagan, kung siya man ay maging isa lamang patak, siya ay magiging walang hanggang karagatan, at ang pinakamunting atomo lamang na tutulungan ng pagbuhos ng Iyong mapagmahal na kagandahang-loob ay magliliwanag na tulad ng maluningning na bituin.

Kupkupin sa lilim ng Iyong pangangalaga, O Ikaw na Espiritu ng kadalisayan, O ikaw na Tagapagbigay na Mapagpala sa Lahat, ang nabihag, pinarubdob na tagapaglingkod Mong ito. Tulungan Mo siya sa daigdig na ito ng kinapal na mamalaging di-nagbabago at matatag sa Iyong pag-ibig at loobin Mo na ang may baling bagwis na ibong ito ay magkaroon ng kanlungan at lilim sa Iyong Banal na Pugad na naroon sa Punongkahoy ng Langit.

#4521
- `Abdu'l-Bahá

 

O Panginoon ko, aking Mahal, aking Hangarin! Kaibiganin Mo ako sa aking pangungulila at samahan Mo ako sa aking pagkakatapon; pawiin ang aking kalungkutan, loobing ako’y maging matapat sa Iyong kagandahan, ilayo ako sa lahat maliban sa Iyo, akitin ako sa pamamagitan ng mga kabanguhan ng Iyong kabanalan, loobing ako’y mapasama sa Iyong Kaharian kabilang ng mga nahiwalay sa lahat maliban sa Iyo, at nagsisipagnais na maglingkod sa Iyong banal na pintuan at nakahandang gumawa ukol sa Iyong Kapakanan. Tulutan Mong ako ay maging isa sa Iyong mga babaeng tagapaglingkod na natamo na ang Iyong mabuting kasiyahan. Tunay na ikaw ay ang Mapagbigay-biyaya, ang Magandang loob!

#4522
- `Abdu'l-Bahá

 

Umaga

O aking Diyos at aking Panginoon! Ako ay Iyong tagapaglingkod at anak ng Iyong tagapaglingkod. Nagbangon ako buhat sa aking higaan sa madaling araw na ito na ang Araw-Bituin ng Iyong kaisahan ay sumikat na buhat sa Pamimitak ng Iyong kalooban, at nagsasabog na ng kaniyang ningning sa buong daigdig, ayon sa iniatas sa mga Aklat ng Iyong Kautusan.

Purihin Ka, O aking Diyos, sa pagkagising namin sa mga karingalan ng liwanag ng Iyong kaalaman. Ihulog Mo, kung gayon, sa amin, O aking Panginoon, ang anumang magpapahintulot sa lahat ng pagkaka-ugnay namin sa alin man liban sa Iyo. Isulat Mo rin para sa akin, at para sa aking mga mahal, at para sa aking mga kaanak, lalaki at babae man, ang kabutihan ng daigdig na ito at ng daigdig na darating. Sa pamamagitan ng Iyong walang maliw na pangangalaga, O Ikaw na Minamahal ng lahat ng nilalang at Hangarin ng buong sansinukob, panatilihin Mo kaming ligtas sa kanila na ginawa Mong maging tagapagpahayag ng Masamang Manunulsol na bumubulong sa mga dibdib ng mga tao. May kakayahan Kang gumawa ng Iyong ikinasisiya. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

Pagpalain Mo, O Panginoon kong Diyos, Siya na iniluklok Mo sa Iyong pinakamahusay na pamagat, na sa pamamagitan Niya ay pinagbukod Mo ang maka-Diyos at masasama at buong kagandahang-loob na tulungan kami na magawa namain ang Iyong iniibig, at ninanais. Higit pa dito, pagpalain Mo, O aking Diyos, silang Iyong mga Salita at Iyong mga Titik, at silang nagtuon ng kanilang mukha sa Iyo, at tumugon sa Iyong Tawag.

Tunay na Ikaw ang Panginoon at Hari ng lahat ng tao, at makapangyarihan sa lahat ng bagay.

#4523
- Bahá'u'lláh

 

Nagising ako sa Iyong kanlungan, O aking Diyos, at marapat sa kaniyang naghahanap ng kanlungan na ito na Manahan sa loob na Santuwaryo ng Iyong pangangalaga at sa Kuta ng Iyong pagtatanggol. Tanglawan ang aking panloob na sarili, O aking Panginoon, ng mga karingalan ng Pamimitak ng Iyong Kapahayagan, gaya rin ng Iyong pagkakatanglaw sa aking panlabas na katauhan sa pamamagitan ng ilaw sa umaga ng Iyong pagtatangkilik.

#4524
- Bahá'u'lláh

 

Nagbangon ako ngayong umaga sa Iyong biyaya, O aking Diyos, at nilisan ang aking tahanan nang ganap na nagtitiwala sa Iyo, at inilalagak ang aking sarili sa Iyong pangangalaga. Ipagkaloob kung gayon, sa akin buhat sa langit ng Iyong kahabagan ang isang pagpapala buhat sa Iyong panig at pahintulutan Mong makauwi ako ng ligtas sa aking tahanan tulad na pagkapahintulot mong lumabas na nasa ilalim ng Iyong pangangalaga nang ang mga kaisipan ay matatag na nakaukol sa Iyo.

Walang iba pang Diyos liban sa Iyo, ang Iisa, ang Walang Kahambing, ang Nakababatid ng Lahat, ang Marunong sa Lahat.

#4525
- Bahá'u'lláh

 

Nagbibigay-puri ako sa Iyo, O aking Diyos, sapagkat ginising Mo ako buhat sa aking pagkakatulog at ibinalik Mo ako pagkaraan ng aking pagkawala, at ibinangon Mo ako buhat sa pagkakahimlay. Nagising ako ngayong umaga nang ang aking mukha ay nakaharap sa mga ningning ng Araw-Bituin ng Iyong Kapahayagan, na sa pamamagitan Niyon ay natatanglawan ang mga langit ng Iyong lakas at ng Iyong kamahalan, kumikilala sa Iyong mga tanda, naniniwala sa Iyong Aklat, at nangangapit sa Iyong Kuldon.

Isinasamo ko sa Iyo, sa bisa ng Iyong kalooban at sa nag-aatas na lakas ng Iyong layunin, na ang ipinahayag Mo sa akin sa aking pagtulog ay gawin Mong pinakatiyak na saligan ng mga gusali ng Iyong pag-ibig na nasa loob ng mga puso ng Iyong mga minamahal, at pinakamabuting kasangkapan para sa pagpapahayag ng mga sagisag ng Iyong biyaya at ng Iyong mapagmahal na kahabagan.

Ilagda Mo para sa akin sa pamamagitan ng Iyong pinakadakilang Panulat, O aking Panginoon, ang mabubuting bagay ng daigdig na ito at ng susunod. Saksi ako na sa Iyong kamay ay hawak ang ugit ng lahat ng bagay. Ang mga iyon ay binabago Mo ayon sa Iyong minamarapat. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Malakas, ang Matapat.

Ikaw yaong sa pag-aatas Mo ay nagiging kaluwalhatian ang kaabaan, kalakasan ang kahinaan, at kapangyarihan ang kawalang-lakas, at kahinahunan ang takot, at katiyakan ang pag-aalinlangan. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan, ang Mapagpala.

Hindi Mo binibigo ang sinumang naghahanap sa Iyo, ni hindi Mo hinahadlangan sa Iyo ang sinumang naghahangad sa Iyo. Iatas Mo para sa akin yaong marapat sa langit ng Iyong kagandahang-loob, at karagatan ng Iyong pagpapala. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas.

