Return   Facebook   Zip File

Arabic

1

O Anak ng Espiritu!

Ang una Kong payo ay ito: Mag-angkin ng isang wagas, mabait at maningning na puso, nang mapasaiyo ang isang matandang Kapangyarihan, walang pagkasira at walang hanggan.

2

O Anak ng Espiritu!

Ang lalong mahal sa lahat ng mga bagay sa Aking paningin ay ang Katarungan; huwag talikuran iyon kung hinahangad mo Ako, at huwag pabayaan iyon upang Ako ay magtapat sa iyo. Sa pamamagitan ng tulong niyon ay makakikita ka ayon sa iyong sariling mga mata at hindi sa pamamagitan ng mga mata ng iba, makababatid ka ayon sa iyong sariling kaalaman at hindi sa pamamagitan ng kaalaman ng iyong kapitbahay. Nilay-nilayin mo ito sa iyong puso; kung papaano ka dapat maging. Sa katunayan, ang katarungan ay siya Kong handog sa iyo at siyang tanda ng Aking masintahing kagandahang-loob. Ilagay mo iyon kung gayon sa harap ng iyong mga mata.

3

O Anak ng Tao!

Nalalambungan sa Aking mula't sapul na pag-iral at sa matandang kawalang-hanggan ng Aking diwa, batid Ko ang Aking pag-ibig sa iyo; dahil doon ikaw ay nilikha Ko, iniukit sa iyo ang Aking larawan at inihayag sa iyo ang Aking kagandahan.

4

O Anak ng Tao!

Inibig Ko ang paglikha sa iyo, kaya't ikaw ay nilikha Ko. Kung gayon, pakaibigin mo Ako, nang sa ganyan ay banggitin Ko ang iyong pangalan at puspusin ang iyong kaluluwa ng espiritu ng buhay.

5

O Anak ng Katauhan!

Ibigin mo Ako, nang ikaw ay maibig Ko. Kung hindi mo Ako iibigin, ang pag-ibig Ko ay walang paraang makaabot sa iyo. Unawain mo ito, O tagapaglingkod.

6

O Anak ng Katauhan!

Ang iyong Paraiso ay ang Aking pag-ibig; ang iyong makalangit na tahanan, ang muling pagsama sa Akin. Pumasok ka doon at huwag kang bumalam. lyan ang siyang nakatalaga sa iyo sa Aming kaharian sa kaitaasan at Aming maluwalhating nasasakupan.

7

O Anak ng Tao!

Kung iniibig mo Ako, talikuran ang iyong sarili; at kung hinahanap mong masiyahan Ako sa iyo, huwag isaalang-alang ang iyong sariling kasiyahan; nang sa ganyan ay mamatay ka sa Akin at Ako naman ay mabuhay sa iyo nang walang hanggan.

8

O Anak ng Espiritu!

Walang kapayapaan para sa iyo kung hindi ang itakwil ang iyong sarili at ang bumaling sa Akin; sapagka't nararapat sa iyo na magpakaluwalhati sa Aking pangalan, hindi ang sa iyo; ang ilagay sa Akin ang iyong pagtitiwala at hindi sa iyong sarili, dahilan sa ang hangad ko ay tanging Ako lamang ang ibigin at labis sa lahat ng naririto.

9

O Anak ng Katauhan!

Ang pag-ibig Ko ay ang Aking kuta; siya na pumasok doon ay ligtas at tiwasay, at siya na tumalikod doon ay tiyak na maliligaw at mapupuksa.

10

O Anak ng Pagpapahayag!

Ikaw ang Aking kuta; pumasok ka roon at nang ikaw ay manatili sa kaligtasan. Ang Aking pag-ibig ay nasa iyo, unawain mo iyon, nang makita mo Akong malapit sa iyo.

11

O Anak ng Katauhan!

Ikaw ang Aking ilawan at ang Aking liwanag ay nasa iyo. Kunin mo roon ang iyong luningning at huwag humanap ng iba pa sa Akin. Sapagka't ikaw ay nilikha Kong mayaman at masaganang ibinuhos Ko sa iyo ang Aking paglingap.

12

O Anak ng Katauhan!

Sa pamamagitan ng mga kamay ng kapangyarihan ikaw ay ginawa Ko at sa pamamagitan ng mga daliri ng lakas ikaw ay nilikha Ko; at sa loob mo ay inilagay Ko ang diwa ng Aking liwanag. Ikasiya mo iyon at huwag nang humanap pa ng iba, sapagka’t ang gawa Ko ay walang pagkakamali at ang Aking utos ay tungkuling isagawa. Huwag na itong tutulan, ni huwag iyon pag-alinlanganan.

13

O Anak ng Espiritu!

Ikaw ay nilikha Kong mayaman, bakit mo ibinaba ang iyong sarili sa karalitaan? Ikaw ay ginawa Kong marangal, ano at pinaging-hamak ang iyong sarili? Mula sa diwa ng kaalaman ikaw ay binigyan Ko ng buhay, bakit humahanap ka ng kaliwanagan sa iba bukod sa Akin? Mula sa luad ng pag-ibig ay hinubog Ko ikaw, paano at nag-aabala ng iyong sarili sa iba? Ituon ang iyong paningin sa iyong sarili, nang makita mong Ako ay nakatindig sa loob mo, malakas, makapangyarihan at nabubuhay sa sarili.

14

O Anak ng Tao!

Ikaw ang Aking nasasakupan at ang Aking nasasakupan ay hindi mapupuksa, dahil doon ay ano at pinangangambahan mo ang iyong pagkapuksa? Ikaw ang Aking liwanag at ang Aking liwanag ay hindi kailanman mamamatay, bakit at katatakutan mo ang iyong paglalaho? Ikaw ang Aking luwalhati at ang Aking luwalhati ay hindi lalabo; ikaw ang Aking damit at ang Aking damit ay hindi kailanman maluluma. Manatili kung gayon sa iyong pag-ibig sa Akin, nang matagpuan mo Ako sa kaharian ng luwalhati.

15

O Anak ng Pagpapahayag!

Ipihit ang iyong mukha sa Akin at talikuran ang lahat maliban sa Akin; sapagka't ang Aking kapangyarihan ay mananatili at ang Aking nasasakupan ay hindi mapupuksa. Kung ikaw ay hahanap ng iba pa kaysa Akin, oo, kung sasaliksikin mo man ang sandaigdigan nang habang panahon, ang iyong paghahanap ay mabibigo.

16

O Anak ng Liwanag!

Limutin ang lahat maliban sa Akin at makipag-ugnayan sa Aking espiritu. Ito ay siyang diwa ng Aking utos, samakatuwid ay bumaling dito.

17

O Anak ng Tao!

Masiyahan ka sa Akin at huwag humanap ng iba pang katulong. Sapagka't walang iba maliban sa Akin ang makasisiya sa iyo.

18

O Anak ng Espiritu!

Huwag mong hingiin sa Akin yaong hindi Namin nais para sa iyo, anupa't masiyahan sa anumang Aming itinalaga para sa iyong kapakanan, sapagka't ito yaong kapakinabangan mo, kung doon ay pasisiyahin mo ang iyong sarili.

19

O Anak ng Kahanga-hangang Pangitain!

Ihininga Ko sa loob mo ang isang hinga ng sarili Kong Espiritu, nang sa ganyan ikaw ay maging kasintahan Ko. Bakit mo Ako iniwan at humanap ng minamahal na iba pa sa Akin?

20

O Anak ng Espiritu!

Ang karapatan Ko sa iyo ay napakalaki, hindi iyon maaaring malimutan. Ang biyaya Ko sa iyo ay masagana, hindi iyon maaaring malambungan. Ang pag-ibig Ko ay gumawa sa iyo ng kanyang tahanan, hindi iyon maaaring ilihim. Ang liwanag Ko ay hayag sa iyo, hindi iyon maaaring maitago.

21

O Anak ng Tao!

Sa puno ng maringal na kaluwalhatian ay isinabit Ko para sa iyo ang pinakapiling mga bunga, bakit ka tumalikod at lumayo at nasiyahan na sa di-kasimbuti? Anupa't balikan ang mga iyon na silang makabubuting higit sa iyo sa kaharian sa kaitaasan.

22

O Anak ng Espiritu!

Marangal na nilikha Ko ikaw, gayunman ay pinaging-aba mo ang iyong sarili. Bumangon kung gayon ayon doon sa dahilan ng iyong pagkakalikha.

23

O Anak ng Kataas-taasan!

Sa kawalang-hanggan ay tinatawag kita, gayunman ang hinahanap mo ay yaong mapupuksa. Ano ang nagbunsod sa iyong tumalikod at lumayo sa Aming hangarin at humanap ng iyong sariling hangarin?

24

O Anak ng Tao!

Huwag lumampas sa iyong katakdaan, ni umangkin ng yaong hindi nararapat sa iyo. Magpatirapa ka sa harapan ng anyo ng iyong Diyos, ang Panginoon ng lakas at kapangyarihan.

25

O Anak ng Espiritu!

Huwag kang magyabang sa dukha, sapagka't inaakay Ko siya sa kanyang landasin at minamasdan kita sa iyong kalagayan ng kasamaan at ilalagay kita sa kahihiyan sa habang panahon.

