Return   Facebook   Zip File

LAWḤ-I-KARMIL: Tableta ng Carmel

Lahat ng kaluwalhatian ay mapasa-Araw na ito, ang Araw nang ang mga halimuyak ng kahabagan ay nasamyo ng lahat ng nilikhang bagay, isang Araw na lubhang pinagpala na ang nakaraang mga panahon at mga siglo ay hindi kailanman makaaasang mapapantayan ito, ang Araw na ang mukha ng Napakatanda ng Mga Araw ay ibinaling sa Kaniyang banal na luklukan. Kapagdaka ang mga tinig ng lahat ng nilikhang bagay, at sa ibayo nila yaong mga tinig ng Kalipunan sa Kaitaasan, ay narinig na nananawagan nang malakas: ‘Magmadali ka, O Carmel, dahil masdan, ang liwanag ng mukha ng Diyos, ang Hari ng Kaharian ng mga Pangalan at ang Maygawa ng mga kalangitan, ay sumikat na sa iyo.’

Sakmal ng mga silakbo ng kagalakan, at pinalalakas ang kaniyang tinig, siya sa gayo’y bumulalas: ‘Harinawang maging alay sa Iyo ang aking buhay, yamang Iyong itinuon sa akin ang Iyong paningin, ipinagkaloob sa akin ang Iyong biyaya at idinako sa akin ang Iyong mga hakbang. Ang pagkawalay sa Iyo, O Ikaw na Pinagmumulan ng walang-hanggang buhay, ay halos pumuksa sa akin, at ang pagkalayo sa Iyong kinaroroonan ay halos tumupok sa aking kaluluwa. Lahat ng papuri ay mapasa-Iyo dahil sa tinulutan ako na magawang marinig ang Iyong panawagan, dahil sa pagpaparangal sa akin sa pamamagitan ng Iyong mga yapak, at dahil sa pagbibigay-sigla sa aking kaluluwa sa pamamagitan ng nakapagpapalakas na halimuyak ng Iyong Araw at ng matinis na tinig ng Iyong Panulat, isang tinig na Iyong itinadhanang maging tunog ng pakakak sa Iyong mga tao. At kapag ang oras na ang Iyong di-mapipigilang Pananampalataya ay gagawing mahayag ay sumapit, Iyong inihinga ang isang hinga ng Iyong espiritu sa Iyong Panulat, at masdan, ang buong nilikha ay nayanig sa mga pinakasaligan nito, ibinubunyag sa sangkatauhan ang gayong mga kahiwagaang natatago sa mga ingatang-yaman Niya Na May-ari ng lahat ng nilikhang bagay.’

Hindi pa nalalaunang nakaabot ang kaniyang tinig sa pinakadakilang Pook na iyon nang Kami’y tumugon: ‘Magpasalamat sa iyong Panginoon, O Carmel. Ang apoy ng iyong pagkawalay sa Akin ay mabilis na tumutupok sa iyo, nang ang karagatan ng Aking kinaroroonan ay dumaluyong sa harap ng iyong mukha, pinagagalak ang iyong mga mata at ng lahat ng nilikha, at pinupuspos ng masidhing kaluguran ang lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita. Magsaya, sapagkat itinatag ng Diyos sa iyo sa Araw na ito ang Kaniyang trono, ika’y ginawang pook ng bukang-liwayway ng Kaniyang mga palatandaan at panimulang-bukal ng Kaniyang Rebelasyon. Mapalad siyang umiikot sa paligid mo, na ipinatatalastas ang paghahayag ng iyong luwalhati, at isinasalaysay yaong biyayang iniulan sa iyo ng Panginoon na iyong Diyos. Sunggaban mo ang Kalis ng Kawalang-kamatayan sa ngalan ng iyong Panginoon, ang Maluwalhati sa Lahat, at magpasalamat sa Kaniya, yayamang ginawa Niya, bilang palatandaan ng Kaniyang habag sa iyo, na maging kaligayahan ang iyong kalungkutan, at pinagbagong-anyo ang iyong pighati na maging napakasayang kagalakan. Sa katunayan, minamahal Niya ang pook na ginawang luklukan ng Kaniyang trono, na niyapakan ng Kaniyang mga paa, na pinarangalan ng Kaniyang pagiging naroroon, na kung saan ay pinalakas Niya ang Kaniyang panawagan, at kung saan tumulo ang Kaniyang mga luha.

‘Manawagan sa Zion, O Carmel, at ipahayag ang masayang balita: Siyang natatago sa mga mata ng tao ay dumating na! Ang Kaniyang nakalulupig-sa-lahat na kapangyarihan ay nahayag na; ang Kaniyang nakasasakop-sa lahat na kaluwalhatian ay nabunyag na. Mag-ingat upang ika’y hindi mag-atubili o huminto. Magmadaling tumungo at umikot sa Lunsod ng Diyos na bumaba mula sa kalangitan, ang makalangit na Kaaba na sa paligid nito ay umikot sa pagsamba ang mga itinangi ng Diyos, ang mga dalisay ang puso, at ang kalipunan ng pinakadakilang mga anghel. O, gaano ko pinananabikang ipahayag sa bawat pook sa balat ng lupa at ihatid sa bawat lunsod nito ang masayang balita ng Rebelasyong ito—isang Rebelasyong nakaakit sa puso ng Sinai, at sa ngalan nito ang Nag-aapoy na Palumpong ay nananawagan: “Ang pagmamay-ari ng mga kaharian ng kalupaan at kalangitan ay sa Diyos, ang Panginoon ng Mga Panginoon.” Sa katunayan ito ang Araw ng pagdiriwang na kapuwa ang kalupaan at karagatan ay nagagalak sa pagpapahayag na ito, ang Araw na inilaan ang mga bagay na itinadhana ng Diyos, sa pamamagitan ng biyayang di-maaabot ng isipan o puso ng tao. Hindi magtatagal at palalayagin ng Diyos ang Kaniyang Arko sa iyo, at ipakikita ang mga tao ng Bahá na binanggit sa Aklat ng mga Pangalan.’

Napakabanal ang Panginoon ng sangkatauhan na, sa pagbanggit sa Kaniyang pangalan ang lahat ng atomo sa daigdig ay nagawang manginig, at ang Dila ng Karingalan ay napukaw upang ipahayag yaong nababalot sa Kaniyang kaalaman at natatago sa ingatang-yaman ng Kaniyang kapangyarihan. Siya, sa katunayan, sa pamamagitan ng malakas na bisa ng Kaniyang pangalan, ang Makapang-yarihan, ang Malakas sa Lahat, ang Pinakamataas, ay ang hari ng lahat ng nasa mga kalangitan at ng lahat ng nasa kalupaan.

LAWḤ-I-AQDAS: Ang Pinakabanal na Tableta

Ito ang Pinakabanal na Tabletang ipinadala mula sa banal na kaharian para sa kaniya na nagbaling ng kaniyang mukha sa Pakay ng pagsamba ng daigdig, Siyang nagbuhat mula sa kalangitan ng kawalang-hanggan, na pinagkalooban ng nangingibabaw na kaluwalhatian

Sa ngalan ng Panginoon, ang Panginoon ng dakilang kaluwalhatian.

Ito’y isang Epistola buhat sa Aming kinaroroonan para sa kaniya na hindi napigilan ng mga lambong ng mga pangalan mula sa paglapit sa Diyos, ang Maylikha ng lupa at langit, upang maligayahan ang kaniyang mga mata sa araw ng kaniyang Panginoon, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

Sabihin, O mga sumusunod sa Anak! Tinalikuran ba ninyo Ako dahil sa Aking Pangalan? Bakit hindi kayo nagninilay-nilay sa inyong mga puso? Araw at gabi kayong nananawagan sa inyong Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat, ngunit nang dumating Siya mula sa kalangitan ng kawalang-hanggan sa Kaniyang pinakadakilang kaluwalhatian, tinalikuran ninyo Siya at nanatiling nakalugmok sa kapabayaan.

Pag-isipan yaong mga hindi tinanggap ang Espiritu1 nang dumating Siya sa kanila nang may maliwanag na kapangyarihan. Gaano karami ang mga Pariseo na nagkulong sa kani-kanilang mga simbahan sa ngalan Niya, namimighati sa pagkawalay nila sa Kaniya, ngunit nang bumukas ang mga pinto ng muling-pagsasama at ang banal na Liwanag ay nagningning mula sa Panimulang-bukal ng Kagandahan, hindi sila naniwala sa Diyos, ang Dakila, ang Makapang¬yarihan. Nabigo silang makarating sa Kaniyang kinaroroonan, sa kabila ng ang Kaniyang pagdating ay ipinangako sa kanila sa Aklat ni Isaias at sa mga Aklat ng mga Propeta at mga Sugo. Wala ni isa man sa kanila ang nagbaling ng kaniyang mukha sa Panimulang-bukal ng makalangit na biyaya maliban lamang sa gayong mga táong salat sa anumang kapangyarihan. Ngunit sa araw na ito, ang bawat táong binigyan ng kapangyarihan at pinagkalooban ng pamumuno ay ipinagmamalaki ang Kaniyang Pangalan. Bukod dito, alalahanin ang naghatol kay Hesus ng kamatayan. Siya ang pinakamarunong sa kapanahunan niya sa sarili niyang bansa, habang siyang hamak na mangingisda lamang ay naniwala sa Kaniya. Unawain ito nang mabuti at mabilang sa mga nakikinig sa babala.

Isipin din kung gaano karami sa panahong ito ang mga mongheng nagtatago sa kani-kanilang mga simbahan, nananawagan sa Espiritu, ngunit nang magpakita Siya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Katotohanan, nabigo silang lumapit sa Kaniya at nabilang sila sa mga lubhang naligaw ng landas. Mapalad silang mga lumisan at ibinaling ang kanilang mga mukha sa Kaniya Na Hangarin ng lahat ng nasa mga kalangitan at ng lahat ng nasa kalupaan.

Binabasa nila ang Ebanghelyo at gayumpama’y tumangging kilalanin nila ang Panginoon na Maluwalhati sa Lahat, sa kabila ng pagdating Niya sa pamamagitan ng bisa ng Kaniyang dakila, ng Kaniyang napakalakas at mapagmahal na kapangyarihan. Kami, sa katotohanan, ay dumating alang-alang sa inyong kapakanan, at pinasan ang mga kasawian ng daigdig alang-alang sa inyong kaligtasan. Lalayuan ba ninyo Siyang nag-alay ng Kaniyang buhay upang kayo’y mabuhay? Matakot sa Diyos, O mga sumusunod sa Espiritu, at huwag sundan ang mga yapak ng bawat teologo na lubhang naligaw ng landas. Sa palagay ba ninyo’y hinahangad Niya ang sarili Niyang kapakinabangan, samantalang sa lahat ng oras Siya’y pinagbabantaan ng mga espada ng mga kaaway; o kaya’y hinahangad Niya ang mga karangyaan ng daigdig, pagkatapos Niyang mabilanggo sa pinakamapanglaw na lunsod? Maging makatarungan sa inyong paghatol at huwag sumunod sa mga yapak ng di-makatarungan.

Buksan ang mga pinto ng inyong mga puso. Siya Na Espiritu sa katunayan ay nakatayo sa harap nila. Sa anong dahilan ninyo itinaboy Siyang naglalayong ilapit kayo sa Nagniningning na Pook? Sabihin: Kami, sa katotohanan, ang nagbukas para sa inyo ng mga pinto ng Kaharian. Ipipinid ba ninyo ang mga pinto ng inyong mga tahanan sa Aking mukha? Ito’y tunay na walang iba kundi isang malubhang pagkakamali. Siya, sa katunayan, ay muling bumaba mula sa langit, tulad ng pagbaba Niya mula roon sa unang pagkakataon. Mag-ingat na baka tutulan ninyo ang Kaniyang ipinahayag, tulad ng pagtutol sa Kaniyang mga salita ng mga táong nauna sa inyo. Ganito ang iniatas sa inyo Niyang Tunay, kung nauunawaan lamang ninyo ito.

Ang ilog Jordan ay nakarugtong sa Pinakadakilang Karagatan, at ang Anak, na nasa banal na lambak, ay nananawagan: ‘Naririto ako, naririto ako, O Panginoon aking Diyos!’, habang ang Sinai ay umiikot sa paligid ng Tahanan, at ang Nag-aapoy na Palumpong ay nagwiwika ng: ‘Siyang Hinahangad ay dumating sa Kaniyang nangingibabaw na karingalan.’ Sabihin, Masdan! Ang Ama ay dumating na, at yaong ipinangako sa inyo sa Kaharian ay natupad na! Ito ang Salitang itinago ng Anak, nang sabihin Niya sa mga nakapaligid sa Kaniya na: ‘Hindi ninyo ito mababata ngayon.’ At nang ang takdang panahon ay natupad at sumapit ang Oras, sumikat ang Salita sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng Kalooban ng Diyos. Mag-ingat, O mga sumusunod sa Anak, na hindi ninyo itapon ito sa inyong mga likuran. Mangapit nang mahigpit dito. Higit na makabubuti ito sa inyo kaysa sa lahat ng mga pag-aari ninyo. Sa katunayan Siya’y malapit sa kanila na mga gumagawa ng mabuti. Naganap na ang Oras na Aming inilihim mula sa kaalaman ng lahat ng mga tao ng daigdig at ng mga pinagpalang anghel. Sabihin, sa katunayan Siya’y sumaksi sa Akin, at Ako’y sumasaksi sa Kaniya. Tunay, walang sinuman ang Kaniyang nilayon liban sa Akin. Dito’y sumasaksi ang bawat makatarungan at nakauunawang kaluluwa.

Bagaman napaliligiran ng di-mabilang na paghihirap, tinatawagan Namin ang mga tao tungo sa Diyos, ang Panginoon ng mga pangalan. Sabihin, sikapin ninyong makamtan yaong mga ipinangako sa inyo sa mga Aklat ng Diyos, at huwag tahakin ang landas ng kamangmangan. Ang Aking katawan ay nagtiis ng pagkabilanggo upang sa ganoo’y makalaya kayo sa bilangguan ng sarili. Ibaling ang inyong mga mukha sa Kaniyang mukha at huwag sumunod sa mga yapak ng bawat napopoot na maniniil. Tunay na pumayag Siya na hamakin nang lubos upang sa ganoo’y matamo ninyo ang kaluwalhatian, at sa kabila nito ay patuloy pa rin kayong nagpapasasa sa lambak ng kapabayaan. Siya, sa katotohanan, ay naninirahan sa pinakamapanglaw na mga tirahan alang-alang sa inyo, habang kayo’y naninirahan sa inyong mga palasyo.

Sabihin, hindi ba ninyo narinig ang Tinig ng Tagapagbalita, malakas na nananawagan sa kaparangan ng Bayán, inihahatid sa inyo ang masayang balita ng pagdating ng inyong Panginoon, ang Mahabagin sa Lahat? Masdan! Siya’y dumating sa nanganganlong na lilim ng Pagpapatunay, pinagkalooban ng kapani-paniwalang katibayan at katunayan, at ang mga tunay na naniniwala sa Kaniya ay itinuring na ang Kaniyang pagdating ay ang larawan ng Kaharian ng Diyos. Pinagpala ang táong bumaling sa Kaniya at pighati ang sasapit sa mga tumatanggi o nag-aalinlangan sa Kaniya.

Ipahayag ninyo sa mga pari: Masdan! Siya Na Hari ay dumating na. Lumabas sa likod ng lambong sa ngalan ng inyong Panginoon, Siya Na nagpayuko sa mga ulo ng lahat ng tao. Ipahayag kung gayon sa buong sangkatauhan ang masayang balita nitong makapangyarihan, nitong maluwalha¬ting Rebelasyon. Tunay na Siyang Espiritu ng Katotohanan ay dumating upang patnubayan kayo sa buong katotohanan. Hindi Siya nagsasalita nang ayon sa udyok ng Kaniyang sarili, kundi yaong naaayon sa utos Niyang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat.

Sabihin, ito Siyang niluwalhati ang Anak at dinakila ang Kaniyang Kapakanan. Itapon, O mga tao ng kalupaan, yaong nasa sa inyo at mangapit nang mahigpit doon sa mga iniutos sa inyo ng Makapangyarihan sa Lahat, Siyang Nagtataglay ng Tiwala ng Diyos. Linisin ang inyong mga tainga at ituon ang inyong mga puso sa Kaniya upang marinig ninyo ang kahanga-hangang Panawagan na pinalakas mula sa Sinai, ang tahanan ng inyong Panginoon, ang Pinakamaluwalhati. Ito, sa katotohanan, ang maglalapit sa inyo sa Pook na kung saan ay inyong makikita ang kaningningan ng liwanag ng Kaniyang mukhang sumisikat sa ibabaw nitong makinang na Sugpungang-guhit.

O kalipunan ng mga pari! Iwanan ang mga kampana, at lumabas, kung gayon, mula sa inyong mga simbahan. Nararapat sa inyo, sa araw na ito, na ipahayag nang malakas sa mga bansa ang Pinakadakilang Pangalan. Nanaisin ba ninyong manahimik, habang ang bawat bato at ang bawat punongkahoy ay sumisigaw ng: ‘Ang Panginoon ay dumating na sa Kaniyang dakilang kaluwalhatian!’? Mapalad ang táong nagmadaling nagtungo sa Kaniya. Sa katunayan siya’y nabibilang sa kanila na ang mga pangalan ay walang-hanggang itatala at babanggitin ng Kalipunan sa Kaitaasan. Ganiyan ang itinakda ng Espiritu sa kamangha-manghang Tabletang ito. Siya na nananawagan sa mga tao sa Aking ngalan, sa katotohanan, ay buhat sa Akin, at ipakikita niya yaong hindi maaabot ng kapangyarihan ng lahat ng nasa kalupaan. Sundan ninyo ang Landas ng Panginoon at huwag taluntunin ang mga bakas ng mga nalubog sa kapabayaan. Pinagpala ang nahihimbing na napukaw ng Simoy ng Diyos at nagbangon mula roon sa mga patay, na idinadako ang kaniyang mga hakbang sa Landas ng Panginoon. Sa katunayan ang gayong tao ay itinuturing, sa mata ng Diyos, Siyang Tunay, bilang hiyas sa mga tao at nabibilang sa mga maligayang-maligaya.

Sabihin: Sa Silangan ang liwanag ng Kaniyang Rebe¬las¬yon ay sumikat na; sa Kanluran ang mga palatandaan ng Kaniyang kapangyarihan ay lumitaw na. Nilay-nilayin ito sa inyong mga puso, O mga tao, at huwag maging yaong nagbaling ng binging tainga sa mga babala Niya Na Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinupuri sa Lahat. Tulutang gisingin kayo ng Simoy ng Diyos. Sa katunayan, ito’y sumimoy sa buong daigdig. Pinagpala siyang nakatuklas sa halimuyak nito at nabilang doon sa mga lubos na nakatitiyak.

O kalipunan ng mga obispo! Kayo ang mga bituin sa kalangitan ng Aking kaalaman. Ang Aking habag ay hindi hinahangad na kayo’y mahulog sa lupa. Gayumpaman, ipinahahayag ng Aking katarungan na: ‘Ito yaong iniatas ng Anak.’ At anuman ang nagmula sa Kaniyang walang-kasalanan, sa Kaniyang nagsasabi-ng-katotohanan, at mapag¬ka¬katiwalaang bibig, ay hindi mababago magpa¬kailan¬man. Ang mga kampana, sa katunayan, ay rumerepeke sa Aking Pangalan, at naghihinagpis para sa Akin, ngunit ang Aking Espiritu ay nagsasaya nang may maliwanag na kaligayahan. Ang katawan Niya na Minamahal ay pinananabikan ang krus, at ang Kaniyang ulo ay nasasabik sa sibat, sa landas ng Mahabagin sa Lahat. Ang pangingibabaw ng maniniil ay hindi makapipigil sa Kaniya mula sa Kaniyang layunin. Tinawagan Namin ang lahat ng nilikhang bagay upang makarating sa kinaroroonan ng inyong Panginoon, ang Hari ng lahat ng mga pangalan. Pinagpala ang táong nagbaling ng kaniyang mukha sa Diyos, ang Panginoon ng Araw ng Pagtutuos.

O kalipunan ng mga monghe! Kung pipiliin ninyong sumunod sa Akin, gagawin Ko kayong mga tagapagmana ng Aking Kaharian; at kung lalabagin ninyo Ako, sa Aking mahabang-pagpapakasakit, ay Aking buong tiyaga na pagti¬tiisan ito, at Ako, sa katunayan, ang Laging-Nagpapatawad, ang Mahabagin sa Lahat.

O bansa ng Syria! Ano’ng nangyari sa iyong pagka¬makatwiran? Ikaw, sa katotohanan, ay dinakila sa pamamagitan ng mga yapak ng iyong Panginoon. Nalanghap mo ba ang halimuyak ng makalangit na muling-pagsasama, o ikaw ba’y mabibilang sa mga pabaya?

Ang Bethlehem ay napukaw sa Simoy ng Diyos. Narinig Namin ang kaniyang tinig na nagwiwika ng: ‘O pinakamagandang-loob na Panginoon! Saan naitatag ang Iyong dakilang kaluwalhatian? Ang mababangong halimuyak ng Iyong pagkaharap ay nagbigay-buhay sa akin, pagkatapos kong matunaw dahil sa pagkawalay sa Iyo. Purihin Ka nawa dahil Iyong inalis ang mga lambong at dumating nang may kapangyarihan sa maliwanag na kaluwalhatian.’ Tinawagan Namin siya mula sa likod ng Tabernakulo ng Kamaharlikahan at Karingalan: ‘O Bethlehem! Ang Liwanag na ito ay sumikat sa silangan at naglakbay patungo sa kanluran, hanggang sa dumating ito sa iyo sa takipsilim ng buhay nito. Sabihin sa Akin, kung gayon: Kinikilala ba ng mga anak ang Ama at tinatanggap ba Siya, o itinatakwil Siya, tulad din ng pagtatakwil ng mga tao ng nakaraan sa Kaniya (Hesus)?’ Kapagdaka’y tumugon siya nang malakas at sinabing: ‘Ikaw, sa katotohanan, ang Nakababatid ng Lahat, ang Pinakamarunong.’ Tunay na nakikita Namin ang lahat ng nilikhang bagay na napukaw upang sumaksi sa Amin. Ang iba’y nakakilala sa Amin at sumasaksi, samantalang ang karamiha’y sumasaksi ngunit hindi Kami nakikilala.

Ang Bundok ng Sinai ay nagising ng naliligayahang mamasdan ang Aming mukha. Pinalakas niya ang kaniyang nakabibighaning tinig sa pagpuri sa kaniyang Panginoon, sinasabing: ‘O Panginoon! Nalalanghap ko ang halimuyak ng Iyong kasuotan. Sa pakiwari ko Ika’y malapit, taglay ang mga palatandaan ng Diyos. Iyong ginawang dakila ang mga pook na ito sa pamamagitan ng Iyong mga yapak. Napakalaki ng pagpapala ng Iyong mga tao, kung Ika’y makikilala lamang nila at malalanghap ang Iyong mabangong halimuyak; at pighati ang sasapitin nilang mga natutulog nang mahimbing.’

Maligaya kang nagbaling ng iyong mukha sa Aking mukha, dahil inalis mo ang mga lambong, winasak ang mga diyus-diyusan at kinilala ang iyong walang-hanggang Panginoon. Ang mga tao ng Qur’án ay nagsibangon laban sa Amin nang walang maliwanag na katibayan o katunayan, sa bawat sandali’y pinarurusahan Kami ng panibagong kaparusahan. Walang-saysay ang kanilang pag-aakala na ang mga pagpapahirap ay makabibigo sa Aming Layunin. Tunay na walang-kabuluhan ang inaakala nila. Sa katunayan ang iyong Panginoon ay ang Siyang nagtatadhana ng anumang ninanais Niya.

Hindi pa Ako dumaan sa tabi ng punongkahoy nang hindi ito sinasabihan ng Aking puso: ‘O kung ikaw sana’y puputulin alang-alang sa Aking pangalan, at ang Aking katawan ay ipapako sa iyo.’ Ipinahayag Namin ang sipìng ito sa Epistola sa Sháh upang ito’y maging babala sa mga tagasunod ng mga relihiyon. Tunay na ang iyong Panginoon ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat.

Huwag tulutang makalungkot sa iyo ang mga bagay na kanilang ginawa. Sa katotohanan sila’y tulad ng patay, at hindi nabubuhay. Iwanan sila sa patay, at pagkatapos ay ibaling ang iyong mukha sa Kaniya Na Nagbibigay ng buhay sa daigdig. Mag-ingat na baka ang mga sinasabi ng mga pabaya ay iyong ikalungkot. Maging matatag ka sa Kapakanan, at turuan ang mga tao nang may sukdulang karunungan. Ganito ang iniuutos sa iyo ng Namumuno sa kalupaan at kalangitan. Siya, sa katunayan, ang Makapang¬yarihan sa Lahat, ang Pinakabukas-palad. Hindi magtatagal at dadakilain ng Diyos ang iyong alaala at iuukit ng Panulat ng Kaluwalhatian yaong iyong binigkas alang-alang sa Kaniyang pag-ibig. Siya, sa katunayan, ang Tagapag¬sanggalang ng mga gumagawa ng kabutihan.

Ipaabot ang Aking alaala sa kaniya na pinangalanang Murád at sabihin: ‘Pinagpala ka, O Murád, dahil itinakwil mo ang mga udyok ng iyong sariling pagnanasa at sumunod sa Kaniya Na Hangarin ng buong sangkatauhan.’

Sabihin: Pinagpala ang natutulog na ginising ng Aking Simoy. Pinagpala ang walang-buhay na sumigla sa pamamagitan ng Aking nagbibigay-buhay na mga hininga. Pinagpala ang mata na sumaya sa pagtingin sa Aking kagandahan. Pinagpala ang manlalakbay na idinako ang kaniyang mga hakbang tungo sa Tabernakulo ng Aking kaluwalhatian at kamaharlikaan. Pinagpala ang nagdurusa na humanap ng kanlungan sa lilim ng Aking palyo. Pinagpala ang uhaw na uhaw na nagmadaling nagtungo sa mga mahinay na daloy ng tubig ng Aking mapagmahal na kagandahang-loob. Pinagpala ang walang-kasiyahang kaluluwa na itinapon ang kaniyang makasariling mga hangarin dahil sa pagmamahal sa Akin at kinuha ang kaniyang luklukan sa hapag-kainan na Aking ipinadala mula sa kalangitan ng banal na pagpapala para sa Aking mga hinirang. Pinagpala ang hamak na nangapit nang mahigpit sa kordon ng Aking kaluwalhatian; at ang nangangailangang pumasok sa ilalim ng lilim ng Tabernakulo ng Aking kayamanan. Pinagpala ang mangmang na naghananap sa bukal ng Aking kaalaman; at ang pabayang nangapit sa kordon ng Aking alaala. Pinagpala ang kaluluwang binuhay ng Aking nagbibigay-siglang hininga at nakapasok sa Aking makalangit na Kaharian. Pinagpala ang táong pinukaw ng mababangong halimuyak ng muling pakikisama sa Akin at naging dahilan ng paglapit sa Panimulang-bukal ng Aking Rebelasyon. Pinagpala ang taingang nakarinig at ang dilang naging saksi at ang matang nakakita at nakakilala sa Panginoon Mismo, sa Kaniyang dakilang kaluwalhatian at kamaharlikaan, na pinagkalooban ng karingalan at kapangyarihan. Pinagpala sila na mga nakarating sa Kaniyang kinaroroonan. Pinagpala ang táong humanap ng kaliwanagan mula sa Araw-bituin ng Aking Salita. Pinagpala siyang pinutungan ang kaniyang ulo ng korona ng Aking pag-ibig. Pinagpala siyang nakarinig sa Aking pighati at nagbangon upang tulungan Ako sa Aking mga tao. Pinagpala siyang inihain ang kaniyang buhay sa Aking landas at dumanas ng napakaraming paghihirap alang-alang sa Aking pangalan. Pinagpala ang tao na, nang nakatitiyak sa Aking salita, ay nagbangon mula roon sa mga patay upang ipagbunyi ang papuri sa Akin. Pinagpala siyang nabighani sa Aking kamangha-manghang mga himig at winasak ang mga lambong sa pamamagitan ng lakas ng Aking kapangyarihan. Pinagpala siyang nanatiling tapat sa Aking Banal na Kasunduan, at siyang di-napigilan ng lahat ng bagay ng daigdig upang marating ang Aking Bulwagan ng kabanalan. Pinagpala ang táong itiniwalag ang kaniyang sarili sa lahat liban sa Akin, pumailanlang sa papawirin ng Aking pag-ibig, nakapasok sa Aking Kaharian, namasdan ang Aking mga kaharian ng kaluwalhatian, lubos na uminom mula sa nakabubuhay na mga tubig ng Aking pagpapala, ininom ang kaniyang bahagi mula sa makalangit na mga ilog ng Aking mapagmahal na kalooban, inalam ang Aking Kapakanan, nabatid yaong Aking itinago sa ingatang-yaman ng Aking mga Salita, na sumikat mula sa sugpungang-guhit ng banal na kaalaman habang abala sa Aking papuri at pagluwalhati. Sa katunayan siya’y mula sa Akin. Mapasakaniya ang Aking habag, ang Aking mapag¬mahal na kagandahang-loob, ang Aking biyaya at ang Aking luwalhati.

BISHÁRÁT: Masayang Balita

Ito ang Panawagan ng Maluwalhati sa Lahat na ipinahayag mula sa Kataas-taasang Sugpungang-guhit sa Bilangguan ng ‘AkkáSiya ang Nagpapaliwanag, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Nakababatid ng Lahat.

Ang Diyos, Siyang Tunay, ay nagpapatunay at ang mga Tagapagpahayag ng Kaniyang mga pangalan at mga katangian ay sumasaksi na ang Aming tanging layunin sa pagpapalakas ng Panawagang ito at sa paghahayag ng Kaniyang pinakadakilang Salita ay upang ang tainga ng buong nilikha, sa pamamagitan ng mga nakabubuhay na tubig ng banal na pananalita, ay maging malinis mula sa mga kasinungalingan at magkaroon ng kakayahang makinig sa banal, sa maluwalhati at dakilang Salita na lumabas mula sa repositoryo ng kaalaman ng Maygawa ng mga Kalangitan at Maylikha ng mga Pangalan. Maligaya sila na humatol nang makatarungan.

O mga tao ng daigdig!

Ang unang Masayang Balita

na ipinagkaloob ng Inang Aklat sa Pinakadakilang Rebelasyong ito para sa lahat ng mga tao ng daigdig ay yaong batas na mapawi ang panrelihiyong digmaan mula sa Aklat. Luwalhatiin ang Mahabagin sa Lahat, ang Panginoon ng masaganang pagpapala, na sa pamamagitan Niya ang pinto ng makalangit na biyaya ay binuksan sa harap ng lahat ng nasa langit at ng nasa lupa.

Ang ikalawang Masayang Balita

Pinahihintulutan ang mga tao at mga kaanak ng daigdig na makisama sa isa’t isa nang may kagalakan at kaning-ningan. O mga tao! Makisama sa mga tagasunod ng lahat ng mga relihiyon sa espiritu ng pakikipagkaibigan at mabuting pakikisama. Kaya ang araw-bituin ng Kaniyang kapahintulutan at kapangyarihan ay nagliwanag sa itaas ng sugpungang-guhit ng utos ng Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig.

Ang ikatlong Masayang Balita

ay tungkol sa pag-aaral ng iba’t ibang mga wika. Ang utos na ito ay dati nang dumaloy mula sa Panulat ng Pinaka-mataas: Nararapat sa mga pinuno ng daigdig—nawa’y tulungan sila ng Diyos—o ang mga pangkagawarang kinatawan ng daigdig na sama-samang magsanggunian at pagtibayin ang isa sa ginagamit na mga wika o isang bagong wika na dapat ituturo sa mga bata sa mga paaralan sa buong daigdig, at gayundin ang isang anyo ng pagsulat. Sa pamamagitan nito ang buong daigdig ay maituturing na isang bansa. Mabuti para sa kaniya na nakinig sa Kaniyang Panawagan at sinunod yaong iniutos sa kaniya ng Diyos, ang Panginoon ng Makapangyarihang Trono.

Ang ikaapat na Masayang Balita

Kung ang sinuman sa mga hari—harinawang tulungan sila ng Diyos—ang magbangon upang ipagtanggol at tulungan ang pinagmamalupitang mga táong ito, lahat ay dapat magpaligsahan sa isa’t isa sa pagmamahal at pagli-lingkod sa kaniya. Ang bagay na ito ay tungkulin ng bawat isa. Mabuti para sa kanila na kumilos nang naaayon.

Ang ikalimang Masayang Balita

Sa bawat bansang nananahan ang sinuman sa mga táong ito, nararapat nilang pakitunguhan ang pamahalaan ng bansang iyon nang may katapatan, pagkamatapat at pagkamakatotohanan. Ito yaong ipinahayag sang-ayon sa utos Niyang Nagtatadhana, ang Napakatanda ng Mga Araw.

Ito’y paiiralin at tungkulin ng mga tao ng daigdig, bawat isa at ng lahat, ang magbigay ng tulong sa napaka¬halagang Kapakanang ito na dumating mula sa kalangitan ng Kalooban ng kailanma’y walang-maliw na Diyos, na baka sakaling mapawi ang apoy ng pagkapoot na nagla¬lagablab sa mga puso ng ilan sa mga tao ng daigdig, sa pamamagitan ng nakabubuhay na mga tubig ng banal na karunungan at dahil sa kapangyarihan ng makalangit na mga payo at mga tagubilin, ay masugpo, at ang liwanag ng pagkakaisa at pagkakasundo ay sumikat at isabog ang ningning nito sa daigdig.

Minimithi Namin ang pag-asa na, sa pamamagitan ng masigasig na pagpupunyagi ng mga tagapagtaguyod ng kapangyarihan ng Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwal-hatian—ang mga sandatang pandigma sa buong daigdig ay gagawing mga kagamitan ng panibagong pagbubuo at nawa’y mapawi ang pag-aaway at paglalaban-laban sa gitna ng mga tao.

Ang ikaanim na Masayang Balita

ay ang pagtatatag ng Di-lubos na Kapayapaan, na ang mga detalye nito ay naipahayag na noon pa ng Aming Pinaka-dakilang Panulat. Napakalaki ng pagpapala niya na nagtaguyod at sinunod ang anumang itinadhana ng Diyos, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat.

Ang ikapitong Masayang Balita

Ang pagpili ng pananamit at ang hugis ng balbas at ang pag-aayos nito ay ipinauubaya sa kapasiyahan ng mga tao. Subalit mag-ingat, O mga tao, na baka gawin ninyo ang inyong mga sarili na maging mga laruan ng mga mangmang.

Ang ikawalong Masayang Balita

Ang mga banal na gawa ng mga monghe at ng mga pari sa mga sumusunod sa Espiritu —mapasa-Kaniya ang kapayapaan ng Diyos—ay ginugunita sa Kaniyang kinaroroonan. Subalit, sa Araw na ito, hayaang iwanan nila ang buhay nang nakahiwalay at idako ang kanilang mga hakbang tungo sa nakabukas na daigdig at maging abala ang kanilang mga sarili roon sa makabubuti sa kanilang mga sarili at sa iba pa. Pinahihintulutan Namin silang mag-asawa upang makapagbigay sila ng supling na babanggit sa Diyos, ang Panginoon ng nakikita at ng di-nakikita, ang Panginoon ng Dakilang Trono.

Ang ikasiyam na Masayang Balita

Kapag natagpuan ng makasalanan ang kaniyang sarili na ganap nang nakatiwalag at malaya sa lahat liban sa Diyos, dapat siyang humingi sa Kaniya ng kapatawaran at pagpapawalang-sala. Ang pangungumpisal ng mga kasalanan at pagkakamali sa harap ng mga tao ay hindi pinahihintulutan, sapagkat ito’y hindi, at kailanma’y hindi, makabubuti sa banal na kapatawaran. Bukod dito, ang gayong pangungumpisal sa harap ng mga tao ay nagbubunga ng pagkapahiya at pagkaaba niya, at ang Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—ay hindi nagnanais na mapahiya ang Kaniyang mga tagapaglingkod. Sa katunayan, Siya ang Madamayin, ang Mahabagin. Ang nagkasala, sa pagitan ng sarili niya at ng Diyos, ay nararapat sumamo ng habag mula sa Karagatan ng habag, humingi ng kapatawaran mula sa Kalangitan ng kabutihang-loob at sabihin:

O Diyos, aking Diyos! Lumuluhog ako sa Iyo, sa pamamagitan ng dugo ng Iyong mga tunay na mangingibig, na lubhang pinagalak ng Iyong malamyos na pananalita na sila’y nagmadaling tumungo sa Tugatog ng Luwalhati, ang pook ng pinakamaluwalhating pagmamartir, at nagsusumamo ako sa Iyo sa pamamagitan ng mga hiwagang nakadambana sa Iyong kaalaman at sa pamamagitan ng mga perlas na iniingatan sa karagatan ng Iyong biyaya, na ipagkaloob ang pagpapatawad sa akin at sa aking ama at sa aking ina. Doon sa nagpapakita ng habag, Ikaw sa katunayan ang Pinaka¬mahabagin. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Laging-Nagpapatawad, ang Mapagpala sa Lahat.

O Panginoon! Iyong nakikita ang diwa ng kasalanang ito, na bumabaling sa karagatan ng Iyong kagandahang-loob at ang mahinang ito na hinahanap ang kaharian ng Iyong banal na kapangyarihan at ang kaawa-awang nilalang na ito na ikinikiling ang kaniyang sarili sa araw-bituin ng Iyong kayamanan. Sa pamamagitan ng Iyong habag at ng Iyong pagpapala, huwag siyang siphayuin, O Panginoon, ni huwag siyang hadlangan sa mga pagbubunyag ng Iyong biyaya sa Iyong mga araw, ni huwag siyang itaboy sa Iyong pinto na maluwang Mong binuksan sa lahat ng naninirahan sa Iyong langit at sa Iyong lupa.

Sa aba! Sa aba! Nakahadlang ang mga kasalanan ko sa paglapit sa Bulwagan ng Iyong kabanalan at ang aking mga pagkakamali ay naging sanhi ng aking malayong pagkaligaw sa Tabernakulo ng Iyong kamaharlikaan. Nagawa ko yaong Iyong ipinagbawal sa akin at itinapon yaong Iyong iniatas na sundin ko.

