Return   Facebook

The Universal House of Justice

Ridván 2021

To the Bahá’ís of the World

Dearly loved Friends,

Ang huling mga salita ng isang lubos na dimalilimutang kabanata sa kasaysayan ng Kapakanan ay naisulat na ngayon, at ang pahina ay inililipat na. Ang Riḍván na ito ay nagtatanda sa wakas ng isang namumukod-tanging taon, ng isang Five Year Plan, at ng isang serye ng mga Planong nagsimula noong 1996. Ang isang bagong serye ng mga Plano ay kumakaway sa atin sa waring magiging isang napakahalagang labindalawang buwan na paghahanda para sa siyam na taong pagsisikap na magsisimula sa kasunod na Riḍván. Nakikita natin sa ating harapan ang isang pamayanang mabilis na nagtamo ng lakas at handa na ngayong humakbang nang malaki pasulong. Subalit hindi maaaring magkaroon ng anumang maling akala kung gaano kalaking pagsusumikap ang kinailangan upang makaabot sa yugtong ito at kung gaano kahirap nating natamo ang malalalim na mga pag-unawa habang isinasagawa ito: ang natutunang mga aral ay huhubog sa kinabukasan ng pamayanan at ang kuwento kung paano natutunan ang mga ito ay magbibigay ng liwanag sa kung ano ang darating.

Ang mga dekadang patungo sa 1996, na mayaman sa mga pagsulong at sarili nitong malalalim na pag-unawa, ay hindi nag-iwan ng anumang pagaalinlangan na ang malalaking bilang ng mga tao sa maraming mga lipunan ay handa nang pumasok sa ilalim ng bandila ng Pananampalataya. Subalit, nakapanghihimok man ang mga pagkakataon ng malakihang pagsapi, ang mga ito ay hindi katumbas ng isang naipagpapatuloy na proseso ng paglaki na maaaring linangin sa magkakaibang mga tagpo. Naharap ang pamayanan sa napakahalagang mga katanungan na wala itong sapat na karanasan nang panahong iyon upang masagot nang sapat. Paano maipagpapatuloy ang mga pagsisikap sa pagpapalawak nito nang kaalinsabay ng proseso ng pagpapatatag at sa gayon ay lutasin ang napakatagal at waring di-malutas na hamon ng pagpapatuloy ng paglaki? Paano maibabangon ang mga indibidwal, mga institusyon, at mga pamayanang may kakayahang isalin sa gawa ang mga katuruan ni Bahá’u’lláh? At paano magiging mga tagapagpaganap sa isang pandaigdigang gawaing espiritwal yaong mga nahalina ng mga katuruan?

Sa gayon, sa ikaapat na bahagi ng isang siglo noong nakaraan, ang pamayanang Bahá’í kung saan kabilang pa ang tatlong Hand of the Cause sa mga nangunguna rito ay naglunsad ng Four Year Plan, na natatangi mula sa ibang naunang mga plano dahil sa pagtutok nito sa iisang layunin: ang malakihang pagsulong sa proseso ng pangkat-pangkat na pagsapi. Ang layuning ito ang naging katangian ng sumunod na serye ng mga Plano. Naunawaan na noon ng pamayanan na itong proseso ay hindi lamang pagpasok sa Pananampalataya ng malalaking mga grupo, ni hindi rin iyon mangyayari nang kusa; ipinahihiwatig nito ang pagpapalawak at pagpapatatag nang sadya, masistema, at pinabibilis. Ang gawaing ito ay mangangailangan ng buong kabatirang pakikilahok ng maraming mga kaluluwa, at noong 1996, tinawagan ang sandaigdigang Baha’i na isabalikat ang napakalaking hamon sa edukasyon na hinihingi nito. Tinawagan itong magtatag ng kabalagan ng mga training institute na nakatutok sa paglilikha ng patuloy na lumalaking daloy ng mga indibidwal na nagtataglay ng kinakailangang mga kakayahan upang mapanatili ang proseso ng paglaki.

