Sa Ngalan ng Diyos, ang Napakatanda, ang Pinakadakila.
Tunay na ang mga puso ng mga matatapat ay nauubos na sa apoy ng pagkakahiwalay: Nasaan ang ningning ng ilaw ng Iyong Mukha, O Minamahal ng mga daigdig?
Ang mga malalapit sa Iyo ay napabayaan na sa karimlan ng pangungulila: Nasaan ang pagsikat ng umaga ng Iyong muling pagsasama, O Ninanais ng mga daigdig?
Ang mga katawan ng Iyong mga pinili ay nangingisay na sa malalayong mga buhanginan: Nasaan ang dagat ng Iyong pagdalo, O Giliw ng mga daigdig?
Ang nagnanasang mga kamay ay itinaas na sa langit ng Iyong biyaya at kaganadahang-loob: Nasaan ang mga ulan ng Iyong kaloob, O Tagasagot ng mga daigdig?
Ang mga hindi sumasampalataya ay nagbangon na ng paniniil sa bawat dako: Nasaan ang nananaig na kapangyarihan ng Iyong nagtatakdang panulat, O Tagalupig ng mga daigdig?
Ang pagkakahol ng mga aso ay maingay na sa bawat panig: Nasaan ang leon ng gubat ng Iyong kapangyarihan. O Tagasita ng mga daigdig?
Ang kalamigan ay yumapos na sa buong sangkatauhan: Nasaan ang init ng Iyong pag-ibig, O apoy ng mga daigdig?
Ang sakuna ay umabot na sa sukdulan: Nasaan ang mga tanda ng Iyong tulong, O Tagaligtas ng mga daigdig?
Ang kadiliman ay sumakop na sa karamihan ng mga tao: Nasaan ang liwanag ng Iyong kaluwalhatian, O Liwanag ng mga daigdig?
Ang mga liig ng mga tao ay nanghahaba na sa masamang hangarin: Nasaan ang mga kalis ng Iyong paghihiganti, O Tagawasak ng mga daigdig?
Ang pagkaka-aba ay umabot na sa pinakamababang lalim: Nasaan ang mga sagisag ng Iyong kaluwalhatian, O Luwalhati ng mga daigdig?
Mga pighati ang nagbigay-hapis sa Tagapagpahayag ng Iyong Pangalan, ang Maawain sa Lahat: Nasaan ang kaligayahan ng Pamimitak ng Iyong Kahayagan, O Giliw ng mga daigdig?
Ang mga dalamhati ay sumapit na sa lahat ng mga tao ng daigdig: Nasaan ang mga bandila ng Iyong kagalakan, O Kasiyahan ng mga daigdig?
Nakikita Mo ang Sinilangang Lupa ng Iyong mga palatandaan na natatakpan na ng masasamang mga mungkahi: Nasaan ang mga daliri ng Iyong lakas, O Kapangyarihan ng mga daigdig?
Ang mahigpit na pagkauhaw ay umabot na sa lahat ng mga tao: Nasaan ang ilog ng Iyong biyaya, O Awa ng mga daigdig?
Ang kasakiman ay bumihag na sa buong sangkatauhan: Nasaan ang mga kumakatawan ng pagkawalay, O Panginoon ng mga daigdig?
Nakita Mo ang Pinagsamantalahang Ito na nalulumbay sa pagkakatapon: Nasaan ang mga hukbo ng langit ng Iyong Utos, O Hari ng mga daigdig?
Pinabayaan Ako sa ibang bansa: Nasaan ang mga tanda ng Iyong katapatan, O Tiwala ng mga daigdig?
Ang mga paghihingalo ng kamatayan ay sumunggab na sa lahat na mga tao: Nasaan ang pag-alon ng Iyong dagat ng walang-hanggang buhay, O Buhay ng mga daigdig?
Ang mga bulong ni Satanas ay naihinga na sa bawat nilikha: Nasaan ang bulalakao ng Iyong apoy, O Ilaw ng mga daigdig?
Ang kalasingan ng pagkahumaling ay nagpaligaw na sa karamihan ng sangkatauhan: Nasaan ang mga pamimitak ng kadalisayan, O Ninanais ng mga daigdig?
Nakikita Mo ang Pinagsamantalahang Ito na natatakpan ng paniniil habang kasama ng mga Syrian: Nasaan ang liwanag ng Iyong nagbubukang-liwayway na ilaw, O Tanglaw ng mga daigdig?
Nakikita Mo na pinagbawalan Akong magsalita: Kung gayon, mula saan bubukal ang Iyong mga himig, O Ruwinsenyor ng mga daigdig?
Ang karamihan ng mga tao ay nababalutan ng guniguni at walang saysay na mga likhang-isip: Nasaan ang mga tagapagpatibay ng Iyong kasiguraduhan, O Katiyakan at mga daigdig?
Si Bahá ay nalulunod sa dagat ng pagdurusa: Nasaan ang Arko ng Iyong kaligtasan, O Tagaligtas ng mga daigdig?
Nakikita Mo ang Pamimitak ng Iyong pahayag sa kadiliman ng sangnilikha: Nasaan ang araw ng langit ng Iyong biyaya, O Tagabigay-Ilaw ng mga daigdig?
