Luwalhatiin Ka, O Hari ng kawalang hanggan, at Maylikha ng mga bansa, at Mayhabi ng bawat nadudurog na buto! Idinadalangin ko sa Iyo, sa Iyong Pangalan na namagitan sa pagtawag Mo sa lahat ng sangkatauhan patungo sa sugpungang-guhit ng Iyong kamahalan at kaluwalhatian, at sa pagpatnubay Mo sa Iyong mga tagapaglingkod tungo sa liwasan ng Iyong biyaya at pagtatangkilik, na ibilang Mo ako sa mga nakapag-alis ng lahat ng kanilang sarili liban sa Iyong Sarili, at nakapag-ukol ng kanilang sarili tungo sa Iyo, at hindi napigil ng mga kasawiang-palad na gaya ng mga itinakda Mo sa pagbaling sa kinaroroonan ng Iyong mga handog.
Humawak ako, O aking Panginoon, sa ugit ng Iyong pagpapala, at mahigpit na nangapit sa laylayan ng damit ng Iyong pagtatangkilik. Ihulog, kung gayon, sa akin, buhat sa mga alapaap ng Iyong kagandahang-loob, yaong makapag-aalis sa akin ng gunita ng sinuman liban sa Iyo, at loobin Mong makabaling ako sa Kaniya na Kinauukulan ng pagsamba ng lahat ng sangkatauhan at laban sa Kaniya ay naihanay ang mga manunulsol ng paghihimagsik na lumabag sa Iyong banal na kasunduan, at hindi naniniwala sa Iyo at sa Iyong mga tanda.
Huwag mong ikait sa akin, O aking Panginoon ang mga kabanguhan ng Iyong kasuutan sa Iyong mga araw, at huwag ipagdamot sa akin ang mga hinga ng Iyong Rebelasyon sa paglitaw ng mga luningning ng liwanag ng Iyong mukha. Makapangyarihan Ka upang magawa ang ikinasisiya Mo. Walang makatututol sa Iyong kalooban, ni makabibigo sa nilayon Mo sa Iyong Kapangyarihan.
Walang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Matalino sa Lahat.
- Bahá'u'lláh
Siya ang Makapangyarihan, ang Nagpapatawad, ang Mahabagin!
O Diyos, aking Diyos! Nakikita Mo ang Iyong mga tagapaglingkod sa bangin ng pagkapahamak at pagkakamali; nasaan ang Iyong liwanag ng banal na pamamatnubay, O Ikaw na hangarin ng daigdig? Batid mo ang kanilang kawalang-kakayahan at ang kanilang kahinaan; nasaan ang Iyong lakas, O Ikaw na naghahawak sa mga lakas ng langit at lupa?
Hinihiling ko sa Iyo, O Panginoon, aking Diyos, sa kaluningningan ng mga liwanag ng Iyong mapagmahal na kahabagan at malalaking alon ng karagatan ng Iyong kaalaman at dunong at sa Iyong Salitang namagitan sa pagpapakilos Mo sa mga mamamayan ng Iyong kaharian, na ipahintulot na ako’y maging isa sa kanilang nagsigawa ng ipinag-utos Mo sa Iyong Aklat. At iatas Mo para sa akin yaong iniatas Mo para sa Iyong pinagkakatiwalaan, sila na nagsitungga ng alak ng banal na inspirasyon sa kalis ng Iyong pagpapala at nagsipagmadaling gumawa ng Iyong ikinasisiya at nagsitupad sa Iyong Banal na Kasunduan, at Habilin. Makapangyarihan Ka upang magawa ang niloloob Mo, walang ibang Diyos maliban sa Iyo, ang Nakababatid ng Lahat, ang Madunong sa Lahat.
Iatas mo para sa akin, sa Iyong pagpapala, O Panginoon, yaong makapagpapasagana sa akin sa daigdig na ito at sa haharapin at makapaglalapit sa akin sa Iyo, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng tao. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Iisa, ang Makapangyarihan, ang Maluwalhati.