26

O Anak ng Katauhan!

Papaano mong maaaring malimutan ang iyong sariling mga pagkakamali at inaabala ang iyong sarili sa mga pagkakamali ng iba? Sinumang gumawa nito ay isinusumpa Ko.

27

O Anak ng Tao!

Huwag ihinga ang mga pagkakasala ng iba habang ikaw sa iyong sarili ay isang makasalanan. Kapag iyong lalabagin ang kautusang ito, ikaw ay isusumpa, at sa bagay na ito Ako ay sumasaksi.

28

O Anak ng Espiritu!

Alamin mo na isang katotohanan: Siya na mag-atas sa taong maging makatarungan at sa kanyang sarili ay gumagawa ng labis na walang katarungan ay hindi sa Akin, kahit na taglay niya ang Aking pangalan.

29

O Anak ng Katauhan!

Huwag iparatang sa sinumang kaluluwa yaong hindi mo nais na iparatang sa iyo, at huwag sabihin yaong hindi mo ginagawa. Ito ang Aking utos sa iyo, sundin mo ito.

30

O Anak ng Tao!

Huwag mong pagkaitan ang Aking tagapaglingkod sakaling siya ay hihingi ng anuman sa iyo, sapagka't ang kanyang mukha ay Aking mukha; anupa't mahiya ka sa harap Ko.

31

O Anak ng Katauhan!

Ikaw ay magbigay-sulit sa bawa't araw bago pa tawagin ka sa isang pagtutuos; sapagka't ang kamatayan, walang pasabi, ay darating sa iyo at ikaw ay tatawagin upang magbigay-sulit sa iyong mga ginawa.

32

O Anak ng Kataas-taasan!

Ginawa Kong ang kamatayan ay isang tagapaghatid ng tuwa sa iyo. Sa anong dahilan at ikaw ay nagdadalamhati? Ginawa Kong ang liwanag ay maghunos sa iyo ng kanyang luningning. Bakit mo pinipindungan ang iyong sarili doon?

33

O Anak ng Espiritu!

Sa nakalulugod na mga balita ng liwanag ikaw ay binabati Ko: magsaya! Sa korte ng kabanalan ikaw ay tinatawagan Ko; manirahan roon nang upang mabuhay ka sa kapayapaan nang walang hanggan.

34

O Anak ng Espiritu!

Ang espiritu ng kabanalan ay nagdadala sa iyo ng nakalulugod na mga balita ng muling pagsasama-sama; dahil dito ay ano't ikaw ay nagdadalamhati? Ang espiritu ng kapangyarihan ay pinagtitibay ka sa Kanyang kapakanan; bakit mo pinipindungan ang iyong sarili? Ang liwanag ng Kanyang anyo ay umaakay sa iyo; papaanong maaaring ikaw ay maligaw?

35

O Anak ng Tao!

Huwag magdalamhati liban kung ikaw ay malayo sa Amin. Huwag magsaya liban kung ikaw ay napapalapit at nanunumbalik sa Amin.

36

O Anak ng Tao!

Magsaya sa kagalakan ng iyong puso, nang maging karapat-dapat ka sa pakikipagkita sa Akin at sa pagsalamin ng Aking kagandahan.

37

O Anak ng Tao!

Huwag hubaran ang iyong sarili ng marikit Kong damit, at huwag hayaang mawala ang iyong bahagi mula sa Aking kahanga-hangang bukal, sapagka't baka ikaw ay mauhaw sa habang panahon.

38

O Anak ng Katauhan!

Tumalunton sa Aking mga batas bilang pag-ibig sa Akin at pagkaitan ang iyong sarili ng iyong ninanasa kung hinahangad mo ang Aking kasiyahan sa iyo.

39

O Anak ng Tao!

Huwag pabayaan ang Aking mga utos kung minamahal mo ang Aking kagandahan, at huwag kalimutan ang Aking mga payo kung nais mong matamo ang Aking kasiyahan sa iyo.

40

O Anak ng Tao!

Kung maaaring ikaw ay mabilis na makapaglakbay sa kalawakan ng alangaang at mabagtas ang kalawakan ng langit, gayunpaman, hindi ka makatatagpo ng katiwasayan liban sa pagpapasailalim sa Aming utos at pagkukumbaba sa harap ng Aming Mukha.

41

O Anak ng Tao!

Dakilain ang Aking kapakanan nang maihayag Ko sa iyo ang mga hiwaga ng Aking kadakilaan at nang makasinag Ako sa iyo ng liwanag ng kawalang-hanggan.

42

O Anak ng Tao!

Magpakumbaba ka sa harapan Ko, upang Ako ay magiliw na dumalaw sa iyo. Magbangon sa ikatatagumpay ng Aking kapakanan, upang habang nasa ibabaw pa ng lupa ay matamo mo ang tagumpay.

43

O Anak ng Katauhan!

Banggitin mo Ako sa ibabaw ng Aking lupa, upang sa Aking kalangitan ikaw ay matandaan Ko, at sa gayon ang Aking mga mata at ang iyo ay maaliw.

44

O Anak ng Trono!

Ang iyong pandinig ay Aking pandinig, makinig sa pamamagitan niyon. Ang iyong paningin ay Aking paningin, itingin mo iyon, upang sa kaibuturan ng iyong kaluluwa ay mapatotohanan mo ang Aking marangal na kabanalan, at Ako sa sinapupunan ng Aking Sarili ay makapagpatunay sa marangal na kalagayan para sa iyo.

45

O Anak ng Katauhan!

Maghangad ng kamatayan ng isang martir sa Aking landas, nang nasisiyahan sa Aking ikinagagalak at nagpapasalamat sa yaong Aking iniatas, nang gayon ay makapahinga ka sa Aking piling sa silong ng kulandong ng kamahalan sa likuran ng tabemakulo ng kaluwalhatian.

46

O Anak ng Tao!

Magbulay-bulay at magnilay-nilay. Ang iyo bang nasa ay ang mamatay sa iyong hihigan, o ang magbubo ng dugo ng iyong buhay sa alabok, isang martir sa Aking landas, at sa gayon ay maging pagpapakilala ng Aking utos at tagapagpahayag ng Aking liwanag sa pinakamataas na paraiso? Hatulan mo nang wasto, O tagapaglingkod!

47

O Anak ng Tao!

Saksi ang Aking kagandahan! Ang kulayan mo ang iyong buhok ng iyong dugo ay higit na dakila sa Aking paningin kaysa sa pagkakalikha ng sanlibutan at ng liwanag ng kapwa daigdig. Magsumikap kung gayon na matamo ito, o tagapaglingkod!

48

O Anak ng Tao!

Para sa bawa't bagay ay mayroong isang tanda. Ang tanda ng pag-ibig ay katatagan sa ilalim ng Aking kautusan at pagtitiyaga sa ilalim ng Aking mga pagsubok.

49

O Anak ng Tao!

Ang tunay na mangingibig ay nagnanasa ng mga pahirap kagaya rin ng isang himagsik na humihingi ng kapatawaran at ang makasalanan ng habag.

50

O Anak ng Tao!

Kung ang kasawiang-palad ay hindi sumapit sa iyo sa Aking landas, paano kang maaaring tumalunton sa mga kilos ng yaong mga nasisiyahan sa Aking kagustuhan? Kung ang mga pagsubok ay hindi magpahirap sa iyo sa iyong pagnanasang makipagkita sa Akin, papaano mo matatamo ang liwanag sa iyong pag-ibig sa Aking kagandahan?

51

O Anak ng Tao!

Ang Aking matinding pagsubok ay ang Aking awa at tulong, sa labas ito ay apoy at paghihiganti, subali't sa loob ito ay liwanag at pagkahabag. Mabilis mong tunguhin iyon nang ikaw ay maging isang walang hanggang liwanag at isang walang kamatayang espiritu. Ito ang Aking utos sa iyo, mangyaring sundin mo ito.

52

O Anak ng Tao!

Kung ang kasaganaan ay sumaiyo, huwag kang rnagsaya, at kung ang kaabaan ay sumapit sa iyo, huwag kang magdalamhati, sapagka't ang mga iyon ay kapwa lilipas at mawawala.

53

O Anak ng Katauhan!

Kung abutin ka ng karalitaan, huwag kang malungkot; sapagka't sa takdang panahon ay dadalawin ka ng Panginoon ng kayamanan. Huwag katakutan ang pagkaaba, sapagka't ang luwalhati sa isang araw ay sasaiyo.

54

O Anak ng Katauhan!

Kung ang iyong puso ay nagnanais ng kapangyarihang ito na walang hanggan at walang pagkasira, at sa matanda at walang kamatayang buhay na ito, lisanin ang may kamatayan at panandaliang kapangyarihang ito.

55

O Anak ng Katauhan!

Huwag abalahin ang iyong sarili sa daigdig na ito sapagka't sa pamamagitan ng apoy ay Aming sinusubok ang ginto, at sa pamamagitan ng ginto ay Aming sinusubok ang Aming mga tagapaglingkod.

56

O Anak ng Tao!

