Return to BahaiPrayers.net
Facebook
O Ikaw na mapagpatawad na Panginoon! Ikaw ang kanlungan ng lahat ng mga ito na Iyong tagapaglingkod. Nalalaman Mo ang mga lihim at batid Mo ang lahat ng mga bagay. Kaming lahat ay walang kakayahan, at Ikaw ang Napakalakas, ang Makapangyarihan sa Lahat. Kaming lahat ay mga makasalanan, at Ikaw ang Nagpapatawad ng mga kasalanan, ang Mahabagin, ang Maawain. O Panginoon! Huwag Mong tingnan ang aming mga pagkukulang. Pakitunguhan kami sang-ayon sa Iyong pagpapala at biyaya. Ang aming mga pagkukulang ay marami, ngunit ang karagatan ng Iyong pagpapatawad ay walang-hanggan. Ang aming karupukan ay napakatindi, ngunit ang mga palatandaan ng Iyong tangkilik at tulong ay maliwanag. Sa ganoon, pagtibayin at palakasin Mo kami. Tulutan kaming makagawa ng yaong karapat-dapat sa banal na Pintuan ng Iyong Dambana. Tanglawan ang aming mga puso, pagkalooban kami ng nakauunawang mga mata, at ng nakikinig na mga tainga. Buhayin muli ang patay at pagalingin ang may sakit. Pagkalooban ng kayamanan ang mga mahirap at bigyan ng kapayapaan at katiwasayan ang mga natatakot. Tanggapin Mo kami sa Iyong kaharian at tanglawan Mo kami ng liwanag ng Iyong patnubay. Ikaw ang Pinakamalakas, ang Pinakanakapangyarihan. Ikaw ang Mapagbigay, Ikaw ang Mahabagin, Ikaw ang Mabait.
- `Abdu'l-Bahá