Nagsusumamo ako sa Iyo sa pamamagitan Niya Na makapangyarihang Panginoon ng Mga Pangalan na isulat ng Panulat ng Iyong pagpapala yaong makapapalapit sa akin sa Iyo at makapapawi sa mga kasalanan ko na pumagitna sa akin at sa Iyong kapatawaran at sa Iyong pagpapawalang-sala.

Sa katunayan, Ikaw ang Malakas, ang Mapagpala. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan, ang Mapagmahal.

Ang ikasampung Masayang Balita

Bilang isang tanda ng pagpapala mula sa Diyos, ang Tagapagpahayag nitong Pinakadakilang Patalastas, inalis Namin mula sa mga Banal na Kasulatan at mga Tableta ang batas na nag-uutos sa pagsira ng mga aklat.

Ang ikalabing-isang Masayang Balita

Ipinahihintulot na pag-aralan ang mga agham at sining, ngunit yaong mga agham na kapaki-pakinabang at magdudulot ng pag-unlad at pagsulong ng mga tao. Samakatwid, ito’y iniutos Niya Na Nagtatadhana, ang Marunong sa Lahat.

Ang ikalabindalawang Masayang Balita

Ipinag-uutos na ang bawat isa sa inyo ay maging abala sa isang uri ng hanapbuhay, tulad ng mga masining na likhang-kamay, pangangalakal at ng mga katulad nito. Buong pagpapala Naming itinaas ang paggawa ng ganoong mga hanapbuhay sa antas ng pagsamba sa Diyos, ang Siyang Tunay. Nilay-nilayin sa inyong mga puso ang biyaya at mga kaloob ng Diyos at magpasalamat sa Kaniya sa takipsilim at sa bukang-liwayway. Huwag aksayahin ang inyong panahon sa kawalang-ginagawa at sa katamaran. Maging abala ang inyong mga sarili roon sa pakikina¬bangan ng inyong mga sarili at ng iba. Sa gayon ipinag-utos sa Tabletang ito na nagmula sa sugpungang-guhit ng araw-bituin ng karunungan at pananalitang maningning na sumisikat.

Ang pinakakalait-lait na mga tao sa paningin ng Diyos ay yaong nakaupo nang walang ginagawa at nagpapalimos. Mangapit kayo nang mahigpit sa materyal na pamamaraan, inilalagay ang inyong buong pagtitiwala sa Diyos, ang Nagbibigay ng lahat ng kayamanan. Kapag naging abala ang sinuman sa isang masining na likhang-kamay o kalakal, ang gayong gawain ay ipalalagay na isang kilos ng pagsamba sa palagay ng Diyos, at ito’y isa lamang tanda ng Kaniyang walang-hanggan at nakasasakop-sa-lahat na biyaya.

Ang ikalabintatlong Masayang Balita

Ibinigay sa mga kasapi ng House of Justice ng Diyos ang pamamatnugot sa mga gawain ng tao. Sila, sa katotohanan, ay ang mga Katiwala ng Diyos sa Kaniyang mga tagapaglingkod at ang mga panimulang-bukal ng kapangyarihan sa Kaniyang mga bansa.

O mga tao ng Diyos! Yaong nagtuturo sa daigdig ay ang Katarungan, sapagkat ito’y sinusuhayan ng dalawang haligi, ang gantimpala at ang kaparusahan. Ang dalawang haliging ito ang nagbibigay ng buhay sa daigdig. Dahil sa ang bawat araw ay may bagong suliranin at sa bawat suliranin ay may naaangkop na kalutasan, ang gayong mga gawain ay dapat iharap sa mga Kasapi ng House of Justice upang sila’y kumilos nang naaayon sa mga panganga¬ilangan at mga hinihingi ng panahon. Sila, na alang-alang sa Diyos, ay nagbangon upang paglingkuran ang Kaniyang Kapakanan, ay ang mga tumatanggap ng banal na inspirasyon mula sa di-nakikitang Kaharian. Tungkulin ng lahat na sumunod sa kanila. Lahat ng bagay tungkol sa Pamahalaan ay dapat iharap sa House of Justice, ngunit ang mga kilos ng pagsamba ay dapat sundin ayon sa ipinahayag ng Diyos sa Kaniyang Aklat.

O mga tao ng Bahá! Kayo ang mga pook ng bukang-liwayway ng pag-ibig ng Diyos at ang mga panimulang-bukal ng Kaniyang mapagmahal na kagandahang-loob. Huwag dungisan ang inyong mga dila ng pagtutungayaw at paglait sa sinumang kaluluwa, at pangalagaan ang inyong mga mata laban doon sa hindi kanais-nais. Ihayag yaong inyong taglay. Kung ito’y tanggapin nang mainam, natamo na ang inyong layunin; kung hindi, walang-saysay ang pagtutol. Iwanan ang kaluluwang iyon sa kaniyang sarili at bumaling sa Panginoon, ang Tagapagsanggalang, ang Sariling-Ganap. Huwag maging sanhi ng kalungkutan, lalo na ng pagkakagalit at paglalaban-laban. Itinatangi ang pag-asa na nawa’y matamo ninyo ang tunay na edukasyon sa lilim ng puno ng Kaniyang mapagmahal na habag at kumilos nang naaayon doon sa ninanais ng Diyos. Lahat kayo’y mga dahon ng isang puno at mga patak ng isang karagatan.

Ang ikalabing-apat na Masayang Balita

Hindi kinakailangang gumawa ng tanging mga pagla-lakbay upang dalawin ang mga puntod ng mga nagsiyao. Kung iaalok ng mga táong mayayaman at maykaya ang gugugulin sa ganoong mga paglalakbay sa House of Justice, ito’y magiging kasiya-siya at tatanggapin sa harap ng Diyos. Pinagpala sila na mga sumusunod sa Kaniyang mga utos.

Ang ikalabinlimang Masayang Balita

Bagaman ang uri ng pamahalaang republika ay nagbi-bigay ng kabutihan sa lahat ng tao ng daigdig, subalit ang kamaharlikaan ng pagkahari ay isa sa mga palatandaan ng Diyos. Hindi Namin hangad na manatiling napagkaitan niyon ang mga bansa ng daigdig. Kung pagsasamahin nang may matalas na isip ang dalawang uri na maging isa, napakalaki ng kanilang magiging gantimpala sa kinaro-roonan ng Diyos.

Sa mga naunang relihiyon ang ganoong mga batas tulad ng panrelihiyong digmaan, pagsira ng mga aklat, ang pagbabawal sa pakikisama at pakikipagkaibigan sa ibang tao o sa pagbasa ng ilang mga aklat ay ibinigay at pinagtibay sang-ayon sa mga pangangailangan ng panahon; ngunit sa makapangyarihang Rebelasyong ito, sa napakadakilang Pahayag na ito, ang napakaraming mga kaloob at biyaya ng Diyos ay lumukob sa lahat ng tao, at mula sa sugpungang-guhit ng Kalooban ng Magpakailanma’y Walang-maliw na Panginoon, iniaatas ng Kaniyang di-nagkakamaling utos yaong itinadhana Namin sa kaitaasan.

Kami’y nagbibigay-puri sa Diyos—banal at maluwalhati Siya—sa anumang Kaniyang mapagmahal na ipinahayag sa pinagpala, maluwalhati at walang-katulad na Araw na ito. Tunay na kung ang lahat ng tao sa daigdig ay pinag¬kalooban ng isang di-mabilang na mga dila at sila’y patuloy na magpupuri sa Diyos at dadakilain ang Kaniyang Pangalan hanggang sa katapusan na walang-nababatid na katapusan, ang kanilang pasasalamat ay mapapatunayang hindi magiging sapat sa kahit isa man sa mabubuting biyayang binanggit Namin sa Tabletang ito. Sumasaksi rito ang bawat táong may karunungan at may pang-intindi, na may pang-unawa at kaalaman.

Taimtim Kaming nagsusumamo sa Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—na tulungan ang mga pinuno at mga hari, na mga sagisag ng kapangyarihan at mga panimulang-bukal ng kaluwalhatian, na pairalin ang Kaniyang mga batas at mga alituntunin. Siya sa katotohanan ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Malakas sa Lahat, Siya Na palaging tumutugon sa panawagan ng mga tao.

ṬARÁZÁT: Mga Palamuti

Sa Aking Ngalan, na mamamalaging higit na makapangyarihan sa lahat ng mga pangalan

Pagpupuri at kaluwalhatian ang nararapat sa Panginoon ng Mga Pangalan at ang Maylalang ng mga kalangitan, Siya, na ang mga alon ng karagatan ng Kaniyang Rebelasyon ay dumadaluyong sa harap ng mga mata ng tao ng daigdig. Ang liwanag ng Araw-bituin ng Kaniyang Kapakanan ay tumatagos sa bawat lambong at ang Kaniyang Salita ng pagpapatotoo ay mamamalaging di-maaabot ng pagkakaila. Kapuwa ang pangingibabaw ng maniniil ni ang pagmamalupit ng masasama ay hindi nagawang biguin ang Kaniyang Layunin. Gaano kaluwal¬hati ang Kaniyang paghahari, gaano kadakila ang Kaniyang kapangyarihan!

Dakilang Diyos! Kahit na ang Kaniyang mga palatandaan ay pumalibot sa daigdig at ang Kaniyang mga katibayan at mga katunayan ay sumisikat at nahahayag tulad ng liwanag, gayumpaman ang mga mangmang ay waring pabaya, hindi lamang iyon, kundi mapanghimagsik pa. Kung sana’y nasiyahan na sila sa pagtutol. Ngunit sa lahat ng oras sila’y nagbabalak na putulin ang banal na Puno ng Lote. Mula pa nang sumikat ang Rebelasyong ito, ang mga sagisag ng kasakiman, sa pamamagitan ng kalupitan at paniniil, ay nagsikap na patayin ang Liwanag ng banal na pagpapahayag. Ngunit ang Diyos, dahil sa pinigilan ang kanilang mga kamay, ay ipinahayag ang Liwanag na ito sa pamamagitan ng Kaniyang makapang¬yarihang paghahari at pinangalagaan ito sa pamamagitan ng lakas ng Kaniyang kapangyarihan hanggang sa ang kalupaan at kalangitan ay natanglawan ng ningning ng liwanag nito. Purihin Siya sa ilalim ng lahat ng kalagayan.

Ang luwalhati ay mapasa-Iyo, O Panginoon ng daigdig at Hangarin ng mga bansa, O Ikaw Na naging hayag sa Pinakadakilang Pangalan upang sa pamamagitan nito ang mga perlas ng karunungan at pananalita ay lumitaw mula sa mga kabibi ng dakilang karagatan ng Iyong kaalaman, at ang mga kalangitan ng banal na paghahayag ay napalamutian ng liwanag ng paglitaw ng Araw ng Iyong mukha.

Nagsusumamo ako sa Iyo, sa pamamagitan ng Salitang iyon na ang Iyong katibayan ay ginawang ganap sa Iyong mga nilikha at ang Iyong pagpapatunay ay natupad sa Iyong mga tagapaglingkod, na palakasin ang Iyong mga tao upang ang mukha ng Iyong Kapakanan ay magniningning sa Iyong kaharian, ang mga bandila ng Iyong lakas ay maitatanim sa Iyong mga tagapaglingkod, at ang mga watawat ng Iyong patnubay ay maitataas sa lahat ng Iyong mga kaharian.

O aking Panginoon! Nakikita Mo silang nangangapit sa kordon ng Iyong biyaya at nakahawak nang mahigpit sa laylayan ng manta ng Iyong kabutihang-loob. Itadhana sa kanila yaong maglalapit sa kanila sa Iyo, at ipagkait sa kanila ang lahat liban sa Iyo. Nagsusumamo ako sa Iyo, O Ikaw na Hari ng buhay at Tagapagtanggol ng nakikita at ng di-nakikita, na gawin ang sinumang bumangon upang paglingkuran ang Iyong Kapakanan na maging katulad ng karagatang umaalon ayon sa Iyong ninanais, na katulad ng isang naglalagablab na apoy ng Iyong Banal na Puno, na nagliliwanag mula sa sugpungang-guhit ng kalangitan ng Iyong kalooban. Tunay na Ikaw ang Siyang makapang-yarihan na hindi mapanghihina ng alinmang kapangyarihan ng buong daigdig ni ng lakas ng mga bansa. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Iisa, ang Walang-kahambing, ang Tagapagtanggol, ang Sariling-Ganap.

O ikaw na nakainom ng alak ng Aking pananalita mula sa kalis ng Aking kaalaman! Ang pinakadakilang mga salitang ito ay narinig ngayon mula sa pagkaluskos ng banal na Puno ng Lote na itinanim ng Panginoon ng Mga Pangalan, sa pamamagitan ng kamay ng makalangit na kapangyarihan, sa Pinakamataas-sa-lahat na Paraiso:

Ang unang Ṭaráz

at ang unang maliwanag na karingalang namitak mula sa guhit-tagpuan ng Inang Aklat ay yaong dapat malaman ng tao ang kaniyang sarili at kilalanin yaong mag-aakay sa kataasan o kababaan, sa kaluwalhatian o pagkaaba, sa kayamanan o karukhaan. Dahil sa natamo na ang yugto ng katuparan at narating na ang kaniyang sapat na gulang, ang tao ay nasa kalagayang nangangailangan ng kayamanan, at ang gayong kayamanang makukuha niya sa pamamagitan ng mga masining na likhang-kamay o sa mga propesyon ay dapat hangaan at kapuri-puri sa palagay ng marurunong na tao, at lalo na sa mga mata ng mga tagapaglingkod na itinalaga ang kanilang mga sarili sa pagtuturo sa daigdig at sa pagpapataas ng kalagayan ng mga tao nito. Sila, sa katotohanan, ang mga tagapagdala ng kopa ng nagbibigay-buhay na tubig ng kaalaman at ang mga namamatnubay sa minimithing landas. Pinapatnubayan nila ang mga tao ng daigdig sa tuwid na landas at ipinaaalam sa kanila yaong nakatutulong sa pagpapataas at pagpapadakila sa tao. Ang tuwid na landas ay yaong umaakay sa tao tungo sa panimulang-bukal ng pagkaunawa at sa pook ng bukang-liwayway ng tunay na pagkaunawa at naghahatid sa kaniya roon sa hahantong sa kaluwalhatian, karangalan at kadakilaan.

Itinatangi Namin ang pag-asa na sa pamamagitan ng mapagmahal na kagandahang-loob ng Marunong sa Lahat, ang Nakaaalam ng Lahat, ang nagpapalabong alabok ay mapawi at ang kakayahang makaunawa ay madagdagan, upang matuklasan ng tao ang layunin ng pagkalalang sa kanila. Sa Araw na ito, anuman ang makapagsisilbi upang mabawasan ang pagkabulag at higit pang mapalawak ang pananaw ay karapat-dapat na pahalagahan. Ang pananaw na ito ang kumikilos bilang paraan at patnubay sa tunay na kaalaman. Tunay na sa palagay ng marurunong na tao, ang katalasan ng pang-unawa ay dahil sa matalas na pananaw. Dapat sundin ng mga tao ng Bahá, sa ilalim ng lahat ng kalagayan yaong kailangan at nararapat at payuhan ang mga tao nang naaayon dito.

Ang ikalawang Ṭaráz

ay ang pakikisalamuha sa mga sumusunod sa lahat ng mga relihiyon sa isang espiritu ng pagkikipagkaibigan at mabuting pakikisama, upang ipahayag yaong ibinigay ng Nagsalita sa Sinai at ang maging makatarungan sa lahat ng bagay.

Silang pinagkalooban ng kataimtiman at katapatan ay dapat makisalamuha sa lahat ng mga tao at kaanak ng daigdig nang may kagalakan at kaliwanagan, dahil sa ang pakikisama sa mga tao ay nagtaguyod, at patuloy na magtataguyod, ng pagkakaisa at pagkakaunawaan, na makatutulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa daigdig at sa muling pagbabagong-buhay ng mga bansa. Pinagpala yaong mahigpit na nanangan sa kordon ng kabutihang-loob at mapagmahal na habag at malaya sa pagkapoot at pagkamuhi.

Siyang Pinagkasalahan ay nagpapayo sa mga tao ng daigdig na maging mapagpaubaya at makatarungan, ang dalawang liwanag sa gitna ng karimlan ng daigdig at dalawang tagapagturo para sa pagpapatatag ng pananalig ng sangkatauhan. Maligaya silang natamo iyon at kasiphayuan ang sasapit sa mga pabaya.

Ang ikatlong Ṭaráz

ay tungkol sa mabuting pagkatao. Ang isang mabuting pagkatao, sa katunayan, ay ang pinakamahusay na manta mula sa Diyos para sa mga tao. Kaniyang pinalamutian sa pamamagitan nito ang mga sentido ng Kaniyang mga minamahal. Sa Aking buhay! Ang liwanag ng mabuting pag-uugali ay higit pa sa liwanag ng araw at ningning niyon. Ang sinumang nakapagtamo nito ay ipinapalagay na isang hiyas sa mga tao. Ang luwalhati at pag-unlad ng daigdig ay dapat na masalalay rito. Ang mabuting pag-uugali ay isang paraan ng paggabay sa mga tao patungo sa Tuwid na Landas at sa pag-akay patungo sa Dakilang Pagpapahayag. Mapalad siyang pinalamutian ng mga banal na katangian at mabuting pagkatao ng Kalipunan sa Kaitaasan.

Nararapat sa inyo na itutok ang inyong paningin sa lahat ng kalagayan sa katarungan at kabutihan. Sa Natatagong Mga Salita ang dakilang salitang ito ay ipinahayag ng Aming Pinakadakilang Panulat:

‘O Anak ng Espiritu! Ang pinakamamahal sa lahat ng bagay sa Aking paningin ay ang Katarungan; huwag talikuran iyon kung hinahangad mo Ako, at huwag pabayaan iyon upang Ako’y magtapat sa iyo. Sa pamamagitan ng tulong niyon ay makakikita ka ayon sa iyong sariling mga mata at hindi sa pamamagitan ng mga mata ng iba, makababatid ka ayon sa iyong sariling kaalaman at hindi sa kaalaman ng iyong kapitbahay. Nilay-nilayin mo ito sa iyong puso; kung paano ito magiging nararapat sa iyo. Sa katunayan, ang katarungan ay ang Aking handog sa iyo at ang tanda ng Aking mapagmahal na kagandahang-loob. Ilagay mo iyon kung gayon sa harap ng iyong mga mata.’

Silang makatarungan at walang-kinikilingan sa paghatol ay nakaluklok sa napakataas na katayuan at may hawak ng dakilang katungkulan. Ang liwanag ng pagkamaka-Diyos at ng pagkamakatwiran ay maringal na nagniningning mula sa mga kaluluwang ito. Kami’y taimtim na umaasa na ang mga tao at mga bansa ng daigdig ay hindi mapagkakaitan ng mga karingalan ng dalawang liwanag na ito.

Ang ikaapat na Ṭaráz

ay tungkol sa pagiging mapagkakatiwalaan. Tunay na ito ang pintuan ng kaligtasan para sa lahat ng nananahan sa kalupaan at isang palatandaan ng kaluwalhatian sa panig ng Mahabagin sa Lahat. Siyang nakikibahagi nito ay tunay na nakibahagi na sa mga kayamanan at kasaganaan. Ang pagiging mapagkakatiwalaan ay ang pinakamaluwang na pintuan patungo sa katiwasayan at kaligtasan ng mga tao. Sa katunayan ang kaayusan ng bawat gawain ay nakabatay at patuloy na mababatay rito. Ang lahat ng mga kaharian ng kapangyarihan, ng kadakilaan at ng kayamanan ay tinatanglawan ng liwanag nito.

Hindi pa natatagalan na ang pinakadakilang mga salitang ito ay ipinahayag mula sa Panulat ng Pinakamataas:

‘Ngayo’y babanggitin Namin sa inyo ang pagiging Mapagkakatiwalaan at ang katayuan nito sa palagay ng Diyos, ang inyong Panginoon, ang Panginoon ng Makapangyarihang Trono. Isang araw sa mga araw Kami’y nagtungo sa Aming Luntiang Isla. Sa Aming pagdating, namasdan Namin ang dumadaloy na mga batis nito, at ang malagong mga dahon ng mga punongkahoy nito, at naglalaro ang mga sinag ng araw sa pagitan nito. Sa pagbaling ng Aming mukha sa dakong kanan, natanaw Namin yaong di-makakayang ilarawan ng panulat; ni hindi rin nito maihahayag yaong nasaksihan ng mata ng Panginoon ng Sangkatauhan doon sa pinakabanal, pinaka-dakila, doon sa pinagpala at dinakilang Pook na iyon. Sa pagbaling naman sa kaliwa ay nasilayan Namin ang isa sa mga Kagandahan ng Pinakadakilang Paraiso, na nakatayo sa haligi ng liwanag, at malakas na nananawagan na nagsasabing: “O mga nananahan sa kalupaan at kalangitan! Masdan ang Aking kagandahan, at ang Aking luningning, at ang Aking kahayagan, at ang Aking nagliliwanag na karingalan. Saksi ang Diyos, ang Siyang Tunay! Ako ang Mapagkakatiwalaan at ang kahayagan nito, at ang kagandahan nito. Aking gagantimpalaan ang sinumang mananangan sa Akin, at tatanggapin ang Aking katung¬kulan at katayuan at hahawak nang mahigpit sa Aking laylayan. Ako ang pinakadakilang palamuti ng mga tao ng Bahá, at ang kasuotan ng kaluwalhatian ng lahat ng nasa kaharian ng nilikha. Ako ang sukdulang paraan sa pagyaman ng daigdig, at ang sugpungang-guhit ng katiyakan para sa lahat ng mga tao.” Sa ganoon Namin ipinadala sa inyo yaong maglalapit sa mga tao sa Panginoon ng nilikha.’

O mga tao ng Bahá! Ang pagiging mapagkakatiwalaan, sa katotohanan, ay ang pinakamagandang kasuotan ng inyong mga sentido at ang pinakamaluwalhating korona sa inyong mga ulo. Mahigpit na manangan dito, sa utos Niya Na Tagapag-atas, ang Nakababatid ng Lahat.

Ang ikalimang Ṭaráz

ay tungkol sa pangangalaga at pagpapanatili ng mga katayuan ng mga tagapaglingkod ng Diyos. Hindi dapat ipagwalang-bahala ang katotohanan ng anumang bagay, sa halip ay dapat ipahayag yaong tumpak at totoo. Hindi dapat ipagkait ng mga tao ng Bahá sa sinumang kaluluwa ang gantim¬palang dapat niyang tanggapin, dapat pakitunguhan ang mga manggagawa nang buong paggalang, at hindi katulad ng naunang mga tao, hindi nila dapat dungisan ang kanilang mga dila ng mga kalapastanganan.

Sa Araw na ito ang araw sa kasanayan sa makasining na gawang-kamay ay sumisikat sa itaas ng sugpungang-guhit ng kanluran at ang ilog ng mga sining ay dumadaloy mula sa karagatan ng dakong iyon. Ang bawat isa ay dapat magsalita nang may katarungan at magpasalamat sa ganitong biyaya. Saksi ang buhay ng Diyos! Ang salitang ‘Pagkamakatarungan’ ay sumisikat nang maliwanag at maningning tulad ng araw. Idinadalangin Namin sa Diyos na mabutihin Niyang pasikatin ang luningning nito sa lahat. Siya sa katunayan ay ang makapangyarihan sa lahat ng bagay, Siya Na palaging sumasagot sa mga panalangin ng lahat ng tao.

Sa mga araw na ito ang pagkamakatotohanan at pagkamatapat ay lubhang pinahihirapan ng mga kamay ng kasinungalingan, at ang katarungan ay pinarurusahan ng latigo ng kawalang-katarungan. Ang usok ng kabuktutan ay pumalibot sa buong daigdig sa gayong paraan na walang makikita saanmang panig liban sa mga rehimyento ng mga kawal at walang maririnig sa alinmang bansa liban sa kalatong ng mga espada. Nagsusumamo Kami sa Diyos, ang Siyang Tunay, na palakasin ang mga humahawak ng Kaniyang kapangyarihan doon sa makapagbabago sa daigdig at makapaghahatid ng katiwasayan sa mga bansa.

Ang ikaanim na Ṭaráz

Ang kaalaman ay isa sa mga kahanga-hangang kaloob ng Diyos. Tungkulin ng lahat na makamtan ito. Ang gayong mga sining at materyal na mga pamamaraang nahahayag ngayon ay natamo dahil sa Kaniyang kaalaman at karunungang ipinahayag sa mga Epistola at mga Tableta sa pamamagitan ng Kaniyang Pinakadakilang Panulat—isang Panulat na mula sa ingatang-yaman nito ang mga perlas ng karunungan at pananalita at ang mga sining at mga masining na likhang-kamay ng daigdig ay nailabas sa liwanag.

Sa Araw na ito ang mga lihim ng kalupaan ay nakalantad sa mga mata ng tao. Ang mga pahina ng mabilis na lumilitaw na mga pahayagan ay tunay na salamin ng daigdig. Inilalarawan nila ang mga gawain at mga pinagkaka¬abalahan ng iba’t ibang mga tao at mga kaanak. Kanilang kapuwa inilalarawan ang mga iyon at ibinubunyag ang mga iyon. Sila’y mga salaming pinag¬kalooban ng pandinig, paningin at pananalita. Ito’y isang kagila-gilalas at mabisang kaganapan. Ngunit, tungkulin ng mga manunulat nito na maging malinis mula sa mga udyok ng masasamang simbuyo ng damdamin at hangarin at madamitan ng kasuotan ng katarungan at nang walang-kinikilingan. Nararapat nilang alamin hanggang maaari ang mga kalagayan at tiyakin ang mga tunay na pangyayari, pagkatapos ay isulat ang mga iyon.

Tungkol sa Kaniya Na Pinagkasalahang ito, karamihan sa mga bagay na iniulat sa mga pahayagan ay walang katotohanan. Ang makatarungang pananalita at ang pagkamakatotohanan, dahil sa kanilang mataas na katayuan at kalagayan, ay itinuturing na katulad ng araw na sumisikat sa itaas ng sugpungang-guhit ng kaalaman. Ang mga alon buhat sa Karagatang ito ay malinaw sa mga mata ng mga tao ng daigdig at ang mga dumadaloy sa Panulat ng karunungan at pananalita ay hayag sa lahat ng dako.

Naiulat sa mga pahayagan na ang Tagapaglingkod na ito ay tumakas mula sa lupain ng Ṭá (Ṭihrán) at pumunta sa ‘Iráq. Mapagpalang Diyos! Ni sa isang saglit ay hindi itinago Niya Na Pinagkasalahang ito ang Kaniyang Sarili. Sa halip Siya sa lahat ng panahon ay nanatiling matatag at lantad sa mga mata ng tao. Kailanma’y hindi Kami umurong, ni hindi Kami kailanman magtatangkang tumakas. Sa katotohanan ang mga hangal na tao ang tumakas mula sa Aming harapan. Nilisan Namin ang Aming inang bayan na may kasamang dalawang pangkat ng nangangabayong mga kawal, na kumakatawan sa dalawang iginagalang na mga pamahalaan ng Persiya at ng Rusya hanggang sa dumating Kami sa ‘Iráq sa kaganapan ng kaluwalhatian at kapang¬yarihan. Purihin ang Diyos! Ang Kapakanan Niyang Pinagkasalahang ito, na Siya ang Tagapagdala, ay kasintaas ng langit at nagniningning na kasinliwanag ng araw. Ang pagtatago ay hindi makalalapit sa kalagayan nito, ni wala ring pagkakataon para matakot o manahimik.

Ang mga hiwaga ng Muling-pagkabuhay at ang mga pangyayari sa Huling Oras ay malinaw na nahahayag, ngunit ang mga tao’y nakalubog sa kapabayaan at hinayaang mabalot ng mga lambong ang kanilang mga sarili. ‘At kapag kukulo ang mga karagatan . . . kapag ang mga Banal na Kasulatan ay ilaladlad.’ Sa pagkamakatarungan ng Diyos! Ang Bukang-liwayway ay tunay na nagliwanag at ang araw ay sumikat at ang gabi ay naglaho. Maligaya silang mga nakauunawa. Maligaya silang nakarating doon.

Luwalhatiin nawa ang Diyos! Ang Panulat ay naguguluhan kung ano ang isusulat at ang Dila ay nais malaman kung ano ang sasabihin. Sa kabila ng walang-kahambing na mga paghihirap at matapos ang pagtitiis ng mga taon ng pagkabilanggo, pagkabihag at kahapis-hapis na mga pagsubok, nahuhulo na Namin ngayon na ang mga lambong na namamagitan ay higit na makapal pa kaysa roon sa Amin nang pinilas, na humahadlang sa pananaw at nagiging sanhi ng paglabo ng liwanag ng pang-unawa. Bukod dito napapansin Namin na ang bagong mga paninirang-puri na lumalaganap ngayon ay higit na masama kaysa noong naunang mga araw.

O mga tao ng Bayán! Matakot kayo sa mahabaging Panginoon! Isipin ang mga tao ng nakaraang mga panahon. Ano ang kanilang mga ginawa at ano ang bunga na kanilang inani? Lahat ng sinabi nila ay pawang pagbabalatkayo at ang anumang ginawa nila ay napatunayang walang halaga, maliban doon sa mga minabuti ng Diyos na pangalagaan sa pamamagitan ng Kaniyang kapangyarihan.

Isinusumpa Ko sa buhay Niya Na Hangarin ng Daigdig! Kung magninilay-nilay ang isang tao sa kaniyang puso, nang ganap na malaya sa lahat ng kinagigiliwan sa daigdig, siya’y magmamadali patungo sa Pinakadakilang Liwanag at lilinisin at dadalisayin ang kaniyang sarili mula sa alabok ng walang-kabuluhang mga hinagap at sa usok ng walang-saysay na haka-haka. Ano kaya ang nag-udyok sa mga tao noong nakaraan upang magkamali at sino ang nagligaw sa kanila? Hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan at bumaling pa sila sa kanilang mga makasariling hangarin. Siya Na Pinagkasalahan ay malakas na nananawagan alang-alang sa Diyos. Sinuman ang nagnanais, hayaan siyang bumaling doon; sinuman ang nagnanais, hayaan siyang tumalikod. Sa katunayan ang Diyos ay may kakayahang alisin ang lahat ng bagay, maging ng nakaraan o ng hinaharap.

O mga tao ng Bayán! Ang mga taóng katulad ni Hádí Dawlat-Ábádí na, nang may turban at tungkod, ay ang pinagmulan ng pagtutol at paghadlang at lubhang pinahirapan ang mga tao ng mga pamahiin na hanggang sa kasalukuyan ay naghihintay pa rin sila sa pagdating ng isang gawa-gawang tao mula sa isang gawa-gawang pook. Makinig kayo sa babala, O mga táong may pang-unawa.

O Hádí! Makinig sa Tinig ng mapagkakatiwalaan na Tagapayong ito: ibaling ang iyong mga hakbang mula sa kaliwa patungo sa kanan, ang ibig sabihin ay talikuran ang walang-saysay na haka-haka patungo sa katiyakan. Huwag akayin ang mga tao sa kamalian. Ang banal na Araw ay sumisikat, ang Kaniyang Kapakanan ay nahahayag at ang Kaniyang mga palatandaan ay sumasaklaw sa lahat. Ibaling ang iyong mukha sa Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap. Talikuran ang iyong pamumuno alang-alang sa Diyos at hayaan ang mga tao sa kanilang mga sarili. Ika’y mangmang sa pangunahing katotohanan, hindi mo ito nababatid.

O Hádí! Maging marangal ka sa landas ng Diyos. Kapag kasama ang mga di-naniniwala sa Diyos, ika’y hindi rin naniniwala, at kapag kasama mo ang maka-Diyos ika’y maka-Diyos. Iyong nilay-nilayin ang gayong mga kaluluwang nagbuwis ng kanilang buhay at ng kanilang mga ari-arian sa lupaing iyon, upang baka sakali’y mapaalalahanan ka at magising mula sa pagkatulog. Isipin: sino ang higit na dapat mabutihin, siyang iniingatan ang kaniyang katawan, ang kaniyang buhay at ang kaniyang mga ari-arian o siyang iniaalay ang lahat ng nasa kaniya sa landas ng Diyos? Maghatol ka nang walang kinikilingan, at huwag mabilang sa mga di-makatarungan. Mangapit nang mahigpit sa katarungan at manindigan sa pagkamakatwiran na dahil sa makasariling mga hangarin, ay baka gamitin mong bihag ang relihiyon o hindi pahalagahan ang katotohanan dahil sa ginto. Tunay na ang iyong kawalang-katarungan at ang kawalang-katarungan ng gayong mga taóng katulad mo ay napakasakit na tumindi, na ang Panulat ng Kaluwalhatian ay napilitang gumawa ng gayong mga puna. Matakot ka sa Diyos. Siya Na nagbalita sa Rebelasyong ito ay nagpahayag: ‘Ipahahayag Niya sa lahat ng kalagayan: “Tunay, tunay na Ako ang Diyos, walang Diyos liban sa Akin, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.”’

O mga tao ng Bayán! Kayo’y pinagbawalang makipag-alam sa mga minamahal ng Diyos. Bakit ipinataw ang pagbabawal na ito at para sa anong layunin? Maging makatarungan kayo, nakikiusap Ako sa inyo sa ngalan ng Diyos, at huwag mapabilang sa mga pabaya. Sa mga nagtataglay ng maliwanag na pagkaunawa, at sa harap ng Pinakadakilang Kagandahan, ang layunin ng pagbabawal na ito ay nalalaman at maliwanag; ito’y upang hindi mabatid ng sinuman ang kaniyang (ni Hádí) mga lihim at gawain.

O Hádí! Ika’y hindi kabilang sa Aming mga kasamahan, samakatwid, ika’y walang nalalaman sa Kapakanan. Huwag kumilos nang ayon sa iyong walang-kabuluhang mga hinagap. Bukod sa mga bagay na ito, suriin ang mga Kasulatan nang sarili mong mga mata at nilay-nilayin yaong naganap. Mahabag sa iyong sarili at sa mga tagapaglingkod ng Diyos at huwag maging sanhi ng kasuwailan tulad ng mga tao ng naunang panahon. Ang landas ay hindi mapag-aalinlanganan at ang katibayan ay maliwanag. Baguhin ang kawalan ng katarungan upang maging makatarungan, at ang may kinikilingan upang maging walang-kinikilingan. Itinatangi Namin ang pag-asa na ang mga hininga ng banal na inspirasyon ay mapalakas ka at ang iyong panloob na tainga ay marinig ang mga pinagpalang mga katagang ito: ‘Sabihin, ito ang Diyos, at hayaan silang pasayahin ang kanilang mga sarili sa kanilang pamimintas.’ Nanggaling ka na roon (Cyprus) at nakita na siya (Mírzá Yaḥyá). Magsalita ka nang makatarungan ngayon. Huwag mong pasinungalingan ang katotohanan ng bagay, maging sa iyong sarili ni sa mga tao. Ika’y kapuwa mangmang at walang nalalaman. Makinig sa Tinig Niyang Pinagkasalahan at magmadali patungo sa karagatan ng banal na kaalaman upang baka sakali’y mapalamutian ka ng gayak ng pang-unawa at itatuwa ang lahat liban sa Diyos. Makinig sa Tinig nitong mabuting Tagapagpayo, na malakas na nananawagan, walang-lambong at hayag, sa harap ng mga mukha ng mga hari at ng kanilang mga mamamayan, at tawagin ang mga tao ng daigdig, bawat isa at lahat, patungo sa Kaniya Na Panginoon ng Kawalang-hanggan. Ito ang Salita na mula sa Kaniyang sugpungang-guhit ang araw-bituin ng walang-maliw na biyaya ay maningning na nagliliwanag.

O Hádí! Siyang Pinagkasalahan, malaya sa lahat ng kinagigiliwan ng daigdig, ay nagsikap nang may ganap na pagpupunyagi upang apulain ang apoy ng pagkasuklam at pagkamuhing naglalagablab sa mga puso ng mga tao ng daigdig. Tungkulin ng bawat taóng makatarungan at walang-kinikilingan na magpasalamat sa Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—at magbangon upang itaguyod ang pinakamahalagang Kapakanang ito, upang ang apoy ay maging liwanag, at ang pagkamuhi ay mapalitan ng mabuting samahan at pagmamahalan. Sumusumpa Ako sa pagkamakatarungan ng Diyos! Ito ang tanging layunin Niyang Pinagkasalahan. Sa katunayan, sa pagpapahayag nitong napakahalagang Kapakanan at sa pagpapakita ng Katotohanan nito ay dumanas Kami ng napakaraming mga pagdurusa, mga kahirapan at mga pagsubok. Ikaw mismo’y sasaksi sa binanggit Namin, kung makapagsasalita ka lamang nang may katarungan. Tunay na ang Diyos ay nagsasabi ng katotohanan at umaakay sa Landas. Siya ang Malakas, ang Makapangyarihan, ang Mapagmahal.

Harinawang ang Aming kaluwalhatian ay mapasa mga tao ng Bahá na hindi nahahadlangan ng kalupitan ng maniniil ni ng pangingibabaw ng sumasalakay mula sa pagbaling sa Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig.

TAJALLÍYÁT: Mga Kaningningan

Ito ang Epistola ng Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap

Siya ang Siyang nakaririnig mula sa Kaniyang Kaharian ng Kaluwalhatian.

Sumasaksi ang Diyos na walang ibang Diyos liban sa Kaniya at Siyang nagpakita ay ang Natatagong Hiwaga, ang Pinagpalang Sagisag, ang Pinakadakilang Aklat para sa lahat ng mga tao at ang Langit ng biyaya para sa buong daigdig. Siya ang Pinakamakapangyarihang Palatandaan sa mga tao at ang Panimulang-bukal ng pinakakapita-pitagang mga katangian sa kaharian ng nilikha. Sa pamamagitan Niya ay lumitaw yaong natatago mula pa nang panahon na hindi na magunita at ang nalambungan mula sa mga mata ng mga tao. Siya Yaong ang Kahayagan Niya ay ipinahayag sa makalangit na mga Banal na Kasulatan ng naunang mga panahon at ng kamakailan lamang. Sinuman ang umamin na naniniwala sa Kaniya at sa Kaniyang mga palatandaan at mga katibayan, sa katotohanan, ay tinanggap yaong binigkas ng Dila ng Karingalan bago pa nilikha ang lupa at langit at ang rebelasyon ng Kaharian ng mga Pangalan. Sa pamama-gitan Niya ang karagatan ng karunungan ay dumaluyong sa gitna ng sangkatauhan, at ang ilog ng banal na karunungan ay bumulwak ayon sa utos ng Diyos, ang Panginoon ng Mga Araw.