Ikaw ay nagnanasa ng ginto at ninanais Ko ang iyong kalayaan diyan. Iniisip mong mayaman ang iyong sarili sa pag-aangkin mo nito, at kinikilala Ko ang iyong kayamanan sa iyong banal na kawalan nito. Saksi ang Aking buhay! Ito ang Aking kaalaman, at iyon ang iyong akala; papaanong ang Aking pamamaraan ay makakaugma ng sa iyo?

57

O Anak ng Tao!

Ipagkaloob ang Aking kayamanan sa Aking mahihirap, upang sa kalangitan ay makakuha ka sa mga nakaimbak na walang pagkupas na dingal at mga kayamanang hindi mapupuksang luwalhati. Nguni't saksi ang Aking buhay! Ang paghahandog mo ng iyong kaluluwa ay isang bagay na higit na maluwalhati kung makakikita ka lamang sa pamamagitan ng Aking paningin.

58

O Anak ng Tao!

Ang templo ng tao ay siya Kong trono; alisan iyon ng lahat ng mga bagay, nang doon Ako ay mailuklok at doon Ako ay mananahanan.

59

O Anak ng Katauhan!

Ang iyong puso ay siya Kong tahanan; pakabanalin iyon para sa Aking pagpanaog. Ang iyong espiritu ay siya Kong lugar ng pagpapahayag; linisin iyon para sa Aking pagpapakilala.

60

O Anak ng Tao!

Ilagay ang iyong kamay sa Aking dibdib, upang Ako ay magbangon sa ulunan mo, maningning at makinang.

61

O Anak ng Tao!

Umakyat ka sa Aking kalangitan, upang matamo mo ang tuwa ng pagsasama-samang muli, at sa kalis ng hindi mapupuksang luwalhati ay inumin ang walang kaparis na alak.

62

O Anak ng Tao!

Marami nang araw ang nagdaan sa iyo samantalang inaabala mo ang iyong sarili sa iyong mga akala at walang kabuluhang mga haka. Gaano katagal kang mahihimbing sa iyong hihigan? Ibangon ang iyong ulo mula sa pagkakahimbing, sapagka't ang Araw ay sumikat na sa kataluktukan, nawa’y suminag sa iyo iyon nang may liwanag ng kagandahan.

63

O Anak ng Tao!

Ang liwanag ay suminag sa iyo mula sa tagpuang-guhit ng sagradong Bundok at ang espiritu ng kapaliwanagan ay huminga na sa Sinai ng iyong puso. Dahil doon ay iligtas ang iyong sarili sa mga lambong ng walang kabuluhang mga akala at pumasok sa Aking korte, nang ikaw ay maging karapat-dapat sa walang hanggang buhay at maging marapat na makipagkita sa Akin. Kung magkagayon na, ang kamatayan ay hindi darating sa iyo, ni ang pagkapagod, o ang pagkagambala.

64

O Anak ng Tao!

Ang Aking kawalang-hanggan ay Aking likha. Nilikha Ko iyon para sa iyo. Gawain mo iyon damit ng iyong templo. Ang Aking kaisahan ay ang Aking gawang-kamay; hinubog Ko iyon para sa iyo; damitan niyon ang iyong sarili, nang ikaw sa lahat nang kapanahunan ay maging kahayagan ng Aking walang hanggang kalagayan.

65

O Anak ng Tao!

Ang Aking kamahalan ay siya Kong handog sa iyo, at ang Aking kadakilaan ay ang tanda ng Aking habag sa iyo. Yaong nararapat sa Akin ay walang makauunawa, ni maisasaysay ng sinuman. Sa katotohanan, pinangalagaan Ko ito sa Aking natatagong mga kamalig at sa mga kabanyaman ng Aking kautusan, bilang isang tanda ng Aking masintahing kagandahang-loob sa Aking mga tagapaglingkod at ng Aking habag sa Aking mamamayan.

66

O mga Anak ng Banal at Hindi Nakikitang Diwa!

Kayo ay hahadlangan sa inyong pangingibig sa Akin at ang mga kaluluwa ay maguguluhan samantalang binabanggit nila Ako. Sapagka't ang mga isipan ay hindi makauunawa sa Akin at ang mga puso ay hindi maaaring lumukob sa Akin.

67

O Anak ng Kagandahan!

Saksi ang Aking espiritu at saksi ang Aking paglingap! Saksi ang Aking habag at saksi ang Aking kagandahan! Ang lahat ng Aking inihayag sa iyo sa pamamagitan ng dila ng kapangyarihan, at isinulat para sa iyo sa pamamagitan ng pluma ng lakas, ay naaayon sa iyong kakayahan at pang-unawa, hindi ayon sa Aking kalagayan at sa himig ng Aking tinig.

68

O Anak ng Tao!

Hindi ba ninyo alam kung bakit Ko nilikha kayong lahat sa iisang alabok, upang walang sinuman sa inyo ang magpapataas ng kanyang sarili nang higit sa iba. Bulay-bulayin sa lahat nang sandali sa inyong mga puso kung papaano kayong nilikha. Yamang nilikha Namin kayong lahat mula sa iisang sangkap, tungkulin ninyo na maging tulad ng iisang kaluluwa, lumakad sa iisang mga paa, kumain sa iisang bibig at manahan sa iisang lupain, nang mula sa kaibuturan ng inyong katauhan, sa inyong mga gawa at mga kilos, ang mga palatandaan ng kaisahan at ang diwa ng pagkawalay ay mangyaring maipakilala. Ganyan ang Aking payo sa inyo, O kapulungan ng liwanag! Mangyaring sundin ninyo ang payong ito nang matamo ninyo ang bunga ng kabanalan mula sa puno ng kahanga-hangang luwalhati.

69

O Kayong mga Anak ng Espiritu!

Kayo ang Aking kabanyaman, sapagka't sa inyo ay pinagyaman Ko ang mga perlas ng Aking mga hiwaga at ang mga hiyas ng Aking kaalaman. Bantayan ang mga ito sa mga hindi kilalang tao na nasa kalagitnaan ng Aking mga tagapaglingkod at sa mga hindi maka-Diyos sa lipon ng Aking mga mamamayan.

70

O Anak Niya na Naninindigan sa Kanyang Sariling Katauhan sa Kaharian ng Kanyang Sarili!

Alamin mo na isinimoy Ko sa iyo ang lahat ng mga halimuyak ng kabanalan, lubos na inihayag sa iyo ang Aking salita, pinasakdal sa pamamagitan mo ang Aking biyaya at ninanasa para sa iyo yaong ninasa Ko para sa Aking Sarili. Kaya nga masiyahan ka sa Aking kagustuhan at magpasalamat sa Akin.

71

O Anak ng Tao!

Isulat ang lahat na Aming inihayag sa iyo sa pamamagitan ng tinta ng liwanag sa tableta ng iyong espiritu. Kung ito ay wala sa iyong kapangyarihan, gawain mong ang iyong tinta ay maging kadiwa ng iyong puso. Kung ito ay hindi mo magagawa, mangyaring isulat mo sa iyong tintang pula na ibinuhos sa Aking landas. Tunay na higit na matamis ito sa Akin kaysa lahat ng anupamang bagay, upang ang liwanag nito ay manatiling walang-hanggan.

Persian

1

O Kayong mga Taong may mga Isipang Makaalam at mga Tainga Upang Makarinig!

Ang unang panawagan ng Minamahal ay ito: O mahiwagang ruwisenyor! Huwag mamalagi kundi sa halamanang rosas ng espiritu. O tagapaghatid ng Solomon ng pag-ibig! Huwag humanap ng masisilungan liban sa Sheba ng pinakamamahal, at O walang kamatayang phoenix ! Huwag mamugad kundi sa burol ng katapatan. Doon ang iyong tahanan, kung sa mga bagwis ng iyong kaluluwa ay parururok ka sa kaharian ng kawalang-hanggan at sikaping matamo ang iyong layon.

2

O Anak ng Espiritu!

Hinahanap ng ibon ang pugad nito; ang ruwisenyor, ang gayuma ng rosas; samantalang ang mga ibong iyon, ang mga puso ng tao, nasisiyahan sa lumilipas na alabok, ay nangaligaw nang malayo sa kanilang pugad na walang hanggan, at sa pagkakatuon ng kanilang mga mata sa lusak ng pagpapabaya, sila ay ulila sa kaluwalhatian ng pagkaka naroroon ng kabanalan. Nakapanghihinayang! Nakapagtataka at nakaaawa; dahil lamang sa isang kopang puno, tinalikuran nila ang umaalong mga karagatan ng pinakamataas, at nanatiling malayo sa pinakamakinang na tagpuang-guhit.

3

O Kaibigan!

Sa halamanan ng iyong puso ay huwag kang magtanim ng anuman liban sa rosas ng pag-ibig, at mula sa ruwisenyor ng pagmamahal at pagnanasa ay huwag mong luwagan ang iyong pagkakahawak. Pakahalagahan ang pakikisama ng makatarungan at iwasan ang lahat ng pakikipagkapwa sa hindi maka-Diyos.

4

O Anak ng Katarungan!

