The Universal House of Justice
Ridván 2011
To the Bahá’ís of the World
Dearly loved Friends,
Sa pagsisimula nitong maluwalhating panahon ang aming mga mata ay nagliliwanag habang nasisilayan namin ang kaningningan ng bago pa lamang inalisan ng takip na ginintuang bobida na nakaputong sa dakilang Dambana ng Báb. Naibalik na sa makalangit na kinang na sinadya para dito ni Shoghi Effendi, yaong kapita-pitagang gusali ay muling kumikinang sa lupa, sa dagat, at sa langit, sa araw at gabi, sumasaksi sa kamaharlikaan at kabanalan Niya Na ang banal na mga labi ay nakadambana sa loob nito.
2. Ang panahong ito ng kaligayahan ay sumasabay sa pagwawakas ng isang pinagpalang yugto sa pamumukadkad ng Banal na Plano. Iisang dekada na lamang ang natitira sa unang siglo ng Panahon ng Paghuhubog (Formative Age), ang unang isang daang taon na lumipas sa ilalim ng butihing lilim ng Habilin at Testamento ni ‘Abdu’l-Bahá. Ang Five Year Plan na nagwawakas ngayon ay sinusundan ng isa pa, na ang mga katangian nito ay naging pakay na ng matinding pag-aaral sa kabuuan ng sandaigdigang Bahá’í. Sa katunayan, hindi kami maaaring labis pang magalak sa pagtugon sa aming mensahe sa Kumperensiya ng mga Continental Boards of Counsellors at sa Ridván message noong nakaraang labindalawang buwan. Hindi nasiyahan sa baha-bahagyang pagkaunawa sa nilalaman ng mga ito, ang mga kaibigan ay muli't-muling binabalikan ang mga mensaheng ito, nang isa-isa at sa mga grupo, sa pormal na mga pagpupulong at sa biglaang mga pagtitipon. Ang kanilang pag-unawa ay pinagyayaman ng masigla at nakababatid na pakikilahok sa mga programa ng paglaki na nililinang sa kanilang mga cluster. Sa gayon, ang pamayanang Bahá’í sa buong daigdig ay buong-kamalayang inunawa sa loob ng ilang buwan ang kinakailangan nito upang pasulungin ito sa isang matiwalang pagsisimula sa papasok na dekada.
3. Sa panahon ding iyon, ang naipon na mga pangyayari na gulo sa pulitika at kaguluhan sa ekonomiya sa ilang mga kontinente ay yumanig sa mga pamahalaan at mga sambayanan. Ang mga lipunan ay naihatid sa bingit ng rebolusyon, at sa ilang kapansin-pansing mga kalagayan ay nahulog na sa bangin. Natutuklasan ng mga namumuno na kapwa armas at kayamanan ay hindi tumitiyak sa kaligtasan. Kung saan ang mga pangarap ng mga tao ay nanatiling bigo, ang imbak ng paghihimagsik ay natipon. Aming naaalala kung gaano matinding binalaan ni Bahá‘u’lláh ang mga namumuno sa daigdig: “Ang inyong mga tao ay ang inyong mga kayamanan. Mag-ingat na ang inyong pamumuno ay hindi lumabag sa mga utos ng Diyos, at inyong ihatid ang inyong mga alaga sa mga kamay ng magnanakaw.” Isang salita ng pag-iingat: Gaano man nakabibighani ang tanawin ng pagnanasa ng mga tao para sa pagbabago, kailangang tandaan na mayroong mga interes na nag-iimpluwensiya sa paglakad ng mga pangyayari. At, habang ang lunas na ibinigay ng Banal na Manggagamot ay hindi ginagamit, ang mga pagdurusa ng panahon na ito ay mananatili at lalong lulubha. Ang maingat na tagamasid ng mga panahon ay agad na makikilala ang bumibilis na pagkawasak, pagbugso-bugso subalit walang tigil, ng isang pandaigdig na kaayusan na nakalulumbay ang pagkapinsala.
4. Subalit, nakikita rin ang katapat nito, ang proseso ng pagbubuo na iniugnay ng Guardian sa “bagong-silang na Pananampalataya ni Bahá’u’lláh” at inilarawan bilang “ang tagapauna ng Bagong Pandaigdig na Kaayusan na di-magtatagal ay kailangang itatag ng Pananampalataya na iyon.” Ang di-tuwirang mga epekto nito ay makikita sa pagbuhos ng damdamin, lalo na mula sa mga kabataan, na nagbubuhat sa pananabik na makatulong sa pag-unlad ng lipunan. Ito ay isang biyaya na ipinagkaloob sa mga tagasunod ng Napakatandang Kagandahan na ang pananabik na ito, na di-mapigilang bumulwak mula sa espiritu ng tao sa bawat lupain, ay nakatatagpo ng napakahusay na paghahayag sa gawain na isinasagawa ng pamayanang Bahá’í sa paglilinang ng kakayahan para sa mabisang pagkilos sa magkakaibang mga populasyon ng planeta. Mayroon pa bang pribilehiyo na makakahalintulad nito?