Mapalad ang táong may pang-unawa na nakakilala at nakabatid sa Katotohanan, at siya na mayroong nakaririnig na tainga na napakinggan ang Kaniyang malamyos na Tinig, at ang kamay na nakatanggap ng Kaniyang Aklat nang may gayong pagtitika ay buhat sa Diyos, ang Panginoon ng daigdig na ito at ng kasunod, at ang taimtim na manlalakbay na nagmadali patungo sa maluwalhating Sugpungang-guhit Niya, at yaong pinagkalooban ng lakas na hindi nayanig ng nakagagahis na kapangyarihan ng mga pinuno ni ng kaguluhang ginising ng mga pinuno ng mga relihiyon. At kasawian ang sasapit sa kaniya na tinanggihan ang biyaya ng Diyos at ang Kaniyang kaloob, at itinatuwa ang Kaniyang mapagmahal na habag at kapangyarihan; ang ganitong tao ay tunay na nabibilang doon sa mga hindi tinanggap ang pagpapatunay ng Diyos at ng Kaniyang katibayan sa buong kawalang-hanggan.

Napakalaki ang pagpapala niya na sa Araw na ito ay itinapon ang mga bagay na laganap sa mga tao at nanangan nang mahigpit doon sa iniutos ng Diyos, ang Panginoon ng Mga Pangalan at ang Maylikha ng lahat ng nilikhang bagay, Siya Na nagmula sa kalangitan ng kawalang-hanggan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pinaka¬dakilang Pangalan, pinagkalooban ng gayong kapangyarihan na hindi magagapi, na ang lahat ng mga kapangyarihan ng daigdig ay walang-kakayahang makatagal laban sa Kaniya. Sumasaksi rito ang Inang Aklat, na nananawagan mula sa Pinakadakilang Pook.

O ‘Alí-Akbar! Paulit-ulit na narinig Namin ang iyong tinig at tumugon sa iyo sa pamamagitan noong hindi kailanman mapapantayan ng papuri ng buong sangkatauhan; mula roon ay nalalanghap ng matatapat ang mabangong halimuyak ng mga sinasabi ng Mahabagin sa Lahat, at ang Kaniyang tunay na mga mangingibig ay nabatid ang bango ng makalangit na muling-pagsasama, at ang mga masidhing nauuhaw ay natuklasan ang aliw-iw ng tubig na siyang tunay na buhay. Pinagpala ang táong nakarating doon at nakakilala roon sa pinalalaganap sa sandaling ito ng Panulat ng Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Makapang¬yarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat.

Sumasaksi Kami na ibinaling mo ang iyong mukha sa Diyos at naglakbay nang malayo hanggang sa narating mo ang Kaniyang kinaroroonan at nakinig sa Tinig Niyang Pinagkasalahan, na Siya’y inihagis sa bilangguan dahil sa masasamang gawa noong mga di-naniwala sa mga palatandaan at mga pagpapatunay ng Diyos at itinatuwa itong makalangit na biyaya, na sa pamamagitan nito ang buong daigdig ay nagningning. Pinagpala ang iyong mukha, dahil sa ito’y bumaling sa Kaniya, at ang iyong tainga, dahil sa nakinig ito sa Kaniyang Tinig, at ang iyong dila, dahil sa ipinagdiwang nito ang papuri sa Diyos, ang Panginoon ng mga panginoon. Nagsusumamo Kami sa Diyos na mabiyaya kang tulungan upang maging isang huwaran para sa pagtataguyod ng Kaniyang Kapakanan, at upang magawa mong makalapit sa Kaniya sa lahat ng panahon at sa lahat ng kalagayan.

Ang mga hinirang ng Diyos at ang Kaniyang mga minamahal sa lupaing iyon ay nagugunita Namin at ibinibigay Namin sa kanila yaong masayang balitang ipinadala bilang parangal sa kanila mula sa Kaharian ng pananalita ng kanilang Panginoon, ang makapangyarihang Pinuno ng Araw ng Pagtutuos. Banggitin Ako sa kanila at gawin silang magliwanag sa pamamagitan ng nagnining¬ning na kaluwalhatian ng Aking salita. Sa katunayan ang iyong Panginoon ay ang Mapagmahal, ang Mapagbigay.

O ikaw na dinadakila ang Aking papuri! Pakinggan ang ipinaparatang ng mga táong naniniil sa Akin sa Aking mga Araw. Sinasabi ng ilan na: ‘Kaniyang inaangkin ang pagka-Diyos’; habang sinasabi ng iba na: ‘Siya’y gumawa ng kasinungalingan laban sa Diyos’ at sinasabi ng iba pa na: ‘Siya’y dumating upang magsimula ng paghihimagsik’. Napakaimbi at napakasama nila. Masdan! Sila, sa katotohanan, ay inalipin ng walang-saysay na mga hinagap.

Hihinto na Kami ngayon sa paggamit ng maganda at malinaw na wika. Tunay na ang iyong Panginoon ang Malakas, ang Di-napipigilan. Hangad Namin na magsalita sa wikang Persiyano upang baka sakaling ang mga tao ng Persiya, bawat isa at lahat, ay mabatid ang mga pahayag ng mahabaging Panginoon, at magawang tuklasin ang Katotohanan.

Ang unang Tajallí

na sumikat mula sa Araw-bituin ng Katotohanan ay ang Kaalaman sa Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian. At ang kaalaman sa Hari ng walang-hanggang mga araw ay hindi maaaring matamo maliban lamang sa pamamagitan ng pagkilala sa Kaniya Na Tagapagdala ng Pinakadakilang Pangalan. Siya, sa katotohanan, ay ang Tagapagsalita sa Sinai na ngayo’y Siyang nakaupo sa trono ng Kahayagan. Siya ang Natatagong Hiwaga at ang Pinakaiingatang Sagisag. Ang lahat ng nauna at nahuling mga Aklat ng Diyos ay pinalamutian ng Kaniyang pagpupuri at lubhang dinadakila ang Kaniyang kaluwalhatian. Sa pamamagitan Niya ang watawat ng kaalaman ay naitayo sa daidig at ang bandila ng kaisahan ng Diyos ay naiwagayway sa lahat ng mga tao. Ang makaabot sa Banal na Kinaroroonan ay mangyayari lamang sa pagtatamo na makarating sa Kaniyang harapan. Sa pamamagitan ng Kaniyang kapangyarihan ang lahat ng bagay na nalambungan at natatago mula pa noong panahong hindi magunita ay naibunyag na ngayon. Siya’y naging hayag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Katotohanan at pagbigkas ng isang Salita, na sa pamama¬gitan nito ang lahat ng nasa mga kalangitan at ng nasa kalupaan ay natulala, maliban lamang doon sa mga mina¬buting hindi isama ng Makapangyarihan sa Lahat. Ang tunay na pananalig sa Diyos at ang pagkilala sa Kaniya ay hindi maaaring maging ganap maliban lamang sa pagtanggap sa Kaniyang ipinahayag at sa pagsunod sa anumang ipinag-utos Niya at itinalaga sa Aklat ng Panulat ng Kaluwalhatian.

Silang mga inilubog ang kanilang mga sarili sa karagatan ng Kaniyang mga pananalita ay dapat magkaroon, sa lahat ng panahon, ng sukdulang pagpapahalaga sa banal na ipinahayag na mga kautusan at mga pagbabawal. Tunay na ang Kaniyang mga kautusan ang bumubuo sa pinaka¬-matatag na muog para sa pangangalaga ng daigdig at sa pagsasanggalang sa mga tao nito—isang liwanag para roon sa mga tumanggap at kumilala sa katotohanan, at isang apoy para sa mga tumalikod at nagtatuwa.

Ang ikalawang Tajallí

ay ang manatiling matatag sa Kapakanan ng Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—at ang manatiling di-nagbabago sa Kaniyang pagmamahal. At ito’y hindi matatamo maliban lamang sa pamamagitan ng lubos na pagkilala sa Kaniya; at ang lubos na pagkilala ay hindi makakamtan maliban lamang sa pananalig sa pinagpalang mga salita: ‘Ginagawa Niya ang anumang Kaniyang niloloob.’ Sinuman ang mangapit nang mahigpit sa dakilang salitang ito at lubos na uminon mula sa nakabubuhay na mga tubig ng pananalitang likas na naroroon, ay mapupuspos ng gayong katatagan na ang lahat ng mga aklat sa daigdig ay hindi magkakaroon ng kakayahang hadlangan siya mula sa Inang Aklat. O gaano kaluwalhati ang napakataas na kalagayang ito, ang dakilang katayuang ito, ang nakatalagang layuning ito!

O ‘Alí-Akbar! Isipin kung gaano kahabag-habag ang kalagayan ng mga hindi naniniwala. Lahat sila’y binibigkas ang mga salitang: ‘Sa katunayan, Siya’y nararapat purihin sa Kaniyang mga gawa at nararapat sundin ang Kaniyang utos.’ Gayumpaman kung ipahahayag Namin, kahit na kasinliit ng butas ng karayom, yaong anumang salungat sa kanilang makasariling mga gawa at mga hangarin, pakutya nilang itatatuwa ito. Sabihin, kailanma’y walang sinuman ang makaaarok sa napakaraming mahigpit na mga pangangailangan ng sukdulang karunungan ng Diyos. Sa katotohanan, kung sasabihin Niya na ang langit ay lupa, walang may karapatang mag-alinlangan sa Kaniyang kapangyarihan. Ito yaong sinaksihan ng Panimulang Tuldok ng Bayán sa lahat ng ipinadala sa Kaniya nang may katotohanan alinsunod sa utos ng Diyos, Siya Na sanhi upang mamitak ang Bukang-liwayway.

Ang ikatlong Tajallí

ay tungkol sa mga sining, mga masining na likhang-kamay at mga agham. Ang kaalaman ay katulad ng mga pakpak sa buhay ng tao, at isang hagdan para sa kaniyang pagtaas. Ang pagtatamo nito ay tungkulin ng bawat isa, ngunit ang dapat makamtan ay yaong kaalaman sa gayong mga agham na maaaring pakinabangan ng mga tao ng daigdig, at hindi yaong mga nagsisimula sa salita at nagtatapos sa salita. Tunay na malaki ang karapatan ng mga siyentipiko at ng mga gumagawa ng masining na likhang-kamay sa mga tao ng daigdig. Sumasaksi rito ang Inang Aklat sa araw ng Kaniyang pagbabalik. Maligaya ang mga may nakaririnig na tainga. Sa katotohanan, ang kaalaman ay isang tunay na kayamanan ng tao, at isang pinagmumulan ng kaluwalhatian, ng biyaya, ng kaligayahan, ng kadakilaan, ng kagalakan at kasiyahan para sa kaniya. Ganito ang binigkas ng Dila ng Karingalan dito sa Pinakadakilang Bilangguan.

Ang ikaapat na Tajallí

ay tungkol sa Pagka-Diyos, sa Diyos at mga katulad nito. Kung ibabaling ng táong may pang-unawa ang kaniyang paningin sa pinagpala, sa hayag na Puno ng Lote at sa mga bunga nito, siya’y payayamanin nang gayon na magiging malaya siya sa anumang bagay at aaminin niya ang kaniyang paniniwala roon sa binigkas ng Nagsalita sa Sinai mula sa trono ng Rebelasyon.

O ‘Alí-Akbar! Ipabatid sa mga tao ang mga banal na bersikulo ng iyong Panginoon, at ipaalam sa kanila ang Kaniyang tuwid na Landas, ang Kaniyang makapang-yarihang Pahayag.

Sabihin: O mga tao, kung kayo’y maghahatol nang walang-kinikilingan at makatarungan, mapatutunayan ninyo ang katotohanan ng anumang dumaloy mula sa Pinaka-dakilang Panulat. Kung kayo’y nabibilang sa mga tao ng Bayán, ang Bayán sa wikang Persiyano ay gagabayan kayo nang wasto at mapatutunayan sa inyo ang isang sapat na katibayan; at kung kayo’y nabibilang sa mga tao ng Qur’án, nilay-nilayin ninyo ang Rebelasyon sa Sinai at ang Tinig mula sa Palumpong na dumating sa Anak ni ‘Imrán (Moises).

Mapagpalang Diyos! Nilayon na sa pagsapit ng panahon ng pagpapahayag Niyang tunay na Diyos, ang kakayahang kilalanin Siya ay umunlad na at naging ganap at umabot na sa kasakdalan nito. Datapwat, maliwanag na ipinakikita ngayon ng mga di-nananalig na ang kakayahang ito ay nanatiling hindi umunlad at sa katunayan ay lalo pang sumama.

O ‘Alí! Yaong tinanggap nila mula sa Palumpong ay tinatanggihan nila ngayong tanggapin mula sa Kaniya na Puno ng daigdig ng nabubuhay. Sabihin, O mga tao ng Bayán, huwag magsalita sang-ayon sa mga udyok ng silakbo ng damdamin at ng makasariling mga hangarin. Ang karamihan sa mga tao ng daigdig ay nagpapatunay sa katotohanan ng pinagpalang Salita na nagmula sa Palumpong.

Sa pagkamakatarungan ng Diyos! Kung hindi sa awit ng papuri na binigkas Niya Na nagpatalastas sa banal na Rebelasyon, Siyang Pinagkasalahang ito ay hindi kailan¬man inihinga ang isang salita na maaaring magbunga ng matinding sindak sa mga puso ng mga mangmang at maging sanhi ng kanilang pagkamatay. Tinatalakay ang pagluwalhati sa Kaniya Na gagawing mahayag ng Diyos—dakila ang Kaniyang Kahayagan—ang Báb, sa simula ng Bayán, ay nagsaad ng: ‘Siya Yaong magpapahayag sa ilalim ng lahat ng mga kalagayan ng “Sa katunayan, tunay na Ako ang Diyos, walang ibang Diyos liban sa Akin, ang Panginoon ng lahat ng nilikhang bagay. Sa katotohanan ang lahat ng iba liban sa Akin ay Aking mga nilikha. O Aking mga nilikha! Ako lamang ang inyong sasambahin.”’ Gayundin, sa isa pang pagkakataon, sa pagpuri sa Pangalan Niya Na gagawing mahayag, sinabi Niya na: ‘Ako ang unang sasamba sa Kaniya.’ Tungkulin ngayon ng bawat isa na nilay-nilayin ang kahulugan ng ‘Sumasamba’ at ‘Siyang Sinasamba’, nang baka sakaling makatikim ang mga tao ng daigdig ng isang patak ng hamog mula sa karagatan ng banal na kaalaman at magkaroon ng kakayahang maunawaan ang kadakilaan ng Rebelasyong ito. Sa katunayan Siya’y lumitaw at pinalaya ang Kaniyang dila upang ipahayag ang Katotohanan. Mapalad siyang tumanggap at kumilala sa katotohanan, at pighati ang sasapit sa suwail at sa pabaya.

O mga kaanak ng daigdig! Itutok ang inyong mga tainga sa Tinig na mula sa banal na Puno ng Lote na lumililim sa daigdig at huwag mabilang sa mapaniil na mga tao sa daigdig—ang mga táong hindi kumilala sa Kahayagan ng Diyos at sa Kaniyang di-madadaig na kapangyarihan at itinakwil ang Kaniyang mga biyaya—sila sa katotohanan ay nabibilang sa mga kalait-lait sa Aklat ng Diyos, ang Panginoon ng buong sangkatauhan.

Ang luwalhating namitak mula sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng Aking mapagmahal na habag ay mapasaiyo at sa sinumang kasama mo at nakinig sa iyong mga salita tungkol sa Kapakanan ng Diyos, ang Makapang-yarihan sa Lahat, ang Pinupuri sa Lahat.

KALIMÁT-I-FIRDAWSÍYYIH: Mga Salita ng Paraiso

Siya Yaong nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Katotohanan sa Kaharian ng Pananalita

Okayong mga sagisag ng katarungan at ng pagka¬makatao at ang mga kahayagan ng pagkamatapat at ng makalangit na mga biyaya! Nang lumuluha at naghi¬hinagpis, Siyang Pinagkasalahan ay nananawagan nang malakas at nagsasabi: O Diyos, aking Diyos! Palamutihan ang mga ulo ng Iyong mga minamahal ng korona ng pagtiwalag at gayakan ang kanilang mga sentido ng kasuotan ng pagkamakatarungan.

Tungkulin ng mga tao ng Bahá na gawing magtagumpay ang Panginoon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanilang pananalita at paalalahanan ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang mabubuting gawa at ugali, dahil ang mga gawa ay nagdudulot ng higit na bisa kaysa sa mga salita.

O Ḥaydar-‘Alí! Mapasaiyo ang papuri ng Diyos at ang Kaniyang luwalhati. Sabihin: Ang katapatan, kabutihan, karunungan at malasantong pag-uugali ay nagbubunga ng kadakilaan ng tao, habang ang panlilinlang, pagkukunwari, kamangmangan at pagbabalatkayo ay humahantong sa kaniyang pagiging hamak. Saksi ang Aking buhay! Ang katangian ng tao ay hindi nakasalalay sa mga palamuti o kayamanan, sa halip ay sa mabuting kilos at tunay na pagkaunawa. Ang karamihan ng tao sa Persiya ay nakabaon sa kasinungalingan at walang-kabuluhang haka-haka. Gaano kalaki ang pagkakaiba ng kalagayan ng mga táong ito at ng katayuan ng gayong magigiting na mga kaluluwa na nagawang lampasan ang karagatan ng mga pangalan at itinayo ang kanilang mga tolda sa mga dalampasigan ng karagatan ng pagiging tiwalag. Tunay na wala liban sa iilan lamang sa kasalukuyang salinlahi ang nagawang makamtan ang karapatang makinig sa mga awit ng mga kalapati ng pinakamataas na Paraiso! ‘Ilan lamang sa Aking mga tagapaglingkod ang tunay na mapagpasalamat.’ Ang mga tao kadalasa’y nalulugod sa mga pamahiin. Itinuturing nila na higit na kanais-nais ang isang patak mula sa karagatan ng kahibangan kaysa sa karagatan ng katiyakan. Sa pagkapit nang mahigpit sa mga pangalan pinagkaitan nila ang kanilang mga sarili ng naloloob na katotohanan at sa paghawak nang mahigpit sa walang-kabuluhang mga haka-haka ay napigilan sila mula sa Panimulang-bukal ng makalangit na mga palatandaan. Harinawang ipahintulot ng Diyos na ika’y magiliw na tulungan sa lahat ng kalagayan upang mawasak ang mga diyus-diyusan ng pamahiin at upang lubos na punitin ang mga lambong ng mga likhang-isip ng mga tao. Ang kapangyarihan ay nasa kamay ng Diyos, ang Punong-bukal ng rebelasyon at inspirasyon at ang Panginoon ng Araw ng Muling-pagkabuhay.

Narinig Namin ang nasabing tao na banggitin ang tungkol sa ilang mga nagtuturo ng Pananampalataya. Tunay na siya’y nagsabi ng katotohanan. Ilang mga pabayang kaluluwa ang naglilibot sa mga lupain sa ngalan ng Diyos, abala sa masigasig na pagwasak sa Kaniyang Kapakanan, at tinatawag itong pagtataguyod at pagtuturo ng Salita ng Diyos; at ito sa kabila ng mga katangian ng mga tagapagturo ng Pananampalataya, na tulad ng mga bituin, ay maringal na nagniningning sa buong kalangitan ng banal na mga Tableta. Ang bawat táong may makatarungang isipan ay sumasaksi at ang bawat táong may maliwanag na pang-unawa ay lubos na nababatid na ang Isang tunay na Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—ay patuloy na ipinahahayag at ipinapaliwanag yaong magtataas sa katayuan at magpapadakila sa kalagayan ng mga anak ng tao.

Ang mga tao ng Bahá ay maliwanag na nag-aalab sa gitna ng mga pagtitipon tulad ng isang kandila at nananangan nang mahigpit doon sa nilayon ng Diyos. Ang katayuang ito ang pinakamataas sa lahat ng mga katayuan. Pinagpala siyang itinapon ang mga bagay na pag-aari ng mga tao ng daigdig, habang nananabik doon sa nauugnay sa Diyos, ang Makapangyarihang Panginoon ng kawalang-hanggan.

Sabihin: O Diyos, aking Diyos! Nakikita Mo akong lumilibot sa paligid ng Iyong Kalooban habang ang aking mga mata ay nakabaling sa sugpungang-guhit ng Iyong biyaya, sabik na naghihintay sa paghahayag ng nangingislap na mga kaningningan ng araw ng Iyong mga kaloob. Nagsusumamo ako sa Iyo, O Minamahal ng bawat nakauunawang puso at Hangarin ng mga malapit sa Iyo, na tulutan ang Iyong mga minamahal na maging ganap na malaya mula sa makasariling mga mithiin nila, nananangan nang mahigpit doon sa kasiya-siya sa Iyo. Damitan sila, O Panginoon, ng kasuotan ng pagkamakatwiran at tanglawan sila sa pamamagitan ng mga kaningningan ng liwanag ng pagkatiwalag. Tawagin, kung gayon, bilang kanilang mga katulong ang mga pangkat ng karunungan at pananalita upang sa gayo’y magawa nilang dakilain ang Iyong Salita sa Iyong mga nilikha at ipahayag ang Iyong Kapakanan sa gitna ng Iyong mga tagapaglingkod. Sa katunayan Ika’y may kapangyarihang gawin ang Iyong niloloob, at sa loob ng Iyong mahigpit na pagkahawak ay naroroon ang mga ugit ng lahat ng mga gawain. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan, ang Laging-Nagpapatawad.

O ikaw na nagbaling ng iyong paningin sa Aking mukha! Sa mga araw na ito ay naganap yaong naglubog sa Akin sa napakatinding kalungkutan. Ang ilang mga gumagawa ng kamalian habang nagpapanggap na matapat sa Kapakanan ng Diyos ay gumawa ng gayong mga pagkakamaling nangatog ang mga bisig ng katapatan, ng pagkamakatotohanan, ng katarungan at ng pagkamakata-rungan. Ang isang kilalang tao na pinakitaan ng sukdulang kabutihang-loob at biyaya ay isinagawa ang gayong mga kamaliang nagpaluha sa mata ng Diyos. Noon ay binigkas Namin ang mga salita ng babala at agam-agam, pagkatapos sa loob ng ilang mga taon ay inilihim Namin ang bagay na ito upang baka sakali’y makinig siya at magsisi. Ngunit ang lahat ay walang ibinunga. Sa huli’y ibinuhos niya ang kaniyang lakas sa paninira sa Kapakanan ng Diyos sa harap ng mga mata ng lahat ng tao. Lubos na sinira niya ang lambong ng katarungan at di-nakadama ng pagmamalasakit para sa kaniyang sarili o para sa Kapakanan ng Diyos. Subalit ngayon ang mga gawa ng ilang mga tao ay naghatid ng mga dalamhating higit na masidhi kaysa sa idinulot noong nauna. Magsumamo ka sa Diyos, Siyang Tunay, na buong-giliw Niyang tulutan ang mga pabaya na makabawi at magsisi. Tunay na Siya ang Nagpapatawad, ang Masagana, ang Pinakamapagkaloob.

Tungkulin ng bawat isa sa mga araw na ito ang mangapit nang mahigpit sa pagkakaisa at pagkakasundo at masigasig na kumilos sa pagtataguyod ng Kapakanan ng Diyos, upang baka sakaling maakay nila ang mga suwail na mga kaluluwa upang matamo nila yaong magdadala sa kanila patungo sa walang-maliw na kasaganaan.

Sa maikling salita, ang pagtatalo ng iba’t ibang mga sekta ay nagbigay-daan sa kahinaan. Ang bawat sekta ay pumili ng landas para sa sarili nito at nangangapit sa isang tanging kordon. Sa kabila ng hayag na pagkabulag at kamangmangan ipinagmamalaki nila ang kanilang mga sarili sa malalalim nilang pagkaunawa at kaalaman. Kabilang sa kanila ang mga táong mahilig sa talinghaga na kasapi sa Pananampalataya ng Islám, na ang ilan sa mga ito ay abala roon sa nagbubunga ng kawalang-ginagawa at inihihiwalay ang sarili sa iba. Sumusumpa Ako sa Diyos! Pinabababa nito ang katayuan ng tao at pinalalaki ang kaniyang ulo sa kayabangan. Ang tao’y dapat magkaroon ng bunga. Ang isang di-nagbibigay ng bunga, sa mga salita ng Espiritu, ay katulad ng isang puno na walang bunga, at ang puno na walang bunga ay nararapat lamang sa apoy.

Yaong sinabi ng mga nabanggit na tao tungkol sa mga kalagayan ng Banal na Pagkakaisa ay hahantong, sa hindi maliit na antas, sa kawalang-ginagawa at walang-kabuluhang mga hinagap. Ang mga mortal na tao ay waring isina¬isantabi ang mga pagkakaiba sa katayuan at itinuring ang kanilang mga sarili bilang Diyos, samantalang ang Diyos ay di-masukat ang kataasan sa lahat ng bagay. Ang lahat ng nilikhang bagay, gayumpaman, ay ipinahahayag ang Kaniyang mga palatandaan, na mga nagmumula lamang sa Kaniya at hindi ang Kaniyang Sarili Mismo. Ang lahat ng mga palatandaang ito ay nalalarawan at maaaring makita sa aklat ng buhay, at sa mga pergaminong naglalarawan sa hugis at dibuho ng sanlibutan ay tunay na isang lubhang dakilang aklat. Doon ang bawat táong may maliwanag na pagkaunawa ay mababatid yaong maghahatid sa Tuwid na Landas at magagawa niyang makamtan ang Dakilang Pahayag. Isipin ang mga sinag ng araw, na ang liwanag nito ay pumapalibot sa buong daigdig. Ang mga sinag ay nagbubuhat sa araw at inilalahad ang likas na katangian nito, ngunit hindi ito ang mismong araw. Anuman ang nakikita sa daigdig ay labis na nagpapakilala sa kapangyarihan ng Diyos, sa Kaniyang karunungan at mga pagbuhos ng Kaniyang biyaya, samantalang Siya Mismo’y di-masukat ang kataasan sa lahat ng mga nilikha.

Sinabi ni Kristo: ‘Iyong ipinagkaloob sa mga bata yaong ipinagkait sa pantas at marunong.’ Ang pantas ng Sabzivár ay nagwika: ‘Sayang! Ang mga nakaririnig na tainga ay nagkukulang, kung hindi, ang mga bulong ng Palumpong ng Sinai ay maririnig mula sa bawat puno.’ Sa isang Tableta para sa isang marunong na tao na nagtanong tungkol sa kahulugan ng Pangunahing Katotohanan, ipinahayag Namin sa tanyag na pantas na ito ang mga salitang ito: ‘Kung ang kasabihang ito ay tunay na sa iyo, paano nangyaring hindi mo narinig ang Panawagang binigkas ng Puno ng Tao mula sa pinakamatayog na mga kaitaasan ng daigdig? Kung narinig mo ang Panawagan subalit ang takot at hangaring iligtas ang iyong buhay ang nag-udyok sa iyo na manatiling pabaya rito, ika’y isang uri ng táong di-kailanman naging o magiging karapat-dapat banggitin; kung hindi mo ito narinig ika’y walang-kakayahang makarinig.’ Sa madaling salita, sila’y yaong mga tao na ang mga salita ay ipinagmamalaki ng daigdig, at ang mga gawa ay ikinahihiya ng mga bansa.

Sa katunayan pinatunog Namin ang Pakakak na walang iba liban sa Aking Panulat ng Kaluwalhatian, at masdan, ang sangkatauha’y nawalan ng malay-tao sanhi nito, liban sa kanilang ninais ng Diyos na iligtas bilang palatandaan ng Kaniyang biyaya. Siya ang Panginoon ng biyaya, ang Napakatanda ng Mga Araw.

Sabihin: O kalipunan ng mga teologo! Maghahayag ba kayo ng pamimintas laban sa Panulat na ito, na kagyat na pinalakas nito ang kaniyang matinis na tinig, ay inihanda ng kaharian ng pananalita ang sarili nito upang makinig, at sa harap ng makapangyarihan at maluwalhating paksang ito ang lahat ng ibang paksa ay nagmistulang walang halaga? Matakot kayo sa Diyos at huwag sundin ang inyong walang-kabuluhang mga haka-haka at balakyot na mga hinagap, sa halip ay sumunod sa Kaniya Na dumating sa inyo nang may di-maitatangging kaalaman at di-mayayanig na katiyakan.

Luwalhatiin ang Diyos! Ang kayamanan ng tao ay nasa kaniyang salita, subalit Siyang Pinagkasalahan ay pinigilan ang Kaniyang Dila, dahil sa ang mga di-naniniwala ay nag-aabang upang sumalakay; gayumpaman ang pangangalaga ay ibinibigay ng Diyos, ang Panginoon ng lahat ng mga daigdig. Sa katunayan sa Kaniya Namin inilagak ang Aming pagtitiwala at sa Kaniya Namin ipinangako ang lahat ng mga gawain. Siya’y Nakasasapat sa Lahat para sa Amin at para sa lahat ng nilikhang bagay. Siya Yaong sa pamamagitan ng Kaniyang kapahintulutan at sa pamama¬gitan ng lakas ng Kaniyang kautusan, ang Araw-bituin ng pinakamakapangyarihang lakas ay sumikat nang napaka-ning¬ning sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng daigdig. Mapalad siyang nakabatid at nakakilala sa Katotohanan at pighati ang sasapit sa pabaya at sa di-matapat.

Siyang Pinagkasalahang ito ay walang-salang pinakitunguhan nang buong pagmamahal ang marurunong. Ang kahulugan ng marunong ay ang mga tao na ang kaalaman ay hindi hanggang salita lamang at ang mga buhay ay naging kapaki-pakinabang at nagkaroon ng namamalaging mga bunga. Tungkulin ng bawat isa na parangalan ang pinagpalang mga kaluluwang ito. Maligaya silang mga sumusunod sa mga utos ng Diyos; maligaya silang nakakikilala sa Katotohanan; maligaya silang naghahatol nang makatarungan sa lahat ng bagay at nangangapit nang mahigpit sa Kordon ng Aking di-malalabag na Katarungan.

Ang mga tao ng Persiya ay tumalikod sa Kaniya Na Nangangalaga at Tumutulong. Nangangapit sila sa at sinisilo ang kanilang mga sarili sa mga walang-kabuluhang hinagap ng mga hangal. Lubhang mahigpit ang kanilang pangangapit sa mga pamahiin na walang makapagkakalag sa kanila roon liban sa malakas na bisig ng Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian. Magsumamo ka sa Makapangyarihan sa Lahat na harinawang alisin Niya sa pamamagitan ng mga daliri ng banal na kapangyarihan ang mga lambong na humahadlang sa iba’t ibang mga tao at kaanak, upang nawa’y matamo nila ang mga bagay na makatutulong sa kaligtasan, pag-unlad at pagsulong at nawa’y magmadali sila patungo sa walang-kahambing na Kaibigan.

Ang salita ng Diyos na ipinahayag at inukit ng Panulat ng Abhá sa

unang dahon

ng Pinakadakilang Paraiso ay ito: Sa katunayan sinasabi Ko: Ang takot sa Diyos ay ang laging tiyak na tanggulan at isang ligtas na muog para sa lahat ng mga tao ng daigdig. Ito ang pangunahing layunin ng pagtatanggol ng sangkatauhan at ang sukdulang paraan para sa pangangalaga nito. Tunay na mayroong kakayahan ang tao na pigilan siya mula sa, at pinangangalagaan siya laban sa anumang di-karapat-dapat at di-naaangkop, at ito’y kilala bilang pagpapahalaga niya sa kahihiyan. Ngunit iilan lamang ang mayroon nito; ang lahat ay hindi nagkaroon at hindi nagtataglay nito.

Ang salita ng Diyos na itinala ng Kataas-taasang Panulat sa

ikalawang dahon

ng Pinakadakilang Paraiso ay ang sumusunod: Ang Panulat ng Pinakamataas ay hinihimok, sa sandaling ito, ang mga kahayagan ng kapangyarihan at ang mga pinagmumulan ng lakas, alalaong baga, ang mga hari, mga namumuno, mga pangulo, mga pinuno, mga teologo at mga marunong, at pinapayuhan silang itaguyod ang kapakanan ng relihiyon at mangapit dito. Ang relihiyon, sa katunayan, ay ang pangunahing pamamaraan para sa pagtatatag ng kaayusan sa daigdig at para sa katiwasayan ng mga tao nito. Ang panghihina ng mga haligi ng relihiyon ay nagpalakas sa mga hangal at pinatapang sila at ginawa silang higit na palalo. Sa katunayan, sinasabi Ko: Higit na lumulubha ang panghihina ng relihiyon, higit na tumitindi ang pagkasuwail ng mga hindi maka-Diyos. Ito, sa wakas, ay walang ibang patutunguhan kundi ang kaguluhan at kalituhan. Dinggin Ako, O mga táong may maliwanag na pagkaunawa, at maging binalaan, O kayong mga pinagkalooban ng mahusay na pang-unawa!

Ang salita ng Diyos na itinala ng Kataas-taasang Panulat sa

ikatlong dahon

ng Pinakadakilang Paraiso ay ito: O anak ng tao! Kung ang iyong mga mata ay nakabaling sa habag, iwanan ang mga bagay na iyong pakikinabangan at mangapit doon sa pakikinabangan ng sangkatauhan. At kung ang iyong mata ay nakabaling sa katarungan, piliin para sa iyong kapitbahay yaong pinili mo para sa iyong sarili. Ang pagpapakumbaba ay itinataas ang tao sa kalangitan ng kaluwalhatian at kapangyarihan, samantalang ang pagma¬malaki ay nagpapababa sa kaniya sa mga kalaliman ng kasawian at kawalang-dangal.

O mga tao ng Diyos! Dakila ang Araw at makapang-yarihan ang Panawagan! Sa isa sa Aming mga Tableta ay ipinahayag Namin ang dakilang mga salitang ito: ‘Kung ang daigdig ng espiritu ay lubos na maisasalin sa kakayahan nitong makarinig, masasabi na nito, kung gayon, na karapat-dapat na nitong marinig ang Tinig na nananawagan mula sa Kataas-taasang Sugpungang-guhit; dahil sa kung hindi, ang mga taingang ito na dinungisan ng mga sinungaling na kuwento ay hindi kailanman, ni ngayon, karapat-dapat na marinig ito.’ Mapalad silang nakikinig; at pighati ang sasapit sa pabaya.

Ang salita ng Diyos na itinala ng Kataas-taasang Panulat sa

ikaapat na dahon

ng Pinakadakilang Paraiso ay ang sumusunod: O mga tao ng Diyos! Magsumamo kayo sa Kaniya Na Tunay—luwalhatiin ang Kaniyang Pangalan—na mapagmahal Niyang tanuran ang mga kahayagan ng kapangyarihan at lakas mula sa mga udyok ng sarili at ng pagnanasa at isabog ang kaningningan ng katarungan at patnubay sa kanila.

Ang Kaniyang Kamahalan si Muḥammad Sháh, sa kabila ng kataasan ng kaniyang katungkulan, ay gumawa ng dalawang napakasamang pagkakamali. Ang isa ay ang utos na ipatapon ang Panginoon ng mga Kaharian ng Pagpapala at Biyaya, ang Panimulang Tuldok; at ang isa pa ay ang pagpatay sa Prinsipe ng Lunsod ng Mahusay na Pamumuno ng Pamahalaan at ng Pampanitikang Kasanayan.

Ang mga pagkakamali ng mga hari, tulad ng kanilang mga biyaya, ay maaaring maging malaki. Ang haring hindi nahahadlangan ng kapalaluan ng lakas at kapangyarihan sa pagsunod sa katarungan, o hindi pinagkaitan ng mga karingalan ng araw-bituin ng walang-pagkiling dahil sa kasaganaan, kayamanan, kaluwalhatian o ang pag-iipon ng maraming pangkat at hukbo ay magtatamo ng mataas na katayuan at isang napakatayog na kalagayan sa Kalipunan sa kaitaasan. Tungkulin ng bawat isa ang magbigay ng tulong at magpakita ng kabutihan sa gayong kaluluwa na lubhang marangal. Mapalad ang haring mahigpit na hinahawakan ang mga ugit ng silakbo ng kaniyang damdamin, pinipigilan ang kaniyang galit at higit na minamabuti ang katarungan at walang-kinikilingan kaysa sa kawalan ng katarungan at paniniil.

Ang salita ng Diyos na itinala ng Kataas-taasang Panulat sa

ikalimang dahon

ng Pinakadakilang Paraiso ay ito: Higit sa lahat ang pinaka-dakilang kaloob at ang lubhang kamangha-manghang biyaya ay laging naging, at patuloy na magiging, ang Karunungan. Ito ay ang laging handang Tagapagtanggol ng tao. Ito ang tumutulong sa kaniya at nagpapalakas sa kaniya. Ang Karunungan ay ang Sugo ng Diyos at ang Tagapagpahayag ng Kaniyang Pangalan, ang Nakababatid-ng-lahat-ng-bagay. Sa pamamagitan nito ang kataasan ng katayuan ng tao ay nagiging hayag at maliwanag. Ito ang nakaaalam ng lahat at ang pinakamagaling na Guro sa paaralan ng buhay. Ito ang Gabay at pinagkalooban ng mataas na pagtatangi. Salamat sa impluwensiya nito na nakapagtuturo ang makalupang mga nilalang ay napagka¬looban ng malahiyas na espiritung higit na maningning kaysa sa mga kalangitan. Sa lunsod ng katarungan ito ang walang-katulad na Tagapagsalita Na, nang taóng siyam, ay nagbigay-liwanag sa daigdig sa pamamagitan ng maligayang balita ng Rebelasyong ito. At itong walang-kaparis na Pinagmumulan ng karunungan na sa simula ng pagtatatag ng daigdig ay umakyat sa hagdan ng panloob na kahulugan at nang nakaupo na sa trono ng pulpito ng pananalita, sa pamamagitan ng pagkilos ng banal na Kalooban, ay binigkas ang dalawang salita. Ang una ay nagbalita sa pangako ng gantimpala samantalang ang pangalawa ay binigkas ang nakatatakot na babala ng parusa. Ang pangako ay nagbunga ng pag-asa at ang babala ay nagbunga ng takot. Sa gayon ang saligan ng kaayusan ng daigdig ay matibay na naitatag sa kambal na simulaing ito. Dakila ang Panginoon ng Karunungan, ang Nagmamay-ari ng Dakilang Biyaya.