Saan maaaring magtungo ang isang mangingibig kundi sa lupain ng kanyang Minamahal? At sino ang naghahanap na nagtamo ng katiwasayan nang malayo sa ninanasa ng kanyang puso? Sa tunay na mangingibig ang pagkikitang muli ay buhay, at ang paghihiwalay ay kamatayan. Ang kanyang dibdib ay walang pagtitiyaga at ang kanyang puso ay walang kapayapaan. Ang di-mabilang na buhay ay kanyang tatalikdan masapit lamang niya kaagad ang kinaroroonan ng kanyang Minamahal.

5

O Anak ng Alabok!

Sa katunayan, sinasabi Ko sa iyo; Sa lahat ng tao ang lalong pinakapabaya ay siya na walang kabuluhang nakikipagtalo at naghahangad na maitaas ang sarili nang higit sa kanyang kapatid. Sinasabi Ko, O mga kapatid! Hayaang mga gawa, hindi mga salita, ang sa inyo ay pumalamuti.

6

O Anak ng Daigdig!

Alamin, tunay na tunay, na ang pusong inaaligiran pa rin ng kahit na pinakamunting bakas ng pangingimbulo ay hindi kailanman makatatamo ng Aking walang hanggang kapangyarihan, ni makalalanghap ng matatamis na lasa ng kabanalang ihinihinga mula sa Aking kaharian ng kabanalan.

7

O anak ng Pag-ibig!

Isang hakbang lamang ang layo mo sa maluwalhating mga tugatog sa kaitaasan at mula sa makalangit na puno ng pag-ibig. Lumakad ka ng isang hakbang at sa susunod ay sumulong sa walang kamatayang kaharian at pumasok sa pabilyon ng kawalang-hanggan. Pakinggan kung gayon yaong naipahayag na ng panulat ng kaluwalhatian.

8

O Anak ng Kaluwalhatian!

Maging mabilis sa landas ng kabanalan, at pumasok sa kalangitan ng pakikipag-isa sa Akin. Linisin ang iyong puso sa pamamagitan ng pampakinang ng espiritu, at magmadaling tumungo sa korte ng Kataas-taasan.

9

O Panandaliang Anino!

Lumakdaw sa mga hamak na yugto ng pag-aalinlangan at magbangon sa dakilang mga tugatog ng katiyakan. Buksan ang mata ng katotohanan, nang iyong mamasdan ang walang lambong na Kagandahan at ibulalas: Sambahin ang Panginoon, ang pinakamagaling sa lahat ng mga manlilikha!

10

O Anak ng Nasa!

Dinggin mo ito: Hindi kailanman makikilala ng may-kamatayang mata ang walang hanggang kagandahan, o ang walang buhay na puso ay masisiyahan kundi lamang sa luoy na bulaklak. Sapagka't ang kapara ay humahanap ng kapara, at nakadarama ng kagalakan sa piling ng kauri nito.

11

O Anak ng Alabok!

Bulagin ang iyong mga mata, nang iyong mamasdan ang Aking kagandahan; ipinid ang iyong mga tainga, nang ikaw ay makarinig sa malamyos na himig ng Aking tinig; Alisin sa iyong sarili ang lahat ng karunungan, nang makabahagi ka sa Aking kaalaman; at pakabanalin ang iyong sarili sa mga kayamanan; nang iyong matamo ang isang walang hanggang bahagi sa karagatan ng Aking walang hanggang kayamanan. Bulagin ang iyong mga mata, di-anupa't, sa lahat liban sa Aking kagandahan; ipinid ang iyong mga tainga sa lahat liban sa Aking salita; Alisan ang iyong sarili ng lahat ng karunungan liban sa kaalaman tungkol sa Akin; upang sa pamamagitan ng isang malinaw na paningin, isang wagas na puso at isang nakikinig na tainga ikaw ay makapasok sa korte ng Aking kabanalan.

12

O Taong may Dalawang Paningin!

Ipikit ang isang mata at imulat yaong isa. Ipikit ang isa sa daigdig at sa lahat ng naroroon, at imulat yaong isa sa sinasambang kagandahan ng Minamahal.

13

O mga Anak Ko!

Nangangamba Ako na salat sa himig ng kalapati ng kalangitan, kayo ay malulugmok muli sa mga lilim ng lubos na kawalan, at hindi man lamang namasdan ang kagandahan ng rosas, ay bumalik kayo sa tubig at luad.

14

O mga Kaibigan!

Huwag talikdan ang walang kamatayang kagandahan dahil lamang sa isang kagandahang may kamatayan, at huwag iukol ang inyong mga pagmamahal sa may kamatayang daigdig na alabok na ito.

15

O Anak ng Espiritu!

Ang panahon ay darating na ang ruwisenyor ng kabanalan ay hindi na maglaladlad ng panloob na mga hiwaga at kayong lahat ay lubos nang hindi makaririnig ng himig at ng tinig na mula sa kaitaasan.

16

O Diwa ng Kapabayaan!

Hindi mabilang na mahiwagang dila ang nagkaroon ng pagbigkas sa iisang pananalita, at hindi mabilang na natatagong mga hiwaga ang nahayag sa iisang himig; gayunpaman, sayang, walang taingang makarinig, ni pusong makaunawa.

17

O mga Kasama!

Ang mga pinto na bumubukas sa Walang Kinaroroonan ay naririyang maluwang at ang tinatahanan ng minamahal ay pinalamutihan ng dugo ng mga nagmamahal, gayunpaman ang lahat maliban sa ilan ay nanatiling pinagkaitan ng makalangit na lunsod na ito, at maging sa ilang ito, wala kung hindi isang pinakamaliit na sandakot lamang ang natagpuang may pusong wagas at espiritung banal.

18

O Kayong mga Nananahan sa Pinakamataas na Paraiso!

Ipahayag sa mga anak ng katiyakan na sa loob ng mga larangan ng kabanalan, malapit sa makalangit na paraiso, isang bagong halamanan ang lumitaw, at sa palibot nito ay nakapaligid ang mga nananahan ng larangan sa kaitaasan at ang walang kamatayang mga nananahan sa dinadakilang paraiso. Magsumikap, kung gayon na masapit ninyo ang kalagayang iyon, nang inyong maunawaan ang mga hiwaga ng pag-ibig mula sa mga anemone nito at matutuhan ang lihim ng banal at ganap na karunungan mula sa mga bunga nitong walang hanggan. Aliw ang mga mata nila na nagsipasok at namalagi doon!

19

O mga Kaibigan Ko!

Nalimutan na ba ninyo ang tunay at maningning na umagang iyon, nang sa sinasamba at pinagpalang mga paligid niyon ay natitipon kayong lahat sa Aking harapan sa lilim ng punong-kahoy ng buhay, na nakatanim sa maluwalhati sa lahat na paraiso? Sindak na sindak, kayo ay nakinig samantalang ipinahahayag Ko ang tatlong pinakabanal na katagang ito: O mga kaibigan! Huwag ninyong mabutihin ang inyong sariling kagustuhan kaysa sa Akin, huwag ninyong hangarin kailanman yaong hindi Ko hinangad para sa inyo, at huwag kayong lumapit sa Akin na may taglay na mga pusong walang buhay, puno ng dungis ng makamundong mga hangarin at mga masidhing pagmimithi. Kung inyo lamang pabanalin ang inyong mga kaluluwa, maaalaala ninyo sa oras na ito ang pook na iyon at ang kaligiran niyon, at ang katotohanan ng Aking pahayag ay magiging maliwanag sa inyong lahat.

Sa ikawalo ng pinakabanal na mga talata, sa ikalimang Tableta ng Paraiso, sinabi Niya:

20

O Kayo na Nangakahigang Wari ay Patay sa Himlayan ng Kapabayaan!

Nagdaan na ang mga panahon at ang inyong mahahalagang buhay ay halos malapit nang magwakas, subali't, walang isa mang hininga ng kawagasan ang nakasapit sa Aming korte ng kabanalan mula sa inyo. Bagama't nakalubog sa karagatan ng maling paniniwala,nguni't sa pamamagitan ng inyong mga labi, inyong tinatanggap ang siyang tunay na pananampalataya ng Diyos. Siya na kinasusuklaman Ko ay inyong minahal, at ang Aking kaaway ay ginawa ninyong isang kaibigan. Sa kabila niyon ay lumalakad kayo sa Aking daigdig nang nalulugod at nasisiyahan sa sarili, winawalang-bahala ang katotohanang ang Aking daigdig ay nanghihinawa sa inyo at ang lahat ng bagay na naroroon ay umiiwas sa inyo. Kung inyo lamang imumulat ang inyong mga mata, mamabutihin pa ninyo, sa katotohanan ang di-mabilang na mga dalamhati kaysa sa kagalakang ito, at ituturing na ang kamatayan na rin ay higit na mabuti kaysa buhay na ito.

21

O Gumagalaw na Anyo ng Alabok!

