The Universal House of Justice
Ridván 2019
To the Bahá’ís of the World
Dearly loved Friends,
Habang lumalapit ang Pinakadakilang Pista, kami ay natatangay ng mga damdamin ng pasasalamat at pag-aasam—pasasalamat sa kamangha-manghang mga bagay na itinulot ni Bahá’u’lláh na magawa ng Kaniyang mga tagasunod, at pag-aasam sa ihahatid ng kagyat na hinaharap.
Ang buwelong nilikha ng pandaigdigang mga pagdiriwang ng bisentenaryo ng Kapanganakan ni Bahá’u’lláh ay tumindi pa mula noon. Ang mas mabilis na pag-unlad ng pamayanang Bahá’í, ang tumataas nitong kapasidad, at ang kakayahan nitong gamitin ang mga lakas ng higit na maraming mga miyembro nito ay lumilitaw nang napakalinaw mula sa buod ng bago nitong mga tagumpay sa buong daigdig. Mula rito, ang pagdami sa mga gawain ng pagtatatag ng pamayanan ay lalong kapansinpansin. Ang kasalukuyang Five Year Plan ay ipinagpapatuloy ang dalawampung taong pagsisikap ng sandaigdigang Bahá’í upang masistemang pinuhin at paramihin ang mga gawaing ito—subalit kapuna-puna, sa loob ng unang dalawa’t kalahating taon ng Plano, ang tanging bilang ng mga core activity ay tumaas nang mahigit sa kalahati. Ipinakita ng pandaigdigang pamayanan ang kakayahang makipag-ugnay, sa alinmang tiyak na panahon, sa mahigit isang milyung katao sa gayong mga gawain, tinutulungan silang saliksikin at tumugon sa espiritwal na mga realidad. Sa maikling panahon ding iyon, ang bilang ng mga pagtitipon upang manalangin ay halos nadoble —isang lubos na kinakailangang tugon sa lumalalang kalayuan ng loob ng sangkatauhan
mula sa Pinagmumulan ng pag-asa at biyaya. Ang pangyayaring ito ay nagtataglay ng bukodtanging pangako, sapagkat ang mga devotional meeting ay nagsasalin ng panibagong espiritu sa pamumuhay ng pamayanan. Inihahabi sa mga pagsisikap sa edukasyon para sa lahat ng edad, pinalalakas ng mga ito ang matayog na layunin ng mga pagsisikap na iyon: ang luminang ng mga pamayanang natatangi sa kanilang pagsamba sa Diyos at sa kanilang paglilingkod sa sangkatauhan. Ito ay lubos na nakikita sa gayong mga cluster kung saan ang pakikilahok ng malalaking bilang sa Bahá’í na mga gawain ay naipagpapatuloy at ang mga kaibigan ay lumampas na sa pangatlong palatandaan (o milestone) sa pag-unlad ng kanilang pamayanan. Ikinagagalak naming makita na ang bilang ng cluster kung saan ang proseso ng paglaki ay sumulong na nang ganito kalayo ay higit na sa doble mula sa simula ng Plano at sa ngayon ay nasa humigit-kumulang limang daan na.
Itong maikling pagsiyasat ay hindi makapagbibigay-katarungan sa antas ng pagbabagong nagaganap. Ang pag-asa para sa nalalabing dalawang taon ng Plano ay napakaganda. Malaki ang natamo sa nakaraang taon sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga aral na natutunan mula sa higit na malakas na mga programa ng paglaki sa mga cluster na, tulad ng aming inaasahan, ay naging mga imbakan ng kaalaman at mga yaman. Walang anuman ang nakapigil sa
International Teaching Centre, sa mga
Counsellor, at sa kanilang walang-kapagurang mga auxiliary upang tiyakin na ang mga kaibigan sa lahat ng dako ng daigdig ay magagawang makinabang mula rito sa pagbilis ng pagkatuto at sa paglapat ng natatamong malalalim na pag-unawa sa sarili nilang mga realidad. Nagdiriwang kaming makita sa lumalaking bilang ng mga cluster, at sa mga magkakalapit bahay at sa mga barangay sa loob ng mga ito, na lumitaw na ang isang panimulang pangkat ng mga kaibigan, sa pamamagitan ng pagkilos at pagninilay-nilay, na natutuklasan kung ano ang kinakailangan, sa anumang tanging yugto, upang sumulong ang proseso ng paglaki sa kanilang mga kapaligiran. Ginagamit nila ang mabisang instrumento ng
institute na, sa pamamagitan niyon ang espiritwal at materyal na kasaganaan ng pamayanan ay pinayayabong, at habang sila ay kumikilos, ang bilang ng mga sumasama sa kanila ay lumalaki. Natural lamang na magkakaiba-iba ang mga kalagayan sa iba’t ibang mga lugar, at ganoon din naman ang mga katangian ng paglaki. Subalit sa pamamagitan ng masistemang pagsisikap, ang lahat ay makapagbibigay ng higit at higit pang mabisang tulong sa gawaing hinaharap. Sa bawat tagpo, mayroong dalisay na kaligayahan sa pakikipagusap sa ibang mga kaluluwa sa makabuluhan at nakapagpapasiglang mga usapang tumutungo, nang mabilis man o unti-unti, sa paggising ng mga pandamang espiritwal. Habang higit na maalab ang apoy na pinaririkit sa puso ng mananampalataya, higit na malaki rin ang puwersa ng pagkaakit na madarama ng mga nahaharap sa init nito. At para sa pusong tinutupok ng pag-ibig kay Bahá’u’lláh, ano ang magugunitang higit pang marapat pagkaabalahan kaysa sa humanap ng mga espiritung kahalintulad nito, upang himukin sila sa pagpasok nila sa landas ng paglilingkod, upang alalayan sila habang sila’y nagtatamo ng karanasan—at maaaring ang pinakamatindi sa lahat ng kaligayahan—ay makitang pinagtitibay ang mga kaluluwa sa kanilang pananalig, bumabangon nang kusa, at tinutulungan ang mga iba pa sa gayunding paglalakbay. Ang mga ito ang ilan sa pinakamimithing mga sandali na ipinagkakaloob ng naglalahong buhay na ito.