#4526
- Bahá'u'lláh

 

Occasional

Ang Pag-Aayuno

Sinasabi ng Aqdas: “Inuutusan Namin kayo na manalangin at mag-ayuno mula sa pagsapit sa hustong gulang (15 taon); ito ay iniuutos ng Diyos, ang inyong Panginoon at ang Panginoon ng inyong mga ninuno... Ang manlalakbay, ang may karamdaman, yaong nagdadalantao o nagpapasuso, ay hindi nasasaklaw ng Pag-aayuno... Huwag kumain at uminom mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw, at mag-ingat na baka ang hangarin ay pagkaitan kayo ng pagpapala na ito na itinakda sa Aklat.” Ang panahon ng Pag-aayuno ay buhat sa Marso 2 hanggang Marso 20.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos sa Iyong makapangyarihang Tanda, at sa kapahayagan ng Iyong biyaya sa mga tao, na huwag Mo akong ilayo sa pintuan ng lunsod ng Iyong kinaroroonan, at huwag biguin ang mga pag-asang iniukol ko sa mga kapahayagan ng Iyong biyaya sa Iyong mga nilalang. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinangapitan ng lahat sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos, sa Iyong Pinakamatamis na Tinig, at sa Iyong Pinakamaluwalhating Salita, na lagi Mo akong ilapit sa bungad ng Iyong pintuan, at tulutan akong huwag malayo sa lilim ng Iyong kahabagan at bubong ng Iyong pagpapala. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinangapitan ng lahat sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos, sa karilagan ng Iyong makinang na noo at kaluningningan ng liwanag ng Iyong kaanyuan, na sumisikat buhat sa pinakamatayog na sugpungang-guhit, na akitin ako sa pamamagitan ng kabanguhan ng Iyong kasuutan, at painumin ako ng piling alak ng Iyong pananalita. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinangapitan ng lahat sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos, sa Iyong buhok na kumikilos sa ibabaw ng Iyong mukha, gaya ng Iyong pinakamaluwalhating panulat ng kumikilos sa ibabaw ng mga dahon ng Iyong mga Tableta, nagsasabog ng pabango ng mga tagong kahulugan sa kaharian ng Iyong mga nilalang, na ibangon ako upang maglingkod sa Iyong Kapakanan nang hindi ako uurong, ni hindi mahahadlangan ng mga mungkahi nila na tumutol sa Iyong mga tanda at nagsitalikod sa Iyong mukha. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinangapitan ng lahat sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos, sa Iyong Pangalan na ginawa Mong Hari ng mga Pangalan, na sa pamamagitan niyon ang lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa ay magkaroon ng masidhing kagalakan, na tulutang tumingin ako sa Araw-Bituin ng Iyong Kagandahan at pagkalooban ako ng alak ng Iyong pananalita. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinangapitan ng lahat sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos, sa Tabernakulo ng Iyong kamahalan sa pinakamatayog na mga taluktuk, at sa Bubong ng Iyong Rebelasyon sa pinakamataas na burol, na mabiyayang tulungan ako na magawa ang ninanais ng Iyong kalooban at ang inihayag ng ng Iyong layunin. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinangapitan ng lahat sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos, sa Iyong Kagandahang sumusikat sa ibabaw ng guhit-tagpuan ng kawalang-hanggan, isang Kagandahang sa pagkakahayag ay kagyat na niyukuran sa pagsamba ng kaharian ng kagandahan at pinalaki sa matataginting na tunog, na loobing mamatay ako sa lahat ng aking inaari at mabuhay sa anumang ang may-ari ay Ikaw. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinangapitan ng lahat sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos, sa Kapahayagan ng Iyong Pangalan, ang Pinakamamahal, na sa pamamagitan Niyon ang mga puso ng mga umiibig sa Iyo ay magliyab at ang mga kaluluwa ng lahat ng nananahan sa lupa ay pumailanlang, na tulungan akong gumunita sa Iyo, sa Iyong mga nilalang, at parangalan Ka sa piling ng Iyong mga tao. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinagapitan ng lahat sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos sa alis-is ng Banal na Punong-Lote at sa bulong ng mga hangin ng Iyong pananalita sa kaharian ng Iyong mga pangalan, na ilayo ako sa anumang kinasusuklaman Mo, at ilapit ako sa kinaroroonan Niya na sinisikatan ng Pamimitak ng Iyong mga tanda. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinangapitan ng lahat sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos, sa Titik na iyon, na sa sandaling ito’y lumabas mula sa bibig ng Iyong kalooban, ay ginawang ang mga dagat ay umalon at ang mga hangin ay humihip, at ang mga bunga ay maihayag at ang mga punungkahoy ay sumibol, at ang lahat ng mga nakaraang bakas ay lumaho, at ang lahat ng mga lambong ay mapunit, at silang mga mapagmahal sa Iyo na nagmadaling tumungo sa liwanag ng kaanyuan ng kanilang Panginoon, ang Di-Mapipigil, na ipabatid sa akin ang anumang nakatago sa mga kinaroroonan ng mga kayamanan ng Iyong kaalaman at nakakubli sa mga pinagtataguan ng Iyong kadunungan. Nakikita mo Ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinangapitan ng lahat sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos, sa apoy ng Iyong pag-ibig na naglayo ng tulog sa mga mata ng Iyong mga pinili at mga matatapat sa Iyo, at sa pamamagitan ng kanilang alaala at papuri sa Iyo sa oras ng pagbubukang liwayway, na ibilang ako sa yaong mga nagkamit doon ng Iyong mga ipinadala sa Iyong Aklat at ipinahayag sa Iyong kalooban. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinangapitan ng lahat sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos, sa liwanag ng Iyong kaanyuan na nagbunsod sa kanilang mga malapit sa Iyo na harapin ang mga tunod ng Iyong kautusan, at sa mga matapat sa Iyo na harapin ang mga tabak ng Iyong mga kaaway sa Iyong landas, na isulat para sa akin sa pamamagitan ng Iyong pinakamaluwalhating Panulat yaong isinulat Mo para sa Iyong pinagkakatiwalaan at sa Iyong mga pinili. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinangapitan ng lahat sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos, sa Iyong pangalan na sa pamamagitan nito ay Iyong narinig ang pagtawag ng mga umiibig sa Iyo, at sa daing nilang naghahangad sa Iyo, at sa tawag nilang nagtatamasa ng pagkalapit sa Iyo, at ang pagdaing nilang matapat sa Iyo, at sa pamamagitan nito ay Iyong natupad ang mga kahilingan nilang nag-ukol ng kanilang pag-asa sa Iyo, at Iyong ipinagkaloob ang kanilang mga hinahangad, sa pamamagitan ng Iyong biyaya at Iyong mga pagtatangkilik, at sa Iyong Pangalang namagitan sa pagdagsa ng karagatan ng pagpapatawad sa harap ng Iyong mukha at ang mga alapaap ng Iyong kagandahang-loob ay umulan sa Iyong mga tagapaglingkod, na isulat para sa bawat isang bumaling sa Iyo, at nagsagawa ng pag-aayunong iniatas Mo, ang yaong gantimpalang itinalaga para sa mga hindi nagsisipagsalita nang hindi Mo ipinahihintulot, at nag-iwan ng lahat nilang pag-aari, alang-alang sa Iyong landas at sa pag-ibig sa Iyo.

Isinasamo ko sa Iyo, O aking Panginoon, sa Iyong Sarili, at sa Iyong mga tanda, at sa Iyong malilinaw na alaala, at sa maningning na liwanag ng Araw-Bituin ng Iyong Kagandahan, at sa Iyong mga Sanga, na burahin ang mga pagkakamali ng mga nagsitupad nang mahigpit sa Iyong mga batas at tinupad yaong Iyong iniatas sa kanila sa Iyong Aklat. Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na nakahawak sa Iyong Pangalan, ang Pinakabanal, ang Pinakamaningning, ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakadakila, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati, at nakapangapit sa laylayan ng damit na pinangapitan ng lahat sa daigdig na darating.

#4537
- Bahá'u'lláh

 

Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Sumasamo ako sa Iyo sa Rebelasyon na ito na naging sanhi ng pagliliwanag ng karimlan, na sa pamamagitan niyon ay naitayo ang Templong Laging Dinadalaw, at naihayag ang Nakasulat na Tableta, at naalisan ng takip ang Rolyong Nakaladlad, na ihulog sa akin at sa mga nasa aking piling yaong makatutulot na kami’y pumailanlang sa mga langit ng Iyong nangingibabaw na kaluwalhatian, at makapaghuhugas sa amin ng mantsa ng mga alinlangang nakahahadlang sa mga mapaghinala mula sa pagpasok sa tabernakulo ng Iyong kaisahan.

Ako ay siya, O aking Panginoon, na mahigpit na nakahawak sa kuldon ng Iyong mapagmahal na kahabagan, at nakapangapit sa laylayan ng Iyong awa at tangkilik. Iatas Mo para sa akin at para sa aking mga mahal ang mabuti ng daigdig na ito at ng daigdig na darating. Pagkalooban sila, kung gayon, ng Tagong Handog na iniatas Mo para sa pinakatatangi sa Iyong mga nilalang.

Ito, O aking Panginoon, ang mga araw na ang Iyong mga tagapaglingkod ay inutusan Mong magsagawa ng pag-aayuno. Pinagpala siyang makapagsasagawa ng pag-aayuno alang-alang sa Iyo at nang may pagwalang-bahala sa lahat ng bagay liban sa Iyo. Tulungan ako at tulungan sila, O aking Panginoon, na makasunod sa Iyo at makapag-ingat sa Iyong mga panuntunan. Tunay na Ikaw ang may kapangyarihang makagawa ng Iyong nais.

Walang Diyos liban sa Iyo, ang Nakababatid ng Lahat, ang Marunong sa Lahat. Lahat ng pagpuri ay nauukol sa Diyos, ang Panginoon ng lahat ng daigdig.