Ang salita ng Diyos na itinala ng Kataas-taasang Panulat sa

ikaanim na dahon

ng Pinakadakilang Paraiso ay ang sumusunod: Ang tanglaw ng mga tao ay Katarungan. Huwag itong patayin sa pamamagitan ng salungat na mga hangin ng pag-uusig at paniniil. Ang layunin ng katarungan ay ang paglitaw ng pagkakaisa sa mga tao. Ang karagatan ng banal na karunungan ay dumadaluyong sa dakilang salitang ito, samantalang ang mga aklat ng daigdig ay di-makayang sakupin ang naloloob na kahulugan nito. Kung ang sangkatauha’y magagayakan ng kasuotang ito, makikita nila ang araw-bituin ng salitang ‘Sa araw na iyon ay ibibigay ng Diyos sa lahat yaong magbibigay ng kasiyahan mula sa Kaniyang kasaganaan,’ na maningning na nagliliwanag sa itaas ng sugpungang-guhit ng daigdig. Pasalamatan ninyo ang kahalagahan ng pananalitang ito; ito’y isang napakarangal na bungang ibinigay ng Puno ng Panulat ng Kaluwalhatian. Maligaya ang táong nakikinig dito at sumusunod sa mga alituntunin nito. Sa katunayan sinasabi Ko, ang anumang ipinadala mula sa kalangitan ng Kalooban ng Diyos ay ang pamamaraan para sa pagtatatag ng kaayusan sa daigdig at ang paraan para sa pagtataguyod ng pagkakaisa at mabuting pagsasamahan sa mga tao nito. Ganoon ang binigkas ng Dila Niya Na Pinagkasalahang ito mula sa Kaniyang Pinakadakilang Bilangguan.

Ang salita ng Diyos na itinala ng Kataas-taasang Panulat sa

ikapitong dahon

ng Pinakadakilang Paraiso ay ito: O kayong mga táong marurunong sa mga bansa! Ipikit ang inyong mga mata sa magpapalayo ng damdamin, at pagkatapos ay itutok ang inyong paningin sa pagkakaisa. Mangapit nang mahigpit doon sa magiging daan para sa mabuting kalagayan at katiwasayan ng buong sangkatauhan. Ang lawak ng kalupaang ito ay iisang tinubuang-lupa, at iisang tahanan lamang. Nararapat na talikuran ninyo ang kapalaluang nagdudulot ng paglayo ng damdamin at ituon ang inyong mga puso sa anumang makatitiyak sa mabuting pagsasamahan. Sa palagay ng mga tao ng Bahá ang kaluwalhatian ng tao ay nasa kaniyang kaalaman, sa kaniyang makatwirang kilos, sa kaniyang kapuri-puring ugali at sa kaniyang karunungan, at hindi sa kaniyang bansang sinilangan o sa kaniyang katayuan. O mga tao ng daigdig! Pasalamatan ang kahalagahan nitong makalangit na salita. Tunay na maihahambing ito sa isang barko sa karagatan ng kaalaman at isang nagniningnig na bituin sa kaharian ng pang-unawa.

Ang salita ng Diyos na itinala ng Kataas-taasang Panulat sa

ikawalong dahon

ng Pinakadakilang Paraiso ay ang sumusunod: Dapat munang sanayin ng mga paaralan ang mga bata sa mga simulain ng relihiyon, upang ang Pangako at ang Babalang nakatala sa mga Aklat ng Diyos ay mapigilan sila mula sa mga ipinagbabawal na gawain at mapalamutian sila ng manta ng mga utos; subalit ito’y sa gayong sukat na hindi nito mapipinsala ang mga bata na magbubunga ng mangmang na pagkapanatiko at bulag na pagsunod.

Tungkulin ng mga Katiwala ng House of Justice na sama-samang magsanggunian tungkol sa mga bagay na iyon na di-maliwanag na ipinahayag sa Aklat, at ipatupad yaong naaayon sa kanilang kagustuhan. Ang Diyos ay tunay na magbibigay sa kanila ng inspirasyon ayon sa anumang ninanais Niya, at Siya, sa katunayan, ay ang Tagapagbigay, ang Nakababatid-sa-lahat-ng-bagay.

Dati na Naming ipinag-utos na ang mga tao’y nararapat mag-usap sa pamamagitan ng dalawang wika, subalit kailangang gumawa ng mga pagsisikap upang maging isa lamang ito, at gayundin ang mga paraan ng pagsulat sa daigdig, nang sa gayo’y hindi malustay at masayang ang mga buhay ng tao sa pag-aaral ng sari-saring mga wika. Sa gayon ang buong daigdig ay maituturing na iisang lunsod at iisang lupain lamang.

Ang salita ng Diyos na itinala ng Kataas-taasang Panulat sa

ikasiyam na dahon

ng Pinakadakilang Paraiso ay ito: Sa lahat ng bagay ang pagtitimpi ay kanais-nais. Kung ang isang bagay ay gagawin nang may kalabisan, ito’y magiging sanhi ng kasamaan. Isipin ang kabihasnan ng Kanluran, kung paano nito binagabag at tinakot ang mga tao ng daigdig. Isang malaimpiyernong makina ang nilikha at ito’y napatunayang lubhang malupit na sandata ng pagwasak na walang-katulad nito ang nakita na o nabalitaan ng sinuman. Ang pagpawi sa ganoong di-mabakbak na ugat at nakagagahis na mga katiwalian ay hindi magaganap hanggang hindi nagkakaisa ang mga tao ng daigdig sa pagsisikap na matamo ang isang pangkalahatang layunin at tatanggapin ang isang pangkalahatang pananampalataya. Ibaling ang inyong mga tainga sa Panawagan Niya Na Pinagkasalahang ito at mangapit nang mahigpit sa Di-lubos na Kapayapaan.

Kakaiba at kagila-gilalas ang mga bagay na umiiral sa kalupaan ngunit natatago ang mga iyon mula sa mga isipan at pang-unawa ng tao. Ang mga bagay na ito ay may kakayahang ibahin ang hangin na bumabalot sa kalupaan at ang kanilang karumihan ay mapapatunayang nakamamatay. Dakilang Diyos! Nakita Namin ang isang kamangha-manghang bagay. Ang kidlat o isang lakas na katulad nito ay pinamamahalaan ng isang nagmamay-ari at ito’y kumikilos ayon sa utos niya. Hindi masukat ang kadakilaan ng Panginoon ng Kapangyarihan Na nagbunyag sa nilayon Niya sa pamamagitan ng bisa ng Kaniyang mahalaga at di-malulupig na kautusan.

O mga tao ng Bahá! Ang bawat isa sa mga kautusang ipinahayag Namin ay isang makapangyarihang muog para sa pangangalaga ng daigdig ng nilikha. Tunay na Siyang Pinagkasalahang ito ay walang hinahangad liban sa inyong kaligtasan at pagtaas.

Hinihimok Namin ang mga tao ng House of Justice at inaatasan sila na tiyakin ang pagtatanggol at pangangalaga ng mga lalaki, mga babae at mga bata. Tungkulin nilang magkaroon ng sukdulang malasakit para sa kapakanan ng mga tao sa lahat ng panahon at sa ilalim ng lahat ng kalagayan. Pinagpala ang pinunong tumutulong sa nabihag, at ang mayaman na nagmamahal sa mahirap, at ang makatarungan na kinuha mula sa gumagawa ng kasamaan ang mga karapatan ng mga inapi, at maligaya ang katiwalang sumusunod doon sa itinalaga sa kaniya ng Nagtatadhana, ang Napakatanda sa Mga Araw.

O Ḥaydar-‘Alí! Mapasaiyo ang Aking luwalhati at ang Aking papuri. Ang Aking mga payo at mga paalala ay pumalibot sa daigdig. Subalit, sa halip na magbahagi ng ligaya at tuwa sila ang naging sanhi ng pighati dahil sa ang ilan sa mga nagsasabing minamahal nila Ako ay naging mapagmataas at pinalasap Ako ng gayong mga pagdurusa na hindi pa kailanman ipinalasap ng mga sumusunod sa naunang mga relihiyon o ng mga teologo ng Persiya.

Sinabi Namin: ‘Ang Aking pagkabilanggo ay hindi makapipinsala sa Akin, ni hindi ang mga bagay na Aking sinapit sa mga kamay ng Aking mga kaaway. Yaong makapipinsala sa Akin ay ang asal ng Aking mga minamahal na bagaman taglay nila ang Aking pangalan ay ginagawa pa rin yaong nagbibigay ng hinagpis sa Aking puso at sa Aking panulat.’ Ang mga pananalitang katulad nito ay paulit-ulit na ipinahayag, subalit ang mga pabaya ay nabigong makinabang dito, dahil sila’y nabihag ng sarili nilang masasamang simbuyo ng damdamin at balakyot na mga hangarin. Magsumamo ka sa Isang Tunay na Diyos na Kaniyang pahintulutang makapagsisi at makabalik sa Kaniya ang bawat isa. Hanggang ang likas na katangian ng isa ay nadadaig ng masasamang silakbo ng damdamin, ang krimen at paglabag sa batas ay mananaig. Minimithi Namin ang pag-asa na ang kamay ng banal na kapangyarihan at ang pagbuhos ng makalangit na mga kaloob ay magbibigay-lakas sa lahat ng tao, madadamitan sila ng kasuotan ng pagpapatawad at biyaya at pangangalagaan sila laban doon sa makapipinsala sa Kaniyang Kapakanan na kabilang sa Kaniyang mga tagapaglingkod. Siya, sa katunayan, ay ang Makapangyarihan, ang Malakas sa Lahat, at Siya ang Laging-Nagpapatawad, ang Mahabagin.

Ang salita ng Diyos na itinala ng Kataas-taasang Panulat sa

ikasampung dahon

ng Pinakadakilang Paraiso ay ang sumusunod: O mga tao ng daigdig! Ang pamumuhay nang hiwalay sa lahat ng tao at ang labis na pagpapahirap sa sarili ay di-katanggap-tanggap sa harap ng Diyos. Tungkulin nilang mga pinagkalooban ng malinaw na pagkaunawa at pang-unawa na isagawa yaong magdudulot ng kaligayahan at kaning¬ningan. Ang gayong mga gawing nagmula sa mga balakang ng walang-kabuluhang haka-haka o isinilang ng sinapupunan ng pamahiin ay di-nababagay sa mga marurunong na tao. Sa naunang mga panahon at kamakailan lamang inilipat ng ilang mga tao ang kanilang mga tirahan sa mga yungib ng kabundukan habang ang iba ay umuuwi sa mga libingan sa gabi. Sabihin, makinig sa mga payo Niyang Pinagkasalahang ito. Iwanan ang mga bagay na laganap sa inyo at sundin ang ipinapayo sa inyo ng matapat na Tagapayo. Huwag ipagkait sa inyong mga sarili ang mga biyayang nilikha alang-alang sa inyo.

Ang kawanggawa ay kasiya-siya at kapuri-puri sa paningin ng Diyos at ito’y itinuturing na isang prinsipe sa mabuting mga gawa. Pag-isipan at gunitain ang ipinahayag ng Mahabagin sa Lahat sa Qur’án: ‘Higit na inuuna nila sila kaysa sa kanilang mga sarili, kahit kahirapan pa ang kanilang maging kapalaran. At sa gayong mga naligtas mula sa sarili nilang kasakiman, kabutihan ang mapapala.” Kung nauunawaan sa ganitong kahulugan, ang pinagpalang salita sa itaas, sa katotohanan, ay ang araw-bituin ng mga pananalita. Pinagpala siyang inuuna ang kaniyang kapatid kaysa sa kaniyang sarili. Sa katunayan ang ganitong tao, sang-ayon sa Kalooban ng Diyos, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat, ay nabibilang sa mga tao ng Bahá na nananahan sa Crimson na Arko.

Ang salita ng Diyos na itinala ng Kataas-taasang Panulat sa

ikalabing-isang dahon

ng Pinakadakilang Paraiso ay ito: Ipinag-uutos Namin sa kanila na mga sagisag ng Kaniyang mga pangalan at mga katangiang mahigpit na manangan mula ngayon doon sa ipinahayag dito sa Pinakadakilang Rebelasyon, na huwag pahintulutan ang kanilang mga sarili na maging sanhi ng pag-aaway, at, hanggang sa katapusan na walang katapusan, ay panatilihing nakatutok ang kanilang mga mata sa panimulang-bukal nitong maningning na mga salitang nakatala sa Tabletang ito. Ang pag-aaway ay humahantong sa pagdanak ng dugo at lumilikha ng gulo sa mga tao. Makinig kayo sa Tinig Niyang Pinagkasalahang ito at huwag kayong lumihis mula roon.

Kung ninilay-nilayin ng sinuman sa kaniyang puso yaong, sa Rebelasyong ito, ay dumaloy mula sa Panulat ng Kaluwalhatian, makatitiyak siya na maging anuman ang pinagtibay Niyang Pinagkasalahang ito, wala Siyang anumang layunin na itatag ang anumang katungkulan o pagtatangi para sa Kaniyang Sarili. Sa halip, ang layunin ay ang akitin ang mga kaluluwa, sa pamamagitan ng kadakilaan ng Kaniyang mga salita, sa tugatog ng nangingibabaw na kaluwahatian at ang pagkalooban sila ng kakayahang makilala ang maglilinis at magpapadalisay sa mga tao ng daigdig mula sa pag-aaway at pagtatalong pinupukaw ng panrelihiyong mga di-pagkakaunawaan. Dito’y sumasaksi ang Aking puso, ang Aking Panulat, ang Aking panloob at ang Aking panlabas na Buhay. Harinawang ipahintulot ng Diyos na ang lahat ng tao ay bumaling sa mga ingatang-yaman na natatago sa loob ng kanilang mga sarili.

O mga tao ng Bahá! Ang pinagmumulan ng masining na mga likhang kamay, mga agham at mga sining ay ang kakayahan ng pagninilay-nilay. Gawin ninyo ang lahat ng pagsisikap upang lumitaw mula rito sa minimithing minahan ang gayong mga perlas ng karunungan at pananalitang magtataguyod sa mabuting kalagayan at pagkakasundo ng lahat ng mga kaanak ng daigdig.

Sa lahat ng kalagayan, maging sa kahirapan o sa kasaganaan, maging pinaparangalan o pinahihirapan, Siyang Pinagkasalahang ito ay nag-utos sa lahat ng mga tao na magpakita ng pag-ibig, pagmamahal, pagmamalasakit at pagkakasundo. At gayunman kailanman nagkaroon ng kahit bahagyang bakas ng pag-unlad at pagsulong, ang mga nagtatago sa likod ng mga lambong ay sasalakay at sasabihin ang mga paninirang-puri na higit na nakasusugat kaysa sa espada. Nangangapit sila sa mga mapanlinlang at masasamang mga salita at hinahayaan ang kanilang mga sarili na mapagkaitan ng karagatan ng mga bersikulong ipinahayag ng Diyos.

Kung ang mga humahadlang na lambong na ito ay hindi nakialam, ang Persiya, sa loob ng dalawang taon, ay napatahimik na sana sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pananalita, ang kalagayan ng kapuwa pamahalaan at mga tao ay naitaas na sana at ang Sukdulang Layunin, nang di-nalalambungan at di-natatago, ay lumitaw na sana sa kalubusan ng kaluwalhatian. Sa madaling salita, kung minsan sa malinaw na pananalita, sa ibang panahon sa pamamagitan ng pagpapahiwatig, sinabi Namin ang anumang nararapat sabihin. Sa gayon, kapag muling naisaayos ang Persiya, ang mababangong halimuyak ng Salita ng Diyos ay sisimoy sa lahat ng mga bansa, yayamang yaong dumaloy mula sa Pinakadakilang Panulat ay nakatutulong sa kaluwalhatian, sa pagsulong at sa edukasyon ng lahat ng mga tao at mga kaanak ng daigdig. Tunay na ito ang pinakamakapangyarihang lunas sa bawat sakit, kung mauunawaan at mababatid lamang nila.

Kamakailan ang mga Afnán at mga Amín—mapasakanila ang Aking luwalhati at mapagmahal na kagandahang-loob—ay nakarating sa Aming kinaroroonan at nasilayan ang Aming mukha; gayundin si Nabíl, ang lalaking anak ni Nabíl at ang lalaking anak ni Samandar—mapasakanila ang luwalhati ng Diyos at ang Kaniyang mapagmahal na kagandahang-loob—ay naririto at uminom mula sa kopa ng muling-pagsasama. Isinasamo Namin sa Diyos na mapagmahal na itadhana Niya para sa kanila ang kabutihan ng daigdig na ito at ng susunod at yaong pagdaloy ng Kaniyang mga kaloob at mga biyaya ay bumaba sa kanila mula sa langit ng Kaniyang pagkamapagbigay at mga ulap ng Kaniyang mapagmahal na pagmamalasakit. Sa katunayan sa mga nagpapakita ng habag, Siya ang Pinaka¬maawain, at Siya ang Magandang-loob, ang Mapagbigay.

O Ḥaydar-‘Alí! Ang iyong isa pang liham na ipinahatid sa kaniya na taglay ang taguring Júd (Kagandahang-loob) ay dumating na sa Aming banal na bulwagan. Purihin ang Diyos! Iyon ay pinalamutian ng liwanag ng banal na pagkakaisa at ng pagkatiwalag at nagliliyab sa apoy ng pag-ibig at pagmamahal. Manalangin ka sa Diyos na harinawang maipagkaloob Niya ang matalas na mga mata at pagliwanagin ang mga iyon ng bagong liwanag, nang baka sakali’y matanto nila yaong walang katulad o kapantay.

Sa araw na ito ang mga bersikulo ng Inang Aklat ay nagniningning at di-mapagkakamalan katulad ng araw. Hindi rin nila ito kailanman mapagkakamalian na kabilang sa nakaraan o ng hindi pa natatagalang mga pananalita. Tunay na Siyang Pinagkasalahang ito ay hindi naghahangad na ipakilala ang Kaniyang Sariling Kapakanan sa pamamagitan ng mga katibayang ginawa ng iba. Siya Yaong sumasaklaw sa lahat ng bagay samantalang ang lahat ng iba liban sa Kaniya ay may hangganan. Sabihin, O mga tao, basahin ninyo ang laganap sa inyo at babasahin Namin ang nauugnay sa Amin. Sumusumpa Ako sa Diyos! Maging ang papuri ng mga tao ng daigdig, ni ang mga bagay na pag-aari ng mga kaanak ng daigdig ay hindi karapat-dapat banggitin sa harap ng alaala ng Kaniyang Pangalan. Sumasaksi rito Siya Na, sa lahat ng kalagayan, ay nagpapahayag, ‘Sa katunayan Siya ang Diyos, ang makapangyarihang Pinuno ng Araw ng Pagtutuos at ang Panginoon ng makapangyarihang Trono.’

Luwalhatiin ang Diyos! Nakapagtataka kung anong katibayan o dahilan na ang mga di-naniniwala sa mga tao ng Bayán ay tinalikuran ang Panginoon ng nilalang. Sa katotohanan ang katayuan ng Rebelasyong ito ay nakahihigit sa katayuan ng anumang naipahayag na noong nakaraan o ng maihahayag pa sa hinaharap.

Kung ang Panimulang Tuldok ng Bayán ay naririto sa araw na ito at kung Siya, iadya nawa ng Diyos, ay mag-aatubiling tanggapin ang Kapakanang ito, kung gayon ang mga pinagpalang salita mismo na dumaloy mula sa panimulang-bukal ng Sarili Niyang Bayán ay mauukol sa Kaniya. Sinasabi Niya, at ang Kaniyang salita ay ang katotohanan, ‘Karapatan Niya Na gagawing mahayag ng Diyos na hindi tanggapin siyang pinakadakila sa daigdig.’ Sabihin, O kayong mga salat sa pang-unawa! Sa araw na ito ang Pinakadakilang Nilalang na iyon ay nagpapahayag: ‘Sa katunayan, sa katunayan, Ako ang unang sasamba sa Kaniya.’ Gaano kababaw ang pinagkukunan ng kaalaman ng mga tao at gaano kahina ang kanilang kakayahang makaunawa. Ang Aming Panulat ng Kaluwalhatian ay sumasaksi sa kanilang kahabag-habag na karukhaan at sa kayamanan ng Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig.

Purihin at luwalhatiin Siyang nagbigay-buhay sa nilikha. Siya ang pinakamakapangyarihang Katotohanan, ang Nakaaalam ng mga bagay na di-nakikita. Ang Inang Aklat ay ipinahayag at ang Panginoon ng Biyaya ay naitatag sa lubhang pinagpalang luklukan ng kaluwalhatian. Ang Bukang-liwayway ay namitak na, ngunit hindi nakauunawa ang mga tao. Ang mga palatandaan ay ipinakita na, samantalang Siyang nagpahayag sa kanila ay napupuspos ng maliwanag na pighati. Tunay na Aking tiniis yaong naging dahilan ng pagtangis ng daigdig ng nilikha.

Sabihin: O Yaḥyá (Azal) magbigay ng isang taludtod lamang, kung ika’y nagtataglay ng banal na pinasiglang kaalaman na ibinigay ng Diyos. Ang mga salitang ito ay dati nang binigkas ng Aking Tagapagbalita Na sa oras na ito, ay nagpapahayag: ‘Sa katunayan, sa katunayan, Ako ang unang sumasamba sa Kaniya.’ Maging makatarungan, O Aking kapatid. Magagawa mo bang magsalita kapag dinala ka nang harapan sa dumadaluyong na karagatan ng Aking pananalita? Mapapalaya mo ba ang iyong dila kapag hinarap ka ng matinis na tinig ng Aking Panulat? Mayroon ka bang anumang kapangyarihan sa harap ng mga rebelasyon ng Aking kapangyarihan sa lahat? Maghatol ka nang makatarungan, Aking iniuutos sa iyo sa ngalan ng Diyos, at gunitain nang ika’y nakatayo sa harap Niya Na Pinagkasalahang ito at binigkas Namin sa iyo ang mga bersikulo ng Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap. Mag-ingat na baka ang pinagmumulan ng kasinungalingan ay makahadlang sa iyo mula sa maliwanag na Katotohanan.

O ikaw na itinutok ang iyong paningin sa Aking mukha! Sabihin: O kayong mga pabaya! Dahil sa isang patak pinagkaitan ninyo ang inyong mga sarili ng karagatan ng makalangit na mga bersikulo at dahil sa napakaliit na atomo ay hinadlangan ninyo ang inyong mga sarili mula sa mga kaningningan ng Araw-bituin ng Katotohanan. Sino pa kundi ang Bahá ang may kapangyarihang magsalita sa harap ng sangkatauhan? Maghatol kayo nang makatarungan at huwag mabilang sa mga di-makatarungan. Sa pamamagitan Niya ang mga karagatan ay dumaluyong, ang mga hiwaga ay nahayag, at pinalakas ng mga punongkahoy ang kanilang tinig na ibinubulalas: Ang mga kaharian ng kalupaan at kalangitan ay sa Diyos, ang Nagpapahayag ng mga palatandaan, ang Punong-bukal ng maliwanag na mga palatandaan. Basahin ang Bayán sa wikang Persiyano na ipinahayag Niya Na nagpatalastas sa Rebelasyong ito at tingnan ito sa pamamagitan ng mata ng katarungan. Sa katunayan papatnubayan Niya kayo nang wasto sa Kaniyang Landas. Sa sandaling ito ipinapahayag Niya yaong binigkas na ng Kaniyang dila noong nakaupo Siya sa trono ng Kaniyang pinakadakilang Pangalan.

Iyong binanggit ang mga minamahal sa mga pook na iyon. Purihin ang Diyos, na natamo ng bawat isa sa kanila ang karangalan na sila’y naalaala Niya Na Tunay—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—at ang mga pangalan nila, ng bawat isa at ng lahat, ay dumaloy mula sa Dila ng Kamaharlikaan sa kaharian ng pananalita. Tunay na dakila ang kanilang pagpapala at kaligayahan, dahil sila’y uminom ng piling alak ng rebelasyon at inspirasyon mula sa kamay ng kanilang Panginoon, ang Mapagmalasakit, ang Mahabagin. Nagsusumamo Kami sa Diyos na palakasin sila upang maipakita ang di-natitinag na katapatan at manawagang tulungan sila ng mga hukbo ng karunungan at pananalita. Siya sa katunayan ang Malakas, ang Makapangyarihan sa Lahat. Ipaabot ang Aking pagbati sa kanila at ibahagi ang maligayang balita na ang Araw-bituin ng alaala ay sumikat at nagsabog ng ningning nito mula sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng masaganang mga biyaya ng kanilang Panginoon, ang Laging-Nagpapatawad, ang Mahabagin sa Lahat.

Iyong binanggit si Ḥusayn. Pinalamutian Namin ang kaniyang sentido ng kasuotan ng pagpapatawad at ginayakan ang kaniyang ulo ng korona ng pagpapawalang-sala. Nararapat sa kaniya na ipagkapuri ang kaniyang sarili sa lahat ng mga tao dahil dito sa nagliliwanag, nagniningning at malinaw na biyaya. Sabihin: Huwag mawalan ng pag-asa. Matapos ang pagpapahayag ng pinagpalang bersikulong ito, iyon ay parang muli kang isinilang mula sa sinapupunan ng iyong ina. Sabihin: Ika’y malaya sa pagkakasala at pagkakamali. Tunay na ika’y nilinis ng Diyos sa pamamagitan ng nakabubuhay na mga tubig ng Kaniyang pananalita sa Kaniyang Pinakadakilang Bilangguan. Lumuluhog Kami sa Kaniya—pinagpala at dakila Siya—na ika’y buong giliw na pagtibayin sa pagpupuri sa Kaniya at sa pagdakila sa Kaniyang kaluwalhatian at na ika’y palakasin sa pamamagitan ng Kaniyang di-nakikitang mga hukbo. Tunay na Siya ang Malakas sa Lahat, ang Makapangyarihan sa Lahat.

Binanggit mo ang mga tao ng Tár. Ibinaling Namin ang Aming mukha sa mga tagapaglingkod ng Diyos na naroroon at pinayuhan silang pag-isipan muna yaong ipinahayag ng Panimulang Tuldok ng Bayán tungkol sa Rebelasyong ito na dahilan dito ang lahat ng mga pangalan at taguri ay nayanig, ang mga diyus-diyusan ng walang-kabuluhang mga hinagap ay nagkadurog-durog at ang Dila ng Kamaharlikaan, mula sa kaharian ng kaluwalhatian, ay nagpahayag: Sa pamamagitan ng pagkamakatarungan ng Diyos! Ang Natatagong Kayamanan, ang Di-malirip na Hiwaga, ay ibinunyag sa mga mata ng tao, na naging dahilan upang ang lahat ng bagay, maging noong nakaraan o ng hinaharap, ay magalak. Sinabi Niya, at ang Kaniyang salita ay ang katotohanan: ‘Sa lahat ng mga papuri na Aking ibinigay sa Kaniya Na susunod sa Akin, ang pinaka¬mataas ay ito, ang Aking nasusulat na patotoo, na walang mga salita mula sa Akin ang makasasapat upang mailarawan Siya, ni ang anumang pagbanggit sa Kaniya sa Aking Aklat, ang Bayán, ang makapagbibigay ng katarungan sa Kaniyang Kapakanan.’

Bukod dito ay pinapayuhan Namin kayo na maging makatarungan, walang-kinikilingan, makatotohanan at maka-Diyos at nang sa pamamagitan nito kapuwa ang Salita ng Diyos at ang sarili nilang katayuan ay dakilain sa mga tao. Tunay na Ako Yaong nagpapayo nang makatarungan. Sumasaksi rito Siya na mula sa Kaniyang Panulat ang mga ilog ng habag ay dumaloy at mula sa Kaniyang pananalita ang mga bukal ng nakabubuhay na mga tubig ay umagos sa lahat ng nilikhang bagay. Di-matataya ang kadakilaan ng walang-hanggang biyayang ito; napakalaki ang pagpapala ng maningning na kaloob na ito.

O mga tao ng Tár! Makinig sa Panawagan Niya Na ginagawa ang anumang Kaniyang niloloob. Sa katotohanan ay pinapaalaala Niya sa inyo yaong maglalapit sa inyo sa Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig. Ibinaling Niya ang Kaniyang mukha sa inyo mula sa Bilangguan ng ‘Akká at ipinahayag, alang-alang sa inyo, yaong pananatilihing buhay ang inyong mga alaala at ang inyong mga pangalan sa Aklat na di-mabubura at mananatiling di-mababagabag ng mga alinlangan ng mga suwail. Itapon ang mga bagay na laganap sa mga tao at mangapit nang mahigpit doon sa anumang ipinag-utos sa inyo sa pamamagitan ng Kalooban ng Nagtatadhana, ang Napakatanda sa Mga Araw. Ito ang Araw kung kailan ang banal na Puno ng Lote ay nananawagan nang malakas, at sinasabing: ‘O mga tao! Masdan ninyo ang Aking mga bunga at ang Aking mga dahon, ikiling kung gayon ang inyong mga tainga sa Aking pagkaluskos.’ Mag-ingat na baka ang mga alinlangan ng mga tao ay makahadlang sa inyo mula sa liwanag ng katiyakan. Ang Karagatan ng pananalita ay bumulalas at nagsasabi: ‘O kayong mga nananahan sa daigdig! Masdan ang Aking dumadaluyong na mga tubig at ang mga perlas ng karunungan at pananalita na Aking ibinuhos. Matakot kayo sa Diyos at huwag mabilang sa mga pabaya.’

Sa Araw na ito isang malaking pagdiriwang ang ginaganap sa Kaharian sa kaitaasan; dahil sa anuman ang ipinangako sa mga banal na Kasulatan ay natupad na. Ito ang Araw ng masidhing pagsasaya. Tungkulin ng bawat isa na magmadaling magtungo sa bulwagan ng pagkalapit sa Kaniya nang may pambihirang tuwa, kasayahan, pagdiriwang at malaking kagalakan at iligtas ang kaniyang sarili mula sa apoy ng pagkalayo.

O mga tao ng Tár! Sa pamamagitan ng nagbibigay-lakas na kapangyarihan ng Aking Pangalan inyong sunggaban ang kalis ng kaalaman, inumin sa gayon ang inyong bahagi bilang paglaban sa mga tao ng daigdig na lumabag sa Banal na Kasunduan ng Diyos at Kaniyang Testamento, di-tinanggap ang Kaniyang mga katibayan at malinaw na mga palatandaan, at pinulaan ang Kaniyang mga palatandaan na laganap sa lahat ng nasa kalangitan at ng nasa kalupaan.

Ang mga di-naniniwala mula sa mga tao ng Bayán ay tulad ng mga sumusunod sa sekta ng Shí‘ih at lumalakad sa kanilang mga bakas. Iwanan sila sa kanilang walang-kapararakang mga hinagap. Sa Aklat ng Diyos, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat, sila sa katotohanan, ay nabibilang sa mga naligaw. Ang mga teologo ng Shí‘ih, bawat isa at lahat, ay abala sa pag-alipusta at pagbatikos sa Kaniya Na Tunay mula sa kanilang mga pulpito. Mapagmahal na Diyos! Si Dawlat-Ábádí ay nakigaya rin. Umakyat siya sa pulpito at binigkas yaong nagpasigaw sa Tableta nang naghihinagpis at ang Panulat upang manangis. Nilay-nilayin ang kaniyang kilos at ang kilos ni Ashraf —mapasakaniya nawa ang Aking luwalhati at ang Aking mapagmahal na habag—at isipin din ang mga minamahal na nagmadali patungo sa pook ng pagmamartir sa Aking ngalan, at inialay ang kanilang mga buhay sa landas Niyang Hangarin ng daigdig.

Ang Kapakanan ay maliwanag, sumisikat itong kasinliwanag ng araw, ngunit ang mga tao’y naging mga lambong sa kanilang mga sarili. Nagsusumamo Kami sa Diyos na Kaniyang magiliw na tulungan silang makabalik sa Kaniya. Siya, sa katotohanan, ang Mapagpatawad, ang Mahabagin.

O mga tao ng Tár! Ipinaaabot Namin ang mga pagbati mula sa Pook na ito at nagsusumamo sa Diyos—pinagpala at dakila Siya—na ibigay sa inyo upang inumin ang piling alak ng katatagan mula sa kamay ng Kaniyang kabutihang-loob. Tunay na Siya ang Panginoon ng Biyaya, ang Magpagmahal, ang Pinupuri sa Lahat. Iwanan sa kanilang mga sarili ang mga mura pa ang isip ng daigdig—sila’y kumikilos ayon sa makasariling hangarin at mangapit sa mga nagpapahayag ng walang-kabuluhang haka-haka. Tunay na Siya ang Tumutulong sa inyo at ang Tagasaklolo. Siya, sa katotohanan, ay may kapangyarihang gawin ang anumang naisin Niya. Walang ibang Diyos liban sa Kaniya, ang Nag-iisa, ang Walang-kapantay, ang Makapangyarihan, ang Pinakadakila.

Harinawang ang luwalhati mula sa Aming kinaro¬roonan ay mapasakanila na nagbaling ng kanilang mga mukha sa Panimulang-bukal ng Kaniyang Rebelasyon at tinanggap at kinilala yaong binigkas ng Dila ng pananalita sa kaharian ng kaalaman nitong pinagpala, maluwalhati at walang-kahambing na Araw na ito.

LAWḤ-I-DUNYÁ: Tableta ng Daigdig

Sa Aking pangalan, na nananawagan nang malakas sa Kaharian ng Pananalita

Ang papuri’t pasasalamat ay nararapat sa Panginoon ng maliwanag na kapangyarihan Na nagpalamuti sa dakilang bilangguan sa pamamagitan ng pagiging naroroon ng kagalang-galang na sina ‘Alí-Akbar at Amín, at tinanglawan ito ng liwanag ng katiyakan, katapatan at katiyakan. Ang luwalhati ng Diyos at ang luwalhati ng lahat ng nasa mga kalangitan at ng nasa kalupaan ay mapasakanila.

Liwanag at luwalhati, pagbati at papuri ang mapasa-mga Hands ng Kaniyang Kapakanan, na sa pamamagitan nila ang liwanag ng katatagan ay sumikat at napatunayan ang katotohanan na ang karapatang pumili ay nasa Diyos, ang Makapangyarihan, ang Malakas, ang Di-napipigilan, na sa pamamagitan nila ang karagatan ng biyaya ay dumaluyong at ang halimuyak ng magiliw na mga biyaya ng Diyos, ang Panginoon ng sangkatauhan, ay lumaganap. Nagsusumamo Kami sa Kaniya—dakila Siya—na pangalagaan sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kaniyang mga hukbo, na ipagsanggalang sila sa pamamagitan ng lakas ng Kaniyang kapangyarihan at tulungan sila sa pamamagitan ng Kaniyang di-malulupig na lakas na nananaig sa lahat ng nilikhang bagay. Ang kataas-taasang kapangyarihan ay sa Diyos, ang Maylikha ng mga kalangitan at ang Panginoon ng Kaharian ng mga Pangalan.

Ipinahahayag ng Dakilang Patalastas: O mga tao ng Persiya! Sa naunang mga panahon kayo’y naging mga sagisag ng habag at mga larawan ng pagmamahal at kabutihan. Ang mga rehiyon ng daigdig ay natanglawan at pinaganda ng kaningningan ng liwanag ng inyong kaalaman at ng ningas ng inyong karunungan. Paano nangyari na kayo’y nagbangon upang pinsalain ng sariling mga kamay ninyo ang inyong mga sarili at ang inyong mga kaibigan?

O Afnán, O ikaw na nagsanga mula sa Aking napakatandang Angkan! Ang Aking luwalhati at ang Aking mapagmahal na kabutihan ay mapasaiyo. Napakalawak ang tabernakulo ng Kapakanan ng Diyos! Nilililiman nito ang lahat ng tao at mga kaanak ng daigdig, at, di-magtatagal, ay titipunin nito ang buong sangkatauhan sa ilalim ng lilim nito. Ang araw ng paglilingkod ay dumating na. Di-mabilang ang mga Tabletang sumasaksi sa mga biyayang ipinagkaloob sa iyo. Magbangon para sa tagumpay ng Aking Kapakanan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pananalita, bihagin ang mga puso ng mga tao. Dapat mong ipakita yaong makatitiyak sa katiwasayan at mabuting kalagayan ng mga kulang-palad at mga api. Bigkisan ang mga balakang ng iyong pagsisikap, nang baka sakali’y mapalaya mo ang bihag mula sa kaniyang mga tanikala, at magawa niyang matamo ng tunay na kalayaan.

Ang Katarungan, sa araw na ito, ay itinatangis ang kaniyang kalagayan, at ang Pagkamakatao ay dumadaing sa ilalim ng pamatok ng paniniil. Ang makakapal na ulap ng kalupitan ay pinadilim ang balat ng lupa, at binalot ang mga tao nito. Sa pamamagitan ng pagkilos ng Aming Panulat ng kaluwalhatian, alinsunod sa utos ng makapang¬yarihan sa lahat na Nagtatadhana, inihinga Namin ang panibagong buhay sa bawat katawan ng tao, at ikinintal sa bawat salita ang isang panibagong lakas. Ang lahat ng nilikhang bagay ay ipinahahayag ang mga katibayan nitong laganap sa lahat ng dako na muling pagbabagong-buhay. Ito ang pinakadakila, ang pinakamaligayang balita na ibinahagi sa sangkatauhan ng Panulat Niyang Pinagkasalahang ito. Kung gayon, ano ang ikinatatakot ninyo, O Aking mga pinakamamahal? Sino ang makapagpapahina sa inyong loob? Ang isang dampi ng halumigmig ay sapat na upang tunawin ang tumigas na luwad na kung saan hinubog ang suwail na salinlahing ito. Ang paggawa lamang ng inyong sama-samang pagtitipon ay sapat na upang ikalat ang mga lakas ng mayayabang at walang-halagang mga táong ito.

