Lahat ng papuri, O aking Diyos ay suma-Iyo nawa, Ikaw na Pinagmumulan ng lahat ng kaluwalhatian at kamahalan, ng kadakilaan at karangalan, ng paghahari at pamumuno, ng kataasan at biyaya, ng pagkamangha at kapangyarihan. Sinumang marapatin Mo ay niloloob Mong mapalapit sa Pinakadakilang Karagatan at sinumang naisin Mo ay pinagkalooban Mo ng karangalang makilala ang Iyong Lubhang Napakatandang Pangalan. Sa lahat ng nasa langit at lupa, walang sinumang makatututol sa pagsasakatuparan ng Iyong makapangyarihang Kalooban. Buhat sa lahat ng walang-hanggan ay pinamahalaan Mo ang buong santinakpan, at magpakailan man ay magpapatuloy Kang mamahala sa lahat ng kinapal. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamaluwalhati, ang Malakas sa Lahat, and Marunong sa Lahat.
Tanglawan, O Panginoon, ang mga mukha ng Iyong mga tagapaglingkod, upang mamalas Ka nila; at linisin ang kanilang mga puso upang sila’y manumbalik sa liwasan ng Iyong mga panlangit na pagtatangkilik, at makilala nila Siya na Kapahayagan ng Iyong Sarili at Araw Bukal ng Iyong Diwa. Tunay na Ikaw ang Panginoon ng lahat ng daigdig. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Di-napipigilan, ang Nakasasakop sa Lahat.
- Bahá'u'lláh
Sa Pangalan ng Diyos, ang Kataas-taasan! Purihin at luwalhatiin Ka, Panginoon, Diyos na Makapangyarihan sa Lahat! Ikaw na sa harap ng Iyong kadunungan ang madunong ay hindi nakapantay at nabigo, sa harap ng Iyong kaalaman ang marunong ay umamin ng kaniyang kamangmangan, sa harap ng Iyong lakas ang malakas ay nanghina, sa harap ng Iyong kasaganaan ang mayaman ay sumasaksi sa kaniyang kahirapan, sa harap ng Iyong liwanag ang naliliwanagan ay nawawala sa karimlan, tungo sa dambana Iyong kaalaman ay bumaling ang diwa ng lahat ng pag-unawa at palibot ng santuwaryo ng Iyong kinaroroonan ay umiikot ang mga kaluluwa ng sangkatauhan.
Paano ko maaawit, kung gayon, at masasabi ang Iyong Diwa, yamang ang dunong ng madudunong at ang kaalaman ng mga maaalam ay nabigong maunawaan ito, yamang hindi magagawang awitin ng sinumang tao yaong hindi niya nauunawaan, ni hindi maisasaysay yaong hindi niya naaabot, samantalang buhat pa sa walang hanggan Ikaw ay yaon nang Di-Naaabot, ang Di-Malirip. Bagaman ako’y walang lakas na makaakyat sa mga langit ng Iyong kaluwalhatian at makalipad sa mga pook ng Iyong kaalaman, ang tangi kong magagawa ay isaysay ang mga sagisag na nagbabadya ng Iyong kahanga-hangang gawa.
Saksi ang Iyong Kaluwalhatian! O Minamahal ng lahat ng puso, Ikaw na nag-iisang nakapagpapatahimik sa kabalisahan ng paghahangad sa Iyo! Kahiman ang lahat ng mananahan sa langit at lupa ay nagkaisang lumuwalhati sa pinakamaliit sa Iyong mga tanda, na pinagpahayagan Mo ng Iyong Sarili, sila’y mabibigo pa rin, gaano pa kaya sa pagpuri sa Iyong banal na Salita, ang lumalang sa lahat ng Iyong mga sagisag Lahat ng papuri at pagluluwalhati ay suma-Iyo nawa, Ikaw na kung kanino ang lahat ng mga bagay ay sumasaksi na Ikaw ay iisa at walang iba pang Diyos liban sa Iyo, Ikaw na mula pa sa kawalang hanggan ay higit na dakila kaysa lahat ng kapantay o katulad at hanggang sa kailanman ay mananatiling gayon. Lahat ng mga hari ay mga tagapaglingkod Mo lamang at lahat ng nilalang, nakikita man o di nakikita ay tulad ng hindi umiiral sa Iyong harapan. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Magiliw, ang Makapangyarihan, ang Kataas-taasan.
- Bahá'u'lláh
Dumakila nawa ang Iyong Pangalan, O Panginoon kong Diyos! Ikaw yaong sinasamba ng lahat ng bagay at yaong walang sinasambang sinuman, ang Panginoon ng lahat ng bagay at hindi tagasunod ng sinuman, ang nakababatid ng lahat ng bagay at hindi batid ng sinuman. Ninais Mong ipakilala ang Iyong sarili sa mga tao; kung kaya sa pamamagitan ng isang salita ng Iyong bibig, nilalang Mo ang mga kinapal at nilikha ng daigdig. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Manlilikha, ang Maykapal, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Pinakamalakas.
Isinasamo ko sa Iyo, sa salitang ito na nagninging sa itaas ng sugpungang-guhit ng Iyong kalooban, na tulutan Mong makainom akong mabuti sa mga buhay na tubig na ibinuhay Mo sa mga puso ng Iyong mga pinili at bumuhay sa mga kaluluwa ng mga umiibig sa Iyo, nang magawa ko, sa lahat ng sandali at sa lahat ng kalagayan, na ganap na maibaling ang aking mukha sa Iyo.