5. Para sa malalim na pag-unawa sa gawaing ito, tulutan ang bawat mananampalataya ay tumingin kay ‘Abdu’l-Bahá, na ang ika isang daang taong anibesaryo ng Kanyang “makahulugan sa panahon na mga paglalakbay” sa Ehipto at sa Kanluran na ipinagdiriwang sa panahon na ito. Walang kapagurang ipinaliwanag Niya ang mga turo sa bawat bahagi ng lipunan: sa mga tahanan at sa mga bulwagan ng mga misyon, sa mga simbahan at sa mga synagogue, sa mga park at sa mga plaza, sa mga karwahe ng tren at sa mga barko, sa mga kapisanan at sa mga samahan, sa mga paaralan at sa mga unibersidad. Matatag sa pagtanggol sa katotohanan, subalit walang hanggan ang pagka-magiliw sa gawi, ibinigay Niya ang pangkalahatang banal na mga prinsipyo sa mga pangangailangan ng panahon. Sa lahat nang walang pinipili—sa mga opisyal, mga siyentipiko, mga manggagawa, mga bata, mga magulang, mga ipinatapon, mga aktibista, mga pari, mga hindi naniniwala—Siya ay nagbigay ng pag-ibig, kadunungan, aliw, anuman ang partikular na pangangailangan. Habang itinataas ang kanilang mga kaluluwa, hinamon Niya ang kanilang mga pagpapalagay, muling isinaayos ang kanilang mga pananaw, pinalawak ang kanilang kabatiran, at itinutok ang kanilang mga lakas. Ipinakita Niya sa pamamagitan ng salita at gawa ang gayong pagmamalasakit at pagiging bukas-palad na ang mga puso ay ganap na nagbago. Walang tao ang tinanggihan. Ang aming malaking pag-asa ay ang madalas na paggunita, sa panahon na ito ng ika isang daang taong pagdiriwang, ng walang-kahalintulad na mga gawain ng Master ay magbibigay ng inspirasyon at patatatagin ang matatapat na mga tagahanga Niya. Ilagay ang halimbawa Niya sa harap ng inyong mga mata at ipako ang inyong paningin doon; tulutang ito ang inyong maging likas na patnubay sa inyong pagsisikap na matupad ang layunin ng Plano.
6. Sa simula ng unang pandaigdig na Plano ng pamayanang Bahá’í, inilarawan ni Shoghi Effendi sa nakapupukaw na pananalita ang sunod-sunod na mga yugto kung paano ang banal na liwanag ay pinagningas sa Síyáh-Chál, dinamitan sa lampara ng rebelasyon sa Baghdád, kumalat sa mga bansa sa Asia at Africa habang kumislap ito nang may karagdagang ningning sa Adrianople at sa dakong huli sa ‘Akká, pinagtawid-dagat sa nalalabing mga kontinente, at sa pamamagitan nito ay sunod-sunod na pinalaganap sa mga estado at mga nasasakupang lugar ng daigdig. Ang huling bahagi ng prosesong ito ay inilarawan niya bilang ang “panunuot ng liwanag na iyon … sa lahat ng natitirang mga teritoryo ng daigdig”, tinukoy ito bilang “ang yugto na kung saan ang liwanag ng matagumpay na Pananampalataya ng Diyos na nagniningning sa sukdulang kapangyarihan at karingalan nito ay nanuot at bumalot na sa buong planeta.” Bagaman ang layunin na iyon ay malayo pa sa katupara, ang liwanag ay matinding sumisikat na sa maraming rehiyon. Sa ilang mga bansa ay sumisikat na ito sa bawat cluster. Sa lupain na kung saan ang di-masusubhang liwanag na iyon ay unang pinagningas, ito ay nag-aapoy nang maliwanag sa kabila noong mga nagnanais na patayin ito. Sa magkakaibang mga bansa, nagtatamo ito ng patuloy na pagniningas sa buong mga neighborhood at mga baryo, habang ang sunod-sunod na kandila sa sunod-sunod na puso ay sinisindihan ng Kamay ng Maykapal; tinatanglawan nito ang mapagliming pag-uusap sa lahat ng antas ng ugnayan ng tao; pinasisikat nito ang mga sinag nito sa napakaraming mga pagkukusa na isinasagawa upang itaguyod ang mabuting kalagayan ng mga tao. At sa bawat pagkakataon ito ay nagbubuhat mula sa isang matapat na mananampalataya, sa isang masiglang pamayanan, sa isang mapagmahal na Spiritual Asssembly—ang bawat isa ay isang tanda ng liwanag laban sa karimlan.
7. Taimtim kaming nananalangin sa Banal na Bungad na ang bawat isa sa inyo, mga tagapagdala ng di-nagmamaliw na liwanag, ay mapalibutan ng mabisang mga pagpapatibay ni Bahá‘u’lláh habang ihinahatid ninyo sa iba ang ningas ng pananalig.
- The Universal House of Justice