Return   Facebook

The Universal House of Justice

Ridván 2012

To the Bahá’ís of the World

Dearly loved Friends,

Sa kalagitnaan ng hapon ng ika-labing-isang araw ng pista ng Ridván, isang daang taon na ang nakararaan, si 'Abdu'l-Bahá, na nakatayo sa harap ng ilang daang tagapanood, ay itinaas ang palakol ng isang manggagawa at ibinaon ito sa damong tumutubo sa ibabaw ng Temple site sa Grosse Pointe, na dakong hilaga ng Chicago. Ang mga inanyayahang tumulong sa Kanya sa pagbungkal ng lupa sa araw ng tagsibol na iyon ay mula sa magkakaibang pinanggalingan—mga Norwegian, Indiano, Pranses, Hapon, Persiyano, katutubong Amerikano, mabanggit lamang ang iba. Wari bagang ang House of Worship, na hindi pa naitatayo, ay tumutupad na sa mga hangarin ng Master, na sinabi noong bisperas ng pagdiriwang, para sa bawat gayong gusali: “na harinawang ang sangkatauhan ay makatagpo ng lugar na pagtitipunan” at “na ang pagtatalastas sa kaisahan ng sangkatauhan ay humayo mula dito sa bukas na mga bulwagan ng kabanalan”.

2. Ang Kanyang mga tagapakinig sa pagkakataong iyon, at ang lahat ng nakarinig sa Kanya sa Kanyang mga paglalakbay sa Ehipto at sa Kanluran, ay tiyak na bahagya lamang ang naunawaan sa napakalaking mga ipinahihiwatig ng Kanyang mga salita para sa lipunan, para sa mga pinahahalagahan at mga pinagkakaabalahan nito. Hanggang sa ngayon, mayroon bang makasasabi na nasulyapan na niya ang anuman maliban sa isang pahiwatig, na malayo at malabo, ng isang lipunan ng hinaharap na itinadhanang umusbong mula sa Rebelasyon ni Bahá'u'lláh? Huwag akalain ng sinuman na ang kabihasnan na kung saan itinutulak ang sangkatauhan ng mga banal na turo ay susunod na matapos ng kaunting pagtatama lama ng kasalukuyang kaayusan. Napakalayo doon. Sa isang talumpati na ibinigay pagkaraan ng ilang araw matapos Niyang itanim ang batong-panulok ng Mother Temple ng Kanluran, sinabi ni 'Abdu'l-Bahá na “kabilang sa mga bunga ng paghahayag ng espiritwal na mga puwersa ay ang sangkatauhan ay iaakma ang sarili nito sa isang panibagong anyo ng lipunan,” na “ang katarungan ng Diyos ay magiging hayag sa lahat ng mga gawain ng tao”. Ang mga ito, at ang di-mabilang na iba pang mga salita ng Master kung saan muli't-muling bumabaling ang pamayanang Bahá'í sa panahong ito ng sentenaryo, ay nagtataas sa kamalayan ng napakalayong agwat na naghihiwalay sa lipunan sa kasalukuyang kaayusan nito mula sa kagila-gilalas na pangitain na inihandog ng Kanyang Ama sa daigdig.

