The Universal House of Justice
Ridván 2006
To the Bahá’ís of the World
Dearly loved Friends,
Ang Ridván 2006 ay isang panahong tigib ng diwa ng tagumpay at pag-aasam. Maaaring ipagmalaki ng mga tagasunod ni Bahá'u'lláh sa lahat ng dako ang kalakihan ng kanilang mga tagumpay sa loob ng Five Year Plan na nagwawakas na ngayon. At tungo sa hinaharap ay maaari silang tumingin ng may lakas-loob na ipinagkakaloob lamang sa yaong mga ang pagtitika ay pinatibay na ng karanasan. Ang kabuuan ng daigdig ng Bahá'í ay naaantig sa pagninilay sa saklaw ng limang-taong gawaing hinaharap, ang kalaliman ng paghahain ng sarili na hinihingi nito, at ang mga bungang naitadhana nitong matamo. Ang aming mga dalangin ay nakikisabay sa mga dalangin ninyo sa pagbaling ninyo sa pasasalamat kay Bahá'u'lláh dahil sa biyayang makita ang pamumukadkad ng Kanyang layunin para sa sangkatauhan.
2. Sa aming mensahe ng ika-27 ng Disyembre 2005 sa mga Counsellors na nagtipon sa Banal na Lupain, na ibinahagi noong araw ding iyon sa lahat ng mga National Spiritual Assembly, binalangkas namin ang mga katangiang bagay ng Five Year Plan na sasaklaw sa 2006 hanggang 2011. Hinimok ang mga kaibigan at ang kanilang mga institusyon na pag-aralan nang lubos ang mensahe, at tiyak na ang nilalaman nito ay alam na alam na ninyo. Tinatawagan namin ang bawat isa at ang lahat sa inyo na ibuhos ang inyong mga lakas tungo sa pagtitiyak na ang layuning makapagtatag sa loob ng susunod na limang taon ng mga “intensive programme of growth” o programa ng matinding paglaki, sa hindi kukulang sa 1,500 mga cluster sa buong daigdig at matagumpay na matatamo. Sa mga buwang kasunod ng paglisan ng mga Counsellor mula sa World Centre, ang paghahanda para sa paglunsad ng Plano ay napakabilis at masistemang naisagawa sa sunod-sunod na bansa na siyang naging isang palatandaan sa kasabikan ng pamayanang Bahá'í sa pagtanggap sa hamon na ihinaharap dito. Habang hindi na naming kailangan pang ipaliwanag dito ang mga pangangailangan ng Plano, nadarama naming kailangang iharap para sa inyong pagninilay ang ilang mga komentaryo sa pandaigdigang kinauugnayan ng inyong indibidwal at pangkalahatang mga pagsisikap.
3. Mahigit na pitumpong taon na ang nakalilipas nang iakda ni Shoghi Effendi ang kanyang mga liham ng Pandaigdigang Kaayusan (World Order) na kung saan ay nagbigay siya ng napakalalim na pagsusuri sa mga puwersang umiiral sa daigdig. Nang may kahusayan ng pananalita na kanya lamang, inilarawan niya ang dalawang dakilang prosesong inilunsag ng Rebelasyon ni Bahá'u'lláh, na ang isa ay sumisira at ang isa ay bumubuo, na kapwa silang bumubunsod sa sangkatauhan patungo sa Pandaigdigang Kaayusang ginunita Niya. Binalaan tayo ng Guardian na huwag “magpaligaw sa nakasasakit na kabagalan na siyang katangian ng pamumukadkad ng kabihasnan” na napakahirap na itinatatag o na “malinlang ng naglalahong mga kahayagan ng bumabalik na kasaganahan na waring may kakayahang ihinto ang nakagugulong impluwensiya ng walang katapusang na mga karamdamang nagpapahirap sa mga institusyon ng isang nagugunaw na panahon.” Walang pagbabalik-suri ng takbo ng mga pangyayari ng kalilipas na mga dekada ang maka-iiwas sa katotohanan ng bumibilis na buwelo na mga prosesong noon ay sinuri niya nang may gayong katiyakan.