#4538
- Bahá'u'lláh

 

Ang mga ito, O aking Diyos, ang mga araw na ang Iyong mga tagapaglingkod ay inatasan Mong magsagawa ng pag-aayuno. Sa pamamagitan niyon pinalamutihan Mo ang paunang-bahagi ng Aklat ng Iyong mga Batas na inihayag sa Iyong mga nilalang, at ginayakan ang mga Taguan ng Iyong kautusan sa paningin ng lahat ng nasa Iyong langit at lahat ng nasa Iyong lupa. Pinagkalooban Mo ang bawat oras ng mga araw na ito ng isang natatanging kabutihan, na hindi mauunawaan ng sinuman liban sa Iyo, na ang Kaniyang kaalaman ay sumasaklaw sa lahat ng nilalang na bagay. Naglaan Ka rin sa bawat kaluluwa ng isang bahagi ng kabutihang ito alinsunod sa Tableta ng Iyong kautusan at sa mga Kasulatan ng Iyong di mababaling Hatol. Bawat dahon ng mga Aklat at Kasulatang ito ay inilaan Mo rin sa bawat isa sa mga mamamayan at mga kaanak ng lupa.

Para sa mga umiibig nang mataimtim sa Iyo, alinsunod sa Iyong kautusan ay naglaan Ka, sa pagpitak ng bawat umaga, ng kopa ng Iyong paggunita, O Ikaw na Tagapamahala ng mga tagapamahala! Ang mga ito ay silang nalango sa alak ng Iyong napakaraming kadunungan kung kaya iniwan nila ang kanilang mga higaan sa kanilang paghahangad na maipagdiwang ang pagpuri at pagpaparangal sa Iyong mga kabutihan, at tumakas buhat sa pagkakatulog sa kanilang kasabikang makalapit sa Iyong kinaroroonan at makabahagi sa Iyong pagpapala. Sa lahat ng panahon, ang kanilang mga mata ay nakabaling sa Pamimitak ng Iyong mapagmahal na kaawaan, at ang kanilang mga mukha ay nakatuon sa Ulong-Bukal ng Iyong inspirasyon. Paulanin, kung gayon, sa amin at sa kanila buhat sa mga ulap ng Iyong kahabagan yaong karapat-dapat sa langit ng Iyong kagandahang-loob at biyaya.

Purihin ang Iyong pangalan, O aking Diyos! Ito ang oras na ang mga pintuan ng Iyong pagpapala ay binuksan Mo sa harap ng Iyong mga nilalang, at binuksan nang maluwang ang mga pintuan ng Iyong masuyong kahabagan sa lahat ng nananahan sa Iyong lupa. Isinasamo ko sa Iyo, sa lahat ng nagsipagbubo ng dugo sa Iyong landas, na sa kanilang paghahangad sa Iyo ay pinutol ang lahat ng kanilang pagkakaugnay sa alinman sa Iyong mga nilalang, at natangay na mabuti ng matatamis na lasa ng Iyong inspirasyon kung kaya ang bawat isang bahagi ng kanilang mga katawan ay dumadalit ng papuri sa Iyo at kumakatal sa paggunita sa Iyo, na huwag ikait sa amin ang mga bagay na iniatas Mo nang walang pagkabali sa Rebelasyon na ito—isang Rebelasyon na ang bisa niyon ay nagbunsod upang isigaw ng bawat punungkahoy yaong noong una’y ipinahayag ng Nagliliyab na Palumpong kay Moises, na nakipag-usap sa Iyo, isang Rebelasyon na nagtulot na ang bawat pinakamunting bato ay muling tumunog sa pagpupuri sa Iyo, gaya ng pagluluwalhati sa Iyo sa mga araw ni Muhammad, ang Iyong Kaibigan.

Ang mga ito, O aking Diyos, ay yaong buong kagandahang-loob na tinulutan Mong makisama sa Iyo at makipag-isa sa Kaniya na Tagapagpahayag ng Iyong Sarili. Ang mga hangin ng Iyong kalooban ang nagpakalat sa kanila sa ibayong lugar hanggang sa sila’y ipunin Mong sama-sama sa lilim ng Iyong anino, at loobin Mong sila’y makapasok sa mga kapaligiran ng Iyong liwasan. Ngayong sila’y napanahan Mo sa lilim ng bubong ng Iyong habag, tulungan Mo silang makarating nang karapat-dapat sa isang maharlikang katayuan. Huwag tulutan, O aking Panginoon, na ako ay mapabilang doon sa bagama’t nagtatatamasa ng pagkalapit sa Iyo ay napigilang makilala ang Iyong mukha, at bagama’t nakikipagtagpo sa Iyo ay pinagkaitan ng pagkamalas sa Iyo.

Ang mga ito ay Iyong tagapaglingkod, O aking Panginoon na nakapasok na kasama Mo rito, sa Pinakadakilang Bilangguan, nagsipagsagawa ng pag-aayuno sa loob nito alinsunod sa ipinag-utos Mo sa kanila sa mga Tableta ng Iyong kautusan at sa mga Aklat ng Iyong pag-aatas. Ihulog, kung gayon, sa kanila yaong ganap na makapaglilinis sa kanila sa lahat ng Iyong kinasusuklaman, na sila ay lubos na maging tapat sa Iyo, at ganap na iwalay ang kanilang mga sarili mula sa lahat liban sa Iyong Sarili.

Paulanin sa amin, O aking Diyos, yaong minamarapat ng Iyong biyaya at karapat-dapat sa Iyong pagpapala. Tulutan kami, O aking Diyos, na mabuhay nang gumugunita sa Iyo, at mamatay nang umiibig sa Iyo, at pagkalooban kami ng handog ng pagkaharap sa Iyo sa Iyong mga daigdig na darating—mga daigdig na di mauunawaan ng lahat liban sa Iyo. Ikaw ang aming Panginoon at Panginoon ng lahat ng daigdig, at Diyos ng lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa.

Namamalas Mo, O aking Diyos, ang naganap sa Iyong mga minamahal sa Iyong mga araw. Saksi ako sa Iyong kaluwalhatian! Ang tinig ng paghihinagpis ng Iyong mga pinili ay itinaas sa Iyong lupain. Ang ilan ay nabihag ng mga walang pananampalataya sa Iyong lupa, at hinadlangan sila sa paglapit sa Iyo at sa pagsapit sa liwasan ng Iyong kaluwalhatian. Ang iba ay nakalapit sa Iyo ngunit hindi nila nasilayan ang Iyong mukha. Ang iba pa ay pinahintulutan, sa kanilang kasabikang makamalas sa Iyo, na makapasok sa mga kapaligiran ng Iyong liwasan, ngunit tinulutan nila ang mga lambong ng mga guni-guni ng Iyong mga nilalang at ang mga pagkakasalang ginagawa ng mga manlulupig sa Iyong mga tao ay malagay sa pagitan Mo at nila.

Ito ang oras, O aking Panginoon, na tinulutan Mong makahigit sa bawat iba pang oras, at iniugnay Mo ito sa pinakapili sa Iyong mga nilalang. Isinasamo ko sa Iyo, O aking Diyos, sa Iyong Sarili at sa kanila, na iatas sa buong taon na ito, yaong magluluwalhati sa Iyong mga minamahal. Iatas Mo rin sa loob ng taong ito yaong makapagtutulot na ang Araw-Bituin ng Iyong lakas ay makasikat nang maningning sa itaas ng sugpungang-guhit ng Iyong kaluwalhatian, at makatanglaw, sa pamamagitan ng Iyong kataas-taasang kapangyarihan, sa buong daigdig.

Pagtagumpayin Mo ang Iyong Kapakanan, O aking Panginoon, at gapiin ang Iyong mga kaaway. Isulat Mo, kung gayon, para sa amin ang kabutihan ng buhay na ito at ng buhay na darating. Ikaw ang Katotohanan, na nakababatid ng mga lihim na mga bagay. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Laging Nagpapatawad, ang Mapagpala sa Lahat.

#4539
- Bahá'u'lláh

 

Naw-Rúz

Ang Naw-Rúz, Marso21, ay ang unang araw ng taon ng Bahá’í.

Purihin ka, O aking Diyos, sa pag-aatas Mo na ang Naw-Rúz ay maging isang kapistahan sa mga nagsasagawa ng pag-aayuno nang dahil sa pag-ibig sa Iyo at nagsilayo sa lahat ng kasuklam-suklam sa Iyo. Loobin, O aking Panginoon na ang apoy ng Iyong pag-ibig at ang init na nalikha ng pag-aayunong iniatas Mo ay makapagparubdob sa kanila sa Iyong Kapakanan, at gawin silang abala sa pagpuri sa Iyo at sa paggunita sa Iyo.