3. Sayang, sa kabila ng kapuri-puring mga pagsisikap, sa bawat lupain, ng mga indibidwal na maganda ang hangarin na gumagawa upang pabutihin ang mga kalagayan ng lipunan, ang mga balakid na humahadlang sa pagsasakatuparan ng gayong pangitain, para sa marami ay waring di-malalampasan. Ang kanilang mga pag-asa ay natutupok ng maling mga akala tungkol sa likas na katangian ng tao na napakalaganap sa mga estruktura at mga kaugalian ng malaking bahagi ng kasalukuyang pamumuhay na nakamtan na ng mga ito ang estado ng matibay na katotohanan. Ang ganitong mga akala ay hindi nag-iiwan ng puwang para sa bukod-tanging imbakan ng natatagong kakayahang espiritwal na maaaring magamit ng sinumang natatanglawan na kaluluwa na kumukuha mula rito; sa halip, umaasa sila sa pagbibigyan-katuwiran sa mga pagkukulang ng sangkatauhan, na ang mga halimbawa nito sa araw-araw ay pinalalakas ang kawalan ng pag-asa ng lahat. Ang patong-patong ng lambong ng maling mga akala sa gayon ay nagtatago sa isang saligang katotohanan: Ang kalagayan ng daigdig ay naglalarawan sa isang pagbabaluktot ng espiritu ng tao, hindi ang pangunahing likas na katangian nito. Ang layunin ng bawat Kahayagan ng Diyos ay ang lumikha ng pagbabago sa kapwa panloob na buhay at panlabas na mga kalagayan ng sangkatauhan. At ang pagbabagong ito ay likas na nagaganap habang ang isang lumalaking kawan ng mga tao, na pinagkaisa ng mga banal na turo, ay sama-samang sinisikap linangin ang espiritwal na mga kakayahan na nakatutulong sa isang proseso ng pagbabago ng lipunan. Tulad ng matigas na lupa na pinalakol ng Master isang siglo na noong nakaraan, ang umiiral na mga teoriya ng panahon, sa simula, ay maaaring magmistulang hindi na magbabago, subalit tiyak na ang mga ito ay lilipas rin, at sa pamamagitan ng “mga ulan ng tagsibol ng biyaya ng Diyos”, ang “mga bulaklak ng tunay na pag-unawa” ay sisibol nang sariwa at maganda.

4. Nagpapasalamat kami sa Diyos na, sa pamamagitan ng bisa ng Kanyang Salita, kayo—ang pamayanan ng Kanyang Pinakadakilang Pangalan—ay linilinang ang mga kapaligiran kung saan ang tunay na pag-unawa ay maaaring mamulaklak. Kahit ang mga dumaranas ng pagkakulong dahil sa Pananampalataya, sa pamamagitan ng kanilang di-maubos maisip na mga pagpapakasakit at katatagan, ay ginagawang mamulaklak ang “mga hasinta ng kaalaman at kadunungan” sa mga pusong mahabagin. Sa buong daigdig, ang sabik na mga kaluluwa ay isinasama sa gawain ng pagtatatag ng panibagong daigdig sa pamamagitan ng masistemang pagpapatupad ng mga tadhana ng Five Year Plan. Napakahusay nang naunawaan ang mga katangian nito na hindi na namin pang kailangang magsalita pa dito tungkol sa mga ito. Ang aming mga panalangin, na inaalay sa Bungad ng Maykapal na Mapagbigay-Biyaya sa Lahat, ay para sa tulong ng Kataas-taasang Kalipunan na harinawang ipagkaloob sa bawat isa sa inyo sa pagtulong sa pagsulong ng Plano. Ang aming maalab na hangarin, na pinalakas ng pagkasaksi sa inyong konsagradong mga pagsisikap sa loob ng nakaraang taon, ay palalakasin pa ninyo ang inyong nakatitiyak na paglalapat ng kaalaman na inyong natatamo sa pamamagitan ng karanasan. Ngayon ay hindi panahon ng pag-aatubili; napakarami pa ang nananatiling di-nababatid ang bagong bukang-liwayway. Sino pa maliban sa inyo ang makapaghahatid ng banal na mensahe? “Saksi ang Diyos,” pinagtibay ni Bahá'u'lláh, habang tinutukoy ang Kapakanan, “ito ang larangan ng malalim na pag-unawa at pagkawala, ng pangitain at pagtaas, kung saan ay walang makapagpapatakbo ng kanilang mga kabayo maliban sa magiting na mga kabalyero ng Mahabagin, sila na nakawalay sa lahat ng pangangapit sa daigdig ng nilalang.”