Sinimulan ng mga kaibigan ang gawaing ito nang may kabatirang sa kabila ng kanilang nakaraang mga tagumpay sa larangan ng pagtuturo, malinaw na marami pa silang kailangang matutunan tungkol sa kung aling mga kakayahan ang kailangang matamo, at higit na mahalaga, kung paano matatamo ang mga ito. Sa maraming paraan, ang pamayanan ay natuto sa pamamagitan ng paggawa, at ang mga aral na natutunan nito, na matapos kinatas at dinalisay sa pamamagitan ng pagsasagawa nito sa magkakaibang mga tagpo sa loob ng ilang panahon, na sa wakas ay maisasama na sa mga aralin. Napagtantong ang tanging mga gawain ay likas na pagtugon sa pangangailangang espiritwal ng isang populasyon. Ang mga study circle, mga children’s class, mga devotional meeting, at sa kalaunan ang mga junior youth group ay namumukod bilang may pangunahing kahalagahan kaugnay nito, at kapag naihahabi sa iba pang nauugnay na mga gawain, ang lumilitaw na nagtutugunang mga sigla ay maaaring magbunga ng isang masiglang pamamaraan ng pamumuhay ng pamayanan. Habang ang mga bilang ng mga nakikilahok sa ganitong mga core activity ay dumarami, nadagdagan ng isang bagong aspeto ang kanilang orihinal na layunin. Ang mga ito ay nagsilbing maging pintuan kung saan ang mga kabataan, ang mga nasa hustong gulang at ang buong mga pamilya mula sa higit na malawak na lipunan ay nagawang magkaroon ng isang pakikipagtagpo sa Rebelasyon ni Bahá’u’lláh. Naging hayag din na lubos na praktikal ang isaalang-alang ang mga estratehiya para sa gawain ng pagtatatag ng pamayanan sa konteksto ng “cluster”: isang pangheograpiyang saklaw na magagawang mapamahalaan na may sariling mga katangiang panlipunan at pangkabuhayan. Ang kakayahang makapaghanda ng simpleng mga plano sa antas ng cluster ay nagsimulang linangin, at mula sa ganoong mga plano ay sumibol ang mga programa para sa paglaki ng Pananampalataya, na nasasaayos sa tatlong-buwan na mga cycle ng mga gawain. Ang isang mahalagang puntos ng kalinawan ay lumitaw sa maagang yugto: ang pagsulong ng mga indibidwal sa serye ng mga kurso ay ang nagbubunsod sa, at nagpapanatili sa pagsulong mga cluster sa nagpapatuloy na pag-unlad. Itong ugnayang nagpupunuan ay nakatulong sa mga kaibigan sa lahat ng dako upang suriin ang nagtutugunang mga sigla ng paglaki sa sarili nilang mga kapaligiran at itakda ang isang landas patungo sa higit pang lakas. Sa paglipas ng panahon, naging makatuturang suriin ang nagaganap sa loob ng isang cluster kapuwa mula sa pananaw ng tatlong pangangailangan sa edukasyon— na pinaglilingkuran ang mga bata, mga junior youth, at mga kabataan at mga nasa hustong gulang—at gayundin mula sa pananaw ng mga cycle ng gawain na kinakailangan para sa pintig ng paglaki. Sa kalagitnaan ng gawaing magtatagal ng dalawampu’t limang taon, ang marami sa pinakakilalang mga katangian ng proseso ng paglaki na nakikita natin sa kasalukuyan ay mahusay nang naitatag.

Habang naging mas matindi ang pagsisikap ng mga kaibigan, ang iba’t ibang mga simulain, mga konsepto, at mga estratehiya na may pangkalahatang kahalagahan sa proseso ng paglaki ay nagsimulang mabuo sa isang balangkas ng pagkilos na maaaring magbago upang maisali ang bagong mga elemento. Itong balangkas ay napatunayang saligan upang mapalaya ang napakalaking sigla. Nakatulong ito sa mga kaibigan upang padaluyin ang kanilang mnga sigla sa mga paraang ipinakilala ng karanasan ay nakatutulong sa paglaki ng malusog na mga pamayanan. Subalit ang isang balangkas ay hindi isang pormula. Sa pagsasaalang-alang sa magkakaibang mga elemento ng balangkas habang sinusuri ang realidad ng isang cluster, isang lokalidad, o kahit ng isang kapitbahayan, maaaring paunlarin ang isang paraan ng pagkilos kung saan ay magagamit ang mga natututunan ng ibang bahagi ng sandaigdigang Bahá’í samantalang napananatili pa rin ito bilang isang tugon sa tanging mga kalagayan ng lugar na iyon. Ang dichotomy (o paghati sa dalawang magkasalungat na bagay) sa pagitan ng mga pangangailangang di-mababago sa isang dako at sa sariling hilig na walang-tasa sa kabilang dako ay nagbigay-daan sa higit na malawak na pag-unawa ukol sa sari-saring mga paraan ng pagtangkilik ng mga indibidwal sa proseso, na sa kaibuturan niyon ay magkakatugma-tugma at patuloy na pinipino habang nadaragdagan ang karanasan. Huwag magkaroon ng anumang pag-aalinlangan tungkol sa pagsulong na kinakatawan sa paglitaw ng balangkas na ito: ang mga ipinahihiwatig para sa pagtutugma-tugma at pagkakaisa ng mga pagsisikap ng buong sandaigdigang Bahá’í at para sa pagbunsod ng patuloy na pagsulong nito ay napakalaki ng kahalagahan.

Habang ang isang Plano ay nagpatuloy sa nauna rito, at ang pagsali sa gawain ng pagtatatag ng pamayanan ay naging higit na malawak, ang mga pagsulong sa antas ng kultura ay naging higit na malinaw. Halimbawa, naging higit na malawak ang pagpapahalaga sa pangangailangang turuan ang nakababatang mga salinlahi, at gayundin ang bukod tanging kakayahang natatago lalo na sa mga junior youth. Ang mga kaluluwang tumutulong at umaalalay sa isa’t isa sa parehong landas, patuloy na pinalalawak ang saklaw ng pagtatangkilik sa isa’t isa, ay naging isang paraang nilalayong abutin ng lahat ng mga pagsisikap na nakatalaga sa paglilinang ng kakayahang maglingkod. Kahit ang mga ugnayan ng mga kaibigan sa isa’t isa at sa mga nakapalibot sa kanila ay nagkaroon ng pagbabago, habang naitaas ang kamalayan sa kapangyarihan ng makabuluhang mga usapan upang maparikit at mapaningas ang mga damdaming espiritwal. At mahalaga ring nag-angkin ang mga pamayanang Bahá’í ng paraan ng pagtingin na higit at higit pang pagtatanaw palabas. Ang sinumang kaluluwang tumutugon sa larawang-isip ng Pananampalataya ay maaaring maging aktibong kalahok—kahit pa nga tagapagtaguyod at facilitator— ng mga gawaing pang-edukasyon, ng mga pagtitipon para manalangin at ng iba pang mga elemento ng pagtatatag ng pamayanan; mula sa gayong mga kaluluwa, marami rin ang magpapahayag ng kanilang pananalig kay Bahá’u’lláh. Sa gayon, lumabas na ang konsepto ng pangkat-pangkat na pagsapi ay di gaanong nakabatay sa teoriya at haka-haka bagkus ay sa totoong karanasan kung paano matatagpuan ng malalaking bilang ng mga tao ang Pananampalataya, maging bihasa rito, makiisa sa mga layunin nito, sumali sa mga gawain at mga talakayan nito, at sa maraming mga pagkakataon ay sumapi rito. Sa katunayan, habang ang proseso ng institute ay pinalakas sa sunod-sunod na mga rehiyon, ang bilang ng mga indibidwal na nakikibahagi sa gawain ng Plano, na kabilang din ang kahit bago pa lamang nakatagpo sa Pananampalataya, ay nag-ibayo ang pagdami. Subalit ito ay hindi ibinubunsod ng pagpapahalaga sa mga bilang lamang. Ang isang larawang-isip ng personal at sama-samang pagbabago na nagaganap nang magkasabay, batay sa pag-aaral sa Salita ng Diyos at sa pagtanggap sa kakayahan ng bawat indibidwal na maging tagapagpaganap sa isang napakatinding espiritwal na dula, ay nagbunga ng kamalayan ng sama-samang pagsisikap.

