Return   Facebook

The Universal House of Justice

Ridván 2022

To the Bahá’ís of the World

Dearly loved Friends,

Ang isang taon ng paghahanda at pagninilay-nilay, at gayundin ng matinding pagpupunyagi, ay nagwakas na ngayon, na iyon ay natatangi ng mga pagsisikap ng mga kaibigan sa buong daigdig upang ipangilin ang sentenaryo ng Pagyao ni ‘Abdu’l-Bahá, na kabilang doon ang pagpapadala ng mga kinatawan sa Banal na Lupain para sa isang natatanging pagtitipon upang parangalan Siya. Sa pamamagitan ng mga pagsisikap na ito, ang inspirasyong ipinagkakaloob ng buhay ni ‘Abdu’l-Bahá ay nadama ng di-mabilang na mga kaluluwa at hindi lamang ng mga Bahá’í. Ang Kaniyang malasakit para sa bawat miyembro ng pamilya ng tao, ang Kaniyang gawaing pagtuturo, ang Kaniyang pagtaguyod sa mga pagsisikap para sa edukasyon at mabuting kalagayan ng lipunan, ang Kaniyang napakalalim na mga ambag sa mga talakayan kapuwa sa Silangan at sa Kanluran, ang Kaniyang taos-pusong paghimok sa mga proyekto upang magtatag ng mga Bahay Sambahan, ang Kaniyang paghubog sa unang mga anyo ng pangasiwaang Bahá’í, ang Kaniyang paglinang sa iba’t ibang mga aspekto ng pamumuhay ng pamayanan—ang lahat nitong mga nagpupunuang mga bahagi ng Kaniyang buhhay ay isang paglalarawan sa Kaniyang patuloy at ganap na pagtatalaga sa paglilingkod sa Diyos at paglilingkod sa sangkatauhan. Higit pa sa pagiging isang nangingibabaw na katauhan ng kapangyarihang moral at nakahihigit ang malalim na pag-unawang espiritwal, si ‘Abdu’l-Bahá ay isang dalisay na lagusang mapagdadaluyan ng mga puwersang pinawalan ng Rebelasyon ni Bahá’u’lláh upang magkabisa sa daigdig. Upang maunawaan ang kapangyarihang taglay ng Pananampalataya upang magtatag ng lipunan, hindi na kailangang magtingin nang higit pa sa mga tagumpay ni ‘Abdu’l-Bahá sa panahon ng panunungkulan Niya at sa nakapagpapabagong mga bisa ng patnubay na dumaloy nang walang-patid mula sa Kaniyang panulat. Napakarami sa kamangha-manghang mga pagsulong na ginawa ng kasalukuyang pamayanang Bahá’í—na sinuri sa aming mensahe sa inyo noong nakaraang Riḍván—ay matatalunton ang kanilang mga pinagmulan sa mga kilos, mga pasiya, at mga tagubilin ni ‘Abdu’l-Bahá.

Napaka-angkop, kung gayon, na ang sama-samang pagpaparangal ng pamayanang Bahá’í sa ganap na Huwaran nito ay maging pambungad sa pagsimula nito ng isang napakalaking pagsisikap na nakatutok sa pagpapalaya sa higit at higit pang mga sukat sa kapangyarihan ng Pananampalataya upang magtatag ng lipunan. Ang mga larangan ng pagsisikap na nasasaklaw ng Nine Year Plan, at ng kasalukuyang serye ng mga Plano, ay nakatuon sa pagtutupad nitong pinakamahalagang layunin. Ito rin ang tinututukan ng mahigit na 10,000 mga kumperensiyang idinaraos sa buong daigdig bilang tanda ng paglunsad nitong dakilang gawaing espiritwal. Sa mga kumperensiyang ito, kung saan inaasahang tatanggap ng mga kalahok sa mga bilang na hindi pa naranasan noong nakaraan, ay pinagtitipon ang hindi lamang mga Bahá’í bagkus gayundin ang maraming ibang mga naghahangad sa kabutihan ng sangkatauhan at katulad nilang nananabik na payabungin ang pagkakaisa at pabutihin ang daigdig. Ang kanilang pagtitika at matibay na layunin ay nailarawan sa diwang nalikha sa mga pagtitipong naganap na, kung saan ang mga kalahok ay pinalakas ng masiglang mga pagsasanggunian na kanilang pinag-ambagan at gayundin ng sama-samang larawang-isip na sinuri dito sa maligayang mga pagtitipon. Buong pananabik naming inaasam ang ihahatid ng parating na mga buwan at mga taon.

