Return   Facebook

The Universal House of Justice

Ridván 2024

To the Bahá’ís of the World

Dearly loved Friends,

Dalawang taon sa siyam na taon ng matinding pagsisikap ay mabilis nang dumaan. Isinapuso nang husto ng mga kaibigan ng Diyos ang mga layunin nito. Sa kahabaan ng sandaigdigang Bahá’í may higit na malalim na pag-unawa tungkol sa kinakailangan upang higit pang palawakin ang proseso ng pagtatatag ng pamayanan at magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa lipunan. Subalit sa paglipas ng bawat araw, nakikita rin namin na lalong lumalala ang kalagayan ng daigdig, higit na malalim ang mga pagkakahati-hati nito. Ang tumataas na mga tensiyon sa loob ng mga lipunan at sa pagitan ng mga bansa ay nagkakaroon ng napakaraming epekto sa mga sambayanan at mga lugar.

Mahigpit itong humihingi ng tugon mula sa bawat kaluluwang may konsiyensiya. Batid nating lahat na hindi maaaring umasa ang pamayanan ng Pinakadakilang Pangalan na hindi ito maapektuhan ng mga suliranin ng lipunan. Subalit, bagaman apektado ito ng ganitong mga suliranin, hindi ito natutuliro dahil sa mga ito; nalulungkot ito sa pagdurusa ng sangkatauhan, subalit hindi ito napaparalisa dahil dito. Ang taos-pusong malasakit ay dapat magbunsod ng nagpapatuloy na pagsisikap upang magtatag ng mga pamayanang nagbibigay ng pag-asa sa halip ng kawalan ng pag-asa, pagkakaisa sa halip ng paglalaban-laban.

Malinaw na inilarawan ni Shoghi Effendi kung paanong ang isang proseso ng “patuloy na lumalalang pagsama sa mga gawaing pantao” ay nagaganap nang kaalinsabay sa isa pang proseso, ang proseso ng pagbubuo, na sa pamamagitan niyon ang “Arko ng kaligtasan ng tao”, ang “huling kanlungan” ng lipunan ay itinatatag. Ipinagdiriwang namin ang makita, sa bawat bansa at rehiyon, na abala ang mga tunay na nagsasagawa ng kapayapaan sa pagtatatag ng kanlungang ito. Nakikita namin ito sa bawat kwento ng isang puso na pinaririkit ng pag-ibig sa Diyos, ng isang pamilyang nagbubukas ng tahanan nito sa bagong mga kaibigan, sa mga nakikipagtulungan na ginagamit ang mga katuruan ni Bahá’u’lláh sa pagharap sa isang suliranin ng lipunan, sa isang pamayanang pinalalakas ang kultura ng pagsuporta sa isa’t isa, sa isang kapitbahayan o nayon na natututong magsimula at ipagpatuloy ang mga kilos na kinakailangan para sa sarili nitong espiritwal at materyal na pagsulong, sa isang lokalidad na pinagpala sa pag-usbong ng isang bagong Spiritual Assembly.

Ang mga pamamaraan at mga instrumento ng Plano ay naghahain ng pagkakataon sa bawat kaluluwa upang magbigay ng isang bahagi sa kinakailangan ng sangkatauhan sa araw na ito. Malayo sa pagbibigay ng isang panandaliang panghaplas sa mga sakit ng kasalukuyang panahon, ang pagsasagawa ng Plano ay ang paraan upang mailunsad sa bawat lipunan ang mga prosesong pangmatagalan at nakatutulong na mamumkadkad sa magkasunod na mga salinlahi. Itinuturo ng lahat ng ito ang isang mahigpit at di-maiiwasang kapasiyahan: Kailangang magkaroon ng patuloy at mabilis na pagtaas sa bilang ng yaong mga nagtatalaga ng kanilang oras, ng kanilang lakas, ng kanilang pagtutok sa tagumpay ng gawaing ito.

Liban sa simulain ni Bahá’u’lláh ng kaisahan ng sangkatauhan, saan pa makatatagpo ang daigdig ng isang larawang-isip na sapat na malawak upang pagkaisahin ang lahat ng magkakaibang mga elemento nito? Liban sa pagsalin ng larawang-isip na iyon sa isang kaayusang nababatay sa pagkakaisa sa pagkakaiba-iba, paano pa magagamot ng daigdig ang mga bakli sa lipunan na humahati rito? Sino pa ang maaaring maging lebadura, na sa pamamagitan niyon ang mga sambayanan ng daigdig ay makatutuklas ng isang panibagong paraan ng pamumuhay, isang landas patungo sa namamalaging kapayapaan? Iabot kung gayon sa bawat isa ang kamay ng pakikipagkaibigan, ng sama samang pagsisikap, ng pakikibahagi sa paglilingkod, ng magkasamang pagsisikap matuto, at sumulong nang magkakaisa.

Batid namin ang matinding sigla at lakas na nalilikha sa alinmang lipunan kapag ang mga kabataan nito ay nagigising sa larawang-isip ni Bahá’u’lláh at nagiging mga tagapagganap ng Plano. At sa gayon, taglay ang napakalaking kabaitan, lakas loob, at ganap na pagsalig sa Diyos, ang mga kabataang Bahá’í ay kailangang magtalaga na abutin ang kanilang mga kaedad at isama sila sa gawaing ito! Ang lahat ay dapat sumulong, subalit ang mga kabataan ay dapat lumipad.

Ang mahigpit na pangangailangan ng kasalukuyang panahon ay hindi dapat maglingid sa natatanging kaligayahan na nagmumula sa paglilingkod. Ang panawagang maglingkod ay isang panawagang nakatataas at nakasasaklaw sa lahat. Inaakit nito ang bawat kaluluwang matapat, kahit yaong mga nagpapasan ng mga alalahanin at mga tungkulin. Sapagkat sa lahat ng pinagkakaabalahan ng matapat na kaluluwang iyon ay matutuklasan ang isang pamimintuhong malalim na nakaugat at isang habang-buhay na pagmamalasakit sa mabuting kalagayan ng mga iba. Ang gayong mga katangian ay nagkakaloob ng pagkakaugnay-ugnay sa isang buhay na napakarami ang mga pangangailangan. At ang pinakamatamis sa lahat na mga sandali para sa alinmang pusong nag-aalab ay yaong ginugugol sa mga kapatid sa espiritu, habang inaaruga ang isang lipunang nangangailangan ng espiritwal na sustansiya.

Sa mga Banal na Dambana, habang nag uumapaw ang mga puso, nagpapasalamat kami kay Bahá’u’lláh na ibinangon kayo at sinanay kayo sa Kaniyang mga gawi, at sumasamo Kami sa Kaniya na ipadala sa inyo ang Kaniyang pagpapala.

 

Windows / Mac