5. Ang pagmasdan ang sangdaigdigang Bahá'í habang gumagawa ito ay ang masilayan ang isang tanawing napaka-aliwalas. Sa buhay ng indibidwal na mananampalataya na naghahangad, higit sa lahat, na anyayahan ang mga iba sa pakikipagniig sa Manlilikha at mag-alay ng paglilingkod sa sangkatauhan ay makikita ang mga tanda ng espiritwal na pagbabago na nilalayon ng Panginoon ng Panahon para sa bawat kaluluwa. Sa diwa na nagbibigay-buhay sa mga gawain ng alinmang pamayanang Baha'i na nakatalaga sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga miyembro nito na kapwa bata at matanda, at gayundin ng mga kaibigan at mga katuwang nito, upang makapaglingkod sa mabuting kapakanan ng lahat ay nasisilayan ang isang palatandaan kung paano maaaring tumubo ang isang lipunang itinatag sa mga banal na turo. At sa maunlad na mga cluster kung saan ang gawain na pinatutupad sang-ayon sa balangkas ng Plano ay napakarami at ang mga pangangailangan na matiyak ang pagkaka-ugnay-ugnay (o coherence) ng mga tiyak na mga hakbang (o lines of action) ay higit na mahigpit, ang umuusbong na mga estruktura ng pangangasiwa ay naghahain ng mga kutitap, na gaanuman kaliit, ng kung paano magagawa ng mga institusyon ng Pananampalataya na unti-unting isabalikat ang higit na malawak na saklw ng kanilang mga pananagutan na itaguyod ang mabuting kalagayan at pagsulong ng sangkatauhan. Maliwanag kung gayon, na ang pag-unlad ng indibidwal, ng pamayanan at ng mga institusyon ay tumataglay ng napakalaking pangako. Subalit higit pa rito, nakikita namin nang may tanging kaligayahan kung paano ang mga ugnayan na nagbubuklod sa tatlong mga ito ay natatangi ng gayong masintahing pagmamahal at pagtatangkilik sa isa't-isa.

6. Kaibang-kaiba, ang mga ugnayan sa tatlong kaukulang tagapag-ganap sa malawak na daigdig—ang mamamayan, ang lupon ng pulitika, at ang mga institusyon ng lipunan—ay naglalarawan sa di-pagkakasundo na tumatangi sa magulong yugto ng pagbabagong-kalagayan ng sangkatauhan. Ayaw kumilos bilang mga nag-aasahan na mga bahagi ng iisang organikong kabuuan, sila ay hindi bumibitiw sa labanan para sa kapangyarihan na, sa dakong huli ay walang saysay. Lubos na naiiba ang lipunan na inilarawan ni 'Abdu'l-Bahá sa di-mabilang na mga Tableta at mga panayan—kung saan ang pang-araw-araw na mga ugnayan, gayundin ng ugnayan ng mga bansa, ay hinuhubog ng kamalayan sa kaisahan ng sangkatauhan. Ang mga ugnayang tumataglay ng ganitong kamalayan ay linilinang ng mga Bahá'í at ng kanilang mga kaibigan sa mga baryo at mga magkakapit-bahay sa buong daigdig; mula sa mga iyon ay malalanghap ang dalisay na mga halimuyak ng pagtutugunan at pagtutulungan, ng pagkakasundo at pagmamahalan. Sa loob ng gayong walang-yabang na mga tagpo, ang isang nakikitang kapalit sa dati nang pag-aaway ng lipunan ay lumilitaw na. Sa gayon ay nagiging maliwanag na ang indibidwal na nagnanasang gumamit ng paghahayag ng sarili sa responsableng paraan ay nakikilahok nang mapag-isip sa pagsasanggunian na nakatalaga sa kabutihan ng lahat at tinatalikuran ang tukso na ipagpilitan ang personal ang kuro-kuro; ang institusyong Bahá'í, na pinapahalagahan ang pangangailangan sa nagkaka-ugnay-ugnay na pagkilos na itinutuon sa mabungang mga layunin, ay nagsisikap na hindi manduhan subalit ay kalingahin at himukin; ang pamayanan na kailangang mamahala sa sarili nitong pag-unlad ay nakikilala ang isang napakahalagang yaman sa pagkakaisa na idinudulot ng buong-pusong pakikilahok sa mga plano na binuo ng mga institusyon. Sa ilalim ng impluwensiya ng Rebelasyon ni Bahá'u'lláh, ang mga ugnayan sa pagitan ng tatlong ito ay pinagkakalooban ng bagong alab, bagong buhay; sa kabuuan, ang mga ito ay bumubuo ng isang sinapupunan kung saan ang pandaigdig na espiritwal na kabihasnan, na tumataglay ng tatak ng banal na inspirasyon, ay unti-unting tumutungo sa kaganapan.

