The Universal House of Justice
Ridván 2015
To the Bahá’ís of the World
Dearly loved Friends,
Ang maningning na panahon ng Ridván ay sumapit na, at mula sa mga rurok na naabot na ng pamayanan, ang maliwanag na mga pagkakataon ay natatanaw sa guhit-tagpuan. Napakalawak ang saklaw na nabagtas; ang bagong mga programa ng paglaki ay lumitaw, at samantalang daan-daan pa ang kailangang lumitaw sa loob ng kasunod na labindalawang buwan, ang mga pagsisikap na pakilusin ang kinakailangang paraan ng paggawa ay nagsimula na sa halos lahat ng mga cluster na kinakailangan upang maabot ang 5,000 hinihingi ng Five Year Plan. Ang umiiral na mga programa ng paglaki ay lumalakas, na marami ang nagpapakita nang higit na malinaw kung ano ang kahulugan ng higit pang pagpasok ng Kapakanan ng Diyos sa tanawing panlipunan sa kabuuan ng cluster at sa loob ng isang neighbourhood o barangay. Ang mga landas patungo sa nagpapatuloy na malakihang pagpapalawak at pagpapatatag ay tinatahak nang higit na matibay na mga yapak, ang magiting na mga kabataan madalas ang nagtatakda ng tulin. Ang mga paraan kung paano mapapawalan sa iba’t-ibang mga tagpo ang kapangyarihan ng Pananampalataya upang humubog ng lipunan ay nagiging higit na malinaw, at yaong malinaw na mga katangian na kailangang maging tanda ng patuloy pang pamumukadkad ng proseso ng paglaki ng isang cluster ay unti-unti nang naaaninag.
2. Ang panawagan upang ipatupad at suportahan ang gawaing ito ay pinaaabot sa bawa’t tagasunod ni Bahá’u’lláh, at ito ay gigising ng pagtugon sa bawa’t pusong nagdadalamhati sa kalunos-lunos na kalagayan ng daigdig, sa nakalulungkot na mga kalagayan ng napakaraming tao na hindi mahanapan ng ginhawa. Sapagka’t, sa huling pagsusuri, ang pagkilos na masistema, nagpupursige at walang bahid ng pagkamakasarili na isinasagawa sa loob ng malawak na saklaw ng balangkas ng Plano ay ang pinaka nakatutulong na tugon ng bawa’t nagmamalasakit na mananampalataya tungo sa dumadagsang mga karamdaman ng isang naguguluhan na lipunan. Sa loob ng nakaraang taon, naging higit na malinaw pa, sa magkakaibang bansa sa magkakaibang paraan, ang napagkakaisahang pananaw ng lipunan tungkol sa mga huwaran na kinaugalian nang nagbubuklod at nag-uugnay sa sambayanan ay higit at higit pang gastado at lustay na. Hindi na nito maihahain ang isang maaasahang panangga laban sa samu’t-saring makasarili, hindi nagpaparaya at nakalalason na mga ideyolohiyang binubuhay ng kawalan ng kaluguran at paghihinanakit. Sa isang daigdig na nagtatalo ang mga damdamin na bawa’t araw ay lalong di-natitiyak ang sarili nitong paninindigan, ang mga tagapagtaguyod ng ganitong nakapipinsalang mga doktrina ay tumatapang at nagiging garapal. Naaalala naming ang walang-pasubaling hatol mula sa Kataas-taasang Panulat: “Nagmamadali sila patungo sa Apoy ng Impiyerno, at napagkakamalian itong liwanag.” Ang mga pinuno ng mga bansa na may mabuting layunin at ang mga taong nagmamagandang-loob ay naiiwanang makipagpunyagi upang tagpian ang mga lamat na malinaw sa lipunan at walang-kakayahang hadlangan ang pagkalat nito. Ang mga epekto ng lahat ng ito ay hindi lamang makikita sa lantarang pag-aaway o pagguho ng kaayusan. Sa kawalan ng tiwala na isinasabong ang kapitbahay laban sa kapitbahay at linalagot ang mga bigkis ng pamilya, sa poot na umiiral sa napakalaking bahagi ng humahalili sa matinong usapan sa lipunan, sa napakagaan na paraan ng pagsamo sa imbing mga motibo ng tao upang makamtan ang kapangyarihan at lumikom ng kayamanan—sa lahat ng mga ito ay matatagpuan ang di-mapagkakamaliang mga palatandaan na ang puwersang moral na tumutustos sa lipunan ay lubhang nasasaid na.
