Return   Facebook

The Universal House of Justice

Ridván 2023

To the Bahá’ís of the World

Dearly loved Friends,

Napakatinding kaligayahan ang aming nadarama sa pagliham sa isang pamayanan, na ang mataas na pag-iisip at mataas na pagtitika ay nararapat sa mataas na tungkulin nito. Napakalaki, lubhang napakalaki ng aming pagmamahal sa inyo, at pumapailanlang ang aming mga espiritu habang aming nakikita ang inyong matapat at debotong pagsisikap na mamuhay ng mga buhay na hinuhubog ng mga Katuruan ni Bahá’u’lláh at ihandog ang nagbibigay-buhay na mga tubig ng Kaniyang Rebelasyon sa isang daigdig na lubhang nauuhaw. Ang inyong malakas na kamalayan sa inyong layunin ay malinaw na nakikita. Ang pagpapalawak at pagpapatatag, pagkilos panlipunan, at pakikilahok sa mga diskurso sa lipunan ay mabilis na sumusulong, at ang likas na pagkakaugnay-ugnay ng mga gawaing ito sa antas ng cluster ay nagiging higit pang malinaw. Wala nang lugar na kasinlinaw ito kaysa sa roon kung saan ang lumalaking mga bilang ay nakikilahok sa isang hanay ng mga gawain, na ang bawat isa sa mga iyon ay isang pamamaraan upang palayain ang kapangyarihan ng Pananampalataya upang magtatag ng lipunan.

Sa labindalawang buwan na lumipas mula sa simula ng Nine Year Plan, nagalak kaming makita kung paano itong pandaigdig na gawaing espiritwal ay pinasigla at pinakilos ang mga kaibigan at ibinunsod ang tanging mga hanay na pagkilos. Ang isang agarang pagtutok ng pansin ay ang pagsasagawa ng mga plano upang matiyak na sa bawat bansa at rehiyon ay umusbong ang isa man lamang na cluster na nakalampas na sa pangatlong milestone: isang lugar kung saan ang malaking bilang ng mga tao ay sama-samang gumagawa at tumutulong sa pamumuhay ng isang masiglang pamayanan. Gayumpaman, sa kabatirang ang layunin para sa yugtong ito na dalawampu’t limang taon ay ang magtatag ng programa ng masikhay na paglaki sa bawat cluster sa daigdig, ang mga mananampalataya ay nagsimula na ring buksan sa Pananampalataya ang bagong mga cluster at gayundin ay palakasin ang kanilang mga pagsisikap sa mga lugar na mayroon nang programa ng paglaki. Higit na mataas ang kamalayan sa pagkakataon para sa mga pioneer upang magbangon sa lahat ng bahagi ng daigdig—pinag-iisipan ng maraming debotong kaluluwa kung paano sila makatutugon sa pagkakataong ito, at ang marami pang iba ay nakalipat na sa kanilang mga puwesto, kapansin-pansin ang sa home front subalit dumarami na rin sa