Nais Kong makapagkaisa sa iyo, subali't ayaw mong magtiwala sa Akin. Ang espada ng iyong paghihimagsik ay pumutol sa puno ng iyong pag-asa. Sa lahat ng panahon Ako ay malapit sa iyo, nguni't ikaw ay laging malayo sa Akin. Walang katapusang luwalhati ang pinili Ko para sa iyo, gayunpaman walang hanggang kahihiyan ang pinili mo para sa iyong sarili. Samantalang may panahon pa, magbalik, at huwag sayangin ang iyong pagkakataon.

22

O Anak ng Nasa!

Ang mga malawak ang kaalaman at ang mga madudunong sa loob ng mahabang mga taon ay nagsikap at nangabigong matamo ang pagharap sa Maluwalhati sa Lahat; ginugol nila ang kanilang mga buhay sa paghanap sa Kanya, gayunpaman ay hindi nila namasdan ang kagandahan ng Kanyang anyo. Ikaw na walang kaunti mang pagsisikap ay natamo ang iyong layunin, at wala nang pagha-hanap pa ay natagpuan mo ang layon ng iyong hinahanap. Gayunman, sa kabila nito, ikaw ay nananatiling lubhang nababalot sa lambong ng iyong sarili, kaya't hindi nakita ng iyong mga mata ang kagandahan ng Minamahal, ni hindi nasayaran ng iyong kamay ang laylayan ng Kanyang damit. Kayo na may mga mata, tumingin at mamangha.

23

O mga Nananahan sa Lunsod ng Pag-ibig!

Ang walang kamatayang kandila ay ginimbal ng matinding bugso ng hangin, at ang kagandahan ng makalangit na Kabataan ay nalambungan sa karimlan ng alabok. Ang puno ng mga hari ng pag-ibig ay pinagkasalahan ng mga tao ng paniniil at ang kalapati ng kabanalan ay nakabilanggo sa mga kuko ng mga kuwago. Ang mga nananahanan sa pabilyon ng luwalhati at ang makalangit na kapulungan ay tumangis at tumaghoy, samantalang kayo ay nakapahingalay sa larangan ng kapabayaan, at itinuring ang inyong mga sarili bilang mga totoong kaibigan. Anong kapalaluan ang iyong mga likhang isip!

24

O Kayong mga Hangal Gagunpaman ay Naturingang mga Madudunong!

Sa anong dahilan at nagdaramit kayo ng tulad ng mga pastol, gayong sa inyong budhi, kayo ay naging mga lobong nagtatangka sa Aking kawan? Kayo ay kagaya rin ng bituin, na sumisikat bago magbukang-liwayway, at iyon, bagama't parang maluningning at makinang, ay nagliligaw sa mga manlalakbay ng Aking lunsod patungo sa mga landas ng kapahamakan.

25

O Kayong Wari ay Makatarungan Gayong sa Budhi ay Masama!

Kayo ay waring malinaw nguni't mapait na tubig, na sa panlabas na wari ay kristal ang pagkadalisay subali't nang suriin ng banal na Manunuri, isa mang patak ay hindi tinanggap. Tunay, ang silahis ng araw ay sumisinag nang pareho sa alabok at sa salamin, gayunpaman ay magkaiba ang mga pagpalos nila kagaya rin ng bituin at ng lupa; hindi, hindi masusukat ang pagkakaiba!

26

O Kaibigan Ko sa Salita!

Magbulay-bulay nang sumandali. May narinig ka bang isang kaibigan at isang kaaway na nanatili sa isang puso? Palayasin kung gayon ang hindi kilala, nang ang Kaibigan ay makapasok sa Kanyang tahanan.

27

O Anak ng Alabok!

Ang lahat ng nasa langit at lupa ay itinalaga Ko para sa iyo, liban sa puso ng tao na ginawa Kong tirahan ng Aking kagandahan at luwalhati; gayunpaman ay ibinigay mo ang Aking tahanan at tirahan sa isang naiiba sa Akin; at tuwi nang ang kahayagan ng Aking kabanalan ay humanap ng Kanyang sariling tahanan, isang di-kilala ang Kanyang natagpuan doon, at, sapagka't walang matahanan, madaling pumaroon sa santuaryo ng Minamahal. Sa kabila nito, itinago Ko ang iyong lihim at hindi Ko ninasa ang iyong kahihiyan.

28

O Buod ng Nasa!

Marami sa madaling araw na nilisan Ko ang mga larangan ng Di-Kinaroroonan patungo sa iyong tinitirahan, at natagpuan Ko ikaw sa iyong higaan ng kapanatagan, nag-aabala sa mga iba kaysa sa Akin. Sa pagkakagayon, kasimbilis ng siklab ng espiritu, Ako ay bumalik sa mga laragan ng makalangit na luwalhati at hindi Ko ihininga iyon sa Aking mga tahanan sa kaitaasan sa mga karamihan ng mga banal.

29

O Anak ng Kagandahang-Loob!

Mula sa mga tira ng kawalang-anuman, sa pamamagitan ng luad ng Aking kautusan, ikaw ay ginawa Kong lumitaw, at itinalaga para sa iyong pagsasanay ang bawa't atomong nasa kalikasan at ang diwa ng lahat ng nilikhang mga bagay. Anupa't bago ka pa lumabas sa sinapupunan ng iyong ina, itinadhana Ko para sa iyo ang dalawang bukal ng kumikislap na gatas, mga matang magtatanod sa iyo, at mga pusong iibig sa iyo. Sakbibi ng Aking masintahing kagandahang-loob, sa lilim ng Aking habag, ikaw ay inalagaan Ko, at binantayan ka sa pamamagitan ng diwa ng Aking biyaya at paglingap. At ang layunin Ko sa lahat ng ito ay ang matamo mo ang Aking walang kamatayang kaharian at maging marapat ka sa Aking di-nakikitang mga kaloob. Datapuwa't ikaw ay nananatiling nagpapabaya at nang ganap nang lumaki, iyong pinabayaan ang lahat ng Aking mga kagandahang-loob at ang iyong sarili ay naging abala sa walang kabuluhang mga hinagap, sa gayong paraan na naging malilimutin kang lubusan, at tinalikuran ang mga pasukan ng Kaibigan, ikaw ay nananatili sa loob ng mga korte ng Aking kaaway.

30

O Tinakdaang Alipin ng Daigdig!

Sa maraming madaling-araw na ang simoy ng Aking masintahing kagandahang-loob ay dumaloy sa iyo at natagpuan kang natutulog nang mahimbing sa himalayan ng kapabayaan. Itinangis kung gayon ang iyong kalagayan, iyon ay nagbalik sa kanyang pinanggalingan.

31

O Anak ng Kalupaan!

Kung nais mong Ako ay sumaiyo, huwag humanap ng iba pa sa Akin; at kung nais mong mamasdan ang Aking kagandahan, ipikit ang iyong mga mata sa daigdig at sa lahat ng nangaroroon; sapagka't ang Aking kagustuhan at ang kagustuhan ng iba liban sa Akin, kagaya rin ng apoy at tubig, ay hindi maaaring manahang magkasama sa isang puso.

32

O Kinaibigang Di-Kilala!

Ang kandila ng iyong puso ay pinapagningas ng kamay ng Aking kapangyarihan, huwag mong patayin iyon sa pamamagitan ng kasalungat na mga hangarin ng sarili at ng simbuyo ng damdamin. Ang makagagamot sa lahat ng iyong mga sakit ay ang pag-alaala sa Akin, huwag kalimutan ito. Gawain mong kabanyaman ang Aking pag-ibig at pangalagaan itong sintulad ng iyong paningin at buhay.

33

O Aking Kapatid!

Makinig sa kalugud-lugod na mga salita ng Aking pinukyutang dila, at inumin ang daloy ng mahiwagang kabanalan mula sa Aking mga labing nagdudulot ng katamisan. Ihasik ang mga binhi ng Aking banal na dunong sa wagas na lupa ng iyong puso, at diligin ang mga iyon ng tubig ng katiyakan, upang ang mga hasinta ng Aking kaalaman at dunong ay sumibol nang sariwa at lunti sa sagradong lunsod ng iyong puso.

34

O mga Nananahan sa Aking Paraiso!

Sa tulong ng mga kamay ng masintahing kagandahang-loob ay itinanim Ko sa banal na halamanan ng paraiso ang batang puno ng iyong pag-ibig at pakikipagkaibigan, at dinilig iyon ng butihing ambon ng Aking mahabaging biyaya; ngayon na ang oras ng pamumunga niyon ay dumating, pagpunyagiang iyon ay mapangalagaan, at huwag matupok sa ningas ng pagnanasa at simbuyo ng damdamin.

35

O mga Kaibigan Ko!

Patayin ang ilawan ng kamalian, at sindihan sa ubod ng inyong mga puso ang walang kamatayang sulo ng banal na patnubay. Sapagka't hindi magtatagal ang mga manunuri ng sangkatauhan, sa banal na harapan ng Sinasamba, ay walang tatanggapin kundi ang pinakawagas na kapurihan at ang mga gawang kabanalang walang anumang bahid.

36

O Anak ng Alabok!