Mula nang lumiham kami ng aming mensahe ng ika-30 ng Disyembre 2021 sa Kumperensiya ng mga Counsellor, ang mga National Spiritual Assembly at mga Regional Bahá’í Council ay taimtim na sinusuri ang mga pagkakataon upang gawing higit na masikhay pa ang proseso ng paglaki sa mga cluster na kanilang saklaw sa loob ng Nine Year Plan. Sa pakiwari namin ay makatutulong, para sa layunin ng pagsukat sa antas ng pagsulong sa paglipas ng panahon, na tingnan ang Plano bilang namumukadkad sa loob ng dalawang yugto, na ang itinatagal ay apat at limang taon, at inanyayahang pag-isipan ng mga National Assembly ang mga pagsulong na inaasahan nilang makita sa kani-kanilang mga pamayanan hanggang sa Riḍván 2026 at pagkatapos ay hanggang sa Riḍván 2031. Sa gawaing ito ay kinailangan ang muling pagsuri sa mga hangganan ng mga cluster, at ang kinalabasan ng ganitong mga pagbabago ay tumaas ang kabuuang bilang ng mga cluster sa buong daigdig nang ikaapat na bahagi at sa ngayon ay nasa mahigit 22,000 na. Batay sa mga pagtatantiyang natanggap, kinakalkulang hanggang sa pagtatapos ng Plano, magkakaroon ng programa ng paglaki ng alinmang antas sa humigit-kumulang 14,000 ng mga cluster na ito. Mula sa mga iyon, ang bilang kung saan masasabing masikhay na ang programa ng paglaki ay inaasahang umabot sa 11,000 sa panahon ding iyon. At mula sa mga ito, ang bilang ng mga cluster na lumampas na sa pangatlong milestone ay inaasahang humigit sa 5,000 hanggang sa 2031. Walang pag-aalinlangang upang matamo ang gayong mga pagsulong ay kinakailangan ang napakalaking pagsisikap sa buong kahabaan ng Plano. Gayumpaman ay naniniwa kaming karapat-dapat pagsikapan ang gayong mga adhikain, sapagkat kumakatawan ang mga ito ng isang matayog subalit seryosong pagsusuri sa kung ano ang abot-kamay.

Napakahalaga nito. Ang gayong mga layunin ay hindi maiisip nang ayon sa realidad kung hindi pa umunlad nang malaki ang mga institusyon at mga sangay ng pangasiwaan, na iyon ay nagkaloob sa kanila ng higit na malaking kakayahan upang mamahala sa mga gawain ng isang pamayanang napakabilis dumami ng mga gawain at sumasaklaw sa malawak at lumalaking bilang ng mga kaluluwang magkapareho ang mithiin. Hindi sana posibleng mangarap ng gayong paglaki kung ang hangaring matuto—ang kumilos, magnilay-nilay, magbuod ng malalim na mga pag-unawa, at lagumin ang malalim na mga pag-unawang lumilitaw sa ibang mga lugar—ay hindi pa nalilinang sa lahat ng mga antas, hanggang sa antas ng masa sa pamayanan. At ang pagsisikap na ipinahihiwatig ng gayong mga pagtatantiya ay hindi naman maisasagawa kung hindi sana naging higit na malinaw sa sandaigdigang Bahá’í ang isang masistemang paraan sa gawaing pagtuturo at sa pagsasanay ng mga yamang-tao. Isinulong ng lahat ng ito ang kamalayan ng pamayanang Bahá’í sa sarili nitong pagkakakilanlan at layunin. Ang isang pagtatalagang magtaglay ng saloobing nakatingin nang papalabas sa proseso ng pagtatatag ng pamayanan ay naging isang matibay na aspekto ng kultura sa maraming, maraming lugar; namulaklak na ito ngayon, sa tumataas na bilang ng mga pamayanan, upang maging isang diwa ng tunay na pag-aako ng tungkulin para sa espiritwal at materyal na pag-unlad ng higit at higit pang malaking mga grupo sa loob ng lipunan, na napakalayo sa mga miyembro lamang ng pamayanang Bahá’í. Ang mga pagsisikap ng mga kaibigan upang magtatag ng mga pamayanan, upang magsagawa ng pagkilos panlipunan, at upang makatulong sa mga usaping laganap sa lipunan ay nagsama-sama na upang maging iisang pandaigdigang gawain, na pinagbubuklod ng magkaparehong balangkas ng pagkilos, at nakatutok sa pagtulong sa sangkatauhan upang maitatag ang mga gawain nito sa isang saligan ng mga simulaing espiritwal. Hindi maaaring kaligtaan ang kahalagahan ng mga kaganapang inilarawan namin, na umabot na sa yugtong ito pagkaraan ng sandaang taon pagkatapos magpasinaya ang Pampangasiwaang Kaayusan. Sa bukod-tanging pagtaas ng kakayahang naganap sa nakaraang dalawang dekada—na iyon ang nagbigay-daan upang magawa ng sandaigdigang Bahá’í na tingnan ang mga pagsisikap nito alinsunod sa pagpapalaya ng kapangyarihan ng Pananampalataya upang magtatag ng lipunan—nakikita namin ang hindi mapabubulaanang katibayan na pumasok na ngayon ang Kapakanan ng Diyos sa ika-anim na epoka ng Panahon ng Paghuhubog nito. Ipinahayag namin noong nakaraang Riḍván na ang laganap na kaganapan ng pakikilahok ng malaking mga bilang sa mga gawaing Bahá’í, pinaririkit ng pananalig, at nagtatamo ng mga kasanayan at mga kahusayan upang makapaglingkod sa kanilang mga pamayanan ay naging tanda ng pagsisimula ng pangatlong epoka sa Banal na Plano ng Master; sa gayon, ang Isang Taong Plano, sa simula niyon noon at sa pagwawakas niyon ngayon, ay naging palatandaan ng isang pangkat ng makasaysayang mga pagsulong na natamo ng kalipunan ng mga matapat. At sa bungad ng isang bago at napakalaking pagsisikap, itong nagkakaisang lupon ng mga mananampalataya ay nakatayong handa upang sunggaban ang mga pagkakataong bukas na bukas sa harap nito.