Ang labanan at tunggalian ay naaangkop sa mga hayop ng kagubatan. Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos at sa tulong ng naaangkop na mga salita at kapuri-puring mga gawa na ang hinugot na mga espada ng pamayanang Bábí ay naibalik sa mga kaluban nito. Tunay na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mabubuting salita, ang mga makatwiran ay laging nagtatagumpay na manaig sa mga kaparangan ng mga puso ng tao. Sabihin, O kayong mga minamahal! Huwag layuan ang kahinahunan. Ibaling ang inyong mga puso sa mga payong ibinigay ng Pinaka¬dakilang Panulat at mag-ingat na ang inyong mga kamay o mga dila ay makasakit sa sinuman sa sangkatauhan.

Tinutukoy ang lupain ng Ṭa (Ṭihrán), ipinahayag Namin sa Kitáb-i-Aqdas yaong magpapaalaala sa sangka-tauhan. Silang gumagawa ng paniniil sa daigdig ay kinamkam ang mga karapatan ng mga tao at mga kaanak ng daigdig at masigasig na ipinagpapatuloy ang kanilang makasariling mga gawain. Ang maniniil ng lupain ng Yá (Yazd), ay ginawa yaong naging sanhi ng pagluha ng dugo ng Kalipunan sa Kaitaasan.

O ikaw na uminom mula sa alak ng Aking pananalita at itinutok ang iyong paningin sa sugpungang-guhit ng Aking Rebelasyon! Gaano nakapagtataka na ang mga tao ng Persiya, na dati’y walang-kapantay sa mga agham at sining, ay nalubog sa pinakamababang antas ng pagkaaba sa mga kaanak ng daigdig. O mga tao! Sa pinagpala, sa maluwalhating Araw na ito, huwag ninyong pagkaitan ang inyong mga sarili ng masaganang mga pagbukal ng biyayang ipinagkaloob sa inyo ng Panginoon ng masaganang biyaya. Sa Araw na ito ang mga ulan ng karunungan at pananalita ay bumubuhos mula sa mga ulap ng banal na kahabagan. Mapalad silang mga naghatol sa Kaniyang Kapakanan nang may katarungan, at kasawian ang sasapit sa mga di-makatarungan.

Bawat táong may malinaw na pang-unawa, sa araw na ito, ay kaagad na aaminin na ang mga payong ipinahayag ng Panulat Niyang Pinagkasalahan ang bumubuo sa pinakadakilang kapangyarihan na nagbibigay-sigla sa pag-unlad ng daigdig at sa kadakilaan ng mga tao nito. Bumangon, O mga tao, at sa kapangyarihan ng lakas ng Diyos, magtika kayong makamtan ang tagumpay na madaig ang inyong mga sarili, nang baka sakaling mapalaya ang buong daigdig at maging malinis mula sa pagkaalipin nito ang mga diyus-diyusan ng sariling mga walang-kapararakang hinagap—mga diyus-diyusang nagpalasap ng gayong kabiguan sa, at naging dahilan ng paghihirap ng kanilang mga kahabag-habag na sumasamba. Ang mga diyus-diyusang ito ang bumubuo sa balakid na huma¬had¬lang sa tao mula sa kaniyang mga pagsisikap na sumulong sa landas ng kaganapan. Itinatangi Namin ang pag-asang ibibigay ng Kamay ng banal na kapangyarihan ang tulong nito sa sangkatauhan at ililigtas ito mula sa kaniyang kalagayan ng malubhang pagkaaba.

Sa isa sa mga Tableta ang mga salitang ito ay ipinahayag: O mga tao ng Diyos! Huwag maging abala sa sarili ninyong mga alalahanin; itutok ang inyong mga isip doon sa magsasaayos ng kapalaran ng sangkatauhan at magpapabanal sa mga puso at kaluluwa ng mga tao. Ito’y pinakamahusay na matatamo sa pamamagitan ng mga dalisay at banal na mga gawa, sa pamamagitan ng malinis na pamumuhay at mabuting asal. Ang magiting na mga kilos ang makatitiyak sa tagumpay ng Kapakanang ito, at ang mga malasantong ugali ang magbibigay-lakas sa kapangyarihan nito. Mangapit sa pagkamakatarungan, O mga tao ng Bahá! Ito, sa katunayan ang utos na ibinigay sa inyo Niyang Pinagkasalahang ito, at ang unang ninanais ng Kaniyang di-napipigilang Kalooban para sa bawat isa sa inyo.

O mga kaibigan! Nararapat sa inyong panariwain at muling buhayin ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng mapagpalang mga kaloob na iniuulan sa inyo nitong Banal, nitong nakaaantig-kaluluwang Tagsibol na ito. Isinabog ng Araw-bituin ng Kaniyang dakilang kaluwal-hatian ang kaningningan nito sa inyo, at ang mga ulap ng Kaniyang walang-hanggang biyaya ay lumilim sa inyo. Gaano kadakila ang gantimpala niya na di-pinagkaitan ang kaniyang sarili ng gayong napakalaking biyaya, ni di-nabigong kilalanin ang kagandahan ng Kaniyang Pinaka-mamahal dito, sa Kaniyang bagong kasuotan. Ingatan ang inyong mga sarili, dahil sa Siya na Masama ay nakaabang, handang linlangin kayo. Maghanda kayo laban sa kaniyang masasamang patibong, at nang pinapatnubayan ng liwanag ng pangalan ng Nakakikita sa Lahat na Diyos, gawin ang inyong pagtakas mula sa kadilimang nakapalibot sa inyo. Tulutan ang inyong pananaw na sumaklaw sa daigdig sa halip nang nakatuon lamang sa inyong mga sarili. Siya na Masama ang pumipigil sa pag-angat at humahadlang sa espiritwal na pagsulong ng mga anak ng tao.

Tungkulin ng bawat isa, sa araw na ito, na mangapit nang mahigpit sa anumang magtataguyod sa mga kapakanan, at magpapadakila sa katayuan, ng lahat ng mga bansa at makatarungang mga pamahalaan. Sa pamamagitan ng bawat isa at ng lahat ng mga bersikulong ipinahayag ng Panulat ng Pinakamataas, ang mga pinto ng pag-ibig at pagkakaisa ay tinanggal ang kandado at maluwang na binuksan sa mukha ng mga tao. Hindi pa natatagalan ay ipinahayag Namin—at ang Aming Salita ay ang katotohanan—: ‘Makisama sa mga tagasunod ng lahat ng mga relihiyon sa espiritu ng pagkakaibigan at mabuting samahan.’ Anuman ang nagbulid sa mga anak ng tao upang layuan ang isa’t isa, at naging sanhi ng mga pagtatalo at paghihiwa-hiwalay, ay pinawalang-saysay at pinawalang-bisa, sa pamamagitan ng paghahayag ng mga salitang ito. Mula sa kalangitan ng Kalooban ng Diyos, at para sa layunin ng pagpapabuti ng daigdig ng nilikha at pagtataas ng mga kaisipan at mga kaluluwa ng mga tao, ay ipinadala yaong pinakamabisang pamamaraan para sa pagtuturo sa buong sangkatauhan. Ang pinakamataas na diwa at pinaka-sukdulang pagpapahayag ng anumang sinabi o isinulat ng naunang mga tao, sa pamamagitan nitong pinaka¬makapang-yarihang Kahayagan, ay pinababa mula sa kalangitan ng Kalooban ng Nagmamay-ari ng Lahat, ang Walang-maliw na Diyos. Ipinahayag noong unang panahon na: ‘Ang pag-ibig sa sariling bansa ay bahagi ng Pananampalataya ng Diyos.’ Ngunit ang Dila ng Karingalan, sa araw ng Kaniyang kahayagan, ay ipinahayag: ‘Di-nararapat sa kaniya na ipagmalaki na minamahal ang kaniyang bansa, sa halip ay nararapat sa kaniya na nagmamahal sa daigdig.’ Sa pamamagitan ng kapangyarihang pinakawalan ng mga dakilang salitang ito, nagbigay Siya ng bagong simbuyo at nagtakda ng bagong kautusan sa mga ibon ng mga puso ng tao at binura ang bawat bakas ng pagbabawal at pagtatakda mula sa banal na Aklat ng Diyos.

Ipinagbawal Niya na Pinagkasalahang ito sa mga tao ng Diyos ang makilahok sa pagtatalo o gulo at pinapayuhan sila sa makatarungang mga gawa at kapuri-puring ugali. Sa araw na ito ang mga hukbong makatitiyak sa tagumpay ng Kapakanan ay yaong mabubuting asal at malasantong ugali. Pinagpala ang mga nangangapit nang mahigpit dito at pighati ang sasapit sa mga tumatalikod dito.

O mga tao ng Diyos! Pinapayuhan Ko kayo na maging magalang, sapagkat higit sa lahat ito ang prinsipe ng mga kabutihan. Mapalad siyang tinatanglawan ng liwanag ng pagkamagalang at nadadamtan ng kasuotan ng pagkamatuwid. Sinuman ang pinagkalooban ng pagkamagalang ay tunay na nakamtan ang isang dakilang katayuan. Inaasahang Siya na Pinagkasalahang ito at ng lahat ng iba ay magawang makamtan ito, mangapit nang mahigpit dito, makasunod dito, at maitutok ang ating mga paningin dito. Ito’y isang pinaiiral na kautusang dumaloy mula sa Panulat ng Pinakadakilang Pangalan.

Ito ang araw na nararapat mahayag ang mga hiyas ng katapatang natatago sa minahan ng naloloob na sarili ng mga tao. O mga tao ng Katarungan! Maging kasing ningning ng liwanag at kasindingal ng apoy na nagningas sa Nag-aapoy na Palumpong. Walang alinlangan na ang liwanag ng apoy ng inyong pag-ibig ay pagsasanibin at pagkakaisahin ang naglalaban-labang mga tao ng daigdig, habang ang lagablab ng apoy ng pagkapoot at pagkamuhi ay hahantong lamang sa kaguluhan at pagkawasak. Sumasamo Kami sa Diyos na ipagsanggalang Niya ang Kaniyang mga nilikha laban sa masasamang mga hangarin ng Kaniyang mga kaaway. Sa katunayan Siya’y may kapangyarihan sa lahat ng bagay.

Lahat ng papuri ay mapasaisang tunay na Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—dahil sa pamamagitan ng Panulat ng Pinakamataas ay binuksan Niya ang mga pinto ng mga puso ng tao. Ang bawat bersikulong ipinahayag ng Panulat na ito ay isang maliwanag at nagni-ningning na pintuang naghahayag ng mga kaluwalhatian ng banal at maka-Diyos na buhay, ng dalisay at walang-batik na mga gawa. Ang panawagan at ang kalatas na ibinigay Namin ay hindi kailanman nilayong umabot o pakinabangan ng isang bansa o isang sambayanan lamang. Ang sangkatauhan sa kabuuan nito ay nararapat na sumunod nang mahigpit sa anumang ipinahayag at ipinagkaloob dito. Sa panahong iyon at sa panahong iyon lamang na makakamtan nito ang tunay na kalayaan. Ang buong daigdig ay natatanglawan ng maningnig na kaluwalhatian ng Kahayagan ng Diyos. Sa taóng animnapu Siyang nagbalita sa liwanag ng Banal na Pamamatnubay—harinawang ang buong nilikha ay maging isang alay sa Kaniya—ay bumangon upang ipahayag ang isang bagong rebelasyon ng Banal na Espiritu, at sinundan ito pagkalipas ng dalawampung taon, Niya na sa pamamagitan ng Kaniyang pagdating ang daigdig ay ginawang tagatanggap ng ipinangakong kaluwalhatiang ito, ng kamangha-manghang kagandahang-loob na ito. Masdan kung paano pinagkalooban ang karamihan ng sangkatauhan ng kakayahang makinig sa pinakadakilang Salita ng Diyos—ang Salita na kung saan ay nasasalalay ang sama-samang pagtitipon at espiritwal na muling-pagkabuhay ng lahat ng mga tao.

Habang nasa Bilangguan ng ‘Akká, ipinahayag Namin sa Crimson na Aklat yaong makatutulong sa pagsulong ng sangkatauhan at sa muling pagbubuo ng daigdig. Kabilang sa mga pananalitang itinala roon ng Panulat ng Panginoon ng nilikha ay ang mga sumusunod na bumubuo sa pangunahing mga alituntunin para sa pangangasiwa ng mga gawain ng tao:

Una: Tungkulin ng mga kagawad ng House of Justice na itaguyod ang Di-lubos na Kapayapaan nang sa gayon ang mga tao ng daigdig ay makalaya sa pasanin ng labis-labis na paggugol. Ang bagay na ito ay dapat sundin at kailangang-kailangan sapagkat ang mga pagkapoot at paglalaban-laban ay ang ugat ng salaghati at kapahamakan.

Ikalawa: Ang mga wika ay kailangang gawing isang wika para sa lahat na ituturo sa lahat ng mga paaralan ng daigdig.

Ikatlo: Nararapat sa tao ang mangapit nang mahigpit sa anumang magtataguyod ng mabuting pagsasamahan, kabutihang-loob at pagkakaisa.

Ikaapat: Ang bawat isa, maging lalaki o babae, ay dapat ibigay sa isang pinagkakatiwalaang tao ang isang bahagi ng kaniyang kinikita mula sa kalakal, pagsasaka o iba pang gawain, na nakalaan sa pagsasanay at pagtuturo ng mga bata, at gagamitin lamang sa layuning ito nang nababatid ng mga Katiwala ng House of Justice.

Ikalima: Kailangang bigyan ng bukod-tanging pagpapahalaga ang pagsasaka. Bagaman binanggit ito sa ikalimang bilang, walang alinlangan na ito ay nangunguna sa iba. Ang pagsasaka ay lubhang maunlad na sa ibang mga bansa, ngunit sa Persiya hanggang sa ngayon ito ay labis na napabayaan. Inaasahan na ibabaling ng Kaniyang Kamahalan ang Sháh—harinawang tulungan siya ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya—ang kaniyang pansin sa pangunahin at napakahalagang bagay na ito.

Kung mahigpit na susundin ng mga tao ang ipinahayag ng Panulat ng Pinakamataas doon sa Crimson na Aklat, magagawa na nilang alisin ang mga alituntuning umiiral sa daigdig. Ang ilang tiyak na mga paalaala ay paulit-ulit na dumaloy mula sa panulat ng Pinakamataas upang baka sakaling ang mga kahayagan ng kapangyarihan at ang mga pook na pinagmumulan ng kapangyarihan, balang araw, ay magagawa nang maisakatuparan ang mga ito. Tunay, kung makatatagpo ng matatapat na naghahanap, ang bawat pagdaloy ng nakasasaklaw sa lahat at di-napipigilang Kalooban ng Diyos, ay maipahahayag alang-alang sa pagmamahal sa Kaniya. Ngunit saan matatagpuan ang mga taimtim na naghahanap at ang mga nagtatanong na kaisipan? Saan nagtungo ang mga makatarungan at walang-kinikilingan? Sa kasalukuyan walang araw ang lumilipas nang di-naglalagablab ang apoy ng isang panibagong paniniil, o ang espada ng isang panibagong karahasan ang hinuhugot sa kaluban. Mapagpalang Diyos! Ang mga dakila at mga maharlika sa Persiya ay ipinagmamalaki ang mga gawa na may gayong kabangisan na natutulala na lamang ang tao sa mga kuwentong ito.

Araw at gabi Siyang Pinagkasalahang ito ay nag-aalay ng pasasalamat at papuri sa Panginoon ng mga tao, dahil sa nasaksihan nito na ang mga salita ng pagpapayo at pagpapaalaalang binigkas Namin ay napatunayang mabisa at ang mga táong ito ay nagpakita ng gayong ugali at asal na katanggap-tanggap sa Aming paningin. Ito’y napatunayan ng pangyayari totoong nagpaligaya sa mata ng daigdig, at ito’y walang iba kundi ang pamamagitan ng mga kaibigan sa mga matataas na maykapangyarihan na kumikiling sa kanilang mga kaaway. Tunay na ang mububuting gawa ng isa ay sumasaksi sa katotohanan ng sarili niyang mga salita. Itinatangi Namin ang pag-asang matatanglawan ng maka-Diyos na mga tao ang daigdig sa pamamagitan ng maningning na liwanag ng kanilang ugali, at nagsusumamo Kami sa Makapangyarihan sa Lahat—maluwalhati at dakila Siya—na tulutang manatiling matapat ang bawat isa sa Araw na ito sa Kaniyang pag-ibig at matatag sa Kaniyang Kapakanan. Siya sa katunayan ay ang Tagapagtanggol ng mga lubos na matapat sa Kaniya at sumusunod sa Kaniyang mga utos.

O mga tao ng Diyos! Di-mabilang ang mga kahariang ibinunyag ng Aming Panulat ng Kaluwalhatian at napakarami ang mga matang pinagkalooban ng tunay na kaliwanagan nito. Datapwat ang karamihan ng mga tao sa Persiya ay patuloy na pinagkaitan ng mga kapakinabangan ng nakabubuting mga payo at nanatiling lubhang nangangailangan ng kapaki-pakinabang na mga agham at sining. Noong nakaraan ang dakilang mga salitang ito ay sadyang ipinahayag para sa isa sa mga matatapat, upang baka sakaling ang mga naliligaw ng landas ay tanggapin ang Katotohanan at mabatid ang mahihirap na maunawaang bahagi ng Batas ng Diyos.

Ang mga di-nananalig at ang di-matatapat ay itinutok ng kanilang mga kaisipan sa apat na bagay: una, sa pagdanak ng dugo; ikalawa, sa pagsunog ng mga aklat; ikatlo, sa pag-iwas sa mga sumusunod sa ibang mga relihiyon; ikaapat, sa pagpuksa sa ibang mga pamayanan at mga pangkat. Ngunit ngayon, sa pamamagitan ng nagbibigay-lakas na biyaya at bisa ng Salita ng Diyos, ang apat na mga hadlang ay nawasak, ang malinaw na mga utos na ito ay nabura mula sa Tableta, at ang malulupit na ugali ay nabago tungo sa espiritwal na mga katangian. Marangal ang Kaniyang layunin; maluwalhati ang Kaniyang lakas; malawak ang Kaniyang kapangyarihan! Ngayo’y lumuhog tayo sa Diyos—purihin ang Kaniyang kaluwalhatian—na buong biyayang akayin sa kawastuan ang mga sumusunod sa sektang Shí‘ih at gawing malinis sila mula sa di-nararapat na ugali. Mula sa mga labì ng mga kasapi ng sektang ito ay walang-lubay na binibigkas ang mga pagmumura, habang binibigkas nila ang salitang ‘Mal‘ún’ (isinumpa)—sinasabi na ang tunog ng titik ‘ayn ay galing sa lalamunan—bilang kanilang pang-araw-araw na pampagana.

O Diyos aking Diyos! Naririnig Mo ang mga buntong-hininga Niya Na Iyong Liwanag (Bahá), napapakinggan ang Kaniyang mga hinagpis sa araw at sa gabi at batid na wala Siyang hinahangad para sa Kaniyang Sarili sa halip ay sinisikap na gawing banal ang mga kaluluwa ng Iyong mga tagapaglingkod at iligtas sila mula sa apoy na kumukubkob sa kanila sa lahat ng oras. O Panginoon! Ang mga kamay ng Iyong lubos na tinatangkilik na mga tagapaglingkod ay nakataas sa dako ng kalangitan ng Iyong pagpapala at ang Iyong matatapat na mangingibig ay itinaas sa maringal na mga tugatog ng Iyong kagandahang-loob. Huwag silang biguin, lumuluhog Ako sa Iyo, doon sa kanilang hinahanap mula sa karagatan ng Iyong biyaya at mula sa kalangitan ng Iyong pagpapala at sa araw-bituin ng Iyong kaloob. Tulungan sila, O Panginoon, upang makamtan ang gayong mabubuting ugali na magpapadakila sa kanilang mga katayuan sa mga tao ng daigdig! Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan, ang Malakas, ang Pinakamapagbigay.

O mga tao ng Diyos! Makinig doon sa, kung susundin, ay makatitiyak sa kalayaan, mabuting kalagayan, katiwasayan, kadakilaan at pagsulong ng lahat ng mga tao. Ang tanging mga batas at alituntunin ay hindi maaaring ipagpaliban sa Persiya. Subalit karapat-dapat lamang na ang mga hakbang na ito ay dapat maipatupad sang-ayon sa pinag-isipang mga pananaw ng kaniyang kamahalan—harinawang tulungan siya ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang pagpapala—at ng marurunong na teologo at ng mga pinunong matataas ang katungkulan. Batay sa kanilang pagpapatibay ay isang lugar ang dapat itakda kung saan sila magpupulong. Doo’y dapat silang mangapit nang mahigpit sa kordon ng pagsasanggunian at pagtibayin at ipatupad yaong magdudulot ng kaligtasan, kasaganaan, kayamanan at katiwasayan sa mga tao. Sapagkat kung may iba pang hakbang maliban dito ang ipatutupad, ito’y magbubunga lamang ng kaligaligan at kaguluhan.

Sang-ayon sa pangunahing mga batas na unang ipinahayag Namin sa Kitáb-i-Aqdas, at sa ibang mga Tableta, ang lahat ng mga gawain ay inilalagay sa pangangalaga ng makatarungang mga hari at pangulo at sa mga Katiwala ng House of Justice. Yamang napagnilay-nilay na ang Aming ipinahayag, ang bawat táong makatarungan at may malinaw na pagkaunawa ay agad na mahuhulo, sa pamamagitan ng kaniyang panloob at panlabas na mga mata, ang mga karingalan ng araw-bituin ng katarungan na nagniningning mula rito.

Ang pamamaraan ng pamahalaang pinagtibay ng mga mamamayan ng Bretanya sa London ay waring mabuti, sapagkat ito’y napapalamutian ng liwanag ng kapuwa paghahari at ng sanggunian ng mga tao.

Sa pagbalangkas ng mga alituntunin at mga batas, ang isang bahagi ay nakalaan sa mga kaparusahang bumubuo sa isang mabisang paraan para sa kaligtasan at pangangalaga ng mga tao. Datapwat ang takot sa mga parusa ay ginagawa ang mga táong magpigil sa panlabas lamang mula sa paggawa ng masama at kahiya-hiyang mga gawa, samantalang yaong nangangalaga at pumipigil sa tao kapuwa sa panlabas at panloob ay naging at mananatiling ang takot sa Diyos. Ito ang tunay na tagapangalaga ng tao at ang kaniyang espiritwal na tagapagtanggol. Nararapat sa kaniya ang mangapit nang mahigpit doon sa maghahatid sa paglitaw ng sukdulang biyayang ito. Mapalad siyang nakikinig sa anumang ipinahayag ng Aking Panulat ng Kaluwalhatian at sumusunod doon sa ipinag-utos sa kaniya ng Nagtatadhana, ang Napakatanda sa Mga Araw.

Ibaling ang inyong mga puso, O mga tao ng Diyos, sa mga payo ng inyong tunay, ng inyong walang-kahambing na Kaibigan. Ang Salita ng Diyos ay maihahalintulad sa isang murang halaman na ang mga ugat nito ay itinanim sa mga puso ng tao. Tungkulin ninyong pangalagaan ang paglaki nito sa pamamagitan ng nakabubuhay na mga tubig ng karunungan, ng ginawang sagrado at banal na mga salita, upang ang ugat nitong nakatanim nang malalim at ang mga sanga nito ay yumabong nang kasintaas ng mga kalangitan at lampas pa.

O kayong mga nananahan sa daigdig! Ang namumukod na kaibahang nagpapakilala sa mataas sa lahat na katangian nitong Pinakadakilang Rebelasyon ay binubuo, sa isang dako, noong binura Namin mula sa mga pahina ng banal na Aklat ng Diyos ang anumang naging sanhi ng pag-aaway, ng masamang hangarin at ng tiwaling asal ng mga anak ng tao, at sa kabila, ay itinakda ang pangunahing mga pangangailangan ng pagkakasundo, ng pagkakaunawaan, ng ganap at nananatiling pagkakaisa. Mapalad silang sumusunod sa Aking mga batas.

Muli’t muli ay Aming pinapayuhan ang Aming mga minamahal na umiwas, hindi lamang iyon, kundi, layuan ang anumang bagay na maaaring malanghap ang amoy ng tiwaling asal. Ang daigdig ay nasa malaking kaguluhan, at ang mga isipan ng mga tao nito ay ganap na tuliro. Nagsusumamo Kami sa Makapangyarihan sa Lahat na Kaniyang mapagmahal na tanglawan sila sa pamamagitan ng luwalhati ng Kaniyang Katarungan, at tulutang matuklasan nila yaong kapaki-pakinabang sa kanila sa lahat ng panahon at sa lahat ng kalagayan. Siya, sa katunayan, ang Nagmamay-ari ng Lahat, ang Pinakamataas.

Aming binigkas na noon ang dakilang mga salitang ito: Tulutan yaong matatapat sa Kaniya na Pinagkasalahan na maging tulad ng umuulan na ulap sa sandali ng pagkakawanggawa at kagandahang-loob at katulad ng naglalagablab na apoy sa pagpigil sa kanilang imbi at mapaghangad na mga katangian.

Mapagmahal na Diyos! Isang bagay ang naganap kamakailan na naging sanhi ng labis na pagkamangha. Nabalita na may isang táong pumunta sa luklukan ng trono ng hari ng Persiya at nagtagumpay na matamo ang mabuting pakikitungo ng ilan sa mga maharlika sa pamamagitan ng kaniyang nagmamagaling na asal. Gaano kahabag-habag, tunay, gaano kahina-hinayang! Nakapagtataka kung bakit ang dating mga sagisag ng pinakamataas na kaluwalhatian sa ngayo’y nagawang bumaba sa walang-hanggang kahihiyan. Ano’ng nangyari sa kanilang dakilang pagtitika? Saan pumunta ang damdamin ng pagiging kapita-pitagan at pagiging marangal? Ang araw ng luwalhati at karunungan ay patuloy na sumisikat sa sugpungang-guhit ng Persiya ngunit sa ngayong panahon, ito’y lumubog na nang gayong kalalim na ang ilan sa matataas na opisyal ay pumapayag nang maging mga laruan sa mga kamay ng mga hangal. Ang táong nabanggit ay sumulat ng gayong mga bagay tungkol sa mga táong ito sa mga pahayagan ng Ehipto at sa Beirut Encyclopedia na ang lubos na mga nakaaalam at ang marurunong ay labis na namangha. Pagkatapos ay tumungo siya sa Paris kung saan inilathala niya ang pahayagang pinangalanang ‘Urvatu’l-Vuthqá [Ang Tiyak na Hawakan] at nagpadala ng mga kopya nito sa lahat ng bahagi ng daigdig. Nagpadala rin siya ng isang kopya sa Bilangguan ng ‘Akká, at sa paggawa nito ay ninais niyang magpakita ng pagmamahal at iwasto ang kaniyang nakaraang mga ginawa. Sa madaling salita, Siyang Pinagkasalahang ito ay walang binanggit tungkol sa kaniya. Namamanhik Kami sa Diyos, Siyang Tunay, na pangalagaan siya at pasikatin sa kaniya ang liwanag ng katarungan at kawalang-kinikilingan. Nararapat sa kaniya na sabihin ang:

O Diyos aking Diyos! Nakikita Mo akong nakatayo sa harap ng pintuan ng Iyong kapatawaran at kabutihan, ibinabaling ang aking paningin sa sugpungang-guhit ng Iyong masaganang mga biyaya at napakaraming mga pagpapala. Nagmamakaawa ako sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong malamyos na tono at sa matinis na tinig ng Iyong Panulat, O Panginoon ng buong sangkatauhan, na mapagmahal na tulungan ang Iyong mga tagapaglingkod sang-ayon sa naaangkop sa Iyong mga araw at nararapat sa kaluwalhatian ng Iyong kahayagan at Iyong kamaharlikaan. Tunay na Ika’y makapangyarihan upang gawin ang anumang Iyong niloloob. Ang lahat ng mga nananahan sa mga kalangitan at sa kalupaan ay sumasaksi sa Iyong kapangyarihan at sa Iyong lakas, sa Iyong kaluwalhatian at sa Iyong kasaganaan. Purihin Ka, O Panginoon ng mga daigdig at ang Pinakamamahal ng puso ng bawat táong nakauunawa!

Iyong nakikita, O aking Diyos, ang pinakadiwa ng karukhaang hinahanap ang karagatan ng Iyong kayamanan at ang buod ng kasamaang hinahangad ang mga tubig ng Iyong kapatawaran at Iyong mapagmahal na habag. Iyong ipagkaloob, O aking Diyos, yaong nararapat sa Iyong dakilang kaluwalhatian at naaangkop sa kataasan ng Iyong walang-hanggang biyaya. Ikaw sa katotohanan ang Mapagkaloob sa Lahat, ang Panginoon ng masaganang biyaya, ang Nagtatadhana, ang Marunong sa Lahat. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Pinakamakapangyarihan, ang Nananaig sa Lahat, ang Makapangyarihan sa Lahat.

O mga tao ng Diyos! Sa araw na ito nararapat na itutok ng bawat isa ang kaniyang mga mata sa sugpungang-guhit ng pinagpalang mga salitang ito: ‘Nang nag-iisa at walang katulong, ginagawa Niya ang anumang ninanais Niya.’ Sinuman ang nakapagtamo ng katayuang ito ay tunay na nakamtan ang liwanag ng pangunahing kaalaman sa kaisahan ng Diyos at naliliwanagan sa pamamagitan nito, habang ang lahat ng iba, sa Aklat ng Diyos, ay nabibilang sa mga sumusunod sa walang-kapararakang haka-haka at walang-kabuluhang guni-guni. Ikiling ang inyong mga tainga sa Tinig Niyang Pinagkasalahan at pangalagaan ang karangalan ng inyong mga katayuan. Lubhang kailangan at di-maiiwasan na dapat sundin ng bawat isa ang bagay na ito.

Di-nalalambungan at di-natatago, Siyang Pinagkasalahan, sa lahat ng panahon, ay ipinahayag sa harap ng mukha ng mga tao ng daigdig yaong magiging susi upang mabuksan ang mga pinto ng mga agham, ng mga sining, ng kaalaman, ng mabuting kalagayan, ng kasaganaan at kayamanan. Ni ang mga kapinsalaang ipinalasap ng mga maniniil ay di-nagtagumpay upang patahimikin ang matinis na tinig ng Pinakadakilang Panulat, ni ang mga agam-agam ng mga balakyot o ng mga mapanghimagsik ay di-nagawang pigilan Siya sa pagpapahayag ng Pinakadakilang Salita. Taimtim Akong lumuluhog sa Diyos na pangalagaan at linisin Niya ang mga tao ng Bahá mula sa walang-kabuluhang mga haka-haka at tiwaling mga hinagap ng mga sumunod sa naunang Pananampalataya.

O mga tao ng Diyos! Ang mga makatwirang mga tao ng karunungan na itinalaga ang kanilang mga sarili sa paggabay sa iba at malaya at lubhang nag-ingat mula sa mga udyok ng isang mababa at mapag-imbot na katangian, sa paningin Niya Na Hangarin ng daigdig, ay mga bituin sa langit ng tunay na kaalaman. Mahalagang pakitunguhan sila nang mapitagan. Sila’y tunay na mga bukal ng mahinay na daloy ng tubig, mga bituing sumisikat nang maningning, mga bunga ng pinagpalang Puno, mga tagapagtaguyod ng makalangit na kapangyarihan, at mga karagatan ng makalangit na karunungan. Maligaya siyang sinusunod ang mga iyon. Sa katunayan ang gayong kaluluwa ay nabibilang sa Aklat ng Diyos, ang Panginoon ng makapangyarihang Trono, na kabilang sa kanila na magiging mapalad.

Ang kaluwalhatiang nagmumula sa Diyos, ang Panginoon ng Trono sa Kaitaasan, at ng daigdig sa ibaba, ay mapasainyo, O mga tao ng Bahá, O kayong mga kasamahan ng Crimson na Arko, at sa kanila na ibinaling ang kanilang mga tainga sa inyong malalamyos na tinig at sinunod yaong ipinag-utos sa kanila sa makapangyarihan at kamangha-manghang Tabletang ito.

ISHRÁQÁT: Mga Kaningningan

Ito ang Epistola ng Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap. Siya ang Diyos, dakila Siya, ang Panginoon ng karunungan at pananalita.

Purihin ang Diyos, ang walang-kahambing sa kamaharlikaan, lakas at kagandahan, walang-kapantay sa kaluwalhatian, kapangyarihan at kadakilaan; lubhang mataas Siya upang guni-gunihin ng tao na maunawaan o upang ipalagay na kapantay Siya ng sinuman. Maliwanag na itinakda Niya ang Kaniyang tuwid na Landas sa mga salita at pahayag na sukdulan ang kahusayan ng mga salita. Sa katunayan Siya ang Nagmamay-ari ng Lahat, ang Pinakadakila. Nang nilayon Niya na bigyang-buhay ang panibagong nilikha, ipinadala Niya ang Maliwanag at Maningning na Panimulang Tuldok mula sa Sugpungang-guhit ng Kaniyang Kalooban; dumaan ito sa bawat palatandaan at inihayag ang sarili nito sa bawat anyo hanggang maabot nito ang tugatog, ayon sa utos ng Diyos, ang Panginoon ng lahat ng tao.

Itong Panimulang Tuldok ay ang pinakatampok sa pangkat ng mga Pangalan at ang nagtatanda sa pagwawakas ng paghahayag ng mga Titik sa daigdig ng nilikha. Sa pamamagitan nito ay lumitaw ang mga pahiwatig ng di-malirip na Hiwaga, ang pinalamutiang Sagisag, Siyang nananatiling hayag sa Pinakadakilang Pangalan—isang Pangalang nakatala sa maningning na Tableta at nakaukit sa banal, sa pinagpala, sa kasimputi ng niyebeng Pergamino. At nang idinugtong ang Panimulang Tuldok sa pangalawang Titik na natatagpuan sa simula ng Mathání, tinawid nito ang mga kalangitan ng paliwanag at pananalita. Pagkatapos isinabog ng walang-kamatayang Liwanag ng Diyos ang kaningningan nito, naglagablab sa pinakakaibuturan ng papawirin ng pagpapatunay at lumikha ng dalawang Tagapagdala ng Liwanag. Luwalhatiin Siya na Mahabagin, na sa Kaniya ay walang pagpapahiwatig ang maaaring magawa, na sa Kaniya ay walang pahayag ang maaaring makapagpapaliwanag, ni anumang paggigiit ang makapagbubunyag, ni anumang katibayan ang makapaglalarawan. Siya sa katunayan ang Nagtatadhana, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat, kapuwa sa simula at sa wakas. At ipinagkaloob Niya sa kanila ang mga tagapangalaga at mga tagapagtanggol mula sa mga hukbo ng lakas at kapangyarihan. Sa katunayan, Siya ang Tulong sa Panganib, ang Makapangyarihan, ang Di-napipigilan.

Ang paunang salita ng Epistolang ito ay dalawang ulit na ipinahahayag, tulad din noong sa Mathání

Purihin ang Diyos Na ginawang mahayag ang Panimulang Tuldok, inilahad mula roon ang kaalaman ng lahat ng bagay, maging ng nakaraan o ng hinaharap—ang Tuldok na Kaniyang pinili na maging Tagapagbalita ng Kaniyang Pangalan at Tagapagbalita ng Kaniyang Dakilang Rebelasyon, na naging sanhi ng pagkayanig ng bisig ng buong sangkatauhan at ang karingalan ng Kaniyang liwanag upang sumikat sa itaas ng sugpungang-guhit ng daigdig. Sa katunayan, ito ang Tuldok na itinalaga ng Diyos na maging karagatan ng liwanag para sa matatapat sa Kaniyang mga tagapaglingkod, at isang lagablab ng apoy para sa mga suwail sa Kaniyang mga nilikha at sa mga hindi maka-Diyos sa Kaniyang mga tao—silang ipinagpalit ang kaloob ng Diyos para sa di-pananalig, at ang makalangit na pagkain para sa pagkukunwari, at inakay ang kanilang mga kasamahan sa isang ubod nang samang tahanan. Ito ang mga táong nagpakita ng paghihimagsik sa buong daigdig at lumabag sa Kaniyang Banal na Kasunduan nang Araw na pumanhik sa Kaniyang trono ang walang-kamatayang Nilalang at pinalakas ng Tagapagbalita ang Kaniyang Tinig mula sa kanlungan ng kaligtasan at kapayapaan sa banal na Kalambakan.

O mga sumusunod sa Bayán! Matakot kayo sa Mahabagin sa Lahat. Siya Yaong niluwalhati ni Muḥammad, ang Apostol ng Diyos, at bago sa Kaniya, ay ang Espiritu at bago pa rin sa Kaniya, ay Siya Na nakipag-usap sa Diyos. Ito ang Panimulang Tuldok ng Bayán na nananawagan nang malakas sa harap ng Trono, na nagsasabi: ‘Sa pagkamakatarungan ng Diyos, kayo’y nilikha upang luwalhatiin itong Pinakadakilang Pahayag, itong Sukdulang Landas na natatago sa loob ng mga kaluluwa ng mga Propeta, na pinakainingat-ingatan sa mga puso ng mga pinili ng Diyos at isinulat ng maluwalhating Panulat ng inyong Panginoon, ang Nagmamay-ari ng mga Pangalan.’

Sabihin: Mamatay sa inyong poot, O mga naghahangad ng masama! Sa katunayan Siya Na walang-nalilihim sa Kaniyang kaalaman ay nagpakita na. Siya na naging sanhi ng pagngiti ng mukha ng banal na kaalaman ay sumapit na. Sa pamamagitan Niya ang kaharian ng pananalita ay pinalamutian, ang bawat handing-tumanggap na kaluluwa ay ibinaling ang kaniyang mukha sa Panginoon ng mga Rebelasyon, ang bawat nakaluhod ay tumayo, at ang bawat batugan ay nagmadali upang matamo ang Sinai ng katiyakan. Ito ang Araw na itinadhana ng Diyos na maging pagpapala sa mga makatarungan, isang paghihiganti sa makasalanan, isang biyaya para sa mga matapat at ang Kaniyang matinding galit sa taksil at suwail. Sa katunayan Siya’y naipahayag, pinagkalooban ng Diyos ng di-malulupig na kapangyarihan. Ipinahayag Niya yaong walang-makakatulad sa kalupaan o sa kalangitan.