Ikaw ang Diyos ng lakas, ng kaluwalhatian at pagpapala. Walang Diyos liban sa Iyo, Ikaw ang Pinakamataas na Tagapamahala, ang Pinakamaluwalhati sa Lahat, ang Marunong sa Lahat.
- Bahá'u'lláh
Purihin Ka nawa, O Panginoon kong Diyos! Sa bawat sandaling sinusubukan kong banggitin Ka, napipigilan ako sa karilagan ng Iyong kahayagan at sa nakapupuspus na kadakilaaan ng Iyong kapangyarihan. Dahil kung pupurihin Kita sa buong kahabaan ng Iyong kaharian at sa buong panahon ng Iyong kapangyarihan, matutuklasan ko na ang pagpuri ko sa Iyo ay angkop lamang doon sa nakakatulad ko na sila man ay Iyong nilikha sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iyong kautusan at hinubog sa pamamagitan ng Iyong kagustuhan. At sa anumang sandali ang aking panulat ay maghadog ng luwalhati sa isa man sa Iyong mga pangalan, pakiwari ay naririnig ko ang tinig ng kaniyang paghihinagpis dahil sa kalayuan nito sa Iyo, at nakikilala ko ang kaniyang panaghoy dahil sa kaniyang pagkakawalay sa Iyong Sarili. Sumasaksi ako na ang lahat ng bagay maliban sa Iyo ay pawang nilalang Mo at hawak sa palad ng Iyong kamay. Na tinanggap Mo ang anumang kilos o papuri na galing sa Iyong nilikha ay palatandaan lamang ng Iyong mga kahanga-hangang biyaya at maraming pagpapala, at isang kahayagan ng Iyong kagandahang-loob at kalinga.
Sumasamo ako sa Iyo, O aking Panginoon, sa Iyong Pinakadakilang Pangalan na sa pamamagitan nito ay inihiwalay Mo ang liwanag sa apoy, ang katotohanan sa pagtatakwil, na ipadala sa akin at doon sa aking minamahal mga na aking kasama ang mabuti dito sa daigdig at sa susunod. Pagkalooban kami, kung gayon, ng Iyong mga kahanga hangang biyaya na natatago mula sa mga mata ng tao. Ikaw ay, sa katunayan, ang Tagahu bog ng lahat ng nilikha. Walang Diyos maliban sa Iyo, ang Makapangyarihan, ang Pinakamataas.
- Bahá'u'lláh
Lahat ng kamaharlikaan at kaluwalhatian, O aking Diyos, at lahat ng pamamahala at liwanag at kadakilaan at kaningningan ay suma-Iyo. Ipinagkakaloob Mo ang kapangyarihan sa kanino mang Iyong gustuhin at ipinagkakait ito sa sinumang Iyong naisin. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Nag-aangkin ng Lahat, ang Pinakadakila. Ikaw yaong lumikha mula sa kawalan ng santinakpan at lahat ng naninirahan dito. Walang karapat-dapat sa Iyo maliban sa Iyong Sarili, samantalang ang lahat maliban sa Iyo ay mga itinakwil sa Iyong harapan at mga walang halaga kung ihahambing sa luwalhati ng Iyong Sarili.
Malayo para sa akin na parangalan ang Iyong mga katangian maliban sa mga yaong pinarangalan ng Iyong sarili sa Iyong matimbang na Aklat na dito ay Iyong sinabi, “Walang nakauunawa sa Kaniya, ngunit nauunawaan Niya ang lahat. Siya ang Mahiwaga, ang Nakadarama sa Lahat.” Luwalhatiin Ka, O aking Diyos, tunay na walang isip o pananaw, na gaanumang katalas o lubos na maingat, ay kailanman mauunawaan ang sariling katangian, ng pinaka walang halaga sa Iyong mga tanda. Sa katunayan, Ikaw ang Diyos, walang ibang Diyos maliban sa Iyo. Ako ay sumasaksi na Ikaw at Ikaw lamang ang tanging nagpapahayag ng Iyong mga katangian, na walang pagpuri ng sinuman maliban sa Iyo ay nakaabot sa Iyong banal na korte o ang Iyong mga katangian ay maarok ninoman maliban sa Iyong Sarili.
Luwalhatiin Ka, hindi maabot ninoman na ilarawan Ka maliban sa Iyong Sarili, dahil labas sa kakayahan ng tao na mabigyan ng karapat-dapat na halaga ang Iyong mga kabutihan o umunawasa kaibuturang realidad ng Iyong Diwa. Hindi maangkop sa Iyong kaluwalhatian na ang mga nilikha ay ilarawan Ka o sinuman maliban sa Iyo ay kailanman makauunawa sa Iyo. Nakilala Kita, O aking Diyos sa dahilan na ginawa Mong makilala Kita, sapagkat kung hindi Mo ipinahayag ang Iyong Sarili sa akin hindi maaaring makilala Kita. Sumasamba ako sa Iyo dahilan sa Iyong pagtawag sa akin, sapagkat kung hindi sa Iyong mga tawag ay hindi ako sasamba sa Iyo.
- The Báb