4. Kinakailangan lamang isaalang-alang ang lumalalang krisis sa moralidad na lumulunod sa sangkatauhan upang mapahalagahan ang saklaw ng pagpunit ng habi ng lipunan na ibinunga ng mga puwersa ng pagwawasak. Hindi ba't ang mga palatandaan ng kasakiman, ng pagdududa, ng takot at ng pandaraya, na napakalinaw na nakita ng Guardian, ay naging napakalaganap na, na kitang-kita na ito ng kahit sinong pangkaraniwang tagamasid? Hindi ba't ang banta ng terorismo na binanggit niya ay naaaninag na nang napakalaki sa larangang pandaigdig na pinagkakaabalahan ito ng mga isip ng kapwa mga bata at matatanda sa bawat sulok ng daigdig? Hindi ba't ang di-mapatid na pagkauhaw at ang tulirong paghahabol sa makalupang mga karangyaan, kayamanan at kasiyahan ay napakatibay na ang impluwensiya at kapangyarihan na nagkaroon na ito ng kinalaman sa gayong mga katangian ng tao tulad ng kaligayan, katapatan at pagmamahal? Hindi ba't ang paghina ng pagkakaisa ng pamilya at ang iresponsableng pagturing sa kasal ay umabot na sa gayong antas na nanganganib na ang pagpapatuloy nitong saligang bahagi ng lipunan? “Ang pagkabalakyot ng kalikasan ng tao, ang pagpababa ng kilos ng tao, ang kabulukan at pagkabuwal ng mga institusyong pantao,” na binabala ni Shoghi Effendi, sa kasawiang-palad, ay nagpapakilala ng kanilang mga sarili “sa kanilang pinakamasama at kasuklam-suklam na mga aspeto.”
5. Ipinapataw ng Guardian ang pinakamalaking bahagi ng sisi sa pagbagsak ng moralidad ng sangkatauhan sa panghihina ng relihiyon bilang isang puwersa sa lipunan. “Kapag ang ilawan ng relihiyon ay malalambungan,” tinatawag niya ang ating pansin sa mga salita ni Bahá'u'lláh, “ang kaguluhan at kalituhan ay iiral na, at ang mga liwanag ng kabutihan, ng katarungan, ng katiwasayan ang ng kapayapaan ay hihinto na ang pagsikat.” Ang mga dekadang kasunod ng pagsulat ng kanyang mga liham ay sumaksi di-lamang sa patuloy na paghina ng kakayahan ng relihiyon na pairalin nito ang kanyang impluwensiya sa moralidad, bagkus ay ang pagkanulo ng mga masa dahil sa di-karapat-dapat na pagkilos ng mga institusyong pangrelihiyon. Ang mga pagsisikap na muling pasiglahin ito ay nagbubunga lamang ng panatisismo na, kung hahayaang di-sinusupil, ay maaaring sumira sa saligan ng sibilisadong pakikipag-ugnayan ng mga tao. Ang pag-uusig sa mga Bahá'í ng Iran, na kamakailan lamang ang lumalala nanaman, ay sapat na katibayan na ng determinasyon ng mga puwersa ng kadiliman na subhan ang apoy ng pananalig saan man ito ay nagniningas ng maliwanag. Bagaman nagtitiwala sa pangwakas ng tagumpay ng Kapakanan, hindi natin maaaring kalimutan ang babala ng Guardian na ang Pananampalataya ay kinakailangang sumagupa ng mga kaaway na higit na makapangyarihan at higit na mapaglinlang kaysa alinmang nagpahirap dito noong nakaraan.