Ang madudunong ay yaong hindi nagsisipagsalita hanggang hindi hilingan ng nais makinig, kagaya rin ng isang may taglay ng kopa na hindi nag-aalok hangga't hindi nakatatagpo ng isang naghahanap, at ng mangingibig na hindi sumisigaw nang mula sa kaibuturan ng kanyang puso hangga't hindi namamalas ang kagandahan ng kanyang Minamahal. Dahil dito ay ihasik ang mga binhi ng dunong at kaalaman sa wagas na lupa ng puso at panatilihin ang mga ito ay natatago, hanggang ang mga hasinta ng banal na dunong ay sumibol mula sa puso at hindi mula sa lasak at luad.

Sa unang talata ng Tableta ay nakatala at nakasulat, at sa loob ng santuwaryo ng tabernakulo ng Diyos ay natatago:

37

O Aking Tagapaglingkod!

Huwag iwanan dahil lamang sa isang may pagkasira ang isang walang kamatayang kapangyarihan, at huwag itapon ang makalangit na kapangyarihan dahil sa isang makamundong hangarin. Ito ang ilog ng walang hanggang buhay na umagos mula sa pinagmumulang bukal ng panulat ng mahabagin; mabuti para sa kanila na nagsisiinom!

38

O Anak ng Espiritu!

Wasakin ang iyong kulungan, at kagaya ng isang phoenix ng pag-ibig ay pumarurok sa kalangitan ng kabanalan. Talikuran ang iyong sarili at, sakbibi ng espiritu ng pagkahabag, manatili sa larangan ng makalangit na kabanalan.

39

O Supling ng Alabok!

Huwag kang masiyahan sa kapanatagan ng isang nagdaraang araw, at huwag pagkaitan ang sarili ng walang hanggang katiwasayan. Huwag ipagpalit ang halamanan ng walang katapusang kagalakan sa sambuntong alabok ng isang may kamatayang daigdig. Mula sa iyong piitan ay umakyat ka sa maluwalhating mga parang sa kaitaasan, at mula sa iyong may kamatayang kulungan ay lumipad ka patungo sa paraiso ng Di-Kinaroroonan.

40

O Aking Tagapaglingkod!

Palayain ang sarili sa mga pangaw ng mundong ito, at pakawalan ang iyong kaluluwa mula sa piitan ng sarili. Samantalahin ang iyong pagkakataon, sapagka't iyon ay hindi na darating pang muli sa iyo.

41

O Anak ng Katulong Kong Babae!

Kung makikita mo ang walang kamatayang kapangyarihan, ikaw ay magsusumikap lumisan sa panandaliang mundong ito. Nguni't ang pagkukubli ng isa sa iyo at ang paghahayag naman noong isa pa ay isang hiwagang walang sinumang makauunawa kundi ang may pusong wagas.

42

O Aking Tagapaglingkod!

Linisin ang iyong puso sa masamang hangarin at, hubad sa inggit, pumasok sa maka-Diyos na korte ng kabanalan.

43

O Aking mga Kaibigan!

Lumakad kayo sa mga gawi ng butihing kagalakan ng Kaibigan, at alamin na ang Kanyang kagalakan ay nasa kagalakan ng Kanyang mga nilikha. Ang ibig sabihin, walang taong dapat pumasok sa bahay ng kanyang kaibigan liban sa pahintulot ng naturang kaibigan, ni kuhanin ang kanyang kayamanan ni hindi unahin ang sariling kalooban kaysa kalooban ng kanyang kaibigan, at sa anumang kaparaanan ay hindi dapat na magsamantala sa kanya. Bulay-bulayin ito, ikaw na may panloob na paningin.

44

O Kasama ng Aking Trono!

Huwag makinig sa masama, at huwag tumingin sa masama, huwag gawaing aba ang iyong sarili, ni magbuntong-hininga o humagulhol. Huwag magsalita ng masama, nang hindi mo marinig na iyon ay sabihin sa iyo, at huwag palakihin ang mga kamalian ng iba, nang ang iyong sariling mga kamalian ay hindi lumitaw na malaki; at huwag hangarin ang pagkaaba ng sinuman, nang ang sarili mong kaabaan ay hindi mabunyag. Anupa't pamuhayan ang mga araw ng iyong buhay, na kaunti pa kaysa isang panandaliang saglit, lakip ang iyong isipang walang bahid, ang iyong pusong walang dungis, ang iyong kaisipang wagas, at ang iyong kalikasang binanal, nang sa gayon, malaya at nasisiyahan, iyong maiwaksi ang may kamatayang kalagayang ito, at makapasok sa kahanga-hangang paraiso at manatili sa walang hanggang kaharian magpakailanman.

45

Nakapanghihinayang! Nakapanghihinayang! O mga Mangingibig ng Makamundong Nasa!

Kagaya ng bilis ng kidlat ay nadaanan ninyo ang Minamahal, at iniukol ang inyong mga puso sa hakang makasalanan. Iniluhod ninyo ang tuhod sa paanan ng inyong walang kabuluhang mga guni-guni, at tinawag itong katotohanan. Itinuon ninyo ang inyong mga mata sa tinik, at pinangalanang ito ay isang bulaklak. Wala kayong ihiningang isa mang dalisay na hininga, ni ang simoy ng pagkakawalay ay pumihit mula sa mga parang ng inyong mga puso. Iwinaksi ninyo sa mga hangin ang masintahing mga payo ng Minamahal at pinawi ninyong labis ang mga iyon sa sulatan ng inyong mga puso, at kagaya ng mga hayop sa bukid, kayo ay kumikilos at inilagay ang inyong mga katauhan sa loob ng mga pastulan ng nasa at simbuyo ng damdamin.

46

O mga Kapatid sa Landas!

Sa anong dahilan at pinabayaan ninyo ang pagbanggit ng Minamahal, at, kayo ay lumayo sa Kanyang banal na harapan? Ang diwa ng kagandahan ay nasa loob ng walang kaparis na pabilyon, nakapatong sa troho ng luwalhati, samantalang kayo ay nag-aabala ng inyong mga sarili sa mga walang kabuluhang pagtatalo. Ang matatamis na lasa ng kabanalan ay humihinga at ang hininga ng kagandahang-loob ay pinasimoy, gayunpaman, kayong lahat ay malubha ang naging karamdaman at pinagkaitan niyon. Sa aba ninyo at nilang lumalakad sa inyong mga gawi at sumusunod sa inyong mga bakas!

47

O mga Anak ng Nasa!

Iwaksi ang damit ng kapalaluan, at hubdan ang inyong mga sarili ng kasuutan ng pagmamataas.

Sa ikatlo ng pinakabanal na mga talatang isinulat at itinala sa Tabletang Rubi ng panulat ng di-nakikita ito ay ipinahayag:

48

O mga Kapatid!

Pahabain ang inyong pasensiya sa isa't-isa at huwag iukol ang inyong mga pagmamahal sa mga bagay na nasa ibaba. Huwag ipagmalaki ang inyong mga sarili sa inyong luwalhati, at huwag ikahiya ang pagiging aba. Saksi ang Aking kagandahan! Nilikha Ko ang lahat ng mga bagay mula sa alabok, at sa alabok ay ibabalik Ko silang muli.

49

O Anak ng Alabok!

Sabihin sa mayaman ang pagbubuntung-hininga ng mahirap sa hatinggabi, sapagka't baka ang kapabayaan ay umakay sa kanila sa landas ng pagkawasak, at mapagkaitan sila ng Puno ng Kayamanan. Ang magbigay at maging bukas-palad ay mga katagian Ko; makabubuti sa kanya na palamutihan niya ang sarili ng Aking mga kapurihan.

50

O Pinakabuod ng Simbuyo ng Damdamin!

Iwaksi ang lahat ng pag-iimbot at humanap ng kasiyahan; sapagka't ang mapag-imbot ay laging pinagkakaitan, at ang nasisiyahan ay minamahal at pinapupurihan.

51

O Anak ng Katulong Kong Babae!

Huwag kang maligalig sa karukhaan ni magtiwala sa mga kayamanan, sapagka't ang karukhaan ay sinusundan ng mga kayamanan, at ang mga kayamanan ay sinusundan ng karukhaan. Gayunpaman, ang maging maralita sa lahat ng bagay maliban sa Diyos ay isang kahanga-hangang handog, huwag maliitin ang halaga niyon, sapagka't sa huli ay gagawain ka niyong mayaman sa Diyos, at sa gayon ay mababatid mo ang kahulugan ng pahayag, “Sa katotohanan kayo ang mga dukha,” at ang banal na mga salita, “Ang Diyos ang may ari ng lahat,” ay magiging kagaya ng tunay na umagang namitak ng maluwalhating kakinangan sa tagpuang-guhit ng puso ng mangingibig, at mananatiling tiwasay sa trono ng kayamanan.

52

O mga Anak ng Kapabayaan at Masimbuyong Damdamin!