Yamang ginayakan Mo sila, O aking Panginoon, ng palamuti ng Pag-aayuno na iniatas Mo, gayakan mo rin sila ng palamuti ng Iyong pagtanggap sa pamamagitan ng Iyong biyaya at mapagpalang pagtatangkilik. Sapagkat ang lahat ng gawa ng tao ay nananangan sa Iyong mabuting kasiyahan, at nababatay sa Iyong pag-aatas. Kung siyang lumabag sa pag-aayuno ay ituturing Mo bilang isang nakapagsagawa niyon, ang gayong tao ay ibibilang sa kanila na buhat sa kawalang-hanggan ay nagsasagawa ng pag-aayuno. At kung ipapasya Mo na siyang nagsagawa ng pag-aayuno ay lumabag niyon, ang taong ito ay ibibilang sa yaong mga naging sanhi na ang Damit ng Iyong Rebelasyon ay marumihan ng alabok, at inilayo sa kristal na tubig ng buhay na Bukal na ito.

Ikaw Siya na namagitan sa pagkataas ng bandilang “Kapuri-puri Ka sa Iyong mga gawa,” at pagkaladlad ng watawat na “Sinusunod Ka sa Iyong pag-aatas.” Ipabatid Mo ang Iyong katayuang ito, O aking Diyos, sa Iyong mga tagapaglingkod, upang malaman nila na ang kagalingan ng lahat ng bagay ay nasa Iyong pag-aatas at Iyong Salita, at ang kabutihan ng bawat kilos ay batay sa Kaniyang pahintulot at sa mabuting kasiyahan ng Kaniyang kalooban, at nang makilala na ang mga ugit ng mga gawain ng tao ay nasa kamay ng Iyong pagtanggap at Iyong mga utos. Ipabatid Mo ito sa kanila, upang walang anumang makapaglingid sa kanila sa Iyong Kagandahan, sa mga araw na itong ipinahayag ng Kristo: “Lahat ng kaharian ay Iyo, O Ikaw na Nagsilang ng Espiritu (Jesus)”, at inihayaw ng Iyong Kaibigan (Muhammad): “Luwalhati sa Iyo, O Ikaw na Pinaka-iibig, sapagkat inalisan Mo ng takip ang Iyong Kagandahan, at isinulat para sa Iyong mga pinili yaong makapagpaparating sa kanila sa luklukan ng kapahayagan ng Iyong Pinakadakilang Pangalan, na sa pamamagitan niyon ang lahat ng tao ay nagsitaghoy maliban sa mga nagsihiwalay ng kanilang mga sarili sa lahat liban sa Iyo, at nagsipag-ukol ng kanilang sarili tungo sa Kaniya na Tagapaghayag ng Iyong Sarili at kahayagan ng Iyong mga katangian.”

Siya na Iyong Sanga at lahat ng Iyong kasama, O aking Panginoon, ay huminto sa araw na ito ng kanilang pag-aayuno pagkaraang maisagawa iyon sa loob ng mga kapaligiran ng Iyong liwasan, at sa kanilang kasabikang mabigyan Ka ng kasiyahan. Iatas Mo para sa Kaniya, at para sa kanila, at para sa lahat ng nagsipasok sa Iyong pagkamalas sa mga araw na ito, ang lahat na mabubuting itinakda Mo sa Iyong Aklat. Pagkalooban sila niyong pakikinabangan nila, maging sa buhay na ito at sa kabilang buhay.

Ikaw, sa katotohanan, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.

#4540
- Bahá'u'lláh

 

Para Sa Yumao

(Ang Dalangin para sa Yumao ay ginagamit para sa mga Bahá’í na higit sa labinlimang gulang. Ito ay “ang natatanging panalanging Bahá’í na katungkulang bigkasin ng kongregasyon; ito ay dapat usalin ng isang mananampalataya samantalang ang lahat ng naroroon ay tahimik na nakatayo. Nilinaw ni Bahá’u’lláh na ang Dalangin para sa Yumao ay kailangan lamang kung ang yumao ay nasa hustong gulang, na ang pag-usal ay dapat mauna sa paglilibing ng pumanaw, at hindi kinakailangang humarap sa Qiblih kapag inuusal ang panalanging ito.” — AngKitáb-i-Aqdas)

O aking Diyos! Ito ay ang Iyong tagapaglingkod at anak ng Iyong tagapaglingkod na nanalig sa Iyo at sa Iyong mga palatandaan, at nagbaling ng kaniyang mukha sa Iyo, ganap na nakahiwalay sa lahat maliban sa Iyo. Ikaw, sa katunayan ang pinakamahabagin sa lahat ng nagpapakita ng habag.

Pakitunguhan siya, O Ikaw na nagpapatawad sa mga kasalanan ng tao at nagkukubli sa kanilang mga pagkakamali, na nararapat sa kalangitan ng Iyong biyaya at sa karagatan ng Iyong pagpapala. Pahintulutan siyang makahantong sa loob ng Iyong nangingibabaw na habag na naroon bago pa maitatag ang lupa at langit. Walang Diyos maliban sa Iyo, ang Laging Nagpapatawad, ang Pinaka-Bukas-Palad.

Hayaang pagkatapos nito, na ulitin nang anim na beses ang bati na “Alláh-u-abhá”, at pagkatapos ay ulitin ng labinsiyam na beses ang bawat isa sa sumusunod na mga taludtod:

Kaming lahat, sa katunayan, ay sumasamba sa Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan, ay yumuyuko sa harap ng Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan, ay matapat sa Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan, ay nagbibigay ng papuri sa Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan ay nagbibigay pasasalamat sa Diyos

Kaming lahat, sa katunayan, ay mapagtiyaga sa Diyos.

(Kung ang yumao ay isang babae, hayaang sabihin niya: Ito ang Iyong tagapaglingkod na babae at anak ng Iyong tagapaglingkod na babae . . .)

#4527
- Bahá'u'lláh

 

Luwalhati sa Iyo, O Panginoon kong Diyos! Huwag Mong abain siyang Iyong itinaas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iyong walang hanggang paghahari, at huwag ilayo sa Iyo siyang niloob Mong makapasok sa tabernakulo ng Iyong kawalang hanggan. Ititiwalag Mo ba, O aking Diyos, siyang nilukuban Mo ng Iyong Kapangyarihan at ilalayo Mo ba siya sa Iyo, O aking Hangarin, siyang Ikaw ang naging kanlungan? Maari Mo ba siyang hamakin, siyang itinaas Mo, o malilimot Mo ba siyang binigyan Mo ng kakayahang umalaala sa Iyo?

Ikaw ay niluluwalhati, lubos na niluluwalhati! Ikaw yaong buhat sa kawalang hanggan ay naging Hari ng buong santinakpan at ang Pangunahing Nagpapakilos dito, at magpakailanman ay manatili kang Panginoon ng lahat ng nilalang at Ikaw ang kanilang Tagapag-atas. Nasa kaluwalhatian Ka, O aking Diyos! Kung ihihinto Mo ang pagiging mahabagin sa Iyong mga tagapaglingkod, sino pa ang magpapamalas ng habag sa kanila? At kung tatanggi Kang sumaklolo sa Iyong mga minamahal, sino pa ang makasasaklolo sa kanila?

Ikaw ay niluluwalhati, di masukat ang pagluluwalhati sa Iyo! Sinasamba Ka sa Iyong katotohanan, at Ikaw ang tunay na sinasamba naming lahat; at Ikaw ay nahahayag sa Iyong katarungan, at sa Iyo tunay na kami ay nagbibigay-saksi. Ikaw, sa katotohanan, ay kaibig-ibig sa Iyong biyaya. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling Ganap.

#4528
- Bahá'u'lláh

 

Siya ay Diyos, nasa kaluwalhatian Siya, ang Panginoon ng mapagmahal na kabutihang-loob at pagpapala!

Luwalhatiin Ka, Ikaw O aking Diyos, ang Panginoong Makapangyarihan sa lahat. Sumasaksi ako sa Iyong walang hanggang kakayahan at sa Iyong kapangyarihan, sa Iyong paghahari at sa Iyong mapagmahal na kabutihang loob, sa Iyong biyaya at Iyong lakas, sa kaisahan ng Iyong Sarili at sa pagkakaisa ng Iyong diwa, sa Iyong kabanalan at kaluwalhatian sa ibabaw ng daigdig ng mga nabubuhay at sa lahat ng naroon.

O aking Diyos! Nakikita Mo akong hiwalay sa lahat maliban sa Iyo, mahigpit na nangangapit sa Iyo at bumabaling sa karagatan ng Iyong pagpapala, sa langit ng Iyong pagtatangkilik, sa Araw-Bituin ng Iyong biyaya.

Panginoon! Sumasaksi ako na sa Iyong tagapaglingkod ay inilagay Mo ang Iyong tiwala, at yaon ay ang Espiritu na sa pamamagitan nito ay binigyan Mo ng buhay ang daigdig.

Hinihiling ko sa Iyo, sa pamamagitan ng ningning ng Buntala ng Iyong Rebelasyon, na buong kahabagan tanggapin buhat sa kaniya yaong nagawa niya sa Iyong mga araw. Loobin Mo na siya’y magtamo ng luwalhati ng Iyong mabuting kasiyahan at mapalamutihan ng Iyong pagtanggap.