7. Ang liwanag ng Rebelasyong naitadhanang tanglawan ang bawat larangan ng pagsisikap, sa bawat isa, ang mga ugnayan na tumutustos sa lipunan ay kailangang muling hubugin; sa bawat isa, hinahanap ng daigdig ang mga halimbawa kung paano ba dapat maging ang mga tao tungo sa isa't-isa. Hinahango nami para sa inyong pagsusuri, yamang napakalaki ng bahagi nito sa paglikha ng gulo na kinasasangkutan ng napakaraming tao kamakailan, ang pang-ekonomiyang buhay ng sangkatauhan, kung saan ang kawalan ng katarungan ay hinahayaan lamang sa pagwawalang-bahala at ang labis-labis na ganansiya ay itinuturing na sagisag ng tagumpay. Ganoon na lamang kalalim ang pagkakatanim ng gayong nakasasamang mga saloobin na mahirap gunitain kung paano mababago ng iisang indibidwal lamang ang umiiral na mga pamantayan na namamahala sa mga ugnayan sa larangang ito. Gayumpaman, mayroong ilang mga gawi na iiwasan ng isang Bahá'í, tulad ng pandaraya sa kanyang mga transaction o ang pang-ekonomiyang pagsasamantala sa iba. Ang matapat na pagsunod sa mga banal na paalala ay humihingi ng walang pagsasalungatan sa pagitan ng sariling pang-ekonomiyang pagkilos at sa sariling paniniwala bilang isang Bahá'í. Sa pamamagitan ng paggamit sa sariling buhay ng mga tuntunin na iyon ng Pananampalataya na nauugnay sa katarungan at walang-pagkiling, ang nag-iisang kaluluwa ay maaaring itaguyod ang isang pamantayan na lubhang mataas sa mababang sukatan na ginagamit ng daigdig sa pagsukat sa sarili nito. Ang sangkatauhan ay pagod na dahil sa kakulangan ng paraan ng pamumuhay na maaari nitong hangarin; tumitingin kami sa inyo upang paunlarin ang mga pamayanan na kung saan ang mga gawi ay magbibigay ng pag-asa sa daigdig.

8. Sa aming mensahe ng Ridvan 2001, sinabi namin na sa mga bansa kung saan ang proseso ng pangkat-pangkat na pagsapi ay sapat na maunlad at ang mga kalagayan sa pambansang mga pamayanan ay umaayon, pagtitibayin namin ang pagtatag ng mga House of Worship sa pambansang antas, na ang paglitaw nito ay magiging isang katangian ng Ikalimang Yugto ng Panahon ng Paghuhubog (o Fifth Epoch of the Formative Age) ng Pananampalataya. Nang may labis na kaligayahan ipinapahayag namin ngayon na ang mga pambansang Mashriqu'l-Adhkar ay itatayo sa dalawang bansa: sa Democratic Republic of the Congo at sa Papua New Guinea. Sa mga ito, ang mga pamantayan na aming itinakda ay malinaw na natupad, at ang pagtugon ng kanilang mga tao sa mga posibilidad na nilikha ng kasalukuyang serye ng mga Plano ay hindi nagkukulang sa pagiging kamangha-mangha. Yamang ang pagtatayo ng huli sa mga pang-kontinente na templo sa Santiago ay nagaganap na, ang pagsimula ng mga proyekto para sa pagtayo ng pambansang mga House of Worship ay naghahain ng isa pang nakalulugod na katibayan ng panunuot ng Pananampalataya ng Diyos sa lupa ng lipunan.