Ang mga pagkakataon upang isulong itong gawaing espiritwal ay nagiging higit na kapanapanabik sa paglapit ng bisentenaryo ng Kapanganakan ng Báb. Tulad din ng bisentenaryong nauna rito, ang kaarawang ito ay isang sandaling di-masukat ang
kahalagahan. Ipinagkakaloob nito sa lahat ng mga Bahá’í ang kahanga-hangang mga pagkakataon upang ipamulat sa mga nakapalibot sa kanila ang dakilang Araw ng Diyos, sa bukod-tanging pagbuhos ng makalangit na biyaya na ibinadya ng pagdating ng dalawang Kahayagan ng Poong Maykapal, ang magkasunod na Tanglaw na Sila ang nagbigay-liwanag sa sugpungang-guhit ng daigdig. Ang sukat ng maaaring matamo sa loob ng parating na dalawang cycle ay batid ng
. lahat batay sa karanasan ng bisentenaryong idinaos dalawang taon noong nakaraan, at ang lahat ng natutunan sa pagkakataong iyon ay kailangang ipasok sa mga plano para sa Kambal na Banal na Araw sa taong ito. Habang lumalapit ang ikalawang daantaong kaarawan, madalas kaming mag-aalay ng mga panalangin para sa inyo sa mga Banal na Dambana, isinasamong magtatagumpay ang inyong mga pagsisikap upang parangalan nang angkop ang
Báb sa pagsulong ng Kapakanang ibinalita Niya.
. Ang pagwawakas ng unang siglo ng Panahon ng Paghuhubog ay dalawa’t kalahating taon na lamang sa hinaharap. Isasara nito ang isang daang taong konsagradong pagsisikap na patatagin at palawakin pa ang saligang buong pagpapakasakit na itinatag sa Panahon ng mga Bayani ng Pananampalataya. Sa panahong iyon ay gugunitain din ng pamayanang Bahá’í ang sentenaryo ng Pagyao ni ‘Abdu’l-Bahá, ang sandaling iyon kung kailan ang minamahal na Master ay pinalaya mula sa mga hangganan ng daigdig na ito upang muling makapiling ang Kaniyang Ama sa mga luklukan ng makalangit na kaluwalhatian. Ang Kaniyang libing, na naganap sa kasunod na araw, ay isang pangyayaring “ang kahalintulad noon ay hindi kailanman nakita ng Palestine”. Sa pagwawakas niyon, ang Kaniyang mga labi ay inihimlay sa isang nitso sa Mausoleo ng Báb. Subalit ang nakini-kinita ni Shoghi Effendi ay magiging isang pansamantalang kalagayan lamang iyon. Magtatayo, sa angkop na panahon, ng isang Dambana na ang katangian niyon ay nararapat sa walang-kahalintulad na katayuan ni ‘Abdu’l-Bahá.
Ang panahong iyon ay dumating na.
Tinatawagan ang sandaigdigang Bahá’í na itayo ang gusaling dadambana magpakailanman sa banal na mga labing iyon. Ito ay itatayo malapit sa Hardin ng Riḍván, sa lupang ginawang banal ng mga yapak ng Pinagpalang Kagandahan; ang Dambana ni ‘Abdu’l-Bahá kung gayon ay matatagpuan sa hugis gasuklay sa pagitan ng mga Banal na Dambana sa ‘Akká at Haifa. Ang paggawa sa mga plano ng arkitektura ay sumusulong na, at ang karagdagang kaalaman ay ibabahagi sa darating na mga buwan.
Ang mga damdamin ng nag-uumapaw na kaligayahan ay dumadaluyong sa aming mga kalooban, habang nililimi namin ang parating na taon at ang lahat ng ipinapangako nito. Nakatingin kami sa bawat isa sa inyo—kayong mga abala sa pag-aalay ng paglilingkod kay Bahá’u’lláh, nagpupunyagi sa bawat bansa para sa kapakanan ng kapayapaan—upang tuparin ang inyong mataas na layunin sa buhay.
- The Universal House of Justice