O aking Panginoon! Ang aking sarili at ang lahat ng nilalang na bagay ay sumasaksi sa Iyong kapangyarihan at nananalangin ako sa Iyo na huwag Mong ilayo sa Iyo ang kaluluwang ito na umakyat patungo sa Iyo, sa Iyong lugar sa langit, sa Iyong maluwalhating Paraiso at sa Iyong mga retiro ng pagkamalapit, o Ikaw na siyang Panginoon ng lahat ng tao!

Loobin Mo, O aking Diyos, na ang Iyong tagapaglingkod ay makasama ng Iyong mga pinili, ng Iyong mga santo at ng Iyong mga Tagapagbalita sa mga makalangit na pook na hindi mailarawan ng panulat ni maisaysay ng dila.

O aking Panginoon, ang dukhang ito ay tunay na nagmadaling tumungo sa Kaharian ng Iyong kayamanan, ang dayuhang ito sa kaniyang tahanan sa loob ng Iyong mga kapaligiran, siyang labis na nauuhaw sa makalangit na ilog ng Iyong pagpapala. Huwag Mong ikait sa kaniya, O Panginoon, ang kaniyang bahagi sa piging ng Iyong biyaya at sa tangkilik ng Iyong pagpapala. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya, ang Mapagpala sa Lahat!

O aking Diyos, ang Iyong ipinagkatiwala ay naibalik na sa Iyo. Nararapat sa Iyong biyaya at sa Iyong pagpapala na laganap sa Iyong mga nasasakupan sa lupa at sa langit, na ipagkaloob sa Iyong bagong tinanggap ang Iyong mga handog at ang Iyong mga kaloob, at ang mga bunga ng punongkahoy ng Iyong biyaya! Makapangyarihan Kang gawin ang Iyong ninanais, walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Mapagbigay-biyaya, ang Pinakamapagpala, ang Maawain, ang Mapagkaloob, ang Mapagpatawad, ang Kaibig-ibig, ang Nakababatid ng Lahat.

Sumasaksi ako, O aking Panginoon, na iniatas Mo sa mga tao na parangalan ang kanilang panauhin, at siyang umakyat patungo sa Iyo ay tunay na nakarating sa Iyo at nakaabot sa Iyong kinaroroonan. Pakitunguhan Mo siya, kung gayon, nang ayon sa Iyong biyaya at pagpapala! Sa pamamagitan ng Iyong kaluwalhatian, natitiyak kong hindi Mo ililingid ang Iyong Sarili doon sa ipinag-utos Mo sa Iyong mga tagapaglingkod, ni hindi Mo pagkakaitan siyang nakahawak sa kuldon ng Iyong pagpapala at nakaakyat sa Pamimitak ng Iyong kayamanan.

Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Isa, ang Nag-iisa, ang Makapangyarihan, ang Nakababatid ng lahat, ang Mapagpala.

#6844
- Bahá'u'lláh

 

O aking Diyos! O Ikaw na nagpapatawad ng mga kasalanan! Tagapagkaloob ng mga handog! Tagapawi ng mga paghihirap!

Tunay, Sumasamo ako sa Iyo na patawarin Mo ang mga pagkakasala ng mga nag-iwan ng pangkatawang saplot at umakyat na sa daigdig ng espiritu.

O aking Panginoon! Padalisayin Mo sila sa kanilang mga pagkakasala, pawiin ang kanilang mga kalungkutan, at palitan ng liwanag ang kanilang karimlan. Loobin Mong makapasok sila sa hardin ng kaligayahan, hugasan Mo sila sa pamamagitan ng pinakadalisay na tubig, at loobin Mong mamalas nila ang Iyong kadakilaan sa pinakamatayog na bundok.

#4529
- `Abdu'l-Bahá

 

O aking Diyos! O aking Diyos! Tunay, ang Iyong tagapaglingkod, hamak sa harap ng kamaharlikaan ng Iyong banal na paghahari, aba sa pintuan ng Iyong kaisahan, naniniwala sa Iyo at sa Iyong mga taludtud, na sumaksi sa Iyong salita, napagningas ng apoy ng Iyong pag-ibig, na nakatubog sa kalaliman ng dagat ng Iyong kaalaman, naakit sa pamamagitan ng Iyong mga hangin, umasa sa Iyo, nakabaling ang kanyang mukha sa Iyo, inialay ang kaniyang mga pagsusumamo sa Iyo, at tumanggap ng katiyakan ng Iyong pagpapaumanhin at pagpapatawd. Iniwan na niya ang mortal na buhay na ito at lumipad na sa kaharian ng walang kamatayan, nananabik sa biyaya ng pakikipagtagpo sa Iyo.

O Panginoon, luwalhatiin ang kanyang katayuan, isilong siya sa tolda ng Iyong pinakamataas na awa, tulutan siyang makapasok sa Iyong maluwalhating paraiso, at panatilihin ang kaniyang buhay sa Iyong dakilang hardin ng rosas, nang sa gayon siya ay makasisid sa dagat ng liwanag tungo sa daigdig ng hiwaga.

Tunay, Ikaw ang Mapagbigay, ang Makapangyarihan, ang Mapagpatawad at ang Mapagpala.

#4530
- `Abdu'l-Bahá

 

O Ikaw na mapagpatawad na Panginoon!

Bagaman may mga kaluluwang pinalipas ang mga araw ng kanilang mga buhay sa kamangmangan, at napawalay, at naging suwail, ngunit, sa pamamagitan ng isang alon buhat sa karagatan ng Iyong pagpapatawad, ang lahat ng nalilibutan ng kasalanan ay mapapalaya. Ang sinumang ninanais Mo ay ginagawa Mong katapatang loob, at ang sinumang hindi Mo isaalang-alang sa Iyong pagpili ay nabibilang na nagkasala. Kung pakikitunguhan Mo kami sang-ayon sa Iyong katarungan, lahat kami ay pawang mga makasalanan at karapat-dapat lamang na hindi makalapit sa Iyo, ngunit kung itataguyod Mo ang awa, ang bawat makasalanan ay magiging dalisay at ang bawat dayuhan ay magiging kaibigan. Ipagkaloob, sa ganoon, ang Iyong paumanhin at kapatawaran, at ikaloob ang Iyong awa sa lahat.

Ikaw ang Nagpapatawad, ang Nagbibigay ng Liwanag, ang Makapangyarihan sa Lahat.

#4531
- `Abdu'l-Bahá

 

Tablets

Ang Tableta Ng Apoy

Sa Ngalan ng Diyos, ang Napakatanda, ang Pinakadakila.

Tunay na ang mga puso ng mga matatapat ay nauubos na sa apoy ng pagkakahiwalay: Nasaan ang ningning ng ilaw ng Iyong Mukha, O Minamahal ng mga daigdig?

Ang mga malalapit sa Iyo ay napabayaan na sa karimlan ng pangungulila: Nasaan ang pagsikat ng umaga ng Iyong muling pagsasama, O Ninanais ng mga daigdig?

Ang mga katawan ng Iyong mga pinili ay nangingisay na sa malalayong mga buhanginan: Nasaan ang dagat ng Iyong pagdalo, O Giliw ng mga daigdig?

Ang nagnanasang mga kamay ay itinaas na sa langit ng Iyong biyaya at kaganadahang-loob: Nasaan ang mga ulan ng Iyong kaloob, O Tagasagot ng mga daigdig?

Ang mga hindi sumasampalataya ay nagbangon na ng paniniil sa bawat dako: Nasaan ang nananaig na kapangyarihan ng Iyong nagtatakdang panulat, O Tagalupig ng mga daigdig?

Ang pagkakahol ng mga aso ay maingay na sa bawat panig: Nasaan ang leon ng gubat ng Iyong kapangyarihan. O Tagasita ng mga daigdig?

Ang kalamigan ay yumapos na sa buong sangkatauhan: Nasaan ang init ng Iyong pag-ibig, O apoy ng mga daigdig?

Ang sakuna ay umabot na sa sukdulan: Nasaan ang mga tanda ng Iyong tulong, O Tagaligtas ng mga daigdig?

Ang kadiliman ay sumakop na sa karamihan ng mga tao: Nasaan ang liwanag ng Iyong kaluwalhatian, O Liwanag ng mga daigdig?

Ang mga liig ng mga tao ay nanghahaba na sa masamang hangarin: Nasaan ang mga kalis ng Iyong paghihiganti, O Tagawasak ng mga daigdig?

Ang pagkaka-aba ay umabot na sa pinakamababang lalim: Nasaan ang mga sagisag ng Iyong kaluwalhatian, O Luwalhati ng mga daigdig?

