The Universal House of Justice
Ridván 2016
To the Bahá’ís of the World
Dearly loved Friends,
Sa pagsapit ng Hari ng mga Pista, ang panahon ng paghahanda para sa kasunod na pandaigdigang Plano ay nagwakas na: ngayon ay tinatawagan namin ang mga kaibigan ng Diyos tungo sa isang panibagong limang-taong pagtatalaga ng lakas-loob, pagtitika, at mga yaman.
Ang kalipunan ng mga matatapat kay Bahá’u’lláh ay nakatayong handa. Ang mga pagtitipon ng mga institusyon na idinaos sa buong daigdig nitong nakaraang mga buwan ay nagpadala ng sunod-sunod na hudyat ng kasabikang simulan itong napakalaking pagpupunyagi. Ang mga pangangailangang binaybay sa mensaheng isinulat para sa Kumperensiya ng mga Counsellor ay isinasalin na sa tiyak na mga plano ng pagkilos. Ang mga dekada ng magiting na pagpupunyagi ay humubog sa pamayanan at pinagkalooban ito ng isang sukat ng napatunayang kakayahan sa pagpapayabong ng paglaki, na nakapagpatatag dito para sa sandaling ito. Ang dalawang nakaraang dekada, lalo na, ay pinabilis nang malaki itong inaasam na pagtaas ng kakayahan.
Sa loob ng panahong ito, ang paggamit ng isang patuloy na humuhusay na balangkas ng pagkilos ay nagbigay-daan upang magawa ng mga kaibigang higit at higit pang arugain at pinuhin ang pangunahing mga kakayahan, na nagbunga ng pag-usbong sa simula ng payak na mga gawain ng paglilingkod, na humantong sa higit na masusing mga paraan ng pagkilos, na ito naman ay nangailangan ng pag-unlad ng mga kakayahang higit pang hugnay. Sa ganitong paraan, ang masistemang proseso ng paglilinang ng mga yaman-tao at ng pagtatatag ng pamayanan ay nasimulan na sa libo-libong mga cluster—at, sa marami sa mga ito, ay nakasulong na nang malaki. Ang pinagtuunan ng pansin ay hindi lamang ang indibiduwal na mananampalataya, o ang pamayanan, o ang mga institusyon ng Pananampalataya; lahat ng tatlong di-mapaghihiwalay na mga kalahok sa ebolusyon ng bagong Pandaigdigang Kaayusan ay pinasisigla ng mga espirituwal na puwersang pinukaw sa pamamagitan ng pamumukadkad ng Banal na Plano. Ang mga palatandaan ng kanilang pagsulong ay higit at higit pang nakikita: sa lakas-loob na nakamtan ng di-mabilang na mga mananampalataya upang ibahagi ang mga kuwento tungkol sa buhay ni Bahá’u’lláh at talakayin ang mga ipinahihiwatig ng Kanyang Rebelasyon at walang-halintulad na Banal na Kasunduan;, sa ibinunga nitong lumalaking mga pangkat ng mga kaluluwang naaakit sa Kanyang Kapakanan at tumutulong sa pagtatamo ng Kanyang nakapagbubuklod na larawang-isip; sa kakayahan ng mga Bahá’í at ng kanilang mga kaibigan, sa mismong antas ng masa sa pamayanan, upang ilarawan na matatas na mga salita ang kanilang karanasan sa isang prosesong may kakayahang baguhin ang pagkatao at hubugin ang pamumuhay ng lipunan; sa di-hamak na mas malalaking bilang ng mga taal na taga-bansang iyon na, bilang mga miyembro ng mga institusyong Bahá’í at mga sangay nito, ay pinamamahalaan na ngayon ang mga gawain ng kanilang mga pamayanan; sa maaasahan, bukas-palad at mapagpakasakit na pagbibigay sa Pondo, na lubhang kinakailangan upang matustusan ang pagsulong ng Pananampalataya; sa di pa napapantayang pagyabong ng indibiduwal na pagkukusa at sama-samang pagkilos sa pagtatangkilik sa mga gawaing pantatag ng pamayanan; sa kasiglahan ng napakaraming mga kaluluwang nasa kasagsagan ng pagiging kabataan na naghahatid ng napakatinding lakas sa gawaing ito, lalo na sa pag-aasikaso sa espirituwal na edukasyon ng nakababatang mga salinlahi; sa paghusay ng kaugaliang manalangin ng pamayanan sa pamamagitan ng pagdaraos ng regular na mga pagtitipon para sa pagsamba; sa pagtaas ng kakayahan sa lahat ng antas ng pangasiwaang Bahá’í; sa kahandaan ng mga institusyon, mga sangay, at mga indibiduwal na mag-isip sa paraan ng proseso, na basahin ang kanilang mismong mga realidad at suriin ang kanilang mga yaman sa mga lugar kung saan sila ay naninirahan, at gumawa ng mga plano batay doon; sa kinasanayan na ngayong nagtutugunang mga bahagi ng pag-aaral, pagsasanggunian, pagkilos, at pagninilay-nilay na siyang luminang ng naikintal nang gawi ng pagkatuto; sa lumalaking pagpapahalaga sa kung ano ba ang kahulugan ng pagbibigay-bisa sa mga Katuruan sa pamamagitan ng pagkilos panlipunan; sa dumaraming mga pagkakataong hinahanap at sinusunggaban upang iharap ang Bahá’í na pananaw sa mga diskursong laganap sa lipunan; sa kamalayan ng pandaigdigang pamayanan na, sa lahat ng mga pagsisikap nito, pinabibilis nito ang paglitaw ng banal na kabihasnan sa pamamagitan ng paghahayag ng kapangyarihang nakapagtatatag ng lipunan na likas sa Kapakanan; sa katunayan sa tumataas na kamalayan ng mga kaibigan na ang kanilang mga pagsisikap magkaroon ng panloob na pagbabago, na palawakin ang pangkat ng mga nagkakaisa, na makipagtulungan sa mga iba sa larangan ng paglilingkod, na tulungan ang mga populasyon upang tanganan ang sarili nilang espirituwal, panlipunan at pang-ekonomiyang pag-unlad—at, sa pamamagitan ng lahat ng ganitong mga pagsisikap, ay isakatuparan ang pagpapabuti ng daigdig—ay inilalahad ang pinaka layunin ng relihiyon mismo.
