The Universal House of Justice
Ridván 2009
To the Bahá’ís of the World
Dearly loved Friends,
Tatlong taon pa lamang ang nakararaan nang iharap namin sa sandaigdigang Bahá'í ang hamon na samantalahin ang balangkas ng pagkilos na lumitaw nang napakalinaw sa pagwakas ng nakaraang pandaigdigang Plano. Ang tugon, tulad ng inaasahan namin, ay agaran. Nang may malaking sigla, ang mga kaibigan sa lahat ng dako ay nagsimulang isakatuparan ang layunin ng pagtatatag ng mga intensive programme of growth (IPG) sa hindi kukulang sa 1,500 mga cluster sa buong daigdig, at di-nagtagal ang bilang ng gayong mga programa ay tumaas. Subali't sa panahong iyon ay walang nakagunita kung gaano katindi ang nilayon ng Panginoon ng mga Hukbo, sa Kanyang di-malirip na karunungan, na baguhin ang Kanyang pamayanan sa gayong kaikling panahon. Anong nagtitika at lakas-loob ang pamayanan na ipinagdiwang ang mga tagumpay nito sa kalagitnaan ng kasalukuyang Plano sa dalawampu't-isang regional conference sa buong daigdig! Anong bukod-tanging pagkakaiba ang ipinakita ng pagkaka-ugnay at signa nito sa katuliruan at kaguluhan ng isang daigdig na bihag ng sunod-sunod na mga krisis! Ito, sa katunayan, ay ang pamayanan ng maliligaya na tinukoy ng Guardian. Ito ay isang pamayanang batid ang napakalaking natatagong mga kakayahan na ipinagkaloob dito at gising sa itinadhanang gagampanan nito sa muling pagbubuo ng isang nawasak na daigdig. Ito ay isang pamayanang nasa pag-angat, dumaranas ng malupit na paniniil sa isang bahagi ng daigdig, gayumpaman ay bumabangon nang hindi napipigilan at hindi nasisiraan ng loob, bilang isang nagkakaisang kabuuan at pinalalakas ang kakayahan nitong makamtan ang layunin ni Bahá'u'lláh na palayain ang sangkatauhan mula sa singkaw ng pinakamalupit na paniniil. At sa halos walumpung libong kalahok na dumalo sa mga kumperensiya ay nakita namin ang paglitaw sa makasaysayang tagpo ng indibidwal na mananampalataya na taglay ang sukdulang tiwala sa bisa ng mga pamamaraan at mga instrumento ng Plano at kapansin-pansin na mahusay sa paggamit ng mga ito. Ang bawa't isa at ang lahat ng kaluluwa nitong napakalaking karagatan ay tumayo bilang saksi sa nakapagpapabagong bisa ng Pananampalataya. Ang bawa't isa at ang lahat ay katibayan ng pangako ni Bahá'u'lláh na tutulungan ang lahat ng babangon nang nakawalay at matapat upang paglingkuran Siya. Ang bawa't isa at ang lahat ay nagbigay ng isang sulyap doon sa lahi ng mga nilalang, na nagtitika at matapang, dalisay at banal, na naitadhanang lumitaw sa loob ng mga salinlahi sa ilalim ng tuwirang impluwensiya ng Rebelasyon ni Bahá'u'lláh. Sa kanila ay nakita namin ang unang mga palatandaan ng pagsasakatuparan ng aming pag-asa na inihayag sa simula ng Plano na ang nakapagpapabuting impluwensiya ng Pananampalataya ay maipaparating sa daan-daang mga libo sa pamamagitan ng proseso ng institute. Mayroong lahat ng palatandaan na, sa pagwawakas ng panahon ng Ridván, ang bilang ng mga intensive programme of growth sa buong daigdig ay lalampas na sa bilang ng 1,000. Ano pa nga ba ang magagawa namin sa pagbukas nitong pinakamaligayang Pagdiriwang maliban sa iyukod ang aming mga ulo sa pagpapakumbaba sa harap ng Diyos at mag-alay sa Kanya ng pasasalamat para sa Kanyang walang-hanggang kabutihang-loob sa pamayanan ng Pinaka-Dakilang Pangalan.
- The Universal House of Justice