Mga pighati ang nagbigay-hapis sa Tagapagpahayag ng Iyong Pangalan, ang Maawain sa Lahat: Nasaan ang kaligayahan ng Pamimitak ng Iyong Kahayagan, O Giliw ng mga daigdig?

Ang mga dalamhati ay sumapit na sa lahat ng mga tao ng daigdig: Nasaan ang mga bandila ng Iyong kagalakan, O Kasiyahan ng mga daigdig?

Nakikita Mo ang Sinilangang Lupa ng Iyong mga palatandaan na natatakpan na ng masasamang mga mungkahi: Nasaan ang mga daliri ng Iyong lakas, O Kapangyarihan ng mga daigdig?

Ang mahigpit na pagkauhaw ay umabot na sa lahat ng mga tao: Nasaan ang ilog ng Iyong biyaya, O Awa ng mga daigdig?

Ang kasakiman ay bumihag na sa buong sangkatauhan: Nasaan ang mga kumakatawan ng pagkawalay, O Panginoon ng mga daigdig?

Nakita Mo ang Pinagsamantalahang Ito na nalulumbay sa pagkakatapon: Nasaan ang mga hukbo ng langit ng Iyong Utos, O Hari ng mga daigdig?

Pinabayaan Ako sa ibang bansa: Nasaan ang mga tanda ng Iyong katapatan, O Tiwala ng mga daigdig?

Ang mga paghihingalo ng kamatayan ay sumunggab na sa lahat na mga tao: Nasaan ang pag-alon ng Iyong dagat ng walang-hanggang buhay, O Buhay ng mga daigdig?

Ang mga bulong ni Satanas ay naihinga na sa bawat nilikha: Nasaan ang bulalakao ng Iyong apoy, O Ilaw ng mga daigdig?

Ang kalasingan ng pagkahumaling ay nagpaligaw na sa karamihan ng sangkatauhan: Nasaan ang mga pamimitak ng kadalisayan, O Ninanais ng mga daigdig?

Nakikita Mo ang Pinagsamantalahang Ito na natatakpan ng paniniil habang kasama ng mga Syrian: Nasaan ang liwanag ng Iyong nagbubukang-liwayway na ilaw, O Tanglaw ng mga daigdig?

Nakikita Mo na pinagbawalan Akong magsalita: Kung gayon, mula saan bubukal ang Iyong mga himig, O Ruwinsenyor ng mga daigdig?

Ang karamihan ng mga tao ay nababalutan ng guniguni at walang saysay na mga likhang-isip: Nasaan ang mga taga­pagpatibay ng Iyong kasiguraduhan, O Katiyakan at mga daigdig?

Si Bahá ay nalulunod sa dagat ng pagdurusa: Nasaan ang Arko ng Iyong kaligtasan, O Tagaligtas ng mga daigdig?

Nakikita Mo ang Pamimitak ng Iyong pahayag sa kadiliman ng sangnilikha: Nasaan ang araw ng langit ng Iyong biyaya, O Tagabigay-Ilaw ng mga daigdig?

Ang mga tanglaw ng katotohanan at kadalisayan, ng katapatan at karangalan ay pinatay na: Nasaan ang mga tanda ng Iyong naghihiganting galit, O Nagpapagalaw ng mga daigdig?

Mayroon Ka bang nakikitang sinumang nagtatanggol sa Iyong Sarili, o nag-iisip kung ano ang nangyari sa Kaniya sa landas ng Iyong pag-ibig? Ngayon humihinto ang Aking panulat, O Minamahal ng mga daigdig.

Ang mga sanga ng Banal na Punong-Lote ay nabali ng mabilis na pagdating ng mga bagyo ng tadhana: Nasaan ang mga bandila ng Iyong tulong, O Kampeon ng mga daigdig?

Ang Mukhang ito ay natatago sa gabok ng paninirang-puri: Nasaan ang mga simoy ng Iyong malasakit, O Awa ng mga daigdig?

Ang damit ng kabanalan ay dinungisan ng mga tao ng panlilinlang: Nasaan ang baro ng Iyong kabanalan, O Tagagayak ng mga daigdig?

Ang dagat ng biyaya ay napatahimik nang dahil sa linikha ng mga kamay ng mga tao: Nasaan ang mga alon ng Iyong kaloob, O Ninanais ng mga daigdig?

Ang pinto patungo sa Banal na Kinaroroonan ay nakakandado nang dahil sa paniniil ng Iyong mga kalaban: Nasaan ang susi ng Iyong pagkaloob, O Tagabukas ng mga daigdig?

Ang mga dahon ay naninilaw dahil sa paglalason ng mga hangin ng pag-aalsa: Nasaan ang ulan ng mga ulap ng Iyong biyaya, O Tagabigay ng mga daigdig?

Ang sanlibutan ay pinadilim ng gabok ng kasalanan: Nasaan ang mga hangin ng Iyong pagpapatawad, O Tagapagpatawad ng mga daigdig?

Ang Kabataang ito ay nalulungkot sa isang mapanglaw na lupa: Nasaan ang ulan ng Iyong makalangit na biyaya, O Tagapagkaloob ng mga daigdig?

O Kataas-taasang Panulat, narinig Namin ang Iyong napakatamis na tawag sa walang hanggang kaharian:

Ibigay ang Iyong pandinig sa sasabihin ng Dila ng Kadakilaan, O Siyang Pinagkasalahan ng mga daigdig!

Kung hindi dahil sa lamig, paano mananaig ang init ng Iyong mga salita, O Tagapagpaliwanag ng mga daigdig?

Kung hindi dahil sa sakuna, paano sisikat ang araw ng Iyong pagpapasensiya, O Ilaw ng mga daigdig?

Huwag manangis dahil sa mga makasalanan. Ikaw ay linikha upang magbata at magtiis, O Pasensiya ng mga daigdig.

Gaano katamis ang Iyong pagsikat sa sugpungang-guhit ng Banal na Kasunduan sa kalagitnaan ng mga gumawa ng pag-aalsa at ang Iyong paghahangad sa Diyos, O Pag-ibig ng mga daigdig.

Sa pamamagitan Mo ang bandila ng kalayaan ay naitayo sa pinakamataas na mga tuktok, at ang dagat ng biyaya ay umalon, O Kagalakan ng mga daigdig.

Sa pamamagitan ng Iyong pag-iisa ang Araw ng Kaisahan ay sumikat, at sa pamamagitan ng Iyong pagkapalayas ang lupain ng Pagkakaisa ay napalamutian. Magtiis, O Ikaw na Tinapon ng mga daigdig.

Ginawa Namin ang pagka-aba na maging damit ng kaluwalhatian, at ang dalamhati na maging palamuti ng Iyong templo, O Karangalan ng mga daigdig.

Nakikita Mo na ang mga puso ay puno ng pagkamuhi, at ang hindi pumuna ang Iyo, O Ikaw na Tagatago ng mga kasalanan ng mga daigdig.

Paghagibis ng mga kalis, sumugod! Paglipad ng mga palaso, sumulong! O Ikaw na Alay ng mga daigdig.

Mananangis Ka ba, o Ako ba ang tatangis? Sa halip ay iiyak Ako sa ka­kauntian ng Iyong mga tagapagtanggol, O Ikaw na naging sanhi ng pagtangis ng mga daigdig.

Tunay na narinig Ko ang Iyong Tawag, O Luwalhati sa Lahat na Minamahal; at ngayon ang mukha ni Bahá ay nagniningas sa init ng pagdurusa at sa apoy ng Iyong nagniningning na salita, at Siya ay bumangon nang buong katapatan sa pook ng pag-aalay, nakabaling sa Iyong kasiyahan, O Tagatadhana ng mga daigdig.

O ‘Alí-Akbar, pasalamatan ang iyong Panginoon sa Tabletang ito na kung saan ay malalanghap mo ang halimuyak ng Aking kaamuan, at malalaman kung ano ang sumapit sa Amin sa landas ng Diyos, ang Sinasamba ng lahat ng mga daigdig.

Kung babasahin at pagninilay-nilayan ito ng lahat ng mga tagapaglingkod, magniningas sa kanilang mga ugat ang isang apoy na magpapaliyab sa mga daigdig.

#4532
- Bahá'u'lláh

 

Ang Tableta Ng Pagdalaw

Ang Tabletang ito ay binabasa sa mga Dambana ni Bahá’u’lláh at ng Báb. Ito ay malimit ding gamitin sa paggunita sa Kanilang mga anibersaryo.

