The Universal House of Justice
Ridván 2026
To the Bahá’ís of the World
Dearly loved Friends,
Ngayon ay nagsisimula ang ikalawa, ang higit na malaking yugto ng Siyam na Taong Plano. Nakikita namin ang pamayanan ng sandaigdigang Bahá’í na sumusulong nang sabay-sabay, makatwirang nakatitiyak sa paraang itinakda nito. Hindi mapag-aalinlanganan ang kalinawan at matibay na paniniwala nito. Di-natitinag sa lumalaking kaguluhan ng daigdig, nakatutok ito sa sagradong layunin nito. Nagagalak kaming makita lalo na ang bagong napagtibay na mga mananampalatayang nananabik na isabalikat ang kanilang tungkulin sa larangan ng paglilingkod at pagkilos kasama yaong matagal nang napagtibay sa Pananampalataya. Ang mga cluster na nasa third milestone ay nagpapatunay na matabang lupa para sa mayamang karanasang aanihin at ipalalaganap. At kami ay nalulugod na makita ang mga kaibigan saanman na nagninilay sa mensahe namin para sa mga Counsellor na nagtipon dito noong Disyembre at humuhugot mula sa nilalaman nito habang sila ay nagpaplano at kumikilos.
Itong diwang may layunin ay lalo nang nahahayag sa mga institutional meeting na tinipon sa buong mundo. Muli't muli, ang mga salaysay ng mga pagtitipong ito ay nag-ulat ng magkakaparehong pangyayari: isang masusi, malalim na pag-uusap batay sa tuwirang karanasan ng pagtatatag ng masiglang mga pamayanan kaysa sa mga palagay o teorya. Itong pag-uusap ay binigyang-buhay ng patuloy na proseso ng pagkatuto sa bawat lugar. Taglay nito ang mas malalim na pagkilala sa kahalagahan ng mga pagpupunyagi ng pamayanang Bahá’í at ng mga ipinahihiwatig na tangan nito para sa masalimuot na mundong malubhang nangangailangan ng direksyon. Nadarama ng nakararami ang isang diwa ng responsibilidad at paninindigan, at mayroong matalas na pagkabatid sa lawak ng kasalukuyang gawain. Madalas, ang pag-uusap na ito ay nagbubukas sa karagdagan at nagpupunuang pananaw na kumikilala sa mga pagsisikap ng mga pamayanan at mga indibidwal hindi lamang bilang gawain ng mga programa at proyekto, ngunit bilang paglilinang ng isang paraan ng pamumuhay na nakaugat sa banal na mga katuruan—isang paghuhubog ng mga pagkilos, mga pakikipag-ugnayan, at mga lunggati.
Ang gayunding maalab na pag-uusap, na nagpapakita ng pagtatalaga sa pagkatuto, ay isinusulong sa buong pamayanan mula sa pambansa at panrehiyong antas hanggang sa nayon at kapitbahayan, at sa iba't-ibang mga tagpo, kasama ang mga pagtitipong isinaayos ng institusyon pati na rin ang ibang mga puwang na umuusbong. Tiyak na ito ay magiging katangian din ng mga National Convention. Inaasahan naming makita ang mga halimbawa ng indibidwal at sama-samang pagkilos na pinalalakas at pinalalawak habang itong mga pag-uusap ay namumukadkad. Gaya pa rin ng dati, itong pag-uusap ay dapat palawigin sa higit na lumalawak na saklaw ng ugnayan ng mga kaibigan, mga kapitbahay, at ibang mga kaluluwang may katulad na hangaring nakikibahagi sa mga pagsisikap na magdulot ng espiritwal at materyal na pagsulong na nakabatay sa kaisahan ng sangkatauhan. Ang mga puwang na nililikha upang mapalawak itong pag-uusap—kahiman ang mga ito ay biglaan o matagal na naiplano nang maaga—ay palatandaan ng isang malalim na pakikilahok sa lipunan, at kami ay umaasang ang mga ito ay magiging higit at higit pang laganap.
Maraming tao mula sa mas malawak na lipunan na nakaranas ng gawain ng Bahá’í sa antas ng masa ay napukaw ng katangi-tanging mga katangian: nagmumula ito sa taos-pusong pagmamalasakit para sa kabutihan ng lahat, nakatuon ito sa pagkakaisa at paglilingkod, at sumusunod ito sa malinaw na mga alituntunin ngunit hindi ipinapalagay na mayroong kagyat na sagot sa bawat suliranin. Sa diwa ng sama-samang pagsisikap, ang mga Baháʼí ay naghahangad makipagtulungan sa iba at matuto nang magkasama; at sa mga ugnayang nabuo nila sa mga yaong humahawak ng katayuan ng kapangyarihan at katungkulan sa lipunan, sila ay masigasig at matalisik. Sinisikap nilang matamo ang pagbabago sa lipunan nang walang pampulitikang hangarin o pansariling kapakinabangan, at nababatid nila na, habang ang katanyagan ng Pananampalataya ay nadaragdagan, nagiging mahalagang matiyak na ang tunay nitong katangian at mga layunin ay malinaw na nauunawaan. Sa maraming mga lugar, ang lumalagong lalim ng pakikitungo ng pamayanan sa lipunan ay nangangahulugang, tiyak na mayroong mga bagong kalagayang babagtasin at bagong mga katanungang sasagutin, at hinihimok nito ang pamayanang paunlarin pa ang sarili nitong mga kakayahan.