6. Hindi na kinakailangan pang magkomentaryo ng mahaba hinggil sa pagka-inutil ng estadismo, na isa pang paksang napakahusay na tinalakay ng Guardian sa kanyang mga liham ng Pandaigdigang Kaayusan. Ang lumalaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, ang pagpapatuloy ng napakatagal nang mga pag-aalitan sa pagitan ng mga bansa, ang lumalaking bilang ng mga napaalis sa sariling lugar at walang matunguhan, ang bukod-tanging paglaki ng organisadong krimen at ng karahasan, ang laganap na diwa na kawalan ng kaligtasan, ang paghinto ng pangunahing mga serbisyo-publiko sa napakaraming mga rehiyon, ang walang-pakundangang paggamit ng mga yaman ng kalikasan—ang mga ito ay iilan lamang sa mga palatandaan ng kawalan ng kakayahan ng mga pinuno ng daigdig na lumikha ng mga pamamaraang may bisa na magbibigay lunas sa mga karamdaman ng sangkatauhan. Hindi nito ibig sabihin na hindi nagkaroon ng taimtim na mga pagsisikap, sa katunayan ay dumarami pa sa sunod-sunod na mga dekada. Subali't ang mga pagsisikap na ito, gaanuman kahusay, ay lubhang kinakapos sa pag-alis ng “pinaka-ugat na sanhi nitong kasamaan na walang pakundangan na sinira ang maayos na pagkakatimbang ng pangkasalukuyang lipunan.” “Ni hindi,” ang pinahayag ng Guardian, “ang mismong gawain ng pagbubuo ng pamamaraan na kinakailangan para sa pampulitika at pang-ekonomiyang pagkakaisa ng daigdig ... ang makapagbibigay, sa sarili lamang nito, ng lunas laban sa lason na patuloy na nagpapahina ng sigla ng organisadong mga tao at mga bansa.” “Ano pa,” ang kanyang buong lakas-loob na pinagtibay, “”maliban sa walang-pasubaling pagtanggap sa Banal na Programa” na binigkas ni Bahá'u'lláh, “na kumakatawan sa pangunahing mga sangkap nitong banal na hinirang ng Diyos na plano para sa pagkakaisa ng sangkatauhan sa panahong ito, na kasabay ng di-matitinag na pananalig sa di-mabibigong bisa ng bawat isa at ng lahat ng mga tadhana nito, ay sa dakong huli ang may kakayahang mapaglabanan ang mga puwersa ng panloob ng pagkagunaw, na kung hahayaang di-pipigilan, ay magpapatuloy na lumamon sa kalamnan ng isang lipunang nawalan na ng pag-asa.”
7. Napakalinaw, sa katotohanan, ang paglalarawan ni Shoghi Effendi ng proseso ng pagkakawasak na patuloy na bumibilis sa daigdig. Gayundin kagila-gilalas ang katumpakan ng pagsusuri niya sa mga puwersang nauugnay sa proseso ng pagbubuo. Binanggit niya ang “unti-unting paglaganap ng diwa ng pandaigdigang kapatiran na kusang umuusbong mula sa pagkakalugmok ng isang napakagulong lipunan” bilang isang di-tuwirang paghahayag ng pananaw ni Bahá'u'lláh sa alituntunin ng kaisahan ng sangkatauhan. Itong diwa ng kapatiran ay patuloy na lumalaganap sa loob ng mga dekada, at sa ngayon ang bunga nito ay nakikita sa isang hanay ng mga mabubuting pagsulong, mula sa pagtatwa ng napakalalim na mga pagkamuhi sa ibang lahi hanggang sa namimitak na kabatiran ng pagiging mamamayan ng iisang daigdig, mula sa higit na pagsasaalang-alang sa kapaligiran hanggang sa tulong-tulong na mga pagsisikap para sa kalusugan ng madla, mula sa pagmamalasakit sa mga karapatang pantao hanggang sa masistemang pagsisikap para sa pangkalahatang edukasyon, mula sa pagtatatag ng mga gawaing interfaith hanggang sa pagyabong ng daan-libong mga kapisanang lokal, pambansa at pandaigdig na gumagawa ng iba't-ibang anyo ng kilusang panlipunan.
8. Subali't para sa mga tagasunod ni Bahá'u'lláh ang pinakamahalagang mga pagsulong sa proseso ng pagbubuo ay yaong mga tahasang nauugnay sa Pananampalataya, na ang marami sa mga ito ay inaruga ng Guardian mismo at umunlad na nang napakalaki mula sa napakaliit na mga pinagsimulan ng mga ito. Mula sa napakaliit na simula ng mga mananampalataya na pinagkalooban niya ng kanyang unang mga plano ng pagtuturo ay umusbong na ang isang pandaigdigang pamayanan na matatagpuan sa libo-libong mga lokalidad, na ang bawat isa ay sumusunod sa isang matibay na naitatag na pamamaraan ng mga gawain na kumakatawan sa mga alituntunin at mga adhikain ng Pananampalataya. Sa saligan ng Pampangasiwaang Kaayusan na napakahirap niyang itinatag sa unang mga dekada ng kanyang panunungkulan ay naitaas na ngayon ang isang malaki at malapit na magkakaugnay na mga National at mga Local Spiritual Assembly na masigasig na pinangangasiwaan