Ang isang katangian nitong dalawampu’t limang taon na lubos na nakatatawag-pansin at nakapagpapasigla ay ang paglilingkod na ibinigay ng mga kabataang Bahá’í na inako nang buong pananalig at kagitingan ang kanilang wastong puwesto sa pangunguna sa mga pagsisikap ng pamayanan. Bilang mga guro ng Kapakanan at mga tagapagturo ng mga nakababata, bilang mga mobile tutor at mga homefront pioneer, bilang mga cluster coordinator at mga miyembro ng mga sangay na Bahá’í, ang mga kabataan sa limang kontinente ay nagsibangon upang paglingkuran ang kanilang mga pamayanan nang buong pamimintuho at pagpapakasakit. Ang kaganapang-isip na ipinakita nila sa pagsasagawa ng mga tungkuling pinagbabatayan ng pagsulong ng Banal na Plano ay nagpapakilala sa kanilang espiritwal na kasiglahan at sa kanilang pagtatalaga sa pangangalaga sa kinabukasan ng sangkatauhan. Sa pagkilala nitong naging lalo nang hayag na kaganapang-isip, ipinasiya namin na, kaagad nang pagkaraan ng Riḍván na ito, samantalang ang edad kung kailan maaari nang maglingkod ang isang mananampalataya sa isang Spiritual Assembly ay mananatili pa ring dalawampu’t isa, ang edad kung kailan maaari nang bumoto ang isang mananampalataya sa halalang Bahá’í ay ibababa na sa labing-walo. Wala kaming pag-aalinlangan na ang mga kabataang Bahá’í sa lahat ng lugar na umabot na sa gulang na iyon ay patutunayang wasto ang aming pagtitiwala sa kanilang kakayahang tuparin nang “matapat at masigasig” ang “banal na tungkulin” kung saan tinatawag ang bawat botanteng Bahá’í.

Batid namin na natural lamang na malaki ang pagkakaiba-iba ng mga realidad ng mga pamayanan. Ang magkakaibang mga pambansang pamayanan, at ang magkakaibang lugar sa loob ng mga pamayanang iyon, ay nagsimula nitong serye ng mga Plano sa magkakaibang mga yugto ng pag-unlad; mula roon, sila ay umunlad din sa magkakaibang mga tulin at nagtamo ng magkakaibang mga antas ng pagsulong. Wala namang bago rito. Lagi namang magkakaiba ang mga kalagayan ng magkakaibang mga lugar, at gayundin ang antas ng kahandaang tumanggap na matatagpuan doon. Subalit nababatid din namin ang isang tumataas na alon, kung saan ang kakayahan, lakas-loob, at natitipong karanasan ng karamihan ng mga pamayanan ay tumataas, na pinaaangat ng mga tagumpay ng kanilang kapatid na mga pamayanang malapit at malayo. Bilang halimbawa, samantalang ang mga kaluluwang bumangon upang magbukas ng bagong lokalidad noong 1996 ay hindi nagkulang sa lakas-loob, pananalig, at pamimintuho, ang kanilang mga katumbas ngayon ay ipinagsasama ang gayunding mga katangian sa kaalaman, malalim na pag-unawa, at mga kasanayang bunga ng dalawampu’t limang taon ng pagsisikap ng buong sandaigdigang Bahá’í upang gawing masistema at pinuhin pa ang gawain ng pagpapalawak at pagpapatatag.

Maging anupaman ang naging simula ng isang pamayanan, isinusulong nito ang proseso ng paglaki kapag ipinagsasama-sama nito ang mga katangian ng pananalig, pagtitiyaga, at pagtatalaga sa kahandaang matuto. Sa katunayan, ang isang minamahal na pamana nitong serye ng mga Plano ay ang laganap na pagtanggap na ang anumang pagsisikap na sumulong ay nagsisimula kapag nakabaling sa pagsisikap matuto. Itinatago ng kapayakan ng simulaing ito ang kahalagahan ng mga ipinahihiwatig na nagmumula rito. Wala kaming pag aalinlangang ang bawat cluster, sa paglipas ng panahon, ay susulong din sa nagpapatuloy na pagunlad; ang mga pamayanang pinakamabilis na sumulong, kung ihahambing sa yaong mga kahalintulad ang mga kalagayan at mga pagkakataon, ay nagpakita ng kakayahang payabungin ang pagkakaisa sa pananaw at ang matuto tungkol sa mabisang pagkilos. At ginawa nila iyon nang walang pag-aatubiling kumilos.