Ang mga tanglaw ng katotohanan at kadalisayan, ng katapatan at karangalan ay pinatay na: Nasaan ang mga tanda ng Iyong naghihiganting galit, O Nagpapagalaw ng mga daigdig?
Mayroon Ka bang nakikitang sinumang nagtatanggol sa Iyong Sarili, o nag-iisip kung ano ang nangyari sa Kaniya sa landas ng Iyong pag-ibig? Ngayon humihinto ang Aking panulat, O Minamahal ng mga daigdig.
Ang mga sanga ng Banal na Punong-Lote ay nabali ng mabilis na pagdating ng mga bagyo ng tadhana: Nasaan ang mga bandila ng Iyong tulong, O Kampeon ng mga daigdig?
Ang Mukhang ito ay natatago sa gabok ng paninirang-puri: Nasaan ang mga simoy ng Iyong malasakit, O Awa ng mga daigdig?
Ang damit ng kabanalan ay dinungisan ng mga tao ng panlilinlang: Nasaan ang baro ng Iyong kabanalan, O Tagagayak ng mga daigdig?
Ang dagat ng biyaya ay napatahimik nang dahil sa linikha ng mga kamay ng mga tao: Nasaan ang mga alon ng Iyong kaloob, O Ninanais ng mga daigdig?
Ang pinto patungo sa Banal na Kinaroroonan ay nakakandado nang dahil sa paniniil ng Iyong mga kalaban: Nasaan ang susi ng Iyong pagkaloob, O Tagabukas ng mga daigdig?
Ang mga dahon ay naninilaw dahil sa paglalason ng mga hangin ng pag-aalsa: Nasaan ang ulan ng mga ulap ng Iyong biyaya, O Tagabigay ng mga daigdig?
Ang sanlibutan ay pinadilim ng gabok ng kasalanan: Nasaan ang mga hangin ng Iyong pagpapatawad, O Tagapagpatawad ng mga daigdig?
Ang Kabataang ito ay nalulungkot sa isang mapanglaw na lupa: Nasaan ang ulan ng Iyong makalangit na biyaya, O Tagapagkaloob ng mga daigdig?
O Kataas-taasang Panulat, narinig Namin ang Iyong napakatamis na tawag sa walang hanggang kaharian:
Ibigay ang Iyong pandinig sa sasabihin ng Dila ng Kadakilaan, O Siyang Pinagkasalahan ng mga daigdig!
Kung hindi dahil sa lamig, paano mananaig ang init ng Iyong mga salita, O Tagapagpaliwanag ng mga daigdig?
Kung hindi dahil sa sakuna, paano sisikat ang araw ng Iyong pagpapasensiya, O Ilaw ng mga daigdig?
Huwag manangis dahil sa mga makasalanan. Ikaw ay linikha upang magbata at magtiis, O Pasensiya ng mga daigdig.
Gaano katamis ang Iyong pagsikat sa sugpungang-guhit ng Banal na Kasunduan sa kalagitnaan ng mga gumawa ng pag-aalsa at ang Iyong paghahangad sa Diyos, O Pag-ibig ng mga daigdig.
Sa pamamagitan Mo ang bandila ng kalayaan ay naitayo sa pinakamataas na mga tuktok, at ang dagat ng biyaya ay umalon, O Kagalakan ng mga daigdig.
Sa pamamagitan ng Iyong pag-iisa ang Araw ng Kaisahan ay sumikat, at sa pamamagitan ng Iyong pagkapalayas ang lupain ng Pagkakaisa ay napalamutian. Magtiis, O Ikaw na Tinapon ng mga daigdig.
Ginawa Namin ang pagka-aba na maging damit ng kaluwalhatian, at ang dalamhati na maging palamuti ng Iyong templo, O Karangalan ng mga daigdig.
Nakikita Mo na ang mga puso ay puno ng pagkamuhi, at ang hindi pumuna ang Iyo, O Ikaw na Tagatago ng mga kasalanan ng mga daigdig.
Paghagibis ng mga kalis, sumugod! Paglipad ng mga palaso, sumulong! O Ikaw na Alay ng mga daigdig.
Mananangis Ka ba, o Ako ba ang tatangis? Sa halip ay iiyak Ako sa kakauntian ng Iyong mga tagapagtanggol, O Ikaw na naging sanhi ng pagtangis ng mga daigdig.
Tunay na narinig Ko ang Iyong Tawag, O Luwalhati sa Lahat na Minamahal; at ngayon ang mukha ni Bahá ay nagniningas sa init ng pagdurusa at sa apoy ng Iyong nagniningning na salita, at Siya ay bumangon nang buong katapatan sa pook ng pag-aalay, nakabaling sa Iyong kasiyahan, O Tagatadhana ng mga daigdig.
O ‘Alí-Akbar, pasalamatan ang iyong Panginoon sa Tabletang ito na kung saan ay malalanghap mo ang halimuyak ng Aking kaamuan, at malalaman kung ano ang sumapit sa Amin sa landas ng Diyos, ang Sinasamba ng lahat ng mga daigdig.
Kung babasahin at pagninilay-nilayan ito ng lahat ng mga tagapaglingkod, magniningas sa kanilang mga ugat ang isang apoy na magpapaliyab sa mga daigdig.
- Bahá'u'lláh