The Universal House of Justice
Ridván 2007
To the Bahá’ís of the World
Dearly loved Friends,
Ang unang taon ng Five Year Plan ay mahusay na sumasaksi sa diwa ng pamimintuho ng mga tagasunod ni Bahá'u'lláh sa pagtanggap nila sa balangkas ng pagkilos na iniharap sa aming mensahe ng ika-27 ng Disyembre 2005 at sa kanilang pagtitika na isulong ang proseso ng pangkatpangkat na pagsapi. Kung saan ang lahat ng bahagi ng balangkas na ito ay ipinatupad nang maayos sa isang cluster, ang patuloy na pag-unlad ay natamo, kapwa sa pakikilahok ng mga mananampalataya at ng kanilang mga kaibigan sa pamumuhay ng pamayanan at sa antas ng paglaki ng bilang, na ang ilan sa mga cluster ay nag-ulat ng pagsapi ng daan-daan sa bawa't ilang buwan at sa ilan naman ay dose-dosena. Napakahalaga sa pag-unlad na ito ay ang higit na mataas na kabatiran sa espiritwal na katangian ng gawain, at lakip ang higit na pag-unawa sa mga instrumento ng paggawa ng pasiya na itinakda ng pangunahing mga katangian ng Plano.
2. Bago ilunsad ang kasalukuyang sunod-sunod ng pandaigdigang mga Plano na nakatuon sa iisang layunin ng pagsulong sa proseso ng pangkat-pangkat na pagsapi, ang pamayanang Bahá'í ay dumaan na sa yugto ng mabilis at malakihang pagpapalawak sa maraming dako ng daigdig — isang pagpapalawak na sa dakong huli ay hindi nakayanang ipagpatuloy. Ang hamon, kung gayon, ay hindi lamang sa pagtutok sa pagpaparami ng mga ranggo ng Kapakanan sa pamamagitan ng mga bagong sapi, kahit na mula lamang sa mga populasyong napatunayan nang handang tumanggap, kundi ang hamon ay nasa pagsasali sa kanila sa pamumuhay ng pamayanan at ang pagbangon mula sa kanila ng sapat na bilang ng mga nakatalaga sa higit pang pagpapalawak nito. Ganoon kahalaga para sa sandaigdigang Bahá'í na harapin ang hamon na ito na ginawa namin itong pangunahing katangian ng Four Year Plan at tinawagan ang mga National Spiritual Assembly na ilaan ang higit na malaking bahagi ng kanilang mga lakas sa paglilikha ng kakayahan sa mga institusyon, sa anyo ng training institute, upang magsanay ng mga yaman-tao. Ang patuloy na lumalaking mga pangkat ng mga mananampalataya, ipinahiwatig namin, ay kinakailangang makinabang mula sa isang pormal na programa ng pagsasanay na binuo upang ipagkaloob sa kanila ang kaalaman at malalim na espiritwal na pang-unawa, ang mga kasanayan at mga kakayahan, na kinakailangan upang isagawa ang mga gawain ng paglilingkod na makatutustos sa malakihang pagpapalawak at pagpapatatag.
3. Ngayon habang pinagmamasdan namin ang mga pagkilos noong mga cluster na nasa masiglang kalagayagan ng pag-unlad, napapansin namin na sa bawa't isa sa mga ito ay ipinagpapatuloy ng mga kaibigan ang pagpapalakas sa proseso ng institute, habang natututunang pakilusin ang kanilang lumalaking pangkat ng mga aktibong tagapagtangkilik ng Pananampalataya, na magtatag ng mahusay na paraan para sa pagtutugma ng kanilang mga pagsisikap, na ihabi ang kanilang indibidwal na mga pagkukusa sa isang mabisang huwaran ng nagkakaisang pagkilos, at na gamitin ang pagsusuri sa nauugnay na impormasyon sa pagpaplano ng mga cycle ng kanilang gagawain. Na natagpuan na nila ang pamamaraan ng pagsusulong ng gawain ng pagpapalawak at pagpapatatag nang sabay-sabay — na siyang susi upang naipagpapatuloy ang pag-unlad — ay maaari nang ipakita. Ang gayong katibayan ay tiyak na magpapasigla sa bawa't tapat na mananampalataya na manatiling matatag sa landas ng sistematikong paraan na matuto na naitakda na.