Ang pagtatalagang matuto ay nangangahulugan din nang pagiging handang magkamali—at kung minsan, siyempre, ang mga pagkakamali ay nagbunga ng pagkabalisa. Di nakapagtatakang sa simula ang bagong mga pamamaraan at mga diskarte ay hindi mahusay na naisagawa dahilan sa kakulangan ng karanasan; magkaminsan, ang bago pa lamang natatamong kakayahan ng isang uri ay nawala dahil ay pamayanan ay naging abala sa pagpapaunlad ng iba. Ang pagkakaroon ng pinakamabuting hangarin ay hindi garantiya na hindi magkakamali, at upang makalampas sa mga ito ay nangangailangan ng kapuwa pagpapakumbaba at pagkawalay. Kapag ang pamayanan ay nanatiling determinadong magkaroon ng paghuhunos-dili at matuto mula sa mga pagkakamaling natural na nangyayari, ang pagsulong ay laging abot-kamay.

Sa kalagitnaan ng serye ng mga Plano, ang ugnayan ng pamayanan sa buhay ng lipunan ay nagsimulang maging tampulan ng higit na tuwirang pagbibigay-pansin. Hinimok ang mga mananampalatayang pag-isipan ito bilang dalawang magkakaugnay na larangan ng pagsisikap—pagkilos panlipunan at pakikilahok sa laganap na mga usapin sa lipunan. Ang mga ito, mangyari pa, ay hindi mga kapalit sa gawain ng pagpapalawak at pagpapatatag, at lalo nang hindi mga paggambala dito: ang mga ito ay likas na bahagi nito. Habang higit na marami ang mga yamang-taong matatawagan ng pamayanan, higit na malaki ang kakayahan nitong ilapat ang karunungang nilalaman ng Rebelasyon ni Bahá’u’lláh sa mga hamon ng kasalukuyang araw—upang isalin sa realidad ang Kaniyang mga katuruan. Ang mga maligalig na mga gawain ng sangkatauhan sa kahabaan ng panahong ito ay waring nagbibigay-diin sa napakahigpit na pangangailangan nito para sa lunas na inireseta ng Banal na Manggagamot. Ipinahihiwatig ng lahat na ito ay isang pananaw sa relihiyon na lubos na naiiba roon sa karaniwang umiiral sa daigdig: isang pananaw na kumikilala sa relihiyon bilang mabisang lakas na nagbubunsod sa patuloy na sumusulong na kabihasnan. Nauunawaan na ang gayong kabihasnan ay hindi rin kusang lilitaw sa sarili nito—ang misyon ng mga tagasunod ni Bahá’u’lláh ay ang magsumikap para sa paglitaw nito. Hinihingi ng gayong misyon ang paggamit ng gayunding proseso ng masistemang pagsisikap matuto sa gawain ng pagkilos panlipunan at sa pakikilahok sa talakayan ng madla.

Kapag tinitingnan mula sa pananaw ng nakaraang dalawa’t kalahating dekada, ang kakayahan para sa pagsasagawa ng pagkilos panlipunan ay tumaas na nang malaki, na nagbunga ng bukodtanging pamumukadkad ng mga gawain. Kung ihahambing sa 1996, nang ipinagpapatuloy sa sunod sunod na mga mga taon ang 250 proyekto ng panlipunan at pangkabuhayang pag-unlad, sa ngayon ay mayroon nang 1,500 at ang bilang mga kapisanang Bahá’í-inspired ay apat na beses ang pagdami upang maging mahigit na 160. Mahigit na 70,000 maiikling inisyatibang pagkilos panlipunan na antas ng masa ay isinasagawa taon-taon, na limampung ulit ang pagdami. Inaasam namin ang patuloy na pagdami nitong lahat na mga pagsisikap bunga ng nagtatalagang pagtangkilik at pagpapasigla na inihahain ngayon ng Bahá’í International Development Organization. Samantala, ang Bahá’í na pakikilahok sa laganap na mga talakayan ng lipunan ay lumaki rin nang matindi. Bukod pa sa maraming pagkakataon kung kailan nagagawa ng mga kaibigan ang ibahagi ang Bahá’í na pananaw sa mga usapang nagaganap sa trabaho o sa personal na ugnayan, ang higit na pormal na pakikilahok sa mga talakayan ay sumulong na nang malaki. Ang nasa isipan namin ay hindi lamang ang lubos na pinalawak na mga pagsisikap at ang higit at higit pang mahusay na mga tulong ng Bahá’í International Community—na naidagdag sa panahong ito ang mga Office sa Africa, Asia, at Europa—bagkus ay gayundin ang gawain ng kabalagan ng pambansang mga Office of External Affairs, na lubos na nadagdagan at pinalakas nang husto, na para sa mga iyon, itong larangan ng pagsisikap ang naging kanilang pangunahing tinututukan; karagadagan dito, nagkaroon ng malalalim at natatanging tulong mula sa indibidwal na mga mananampalataya para sa tanging mga larangan. Ang lahat ng ito ay bahagyang nagpapaliwanag kung bakit ang mga nangunguna sa kaisipan at iba pang tanyag na tao sa lahat ng antas ng lipunan ay muli’t muling ipinapahayag ang kanilang mataas na pagtingin, pagpapahalaga, at paghanga sa Pananampalataya, sa mga tagasunod nito, at sa kanilang mga gawain.