- `Abdu'l-Bahá
Patatagin ang aming mga hakbang, O Panginoon, sa Iyong landas at palakasin Mo ang aming mga puso sa pagsunod sa Iyo. Ibaling ang aming mga mukha tungo sa kagandahan ng Iyong pagkakaisa at bigyang-galak ang aming mga dibdib sa pamamagitan ng mga tanda ng Iyong banal na kaisahan. Palamutihan ang aming mga katawan ng damit ng Iyong pagpapala at alisin sa aming mga mata ang lambong ng pagkamakasalanan at bigyan kami ng kalis ng Iyong biyaya; upang ang ubod ng lahat ng nilalang ay umawit ng papuri sa Iyo sa harap ng pangitain ng Iyong kamaharlikahan. Ipahayag ang Iyong Sarili, O Panginoon, sa pamamagitan ng Iyong mahabaging pananalita at hiwaga ng Iyong Banal na Sarili, upang ang banal na lubos na kaligayahan ng panalangin ay pumuspos sa aming mga kaluluwa—isang panalanging mangingibabaw sa mga salita at mga titik at makalalampas sa usal ng mga kataga at tunog—upang ang lahat ng bagay ay pagsama-samahin sa kawalan sa harap ng kapahayagan ng Iyong kaluwalhatian.
Panginoon! Ito ang mga tagapaglingkod na nanatiling matapat sa Iyong Banal na Kasunduan at sa Iyong Habilin, na mahigpit na nanghawak sa kuldon ng pagpapakatapat sa Iyong Kapakanan at nangapit sa laylayan ng damit ng Iyong kamaharlikaan. Tulungan Mo sila, O Panginoon, sa Iyong biyaya, pagtibayin ng Iyong kapangyarihan at palakasin ang kanilang mga balakang sa pagsunod sa Iyo.
Ikaw ang Nagpapatawad, ang Mapagbigay-biyaya.
- `Abdu'l-Bahá
O Mahabaging Diyos! Salamat sa Iyo dahil sa ginising Mo ako at binigyan ng kamalayan. Pinagkalooban Mo ako ng nakakikitang mata at itinangi Mo ako sa pagbibigay ng nakaririnig na tainga; inakay Mo akong patungo sa Iyong kaharian at pinamatnubayan Mo ako sa Iyong Landas. Ipinakita Mo sa akin ang tumpak na daan at itinulot Mong makapasok ako sa Arko ng Kaligtasan. O Diyos! Panatilihin akong maging matatag at gawin Mo akong matibay at malakas. Ipagtanggol Mo ako sa mararahas na pagsubok at panatilihing ligtas at ikanlong sa matibay na moog ng Iyong Banal na Kasunduan at Habilin. Ikaw ang Makapangyarihan. Ikaw ang Nakakikita. Ikaw ang Nakaririnig. Ikaw ang Mahabaging Diyos. Ipagkaloob Mo sa akin ang isang pusong tulad ng kristal ay mapagliliwanag ng tanglaw ng Iyong pag-ibig, at ibigay Mo sa akin ang isang kaisipang makapagbabago sa daigdig na ito upang maging isang halamanan ng rosas sa pamamagitan ng pagpapalang espiritwal. Ikaw ang Mahabagin, ang Maawain. Ikaw ang Dakilang Mapagpalang Diyos.
- `Abdu'l-Bahá
O aking Panginoon at aking Pag-asa! Tulungan Mo ang Iyong mga minamahal na maging matatag sa Iyong matibay na Banal na Kasunduan, na manatiling matapat sa Iyong malinaw na Kapakanan, at isakatuparan ang mga utos na Iyong sadyang itinalaga para sa kanila sa Iyong Aklat ng mga Karilagan; nang sila ay maging mga bandila ng patnubay at mga ilawan ng Kapulungan sa Itaas, bukal ng Iyong walang hanggang dunong, at mga bituing gumagabay nang wasto, habang sila ay sumisikat sa lupa mula sa kalangitan ng Diyos.
Sa katunayan, Ikaw ang Hindi Malulupig; ang Pinakamalakas, ang Makapangyarihan sa Lahat.
- `Abdu'l-Bahá