larangang international. Tulad ng aming inaasahan, ito ang isa sa ilang mga paraan upang maihayag ng mga kaibigan sa lahat ng dako ang diwa ng pakikipagtulungan sa isa’t isa. Sa mga pamayanan kung saan nakapagpundar na ng lakas, itinatalaga nila ang kanilang mga sarili sa pagsuporta sa pagsulong na nagaganap sa ibang lugar—sa ibang cluster, rehiyon, bansa, o kahit kontinente—at ang mapanlikhang mga paraan ay natatagpuan upang makapagbigay ng paghimok mula sa malayo at tuwirang maibahagi ang karanasan. Samantala, malawakang isinasagawa ang pangunahing paraan sa paglagom ng natututunan sa isang cluster, nang sa gayon ay maisaalang-alang ito sa mga planong binubuo sa lokal at iba pang larangan. Natutuwa kaming makita na binibigyan ng tanging pansin ang pagsisikap matuto kung paano mapahuhusay pa ang kalidad ng karanasang pang-edukasyon na inihahandog ng institute. Kapag nag-ugat na ang proseso ng institute sa isang pamayanan, ang mga ibinubunga nito ay napakatindi. Masdan, halimbawa, yaong mga sentro ng masikhay na paggawa kung saan ay itinuturing ng mga nananahan doon ang training institute bilang isang makapangyarihang instrumento na kanilang pag-aari: isang instrumento na inako na nila ang pangunahing pananagutan para sa mahusay na pagyabong nito. Yamang alam na alam ng mga mananampalataya na laging nakabukas nang malawak ang mga pinto ng Pananampalataya, natututo na sila kung paano himukin yaong mga nakahanda nang pumasok. Ang lumakad nang kasabay ang gayong mga kaluluwa, at tulungan sila sa pagtawid sa bungad, ay isang pribilehiyo at natatanging kaligayahan; sa konteksto ng bawat kultura, marami ang kailangang matutunan tungkol sa isigan nitong umaalingawngaw na sandali ng pagkilala at pakikiisa. At hindi lamang iyon. Samantalang sa maraming mga cluster ang mga pagsisikap na makatulong sa pagbabago ng lipunan ay nasa pinakamaagang yugto pa lamang, ang mga National Spiritual Assembly, na mahusay na sinusuportahan ng mga Counsellor, ay masiglang nagpupunyagi upang matuto nang higit pa tungkol sa kung paano lumilitaw itong mga pagsisikap mula sa proseso ng pagtatatag ng pamayanan. Ang mga talakayan tungkol sa mabuting kalagayang panlipunan at materyal ng isang sambayanan ay nililinang sa loob ng mga grupo ng mga pamilya at sa mga pamayanan, samantalang sinisikap din ng mga kaibigang makahanap ng mga paraang makilahok sa makabuluhang mga diskurso na namumukadkad sa kanilang mismong mga kapaligiran.