4. Ang mga tagumpay nitong mga taon nang napakalaking pagsisikap ay hindi lamang matatagpuan sa yaong mga cluster na kung saan ang gawain ng malakihang pagpapalawak at pagpapatatag ay sa gayon muling pinasisigla. Ang paraan na ginamit noong Four Year Plan, na sinundan ng Twelve Month Plan at ng nakaraang Five Year Plan, ay naging instrumento sa paglilikha ng mga kalagayan upang magawa ng mga mananampalataya na ipaabot ang kanilang mga pagsisikap sa malaking grupo ng mga tao, na isinasama sila sa iba't-ibang aspeto ng pamumuhay ng pamayanan. Ang mga kapakinabangan ng isang dekadang proseso ng paglilikha ng kakayahan sa tatlong kalahok ng pandaigdigang mga Plano ay hayag na hayag na ngayon. Sa lahat ng dako ay nangailangang magtamo ng pag-unawa sa nagtutugunang mga bahagi ng pagpapaunlad ng mga yaman-tao. Sa lahat ng dako ay nangailangang matutunan ng mga kaibigan ang mga hinihingi ng patuloy na paglaki — ang itaguyod ang sistematikong pagkilos at iwasan ang pagka-abala sa dinauugnay na mga bagay, at ang ilapit sa masa ang ilang mga bahagi ng pangkalahatang paggawa ng pasiya at lumikha ng mga pamayanan na tumataglay ng kabatirang sila ay may misyon, ang himukin ang pangkalahatang pakikilahok at ang maisali ang magkakaibang bahagi ng lipunan sa kanilang mga gawain, lalo na ang mga bata at ang mga junior youth, na yaong mga susunod na mga tagapagtanggol ng Kapakanan ng Diyos at mga tagapagtatag ng Kanyang kabihasnan.
5. Yamang may ganoong katatag na saligan na ang naitatag, ang pangunahing kaisipan na dapat ay naroroon sa bawa't isa at sa lahat ng mga mananampalataya ay ang pagtuturo. Maging sa kanilang personal na mga pagsisikap ay tuturuan nila ang kanilang mga kaibigan at pagkatapos ay isasama sila sa mga core activity, kahit gamitin nila ang mga activity na ito bilang kanilang pangunahing pamamaraan ng pagtuturo, maging bilang isang pamayanan ay gawain nila ang kanilang pagtuturo sa mga bata at mga junior youth na maging panimulang tulak sa cluster o kahit pagtuonan muna nila ng pansin ang nakatatandang mga salinlahi, maging sa kanilang pangkalahatang mga pagsisikap ay dumalaw sila sa mga pamilya bilang mga team na bahagi ng isang intensive campaign o kahit na dumalaw sila sa mga nagsasaliksik sa kanilang mga bahay sa tuwi-tuwina sa loob ng isang takdang panahon — ang mga desisyon na ito ay maaari lamang ipagpasiya sang-ayon sa mga kalagayan at mga pagkakataon ng mga kaibigan at sa uri ng mga populasyon na kahalu-bilo nila. Yaong kinakailangang tanggapin ng lahat, maging anupaman ang kanilang kalagayan, ay kapwa ang mahigpit na pangangailangan ng sangkatauhan, na salat sa espiritwal na sustansiya, ay patuloy na lumulubog sa kawalan ng pag-asa at ang agad na pangangailangan ng tungkuling magturo na ipinagkatiwala sa bawa't isa sa atin bilang mga kasapi ng pamayanan ng Pinaka-Dakilang Pangalan.
6. Inutusan ni Bahá'u'lláh ang Kanyang mga tagasunod na ituro ang Kapakanan. Libo-libo na ang masiglang nagpapatupad sa mga tadhana ng Plano upang mabuksan sa kanila ang mga daan na mapatnubayan ang mga kaluluwa tungto sa Karagatan ng Kanyang Rebelasyon. Tumitingin kami nang may umaasang mga mata tungo sa araw na ang pagtuturo ay magiging ang nangingibabaw na simbuyo ng damdamin sa buhay ng bawa't mananampalataya at ang pagkakaisa ng pamayanan ay ganoon na lamang kalakas na magagawang ihayag itong kalagayan ng pag-aalab sa walang-puknat na pagkilos sa larangan ng paglilingkod. Ito, kung gayon, ang aming masidhing pag-asa para sa inyo at ang layunin ng aming pinakamaalab na mga panalangin sa Banal na Bungad.
- The Universal House of Justice