Ang isang kapansin-pansing katangian ng epokang nagwawakas ngayon ay ang pagtatayo ng huling panlupalop na Bahay Sambahan at ang pagsisimula ng mga proyekto upang magtayo ng mga Bahay Sambahan sa antas ng pambansa at lokal. Marami na ang natutunan ng mga Bahá’í sa buong daigdig, tungkol sa konsepto ng Mashriqu’l-Adhkár at sa pagbubuklod ng pagsasamba at paglilingkod na sinasagisag nito. Sa ika-anim na epoka ng Panahon ng Paghuhubog, higit na marami pa ang matututunan tungkol sa landas na nagtutungo mula sa pag-unlad sa loob ng isang pamayanan ng isang yumayabong na madasaling pamumuhay—at ang paglilingkod na binibigyang-sigla nito—hanggang sa paglitaw ng isang Mashriqu’l-Adhkár. Nagsisimula na ang mga pagsasanggunian sa iba’t ibang mga National Spiritual Assembly, at habang sumusulong ang mga ito, ipatatalastas namin sa tuwi-tuwina ang mga lugar kung saan ang isang Bahay Sambahan ay itatayo sa darating na mga taon.

Ang aming kaligayahang makita ang pagsulong ng pamayanan ng Pinakadakilang Pangalan mula sa isang lakas tungo sa kasunod na lakas ay napipigilan ng aming napakalalim na kalungkutang makita ang pagpapatuloy ng mga kalagayan at mga sagupaan sa daigdig na lumilikha ng pagdaralita at napakatinding pagdurusa—lalo na, ang makita ang muling pag-uusbong ng mapanirang mga puwersang gumugulo sa mga gawaing pandaigdig samantalang ipinalalasap ang mga panghihilakbot sa mga populasyon. Tulad ng paulit-ulit na naipakita na sa maraming magkakaibang mga kaugnayan, lubos naming nalalaman at nakatitiyak kaming ang mga tagasunod ni Bahá’u’lláh ay nagtatalaga sa pag-aalay ng kaibsan at tulong sa mga nasa palibot nila, gaanuman kahirap ng sarili nilang mga kalagayan. Subalit hanggang ang sangkatauhan, bilang isang kabuuan, ay hindi nagbabangon upang itatag ang mga gawain nito sa mga saligan ng katarungan at katotohanan, sa kasawiang-palad ay natatadhana itong magpasuray-suray mula sa isang krisis patungo sa isa pa. Ipinagdarasal namin na kung ang bagong pagliyab ng digmaan sa Europa ay magbubunga ng anumang mga aral para sa hinaharap, na ito ay maging mahigpit na paalala ukol sa landas na kailangang tahakin upang makamtan nito ang tunay at namamalaging kapayapaan. Ang mga simulaing ipinahayag ni Bahá’u’lláh sa mga hari at mga pangulo ng Kaniyang panahon, at ang mabigat na mga tungkuling ipinataw Niya sa mga namumuno ng nakaraan at ng kasalukuyan, ay maaaring higit pang angkop at kinakailangan sa ngayon kaysa sa noong una itong itala ng Kaniyang Panulat. Para sa mga Bahá’í, ang di-mapigilang pagsulong ng Planong Mayor ng Diyos—at taglay niyon ang matinding mga pagsubok at mga kaguluhan, subalit sa wakas ay ibinubunsod ang sangkatauhan tungo sa katarungan, kapayapaan, at pagkakaisa—ay ang konteksto kung saan inilaladlad ang Planong Menor ng Diyos, na pangunahing pinagkakaabalahan ng mga mananampalataya. Ginagawang napakalinaw ng dispalinghadong kalagayan ng kasalukuyang