Sa pagbabalik-tanaw sa buong yugto ng dalawampu’t limang taon, namamangha kami sa maraming uri ng pag-unlad na sabay-sabay natamasa ng sandaigdigang Bahá’í. Ang pangkaisipang pamumuhay nito ay yumabong, na ipinakikilala hindi lamang ng mga pagsulong sa lahat ng mga larangang natalakay na, kundi ay gayundin sa dami ng mataas na uri ng literaturang inilathala ng mga manunulat na Bahá’í, ng pagbuo ng mga puwang para sa pagsasaliksik sa tanging mga pinagkakadalubhasaan kaugnay ng mga katuruan, at ng epekto ng mga seminar para sa mga undergraduate at mga graduate na masistemang inihahain ng Institute for Studies in Global Prosperity, na sa tulong ng mga institusyon ng Kapakanan ay pinaglilingkuran na ang mga kabataan mula sa mahigit 100 bansa. Ang mga pagsisikap na itayo ang mga Bahay Sambahan ay malinaw na bumilis. Ang huling Inang Templo ay itinayo sa Santiago, Chile, at ang mga proyektong itayo ang dalawang pambansa at limang lokal na mga Mashriqu’l-Adhkárs ay sinimulan; ang mga Bahay Sambahan sa Battambang, Cambodia, at sa Norte del Cauca, Colombia, ay nagbukas na ng kanilang mga pinto. Ang mga Templong Bahá’í, maging bagong bukas pa lamang o matagal nang naitayo, ay higit na nagtataglay ng puwesto sa kaibuturan ng pamumuhay ng pamayanan. Ang materyal na panustos na iniaalay ng karaniwang mga mananampalataya para sa napakaraming mga gawaing sinisikap isagawa ng mga kaibigan ng Diyos ay walang-patid. Kung titingnan lamang bilang sukatan ng sama-samang espiritwal na sigla, malaki ang sinasabi ng pagiging bukas-palad at ng pagpapakasakit sa panahon ng maraming kaguluhang pang-ekonomiya upang ang napakahalagang pagdaloy ng mga pondo ay mapanatili—hindi lamang iyon, lumakas pa. Sa larangan ng pangasiwaang Bahá’í, ang kakayahan ng mga National Spiritual Assembly upang mamahala sa mga gawain ng kanilang mga pamayanan ay lumakas nang maigi. Nakinabang sila nang husto mula sa panibagong mga rurok ng pakikipagtulungan sa mga Counsellor, na naging instrumento sa pagsasaayos ng paglikom ng malalalim na pag-unawa mula sa antas ng masa sa buong daigdig, at sa pagtiyak na ang mga ito ay malawakang naipamamahagi. Ito ay panahon din kung kailan ang mga Regional Bahá’í Council ay lumitaw bilang ganap na institusyon ng Kapakanan, at sa 230 rehiyon ngayon, ang mga Council at ang pinamamahalaan nilang mga training institute ay napatunayan ang kanilang mga sarili bilang di maaaring mawala para sa pagsulong ng proseso ng paglaki. Upang maipagpatuloy sa hinaharap ang mga tungkulin ng Punong Trustee ng Ḥuqúqu’lláh, ang Hand of the Cause of God ‘Alí-Muḥammad Varqá, itinatag ang International Board of Trustees of Ḥuqúqu’lláh noong 2005; sa kasalukuyan ay pinagtutugma-tugma nito ang mga pagsisikap na hindi bababa sa 33 National at Regional Boards of Trustees na sumasaklaw na ngayon sa buong daigdig, na sila naman ang namamatnubay sa gawain ng mahigit 1,000 Representatives. Maraming mga pag-unlad ang naganap sa Bahá’í World Centre sa panahon ding ito: masdan ang pagbubuo sa mga Terasa ng Dambana ng Báb at ng dalawang gusali sa Arko, at ang pagsisimula sa pagtatayo ng Dambana ni ‘Abdu’l-Bahá, at hindi na kailangang banggitin ang napakaraming mga proyekto para sa pagpapatibay at pangangalaga sa napakahalagang mga Banal na Lugar ng Pananampalataya. Ang Dambana ni Bahá’u’lláh at ang Dambana ng Báb ay kinilala bilang mga World Heritage site, mga pook na di-masukat ang kahalagahan para sa sangkatauhan. Dinudumog ng madla itong banal na mga lugar sa daang libong bilang, na halos umabot sa kalahating milyun sa ilang mga taon, at regular din ang malugod na pagtanggap ng World Centre sa daan-daang mga peregrino, kung minsan mahigit sa 5,000 sa isang taon, at halos ganoon din ang bilang mga Bahá’í na dumadalaw lamang; nagagalak kami kapuwa sa itinaas ng mga bilang at gayundin ng dose-dosenang magkakaibang mga sambayanan at mga bansang may mga kinatawang nakikibahagi na sa biyaya ng peregrinasyon. Ang pagsasalin, paglalathala, at pamamahagi ng mga Tekstong Banal ang lubos na pinabilis din, nang kaalinsabay ng pag-unlad ng Bahá’í Reference Library, na isa sa lubos na kahanga hangang bahagi ng lumalaking pamilya ng mga website na nauugnay sa Bahai.org, na ito mismo ay mababasa na sa sampung wika. Ang iba’t ibang mga tanggapan at mga sangay ay naitatag, na nanunungkulan sa World Centre at sa ibang mga lugar, na inatasang magbigay ng tangkilik sa proseso ng pagsisikap matuto sa namumukadkad sa maraming mga larangan ng pagsisikap sa kabuuan ng sandaigdigang Bahá’í. Ang lahat ng mga ito, mga kapatid sa pananalig, ay isang maliit na bahagi lamang ng kasaysayang maaari naming mailahad tungkol sa ibinunga ng inyong pamimintuho sa Kaniya na Siyang Pinagkasalahan ng Daigdig. Ang magagawa lang namin ay muling ulitin ang makabagbag-damdaming mga salita ng minamahal na Master, nang nagapi ng damdamin ay bumulalas Siya ng: “O Bahá’u’lláh! Ano ang Iyong ginawa?”