ang mga gawain ng Kapakanan sa mahigit na isang daan at walumpong mga bansa. Mula sa unang mga grupo ng Auxiliary Board member para sa Pangangalaga at Pagpapalaganap ng Pananampalataya na nilikha niya ay nagsibangon na ang isang kawan ng halos isang libong matatatag na mga manggagawa sa larangan ng paglilingkod sa ilalim ng pamamatnubay ng walumpu't-isang mga Counsellor na mahusay na ginagabayan ng International Teaching Centre. Ang ebolusyon ng Pandaigdigang Pampangasiwaang Sentro ng Pananampalataya, na loob ng kinasasakupan ng Pandaigdigang Espiritwal na Sentro nito, na isang prosesong pinaglaanan ng Guardian ng napakaraming panahon, ay lumampas na sa isang napakahalagang hangganan sa pag-upo ng Universal House of Justice sa Luklukan nito sa Bundok Carmel at sa kasunod na pagtayo ng Gusali ng International Teaching Centre at ng Centre for the Study of the Texts. Ang Institusyon ng Huqúqu'lláh ay patuloy na sumusulong sa pangangalaga ng Hand of the Cause of God Dr. 'Ali Muhammad Varqa, na hinirang ni Shoghi Effendi bilang Katiwala nito noong limampung taon na ang nakalilipas, na humantong sa pagtatatag noong 2005 ng isang pandaidigang lupon na inatasang itaguyod ang patuloy na malawakang pagpapatupad ng makapangyarihang batas na ito, na isang pinagmummulan ng di-malirip na mga biyaya para sa buong sangkatauhan.Ang mga pagsisikap ng Guardian na itaas ang pagkakakilala sa Pananampalataya sa mga larangang pandaigdig ay naging isang malawakang sistema na mga gawaing panlabas, na may kakayahang kapwa ipagtanggol ang mga kapakanan ng Pananampalataya at ng pagpapahayag ng pangkalahatang mensahe nito. Ang paggalang na tinatamasa ng Pananampalataya sa pandaigdigang mga pagpupulong, kailanman pinagsasalita ang mga kinatawan nito, ay isang napakalaking kapansin-pansin na tagumpay. Ang katapatan at pamimitagan ng mga kasapi ng isang pamayanang naglalarawan sa pagkakaiba-iba ng buong sangkatauhan tungo sa Banal na Kasunduan ni Bahá'u'lláh ay bumubuo ng isang imbakan ng lakas na di-matatapatan ng anupamang organisadong grupo.
9. Nakinita ng Guardian na, sa magkakasunod na epoch ng Panahon ng Paghuhubog (Formative Age), ang Universal House of Justice ay maglulunsad ng isang serye ng pandaigdigang mga gawain na “sasagisag sa kaisahan at mag-uugnay at magbubuklod sa mga gawain” ng mga National Spiritual Assembly. Sa loob na ngayon ng tatlong magkakasunod na epoch, ang pamayanang Bahá'í ay masigasig na gumawa sa loob ng balangkas ng pandaigdigang mga Planong ibinigay ng House of Justice at nagtagumpay na maitatag ang isang pamamaraan ng pamumuhay ng Bahá'í na nagtataguyod ng espiritwal na pag-unlad ng indibidwal at itinutuon ang pangkalahatang mga lakas ng mga kasapi nito tungo sa espiritwal na muling pagbibigay-buhay sa lipunan. Natamo nito ang kakayahang maipaabot ang kalatas sa malalaking bilang ng mga handang kaluluwa, pagtibayin ang kanilang pananalig at palalimin ang kanilang pag-unawa sa pangunahing mga bagay hinggil sa Pananampalatayang tinanggap nila. Natutunan nitong isalin sa gawa ang alituntunin ng pagsasangguniang ipinahayag ng Tagapagtatag nito na maging isang mabisang kagamitan para sa pangkalahatang pagbubuo ng pasiya at ang ituro sa mga kasapi nito ang paggamit nito. Lumikha ito ng mga programa para sa espiritwal at moral na edukasyon ng nakababatang mga kasapi nito at inialay ito hindi lamang sa sarili nitong mga anak at junior youth ngunit doon din sa yaong mga mula sa higit na malawak na pamayanan. Sa pamamagitan ng lupon ng talento sa magagamit nito, lumikha ito ng malaking bilang ng literatura na kabilang dito ang mga aklat sa dose-dosenang mga wika na tumatalakay kapwa sa sarili nitong mga pangangailangan at sa kinahihiligan ng madla. Patuloy itong higit na nakikilahok sa mga gawain ng pangkalahatang lipunan, sa pagsasagawa ng napakaraming mga proyekto ng panlipunan at pang-ekonomiyang pag-unlad. Lalo na mula noong pagbubukas ng ikalimang epoch noong 2001, ito ay nagkaroon ng mahahalagang mga tagumpay sa pagpaparami ng mga yaman-tao nito sa pamamagitan ng isang programa ng pagsasanay na umaabot sa mga masa ng pamayanan at natuklasan nito ang mga pamamaraan at mga kasangkapan para sa pagtatatag ng isang pamamaraan ng paglaki na kusang-nagpapatuloy.