Tulad ng aming ipinaliwanag sa aming mensahe sa kamakailang Kumperensiya ng mga Counsellor, ang isang mahalagang pagsulong sa nakaraang apat na mga taon ay ang pag-usbong ng mga pamayanan bilang higit na nahahayag na pangunahing tagapagganap ng Plano, inaayos ang sarili nito upang matugunan ang natatanging mga pangangailangan at sumulong sa natatanging mga larangan ng pagsisikap, upang magbigay ng suporta sa isa't isa sa pamamagitan ng mga pagkakasundong makipagtulungan, at upang matutong lalong maging mabisa sa loob ng umuusbong na balangkas ng pagkilos. Ang kapansin-pansing halimbawa nito ay ang mga grupo ng kabataan, na gumagawa nang sama-sama sa isang lokalidad at hinihikayat ang pakikilahok ng kanilang mga ka-edad. Mangyari pa, ang kanilang mga pagsisikap ay nakikinabang nang napakalaki mula sa mapagmahal na paghimok at patnubay ng mga institusyon, subalit pinakita rin ng kabataan ang kanilang abilidad na magkusa at tukuyin ang mga mabungang larangan ng paglilingkod. Napakadalas na ang kanilang mga pagsisikap ay nagaganap laban sa tagpo ng salungatan at kaguluhan, kawalan ng katarungan sa ekonomiya, at malalim na panlipunang paghahati-hati. Nababatid namin ang mga hamong kinakaharap ng kabataan sa gayong mga kalagayan, at pinupuri namin sila sa pagpigil sa udyok na pumuna at humusga, at sa halip ay paghahanap ng mga makabuluhang paraan upang malampasan ang mga matitinding hadlang na ito at kumilos upang ganap na mapagtagumpayan ang mga ito.
Minamahal na mga kaibigan, gaano man kaligalig ang panahon, hinihimok namin kayong huwag mag-alala o masiraan ng loob. Pinapayuhan tayong lahat ni ‘Abdu’l-Bahá na umasa sa mga pagpapala ng Diyos, at sa gayon maging “may pag-asa kailanman”, maging “matatag” sa ating pag-asa, at maging “ang sanhi ng pag-asa sa kaluluwang nawawalan ng pag-asa”. Kapag ang hangganan ng daigdig ay dumilim, ang pag-asa ay nagiging kakaunti at itinatanging pinagkukunan—subalit yaong masaganang pinagpala ng pamayanan ng Pinakadakilang Pangalan dahil sa paninindigan nito sa hinaharap ng sangkatauhan at dahil sa natutunan nito mula sa sariling karanasan. Maraming tao ang nananabik sa pag-asang maidudulot ninyo sa kanilang mga puso.
Para sa ginintuang halimbawa ng isang pamayanang matagal nang kanlungan ng ningas ng pag-asa, kami ay nakatingin sa pinagkasalahan ngunit laging matiyaga, laging matatag, laging mapagtiis na mga tagasunod ni Bahá’u’lláh sa Silangan ng Kaniyang Pananampalataya. Tingnan gaanong madisiplina silang nananatili, gaanong matapat sa alituntunin sa kabila ng mga dekada ng walang tigil na paniniil—at gaanong nakatalaga silang matuto mula sa mga pagsulong na nagawa ng kanilang kapwa mga mananampalataya sa ibang mga lupain, gaanong magtika upang maglingkod at pasiglahin ang kanilang kapwa mga mamamayan sa kanilang sariling bansa. Para sa napakarami nilang mga kababayan, sila ay naging, at patuloy na nagiging, isang tanglaw ng pag-asa, bukal ng habag at malalim na pag-unawa, at mapagkakatiwalaang mga kasama sa landas ng paglilingkod. Sa kamakailan lamang na mga linggo at mga buwan, ang mga kaibigang ito na aming labis na minamahal ay naging patuloy na naroon sa aming isipan at ang paulit-ulit na paksa sa aming mga panalangin, yayamang kami ay siguradong sila ay nasa mga inyo rin, humihiling sa Laging Mapagmahal na Panginoon na tanganan sila ng yakap ng Kaniyang magiliw na pangangalaga.
Ang inyong sariling mga pagpupunyagi upang isulong ang Kapakanan ng Diyos ay hindi rin kukulangin sa pagiging paksa ng mga panalanging iniaalay namin sa Banal na Pintuan—lalo na ngayon, sa pagsisimula ng bagong yugto ng Siyam na Taong Plano. Sa tuwing kami ay nagtutungo sa mga Banal na Dambana, kami ay nanalangin sa banal na tulong at saklolo para sa inyong mga pagsisikap, at nagsusumamo sa tibay ng loob at lakas para sa inyo sa inyong mga gawain. Nawa’y maging mabilis kayo sa pagkilos at sabik sa pagkatuto, at nawa'y mapasainyo ang lahat ng mga pagpapala ng makalangit na kaharian.
- The Universal House of Justice