Sa lahat ng aming inilarawan, ang mga kilos ng mga kabataan ay sumisikat nang maningning. Malayo sa pagiging walang-kibong mga tagapagtanggap lamang ng impluwensiya—maging mabuti man o hindi ang impluwensiya—pinatunayan nilang sila ay mga tagapagpaganap ng Plano na malakas ang loob at mahusay mangilatis. Kung saan nakikita sila ng pamayanan sa ganitong diwa at lumilikha ng mga kalagayan para sa kanilang pagsulong, labis-labis nilang pinatunayang nararapat ang pagtitiwala sa kanila. Itinuturo nila ang Pananampalataya sa kanilang mga kaibigan at ang paglilingkod ang ginagawa nilang saligan ng higit na makabuluhang mga pakikipagkaibigan. Madalas na ang gayong paglilingkod ay nasa anyo ng pagbibigay ng edukasyon sa mga nakababata sa kanila—hindi lamang naghahandog ng moral at espiritwal na edukasyon, subalit madalas ay tumutulong din sa kanilang mga aralin sa eskwela. Inatasan ng sagradong tungkulin na palakasin ang proseso ng institute, ang mga kabataang Bahá’í ay tumutupad sa pinakamimithi naming mga pag-asa.

Ang tagpong pinagdarausan ng lahat nitong mga pagsisikap ay isang panahong lubhang balisa. Tinatanggap nang malawakan na ang kasalukuyang mga estruktura ng lipunan ay hindi nakahanda upang tumugon sa mga pangangailangan ng sangkatauhan sa umiiral nitong mga paghihirap. Marami sa datirating ipinapalagay bilang tiyak at di-matitinag ay pinag-aalinlanganan na, at ang ibinubunga nitong kaguluhan ay lumilikha ng isang pananabik para sa isang larawang-isip na nagkakaisa. Ang koro ng mga tinig na itinataas sa pagtataguyod ng kaisahan, kapantayan, at katarungan ay nagpapakilala kung gaano karami ang nakikiisa sa mga adhikaing ito para sa kanilang mga lipunan. Mangyari pa, hindi nakapagtataka para sa isang tagasunod ng Pinagpalang Kagandahan na manabik ang mga puso para sa mga huwarang espiritwal na Kaniyang iminungkahi. Gayumpaman ay kapansin-pansin para sa amin, sa taon kung kailan ang mga pagkakataon para sa sama-samang hinaharap ng sangkatauhan ay waring walang kasing panglaw, ang liwanag ng Pananampalataya ay suminag sa nakagigilalas na ningning sa mahigit na sampung libong mga kumperensiyang dinaluhan ng halos isa’t kalahating milyung katao, na nakatutok sa mga pamamaraan ng pagtaguyod ng gayunding mga huwaran. Ang larawang-isip ni Bahá’u’lláh, at ang Kaniyang paghimok sa sangkatauhan na magkaisa para sa ikabubuti ng daigdig, ay ang sentrong sabik na pinagtipunan ng magkakaibang mga elemento ng lipunan—at hindi nakapagtataka, yamang ipinaliwanag ni ‘Abdu’l-Bahá, “Ang bawat pamayanan sa daigdig ay nakatatagpo rito sa mga Katuruang Dibino ng pagsasakatuparan ng pinakamataas nitong mga hangarin.” Ang ilang mga naghahangad ng kabutihan ng sangkatauhan ay maaaring unang maakit sa pamayanang Bahá’í bilang isang lugar ng kaligtasan, isang kublihan mula sa daigdig na nagkawatak-watak at naparalisa. Subalit higit pa sa pagiging kublihan, ang kanilang natatagpuan ay magkakasundong mga kaluluwa na sama-samang nagpupunyagi upang muling maitatag ang daigdig.

Marami ang maaaring isulat kaugnay ng pang-heyograpiyang saklaw ng mga kumperensiya, ng bukod-tanging pagbunsod na ibinigay nito sa bagong Plano, o ng taos-pusong mga pahayag ng kaligayahan at kasigasigan na pinukaw mula sa mga dumalo. Subalit sa ilang mga linyang ito ay nais namin tawagin ang pansin sa ipinakikilala nito tungkol sa pag-unlad ng Kapakanan. Ang mga ito ay paglalarawan sa pamayanang Bahá’í na nakakikita ng pagkakaugnay-ugnay, hindi ng pagkakaiba. Sa ganitong pananaw ay naging natural na saliksikin ang Nine Year Plan sa mga pagtitipon kung saan ang lahat ay malugod na tinatanggap. Inisip ng mga kaibigan ang mga ipinahihiwatig ng Plano para sa kanilang mga lipunan nang kasama, hindi lamang ang mga indibidwal at mga pamilya, subalit gayundin ang lokal na mga pinuno at mga taong kagalang-galang. Ang pagtitipon ng gayong napakaraming mga tao sa iisang lugar ay lumikha ng mga kalagayan upang magkaroon ng nakapagpapabagong usapan tungkol sa espiritwal at panlipunang pag-unlad, isang usapang namumukadkad sa buong daigidg. Ang natatatanging tulong na maibibigay ng gayong mga pagtitipon—na magkakasabay ay bukas, nakapagpapasigla, at may layunin—para sa isang lumalawak na paraan ng pag-unlad ng pamayanan sa isang cluster ay isang mahalagang aral na dapat tandaan ng mga institusyong Bahá’í para sa hinaharap.