10. Kinakailangang makita ang napakahalagang pangangailangan ng pagsusulong ng proseso ng pangkat-pangkat na pagsapi sa loob ng larangan ng pag-uugnayan ng mga puwersang inilalarawan dito. Hinihingi ng Five Year Plan na nagsisinula ngayon na ituon ninyo ang inyong mga lakas sa prosesong ito at tiyakin na ang dalawang nagpupunuang pagkilos na kinasasalalayan nito ay lalong mapabilis. Ito ang kinakailangang maging inyong nangingibabaw na pinagkakaabalahan. Habang ang inyong mga pagsisikap ay nagbubunga at nagtutugunang mga pagkilos ng paglaki ay umaabot sa panibagong antas ng gawaing malawak, magkakaroon rin ng mga hamon at mga pagkakataon para harapin ng World Centre mismo sa darating na limang taon ang mga larangang tulad ng mga gawaing panlabas, panlipunan at pang-ekonomiyang pag-unlad, pangangasiwa at pagpapatupad ng batas ng Bahá'í. Ang paglaki ng pamayanan ay nangailangan na ng pagsasagawa ng bagong mga hakbang upang madoble ang bilang ng mga peregrino na maging apat na daan sa bawat grupo simula ng Oktubre 2007. Mayroon ring ilan pang mga proyekto na kinakailangang isagawa. Kabilang dito ang patuloy na pagpapa-unlad ng mga hardin na palibot sa Dambana ni Bahá'u'lláh, at gayundin ang Hardin ng Ridván at ang Mazra'ih; ang pag-aayos ng International Archives Building; ang pagkumpuni sa estruktura ng Dambana ng Báb, na ang kabuuang pangangailangan nito ay hindi pa malinaw; at ang pagtatayo ng House of Worship sa Chile sang-ayon sa ginunita ng Guardian, ang huling “continental” o panlupalop na Mashriqu'l-Adhkár. Habang sumusulong ang mga gawaing ito, tatawagan namin kayo sa tuwi-tuwina upang tumulong, kapwa sa pamamaraan ng pangtustos at sa tanging mga talento, habang isinasaisip na ang mga kayamanan ng Pananampalataya, sa higit na malaking antas na maaari, ay dapat ilaan sa mga pangangailangan ng Plano.
11. Minamahal na mga kaibigan: Hindi maaaring magbulag-bulagan na ang mga puwersa ng pagwawasak ay lumalakas na ang saklaw at kapangyarihan. Gayundin ay maliwanag rin na ang pamayanan ng Pinaka-Dakilang Pangalan ay ginabayan mula sa paglakas tungo sa paglakas ng Kamay ng Maykapal at sa ngayon ay kinakailangan nang lumaki ang bilang at dagdagan ang mga kayamanan. Ang landas na itinakda ng Five Year Plan ay malinaw na malinaw. Tayong mga nakababatid sa suliranin ng sangkatauhan, at nalalaman ang patutunguhan ng pamumukadkad ng kasaysayan, paano natin magagawang hindi bumangon sa sukdulan ng ating kakayahan at italaga ang ating mga sarili sa layunin nito? Hindi ba't ang mga salita ng Guardian na “ang entablado ay handa na” ay gayunding kasing-totoo para sa atin ngayon na tulad rin nang isulat niya ang mga ito noong unang Seven Year Plan? Tulutang umalingawngaw sa inyong mga tainga ang kanyang mga salita: “Wala nang panahong maaaring aksayahin.” “Wala nang puwang pa para sa pag-uurong-sulong.” “Ang gayong pagkakataon ay hindi na mapapalitan.” “Ang magsumikap, ang magpatuloy, ay ang makatiyak ng pangwakas at ganap na tagumpay.” Makatitiyak kayo sa aming patuloy na mga pananalangin sa Banal na Bungad para sa inyong pamamatnubay at pangangalaga.
- The Universal House of Justice