Samantalang walang iisang hakbang ang makapagsasaad sa kabuuan ng pagsulong ng pamayanang Bahá’í, malaki ang mahihinuha mula sa bilang ng mga cluster sa buong daigdig kung saan ay naitatag na ang isang programa ng paglaki na, habang nagpapasalamat sa mga biyayang ipinagkaloob ng Kagandahan ng Abhá, ay pinatotohanan naming lumampas na ng 5,000. Ang ganitong malawak na saligan ay kinailangan upang magawang tanggapin ang gawaing hinaharap ngayon ng sandaigdigang Bahá’í—ang pagpapalakas ng proseso ng paglaki sa bawat cluster kung saan ito ay nagsimula na at higit pang pagpapalawak sa nakapagpapayamang paraan ng pamumuhay ng pamayanan. Ang kinakailangang patuloy na pagpupunyagi ay magiging mahirap. Subalit ang kalalabasan ay may pagkakataong maging napakahalaga, maaari pa ngang magtakda ng panahon. Ang maliliit na mga hakbang, kapag regular at mabilis, ay naiipon upang maging malaking distansiya ang malakbay. Sa pagbubuhos ng pansin sa pagsulong na dapat maganap sa isang cluster sa isang panimulang panahon—halimbawa, sa anim na cycle na magaganap bago ang una sa mga dalawang-sentenaryong kaarawan—malaki ang magagawa ng mga kaibigan upang ilapit sa abot-kamay ang kanilang layunin para sa buong limang taon. Sa bawat cycle ay nakapaloob ang naglalahong mga pagkakataon upang sumulong nang malaki, napakahalagang mga posibilidad na hindi na magbabalik.
Sa kalahatan ng lipunan, sa kasawiang-palad, ang mga sintomas ng isang patuloy na lumalalang sakit ng kaluluwa ay dumarami at lumulubha. Lubos na nakatatawag-pansin na habang ang mga tao ng daigdig ay nagdurusa dahil sa kakulangan ng tunay na lunas at balisang bumabaling mula sa isang huwad na pag-asa tungo sa iba pa, buong-payapa ninyong pinipino ang isang instrumentong nag-uugnay ng mga puso sa walang-maliw na Salita ng Diyos. Lubos na nakatatawag-pansin na, sa kalagitnaan ng samu’t-saring ingay ng di-matinag na mga kuro-kuro at magkasalungat ng mga kapakanang tumitindi nang tumitindi sa bawat dako, kayo ay nakatutok sa paglalapit ng mga tao sa isa’t-isa upang magtatag ng mga pamayanang kanlungan ng pagkakaisa. Sa halip na magpahina sa inyong mga kalooban, tulutang maging paalala ang mali at walang batayang mga paniniwala at mga pag-aaway ng daigdig sa kung gaano kahigpit ang pangangailangan ng lahat ng mga nakapalibot na kaluluwa para sa balsamong nakapagpapagaling na tanging kayo lamang ang makapagbibigay sa kanila.
Ito ang huli sa serye ng magkakasunod na Five Year Plan. Sa pagwawakas nito, ang panibagong yugto sa ebolusyon ng Banal na Plano ay magbubukas, na nakatakdang ibunsod ang pamayanan ni Bahá’u’lláh tungo sa pangatlong siglo ng Panahon ng Bahá’í. Harinawang ang mga kaibigan ng Diyos sa bawat bansa ay mapahalagahan ang pangako nitong iilang taong kasunod, na magiging matinding paghahanda para sa higit pang malalaking gawaing hinaharap. Ang malawak na saklaw ng kasalukuyang Plano ay nagbibigay-daan upang masuportahan ng bawat indibiduwal ang gawaing ito, gaano man kaliit ang kanyang bahagi. Hinihiling namin sa inyo, minamahal na mga kapwa-manggagawa, mga sumasamba sa Kanya na Siyang Pinaka-Mamahal ng mga daigdig, na huwag ipagpaliban ang anumang pagsisikap sa paggamit ng lahat ng inyong natutuhan, at ng bawat kaloob ng Diyos na kakayahan at kasanayan na inyong taglay, upang isulong ang Banal na Plano patungo sa kasunod nitong napakahalagang yugto. Sa sarili ninyong maalab na mga pagsamo ng makalangit na tulong ay idinaragdag namin ang amin, na inialay sa mga Banal na Dambana, sa ngalan ng lahat ng nagsusumikap para sa nakasasaklaw sa lahat na Kapakanang ito.
- The Universal House of Justice