At sa gayon ang kalipunan ng mga matapat ay pumapasok sa pangalawang taon ng Plano taglay ang panibagong pananaw at isang napakalalim na pag-unawa sa kahalagahan ng sinisikap nilang makamtan. Lubhang naiiba ang mga kilos kapag tinitingnan sa liwanag ng kapangyarihang magtatag ng lipunan na pinawawalan nito! Itong masaklaw na tanawin ay nagbibigay-daan upang makita ang ipinagpapatuloy na gawain bilang lubhang higit pa sa isang bukod na gawain ng paglilingkod o isang punto ng datos lamang. Sa sunod-sunod na lugar, ang mga pagkukusang isinasagawa ay nagpapakilala sa isang populasyong natututo kung paano akuin ang higit pang pananagutan upang taluntunin ang landas ng sarili nitong pag-unlad. Ang ibinubunga nitong pagbabagong espiritwal at panlipunan ay inihahayag ang sarili nito sa pamumuhay ng isang sambayanan sa iba’t ibang mga paraan. Sa nakaraang serye ng mga Plano, nakikita ito nang pinakamalinaw sa pagtataguyod ng espiritwal na edukasyon at sama-samang pagsamba. Dito sa bagong serye ng mga Plano, kailangang bigyan ng higit na pansin ang iba pang mga prosesong sinisikap pahusayin ang pamumuhay ng isang pamayanan—halimbawa, sa pagpapabuti ng kalusugang pampamayanan, pangangalaga sa kapaligiran, o higit na mabisang paggamit sa kapangyarihan ng mga sining. Ang kinakailangan upang sumulong ang lahat nitong mga nagpupunuang mga aspekto ng mabuting kalagayan ng isang pamayanan, mangyari pa, ay ang kakayahang pumasok sa masistemang pagsisikap na matuto sa lahat ng mga larangang ito—isang kakayahang gumagamit sa malalim na mga pag-unawang hinango mula sa mga Katuruan at mula sa natitipong imbakan ng kaalamang pantao na nilikha sa pamamagitan ng siyentipikong pagsasaliksik. Habang lumalaki ang kakayahang ito, marami ang maisasakatuparan sa darating na mga dekada.

Itong pinalawak na larawang-isip ng pagtatatag ng pamayanan ay nagtataglay ng mga pahiwatig na malayo ang nasasaklaw. Ang bawat pamayanan ay nasa sarili nitong landas tungo sa kaganapan nito. Subalit ang pagsulong sa isang lugar ay madalas na may mga katangiang kapareho sa pagsulong sa ibang lugar. Ang isang katangian ay habang lumalaki ang kakayahan at dumarami ang mga kapangyarihan ng isang lokal o pambansang pamayanan, sa gayon, sa kaganapan ng panahon, ang mga kalagayang kinakailangan para sa paglitaw ng isang Mashriqu’l-Adhkár, na itinakda sa aming mensahe ng Riḍván 2012, sa kalaunan ay matutupad. Tulad ng binanggit namin sa inyo sa aming mensahe noong nakaraang Riḍván, sa tuwi-tuwina ay tutukuyin namin ang mga lugar kung saan ay itatayo ang isang Templong Bahá’í. Ikinagagalak naming manawagan, sa panahong ito, para sa pagtatatag ng lokal na mga Bahay Sambahan sa Kanchanpur, Nepal at sa Mwinilunga, Zambia. Higit pa rito, nanawagan kami para sa pagtatatag ng pambansang Bahay Sambahan sa Canada, na itatayo malapit sa matagal nang naitatag na Pambansang Ḥaẓíratu’l-Quds sa Toronto. Ang mga proyektong ito, at ang mga iba pa na sisimulan sa hinaharap, ay makikinabang mula sa suportang ibinibigay ng mga kaibigan sa lahat ng lupain sa Temples Fund.

Napakarami ng mga pagpapala na piniling ipagkaloob ng butihing Panginoon sa Kaniyang mga minamahal. Matayog ang misyon, marilag ang tanawin. Mahigpit ang pangangailangan ng mga panahon kung kailan tayong lahat ay tinatawagang maglingkod. Lubhang marubdob, kung gayon, ang mga panalanging iniaalay namin sa Bungad ni Bahá’u’lláh para sa inyo at para sa inyong walang-kapagurang mga pagsisikap.

 

Windows / Mac