Binayaan ninyong ang Aking kaaway ay makapasok sa Aking bahay at itinaboy ang Aking kaibigan, sapagka't inyong idinambana ang pag-ibig ng iba kaysa Akin sa inyong mga puso. Makinig sa mga kasabihan ng Kaibigan at bumaling sa Kanyang paraiso. Ang mga makamundong kaibigan, naghahangad ng sarili nilang kabutihan, ay lumilitaw na nag-iibigan sa isa't isa, samantalang ang tunay na Kaibigan ay umibig at umiibig sa inyo alang-alang sa inyong mga sarili; sa katunayan, Siya ay nagdusa para sa inyong patnubay ng di-mabilang na mga pagpapahirap. Huwag kayong maging taksil sa ganyang isang Kaibigan, kung hindi, sa halip ay lumapit agad sa Kanya. Ganyan ang araw-bituin ng salita ng katotohanan at katapatan, na sumilay sa kaitaasan ng tagpuang-guhit ng panulat ng Panginoon ng lahat ng mga pangalan. Buksan ang inyong mga tainga nang marinig ninyo ang salita ng Diyos, ang Tulong sa panganib, ang May Pagkabuhay sa Sarili.

53

O Kayong Nagmamapuri ng Inyong mga Sarili sa May Kamatayang mga Kayamanan!

Alamin ninyo ang katotohanan na ang kayamanan ay isang makapangyarihang hadlang sa pagitan ng naghahanap at ng kanyang hangarin, ng mangingibig at ng kanyang minamahal. Ang mayaman liban sa ilan ay hindi kailanman makasasapit sa korte ng Kanyang kinaroroonan ni makapapasok sa lunsod ng kasiyahan at sa pagsang-ayon ng kalooban. Anupa't mapalad siya na isang mayaman na hindi nahahadlangan ng kanyang mga kayamanan sa walang hanggang kaharian, ni pinagkakaitan ng mga iyon ng walang pagkasirang kaharian. Saksi ang Pinaka-Dakilang Pangalan! Ang dingal ng ganyang isang taong mayaman ay magpapaningning sa mga nananahan sa kalangitan kagaya ng pagtanglaw ng araw sa mga mamamayan ng kalupaan!

54

O Kayong Mayayaman sa Ibabaw ng Lupa!

Ang dukha sa inyong kalagitnaan ay sila Kong tiwala; pangalagaan ninyo ang Aking tiwala, at huwag magbalak ukol lamang sa inyong kaluwagan.

55

O Anak ng Masimbuyong Damdamin!

Linisin ang iyong sarili sa pagdungis ng mga kayamanan at nang may sakdal na kapayapaan ay sumulong sa larangan ng karalitaan; nang mula sa pinagmumulang bukal ng pagkakawalay ay mainom mo ang alak ng buhay na walang kamatayan.

56

O Aking Anak!

Ang pakikisama ng hindi maka-Diyos ay nagdaragdag sa dalamhati, samantalang ang pakikipag-kapwa sa makatarungan ay nag-aalis sa kalawang ng puso. Siya na naghahangad na makapagniig sa Diyos, hayaang dalhin ang kanyang sarili sa pakikisama ng Kanyang mga minamahal; at siya na nagnanais makinig sa salita ng Diyos, hayaan siyang makinig sa mga salita ng Kanyang mga hinirang.

57

O Anak ng Alabok!

Mag-ingat! Huwag sumama sa di-maka-Diyos at huwag makipagkapwa sa kanya, sapagka't ang gayong pakikisama ay gagawaing maka-impiernong apoy ang luningning ng puso.

58

O Anak ng Katulong Kong Babae!

Kung hahangarin mo ang biyaya ng banal na espiritu, makipagkapwa sa makatarungan, sapagka't uminom na siya sa kopa ng buhay na walang hanggan sa mga kamay ng walang kamatayang May-Taglay-Ng Kopa at tulad ng tunay na umaga ay nagpapasigla at nagpapaliwanag sa mga puso ng patay.

59

O mga Pabaya!

Huwag isiping ang mga lihim ng mga puso ay natatago, hindi, ito ay alamin ninyong tiyak na sa malinaw na mga titik ay nauukit ang mga iyon at hayagang nakikita sa banal na Harapan.

60

O mga Kaibigan!

Tunay na tunay, sinasabi Ko, ang kahit anumang inyong itinatago sa inyong mga puso ay hayag sa Amin at nakikitang tulad ng araw; subali't na ang mga ito ay natatago ay mula sa Aming biyaya at paglingap, at hindi sa ito ay karapat-dapat sa inyo.

61

O Anak ng Tao!

Isang patak ng hamog galing sa di-maarok na karagatan ng Aking pagkahabag ay iwinisik Ko sa mga mamamayan ng sanlibutan, gayunpaman, nakitang walang sinumang pumapanig sa naturan, sapagka't ang bawa't isa ay tumalikod sa makalangit na alak ng pagkakaisa at tumungo sa nakapangdidiring mga latak ng karumihan at, nasisiyahan sa may kamatayang kopa, ay iwinaksi ang kalis ng walang kamatayang kagandahan. Nakasusuklam iyon na kung saan siya ay nasisiyahan.

62

O Anak ng Alabok!

Huwag alisin ang iyong mga mata sa walang kahambing na alak ng walang kamatayang Minamahal, at huwag imulat ang mga iyon sa nakapandidiri at may kamatayang mga latak. Kunin sa mga kamay ng maka-Diyos na may Taglay-Ng-Kopa ang kalis ng buhay na walang kamatayan, nang ang lahat ng dunong ay maging iyo, at nang iyong marinig ang mahiwagang tinig na tumatawag mula sa kaharian ng di-nakikita. Humiyaw nang malakas ikaw na may hamak na layunin! Sa anong dahilan at tumalikod ka sa Aking banal at walang kamatayang alak at tumungo sa tubig na madaling lumipas?

63

O Kayong mga Mamamayan ng Daigdig!

Pakaalamin na ang isang hindi inaasahang kalamidad ay sumusunod sa inyo at na ang matinding pagganti ay naghihintay sa inyo. Huwag isiping ang mga ginawa ninyo ay nangapawi sa Aking paningin. Saksi ang Aking kagandahan! Ang lahat ng inyong ginawa ay inukit ng hayagang mga titik ng Aking pluma sa mga tabletang krisolita.

64

O mga Mapang-api sa Daigdig!

Iurong ang inyong mga kamay sa paniniil, sapagka't ipinangako Ko sa Aking Sarili na hindi patatawarin ang kawalang katarungan ng sinumang tao. Ito ang Aking banal na kasunduang hindi mawawalan ng bisa na Aking ipinag-utos sa pinangangalagaang tableta at tinatakan iyon ng Aking tatak.

65

O mga Mapanghimagsik!

Ang Aking mahabang pagpapasensiya ay nagbigay ng lakas ng loob sa inyo at ang Aking malaon nang pagtitiis ay ginawa kayong maging pabaya, at sa gayon ay sinipa ng espewelas ang maapoy na kabayo ng silakbo ng damdamin patungo sa mapanganib na mga daang naghahatid sa pagkawasak. Inisip ba ninyong Ako ay pabaya o na Ako ay hindi nakakabatid?

66

O mga Dayuhan!

Ang dila ay itinalaga Ko upang bumanggit sa Akin, huwag dungisan iyon ng masamang pagpaparatang. Kung ang apoy ng sarili ay manaig sa inyo, alalahanin ang inyong sariling mga kamalian at huwag ang mga kamalian ng Aking mga nilikha, yayamang ang bawa't isa sa inyo ay nakakikilala sa kanyang sarili nang higit sa pagkilala niya sa mga iba.

67

O mga Anak ng Guni-guni!

Pakaalaming samantalang ang makinang na bukang-liwayway ay namimitak sa kaitaasan ng tagpuang-guhit ng kabanalang walang maliw, ang maka-demonyong lihim at mga gawang ginanap sa panglaw ng gabi ay mabubunyag at makikilala sa harap ng mga mamamayan ng sanlibutan.

68

O Sukal na Damong Sumulpot sa Alabok!

Sa anong dahilan at ang marurungis na kamay mong ito ay hindi muna humipo sa iyong sariling kasuutan, at bakit lakip ang iyong pusong nalalahiran ng pagnanasa at masimbuyong damdamin ay hinahangad mong makapagniig sa Akin at pumasok sa Aking sagradong kaharian? Malayo, malayo ka sa bagay na iyong ninanasa.

69

O mga Anak ni Adan!

Ang banal ng mga salita at wagas at butihing mga gawa ay pumapailanlang doon sa langit ng makalangit na luwalhati. Sikaping ang inyong mga gawa ay malinis sa alabok ng inyong sarili at pagkukunwari at makatanggap ng paglingap sa korte ng luwalhati; sapagka't hindi magtatagal at ang mga manunuri ng sangkatauhan, sa banal na kinaroroonan ng Siyang Sinasamba, ay walang tatanggaping anuman kung hindi ang lubos na mabubuting katangian at mga gawang walang bahid ang kawagasan. Ito ang araw-bituin ng dunong at ng makalangit na hiwaga na sumikat sa ibabaw ng tagpuang-guhit ng makalangit na kalooban. Pagpalain silang bumabaling doon.

70

O Anak ng Pagkamakamundo!