Mula sa tanawin ng napakahalagang ikaapat na bahagi ng isang siglo, ngayon ay idinadako natin ang ating paningin sa pinakabagong Five Year Plan, isang Planong namumukod sa alinmang nauna rito sa ilang mga paraan. Sa Planong iyon ay hinimok namin ang mga Bahá’í na gamitin ang lahat ng kanilang natutunan na loob ng nakaraang dalawampung taon at isagawa ito nang puspusan. Nagagalak kami na ang aming mga inaasam kaugnay nito ay natugunan nang labis pa, subalit samantalang natural lamang na malaki ang inaasahan namin mula sa mga tagasunod ng Pinagpalang Kagandahan, ang katangian ng natamo sa pamamagitang ng kanilang napakalaking mga pagsisikap ay tunay na kagila-gilalas. Ito ang pinakarurok ng tagumpay na binuo sa loob ng dalawampu’t-limang taon.

Ang Plano ay lalong di-malilimutan dahil sa pagkahati nito sa tatlo ng dalawang sagradong bisentenarayo, na ang bawat isa ay nagpasigla sa mga pamayanang lokal sa buong daigdig. Ipinakilala ng mga matatapat, sa isang antas na hanggang noon ay hindi pa nakikita at may bahagyang kadalian, ang kakayahang makipag-ugnay sa mga tao mula sa lahat ng bahagi ng lipunan sa pagpaparangal sa buhay ng isang Kahayagan ng Diyos. Iyon ay isang malakas na palatandaan ng isang bagay na higit na malawak: ang kakayahang padaluyin ang agos ng napakatinding mga espiritwal na lakas para sa pagsulong ng Kapakanan. Napakaganda ng tugon na sa maraming lugar ang Pananampalataya ay naitulak palabas mula sa kalagayan ng di-nakikilala sa pambansang antas. Sa mga tagpo kung saan ito ay hindi inaasahan, at maaaring hindi hinahanap, naging hayag ang mataas na kahandaang tumanggap sa Pananampalataya. Libo-libo at libo-libo at libo-libo ang natangay ng diwa ng pagsamba na sa kasalukuyan ay katangian na ng mga pamayanang Bahá’í sa lahat ng dako. Ang larawang-isip ng kung ano ang maaaring maganap sa pamamagitan ng pagdiriwang ng isang Banal na Araw ng Bahá’í ay lumawak nang husto.

Ang mga tagumpay ng Plano, sa payak na mga bilang, ay mabilis na nalampasan ang lahat ng mga Planong nauna rito mula noong 1996. Sa simula ng Planong ito, mayroon nang kakayahang magsagawa sa anumang oras ng 100,000 core activity, isang kakayahang naging bunga ng dalawampung taon ng sama-samang pagsisikap. Sa ngayon ay sabay sabay na ipinagpapatuloy ang 300,000 core activities. Ang pakikilahok sa gayong mga gawain ay lumampas na sa dalawang milyun, na iyon ay halos tatlong ulit ang pagdami. Mayroong 329 pambansa at pangrehiyong mga training institute na kumikilos, at ang kanilang kakayahan ay ipinakikilala ng katotohanang mahigit sa tatlong-ikaapat na bahagi ng isang milyung katao ay nagawang makatapos ng isang aklat man lamang ng serye; sa pangkalahatan, ang bilang ng mga kursong natapos na ng mga indibidwal ay nasa dalawang milyun na rin—isang pagtaas na labis-labis sa ikatlong bahagi sa loob ng limang taon.

Ang mas mataas na katindihan sa pagsasagawa ng mga programa ng paglaki sa buong daigdig ay nagbabahagi rin sarili nitong kahanga hangang kuwento. Sa loob nitong limang taong yugto, hiningi namin ang pagbilis ng paglaki sa bawat isa sa 5,000 cluster kung saan ito ay nagsimula na. Ang pangangailangang ito ang nagbunsod sa masinsinang pagsisikap sa buong daigdig. Bunga niyon, ang bilang ng mga intensive program of growth ay mahigit na nadoble at sa ngayon ay humigit kumulang 4,000 na. Ang mga suliranin kaugnay ng pagbubukas sa Pananampalataya ng bagong mga nayon at mga kapitbahayan sa kalagitnaan ng pandaigdigang krisis sa kalusugan, o ng pagpapalawak ng mga gawain na nasa maagang yugto pa lamang nang magsimula ang pandemya, ay pumigil sa pagkakaroon ng higit na mataas na bilang pa sa huling taon ng Plano. Gayumpaman, higit pa ang maisasaysay kaysa rito lamang. Sa simula ng Plano, ibinahagi namin ang pag-asang ang bilang ng mga cluster kung saan ang mga kaibigan ay nakalampas na sa pangatlong milestone sa nagpapatuloy na paglaki, bunga ng pagkatuto kung paano tanggapin nang malugod ang malalaking bilang sa saklaw ng kanilang mga gawain, ay madaragdagan ng ilang daan pa. Ang kabuuang bilang noon ay nasa 200, na nahahati sa 40 bansa. Pagkalipas ng limang taon, ang bilang na ito ay umabot sa kamangha-manghang 1,000 sa halos 100 bansa—na ika-apat na bahagi ng lahat ng mga intensive programmes of growth sa daigdig at isang tagumpay na labis-labis sa aming inaasahan. At gayumpaman kahit itong mga bilang ay hindi pa rin nagsisiwalat sa pinakamataas na mga rurok ng paglipad nitong pamayanan. May 30 cluster kung saan ang bilang ng mga core activity na ipinagpapatuloy ay mahigit na 1,000; sa ilang lugar ang kabuuang bilang ay ilang libo, kung saan nakikilahok ang mahigit sa 20,000 katao sa iisang cluster. Ang lumalaking bilang ng mga Local Spiritual Assembly ang namamahala na sa pamumukadkad ng mga programa ng edukasyon na pinaglilingkuran ang halos lahat ng mga bata at mga junior youth sa isang nayon; ang gayunding realidad ay nagsisimula nang lumitaw sa ilang mga kapitbahayan sa lungsod. Ang pakikipag-ugnay sa Rebelasyon ni Bahá’u’lláh, sa natatanging mga pagkakataon, ay nakalalampas sa mga indibidwal, mga pamilya at mga kaanak—ang nasasaksihan ay ang pagsulong ng buong mga populasyon tungo sa iisang sentro. Sa ilang mga pagkakataon, ang lubhang napakatagal nang mga pinag-aawayan ng magkasalungat na mga pangkat ay iniiwan na, at ang ilang mga estruktura ng lipunan at ang nagtutugunang mga puwersa nito ay nagbabago sa liwanag ng mga katuruang banal.

