The Universal House of Justice
Ridván 2017
To the Bahá’ís of the World
Dearly loved Friends,
Masdan kung papaano bumabangon ang pamayanan ng Pinakadakilang Pangalan! Samantalang iisang taón pa lamang ang nakalilipas, sumasaksi na ang mga ulat sa saklaw ng sinisikap at nagsisimula nang makamtan. Ang pagdaragdag ng higit na katindihan sa 5,000 programa ng paglaki ay humihingi ng isang antas ng pagsisikap na hindi pa kailanman nagawa. Taglay ang matatag na pag-unawa sa pangunahing mga pangangailangan ng Plano, ang malalaking bilang ng mga kaibigan ay nagsisikilos ayon sa mga hinihingi nito, ipinakikilala ang katatagan at pagpapakasakit sa kalidad ng kanilang pagtugon. Tulad ng inaasahan, ang ilang mga programa ng paglaki na matagal nang ipinagpapatuloy ay nagiging mga imbakan na ng kaalaman at mga yaman, nagkakaloob ng pagtatangkilik sa mga karatig-lugar at pinadadali ang mabilis na pagpapalaganap ng karanasan at malalim na pag-unawa. Ang mga sentro ng matinding paggawa—yaong mga magkakalapit-bahay at mga baryo kung saan ang gawain ng pagtatatag ng pamayanan ay higit na nakatutok—ay napapatunayang matabang lupa para sa sama-samang pagbabago. Ang pinalawak at pinalakas na hukbo ng mga Auxiliary Board member at ang kanilang mga assistant ay pinasisigla ang mga pagsisikap ng mga mananampalataya, tinutulungan silang makatamo ng larawang-isip ng kung paano maisusulong ang proseso ng paglaki sa magkakaibang mga kalagayan at tinutumbok ang mga pamamaraang naaangkop sa mga kalagayan ng bawat cluster. Sa pagtatangkilik ng kanilang mga National Spiritual Assembly, natututo na ang mga Regional Baha’i Council kung paano mapabibilis ang buwelo ng Plano nang sabay-sabay sa isang hanay ng mga cluster, samantalang sa ibang mas maliliit na mga bansa, kung saan ay walang mga Council, ang bagong mga lupon sa pambansang antas ay nagsisimula na ring matutuhan ang gayundin. Tulad nang maaasahan lamang mula sa alinmang organikong proseso, ang mabilis na pag-unlad na nasasaksihan sa ilang mga lugar ay hindi pa lumilitaw sa ibang mga lugar, gayumpaman ang kabuuang bilang ng mga programa ng matinding paglaki sa buong daigdig ay nagsisimula nang tumaas. Higit pa rito, ipinagdiriwang naming makita na ang pakikilahok sa mga gawain ng Plano ay bumugso nang malaki sa unang apat na mga cycle.
Ang mga palatandaan, kung gayon, ay hindi na halos magiging higit na mabuti pa para sa ibubunga ng darating na taón. At ano pa ang higit na marapat na alay sa Pinagpalang Kagandahan sa ikalawang daang taóng kaarawan ng Kaniyang Kapanganakan kaysa ang taimtim na pagsisikap ng Kaniyang mga minamahal upang mapalawak ang saklaw ng Kaniyang Pananampalataya? Ang una sa dalawang ikalawang daang kaarawang ipagdiriwang ng sandaigdigang Baha’i kung gayon ay isang okasyong hitik na hitik ng mga pangakong nakalulugod. Kapag nakikita nang wasto, ang taóng ito ay naghahandog ng tanging pinakamalaking pagkakataon, na kailanman ay di pa nagkaroon sa buong daigdig, upang iugnay ang mga puso kay Baha’u’llah. Sa darating na mga buwan, tulutang isaisip ng lahat ang napakahalagang pagkakataon na ito at manatiling gising sa mga posibilidad na umiiral sa bawat puwang upang maipabatid sa mga iba ang Kaniyang buhay at dakilang misyon. Upang lubusang matugunan ang pagkakataong magturo na kinakaharap ng sandaigdigang Baha’i sa ngayon, kinakailangang bigyan ng mapanglikhang pag-iisip ang mga pag-uusap na maaaring mamukadkad sa bawat uri ng tao. Sa pagpapatuloy ng gayong makabuluhang mga pag-uusap, ang kamalayan ay naitataas at ang mga puso ay nabubuksan—kung minsan ay kaagad-agad. Sa ganitong napakahusay na pinagkakaabalahan ang lahat ay makatatagpo ng misyon, at ang kaligayahang idinudulot ng pagsasagawa ng ganitong gawain ay hindi dapat ipagkait ng sinuman sa kaniyang sarili. Isinasamo namin sa iisang Minamahal na ang kabuuan nitong ikalawang daang taóng kaarawan ay mapuspos ng pinakadalisay at pinakamatamis na kaligayahang ito: ang pagbabahagi sa ibang kaluluwa ng pagsapit ng Araw ng Diyos.