Ang papuring nagliwayway buhat sa Iyong kamahal-mahalang Sarili, at ang kaluwalhatiang sumikat buhat sa Iyong maningning na Kagandahan, ay nananahan sa Iyo, O Ikaw na Kapahayagan ng Kamaharlikaan, at Hari ng Kawalang-hanggan, at Panginoon ng lahat ng nasa langit at nasa lupa! Pinatutunayan ko na sa pamamagitan Mo ang paghahari ng Diyos at ang Kaniyang kaharian, at ang kamaharlikaan, ay nahayag, at ang mga Araw-Bituin ng matandang karilagan ay nagpalaganap ng kanilang ningning sa langit ng Iyong di-mababaling kautusan, at ang Kagandahan ng Di-nakikita at sumikat sa itaas ng guhit-sugpungan ng santinakpan. Pinatutunayan ko, at higit dito, na sa isa lamang kilos ng Iyong Panulat ang Iyong utos na “Ikaw ay maging” ay naipatupad, at ang nakatagong Lihim ng Diyos ay naihayag, at lahat ng nilikhang bagay ay tinawag sa pagkabuhay, at lahat ng Kapahayagan ay ipinapanaog.

Pinatutunayan ko, at higit dito, na sa pamamagitan ng Iyong kagandahan, ang kagandahan ng Sinasamba ay inalisan ng takip, at sa pamamagitan ng Iyong mukha, ang mukha ng Hinahangad ay sumikat, at sa pamamagitan ng isang salita buhat sa Iyo, nakapamili Ka sa lahat ng mga bagay na nilalang; yaong matatapat sa Iyo ay tinulutan Mong makaakyat sa tuktok ng kaluwalhatian, at ang mga walang pananampalataya ay mahulog sa pinakamalalim na bangin.

Pinatutunayan ko na ang nakakilala sa Iyo ay nakakilala sa Diyos, at ang nakarating sa Iyong harapan ay nakarating sa harapan ng Diyos. Dakila samakatwid, ang pagpapala niya na nanampalataya sa Iyo, at sa Iyong mga tanda, at nagpakababa sa harap ng Iyong kapangyarihan, at naging karangalan ang pakikipagtapo sa Iyo, at nakaabot sa mabuting kasiyahan ng Iyong kalooban, at nakaligid sa Iyo, at nakatayo sa harap ng Iyong trono. Kapighatian ay mapapasa Kaniya na sumalansang sa Iyo, at tumanggi sa Iyo, at nagpawalang-saysay sa Iyong mga tanda, at tumutol sa Iyong paghahari, at nagbangon laban sa Iyo at nagpalalo sa harap ng Iyong mukha, at pinakipagtalunan ang Iyong kaharian, at nabilang sa mga walang pananampalataya na ang mga pangalan ay itinitik ng mga daliri ng Iyong utos sa Iyong mga banal na Tableta.

Itulak Mo kung gayon patungo sa akin, O aking Diyos at aking Mahal, buhat sa kanang kamay ng Iyong kahabagan at Iyong mapagmahal na kaawaan, ang mga banal na hininga ng Iyong mga pagtatangkilik, nang upang ako’y mailayo ng mga iyon sa aking sarili at sa daigdig patungo sa mga liwasan ng pagkalapit sa Iyo at pagkaharap sa Iyo. May kakayahan Kang gumawa ng ikinasisiya Mo. Tunay na Ikaw ay nakapangyayari sa lahat ng bagay.

Ang pag-alaala sa Diyos at ang pagpuri sa Kaniya at ang kaluwalhatian ng Diyos at ang Kaniyang karilagan, ay nananahan sa Iyo, O Ikaw na Kaniyang Kagandahan! Saksi ako na ang mata ng santinakpan ay di kailanman nakamalas ng isang pinagkasalahan na tulad Mo. Nakalubog Ka sa lahat ng araw ng Iyong buhay sa karagatan ng mga paghihirap. May isang panahong Ikaw ay nakatanikala; sa isa pang panahon ay pinagbantaan Ka ng mga tabak ng Iyong mga kaaway. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, iniutos Mo sa lahat ng tao na sundin yaong sa Iyo’y iniatas Niya na Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.

Ang aking espiritu ay maging hain nawa sa mga kasamaang pinagdusa Mo, at ang aking kaluluwa ay maging panubos nawa sa mga kasawiang-palad na dinanas Mo. Sumasamo ako sa Diyos sa pamamagitan Mo at nila na ang mga mukha ay tinanglawan ng kaluningningan ng liwanag ng Iyong kaanyuan, at sila na sa pag-ibig sa Iyo ay nagsagawa ng lahat ng iniatas sa kanila, na alisin ang mga lambong na nakapagitan sa Iyo at sa Iyong mga nilalang, at dulutan ako ng mabubuting bagay sa daigdig na ito at sa daigdig na darating. Ikaw sa katotohanan, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Kataas-taasan, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Laging-Nagpapatawad, ang Pinakamahabagin.

Pagpalain Mo, Panginoon kong Diyos, ang Banal na Punong-Lote at ang mga dahon niyon, at ang mga malalaking sanga niyon at ang mga maliliit na sanga niyon, at ang mga tangkay niyon, at ang mga supang niyon, hanggaang ang Iyong pinakamagagaling na pamagat at ang Iyong kamahal-mahalang mga katangian ay mananatili. Ipag-adya iyon, kung gayon, sa pamiminsala ng mapanunggali at sa mga pangkat ng manlulupig. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas. Pagpalain Mo rin, O Panginoon kong Diyos, ang Iyong mga tagapaglingkod at ang Iyong mga kawaksing babae na nakarating sa Iyo. Tunay na Ikaw ang Mapagpala sa Lahat, na ang biyaya ay walang hanggan. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Laging-Nagpapatawad, ang Pinakamagandang-loob.

#4534
- Bahá'u'lláh

 

Ang dalanging ito, na inihayag ni ‘Abdu’l-Bahá, ay binabasa sa Kaniyang Dambana. Ginagamit din ito sa pansariling panalangin.

Sinumang umusal sa dalanging ito nang may kapakumbabaan at kataimtiman ay maghahatid ng galak at tuwa sa puso ng Tagapaglingkod na ito: ito ay magiging tulad na rin ng pakikipagtagpo sa Kaniya nang harapan.

Siya ang Maluwalhati sa Lahat! O Diyos, aking Diyos! Mapagkumbaba at may luha, ako ay nagtataas ng aking nagsusumamong mga kamay sa Iyo at nagtatakip ng aking mukha sa alabok ng Pintuan Mong iyan, na higit na dakila kaysa kaalaman ng maalam, at sa papuri ng lahat ng lumuluwalhati sa Iyo. Malingap na itunghay Mo sa Iyong tagapaglingkod na hamak at aba sa Iyong pintuan, ang mga sulyap ng mga mata ng Iyong kahabagan at itubog Mo siya sa Karagatan ng Iyong walang hanggang biyaya.

Panginoon! Siya ay isang dukha at abang tagapaglingkod Mo, na nabighani at nagsusumamo sa Iyo, bihag sa Iyong kamay, mataimtim na dumadalangin sa Iyo, nagtitiwala sa Iyo, lumuluha sa harap ng Iyong mukha, tumatawag sa Iyo, at nagmamakaawa sa Iyo, nagsasabing:

O Panginoon, aking Diyos! Bigyan Mo ako ng Iyong biyaya nang upang makapaglingkod sa Iyong mga minamahal, palakasin ako ng aking paglilingkod sa Iyo, tanglawan ang aking noo ng liwanag ng pagsamba sa Iyong liwasan ng kabanalan, at ng dalangin sa Iyong maharlikang Kaharian. Tulungan Mo akong huwag maging makasarili sa makalangit na bungad ng Iyong pintuan, at tulungan ako na makahiwalay sa lahat ng mga bagay sa loob ng Iyong banal na mga kapaligiran. Panginoon! Painumin Mo ako sa kalis ng di-pagkamakasarili; damtan ako ng damit niyon. At sa karagatan niyon at itubog ako. Gawin akong tulad ng alabok sa linalakaran ng Iyong mga minamahal, at tulutang maihandog ko ang aking kaluluwa para sa lupang pinadakila ng mga bakas ng Iyong mga pinili sa Iyong landas, O Panginoon ng Kaluwalhatian sa Kataas-taasan.

Sa pamamagitan ng dalanging ito ay tumatawag sa Iyo ang tagapaglingkod Mo, sa bukang-liwayway at sa panahon ng magdamag. Bigyang-katuparan ang hangarin ng kaniyang puso, O Panginoon. Tanglawan ang kaniyang puso, pagalakin ang kaniyang dibdib, paningasin ang kaniyang tanglaw, nang upang mapaglingkuran niya ang Iyong Kapakanan at ang Iyong mga tagapaglingkod.

Ikaw ang Tagapagkaloob, ang Maawain, ang Pinakamapagpala, ang Mapagbigay-biyaya, ang Mahabagin, ang Madamayin!