Hindi naming maiwasang mag-umapaw sa tuwa dahil sa ganitong kahanga-hangang mga pagsulong. Ang kapangyarihan ng Pananampalataya ni Bahá’u’lláh upang magtatag ng lipunan ay naihahayag nang may higit na linaw, at ito ay isang matibay na pundasyon kung saan itatatag ang parating na Nine Year Plan. Ang mga cluster na malinaw ang lakas, tulad ng inaasahan, ay napatunayang maging mga imbakan ng kaalaman at mga yaman para sa kanilang mga karatig. At ang mga rehiyon kung saan mayroong mahigit sa isang gayong cluster ay mas madaling napaunlad ang mga paraan upang mapabilis ang paglaki sa sunod-sunod na cluster. Gayumpaman ay kailangan namin muling bigyan-diin na ang pagsulong ay naganap sa halos lahat ng lugar; ang pagkakaiba sa pagsulong sa pagitan ng isang lugar at ng iba ay nasa antas lamang. Ang sama-samang pag unawa ng pamayanan sa proseso ng pangkat-pangkat na pagsapi at ang lakas-loob nito sa pagpapasigla ng ganitong proseso sa ilalim ng alinmang pangkat ng mga kalagayan ay umabot na sa mga antas na hindi man lamang malirip noong nakaraang mga dekada. Ang napakalalim na mga katanungang nangingibabaw sa loob ng napakahabang panahon, at nagkaroon ng malinaw na pagtutok noong 1996, ay kapani-paniwala nang natugunan ng sandaigdigang Bahá’í. Mayroong isang salinlahi ng mga mananampalatayang ang kanilang buong buhay ay nagtataglay ng tatak ng pagsulong ng pamayanan. Subalit ang napakatinding sukat ng naganap sa mga cluster na iyon kung saan ang mga hangganan ng pagsisikap matuto ay isinusulong ay ginawa ang malakihang pagsulong ng proseso ng pangkat-pangkat na pagsapi na maging isang kagila-gilalas na yugtong makasaysayan ang sukat.

Marami ang bihasa sa paghati ng Guardian sa mga Panahon ng Pananampalataya sa magkakasunod na mga epoka; ang ikalimang epoka ng Panahon ng Paghuhubog ay nagsimula noong 2001. Di-gaanong nalalaman ng karamihan na tiyakang tinukoy rin ng Guardian ang pagkakaroon ng mga epoka ang Banal na Plano, at ng mga yugto sa loob ng mga epokang iyon. Ipinagpaibang-araw sa loob ng dalawang dekada habang ang lokal at pambansang mga institusyon ng Pampangasiwaang Kaayusan ay ibinabangon pa at pinalalakas, ang Banal na Plano na binuo ni ‘Abdu’l-Bahá ay pormal na sinimulan noong 1937 sa paglunsad ng unang yugto ng unang epoka nito: ang Seven Year Plan na iniatas ng Guardian sa pamayanang Bahá’í ng Hilagang America. Ang unang epoka na ito ay nagsara sa pagwawakas ng Ten Year Crusade noong 1963, na nagbunga ng pagtirik ng bandila ng Pananampalataya sa buong daigdig. Ang pambungad na yugto ng pangalawang epoka ay ang unang Nine Year Plan, at hindi nagkukulang sa sampung Plano ang naging kasunod nito, mga Planong sumaklaw ng mula labindalawang buwan hanggang sa pitong taon. Sa pamimitak nitong pangalawang epoka, ang sandaigdigang Bahá’í na nagsisimula nang masaksihan ang pinakamaagang simula noong pangkat-pangkat na pagsapi sa Pananampalataya na nakini-kinita ng May-Akda ng Banal na Plano; sa mga dekadang sumunod, ang mga salinlahi ng debotong mga mananampalataya sa loob ng pamayanan ng Pinakadakilang Pangalan ay nagsumikap sa Banal na Ubasan upang linangin ang mga kalagayang kinakailangan para sa nagpapatuloy at malawakang paglaki. At sa maluwalhating panahon na ito ng Riḍván, napakasagana ng mga bunga ng mga pagsisikap na iyon! Ang pangyayari ng malakihang mga bilang na nagpaparami sa mga gawain ng pamayanan, nakakukuha ng isang siklab ng pananalig at mabilis na bumabangon upang maglingkod sa mismong unahan ng Plano ay lumipat na mula sa pagiging isang hula na dala-dala ng pananalig tungo sa pagiging paulit-ulit na realidad. Ang gayong napakalinaw at maipapakitang pagsulong ay kailangang tandaan sa kasaysayan ng Kapakanan. Taglay ang napakaligayang mga puso, ipinapahayag namin na nagsimula na ang pangatlong epoka ng Banal na Plano ng Master. Sa sunod-sunod na mga yugto, sa sunod-sunod na epoka, ang Kaniyang Plano ay mailaladlad, hanggang ang liwanag ng Kaharian ay tatanglaw sa bawat puso.