lipunan na kailangang-kailangan na ang pagpapalaya sa kapangyarihan ng Pananampalataya upang magtatag ng lipunan. Wala tayong ibang maaasahan sa kasalukuyan kundi magpapatuloy na parusahan ang daigdig ng mga pangingisay at mga kaguluhan; tiyak na mapapahalagahan ninyo, kung gayon, kung bakit sa bawat taimtim na dalanging inaalay namin para maibsan ang pagkatuliro at mapait na paghihirap ng lahat ng mga anak ng Diyos ay kaakibat ang gayunding taimtim na dalangin para sa tagumpay ng lubhang kinakailangang paglilingkod na inaalay ninyo sa Kapakanan ng Prinsipe ng Kapayapaan.

Sa bawat cluster kung saan ang mga gawain ng Plano ay bumibilis ang buwelo, nakikita namin ang pag-unlad ng mga pamayanang taglay ang marangal na mga katangiang inilarawan namin sa mensahe ng ika-30 ng Disyembre 2021. Habang nararanasan ng mga lipunan ang iba’t ibang mga uri ng kagipitan, ang mga tagasunod ng Kagandahan ng Abhá ay dapat higit at higit pang namumukod dahil sa kanilang mga katangian ng kakayahang muling bumangon at bumabatay sa katwiran, dahil sa kanilang pamantayan ng pag-uugali at sa kanilang pagsunod sa prinsipyo, at dahil sa malasakit, pagkawalay, at pagtitimping ipinamamalas nila sa kanilang pagsisikap makamtan ang pagkakaisa. Muli’t muli, ang namumukod na katangiang ipinamamalas ng mga mananampalataya sa mga panahon ng matinding kagipitan ay ang nagbubunsod sa mga tao upang bumaling sa mga Bahá’í para sa paliwanag, payo, at tangkilik, lalo na kapag nabalabalansang ang pamumuhay ng lipunan dahil sa panganib at di-inaasahang mga kaguluhan. Sa pagbabahagi nitong mga puna, batid namin na ang mismong pamayanang Bahá’í ay dumaranas din ng mga epekto ng mga puwersa ng paglalansag na umiiral sa daigdig. Higit pa rito, batid namin na habang higit na matindi ang mga pagsisikap ng mga kaibigan upang itaguyod ang Salita ng Diyos, higit na malakas din ang mga puwersang kasalungat na masasagupa nila, nang agaran man o sa huli, mula sa iba’t ibang dako. Kailangan nilang palakasin ang kanilang mga isipan at mga espiritu laban sa mga pagsubok na tiyak na darating, nang upang hindi nito mapinsala ang kabuuan ng kanilang mga pagpupunyagi. Subalit mahusay na nababatid ng mga mananampalatayang maging anupaman ang mga bagyo sa hinaharap, mapaglalabanan ng arko ng Kapakanan ang lahat ng mga iyon. Nakita sa sunod-sunod na mga yugto sa paglalakbay nito na napagtagalan nito ang mga pagbabago-bago ng klima at lumulutang pa rin sa ibabaw ng mga alon. Ngayon ay patungo na ito sa panibagong guhit-tagpuan. Ang mga pagpapatibay ng Lubos na Makapangyarihan ay ang mga bugso ng hanging pumupuno sa mga layag nito at ibinubunsod ito tungo sa patutunguhan nito. At ang Kasunduan ay ang talang gumagabay nito, pinananatili ang sagradong barko na ito sa tiyak at siguradong landas nito. Harinawang ipababa ng mga hukbo ng langit ang mga pagpapala sa lahat ng mga naglalayag sa loob nito.

 

Windows / Mac