3. Gayumpaman ay may makukuhang katiyakan mula sa kaalaman na, sa kabila ng pagkawasak, may isang bagong uri ng sama-samang pamumuhay ang nagsisimulang mahubog na nagbibigay ng praktikal na paghahayag sa lahat ng makalangit sa loob ng tao. Aming napansin, lalo na doon sa mga lugar kung saan ang katindihan ng pagtuturo at mga gawaing pagbubuo ng pamayanan ay nagawang ipagpatuloy, nagawa rin ng mga kaibigang isanggalang ang kanilang mga sarili laban sa mga puwersa ng materyalismo na nagbabantang sipsipin ang kanilang napakahalagang mga lakas. Hindi lamang iyon, kundi habang pinamamahalaan nila ang iba’t-ibang mga paghingi sa kanilang oras, kailanman ay hindi nawawala sa kanilang paningin ang sagrado at mahigpit na kinakailangang mga gawain na hinaharap nila. Ang gayong masigasig na pagbibigay-pansin sa mga pangangailangan ng Pananampalataya at ng pinakamabuting kapakanan ng sangkatauhan ay kinakailangan sa bawa’t pamayanan. Kung saan ang isang programa ng paglaki ay naitatag na sa isang dati ay hindi pa nabubuksan na cluster, nakikita namin kung paano ang unang mga kibot ng paggawa ay lumilitaw bunga ng pag-ibig kay Bahá’u’lláh na taglay ng puso ng isang nakatalagang mananampalataya. Sa kabila ng mga antas ng pagkakahugnay na sa dakong huli ay Kailangang ilapat habang ang pamayanan ay lumalaki ang bilang, ang lahat ng gawain ay nagsisimula dito sa simpleng hibla ng pag-ibig. Ito ay isang napakahalagang sinulid na ihinahabi sa isang disenyo ng matiyaga at nakatutok na pagsisikap, sa sunod-sunod na cycle, upang ipakilala sa mga bata, sa mga kabataan at sa mga nasa hustong gulang ang espirituwal na mga ideya; upang linangin ang isang damdamin ng pagsamba sa pamamagitan ng mga pagtitipon para sa dasal at pagsamba; upang pasiglahin ang mga usapan na nagbibigay-liwanag sa pang-unawa; upang tulungang magsimula ang patuloy na lumalaking mga bilang sa isang habang-buhay na pag-aaral ng Mapaglikhang Salita at ang pagsalin nito sa mga gawa; upang luminang, kasama ng mga iba, ang kakayahang maglingkod; at upang samahan ang isa’t-isa sa pagsasagawa ng natutunan na. Minamahal na mga kaibigan, mga minamahal ng Kagandahan ng Abhá: Taimtim namin kayong ipinagdarasal sa bawa’t pagkakataong ihinaharap namin ang aming mga sarili sa Kanyang Banal na Bungad, na ang inyong pag-ibig sa Kanya ay magkaloob sa inyo ng lakas upang italaga ang inyong mga buhay sa Kanyang Kapakanan.
4. Ang mayaman na malalim na pag-unawang nagbubuhat sa mga cluster, at sa mga sentro ng matinding paggawa sa loob ng mga ito, kung saan ang pagtutugunan ng mga bahagi ng pamumuhay ng pamayanan ay sumasaklaw na sa malalaking bilang ng mga tao ay nararapat bigyan ng tanging pagbanggit. Natutuwa kaming makita kung paano ang kultura ng pagtutulungan, na batay sa mabuting samahan at mapagkumbabang paglilingkod, ay natural na naitatag sa gayong mga dako, na nagbibigay-daan upang ang higit at higit pang mga kaluluwa ay masistemang maipasok sa loob ng mga gawain ng pamayanan. Sa katunayan, sa lumalaking bilang ng mga tagpo, ang pagsulong ng isang populasyon tungo sa larawang-isip ni Bahá’u’lláh para sa isang panibagong lipunan ay hindi na lamang isang kawili-wiling pag-aasam kundi ay isang lumilitaw nang realidad.
5. Nais naming nagbigay ng karagdagang mga salita para sa inyo na ang malaking pag-unlad sa kapaligiran ay hindi pa nagaganap at nananabik na kayo para sa pagbabago. Magkaroon kayo ng pag-asa. Hindi iyan mananatiling laging ganyan. Hindi ba ang kasaysayan ng ating Pananampalataya ay punong-puno ng mga kuwento ng napakapayat na pagsimula subali’t ay kahanga-hangang mga bunga? Gaano kadalas na ang gawain ng ilang mga mananampalataya—bata o matanda—o ng isang pamilya, o kahit ng iisang kaluluwa, na kapag pinatibay ng kapangyarihan ng banal na tulong, ay nagtagumpay sa paglinang ng masiglang mga pamayanan sa waring napakasamang mga klima? Huwag akalain na ang inyong sariling kalagayan ay likas na naiiba. Ang pagbabago sa isang cluster, maging mabilis man o napakahirap nakamtan, ay dumadaloy hindi mula sa isang paraan na parang pormula ni hindi rin mula sa pasumalang pagkilos; sumusulong ito sang-ayon sa ritmo ng pagkilos, pagninilay-nilay, at pagsasanggunian, at ito ay ibinubunsod ng mga plano na bunga ng karanasan. Higit pa dito, at maging anupaman ang kagyat na mga bunga nito, ang paglilingkod sa Minamahal, sa mismong sarili nito, ay isang pinagmumulan ng namamalaging kaligayahan ng espiritu. Kumuha rin kayo ng lakas-loob mula sa halimbawa ng inyong mga espirituwal na kamag-anak sa Silangan ng Pananampalataya, kung paano ang kanilang pananaw na makatulong, ang kanilang kakayahan bilang isang pamayanan na madaling makabangon uli, at ang kanilang katatagan sa pagtataguyod ng Banal na Salita ay naghahatid ng pagbabago sa kanilang lipunan sa antas ng pag-iisip at paggawa. Ang Diyos ay kasama ninyo, ng bawa’t isa sa inyo. Sa labindalawang buwan na nalalabi sa Plano, tulutang sumulong ang bawa’t pamayanan mula sa kasalukuyang kalayagan nito tungo sa higit na malakas na kalagayan.