Nakalulugod ang kaharian ng nilalang, kung ikaw ay makasasapit doon; maluwalhati ang larangan ng kawalang hanggan, kapag ikaw ay makatatawid na sa mundo ng tiyak na pagkamatay; matamis ang banal na lubos na kaligayahan kung ikaw ay iinom sa kahanga-hangang kalis mula sa kamay ng makalangit na Kabataan. Kung makasasapit ka sa kalagayang ito, ikaw ay magiging malaya sa pagkawasak at kamatayan, sa pagpapakahirap at pagkakasala.

71

O Aking mga Kaibigan!

Gunitain ninyo ang pinasok ninyong pakikipagkasundo sa Akin doon sa Bundok ng Paran, na nasa loob ng sinasambang kapaligiran ng Zaman. Sinaksihan Ako ng kapulungan sa kaitaasan at ang mga nananahan sa lunsod ng kawalang-hanggan, gayunpaman, ngayon ay wala Akong natatagpuang tapat sa kasunduan. Tiyak na ang pagpapalalo at paghihimagsik ay pinawi ito sa mga puso, sa isang pamaraang walang bakas nito ang naiwan. Gayunpaman, nalalaman Ko man ito, naghintay Ako at hindi Ko inihayag iyon.

72

O Aking Tagapaglingkod!

Ikaw ay kagaya ng isang napakahusay na pinasubong espadang nakatago sa karimlan ng kaluban nito at ang halaga nito ay nakukubli sa kaalaman ng sanay na manggagawa. Kung gayon ay lumabas ka mula sa kaluban ng sarili at pagnanasa, nang ang iyong halaga ay mangyaring maging makinang at maipahayag sa lahat sa buong daigdig.

73

O Aking Kaibigan!

Ikaw ang araw-bituin ng mga langit ng Aking kabanalan, huwag hayaan na ang kasamaan ng daigdig ay magpalaho sa iyong luningning. Punitin nang ganap ang lambong ng kapabayaan, upang sa likod ng mga ulap ay makalitaw kang maluningning at magayakan mo ang lahat ng mga bagay ng kasuotan ng buhay.

74

O mga Anak ng Kapalaluan!

Dahil sa isang panandaliang kapangyarihan ay nilisan ninyo ang Aking walang pagkasirang nasasakupan, at pinalamutihan ang iyong mga sarili ng makulay na kasuotan ng daigdig at iyon ay inyong ipinagmayabang. Saksi ang Aking kagandahan! Ang lahat ay Aking titipunin sa ilalim ng iisang kulay ng alabok at papawiin Ko ang lahat ng iba't-ibang mga kulay nito maliban sa mga iyon na pipiliin Ko sa Aking sarili, at yao'y paglilinis sa bawa't anumang kulay.

75

O mga Anak ng Kapabayaan!

Huwag iukol ang inyong pagmamahal sa may kamatayang kapangyarihan at huwag magdiwang doon. Kayo ay kagaya ng walang ingat na ibong buong tiwalang umaawit sa sanga; hanggang bigla na lamang, ang manghuhuli ng ibong Kamatayan ay ihinagis ito sa lupa, at ang himig, ang anyo at ang kulay ay nawala, walang itinirang bakas. Dahil dito, huwag kayong magwalang-bahala, o tinakdaang mga alipin ng pagnanasa!

76

O Anak ng Katulong Kong Babae!

Ang pamatnubay ay lagi nang ibinibigay sa pamamagitan ng mga salita, at ngayon iyon ay ibinibigay sa pamamagitan ng gawa. Ang bawa't isa ay dapat magpakita ng mga gawang wagas at banal, sapagka't ang mga salita ay ari-arian ng lahat, samantalang ang mga gawang kagaya ng mga ito ay ari lamang ng Aming mga minamahal. Anupa't sikaping lakip ang puso at kaluluwa na mapatangi ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng inyong mga gawa. Sa ganitong kaparaanan ay pinapayuhan Namin kayo sa banal at makinang na tabIetang ito.

77

O Anak ng Katarungan!

Sa panahon ng kinagabihan ang kagandahan ng walang kamatayang Nilalang ay lumipat mula sa luntiang taluktok ng katapatan patungo sa Sadratu'l-Muntaha, at nanangis ng isang pagtangis na ang kapulungan sa tugatog at ang mga nananahan sa mga kaharian sa kaitaasan ay nanaghoy sa Kanyang pamimighati. Sa pangyayaring iyon ay may naitanong, bakit gayon na lamang ang pananangis at pananaghoy? Siya ay tumugon: Ayon sa iniutos, naghintay Akong umaasa sa ibabaw ng gulod ng katapatan, gayunpaman, ay hindi Ko nalanghap sa kanila na nananahan sa lupa ang halimuyak ng katapatan. At nang tawagang bumalik, nakita Ko, at namasdan! Ilan sa mga kalapati ng kabanalan ang labis na nagdurusa sa pagkakasaklot sa mga kuko ng mga aso sa lupa. Sa pangyayaring iyon ang Dilag ng langit ay dali-daling lumabas nang walang pindong at nagniningning mula sa Kanyang kahanga-hangang mahiwagang mansiyon at tinanong Niya ang kanilang mga pangalan, at ang lahat ay nasabi maliban sa isa. At nang pilitin, ang unang titik niyon ay nabigkas, at sa pagkakagayon, ang mga nananahan sa makalangit na mga silid ay dali-daling nagsilabas mula sa kanilang tirahan ng luwalhati. At nang ang ikalawang titik ay binigkas, sila ay bumagsak, ang bawa't isa at ang lahat, sa ibabaw ng alabok. Sa sandaling iyon ay isang tinig ang narinig mula sa kaloob-loobang dambana; “hanggan sa layong iyan at hindi na lalampas pa.” Tunay na tunay, Kami ay sumasaksi sa kanilang mga ginawa at ngayon ay ginagawa.

78

O Anak ng Katulong Kong Babae!

Tunggain mula sa dila ng mahabagin ang daloy ng makalangit na hiwaga, at masdan mula sa araw-bukal ng makalangit na pagpapahayag ang walang lambong na kaluwalhatian ng araw-bituin ng dunong. Ihasik ang mga binhi ng Aking makalangit na dunong sa wagas na lupa ng puso, at diligin ang mga iyon ng mga tubig ng katiyakan upang ang mga hasinta ng kaalaman at dunong ay sumibol ng sariwa at lunti mula sa banal na lunsod ng puso.

79

O Anak ng Nasa!

Gaano katagal kang paiilanlang sa mga larangan ng pagnanasa? Ikaw ay binigyan Ko ng mga bagwis, upang ikaw ay makalipad sa mga kaharian ng mahiwagang kabanalan at hindi sa mga purok ng makasatanas na haka. Ang suklay din, ay ibinigay Ko sa iyo, upang maayos mo ang itim na mga bungkos ng Aking buhok, at hindi upang laslasin ang Aking lalamunan.

80

O Aking mga Tagapaglingkod!

Kayo ang mga puno ng Aking halamanan; dapat kayong magbigay ng mabuti at kahanga-hangang mga bunga, at nang kayo sa inyong mga sarili at ang mga iba ay makinabang sa mga iyon. Anupa't tungkulin ng bawa't isa sa inyo na mag-abala sa mga gawaing-kamay at magkaroon ng mga propesyon, sapagka't sa mga iyan nakasalig ang lihim ng kayamanan, O mga taong maunawain! Sapagka't ang mga kalalabasan ay nasasalalay sa mga pamamaraan, at ang habag ng Diyos ay magiging sapat sa lahat sa inyo. Ang mga punong hindi namumunga ay nauukol at laging mauukol sa apoy.

81

O Aking Tagapaglingkod!

Ang pinakahamak sa mga tao ay ang mga yaong hindi namumunga dito sa ibabaw ng lupa. Ang mga taong ganyan ay tunay na tunay na nabibilang sa patay, hindi lamang iyan, mabuti pa ang mga patay sa paningin ng Diyos kaysa ang yaong mga walang ginagawa at walang halagang mga kaluluwa.

82

O Aking Tagapaglingkod!

Ang pinakamabuti sa mga tao ay ang yaong kumikita ng isang ikabubuhay sa pamamagitan ng kanilang gawain at gumugugol sa kanilang mga sarili at sa kanilang kaanak alang-alang sa pag-ibig sa Diyos, ang Panginoon ng lahat ng mga daigdig.

Ang mahiwaga at kahanga-hangang Nobya, na nakatago hanggang sa ngayon sa ilalim ng pindong ng pagsasalita, sa pamamagitan ng habag na Diyos at ng Kanyang makalangit na paglingap, sa ngayon ay naipahayag na, na tulad rin ng maningning na liwanag na isinabog ng kagandahan ng Minamahal. Sumasaksi Ako, O mga kaibigan, na ang paglingap ay ganap, ang pagmamatuwid ay naisakatuparan, ang katunayan ay nahayag at ang katibayan ay napatotohanan. Hayaan na ngayon ay makita kung ano ang ibubunyag ng inyong mga pagsisikap sa landas ng pagkawalay. Sa kaparaanang ito ang makalangit na paglingap ay lubos na ipinagkaloob sa inyo at gayundin sa kanila na nasa langit at nasa lupa. Lahat ng papuri ay mapasa Diyos, ang Panginoon ng lahat ng mga daigdig.

Bahá'u'lláh

Windows / Mac