9. Ang isa pang hakbang ay posible. Ang Mashriqu'l-Adhkar, na inilarawan ni 'Abdu'l-Baha bilang “isa sa pinakamahalagang institusyon sa daigdig”, ay pinagsasanib ang dalawang napakahalaga at di-maipaghihiwalay na bahagi ng pamumuhay ng Bahá'í: pagsamba at paglingkod. Ang pagbuklod ng dalawang ito ay nailalarawan din sa pagkaka-ugnay-ugnay na umiiral sa pantatag ng lipunan na mga katangian ng Plano, lalo na ang pagyabong ng espiritu ng pamimintuho na nakatatagpo ng paghahayag nito sa mga pagtitipon upang manalangin at ang isang proseso ng edukasyon na lumilikha ng kakayahang maglingkod sa sangkatauhan. Ang ugnayan ng pagsamba at paglingkod ay higit na nakikita sa mga cluster na iyon sa buong daigdig kung saan ang mga pamayanang Bahá'í ay matindi ang inilaki sa bilang at sigla, at kung saan ang pakikilahok sa pagtulong sa lipunan (o social action) ay hayag na. Ang ilan sa mga ito ay itinakda bilang pook na pinanggagalingan ng mga natutunan (o learning site) upang makalinga ang kakayahan ng mga kaibigan para isulong ang programa ng junior youth sa nauugnay na mga rehiyon. Ang kakayahang panatilihin ang programang ito, tulad nang aming binanggit kamakailan, ay gumagatong rin sa pag-unlad ng mga study circle at mga children's class. Sa gayon, bukod pa sa pangunahing layunin nito, ang learning site ay nagpapalakas sa buong balangkas ng pagpapalawak at pagpapatatag. Sa loob ng mga cluster na ito, sa darating na mga taon, ay maaaring gunitain ang paglitaw ng isang lokal na Mashriqu'l-Adhkar. Habang nag-uumapaw ang aming mga puso sa pasasalamat sa Napakatandang Kagandahan, nagdiriwang kaming ipaalam sa inyo na pumapasok na kami sa pakikipagsanggunian sa nauukol na mga National Spiritual Assembly tungkol sa pagtatag ng unang mga lokal na House of Worship sa bawat isa sa sumusunod na mga cluster: Battambang, Cambodia; Bihar Sharif, India; Matunda Soy, Kenya; Norte del Cauca, Colombia; at Tanna, Vanuatu.

10. Upang matustusan ang pagtatayo ng dalawang pambansa at limang lokal na mga Mashriqu'l-Adhkar, ipinasiya naming bumuo ng Temples Fund sa Bahá'í World Centre para sa lahat ng gayong mga proyekto. Ang mga kaibigan sa lahat ng dako ay inaanyayahang mapagpakasakit na mag-ambag dito, sang-ayon sa antas ng kanilang kakayahan.

11. Minamahal na mga kapwa-manggagawa: Ang lupang binungkal ng kamay ni 'Abdu'l-Baha isang daang taon noong nakaraan ay muling bubungkalin sa pito pang mga bansa, ito bilang isang pauna lamang sa araw kung kailan sa loob ng bawat lunsod at baryo, bilang pagsunod sa utos ni Bahá'u'lláh, ang isang gusali ay itatayo para sa pagsamba sa Panginoon. Mula dito sa mga Pook-Silangan ng Paggunita sa Diyos ay sisikat ang mga sinag ng Kanyang liwanag at aalingawngaw ang mga himig ng papuri sa Kanya.

 

Windows / Mac