6. Ang pinakamahalagang gawain ng pagpapalawak at pagpapatatag ay naglalatag ng isang matibay na saligan para sa mga pagsisikap kinakailangang isagawa ng sandaigdigang Bahá’í sa napakaraming ibang mga larangan. Sa Bahá’í World Centre, pinatitindi ang mga pagsisikap na masistemang maitala ay gawaan ng indese ang nilalaman ng libo-libong mga Tableta na bumubuo sa lubhang napakahalagang pamana, ang mga Banal na Kasulatan ng ating Pananampalataya, na pinag-iingatan para sa kapakinabangan ng buong sangkatauhan—ito ay upang mapabilis ang paglalathala ng mga aklat ng mga Kasulatan, kapwa sa orihinal na mga wika nito at sa salin sa Ingles. Ang mga pagsisikap na makapagtayo ng walong Mashriqu’l-Adhkár, mga sagradong Templo na itinatayo para sa ikaluluwalhati ng Diyos, ay mabilis na nagpapatuloy. Ang mga gawaing external affairs sa pambansang antas ay naging higit na mabisa at lalong masistema, na higit pang pinasigla ng paglabas ng isang dokumento na ipinadala sa mga National Spiritual Assembly anim na buwan na ang nakararaan, na humahango sa malaki-laking karanasan na nalikom sa loob ng dalawang nakaraang dekada at nagbigay ng isang pinalawak na balangkas ng pagkilos para sa pag-unlad ng mga pagsisikap na ito sa hinaharap. Samantala, ang dalawang bagong Office ng Bahá’í International Community, mga kapatid ng United Nations Office na nasa New York at Geneva at ang Office nito sa Brussels, ay nagbukas na sa Addis Ababa at sa Jakarta, na pinalalawak pa ang mga pagkakataon para maihain ang mga pananaw ng Kapakanan sa international na antas sa Africa at sa Southeast Asia. Madalas na ibinubunsod ng mga hinihingi ng paglaki, ang isang hanay ng mga National Assembly ay nagpapalakas sa kanilang kakayahang mangasiwa, na makikita sa kanilang mapagliming pangangalaga sa mga yaman na nagagamit nila, sa kanilang mga pagsisikap na maging higit na bihasa sa mga kalagayan ng kanilang mga pamayanan, at sa kanilang pag-iingat na matiyak na ang pagtrabaho ng kanilang mga National Office ay higit pang lumakas; ang pangangailangang isaayos ang kahanga-hangang kabuuan ng kaalaman na natitipon na ngayon sa larangang ito ay nagbunsod ng paglikha sa World Centre ng Office for the Development of Administrative Systems. Ang mga pagkukusa sa social action ng iba’t-ibang uri ay patuloy na dumarami sa maraming mga bansa, na nagbibigay-daan upang matuto nang marami tungkol sa kung paano mailalapat ang kadunungang nakapaloob sa mga Turo upang pabutihin ang mga kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya; punong-puno ng pangako ang larangang ito na nagtatag kami ng International Advisory Board na may pitong miyembro na tutulong sa Office of Social and Economic Development, na nagbubukas sa kasunod na yugto sa ebolusyon ng Office na iyon. Ang tatlong miyembro ng Board ay maglilingkod rin bilang coordinating team ng Office at maninirahan sa Banal na Lupain.
7. Sa Ridván na ito, kung gayon, samantalang marami kaming nakikitang kailangang gawain, marami rin kaming nakikitang handing gumawa nito. Sa libo-libong mga cluster, mga neighbourhood, at mga barangay, ang panibagong mga bukal ng pananalig at katiyakan ay bumubuhos, pinaliligaya ang mga espiritu noong mga naantig ng kanilang nagbibigay-buhay na mga tubig. Sa ilang mga lugar, ang daloy ay isang patuloy na sapa, sa iba pa, ilog na ito. Ngayon ay hindi panahon para sa anumang kaluluwa na tumayo-tayo pa sa pampang—tulutang ang lahat ay ibigay ang kanilang mga sarili sa sumusulong na bugso.
- The Universal House of Justice