Matakot kayo sa Mahabagin sa Lahat, O mga tao ng Bayán, at huwag gawin ang ginagawa ng mga tagasunod ng Qur’án—silang mga nagpahayag sa araw at gabi ng kanilang pananalig sa Pananampalataya ng Diyos, subalit nang lumitaw na ang Panginoon ng lahat ng mga tao, ay tinalikuran Siya at nagpataw ng napakalupit na hatol laban sa Kaniya, na sa Araw ng Pagbabalik, ang Inang Aklat ay lubhang naghinagpis sa Kaniyang malungkot na kalagayan. Alalahanin at nilay-nilayin ang kanilang mga gawa at mga salita, ang kanilang mga katayuan at mga kabutihan at ang mga bagay na isinagawa nila nang Siya Na nakipag-usap sa Diyos ay pinalaya ang Kaniyang dila, nang pinatunog ang Pakakak, na pagkatapos niyon ang lahat ng nasa langit at nasa lupa ay hinimatay, maliban lamang sa mga nabibilang sa mga titik ng pagpapatibay.

O mga tao ng Bayán! Iwanan ang inyong walang-kapararakang mga hinagap at walang-saysay na mga haka-haka, at sa pamamagitan ng mata ng pagkamakatarungan ay suriin ang Panimulang-bukal ng Kaniyang Rebelasyon at isaalang-alang ang mga bagay na ipinahayag Niya, mga salita na buong-kabanalang ipinahayag Niya at ang mga pagdurusang sinapit Niya sa mga kamay ng Kaniyang mga kaaway. Siya Yaong maluwag sa kalooban na tinanggap ang lahat ng uri ng pagdurusa para maipahayag ang Kaniyang Kapakanan at para sa karangalan ng Kaniyang Salita. Sa isang panahon Siya’y dumanas ng pagkabilanggo sa lupain ng Ṭá (Ṭihrán), sa iba pang panahon doon naman sa lupain ng Mím (Mázindarán), at minsan pa sa naunang lupain muli, alang-alang sa Kapakanan ng Diyos, ang Maylikha ng mga kalangitan. Sa Kaniyang pagmamahal sa Kapakanan ng Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat, Siya’y pinaranas doon ng mga kadena at mga tanikala.

O mga tao ng Bayán! Nalimot na ba ninyo ang Aking mga paalaala, na ipinahayag ng Aking Panulat at binigkas ng Aking dila? Ipinagpalit ba ninyo ang Aking katiyakan para sa inyong walang-kabuluhang mga hinagap at ang Aking Landas para sa inyong makasariling mga hangarin? Itinapon ba ninyo ang mga utos ng Diyos at ang Kaniyang alaala at pinabayaan ba ninyo ang Kaniyang mga batas at mga alituntunin? Matakot kayo sa Diyos at itapon ang walang-saysay na mga haka-haka at iwanan ang mga pamahiin sa mga gumagawa nito at ang mga agam-agam sa mga lumilikha nito. Sumulong kayo kung gayon nang may nagniningning na mga mukha at walang-batik na mga puso patungo sa sugpungang-guhit na kung saan ang Araw-bituin ng Katiyakan ay maningning na nagliliwanag sa utos ng Diyos, ang Panginoon ng mga Rebelasyon.

Purihin ang Diyos Na ginawa ang Pinakadakilang Walang-pagkakamali na maging kalasag para sa templo ng Kaniyang Kapakanan sa kaharian ng nilikha, at hindi ipinagkaloob sa kaninuman ang isang bahagi ng matayog at kataas-taasang katayuan—isang katayuan na isang kasuotang hinabi ng mga daliri ng nangingibabaw na kapangyarihan para sa Kaniyang kapita-pitagang Sarili. Ito’y di-nararapat sa kaninuman liban sa Kaniyang nakaupo sa makapangyarihang trono ng ‘Ginagawa Niya ang Kaniyang ninanais’. Sinuman ang tumanggap at kumilala roon sa isinulat sa sandaling ito ng Panulat ng Kaluwalhatian ay tunay na nabibilang sa Aklat ng Diyos, ang Panginoon ng simula at ng wakas, na nabibilang sa mga tagapagtaguyod ng banal na kaisahan, silang mga nagtataguyod sa ideya ng kaisahan ng Diyos.

Kapag umabot ang daloy ng mga salita sa yugtong ito, ang mababangong halimuyak ng tunay na kaalaman ay lumaganap na at ang araw-bituin ng banal na kaisahan ay sumikat sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng Kaniyang banal na pananalita. Pinagpala siyang naakit ng Kaniyang Panawagan sa rurok ng kaluwalhatian, siyang nakalapit sa sukdulang Layunin, at siyang nakilala sa pamamagitan ng matinis na tinig ng Aking Panulat ng Kaluwalhatian yaong niloob ng Panginoon ng daigdig na ito at ng susunod. Sinuman ang di-lubos na uminom sa piniling alak na Aming binuksan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Aming Pangalan, ang Nananaig sa Lahat, ay di-magagawang mabatid ang mga karingalan ng liwanag ng banal na pagkakaisa o mauunawaan ang pangunahing layunin na pinagbabatayan ng mga Banal na Kasulatan ng Diyos, ang Panginoon ng langit at lupa, ang pinakamakapangyarihang Pinuno ng daigdig na ito at ng daigdig na darating. Ang gayong tao ay mabibilang sa mga di-nananalig sa Aklat ng Diyos, ang Nakaaalam sa Lahat, ang Nakababatid sa Lahat.

O ikaw na iginagalang na mananaliksik! Sumasaksi Kami na ika’y nangapit nang mahigpit sa angkop na pagtitiyaga noong mga araw na napigilan ang pagkilos ng Panulat at ang Dila ay nag-atubiling magbigay ng paliwanag tungkol sa kamangha-manghang palatandaan, ang Pinakadakilang Walang-pagkakamali. Iyong hiniling sa Kaniyang Pinagkasalahang ito na alisin para sa iyo ang mga lambong at mga takip nito, na ipaliwanag ang hiwaga at katangian nito, ang kalagayan at katayuan nito, ang kahusayan, kadakilaan at kataasan nito. Saksi ang buhay ng Diyos! Kung aalisin Namin ang lambong mula sa mga perlas ng pagpapatibay na natatago sa loob ng mga kabibi sa karagatan ng kaalaman at katiyakan, o pahihintulutang lumabas sa kanilang mga tahanan ang mga kagandahan ng banal na kahiwagaan na natatago sa loob ng mga silid ng pananalita sa Paraiso ng tunay na pagkaunawa, kung gayon mula sa bawat panig ay magsisimula ang matinding gulo buhat sa mga pinuno ng mga relihiyon at iyong masasaksihan ang mga tao ng Diyos na mahigpit na sakmal ng mga ngipin ng gayong mga lobong nagtatuwa sa Diyos kapuwa noong simula at noong wakas. Samakatwid pinigilan Namin ang Panulat sa loob ng mahabang panahon sang-ayon sa banal na karunungan at alang-alang sa pagtatanggol sa matatapat mula roon sa mga ipinagpalit ang makalangit na mga biyaya para sa di-pananalig at pinili para sa kanilang mga tao yaong tahanan ng ganap na pagkapanganyaya.

O ikaw na mananaliksik na pinagkalooban ng matalas na pang-unawa. Isinusumpa Ko sa Kaniya Na umakit sa Kalipunan sa Kaitaasan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kaniyang pinakadakilang Salita! Tunay na ang mga ibong nananahan sa mga lupaing saklaw ng Aking Kaharian at ang mga kalapating naninirahan sa hardin ng rosas ng Aking karunungan ay umaawit ng gayong mga himig at mga awitin na di-malirip ng lahat liban sa Diyos, ang Panginoon ng mga kaharian ng lupa at langit; at kung ang mga himig na ito ay ihahayag sa sukat na maliit pa sa butas ng karayom, ang mga tao ng kalupitan ay bibigkas ng gayong mga paninirang-puri na hindi pa kailanman nabigkas ng sinuman mula sa naunang mga salinlahi, at gagawin ang gayong mga kilos na hindi nagawa ng sinuman mula sa nakaraang mga panahon o dantaon. Itinakwil nila ang biyaya ng Diyos at ang Kaniyang mga katibayan at itinatuwa ang pagpapatunay ng Diyos at ang Kaniyang mga palatandaan. Sila’y mga naligaw at naging dahilan ng pagkaligaw ng mga tao, ngunit hindi nila ito nababatid. Sumasamba sila sa mga walang-kapararakang mga haka-haka ngunit hindi nila ito nalalaman. Ginawa nila ang walang-kabuluhang mga hinagap na maging kanilang mga panginoon at nilimot ang Diyos, subalit hindi nila ito nauunawaan. Iniwanan nila ang pinakadakilang karagatan at nagmadali silang nagtungo sa lawa ngunit hindi nila ito nababatid. Sumusunod sila sa kanilang mga walang-kabuluhang haka-haka samantalang tinatalikuran ang Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

Sabihin, sa pagkamakatarungan ng Diyos! Ang Mahabagin sa Lahat ay dumating nang taglay ang lakas at kapangyarihan. Sa pamamagitan ng Kaniyang kapangyarihan ang mga saligan ng mga relihiyon ay nayanig at ang Ruwisenyor ng Pananalita ay inawit ang melodiya nito sa pinakamataas na sanga ng tunay na pagkaunawa. Sa katunayan, Siyang natatago sa loob ng kaalaman ng Diyos at binabanggit sa mga Banal na Kasulatan ay nagpakita na. Sabihin, ito ang Araw na ang Nagsalita sa Sinai ay umakyat sa trono ng Rebelasyon at ang mga tao ay nakatayo sa harap ng Panginoon ng mga daigdig. Ito ang Araw na ang kalupaan ay ipinatalastas ang kaniyang mga balita at inilantad ang kaniyang mga kayamanan; kung kailan inilabas ng mga karagatan ang mga perlas nito at ang banal na Puno ng Lote ang bunga nito; kung kailan isinabog ng Araw ang kaningningan nito at pinalaganap ng mga Buwan ang liwanag nito, at ibinunyag ng mga Kalangitan ang mga bituin nito, at ang Oras ng mga palatandaan nito, at ibinunyag ng Muling-pagkabuhay ang nakasisindak na kamaharlikaan nito; kung kailan pinakawalan ng mga panulat ang mga pagdaloy nito at inilahad ng mga espiritu ang mga kahiwagaan nito. Pinagpala ang táong kumilala sa Kaniya at nakarating sa Kaniyang kinaroroonan, at kasawian ang sasapit sa gayong mga tumanggi sa Kaniya at tumalikod sa Kaniya. Nagsusumamo Ako sa Diyos na tulungan Niya ang Kaniyang mga tagapaglingkod na makabalik sa Kaniya. Sa katunayan, Siya ang Nagpapawalang-sala, ang Nagpapatawad, ang Mahabagin.

O ikaw na nagbaling ng iyong mukha sa Kaharian sa Kaitaasan at lubos na uminom sa Aking naselyohang alak mula sa kamay ng biyaya! Alamin na ang katawagang ‘Walang-pagkakamali’ ay marami ang kahulugan at iba’t iba ang katayuan. Sa isang kahulugan ito’y tumutukoy sa Kaniya Na ginawa ng Diyos na di-tatalaban ng kamalian. Gayundin ito’y ipinatutungkol sa bawat kaluluwa na ipinagsasanggalang ng Diyos mula sa pagkakasala, paglabag sa batas, paghihimagsik, kawalang-galang sa Diyos, di-pananalig at ng mga katulad nito. Ngunit ang Pinakadakilang Walang-pagkakamali ay tumutukoy lamang sa Kaniya na ang katayuan ay di-mataya ang kataasan na di-maaabot ng mga batas o mga pagbabawal at ginawang banal sa mga pagkakamali at mga pagkukulang. Tunay na Siya’y isang Liwanag na di-sinusundan ng kadiliman at isang Katotohanan na di-magagapi ng kamalian. Kung sasabihin Niya na ang tubig ay alak o ang langit ay lupa, o ang ilaw ay apoy, Siya’y nagsasabi ng katotohanan at di-magkakaroon ng alinlangan dito; at walang sinuman ang binigyan ng karapatang mag-alinlangan sa Kaniyang kapangyarihan o magsabi ng bakit o sa anong dahilan. Ang sinumang tumutol ay mabibilang sa mga suwail sa Aklat ng Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig. ‘Sa katunayan Siya’y hindi tatanungin sa Kaniyang mga ginagawa ngunit ang lahat ng iba ay tatanungin sa kanilang mga ginagawa.’ Siya’y dumating mula sa di-nakikitang kalangitan, taglay ang bandila ng “Ginagawa Niya ang anumang Kaniyang niloloob,’ at sinasamahan ng mga hukbo ng lakas at kapangyarihan samantalang tungkulin ng lahat liban sa Kaniya na mahigpit na sumunod sa anumang mga batas at alituntuning iniatas sa kanila, at kung sinuman ang lumihis dito, kahit na kasingkitid ng isang hibla ng buhok, ang kaniyang gawain ay magiging walang-saysay.

Iyong isaalang-alang at alalahanin ang panahon noong dumating si Muḥammad. Sinabi Niya, at ang Kaniyang salita ay ang katotohanan: ‘Ang banal na paglalakbay sa Tahanan ay isang paglilingkod na nararapat ialay sa Diyos.” At gayundin ang araw-araw na pagdarasal, ang pag-aayuno, at ang mga batas na sumikat sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng Aklat ng Diyos, ang Panginoon ng Daigdig at ang tunay na Tagapagturo ng mga tao at mga kaanak ng daigdig. Tungkulin ng bawat isa na sundin Siya sa anumang itinadhana ng Diyos; at sinuman ang nagtatuwa sa Kaniya ay di-naniwala sa Diyos, sa Kaniyang mga bersikulo, sa Kaniyang mga Sugo at sa Kaniyang mga Aklat. Kung sasabihin Niya na ang tama ay mali o ang pagtatatuwa ay pagsampalataya, sinasabi Niya ang katotohanan ayon sa utos ng Diyos. Ito’y isang katayuan na ang mga kasalanan o mga pagsuway ay hindi umiiral ni hindi binabanggit. Isipin mo ang pinagpala, ang banal na ipinahayag na bersikulo kung saan ang banal na paglalakbay sa Tahanan ay iniuutos sa bawat isa. Tungkulin ng mga pinagkalooban ng kapangyarihan pagkalipas Niya na sundin ang anumang iniutos sa kanila sa Aklat. Hindi ibinigay sa kaninuman ang karapatang lumihis sa mga batas at alituntunin ng Diyos. Sinuman ang lumihis doon ay nabibilang sa mga lumabag sa Aklat ng Diyos, ang Panginoon ng Makapangyarihang Trono.

O ikaw na itinutok ang iyong paningin sa Pook ng Bukang-liwayway ng Kapakanan ng Diyos! Alamin nang nakatitiyak na ang Kalooban ng Diyos ay di-natatakdaan ng mga pamantayan ng mga tao, at ang Diyos ay di-tumatahak sa kanilang mga landas. Sa halip ay tungkulin ng bawat isa ang mangapit nang mahigpit sa tuwid na Landas ng Diyos. Kung sasabihin Niya na ang kanan ay kaliwa, o ang timog ay hilaga, nagsasabi Siya ng katotohanan at dito ay walang alinlangan. Tunay na Siya’y dapat purihin sa Kaniyang mga gawa at dapat sundin ang Kaniyang mga utos. Wala Siyang kasama sa Kaniyang paghuhukom ni anumang katulong sa Kaniyang dakilang kapangyarihan. Ginagawa Niya ang anumang niloloob Niya at itinatadhana ang anumang ninanais Niya. Alamin mo na bukod dito ang lahat ng iba liban sa Kaniya ay nilikha sa pamamagitan ng kapangyarihan ng isang salita mula sa Kaniyang kinaroroonan, samantalang sa kanilang mga sarili ay wala silang pagkilos ni pagtigil, maliban lamang kung ayon sa Kaniyang utos at sa Kaniyang pahintulot.

O ikaw na pumapailanlang sa himpapawid ng pag-ibig at mabuting samahan at itinutok ang iyong paningin sa liwanag ng mukha ng iyong Panginoon, ang Hari ng nilikha! Magpasalamat sa Diyos, dahil sa binuksan Niya sa iyo yaong natatago at nakadambana sa Kaniyang kaalaman upang sa gayo’y mabatid ng bawat isa na sa Kaniyang kaharian na sukdulang walang-pagkakamali ay hindi Siya kumuha ng kasama o tagapayo para sa Kaniyang Sarili. Siya sa katotohanan ay ang Panimulang-bukal ng mga banal na alituntunin at mga kautusan at ang Pinagmumulan ng kaalaman at karunungan, samantalang ang lahat ng iba liban sa Kaniya ay pawang mga nasasakupan Niya at nasa ilalim ng Kaniyang pamumuno, at Siya ang Kataas-taasang Pinuno, ang Nagtatadhana, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Nakababatid ng Lahat.

Hinggil sa iyong sarili, sa tuwing ika’y nabibighani ng nakabubuhay na mga hininga ng mga ipinahayag na bersikulo at tinatangay ng dalisay at nagbibigay-buhay na tubig na inihahandog ng kamay ng biyaya ng iyong Panginoon, ang makapangyarihang Pinuno ng Araw ng Muling-pagkabuhay, palakasin ang iyong tinig at sabihin:

O aking Diyos! O aking Diyos! Ako’y nagpapasalamat sa Iyo sapagkat inakay Mo ako patungo sa Iyo Mismo, ginabayan ako sa Iyong sugpungang-guhit, malinaw na ipinakita sa akin ang Iyong Landas, ipinahayag sa akin ang Iyong pagpapatunay at tinulutan akong maibaling ang aking mukha sa Iyo, samantalang ang karamihan sa mga pantas at mga teologo sa Iyong mga tagapaglingkod, kasama ang mga sumusunod sa kanila, ay tinalikuran Ka nang wala kahit katiting na katunayan o katibayan mula sa Iyo. Ang pagpapala ay mapasa-Iyo, O Panginoon ng mga Pangalan, at ang luwalhati ay mapasa-Iyo, O Manlilikha ng mga Kalangitan, yayamang sa pamamagitan ng Iyong Pangalan, ang Sariling-Ganap, ay Iyong ibinigay sa akin upang inumin ang Iyong naselyohang alak, ang naging sanhi upang ako’y mapalapit sa Iyo at tinulutan akong makilala ang Panimulang-bukal ng Iyong pananalita, ang Kahayagan ng Iyong mga palatandaan, ang Punong-bukal ng Iyong mga batas at mga kautusan at ang Pinagmumulan ng Iyong karunungan at mga kaloob. Pinagpala ang lupang pinarangalan ng Iyong mga yapak, kung saan ang trono ng Iyong kapangyarihan ay naitatag at ang halimuyak ng Iyong kasuotan ay lumaganap. Sa pamamagitan ng Iyong kaluwalhatian at kamaharlikaan, sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihan at lakas, walang hinahangad ang aking paningin maliban lamang ang masilayan ang Iyong kagandahan, ni ang aking pandinig maliban lamang ang makinig sa Iyong panawagan at sa Iyong mga bersikulo.

O aking Diyos! O aking Diyos! Huwag hadlangan ang mga mata mula roon sa dahilan ng Iyong paglikha sa kanila, ni ang mga mukha sa pagbaling sa Iyong sugpungang-guhit, o mula sa pagbibigay-pitagan sa mga pintuan ng Iyong kamaharlikaan, o mula sa pagharap sa kinaroroonan ng Iyong trono, o mula sa pagyuko sa harap ng mga karingalan ng Araw-bituin ng Iyong biyaya.

O Panginoon, ako yaong ang puso at kaluluwa, ang mga bisig, ang panloob at panlabas na dila ay nagpapatunay na walang Diyos liban sa Iyo. Iyong binigyang-buhay ang sangkatauhan upang Ika’y makilala at mapaglingkuran ang Iyong Kapakanan upang sa pamamagitan nito ay maiangat ang kanilang mga kalagayan sa Iyong daigdig at ang kanilang mga kaluluwa ay maitaas sa pamamagitan ng bisa ng mga bagay na Iyong ipinahayag sa Iyong mga Banal na Kasulatan, sa Iyong mga Aklat at sa Iyong mga Tableta. Datapwat hindi pa natatagalang ipinahayag Mo ang Iyong Sarili at ipinakita ang Iyong mga palatandaan, sila’y tumalikod sa Iyo at Ika’y itinakwil at tinanggihan ang Iyong ibinunyag sa kanilang mga mata sa pamamagitan ng bisa ng Iyong kapangyarihan at Iyong lakas. Bumangon sila upang Ika’y pinsalain, upang patayin ang Iyong liwanag at apulain ang apoy na nagliliyab sa Iyong Nag-aapoy na Palumpong. Ang kanilang kawalan ng katarungan ay umabot sa gayong antas na sila’y nagsabwatan upang patuluin ang Iyong dugo at lapastanganin ang Iyong dangal. At gayundin ang ikinilos niya na Iyong inaruga sa pamamagitan ng kamay ng Iyong mapagmahal na kabutihan, ipinagtanggol mula sa pamiminsala ng mga mapanghimagsik sa Iyong mga nilalang at ng mga suwail sa Iyong mga tagapaglingkod, at yaong Iyong binigyan ng gawaing isulat ang Iyong mga banal na bersikulo sa harap ng Iyong trono.

Sayang! Sayang! ukol sa mga bagay na ginawa niya sa Iyong mga araw sa gayong antas na nilabag niya ang Iyong Banal na Kasunduan at Iyong Testamento, itinatuwa ang Iyong banal na Kasulatan, nagbangon upang maghimagsik at ginawa yaong naging sanhi ng paghihinagpis ng mga nananahan sa Iyong kaharian. Hindi pa natatagalang natagpuan niya na nawasak ang kaniyang mga pag-asa at napansin ang amoy ng ganap na kabiguan, pinalakas niya ang kaniyang tinig at sinabi yaong naging sanhi ng ganap na pagkatuliro ng Iyong mga pinili, silang malalapit sa Iyo, at mga kasamahan sa bulwagan ng kaluwalhatian.

Nakikita Mo ako, O aking Diyos, na namimilipit sa dalamhati sa alabok, tulad ng isang isda. Iligtas ako, mahabag sa akin, O Ikaw Na ang tulong ay hinihingi ng lahat ng tao, O Ikaw Na hawak sa kamay ang mga ugit ng kapangyarihan sa lahat ng kalalakihan at kababaihan. Sa tuwing ninilay-nilayin ko ang aking malubhang mga pagkukulang at ang aking napakalaking mga pagkakasala, sinasalakay ako ng ganap na kawalang-pag-asa mula sa lahat ng panig, at tuwing humihinto ako upang limiin ang karagatan ng Iyong biyaya at ang kalangitan ng Iyong kagandahang-loob at ang araw-bituin ng Iyong mapagmahal na malasakit, nalalanghap ko ang halimuyak ng pag-asang pinalaganap mula sa kanan at sa kaliwa, mula sa hilaga at sa timog, na waring ang bawat nilikhang bagay ay ibinabahagi sa akin ang magandang balita na ang mga ulap sa kalangitan ng Iyong habag ay ibubuhos ang kanilang ulan sa akin. Sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihan, O Ikaw na Tanging Inaasahan ng matatapat at ang Hangarin ng mga malapit sa Iyo! Ang Iyong napakaraming mga biyaya at pagpapala at ang mga kahayagan ng Iyong tangkilik at mapagmahal na kagandahang-loob ay tunay na pinalakas ang aking loob. Kung hindi, paano dadakilain ng ganap na kawalan ang Pangalan Niya Na, sa pamamagitan ng isang salita, ang nilikha ay nabigyang-buhay, at paano magagawa ng naglalahong nilikha na purihin Siya Na ipinakita na walang paglalarawan ang kailanma’y makapaghahayag sa Kaniya at walang salita ng papuri ang maaaring dumakila sa Kaniyang kaluwalhatian? Mula sa kawalang-hanggan ay hindi matataya ang Kaniyang kadakilaan na lubhang nakahihigit sa pang-unawa ng mga nilikha Niya at ginawang banal mula sa mga palagay ng Kaniyang mga tagapaglingkod.

O Panginoon! Iyong namamasdan ang walang-buhay na ito sa harap ng Iyong mukha; tulutan siya, sa pamamagitan ng Iyong kabutihang-loob at masaganang tangkilik, na di-mapagkaitan ng kalis ng walang-hanggang buhay. At Iyong nakikita ang may-karamdamang ito na nakatayo sa harap ng Iyong trono; huwag siyang itaboy mula sa karagatan ng Iyong panlunas. Nagsusumamo ako sa Iyo na tulutan akong magunita Ka sa lahat ng panahon at sa lahat ng kalagayan, na luwalhatiin ang Iyong Pangalan at paglingkuran ang Iyong Kapakanan, bagaman batid ko na anuman ang manggaling mula sa isang tagapaglingkod ay hindi maaaring mahigitan ang mga hangganan ng kaniyang kaluluwa, ni maging angkop sa Iyong pagiging Panginoon, ni maging karapat-dapat sa bulwagan ng Iyong kaluwalhatian at Iyong kamaharlikaan.

Ang Iyong kapangyarihan ay ang aking saksi! Kung hindi upang ipagdiwang ang papuri sa Iyo, ang aking dila ay walang silbi sa akin, at kung hindi alang-alang sa paglilingkod sa Iyo, ang aking buhay ay walang kapakinabangan sa akin. Kung hindi dahil sa kasiyahang mamasdan ang mga karingalan ng Iyong kaharian ng kaluwalhatian, bakit ko mamahalin ang paningin? At kung hindi dahil sa kaligayahan ng pakikinig sa Iyong pinakamalamyos na tinig, ano’ng silbi ng pandinig?

Sayang! Sayang! Hindi ko alam, O aking Diyos, ang aking Tanging Inaasahan, ang Hangarin ng aking puso, kung Iyong itinadhana para sa akin yaong maghahatid ng aliw sa aking mga mata, magpapasaya sa aking dibdib, magpapagalak sa aking puso, o kung ang Iyong di-mababagong utos, O Hari ng kawalang-hanggan at pinakamakapangyarihang Panginoon ng lahat ng mga bansa, ay hahadlangan ako sa pagharap ko mismo sa Iyong trono. Isinusumpa ko sa Iyong kaluwalhatian at kamaharlikaan at sa Iyong kapangyarihan at lakas, na ang karimlan ng aking pagkalayo sa Iyo ay pumuksa sa akin. Ano ang nangyari sa liwanag ng Iyong pagkalapit, O Hangarin ng bawat nakauunawang puso? Ang nakababagabag na hinagpis ng pagkahiwalay sa Iyo ay tumupok sa akin. Nasaan ang nagniningning na liwanag ng Iyong muling-pakikisama, O Pinakamamahal ng gayong mga ganap na nakatalaga sa Iyo?

Nakikita Mo, O aking Diyos, ang sumapit sa akin sa Iyong landas sa kamay ng mga nagtatuwa sa Iyong Katotohanan, lumabag sa Iyong Banal na Kasunduan, pinulaan ang Iyong mga palatandaan, itinakwil ang mga biyaya na Iyong ipinagkaloob, di-naniwala sa mga bersikulong Iyong ipinadala at tumangging kilalanin ang pagpapatunay na Iyong tinupad.

O Panginoon! Ang dila ng aking dila at ang puso ng aking puso at ang espiritu ng aking espiritu at ang aking panlabas at panloob na mga pagkatao ay sumasaksi sa Iyong pagkakaisa at Iyong kaisahan, sa Iyong lakas at Iyong kapangyarihan sa lahat, sa Iyong karingalan at Iyong kataas-taasang kapangyarihan, at nagpapatunay sa Iyong kaluwalhatian, kataasan at kapangyarihan. Sumasaksi ako na Ikaw ang Diyos at walang ibang Diyos liban sa Iyo. Mula sa kawalang-hanggan Ika’y naging kayamanang natatago mula sa paningin at mga isipan ng mga tao at mananatiling ganoon hanggang sa kawalang-hanggan. Ang mga lakas ng kalupaan ay hindi kailanman makahahadlang sa Iyo, ni hindi makasisindak sa Iyo ang kapangyarihan ng mga bansa. Ikaw ang nagbukas ng pinto ng kaalaman sa harap ng mga mukha ng Iyong mga tagapaglingkod nang sa gayo’y makilala nila Siya Na Araw-bituin ng Iyong Rebelasyon, ang Pook ng Bukang-liwayway ng Iyong mga palatandaan, ang Langit ng Iyong kahayagan at ang Araw ng Iyong banal na kagandahan. Sa Iyong mga banal na Aklat, sa Iyong mga Banal na Kasulatan, at sa Iyong mga Pergamino ay Iyong ipinangako sa lahat ng mga tao ng daigdig na Ikaw Mismo’y magpapakita at aalisin ang mga lambong ng kaluwalhatian mula sa Iyong mukha, tulad ng ipinahayag Mo sa Iyong mga salita sa Iyong Kaibigan, na sa pamamagitan Niya ang Araw-bituin ng Kahayagan ay sumikat nang maningning sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng Ḥijáz, at ang namimitak na liwanag ng banal na Katotohanan ay isinabog ang liwanag nito sa lahat ng mga tao, nagpapahayag: ‘Ang Araw na kung kailan ang sangkatauha’y tatayo sa harap ng Panginoon ng mga daigdig.’ At bago pa kay Muḥammad, Iyong ibinahagi ang magandang balitang ito sa Kaniya Na nakipag-usap sa Iyo, na sinasabing: “Akayin ang iyong mga tao mula sa kadiliman patungo sa liwanag at ipaalaala sa kanila ang mga araw ng Diyos.” Bukod dito ay Iyong ipinahayag ito sa Espiritu at sa Iyong mga Propeta at sa Iyong mga Sugo, maging noong matagal nang nakaraan o noong kamakailan lamang. Kung ang lahat ng Iyong ipinadala bilang papuri sa Pinakadakilang Alaala na ito, sa Dakilang Pahayag na ito, ay dadaloy mula sa punong-bukal ng Iyong pinakakapita-pitagang Panulat, ang mga nananahan sa mga lunsod ng kaalaman at pang-unawa ay matutulala, maliban lamang sa Iyong mga ililigtas sa pamamagitan ng bisa ng Iyong kapangyarihan at pangangalagaan bilang tanda ng Iyong masaganang biyaya at Iyong pagpapala. Sumasaksi akong tunay na Iyong tinupad ang Iyong pangako at inihayag Siya Na ang pagdating ay inihula ng Iyong mga Propeta, ng Iyong mga pinili at sa kanila na mga naglilingkod sa Iyo. Siya’y dumating mula sa kalangitan ng kaluwalhatian at kapangyarihan, taglay ang mga bandila ng Iyong mga palatandaan at ang mga sagisag ng Iyong mga pagpapatunay. Sa pamamagitan ng Iyong di-malulupig na lakas at kapangyarihan, Siya’y tumayo sa harap ng mga mukha ng lahat ng tao at tinawag ang buong sangkatauhan sa rurok ng nangingibabaw na kaluwalhatian at sa kataas-taasang Sugpungang-guhit, sa gayong paraang hindi Siya napigilan ng paniniil ng mga klero ni ng pananalakay ng mga pinuno. Bumangon Siya na taglay ang napakatatag na pagtitika at, pinalalaya ang Kaniyang dila, ay ipinahayag sa umaalingawngaw na mga tono: ‘Siyang Mapagbigay-biyaya sa Lahat ay dumating na nang nakasakay sa mga ulap. Sumulong, O mga tao ng daigdig, nang may nagliliwanag na mga mukha at nagniningning na mga puso!’

Tunay na napakalaki ng pagpapala niya na natamong makarating sa Iyong kinaroroonan, ininom ang alak ng muling-pagsasama na inihandog ng kamay ng Iyong kasaganaan, nilanghap ang halimuyak ng Iyong mga palatandaan, pinalaya ang kaniyang dila sa pagdiriwang ng Iyong papuri, pumailanlang nang mataas sa Iyong mga kalangitan, natangay ng katamisan ng Iyong tinig, nakapasok sa pinakadakilang Paraiso at nakamtan ang katayuan ng rebelasyon at pangitain sa harap ng trono ng Iyong kamaharlikaan.

Nagsusumamo ako sa Iyo sa pamamagitan ng Pinakadakilang Walang-pagkakamali na Iyong piniling maging araw ng Iyong Rebelasyon, at sa Iyong pinakadakilang Salita, na sa pamamagitan ng bisa nito ay Iyong binigyang-buhay ang nilikha at ipinahayag ang Iyong Kapakanan, at sa Pangalang ito na naging sanhi ng paghihinagpis ng lahat ng ibang pangalan at ng pangangatal ng mga bisig ng mga pantas, aking isinasamo sa Iyo na gawin akong maging tiwalag sa lahat liban sa Iyo, sa gayong gawi na hindi ako kikilos maliban lamang kung naaayon sa mabuting kaluguran ng Iyong kalooban, at hindi magsasalita maliban lamang sa iniuutos ng Iyong Layunin, at hindi makaririnig ng anuman liban sa mga salita ng Iyong pagpupuri at Iyong pagluluwalhati.

Dinadakila ko ang Iyong Pangalan, O aking Diyos, at nag-aalay ng pasasalamat sa Iyo, O aking Hangarin, dahil sa tinulutan Mo akong mabatid nang malinaw ang Iyong tuwid na Landas, inalis ang lambong ng Iyong Dakilang Patalastas sa harap ng aking mga mata at tinulungan akong ituon ang aking mukha sa Panimulang-bukal ng Iyong Rebelasyon at ang Punong-bukal ng Iyong Kapakanan, samantalang Ika’y tinalikuran ng Iyong mga tagapaglingkod at ng Iyong mga tao. Isinasamo ko sa Iyo, O Panginoon ng Kaharian ng kawalang-hanggan, sa pamamagitan ng matinis na tinig ng Panulat ng Kaluwalhatian, at sa pamamagitan ng Nagliliyab na Apoy na nananawagan nang malakas mula sa luntiang Puno, at sa pamamagitan ng Arko na Iyong tanging pinili para sa mga tao ng Bahá, na ipahintulot na ako’y manatiling matatag sa aking pag-ibig sa Iyo, na lubhang masiyahan sa anumang iniutos Mo sa akin sa Iyong Aklat at manatiling matatag sa paglilingkod sa Iyo at sa paglilingkod sa Iyong mga minamahal. Mapagmahal na tulungan kung gayon ang Iyong mga tagapaglingkod, O aking Diyos, na gawin yaong makapagpapadakila sa Iyong Kapakanan at makapagbibigay ng kakayahan sa kanila upang sumunod sa anumang ipinahayag Mo sa Iyong Aklat.

Tunay na Ikaw ang Panginoon ng Lakas, Ikaw ang may kapangyarihang itadhana ang anumang niloloob Mo at sa loob ng Iyong kamay ay hawak Mo ang mga ugit ng lahat ng nilikhang bagay. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat.

O Jalíl! Ibinunyag Namin sa iyong mga mata ang karagatan at ang mga alon nito, ang araw at ang kaningningan nito, ang mga kalangitan at ang mga bituin nito, ang mga kabibi at ang mga perlas nito. Ika’y magpasalamat sa Diyos dahil sa napakalaking biyaya, sa lubhang mapagmahal na tangkilik na lumaganap sa buong daigdig.

