*Ang Naw-Rúz, Marso21, ay ang unang araw ng taon ng Bahá’í.
Purihin ka, O aking Diyos, sa pag-aatas Mo na ang Naw-Rúz ay maging isang kapistahan sa mga nagsasagawa ng pag-aayuno nang dahil sa pag-ibig sa Iyo at nagsilayo sa lahat ng kasuklam-suklam sa Iyo. Loobin, O aking Panginoon na ang apoy ng Iyong pag-ibig at ang init na nalikha ng pag-aayunong iniatas Mo ay makapagparubdob sa kanila sa Iyong Kapakanan, at gawin silang abala sa pagpuri sa Iyo at sa paggunita sa Iyo.
Yamang ginayakan Mo sila, O aking Panginoon, ng palamuti ng Pag-aayuno na iniatas Mo, gayakan mo rin sila ng palamuti ng Iyong pagtanggap sa pamamagitan ng Iyong biyaya at mapagpalang pagtatangkilik. Sapagkat ang lahat ng gawa ng tao ay nananangan sa Iyong mabuting kasiyahan, at nababatay sa Iyong pag-aatas. Kung siyang lumabag sa pag-aayuno ay ituturing Mo bilang isang nakapagsagawa niyon, ang gayong tao ay ibibilang sa kanila na buhat sa kawalang-hanggan ay nagsasagawa ng pag-aayuno. At kung ipapasya Mo na siyang nagsagawa ng pag-aayuno ay lumabag niyon, ang taong ito ay ibibilang sa yaong mga naging sanhi na ang Damit ng Iyong Rebelasyon ay marumihan ng alabok, at inilayo sa kristal na tubig ng buhay na Bukal na ito.
Ikaw Siya na namagitan sa pagkataas ng bandilang “Kapuri-puri Ka sa Iyong mga gawa,” at pagkaladlad ng watawat na “Sinusunod Ka sa Iyong pag-aatas.” Ipabatid Mo ang Iyong katayuang ito, O aking Diyos, sa Iyong mga tagapaglingkod, upang malaman nila na ang kagalingan ng lahat ng bagay ay nasa Iyong pag-aatas at Iyong Salita, at ang kabutihan ng bawat kilos ay batay sa Kaniyang pahintulot at sa mabuting kasiyahan ng Kaniyang kalooban, at nang makilala na ang mga ugit ng mga gawain ng tao ay nasa kamay ng Iyong pagtanggap at Iyong mga utos. Ipabatid Mo ito sa kanila, upang walang anumang makapaglingid sa kanila sa Iyong Kagandahan, sa mga araw na itong ipinahayag ng Kristo: “Lahat ng kaharian ay Iyo, O Ikaw na Nagsilang ng Espiritu (Jesus)”, at inihayaw ng Iyong Kaibigan (Muhammad): “Luwalhati sa Iyo, O Ikaw na Pinaka-iibig, sapagkat inalisan Mo ng takip ang Iyong Kagandahan, at isinulat para sa Iyong mga pinili yaong makapagpaparating sa kanila sa luklukan ng kapahayagan ng Iyong Pinakadakilang Pangalan, na sa pamamagitan niyon ang lahat ng tao ay nagsitaghoy maliban sa mga nagsihiwalay ng kanilang mga sarili sa lahat liban sa Iyo, at nagsipag-ukol ng kanilang sarili tungo sa Kaniya na Tagapaghayag ng Iyong Sarili at kahayagan ng Iyong mga katangian.”
Siya na Iyong Sanga at lahat ng Iyong kasama, O aking Panginoon, ay huminto sa araw na ito ng kanilang pag-aayuno pagkaraang maisagawa iyon sa loob ng mga kapaligiran ng Iyong liwasan, at sa kanilang kasabikang mabigyan Ka ng kasiyahan. Iatas Mo para sa Kaniya, at para sa kanila, at para sa lahat ng nagsipasok sa Iyong pagkamalas sa mga araw na ito, ang lahat na mabubuting itinakda Mo sa Iyong Aklat. Pagkalooban sila niyong pakikinabangan nila, maging sa buhay na ito at sa kabilang buhay.
Ikaw, sa katotohanan, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.
- Bahá'u'lláh