Minamahal na mga kaibigan, walang pagbabalik-tanaw sa limang-taong gawaing nagwakas sa pangalawang epoka ng Banal na Plano ay magiging buo kapag walang tanging pagtukoy sa mga kaguluhang sumabay sa huling taon nito at nagpapatuloy pa rin. Ang mga paghihigpit sa personal na pakikipag-ugnay na taas-baba sa karamihan ng mga bansa sa loob ng panahong ito ay maaari sanang nakapinsala nang matindi sa sama samang mga pagsisikap ng pamayanan, na mangangailangan sana ng mga taon bago makabangon muli, subalit nagkaroon ng dalawang dahilan kung bakit hindi ito ang nangyari. Una ay ang laganap na kamalayan ng mga Bahá’í sa tungkuling paglingkuran ang sangkatauhan, at lalo na sa mga panahon ng panganib at pagsubok. Ang isa pa ay ang bukod tanging pagtaas ng kakayahan sa sandaigdigang Bahá’í upang maihayag ang kamalayang iyon. Sanay na sa loob ng maraming mga taon sa paggamit ng masistemang pagkilos, ginamit ng mga kaibigan ang kanilang pagiging mapaglikha at ang kamalayan sa layunin sa pagharap sa di-inaasahang krisis, samantalang tinitiyak na ang bagong mga kaparaanang nililikha nila ay angkop sa balangkas na pinagsikapan nilang gawing ganap sa loob ng sunod sunod na mga Plano. Hindi nito binabale-wala ang malalang mga paghihirap na dinaranas ng mga Bahá’í, na tulad din ng kanilang mga kababayan sa lahat ng lupain; subalit sa kahabaan ng matinding mga suliranin, ang mga mananampalataya ay nanatiling nakatutok. Ang mga yaman ay pinadaloy sa mga pamayanang nangangailangan, ang mga halalan ay itinuloy sa lahat ng lugar na maaari, at sa lahat ng mga kalagayan ang mga institusyon ng Kapakanan ay nagpatuloy sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin. Nagkaroon pa nga ng matapang na pasulong na mga hakbang. Ang National Spiritual Assembly of São Tomé and Príncipe ay muling itatatag sa Riḍván na ito, at ang dalawang bagong haligi ng Universal House of Justice ay ibabangon: ang National Spiritual Assembly ng Croatia, na ang luklukan ay sa Zagreb, at ang National Spiritual Assembly ng Timor-Leste, na ang luklukan ay sa Dili.

At sa gayon ang One Year Plan ay nagsisimula. Ang layunin at mga pangangailangan nito ay naitakda na sa aming mensaheng ipinadala sa Araw ng Kasunduan; ang Planong ito, bagaman maikli, ay sapat na upang ihanda ang sandaigdigang Bahá’í para sa susunod na Nine Year Plan. Ang isang panahon ng may namumukod na bisa, na nagbukas ng isandaang taon pagkalipas ng pagpapahayag sa mga Tableta ng Banal na Plano, di-magtatagal ay magwawakas na sa sentenaryo ng Pagpanaw ni ‘Abdu’l-Bahá, na magtatanda sa wakas ng unang siglo ng Panahon ng Paghuhubog at sa simula ng pangalawa. Ang kalipunan ng matatapat ay pumapasok sa bagong Plano na ito sa isang panahon kung kailan ang sangkatauhan, na itinutuwid ng pagkalantad sa kahinaan nito, ay waring higit na mayroong kamalayan sa pangangailangan ng pakikipagtulungan upang maharap ang mga hamong pandaigdig. Gayumpaman, ang nananatili pa ring mga kaugalian ng pakikipagpaligsahan, pagkamakasarili, pagkiling, at saradong isipan ay patuloy na sumasagabal sa pagsulong tungo sa pagkakaisa, sa kabila ng lumalaking mga bilang sa lipunan na nagpapakita sa pamamagitan ng mga salita at mga gawa kung paanong sila rin ay nananabik sa higit na malaking pagtanggap sa likas na kaisahan ng sangkatauhan. Ipinagdarasal namin na magtagumpay ang pamilya ng mga bansa sa pagsasaisantabi ng mga sigalot nito alang-alang sa mga kapakanan ng ikabubuti ng lahat. Sa kabila ng mga kawalan ng katiyakan sa hinaharap na mga buwan, sumasamo kami kay Bahá’u’lláh na gawing higit pang masagana ang mga pagpapatibay na tumutustos sa Kaniyang mga tagasunod sa loob ng napakahabang panahon, na kayo ay dalhin pasulong sa inyong misyon nang hindi naliligalig ang inyong katiwasayan ng kaguluhan ng isang daigdig na lalo pang mahigpit ang pangangailangan sa Kaniyang nakapagpapagaling na mensahe.

Ang Banal na Plano ay pumapasok sa panibagong epoka at panibagong yugto.

Ang pahina ay inilipat na.

 

Windows / Mac