#4535
- `Abdu'l-Bahá

 

Ang Tableta Ni Ahmad

“Ang pang araw-araw na mga dalanging ito na katungkulang isagawa, kasama ng ilan pang natutukoy, gaya ng Dalangin sa Pagpapagaling, ang Tableta ni Ahmad, ay pinagkalooban ni Bahá’u’lláh ng isang tanging bisa at kahalagahan, at samakatwid ay dapat na tanggaping gayon at usalin ng mga mananampalataya lakip ang walang alinlangang pananalig at pagtitiwala, na sa pamamagitan ng mga iyon ay magkakaroon sila ng higit na mahigpit na pakikipagkaisa sa Diyos, at higit nilang masusunod ang Kaniyang mga batas at mga alituntunin” -Shoghi Effendi

Siya ang Hari, ang Nakababatid ng Lahat, ang Madunong!

Masdan, ang Ruwinsenyor ng Paraiso ay umaawit sa mga sanga ng Punongkahoy ng Kawalang-hanggan, ng mga banal at matatamis na awitin, naghahayag sa mga matatapat ng nakapagpapagalak na mga balita ng pagkalapit ng Diyos, tumatawag sa mga mananampalataya sa banal na Kaisahan patungo sa liwasan ng Pagkamalas ng Magandang-loob, ipinatatalastas sa mga nahiwalay ang balitang inihayag ng Diyos, ang Hari, ang Maluwalhati, ang Walang Kahambing, na namamatnubay sa mga umiibig tungo sa luklukan ng kabanalan at sa maningning na Kagandahang ito.

Tunay na ito ang inihula na Pinakadakilang Kagandahan sa mga Aklat ng mga Tagapagbalita, na sa pamamagitan nito ang katotohanan ay makikilalang bukod sa pagkakamali at ang kawastuan ng bawat utos ay masusubok. Tunay na Siya ang Punongkahoy ng Buhay na namumunga ng mga bunga ng Diyos, ang Maluwalhati, ang Malakas, ang Dakila.

O Ahmad! Saksihan mo na tunay na Siya ay Diyos at walang ibang Diyos liban sa Kaniya, ang Hari, ang Tagapagtanggol, ang Di-Mapapantayan, ang Makapangyarihan sa Lahat. At saksihan mo na Yaong isinugo Niya sa pangalang ‘Ali ay tunay na Isang buhat sa Diyos, na ang utos ay sinusunod nating lahat.

Sabihin: O mga tao, maging masunurin sa mga kautusan ng Diyos, na iniatas sa Bayán ng Maluwalhati, ang Marunong. Tunay na Siya ang Hari ng mga Tagapagbalita at ang Kaniyang Aklat ay ang Inang Aklat kung iyo lamang nalalaman.

Sa ganyan inuusal ng Ruwinsenyor ang Kaniyang tawag sa iyo buhat sa bilangguang ito. Kaniya lamang ihahatid ang malinaw na balitang ito. Sinumang naghahangad, hayaang siya’y pumihit mula sa payong ito, at sinumang naghahangad, hayaang piliin niya ang landas tungo sa kaniyang Panginoon.

O mga tao, kung inyong itatanggi ang mga taludtod na ito, sa anong patunay naniwala kayo sa Diyos? Sabihin ninyo, O kalipunan ng mga bulaan.

Hindi, saksi Siya na sa Kaniyang kamay ay naroroon ang aking kaluluwa, sila ay hindi, at hindi kailanman makagagawa ng ganito, kahiman magsamasama silang magtulungan sa isa’t isa.

O Ahmad! Huwag limutin ang Aking mga pagpapala habang Ako’y nalalayo. Alalahanin ang Aking mga araw sa iyong mga araw, at ang Aking kapighatian at pagkapatapon sa malayong bilangguang ito. At ikaw ay magpakatatag sa Aking pag-ibig sa paraang ang puso ay hindi matitinag, kahiman ang mga tabak ng mga kaaway ay ipagtataga sa iyo at lahat ng langit at ng lupa ay magbangon laban sa Iyo.

Maging tulad ka ng ningas ng apoy sa Aking mga kaaway at ilog ng walang hanggang buhay sa Aking mga minamahal, at huwag kang maging gaya ng nagsisipag-alinlangan.

At kung ikaw ay sapitin ng salaghati sa Aking landas, o pagkaaba alang-alang sa Akin, huwag kang mabagabag nito.

Manangan sa Diyos, ang iyong Diyos, at Panginoon ng iyong mga magulang. Sapagkat ang mga tao ay nagsisigala sa mga landas ng maling akala, walang kapasiyahan upang makita ng kanilang sariling mga mata ang Diyos, o marinig ng kanilang sariling mga tainga ang Kaniyang Awitin. Sa gayon ay natagpuan Namin sila, gaya ng nasasaksihan mo.

Kung kaya ang kanilang mga pamahiin ay naging mga lambong sa pagitan nila at ng kanilang sariling mga puso at inilayo sila sa landas ng Diyos, ang Maluwalhati, ang Dakila.

Dapat mong matiyak sa iyong sarili na sa katunayan ang siyang tumalikod sa Kagandahang ito ay tunay na tumalikod din sa mga Tagapagbalita ng nakaraan at nagpamalas na kapalaluan sa Diyos buhat sa lahat ng walang-hanggan hanggang sa lahat ng walang-hanggang.

Pag-aralang mabuti ang tabletang ito, O Ahmad. Dalitin ito sa iyong mga araw at huwag mong ilayo ang iyong sarili rito. Sapagkat tunay na iniatas ng Diyos para sa dumadalit nito ang gantimpala ng sandaang martir at ang paglilingkod sa kapwa daigdig. Ang mga pagtatanging ito ay ipinagkaloob Namin sa iyo bilang pagpapala sa Aming bahagi at habag buhat sa Aming kinaroroonan, nang upang ikaw ay mabilang sa mga nagpapasalamat.

Saksi ang Diyos! Kung ang sinumang may salaghati o dalamhati ay babasa sa Tabletang ito nang buong katapatan, papawiin ng Diyos ang kaniyang kalungkutan, lulutasin ang kaniyang mga paghihirap at aalisin ang kaniyang mga salaghati.

Tunay, Siya ang Mahabagin, ang Maawain. Luwalhatiin ang Diyos, ang Panginoon ng lahat ng daigdig.

#4533
- Bahá'u'lláh

 

Paningit Na Mga Araw

Ang Paningit na mga Araw, Pebrero 26 hanggang Marso 1, ay mga araw ng paghahanda para sa Pag-aayuno, mga araw ng magiliw na pagtanggap sa mga panauhin, pagkakawanggawa at pagbibigay ng mga handog.

Aking Diyos, aking Apoy at aking Liwanag! Ang mga araw na pinangalanan Mong Ayyám-i-Há sa Iyong Aklat ay nagsimula na, O Ikaw na Hari ng mga pangalan, at ang pag-aayunong iniatas ng Iyong pinakamaluwalhating Panulat sa lahat ng nasa kaharian ng Iyong santinakpan na kanilang ipangilin ay dumarating na. Isinasamo ko sa Iyo, O aking Panginoon, sa mga araw na ito at sa lahat na sa panahong ito ay nangapit sa kuldon ng Iyong mga kautusan at humawak sa ugit ng Iyong mga alituntunin, na loobing bawat kaluluwa ay mabigyan ng isang lugar sa loob ng mga kapaligiran ng Iyong liwasan, at ng isang luklukan sa kapahayagan ng mga karilagan ng liwanag ng Iyong kaanyuhan.

Ang mga ito, O aking Panginoon, ay mga tagapaglingkod Mo na hindi nailayo ng masasamang hilig doon sa pinapanaog Mo sa Iyong Aklat. Iniyuko nila ang kanilang mga sarili sa harap ng Iyong Kapakanan, at tinanggap nila ang Iyong Aklat nang may pagtitika na alalaon baga’y galing sa Iyo, ginawa nila ang iniatas Mo sa kanila, at pinili nilang sundin yaong pinapanaoag Mo.

Nakikita Mo, O aking Panginoon, kung paano nila kinilala at isinaysay ang anumang ipinahayag Mo sa Iyong mga Kasulatan. Tulutan Mo silang maka-inom, O aking Panginoon, sa mga kamay ng Iyong pagbibigay-biyaya ng mga tubig ng Iyong kawalang-hanggan. Isulat, kung gayon, para sa kanila ang bigay-palang iniatas sa mga nagsipagtubog ng sarili sa karagatan ng Iyong harapan, at nakaabot sa piling ng alak ng pakikipagtagpo sa Iyo.

Isinasamo ko sa Iyo, O Ikaw na Hari ng mga Hari at Mahabagin sa mga api, na iatas para sa kanila ang mabuti ng daigdig na ito at ng daigdig na darating. Isulat din para sa kanila yaong hindi natuklasan ng sinuman sa Iyong mga nilalang at ibilang sila sa mga nakapaligid sa Iyo at nagsisikilos na palibot sa Iyong trono sa bawat daigdig ng Iyong mga daigdig.

Ikaw, tunay, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakababatid ng Lahat, ang Nakatatalos ng Lahat.

#4536
- Bahá'u'lláh