Ang mga tungkuling kailangang tuparin ng kalipunan ng matatapat ay ginagawang higit na mahigpit ng pagkatuliro, pagdududa at kawalan ng liwanag sa daigdig. Sa katunayan, dapat gamitin ng mga kaibigan ang bawat pagkakataon upang magpasinag ng liwanag sa magtatanglaw sa landas at magbibigay ng katiyakan sa balisa, ng lakas-loob sa nawawalan ng pag-asa. Naaalaala namin ang payong ibinigay ng Guardian sa isang pamayanang Baha’i sa mga salitang waring para sa ating sariling panahon: “Habang ang estruktura ng kasalukuyang lipunan ay umiiktad at nabibitak dahil sa pagpuwersa at pagbanat ng nagbababalang mga pangyayari at mga kalamidad, habang dumarami ang mga bitak, na nagbibigay-diin sa pagkakahiwa-hiwalay ng bansa mula sa bansa, ng lipi mula sa lipi, ng lahi mula sa lahi, at ng paniniwala mula sa paniniwala, ang mga tagapagsagawa ng Plano ay kailangang magpamalas ng higit pang malaking pagkaka-isa sa kanilang espiritwal na mga buhay at pampangasiwaang mga gawain, at magpakita ng higit na mataas na pamantayan ng pagkakaisang pagkilos, ng pagtutulungan sa isa’t isa, at ng matiwasay na pag-unlad sa kanilang sama-samang mga gawain.” Habang laging binibigyan-diin ang espiritwal na kahalagahan ng gawain ng Pananampalataya at ang nakatutok na pagtatalaga ng isipan na kailangang gamitin ng mga kaibigan sa pagsasagawa ng kanilang sagradong mga tungkulin, nagbabala rin si Shoghi Effendi laban sa pagkakaroon ng anumang bahagi sa pampulitikang mga kaguluhan, mga sigalot, at mga pagtatalo. “Tulutang umangat sila nang higit na mataas sa lahat ng pagpapanig sa sariling bayan o partido,” ang kaniyang paghimok sa isa pang pagkakataon, “nang higit na mataas kaysa walang kabuluhang mga pagtatalo, ng mababaw na mga pagtutuos, ng panandaliang mga silakbo ng damdaming nagpapagulo sa balat ng lupa, at umaagaw sa pansin, ng isang nagbabagong daigdig.” Ang mga ito ay ang di-maiiwasang mga bula at tilamsik buhat sa sunod-sunod na along yumayanig sa isang magulo at nahahating lipunan. Masyadong malaki ang nakataya upang magpakaabala sa ganitong uri ng mga panggulo sa isipan. Tulad nang mahusay na nalalaman ng bawat tagasunod ni Baha’u’llah, ang mabuting kalagayan ng sangkatauhan, sa wakas ay nakasalalay sa paglulutas sa mga pagtatalo nito at sa matibay na pagkakatatag ng pagkakaisa nito. Ang bawat tulong na ginagawa ng mga Baha’i para sa pamumuhay ng kanilang pamayanan ay naglalayong magpayabong ng pagkakaisa; ang bawat pagsisikap sa pagtatatag ng pamayanan ay nakatuon sa gayunding layunin. Para sa mga pagod na sa pagtatalo, ang mga pamayanang lumalaki sa ilalim ng lilim ng Pinakadakilang Pangalan ay naghahain ng isang mabisang halimbawa ng maaaring makamtan ng pagkakaisa.
Nag-aalay kami ng papuri sa Panginoon ng mga Panginoon yamang nakikitang napakarami sa Kaniyang mga minamahal ang nagbibigay ng lahat ng taglay nila upang maitaas ang bandila ng kaisahan ng sangkatauhan. Pinakamamahal na mga kaibigan: Habang ang napakabuting taón ay nagsisimula ngayon, maaari ba kayang nilay-nilayin ng bawat isa sa atin kung anong makalangit na mga gawa ang ating maisasakatuparan sa tulong ng Kaniyang biyaya?
- The Universal House of Justice