O ikaw na itinuon ang iyong mukha sa mga karingalan ng Aking Mukha! Malalabong guni-guni ay pumalibot sa mga nananahan sa daigdig at hinadlangan sila na makabaling sa Sugpungang-guhit ng Katiyakan, at sa liwanag nito at sa mga kapahayagan nito at mga paliwanag nito. Ang walang-kabuluhang mga hinagap ay pumigil sa kanila mula sa Kaniya na Sariling-Ganap. Nagsasalita sila ayon sa udyok ng sarili nilang di-makatwirang mga hangarin at hindi nakauunawa. Kabilang sa kanila ay ang mga nagsabi ng: ‘Ipinadala na ba ang mga bersikulo?’ Sabihin ‘Oo, sa pamamagitan Niya Na Panginoon ng mga kalangitan!’ ‘Dumating na ba ang Oras?’ ‘Hindi lamang iyon, kundi higit pa, lumipas na ito, sa pamamagitan Niyang Tagapagpahayag ng malinaw na mga palatandaan! Sa katunayan ang Di-maiiwasan ay dumating na at Siya, ang Siyang Tunay, ay lumitaw nang may katibayan at katunayan. Ang Kapatagan ay nabunyag at ang sangkatauha’y lubhang nataranta at natakot. Ang mga lindol ay pinakawalan, at ang mga angkan ay naghinagpis dahil sa takot sa Diyos, ang Panginoon ng Lakas, ang Nananaig sa Lahat.’ Sabihin: ‘Ang nakasisindak na tunog ng pakakak ay pinatunog nang malakas at ang Araw ay sa Diyos, ang Iisa, ang Di-napipigilan.’ At sinasabi nila: ‘Naganap na ba ang malaking kapahamakan?’ Sabihin: ‘Oo, saksi ang Panginoon ng Mga Panginoon!’ ‘Dumating na ba ang Muling-pagkabuhay?’ ‘Hindi lamang iyon, kundi, higit pa; Siya Na Sariling-Ganap ay nagpakita kasama ang Kaharian ng Kaniyang mga palatandaan.’ ‘Iyo bang nakitang nakaratay ang mga tao?’ ‘Oo, saksi ang aking Panginoon, ang Pinakamataas, ang Pinakamaluwalhati.’ ‘Ganap na bang nabunot ang mga tuod ng puno?’ ‘Hindi lamang iyon, kundi, ang mga bundok ay ikinalat nang alikabok na; sa pamamagitan ng Panginoon ng mga katangian!’ Sinasabi nila: ‘Nasaan ang Paraiso, at nasaan ang Impiyerno?’ Sabihin: ‘Ang isa ay ang muling pakikisama sa Akin; at ang isa pa’y sa inyong mga sarili, O kayong nagbibigay ng kasama sa Diyos at nag-aalinlangan.’ Sinasabi nila: ‘Hindi namin nakikita ang Timbangan.’ Sabihin: ‘Nang tiyakan, sa pamamagitan ng aking Panginoon, ang Diyos ng Habag! Walang makakikita rito maliban lamang yaong mga pinagkalooban ng malinaw na pang-unawa.’ Sinasabi nila: ‘Nalaglag na ba ang mga bituin?’ Sabihin: ‘Oo, nang Siya Na Sariling-Ganap ay nanahan sa Lupain ng Hiwaga. Makinig nang mabuti, kayong mga pinagkalooban ng pang-unawa!’ Ang lahat ng mga palatandaan ay nakita nang kunin Namin ang Kamay ng Kapangyarihan mula sa dibdib ng kamaharlikaan at lakas. Sa katunayan ang Tagapagbalita ay nagpahayag nang sumapit ang takdang panahon, at silang mga nakakilala sa mga karingalan ng Sinai ay hinimatay sa kagubatan ng pag-aatubili, sa harap ng kasindak-sindak na kamaharlikaan ng inyong Panginoon, ang Panginoon ng nilikha. Itinatanong ng pakakak. ‘Pinatunog na ba ang Korneta?’ Sabihin: ‘Oo, ng Hari ng Rebelasyon! Nang umakyat Siya sa trono ng Kaniyang Pangalan, ang Mahabagin sa Lahat!’ Ang karimlan ay itinaboy ng namimitak na liwanag ng habag ng inyong Panginoon, ang Pinagmumulan ng lahat ng liwanag. Ang simoy ng Mahabagin sa Lahat ay mahinang umihip, at ang mga kaluluwa ay nabuhay sa mga puntod ng kanilang mga katawan. Sa gayon ang utos ay tinupad ng Diyos, ang Makapangyarihan, ang Mapagbigay-biyaya. Silang mga tumanggi sa katotohanan ay nagsabi: ‘Kailan pinagbiyak-biyak ang mga kalangitan?’ Sabihin: ‘Habang kayo’y nakahimlay sa mga libingan ng kapabayaan at pagkakamali.’ Kabilang sa hindi matatapat ay siya na kinuskos ang kaniyang mga mata, at tumingin sa kanan at sa kaliwa. Sabihin: ‘Ika’y nabulag. Walang kublihan ang maaari mong panganlungan.’ At kabilang sa kanila ay siya na nagsabing: ‘Tinipon na ba ang mga tao?’ Sabihin: ‘Oo, ng aking Panginoon! Habang ika’y nakahiga sa duyan ng walang-kabuluhang haka-haka.’ At kabilang sa kanila ay siya na nagsabing: ‘Ipinadala na ba ang Aklat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tunay na Pananampalataya?’ Sabihin: ‘Ang tunay na Pananampalataya mismo’y lubhang nanggilalas. Matakot kayo, O kayong mga táong nakauunawa ang puso!’ At kabilang sa kanila ay siya na nagsasabing: ‘Ako ba’y kasama ng iba, na bulag?’ Sabihin: ‘Oo, saksi Siyang nakasakay sa mga ulap!’ Ang Paraiso ay pinapalamutian ng mga mahiwagang rosas, at ang impiyerno ay pinagliliyab sa apoy ng mga hindi maka-Diyos. Sabihin: ‘Ang liwanag ay sumikat mula sa sugpungang-guhit ng Rebelasyon, at ang buong daigdig ay naliwanagan sa pagdating Niya Na Panginoon ng Araw ng Banal na Kasunduan!’ Ang mga nag-alinlangan ay namatay na, habang siya na bumaling, pinatnubayan ng liwanag ng katiyakan, sa Panimulang-bukal ng Katiyakan, ay pinalad. Pinagpala ka na nagtuon ng iyong paningin sa Akin, dahil sa Tabletang ito na ipinadala alang-alang sa iyo—isang Tableta na dahilan upang pumailanlang ang mga kaluluwa ng mga tao. Isaulo ito, at bigkasin ito. Saksi ang Aking buhay! Ito’y isang pintuan sa kahabagan ng iyong Panginoon. Mapalad siyang binibigkas ito sa takipsilim at sa bukang-liwayway. Sa katunayan Aming narinig ang iyong papuri sa Kapakanang ito, na sa pamamagitan nito ang bundok ng kaalaman ay nadurog at ang mga paa ng mga tao ay nadulas. Ang Aking Kaluwalhatian ay mapasaiyo at mapasakaninumang bumaling sa Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat. Ang Tableta ay tapos na, ngunit ang paksa ay hindi natatapos. Maging matiyaga, sapagkat ang iyong Panginoon ay matiyaga.

Ang mga ito ay mga bersikulong ipinadala na Namin noon, at ipinadala Namin ito sa iyo, upang iyong mabatid ang binigkas ng kanilang mga sinungaling na dila, nang dumating sa kanila ang Diyos na taglay ang lakas at dakilang kapangyarihan. Ang mga saligan ng walang-kabuluhang mga haka-haka ay nayanig, at ang langit ng walang-saysay na guni-guni ay hiwa-hiwalay na nabiyak, at ang mga tao’y patuloy pa ring nag-aalinlangan at nakikipagtalo sa Kaniya. Itinatuwa nila ang patunay ng Diyos at ang Kaniyang katibayan, pagkarating Niya mula sa kalangitan ng kapangyarihan habang taglay ang kaharian ng Kaniyang mga palatandaan. Itinapon nila ang ipinag-utos, at ginawa ang ipinagbawal sa kanila sa Aklat. Nilisan nila ang kanilang Diyos, at nangapit nang mahigpit sa kanilang mga hangarin. Tunay na sila’y mga naligaw at mga nagkamali. Binabasa nila ang mga bersikulo at tinatanggihan ang mga iyon. Minamasdan nila ang maliwanag na mga palatandaan at tumalikod. Tunay na sila’y naliligaw sa nakapagtatakang pag-aalinlangan.

Binalaan Namin ang Aming mga minamahal na matakot sa Diyos, isang takot na pinagmumulan ng lahat ng mabubuting gawa at mga katangian. Ito ang pinuno ng mga hukbo ng katarungan sa lunsod ng Bahá. Maligaya ang táong nanganlong sa lilim ng nagniningning na bandila nito at nangapit nang mahigpit doon. Sa katunayan, siya’y kabilang sa mga Kasamahan ng Crimson na Arko, na binanggit sa Qayyúm-i-Asmá.

Sabihin: O mga tao ng Diyos! Palamutian ang inyong mga sentido ng palamuti ng pagkamapagkakatiwalaan at pamimitagan sa Diyos. Tulungan, kung gayon, ang inyong Panginoon sa pamamagitan ng mga hukbo ng mabubuting gawa at kapuri-puring ugali. Ipinagbawal Namin sa inyo ang pagtatalo at pag-aaway sa Aking mga Aklat at sa Aking mga Banal na Kasulatan at sa Aking mga Pergamino, at sa Aking mga Tableta at hinangad sa gayon ang walang iba kundi ang inyong kadakilaan at pagsulong. Sumasaksi rito ang mga kalangitan at ang mga bituin nito, at ang araw at ang kaningningan nito, at ang mga puno at ang mga dahon nito, at ang mga karagatan at ang mga alon nito, at ang daigdig at ang mga kayamanan nito. Ipinananalangin Namin sa Diyos na tulungan ang Kaniyang mga minamahal at alalayan sila roon sa nararapat sa kanila rito sa pinagpala, sa makapangyarihan at kamangha-manghang katayuang ito. Bukod dito ay isinasamo Namin sa Kaniya na buong-giliw Niyang tulutan yaong mga nakapaligid sa Akin na sundin ang iniutos sa kanila ng Aking Panulat ng Kaluwalhatian.

O Jalíl! Mapasaiyo nawa ang Aking kaluwalhatian at ang Aking mapagmahal na pagkakandili. Sa katunayan, ipinag-utos Namin sa mga tao na gawin yaong naaangkop at karapat-dapat ngunit ginawa nila ang gayong mga bagay na nagdulot ng hinagpis sa Aking puso at sa Aking Panulat. Ibaling ang iyong tainga roon sa ipinadala mula sa kalangitan ng Aking Kalooban at sa kaharian ng Aking mabuting-kaluguran. Hindi Ako nahahapis sa Aking pagkabilanggo, ni hindi dahil sa mga bagay na sumapit sa Akin sa kamay ng Aking mga kaaway. Hindi, ang Aking mga kalungkutan ay sanhi ng mga nagpapakilalang nauugnay sa Akin subalit ginagawa yaong nagpapalakas sa tinig ng Aking paghihinagpis at nagpapadaloy sa Aking mga luha. Lubos na pinangaralan na Namin sila sa iba’t ibang mga Tableta at isinamo sa Diyos na magiliw silang tulungan at tulutan silang lumapit sa Kaniya at pagtibayin sila roon sa maghahatid ng kapayapaan sa mga puso at katiwasayan sa mga kaluluwa at pipigil sa kanilang mga kamay mula sa anumang hindi karapat-dapat sa Kaniyang mga araw.

Sabihin, O Aking mga minamahal sa Aking mga lupain! Makinig sa mga payo Niyang nagpapaalala sa inyo alang-alang sa Diyos. Tunay na Siya ang lumikha sa inyo, inilantad sa inyong mga mata yaong magtataas sa inyo at magtataguyod sa inyong mga kapakanan. Ibinunyag Niya sa inyo ang Kaniyang tuwid na Landas at ipinabatid sa inyo ang Kaniyang Dakilang Patalastas.

O Jalíl! Paalalahanan ang mga táong matakot sa Diyos. Saksi ang Diyos! Ang takot na ito ay ang pangunahing pinuno ng hukbo ng iyong Panginoon. Ang mga hukbo nito ay ang kapuri-puring ugali at mabubuting gawa. Sa pamamagitan nito ang mga lunsod ng mga puso ng tao ay nabuksan, sa lahat ng mga panahon at daang-taon, at ang mga sagisag ng pangingibabaw at tagumpay ay naitaas nang higit na mataas sa lahat ng ibang mga sagisag.

Ngayo’y babanggitin Namin sa inyo ang Pagkamapagkakatiwalaan at ang katayuan nito sa palagay ng Diyos, ang inyong Panginoon, ang Panginoon ng Makapangyarihang Trono. Isang araw sa mga araw Kami’y nagtungo sa Aming Luntiang Isla. Sa Aming pagdating, nakita Namin ang mga batis nito na dumadaloy at ang mayabong na mga punongkahoy nito, at ang sinag ng araw na naglalaro sa kanilang gitna. Sa pagbaling ng Aming mukha sa dakong kanan, nakita Namin yaong di-mailalarawan ng panulat; ni hindi nito mailalahad ang nakita ng mata ng Panginoon ng sangkatauhan doon sa pinakabanal, sa kataas-taasan, sa pinagpala at pinakadakilang Pook. Sa pagbaling sa kaliwa nasilayan Namin ang isa sa mga Kagandahan ng Pinakadakilang Paraiso, na nakatayo sa isang haligi ng liwanag at nananawagan nang malakas at nagsasabing: ‘O mga naninirahan sa kalupaan at sa kalangitan! Masdan ang Aking kagandahan, at ang Aking kaningningan at ang Aking kahayagan, at ang Aking kariktan. Sa pamamagitan ng Diyos, Siyang Tunay! Ako ang Pagkamapagkakatiwalaan at ang kahayagan nito, at ang kagandahan nito. Gagantimpalaan Ko ang sinumang mangapit sa Akin, at kumilala sa Aking tungkulin at katayuan, at nanangan nang mahigpit sa Aking laylayan. Ako ang pinakadakilang palamuti ng mga tao ng Bahá, at ang kasuotan ng kaluwalhatian ng lahat ng nasa kaharian ng nilikha. Ako ang sukdulang paraan para sa kasaganaan ng daigdig, at ang sugpungang-guhit ng katiyakan sa lahat ng nilikha.’ Sa gayo’y ipinadala Namin sa inyo yaong maglalapit sa mga tao sa Panginoon ng nilikha.

Ang Panulat ng Pinakamataas ay nagbabago mula sa mahusay na wika tungo roon sa malinaw upang sa gayon, O Jalíl, ay iyong pahalagahan ang mapagmahal na habag ng iyong Panginoon, ang Walang-kahambing, at mabilang doon sa mga tunay na nagpapasalamat.

O ikaw na nagtuon ng iyong paningin sa pinakamaluwalhating Sugpungang-guhit! Ang Panawagan ay pinalakas na ngunit ang mga taingang nakaririnig ay mabibilang, hindi lamang iyon, kundi, walang matagpuan. Siyang Pinagkasalahang ito ay natagpuan ang Kaniyang sarili sa bunganga ng ahas, ngunit hindi Siya nakalilimot sa pagbanggit sa mga minamahal ng Diyos. Gayon kasidhi ang Aming mga paghihirap sa mga araw na ito na ang Kalipunan sa Kaitaasan ay natimong mapaluha at maghinagpis. Ang mga pagpapahirap ng daigdig o ng pinsalang ipinataw ng mga bansa ay di-makapipigil sa Kaniya Na Hari ng Kawalang-hanggan mula sa paghahayag ng Kaniyang mga panawagan o biguin ang Kaniyang layunin. Nang mahiwatigan ng mga nagtatago ng maraming taon sa likod ng mga lambong, na ang sugpungang-guhit ng Kapakanan ay nagniningning at ang Salita ng Diyos ay lumalaganap sa lahat, sila’y sumugod at sa pamamagitan ng mga espada ng masamang hangarin ay nagpalasap ng gayong mga pinsala na di-mailalarawan ng panulat o maisasaysay ng dila.

Yaong mga naghatol nang makatarungan ay sumasaksi na mula noong mga unang araw ng Kapakanan, Siyang Pinagkasalahang ito ay nagbangon nang walang-lambong at maningning, sa harap ng mga mukha ng mga hari at ng karaniwang mga tao, sa harap ng mga pinuno at mga teologo at, sa umaalingawngaw na mga tono, ay tinawag ang lahat ng mga tao sa tuwid na Landas. Wala Siyang naging katulong liban sa Kaniyang Panulat, ni walang sumaklolo maliban ang Kaniyang Sarili.

Yaong mga mangmang o nagpabaya sa nagpapakilos na layunin ng Kapakanan ng Diyos ay naghimagsik laban sa Kaniya. Ang gayong mga tao ay ang mga nagbababala ng kasamaang binanggit ng Diyos sa Kaniyang Aklat at mga Tableta at binalaan Niya ang Kaniyang mga tao laban sa impluwensiya, hiyawan at panlilinlang ng mga ito. Mapalad sila, na sa harap ng alaala ng Panginoon ng Kawalang-hanggan, ay itinuring ang mga tao ng daigdig na lubos na walang-halaga, bilang isang nalimot na bagay, at nang mahigpit na nananangan sa matibay na hawakan ng Diyos sa gayong paraan na kahit na ang mga pag-aalinlangan ni mga pasaring, ni mga espada, ni kanyon ang maaaring makapigil sa kanila o maipagkait sa kanila ang Kaniyang kinaroroonan. Pinagpala ang mga matapat; pinagpala ang mga matatag sa Kaniyang Pananampalataya.

Bilang tugon sa iyong kahilingan, ang Panulat ng Kaluwalhatian ay buong-giliw na inilarawan ang mga katayuan at antas ng Pinakadakilang Walang-pagkakamali. Ang layunin ay upang malaman ng lahat nang may lubos na katiyakan na ang Selyo ng mga Propeta —harinawang ang mga kaluluwa ng lahat liban sa Kaniya ay maialay alang-alang sa Kaniya—ay walang katulad, kapantay o kasama sa Kaniyang Sariling katayuan. Silang mga Banal —harinawang mapasakanila ang mga biyaya ng Diyos—ay nilikha sa pamamagitan ng bisa ng Kaniyang Salita, at pagkatapos Niya sila ang pinakamarunong at pinakatanyag sa mga tao at nananahan sa sukdulang katayuan ng pagkaalipin. Ang banal na Diwa ng kabanalan, ginawang malaya mula sa anumang paghahambing o katulad, ay itinatag sa bawat Propeta, at ang pinakabuod ng Kaganapan ng Diyos, na higit na mataas sa anumang kapantay o kasama, ay nahahahayag sa Kaniya. Ito ang katayuan ng tunay na pagkakaisa at ganap na pagiging isa. Ang mga sumusunod sa nakaraang Dispensasyon ay masaklap na nabigong makamtan ang sapat na pagkaunawa sa katayuang ito. Ang Panimulang Tuldok —harinawang ang buhay ng lahat liban sa Kaniya ay maialay alang-alang sa Kaniya—ay nagsabi: ‘Kung ang Selyo ng mga Propeta ay hindi nagbanggit ng salitang ‘Tagapagmana ng Tungkulin,’ ang ganitong katayuan ay hindi sana lilikhain.’

Ang mga tao ng unang panahon ay nakipantay sa Diyos, bagaman sinasabi nilang naniniwala sila sa Kaniyang kaisahan; at bagaman sila ang pinakamangmang sa mga tao, itinuring nila ang kanilang mga sarili na pinakadalubhasa. Subalit, bilang isang tanda ng banal na paghihiganti sa gayong mga pabaya, ang kanilang mga maling paniniwala at gawain, sa Araw na ito ng Paghuhukom, ay ginawang hayag at malinaw sa bawat táong may mahusay na pang-intindi at pang-unawa.

Magsumamo sa Diyos, Siyang Tunay, na magiliw Niyang ipagsanggalang ang mga sumusunod sa Rebelasyong ito mula sa walang-kabuluhang mga haka-haka at imbing mga hinagap ng mga kasapi ng naunang Pananampalataya, at huwag ipagkait sa kanila ang maningning na mga karingalan ng araw-bituin ng tunay na pagkakaisa.

O Jalíl! Siyang pinagkasalahan ng daigdig ay nagpapahayag ngayon na: Ang liwanag ng Katarungan ay lumabo at ang araw ng Pagkamakatao ay nalalambungan mula sa paningin. Ang magnanakaw ay nakaupo sa upuan ng tagapagtanggol at tagapagsanggalang, at ang katungkulan ng matapat ay kinamkam ng taksil. Noong nakaraang taon isang maniniil ang namumuno sa lunsod na ito, at sa bawat sandali’y naging sanhi ng panibagong pinsala. Sa pagkamakatarungan ng Panginoon! Ginawa niya yaong pumukaw ng matinding takot sa mga puso ng tao. Subalit para sa Panulat ng Kaluwalhatian ang paniniil ng daigdig ay hindi kailanman naging o magiging sagabal. Sa kasaganaan ng Aming biyaya at mapagmahal na kagandahang-loob ay tanging ipinahayag Namin para sa mga pinuno at ministro ng daigdig yaong magdudulot ng kaligtasan at pangangalaga, katiwasayan at kapayapaan; upang baka sakaling ang mga anak ng tao ay maging ligtas sa mga kasamaam ng paniniil. Siya, sa katunayan ang Tagapangalaga, ang Tagatulong, ang Tagapagbigay ng tagumpay. Tungkulin ng mga tao ng House of Justice ng Diyos na ituon ang kanilang mga paningin sa araw at sa gabi roon sa sumikat mula sa Panulat ng Kaluwalhatian para sa pagsasanay ng mga tao, para sa pagpapatatag ng mga bansa, para sa pagtatanggol sa tao at sa pangangalaga ng kaniyang karangalan.

Ang unang Ishráq

Nang sumikat ang Araw-bituin ng Karunungan sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng Banal na Dispensasyon ng Diyos binigkas nito ang maluwalhati-sa-lahat na pananalitang ito: Yaong mga nagmamay-ari ng kayamanan at pinagkalooban ng kapangyarihan at lakas ay dapat magpakita ng pinakamasidhing paggalang sa relihiyon. Sa katotohanan, ang relihiyon ay isang maningning na liwanag at isang di-maigugupong muog para sa pangangalaga at kagalingan ng mga tao ng daigdig, sapagkat ang takot sa Diyos ang nakapipilit sa tao upang mangapit nang mahigpit doon sa kabutihan, at layuan ang lahat ng kasamaan. Kung ang lampara ng relihiyon ay manlalabo, ang kaguluhan at kalituhan ay mangyayari, at ang mga liwanag ng katwiran at katarungan, ng kapanatagan at kapayapaan ay hihintong magliwanag. Dito’y sasaksi ang bawat táong may tunay na pagkaunawa.

Ang ikalawang Ishráq

Ipinag-utos Namin sa buong sangkatauhan na itatag ang Pinakadakilang Kapayapaan—ang pinakatiyak sa lahat ng mga paraan para sa pangangalaga ng sangkatauhan. Ang mga hari ng daigdig, nang lubos na nagkakasundo, ay dapat mangapit nang mahigpit dito, dahil ito ang sukdulang pamamaraan na makatitiyak sa kaligtasan at kagalingan ng lahat ng mga tao at mga sambayanan. Sila, sa katunayan, ang mga kahayagan ng lakas ng Diyos at mga panimulang-bukal ng Kaniyang kapangyarihan. Nagsusumamo Kami sa Makapangyarihan sa Lahat na buong giliw Niyang tangkilikin sila roon sa makatutulong sa ikabubuti ng kanilang mga nasasakupan. Isang lubos na paliwanag tungkol sa bagay na ito ay naipahayag na noon pa ng Panulat ng Kaluwalhatian; mapalad silang mga kumikilos nang naaayon dito.

Ang ikatlong Ishráq

Tungkulin ng bawat isa na sumunod sa mga banal na utos ng Diyos, dahil sa ang mga iyon ang pinagmumulan ng buhay ng daigdig. Ang kalangitan ng banal na karunungan ay tinatanglawan ng dalawang liwanag ng sanggunian at pagmamalasakit at ang kulandong ng pandaigdig na kaayusan ay nakataas sa dalawang haligi ng gantimpala at kaparusahan.

Ang ikaapat ng Ishráq

Sa Rebelasyong ito ang mga hukbong makapagbibigay ng tagumpay rito ay ang mga hukbo ng kapuri-puring mga gawa at makatwirang ugali. Ang pinuno at nag-uutos sa mga hukbong ito magpakailanma’y ang takot sa Diyos, isang takot na pumapalibot sa lahat ng bagay at naghahari sa lahat ng bagay.

Ang ikalimang Ishráq

Nararapat na ganap na mabatid ng mga pamahalaan mismo ang mga kalagayan ng kanilang mga pinamamahalaan, at ipagkaloob sa kanila ang mga katungkulan sang-ayon sa nararapat nilang tanggapin at sa kakayahan. Ipinag-uutos sa bawat pinuno at hari na isaalang-alang nang buong ingat ang bagay na ito upang hindi makamkam ng taksil ang katungkulan ng matapat, ni ang magnanakaw na mamuno sa halip na ang mapagkakatiwalaan. Kabilang sa mga pinunong namahala noong nakaraan dito sa Pinakadakilang Bilangguan ay ang ilan, purihin ang Diyos, na mga pinalamutian ng Katarungan, ngunit tungkol sa iba, nangungubli na lamang Kami sa Diyos. Nagsusumamo Kami sa Isang Tunay na Diyos na patnubayan sila, ang bawat isa at ang lahat, na hindi sana maipagkait sa kanila ang bunga ng pananalig at pagkamapagkakatiwalaan ni huwag mahadlangan mula sa liwanag ng pagkamakatao at katarungan.

Ang ikaanim na Ishráq

ay ang pagkakaisa at pagkakaunawaan ng mga anak ng tao. Mula sa simula ng panahon ang liwanag ng pagkakaisa ay nagsabog na ng banal na kaningningan nito sa daigdig, at ang pinakamahusay na paraan ng pagtataguyod ng kaisahang iyon ay ang maunawaan ng mga tao ng daigdig ang paraan ng pagsulat at wika ng isa’t isa. Sa naunang mga Epistola ay iniatas Namin sa mga Katiwala ng House of Justice na pumili ng isang wika mula roon sa mga umiiral na ngayon, o gumawa ng isang bago at sa gayunding paraan ay pumili ng pangkalahatang anyo ng katitikan, na kapuwa dapat ituro sa lahat ng mga paaralan ng daigdig. Sa gayon ang daigdig ay ituturing na iisang bansa at iisang tahanan. Ang pinakamaluwalhating bunga ng puno ng kaalaman ay ang dakilang salitang ito: Ng isang puno lahat kayo’y ang mga bunga, at ng iisang sanga ay mga dahon. Huwag ikagalak ng tao na mahal niya ang kaniyang bansa, sa halip ay kaniyang ikagalak na minamahal niya ang kaniyang kapwa. Tungkol dito naipahayag na Namin noon yaong pamamaraan ng pagbabagong-tatag ng daigdig at ang pagkakaisa ng mga bansa. Pinagpala silang mga nakapagtamo nito. Pinagpala silang mga kumikilos nang naaayon dito.

Ang ikapitong Ishráq

Ang Panulat ng Kaluwalhatian ay nagpapayo sa lahat tungkol sa pagtuturo at edukasyon ng mga bata. Masdan yaong ipinahayag ng Kalooban ng Diyos sa Aming pagdating sa Bilangguang-Lunsod at nakatala sa Pinakabanal na Aklat. Sa bawat ama ay iniatas ang pagtuturo sa kaniyang anak na lalaki at anak na babae sa sining ng pagbasa at pagsulat at sa lahat ng inihayag sa Banal na Tableta. Siyang isinaisantabi yaong ipinag-utos sa kaniya, ang mga Pinagkakatiwalaan, kung gayon, ay kukunin mula sa kaniya yaong kinakailangan para sa kanilang pag-aaral, kung siya’y mayaman, at kung hindi, ang bagay na ito ay mapapasalin sa House of Justice. Sa katunayan, ginawa Namin itong kanlungan para sa maralita at nangangailangan. Siyang nag-aruga sa kaniyang anak o sa anak ng iba, ito’y katulad din ng pag-aaruga niya sa Aking anak; mapasakaniya ang Aking luwalhati, ang Aking Mapagmahal na Kagandahang-loob, ang Aking Habag, na pumalibot sa daigdig.

Ang ikawalong Ishráq

Ang sipìng ito, na ngayo’y isinulat ng Panulat ng Luwalhati, ay ipinapalagay bilang bahagi ng Pinakabanal na Aklat: Ipinabahala sa mga tao ng House of Justice ng Diyos ang mga gawain ng mga tao. Sila, sa katotohanan, ang mga Katiwala ng Diyos sa Kaniyang mga tagapaglingkod at ang mga panimulang-bukal ng Kapangyarihan sa Kaniyang mga bansa.

O mga tao ng Diyos! Yaong nagtuturo sa daigdig ay ang Katarungan, sapagkat ito’y sinusuhayan ng dalawang haligi, ang gantimpala at kaparusahan. Ang dalawang haliging ito ang mga pinanggagalingan ng buhay sa daigdig. Dahil sa bawat araw ay may bagong suliranin at sa bawat suliranin ay may angkop na kalutasan, ang gayong mga suliranin ay dapat iharap sa House of Justice na ang mga kasapi niyon ay maaaring kumilos sang-ayon sa mga nararapat at mga pangangailangan ng panahon. Sila na, alang-alang sa Diyos, ay bumangon upang paglingkuran ang Kaniyang Kapakanan, ay ang mga tumatanggap ng banal na inspirasyon mula sa di-nakikitang Kaharian. Tungkulin ng lahat na sumunod sa kanila. Lahat ng mga gawaing Pampamahalaan ay dapat ibigay sa House of Justice, ngunit ang mga gawaing pagsamba ay dapat gawin sang-ayon doon sa inihayag ng Diyos sa Kaniyang Aklat.

O mga tao ng Bahá! Kayo ang mga pook ng bukang-liwayway ng pag-ibig ng Diyos at ang mga panimulang-bukal ng Kaniyang mapagmahal na kagandahang-loob. Huwag dungisan ang inyong mga dila ng pagsumpa at ng paninira sa sinumang kaluluwa, at pangalagaan ang inyong mga mata laban doon sa di-nararapat. Ilahad yaong inyong taglay, kung ito’y tanggapin nang mabuti, natamo ninyo ang inyong adhikain; kung hindi, ang pagtutol ay walang-saysay. Iwanan ang kaluluwang iyon sa kaniyang sarili at bumaling sa Panginoon, ang Tagapagtanggol, ang Sariling-Ganap. Huwag maging sanhi ng kalungkutan, lalo na ng salungatan at tunggalian. Minimithi ang pag-asang matamo ninyo ang tunay na edukasyon sa lilim ng puno ng Kaniyang magiliw na mga kahabagan at kumilos sang-ayon doon sa ninanais ng Diyos. Lahat kayo’y mga dahon ng iisang puno at mga patak ng iisang karagatan.

Ang ikasiyam na Ishráq

Ang layunin ng relihiyon sang-ayon sa ipinahayag mula sa kalangitan ng banal na kalooban ng Diyos ay upang itatag ang pagkakaisa at pagkakaunawaan ng mga tao ng daigdig; huwag itong gawing dahilan ng pagtatalo at paglalaban-laban. Ang relihiyon ng Diyos at ang Kaniyang banal na batas ang pinakamabisa sa mga pamamaraan at pinakatiyak sa lahat ng mga paraan para sa pagsikat ng liwanag ng pagkakaisa ng mga tao. Ang pagsulong ng daigdig, ang pag-unlad ng mga bansa, ang katiwasayan ng mga sambayanan at ang kapayapaan ng lahat ng nananahan sa daigdig ay kabilang sa mga simulain at mga alituntunin ng Diyos. Ipinagkakaloob ng relihiyon sa tao ang pinakamahalaga sa lahat ng mga kaloob, iniaalay ang kopa ng kasaganaan, ibinabahagi ang walang-hanggang buhay, at pinauulan ang walang-maliw na mga kabutihan sa sangkatauhan. Nararapat sa mga pangulo at mga pinuno ng daigdig, at lalo na sa mga Katiwala ng House of Justice ng Diyos, na pagsikapan sa sukdulang makakayanan ng kanilang lakas, na pangalagaan ang katayuan nito, itaguyod ang mga kapakanan nito at itaas ang kalagayan nito sa mga mata ng daigdig. Sa gayunding gawi ay tungkulin nilang mabatid ang mga kalagayan ng kanilang mga mamamayan at alamin ang mga pinagkakaabalahan at mga gawain ng magkakaibang mga pamayanan sa kanilang mga kaharian. Tinatawagan Namin ang mga kahayagan ng kapangyarihan ng Diyos—ang mga hari at mga pinuno ng daigdig—na kumilos at gawin ang lahat nang nasa kanilang kapangyarihan upang maiwaksi nila ang pagtatalo mula sa daigdig na ito at tanglawan ito ng liwanag ng pagkakaunawaan.

Tungkulin ng lahat ang mangapit nang mahigpit at sumunod doon sa dumaloy mula sa Aming Pinakadakilang Panulat. Ang Diyos, Siyang Tunay, ay sumasaksi sa Akin, at ang bawat naroroong atomo ay napukaw na magpatotoo na ang gayong mga pamamaraan na hahantong sa pag-angat, sa pagsulong, sa edukasyon, sa pangangalaga at sa pagbabago ng mga tao ng daigdig ay maliwanag na inilahad Namin at ipinahayag ng Panulat ng Kaluwalhatian sa mga Banal na Aklat at mga Tableta.

Nagsusumamo Kami sa Diyos na mapagmahal Niyang tulungan ang Kaniyang mga tagapaglingkod. Ang inaasahan Niyang Pinagkasalahang ito mula sa bawat isa ay ang katarungan at pagkamakatao. Huwag tulutang masiyahan ang sinuman sa pakikinig lamang; sa halip ay tungkulin ng bawat isa na nilay-nilayin ang ipinahayag Niyang Pinagkasalahan. Ako’y sumusumpa sa Araw-bituin ng pananalita, na sumisikat sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng Kaharian ng Mahabagin sa Lahat, na kung mayroon lamang tagapagpaliwanag o tagapagsalita na makikita, hindi sana Namin ginawa ang Aming sarili na maging pakay ng pamimintas, pangungutya at paninirang-puri ng mga tao.

Sa pagdating Namin sa ‘Iráq natagpuan Namin ang Kapakanan ng Diyos na nakalugmok sa matinding kawalan ng pagmamalasakit at ang hangin ng banal na rebelasyon ay hindi sumisimoy. Ang karamihan ng mga mananampalataya ay matamlay at nanghihina ang kalooban, hindi lamang iyon, ganap na naligaw at walang buhay. Dahil dito nagkaroon ng pangalawang tunog ng Pakakak, at pagkatapos ang Dila ng Karingalan ay binigkas ang pinagpalang mga salitang ito: ‘Pinatunog Namin ang Pakakak sa pangalawang pagkakataon’. Sa gayon ang buong daigdig ay sumigla sa pamamagitan ng nagbibigay-buhay na mga hininga ng banal na kahayagan at inspirasyon.

Ang ilang mga kaluluwa ay sumugod na ngayon mula sa likod ng mga lambong, naglalayong pinsalain Siyang Pinagkasalahan. Kanilang hinadlangan at itinatuwa ang pagbuhos ng walang-kasinghalagang biyayang ito.

O kayong mga naghahatol nang makatarungan! Kung ang Kapakanang ito ay dapat itatuwa, ano pang ibang kapakanan sa daigdig na ito ang maaaring panindigan o maituturing na karapat-dapat tanggapin?

Ang gayong mga tumalikod sa Kapakanan ng Diyos ay masigasig na nagsisikap na tipunin ang mga Banal na Kasulatan ng Rebelasyong ito, at sa pamamagitan ng mga pakitang-tao na pakikipagkaibigan ay kanilang nagawang makuha ang ilang mga kasulatan mula sa mga may hawak nito. Bukod dito, kapag nakakaharap nila ang mga sumusunod sa anumang relihiyon, ipinakikilala nila ang kanilang mga sarili bilang mga kaanib noon. Sabihin, mamatay kayo sa inyong matinding poot! Sa katunayan Siya’y lumitaw nang taglay ang gayong napakadakilang kapangyarihan na walang táong may paningin, may pandinig, may malalim na pang-unawa, makatarungan o nang walang-kinikilingan ang kailanma’y makapagtatatuwa sa Kaniya. Sumasaksi sa maningning na Oras na ito ang Panulat Niyang Napakatanda sa Mga Araw.

O Jalíl! Mapasaiyo nawa ang Aking kaluwalhatian! Pinapayuhan Namin ang mga minamahal ng Diyos na gawin ang mabubuting gawa upang baka sakaling sila’y mapagmahal na matulungan at nawa’y mangapit nang mahigpit doon sa ipinadala mula sa kalangitan ng Kaniyang Rebelasyon. Ang mga kapakinabangang nagmumula sa banal na pananalitang ito ay mapapasakanila na mga sumusunod sa Kaniyang mga alituntunin. Isinasamo Namin sa Diyos na tulutan silang gawin yaong kasiya-siya at katanggap-tanggap sa Kaniya, na tulutang makitungo sila nang walang-kinikilingan at maging makatarungan dito sa nananaig-sa-lahat na Kapakanan, upang malaman nila ang Kaniyang mga Banal na Kasulatan at maidako ang kanilang mga hakbang tungo sa Kaniyang tuwid na Landas.

Ang Aming Dakilang Tagapagbalita—harinawang ang buhay ng lahat ng iba liban sa Kaniya ay maialay alang-alang sa Kaniya—ay ipinahayag ang ilang mga batas. Ngunit sa kaharian ng Kaniyang Rebelasyon ang mga batas na ito ay ipinailalim sa Aming pagpapatibay, kung kaya ipinatupad Niyang Pinagkasalahang ito ang ilan sa mga iyon sa pamamagitan ng paglalagay ng mga ito sa Kitáb-i-Aqdas sa ibang mga salita. Ang iba nama’y isinaisantabi Namin. Hawak Niya sa Kaniyang Kamay ang kapangyarihan. Ginagawa Niya ang Kaniyang niloloob at itinatadhana ang anumang ikinasisiya Niya. Siya ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinupuri sa Lahat. Mayroon ding mga alituntuning bago pa lamang ipinahayag. Pinagpala silang mga nakapagtamo. Pinagpala silang mga sumusunod sa Kaniyang mga panuntunan.

Ang mga tao ng Diyos ay dapat gumawa ng sukdulang pagsisikap nang baka sakaling ang apoy ng pagkamuhi at masamang hangarin na nagbabaga sa mga dibdib ng mga kaanak at mga tao ng daigdig ay maapula sa pamamagitan ng nakabubuhay na mga tubig ng pananalita at ng mga paalaala Niya Na Hangarin ng daigdig, at ang mga punongkahoy ng buhay ng tao ay mapalamutian ng kahanga-hanga at napakagaling na bunga. Siya, sa katunayan, ang Nagpapaalaala, ang Mapagmalasakit, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat.

Harinawang ang liwanag ng Kaniyang kaluwalhatiang nagniningning sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng biyaya ay mapasainyo, O mga tao ng Bahá, sa bawat isang matibay na nanindigan at matatag, at doon sa nasanay nang mabuti sa Pananampalataya at pinagkalooban ng tunay na pagkaunawa.

Tungkol sa iyong katanungan hinggil sa pagpapatubo at pakinabang mula sa ginto at pilak: Sa nakaraang ilang mga taon ang sumusunod na bersikulo ay ipinahayag mula sa langit ng Mahabagin sa Lahat para sa kaniya na nagtataglay ng pangalan ng Diyos, si Zaynu’l-Muqarrabín —harinawang mapasakaniya ang kaluwalhatian ng Pinakamaluwalhati. Siya—dakila ang Kaniyang salita—ay nagsasabi: Maraming tao ang nangangailangan nito. Dahil sa kung walang inaasahang pakinabang, ang mga gawain ng tao ay babagsak o magkakagulo. Bihirang makatagpo ng táong magpapakita ng gayong malasakit sa kaniyang kapwa, sa kaniyang kababayan o sa kaniyang sariling kapatid at magpapakita ng gayong mapagmahal na malasakit na makapagpapautang sa kaniya sa mabuting mga kondisyon. Samakatwid, bilang tanda ng biyaya sa mga tao Aming ipinag-utos na ang patubo sa salapi ay dapat ituring na katulad ng ibang unawaang pangkalakal na kasalukuyang laganap sa mga tao. Sa gayon, ngayong ipinadala na itong malinaw na utos mula sa kalangitan ng kalooban ng Diyos, naaayon sa batas at nararapat na magpataw ng patubo sa salapi, upang ang mga tao ng daigdig, sa espiritu ng pagkakasundo at mabuting samahan at nang may galak at ligaya, ay taimtim na maging abala ang kanilang mga sarili sa pagdakila sa Pangalan Niyang Pinakamamahal ng buong sangkatauhan. Sa katunayan, Siya’y nagtatadhana ayon sa sarili Niyang kapasiyahan. Ngayo’y Kaniyang ginawang naaayon sa batas ang magpatubo sa salapi, kahit na ginawa Niya itong labag sa batas noong nakaraan. Sa Kaniyang kamay ay hawak Niya ang kaharian ng kapangyarihan. Siya ang gumagawa at nagtatalaga. Siya sa katotohanan ang Nagtatadhana, ang Nakababatid ng Lahat.

Magpasalamat sa iyong Panginoon, O Zaynu’l-Muqarrabín, para sa maliwanag na biyayang ito.

Maraming mga klerigo sa Persiya na, sa pamamagitan ng di-mabilang na mga pakana at mga paraaan ay nagpapasasa sa mga kita mula sa labis na pagpapatubo na labag sa batas. Gumawa sila ng mga paraan upang bigyan ang panlabas na anyo nito ng magandang pagkakahawig sa pagiging sang-ayon sa batas. Ginagawa nilang laruan ang mga batas at alituntunin ng Diyos, ngunit hindi sila nakauunawa.

Subalit ang bagay na ito ay dapat isagawa nang may pagtitimpi at makatarungan. Ang Aming Panulat ng Kaluwalhatian, bilang tanda ng karunungan at alang-alang sa kaginhawan ng mga tao, ay nagpigil sa pagtatakda ng hangganan nito. Gayumpaman pinapayuhan Namin ang mga minamahal ng Diyos na sumunod sa katarungan at walang-kinikilingan at gawin yaong gaganyak sa mga kaibigan ng Diyos na magpakita ng mapagmahal na habag at pagmamalasakit sa isa’t isa. Siya sa katunayan ang Tagapagpayo, ang Mapagmalasakit, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat. Harinawang tulutan ng Diyos na ang lahat ng tao ay magiliw na matulungang sumunod doon sa binigkas ng Dila ng Isang Tunay na Diyos. At kung isasagawa nila ang ipinahayag Namin, tiyak na ang Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—ay gagawin nang dalawang ulit ang kanilang bahagi sa pamamagitan ng kalangitan ng Kaniyang biyaya. Tunay na Siya ang Bukas-palad, ang Mapagpatawad, ang Mapagmalasakit. Purihin ang Diyos, ang Pinakamataas, ang Pinakadakila.

Gayumpaman ang pagsasagawa ng mga gawaing ito ay ipinagkatiwala sa mga tao ng House of Justice nang sa gayo’y maipatupad nila ang mga ito sang-ayon sa mga pangangailangan ng panahon at sang-ayon sa utos karunungan.

Muli Naming pinapayuhan ang lahat ng mga mananampalataya na maging makatarungan at makatao at magpakita ng pagmamahal at kasiyahan. Tunay na sila ang mga tao ng Bahá, ang mga kasamahan ng Crimson na Arko. Mapasakanila ang kapayapaan ng Diyos, ang Panginoon ng mga Pangalan, ang Maylikha ng kalangitan.

LAWḤ-I-ḤIKMAT: Tableta ng Karunungan

Ang Tabletang ito ay isinulat para kay Áqá Muḥammad, isang tanyag na mananampalataya mula sa bayan ng Qá’in, na tinaguriang Nabíl-i-Akbar (tingnan ang Memorials of the Faithful mga pahina 1-5). Ang isa pang tanyag na mananampalataya ng Qá’in, si Mullá Muḥammad-‘Alí, ay kilala bilang Nabíl-i-Qá’iní (tingnan ang Memorials of the Faithful mga pahina 49-54). Sang-ayon sa pakahulugan ng abjad ang pangalang ‘Muḥammad’ ay pareho ang bilang sa ‘Nabíl’.

Ito’y isang Epistolang ipinadala ng Mahabagin sa Lahat mula sa Kaharian ng Pananalita. Tunay na ito ang hininga ng buhay para roon sa mga nananahan sa kaharian ng nilikha. Luwalhatiin ang Panginoon ng lahat ng mga daigdig! Sa liham na ito binanggit siya na nagpapuri sa Pangalan ng Diyos, ang kaniyang Panginon, at siya’y pinangalanang Nabíl sa isang mahalagang Tableta.

O Muḥammad! Makinig sa Tinig na nagmumula sa Kaharian ng Kaluwalhatian, na nananawagan nang malakas mula sa makalangit na Punong tumubo sa ibabaw ng lupain ng Za‘farán : Tunay na walang Diyos liban sa Akin, ang Nakababatid ng Lahat, ang Marunong. Maging katulad ng mga simoy ng Mahabagin sa Lahat para sa mga punongkahoy ng kaharian ng nilikha at tulungan ang kanilang paglaki sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pangalan ng iyong Panginoon, ang Makatarungan, ang Nakababatid ng Lahat. Nais Naming ipabatid sa iyo yaong maaaring maging paalaala sa mga tao, upang sa gayo’y maisantabi nila ang mga bagay na laganap sa kanila at maibaling ang kanilang mga mukha sa Diyos, ang Panginoon ng matatapat.

Pinapayuhan Namin ang sangkatauhan sa mga araw na ito kung kailan ang mukha ng Katarungan ay nadungisan ng alikabok, kung kailan ang mga lagablab ng hindi paniniwala ay mataas na nagliliyab at ang kapa ng karunungan ay nagkapunit-punit, kung kailan ang katiwasayan at katapatan ay nanghina at ang mga pagsubok at kahirapan ay lalong tumindi, kung kailan ang mga kasunduan ay nilabag at ang mga ugnayan ay pinutol, kung kailan walang tao ang nakaaalam kung paano mapagwawari ang liwanag at ang dilim, o alamin ang kaibahan ng patnubay mula sa pagkakamali.

O mga tao ng daigdig! Iwaksi ang lahat ng kasamaan, mangapit nang mahigpit sa kabutihan. Magsumikap na maging maningning na mga halimbawa sa buong sangkatauhan, at tunay na mga tagapagpaalaala sa mga katangian ng Diyos sa tao. Siyang nagbangon upang paglingkuran ang Aking Kapakanan ay dapat ipakita ang Aking karunungan, at gawin ang bawat pagsisikap na mapawi ang kamangmangan sa daigdig. Maging nagkakaisa sa pagpapayo, maging isa sa kaisipan. Hayaang ang bawat umaga ay maging higit na mabuti kaysa sa gabi nito at ang bawat bukas na maging higit na mayaman kaysa sa kahapon nito. Ang kahalagahan ng tao ay nasa paglilingkod at sa kabutihan at hindi sa karangyaan ng kayamanan at pananalapi. Mag-ingat upang ang inyong mga salita ay maging malinis mula sa walang-saysay na mga hinagap at makamundong mga hangarin at ang inyong mga gawa ay maging dalisay mula sa panlilinlang at paghihinala. Huwag aksayahin ang kayamanan ng inyong mahahalagang buhay sa paghanap ng nakasasama at nakasisirang mga kagustuhan, ni huwag tulutang gugulin ang inyong mga pagsisikap sa pagtataguyod ng inyong pansariling mga kapakanan. Maging bukas-palad sa mga araw ng inyong kasaganaan, at maging mapagtiis sa panahon ng kawalan. Ang kasawiang-palad ay sinusundan ng tagumpay at ang pagdiriwang ay sinusundan ng pighati. Mag-ingat laban sa kawalang-ginagawa at katamaran, at mangapit doon sa kapaki-pakinabang sa sangkatauhan, maging bata o matanda, maging mataas o mababa. Mag-ingat na hindi kayo maghasik ng masasamang binhi ng pagtatalo sa mga tao, o magtanim ng mga tinik ng paghihinala sa dalisay at maningning na mga puso.

O kayong mga minamahal ng Panginoon! Huwag gawin yaong makadudungis sa malinaw na batis ng pag-ibig o makasisira sa mabangong halimuyak ng pagkakaibigan. Sa pagkamakatarungan ng Panginoon! Kayo’y nilikha upang magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa, at hindi ng kasuwailan at matinding poot. Huwag ipagmalaki ang pagmamahal sa inyong sarili, sa halip ay ang pagmamahal sa inyong kapwa-nilikha. Huwag maligayahan sa pagmamahal sa inyong bansa sa halip ay sa pagmamahal sa buong sangkatauhan. Maging malinis ang inyong mata, tapat ang inyong kamay, makatotohanan ang inyong dila, at maliwanag ang inyong puso. Huwag hamakin ang katayuan ng marurunong ng Bahá at huwag maliitin ang katungkulan ng gayong mga pinunong nagpapatupad ng katarungan sa kalagitnaan ninyo. Ilagay ang inyong pag-asa sa hukbo ng katarungan, isuot ang kalasag ng karunungan, gawing palamuti ninyo ang pagpapatawad at habag at yaong nagpapaligaya sa mga puso ng mga itinatangi nang lubos ng Diyos.

Saksi ang Aking buhay! Isinadlak Ako sa kalungkutan ng inyong mga hinagpis. Huwag bigyang-halaga ang mga anak ng daigdig at ang lahat ng kanilang mga ginagawa subalit itutok ang inyong paningin sa Diyos at sa Kaniyang walang-hanggang kapangyarihan. Sa katunayan ipinaaalaala Niya sa inyo yaong pinagmumulan ng kasiyahan para sa buong sangkatauhan. Inumin ninyo ang nagbibigay-buhay na tubig ng sukdulang kagalakan mula sa kalis ng pananalitang inialok ng Pinagmumulan ng banal na Rebelasyon—Siya na bumanggit sa inyo rito sa matibay na muog. Pagsikapan sa sukdulan ng inyong mga lakas na maitatag ang salita ng katotohanan nang may mahusay na pananalita at karunungan at iwaksi ang kasinungalingan mula sa balat ng lupa. Sa gayon ipinag-uutos sa inyo ng Panimulang-bukal ng banal na kaalaman mula sa maningning na sugpungang-guhit na ito.

O ikaw na nagsasalita sa Aking ngalan! Isipin ang mga tao at ang kanilang mga ginawa sa Aking mga araw. Ipinahayag Namin sa isa sa mga pinuno yaong makagagahis sa lahat ng mga tao ng daigdig, at hiniling sa kaniya na dalhin Kami nang harapan sa marurunong na tao sa panahong ito, upang mailahad Namin para sa kaniya ang pagpapatunay ng Diyos, ang Kaniyang mga katibayan, ang Kaniyang kaluwalhatian at ang Kaniyang kamaharlikaan; at wala Kaming ibang nilayon dito kundi ang sukdulang kabutihan. Ngunit ginawa niya yaong naging sanhi ng pagtangis ng mga nananahan sa mga lunsod ng katarungan at pagkamakatao. Sa gayon ang hatol ay ibinigay sa pagitan Ko at sa kaniya. Sa katunayan ang iyong Panginoon ang Nagtatadhana, ang Nakababatid ng Lahat. Sa gayong mga pangyayari na iyong nakikita, paano makalilipad ang Makalangit na Ibon sa himpapawid ng mga banal na kahiwagaan kung ang mga pakpak nito ay binugbog ng mga bato ng walang-saysay na hinagap at matinding pagkamuhi, at ito’y itinapon sa bilangguang yari sa matigas na bato? Sa pagkamakatarungan ng Diyos! Ang mga tao’y gumawa ng napakalubhang paglabag sa katarungan.

Hinggil sa iyong mga pahayag tungkol sa simula ng nilikha, ito’y isang bagay na magkakaiba ang mga pananaw dahil sa iba-ibang mga kaisipan at kuro-kuro ng mga tao. Kung iyong sasabihing ito’y laging umiiral at magpapatuloy na iiral, ito’y totoo; o kung iyong sasabihin na ang gayunding palagay tulad ng binanggit sa mga banal na Kasulatan, hindi magkakaroon ng alinlangan tungkol dito, dahil ito’y ipinahayag ng Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig. Tunay na Siya’y isang natatagong kayamanan. Ito’y isang katayuang hindi kailanman mailalarawan ni hindi maipahiwatig man lamang. At ang katayuan ng ‘Aking ninais na ipakilala ang Aking sarili,’ ay sa Diyos, at ang Kaniyang nilikha ay naroroon sa ilalim ng lilim ng Kaniyang tangkilik magpakailanman mula sa simula na walang simula, bukod sa pinangunahan ito ng isang Pagkauna na hindi maaaring ituring na pagiging-una at nilikha ng isang Kapakanan na hindi malirip ng kahit lahat ng mga táong marurunong.

Yaong umiiral ay umiral na noon pa, ngunit hindi sa anyong nakikita mo ngayon. Ang daigdig ng nilikha ay nangyaring nabuhay sa pamamagitan ng init na nalikha mula sa ugnayan sa pagitan ng aktibong lakas at yaong nasa tumatanggap nito. Ang dalawang ito ay magkapareho, subalit ang mga ito ay magkaiba. Sa gayon ipinaaalam sa iyo ng Dakilang Pahayag ang tungkol sa maluwalhating balangkas na ito. Gayon ang paghahatid ng mapanlikhang kapangyarihan at gayon ang pagtanggap sa bisa nito ay tunay na nilikha sa pamamagitan ng di-mapaglalabanang Salita ng Diyos na Layunin ng buong nilikha, habang ang lahat ng iba liban sa Kaniyang Salita ay pawang mga nilikha at mga bunga nito. Sa katunayan ang iyong Panginoon ang Tagapagpaliwanag, ang Marunong sa Lahat.

Bukod dito, alamin na ang Salita ng Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—ay higit na mataas at lubhang higit na mahusay kaysa anumang mauunawaan ng mga pandama, dahil ito’y ginawang banal mula sa anumang katangian o sangkap. Nakahihigit ito sa mga hangganan ng kilalang mga elemento at ito’y higit na mataas sa lahat ng pangunahin at kilalang mga sangkap. Ito’y naging hayag nang walang anumang kataga o tinig at ito’y walang iba kundi ang Kautusan ng Diyos na laganap sa lahat ng nilikhang bagay. Kailanma’y hindi ito ipinagkait sa daigdig ng nilikha. Ito ay ang biyaya ng Diyos na laganap sa lahat, na mula rito ay nagbubuhat ang lahat ng biyaya. Ito’y isang bagay na napakalaki ang kaibahan sa lahat ng nilikha o malilikha.

Ayaw Naming ipaliwanag nang higit pa ang paksang ito, dahil sa ang mga di-naniniwala ay ibinaling ang kanilang mga tainga sa Amin upang marinig nila yaong magagamit nila para makapagbigay ng mababaw na mga pagtutol laban sa Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap. At dahil sa hindi nila nagawang maabot ang mga hiwaga ng kaalaman at karunungan mula sa nilutas ng Pinagmumulan ng banal na kaningningan, sila’y nagbangon nang tumututol at sumilakbo ang hiyawan. Ngunit totoong sabihin na tinututulan nila yaong kanilang naunawaan, hindi ang mga paliwanag na ibinigay ng Tagapagpaliwanag, ni hindi ang mga katotohanang ibinabahagi ng Isang tunay na Diyos, ang Nakababatid ng mga di-nakikitang bagay. Ang kanilang mga pagtutol, ng bawat isa at ng lahat, ay bumabalik sa kanilang mga sarili, at isinusumpa Ko sa iyong buhay na sila’y salat sa pang-unawa.

Ang bawat bagay ay nangangailangan ng pinagmulan at ang bawat gusali, ng isang nagtatayo nito. Tunay na ang Salita ng Diyos ay ang Layuning nauna sa nilikhang daigdig—isang daigdig na pinalamutian ng mga karingalan ng Napakatanda sa Mga Araw ngunit muling binabago at muling nililikha sa lahat ng panahon. Hindi masukat ang kadakilaan ng Diyos ng Karunungan Na nagtayo nitong maringal na balangkas.

Tingnan ang daigdig at saglit na nilay-nilayin ito. Inaalis nito ang lambong sa aklat ng sarili nito sa harap ng iyong mga mata at ipinahahayag yaong iniukit doon ng Panulat ng iyong Panginoon, ang Naghuhugis, ang Nakababatid ng Lahat. Ipaaalam nito sa iyo yaong nasa loob nito at nasa ibabaw nito at ibibigay sa iyo ang may gayong malinaw na mga paliwanag na ika’y magiging malaya mula sa bawat mahusay na tagapagpaliwanag.

Sabihin: Ang kalikasan sa pinakadiwa nito ay ang paglalarawan ng Aking Pangalan, ang Maygawa, ang Manlilikha. Ang mga ipinakikita nito ay iba’t iba dahil sa magkakaibang mga layunin, at sa pagkakaiba-iba nito ay may mga palatandaan para sa mga táong may mahusay na pang-unawa. Ang kalikasan ay Kalooban ng Diyos at ang paghahayag nito sa loob ng, at sa pamamagitan ng, walang-katiyakang daigdig. Ito’y isang biyaya ng Maykapal na itinalaga ng Nagtatadhana, ang Marunong sa Lahat. Kung sinuman ang magpapatibay na ito ay ang Kalooban ng Diyos na nahahayag sa daigdig ng nilikha, walang dapat tumutol sa pahayag na ito. Ito’y pinagkalooban ng isang kapangyarihan na ang marunong na mga tao ay mabibigong maunawaan ang ganap na katotohanan nito. Tunay na ang táong may malinaw na pagkaunawa ay walang mababatid doon liban sa maningning na karingalan ng Aming Pangalan, ang Manlilikha. Sabihin: Ito’y isang pamumuhay na walang-nakababatid ng panghihina, at ang Kalikasan mismo ay natataranta sa harap ng mga rebelasyon nito, sa lubhang nakapananaig na mga katibayan nito at sa maningning na kaluwalhatian nitong nakapaligid sa sanlibutan.

Hindi nararapat sa iyo na ibaling ang iyong paningin sa nauna o huling mga panahon. Banggitin mo ang Araw na ito at dakilain yaong nakita roon. Ito sa katotohanan ay makasasapat sa buong sangkatauhan. Tunay na ang mga pahayag at mga talumpati sa pagpapaliwanag ng gayong mga bagay ay nagiging sanhi ng panlalamig ng mga espiritu. Nararapat sa iyo ang magsalita sa gayong gawi na ang mga puso ng mga tunay na mananampalataya ay magliliyab at maging sanhi ng pagpapailanlang ng kanilang mga katawan.

Sinuman ang matibay na nananalig sa araw na ito sa muling pagsilang ng tao at ganap na nababatid na ang Diyos, ang Pinakadakila, ay ang may hawak ng sukdulang pangingibabaw at walang-takdang kapangyarihan sa bagong nilikhang ito, tunay na ang ganitong tao ay nabibilang sa kanila na mga pinagkalooban ng malinaw na pagkaunawa sa pinakadakilang Kahayagang ito. Sumasaksi rito ang bawat nakauunawang mananampalataya.

Lumakad ka nang mataas sa ibabaw ng daigdig ng nilikha sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pinakadakilang Pangalan, upang sa gayo’y iyong mabatid ang napakatandang mga kahiwagaan at malaman yaong hindi nababatid ng sinuman. Tunay na ang iyong Panginoon ang Tumutulong, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Nakababatid ng Lahat. Maging tulad ng isang pumipintig na ugat, na tumitibok sa katawan ng buong nilikha, nang sa pamamagitan ng init na nilikha ng paggalaw na ito ay lilitaw yaong magbibigay-buhay sa mga puso ng mga nag-uulik-ulik.

Nang panahon na Kami’y natatago sa likod ng di-mabilang na mga lambong ng liwanag, ika’y nakipagniig sa Akin at nasaksihan ang maningning na mga bituin sa kalangitan ng Aking karunungan at ang mga daluyong sa karagatan ng Aking pananalita. Sa katunayan ang iyong Panginoon ay ang Makatotohanan, ang Matapat. Tunay na napakalaki ng pagpapala niya na nakapagtamo ng masaganang mga pagdaloy ng karagatang ito sa mga araw ng kaniyang Panginoon, ang Pinakamasagana, ang Marunong sa Lahat.

Sa Aming pagtigil sa ‘Iráq, nang Kami’y naroroon sa bahay ng isang nagngangalang Majíd, maliwanag na ipinahayag Namin para sa iyo ang mga kahiwagaan ng nilikha, at ang simula, ang wakas at ang sanhi nito. Ngunit mula nang lumisan Kami, tinulutan lamang Namin ang Aming sarili na banggitin ang pagpapatibay na ito: ‘Tunay na walang Diyos liban sa Akin, ang Laging-Nagpapatawad, ang Masagana.’

Iyong ituro ang Kapakanan ng Diyos sa pamamagitan ng pananalitang magpapaningas sa mga palumpong, at ang panawagan na ‘Tunay na walang Diyos liban sa Akin, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Di-napipigilan’ ay dapat palakasin mula rito. Sabihin: Ang pananalita ng tao ay isang diwang naghahangad na ibigay ang bisa nito at kinakailangang maging mahinahon. Tungkol sa bisa nito, ito’y nakasalalay sa kapinuhan, na ito nama’y nakasalalay sa mga pusong nakatiwalag at dalisay. Tungkol sa pagiging mahinahon nito, ito’y kinakailangang samahan ng pag-iingat upang hindi makasakit at ng karunungan, tulad ng iniatas sa mga Banal na Kasulatan at mga Tableta. Nilay-nilayin yaong dumaloy mula sa kalangitan ng Kalooban ng iyong Panginoon, Siyang Pinagmumulan ng lahat ng biyaya, upang iyong maunawaan ang nilalayong kahulugan na nakapaloob sa mga banal na kaibuturan ng mga Banal na Kasulatan.

Silang mga hindi tinanggap ang Diyos at nangapit nang mahigpit sa Kalikasan sa mismong anyo nito, sa katunayan, ay salat sa kaalaman at karunungan. Sila’y tunay na kabilang sa mga naliligaw. Sila’y nabigong makamtan ang matayog na tugatog at nagkulang sa kanilang pangunahing layunin; kung gayon ang kanilang mga mata ay nakapikit at ang kanilang mga kaisipan ay nagkaiba-iba, habang ang mga namumuno sa kanila ay naniniwala sa Diyos at sa Kaniyang di-malulupig na kapangyarihan. Dito’y sumasaksi ang iyong Panginoon, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

Nang nabighani ang mga mata ng mga tao ng Silangan sa mga sining at mga kamangha-mangha ng Kanluran, sila’y tulirong nagparoo’t parito sa kagubatan ng mga materyal na layunin, hindi alintana Siyang Layunin ng mga Layunin, at ang Nagbibigay-lakas doon, samantalang ang gayong mga táong pinagmumulan at panimulang-bukal ng Karunungan ay hindi kailanman itinatuwa ang nagpapakilos na Lakas sa likod ng lahat ng mga layuning ito, ni ang Manlilikha o ang Pinagmulan niyon. Ang iyong Panginoon ang nakaaalam, ngunit hindi nakaaalam ang karamihan ng mga tao.

Alang-alang sa Diyos, ang Panginoon ng mga Pangalan, Aming inako ngayon ang gawing banggitin sa Tabletang ito ang ilang mga kuwento ng mga pantas upang sa gayon ang mga mata ng mga tao ay mabuksan at upang sila’y ganap na makatiyak na Siya sa katunayan ay ang Maygawa, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Manlilikha, ang Pinagmumulan, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat.

Bagaman tinatanggap na ang kasalukuyang marurunong ay mga ganap na dalubhasa sa pilosopiya, mga sining at masining na likhang-kamay, ngunit kung sinuman ang magmamasid sa pamamagitan ng may nangingilatis na mata agad niyang mauunawaan na ang karamihan ng kaalamang ito ay nanggaling sa mga paham ng nakaraang panahon, dahil sila ang nagtatag ng pundasyon ng pilosopiya, itinayo ang balangkas nito at pinatibay ang mga haligi nito. Sa gayon ipinababatid sa iyo ng iyong Panginoon, ang Napakatanda sa Mga Araw. Ang mga paham noong naunang panahon ay kumuha ng kanilang kaalaman mula sa mga Propeta, yayamang ang pangalawa ay ang mga Tagapagpaliwanag ng banal na pilosopiya at ang mga Tagapagpahayag ng makalangit na mga kahiwagaan. Ang mga tao’y lubos na uminom mula sa malinaw at nakabubuhay na mga tubig ng Kanilang pananalita, habang ang iba’y binigyang kasiyahan ang kanilang mga sarili sa mga latak. Ang bawat isa’y tumatanggap ng isang bahagi sang-ayon sa kaniyang sukat. Tunay na Siya ang Makatarungan, ang Marunong.

Si Empedocles, na itinangi ang kaniyang sarili sa pilosopiya, ay isang kapanahon ni David, habang si Pythagoras na nabuhay noong mga araw ni Solomon, ang anak ni David, ay nagtamo ng Karunungan mula sa ingatang-yaman ng pagkapropeta. Siya yaong nagsabi na narinig niya ang bumubulong na tunog ng mga kalangitan at nakamtan ang katayuan ng mga anghel. Sa katotohanan ang iyong Panginoon ay maliwanag na ilalahad ang lahat ng bagay, kung nanaisin Niya. Sa katunayan Siya ang Marunong, ang Laganap sa Lahat.

Ang buod at ang mga pangunahing alituntunin ng pilosopiya ay nagbuhat sa mga Propeta. Na ang mga tao ay nagkakaiba-iba tungkol sa nakapaloob na mga kahulugan at mga kahiwagaan nito ay dahil sa pagkakaiba ng kanilang mga pananaw at mga kaisipan. Malugod Naming isasalaysay sa iyo ang sumusunod: Minsan ibinahagi ng isa sa mga Propeta sa Kaniyang mga tao yaong nagbigay-sigla sa Kaniya mula sa Panginoon na Makapangyarihan sa Lahat. Tunay na ang iyong Panginoon ang Nagbibigay-sigla, ang Magiliw, ang Dakila. Nang ang bukal ng karunungan at kahusayan ay bumulwak mula sa punong-bukal ng Kaniyang pananalita at ang alak ng banal na kaalaman ay nakalasing sa mga naghahanap sa Kaniyang pintuan, sinabi Niya: ‘Masdan! Ang lahat ay napupuspos ng Espiritu!’ Mula sa mga tao ay kabilang siyang nangapit nang mahigpit sa pahayag na ito, at naganyak ng sarili niyang mga guni-guni, binuo ang pananaw na ang espiritu ay literal na nanunuot o pumapasok sa katawan, at sa pamamagitan ng mahahabang paliwanag ay nagharap siya ng mga katibayan upang patunayan ang pananaw na ito; at mga pangkat-pangkat ng mga tao ay sumunod sa kaniyang mga yapak. Ang banggitin ang kanilang mga pangalan, o ang magbigay ng madetalyeng paliwanag tungkol dito ay hahantong lamang sa napakahabang paliwanag, at maglalayo sa pangunahing paksa. Sa katunayan ang iyong Panginoon ay ang Marunong sa Lahat, ang Nakaaalam ng Lahat. Mayroon ding isang nakibahagi sa piling alak na binuksan ang selyo sa pamamagitan ng Susi ng Dila Niyang Tagapagpahayag ng mga Bersikulo ng iyong Panginoon, ang Magiliw, ang Pinakamapagbigay.

Tunay na ang mga pilosopo ay hindi itinatuwa ang Napakatanda sa Mga Araw. Ang karamihan sa kanila’y pumanaw nang nagsisisi sa kanilang pagkabigo na maarok ang Kaniyang kahiwagaan, tulad ng pinatunayan ng ilan sa kanila. Sa katunayan ang iyong Panginoon ang Tagapayo, ang Nakababatid ng Lahat.

Isipin si Hippocrates, ang manggagamot. Siya’y isa sa mga tanyag na pilosopong naniniwala sa Diyos at kinilala ang Kaniyang dakilang kapangyarihan. Pagkatapos niya’y dumating si Socrates na tunay na marunong, dalubhasa at makatwiran. Ginawa niya ang pagkakait sa sarili, pinigilan ang kaniyang mga pagkagusto sa makasariling mga hangarin at tinalikuran ang materyal na mga kaluguran. Siya’y lumayo at nagtungo sa kabundukan kung saan tumira siya sa isang yungib. Pinayuhan niya ang mga tao na huwag sumamba sa mga diyus-diyusan at itinuro sa kanila ang landas ng Diyos, ang Panginoon ng Habag, hanggang ang mga mangmang ay nagsibangon laban sa kaniya. Siya’y dinakip nila at binitay sa piitan. Sa gayon isinasalaysay sa iyo nitong mabilis na kumikilos na Panulat. Gaano kalalim ang pananaw sa pilosopiyang taglay ng táong ito! Siya ang pinakabantog sa lahat ng mga pilosopo at lubhang dalubhasa sa karunungan. Pinatutunayan Namin na isa siya sa mga bayani sa larangang ito, at isang bukod-tanging tagapagtaguyod na nakatalaga rito. Mayroon siyang malalim na kaalaman tungkol sa gayong mga agham na laganap sa mga tao at gayundin doon sa mga nalalambungan mula sa kanilang mga isipan. Aking naiisip na siya’y uminom ng isang lagok nang umapaw ang nagniningning at nagbibigay-buhay na mga tubig mula sa Pinakadakilang Karagatan. Siya yaong nakabatid sa isang walang-katulad, isang naging mahinahon at laganap sa lahat na likas na katangian ng mga bagay, na mayroong napakalapit na pagkakahawig sa espiritu ng tao, at natuklasan niya na ang likas na katangiang ito ay namumukod sa mismong sangkap ng mga bagay sa dalisay na anyo ng mga ito. Mayroon siyang tanging pahayag sa mahalagang temang ito. Kung ika’y magtatanong mula sa marurunong sa makamundong bagay sa salinlahing ito hinggil sa pahayag na ito, masasaksihan mo ang kanilang kawalan ng kakayahang unawain ito. Tunay na ang iyong Panginoon ay nagsasabi ng katotohanan ngunit ang karamihan ng mga tao ay hindi nakauunawa.

Pagkatapos ni Socrates ay dumating ang banal na si Plato na isang estudyante ng unang nabanggit, at nanungkulan siya sa luklukan ng pilosopiya bilang kaniyang tagapagmana ng tungkulin. Kinilala niya ang kaniyang paniniwala sa Diyos at ng Kaniyang mga palatandaan na laganap sa lahat ng naging at lahat ng magiging. Pagkatapos ay dumating si Aristotle, ang bantog na pantas. Siya yaong nakatuklas sa lakas ng mga bagay na binubuo ng gas [gaseous matter]. Ang ganitong mga tao ay namumukod bilang mga pinuno ng mga tao at nangunguna sa kanila, bawat isa at lahat sa kanila ay kinikilala ang kanilang paniniwala sa walang-kamatayang Maykapal na hawak sa Kaniyang kamay ang mga ugit ng lahat ng mga agham.

Babanggitin Ko rin sa iyo ang dalangin ni Balínús na nakaaalam sa mga teoryang inihain ng Ama ng Pilosopiya hinggil sa mga hiwaga ng nilikha na ibinigay sa kaniyang mga tableta ng chrysolite, nang sa gayon ang lahat ay magkaroon ng ganap na katiyakan tungkol sa bagay na ipinaliwanag Namin sa iyo sa malinaw na Tabletang ito, na kapag pipigain ng kamay ng katarungan at kaalaman ito’y magbibigay ng espiritu ng buhay para sa pagbibigay-sigla sa lahat ng nilikhang bagay. Napakalaki ang pagpapala niyang lumalangoy sa karagatang ito at ipinagdiriwang ang papuri ng kaniyang Panginoon, ang Magiliw, ang Pinakamamahal. Tunay na ang mga simoy ng banal na rebelasyon ay lumalaganap mula sa mga bersikulo ng iyong Panginoon sa gayong gawi na walang makatututol sa katotohanan nito, maliban doon sa mga salat sa pandinig, sa paningin, sa pang-unawa at sa bawat kakayahan ng tao. Sa katunayan sumasaksi rito ang iyong Panginoon, ngunit hindi nauunawaan ng mga tao.

Sinabi ng táong ito: ‘Ako si Balínús, ang marunong, ang gumagawa ng mga kamangha-mangha, ang lumilikha ng mga agimat.’ Nahigitan niya ang lahat ng iba sa pagpapalaganap ng mga sining at mga agham at pumailanlang siya sa pinakamatayog na kaitaasan ng pagpapakumbaba at pananalangin. Pakinggan yaong sinabi niya, na sumasamo sa Nagmamay-ari ng Lahat, ang Pinakadakila: ‘Nakatayo ako sa harap ng aking Panginoon, pinupuring maigi ang Kaniyang mga kaloob at biyaya at pinupuri Siya sa pamamagitan ng Kaniyang pagpupuri sa Kaniyang Sarili Mismo, upang sa gayo’y maging bukal ako ng biyaya at patnubay sa gayong mga táong tumanggap sa aking mga salita.’ At sinabi pa niya: ‘O Panginoon! Ikaw ang Diyos at walang ibang Diyos liban sa Iyo. Ikaw ang Manlilikha at walang ibang manlilikha liban sa Iyo. Tulungan ako sa pamamagitan ng Iyong kagandahang-loob at palakasin ako. Ang aking puso’y sakmal ng pangamba, nangangatog ang aking paa’t kamay, nasiraan ako ng bait at binigo ako ng aking isipan. Pagkalooban ako ng lakas at tulutang makapagsalita ang aking dila nang may karunungan.’ At bukod pa rin dito ay sinabi niya: ‘Ikaw sa katotohanan ang Nakababatid, ang Marunong, ang Makapangyarihan, ang Mapagmalasakit.’ Ang marunong na táong ito ay nakabatid sa mga hiwaga ng nilikha at naarok ang napakalalim na mga kahiwagaan na nakapaloob sa mga kasulatan ni Hermes.

Hindi Kami nagnanais na bumanggit pa ng anumang bagay ngunit bibigkasin Namin yaong ikinintal ng Espiritu sa Aking puso. Sa katotohanan walang ibang Diyos liban sa Kaniya, ang Nakaaalam, ang Makapangyarihan, ang Tulong sa Panganib, ang Pinakamahusay, ang Pinupuri ng Lahat. Saksi ang Aking buhay! Sa Araw na ito ang makalangit na Puno ay nag-aatubiling ipahayag sa daigdig ang anumang iba liban sa patunay na ito: ‘Tunay na walang ibang Diyos liban sa Akin, ang Walang-kahambing, ang Nakababatid ng Lahat.’

Kung hindi sa pagmamahal na Aking itinatangi para sa iyo, hindi na sana Ako bumigkas pa ng isang salitang nabanggit na. Pasalamatan ang kahalagahan ng katayuang ito at pangalagaan ito nang katulad sa iyong mata at mabilang ka sa kanila na mga tunay na nagpapasalamat.

Nababatid mo na hindi Kami bumasa ng mga aklat na taglay ng tao at hindi Kami nagtamo ng kaalamang laganap sa kanila, ngunit sa bawat pagkakataon na nais Naming sumipi mula sa mga kasabihan ng mga pantas at marurunong, sa sandaling iyon ay lilitaw sa harap ng mukha ng iyong Panginoon sa anyo ng isang tableta yaong lahat ng nakita sa daigdig at ang naihayag sa mga Banal na Kasulatan. Kung kaya Aming ipinahahayag nang nasusulat ang lahat ng nakikita ng mata. Tunay na pinapalibutan ng Kaniyang kaalaman ang kalupaan at mga kalangitan.

Ito’y isang Tableta kung saan iniukit ng Panulat ng Di-nakikita ang kaalaman ng lahat ng naganap na at ng magaganap pa—isang kaalamang walang iba liban sa Aking kamangha-manghang Dila ang makapagbibigay ng kahulugan. Tunay na ang Aking puso sa sarili nito mismo ay nilinis ng Diyos mula sa mga palagay ng mga pantas at dinalisay mula sa mga salita ng marurunong. Sa katotohanan wala itong ibang inilalarawan kundi ang mga pahayag ng Diyos. Sumasaksi rito ang Dila ng Karingalan sa malinaw na Aklat na ito.

Sabihin: O mga tao ng daigdig! Mag-ingat na baka ang anumang pagtukoy sa karunungan ay maging hadlang sa inyo mula sa Pinagmumulan nito, o pigilan kayo mula sa Pook ng Bukang-liwayway nito. Itutok ang inyong mga puso sa inyong Panginoon, ang Tagapagturo, ang Marunong sa Lahat.

Sa bawat lupain ay nagtakda Kami ng isang bahagi, sa bawat pagkakataon ay isang takdang bahagi, bawat pahayag ay isang takdang panahon, at sa bawat kalagayan ay isang angkop na pananalita. Isipin ang Gresya. Ginawa Namin itong Luklukan ng Karunungan sa loob ng mahabang panahon. Ngunit nang dumating ang takdang oras, ang trono nito ay bumagsak, ang dila nito ay humintong magsalita, ang liwanag nito ay dumilim at ang bandila nito ay ibinaba. Sa gayon Kami ang nagbibigay at ang bumabawi. Sa katunayan ang iyong Panginoon ang Siyang nagkakaloob at nagkakait, ang Makapangyarihan, ang Malakas.

Sa bawat lupain ay naglagay Kami ng isang maningning na bituin ng kaalaman, at kapag malapit na ang itinakdang panahon, ito’y sisikat nang maningning sa ibabaw ng sugpungang-guhit, ayon sa utos ng Diyos, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat. Kung Aming loloobin, Kami’y may ganap na kakayahan upang ilarawan para sa inyo ang anumang umiiral sa bawat lupain o ang anumang naganap na roon. Tunay na ang kaalaman ng inyong Panginoon ay laganap sa mga kalangitan at kalupaan.

Bukod dito, alamin na ang mga tao noong naunang panahon ay lumikha ng mga bagay na hindi kayang likhain ng kasalukuyang marurunong na mga tao. Ipinagugunita Namin sa inyo si Múrṭus na isa sa mga marurunong na tao. Lumikha siya ng isang aparatong naghahatid ng tunog sa layong labing-anim na milya. Ang iba bukod sa kaniya ay nakatuklas din ng mga bagay na hindi pa nakita ng sinuman sa panahong ito. Tunay na ipinapahayag ng iyong Panginoon sa bawat panahon ang anumang naisin Niya bilang isang tanda ng karunungan sa Kaniyang panig. Tunay na Siya ang kataas-taasang Nagtatadhana, ang Marunong sa Lahat.

Ang tunay na pilosopo ay hindi kailanman itatatuwa ang Diyos o ang Kaniyang mga katibayan, sa halip ay kikilalanin niya ang Kaniyang kaluwalhatian at nakapangyayaring karingalan na lumililim sa lahat ng nilikhang bagay. Sa katunayan, minamahal Namin yaong marurunong na mga tao na nagiging sanhi ng paglitaw ng gayong mga bagay na magtataguyod sa pinakamabuting mga kapakanan ng sangkatauhan, at tutulungan Namin sila sa pamamagitan ng lakas ng Aming kautusan, dahil tunay na magagawa Namin na matupad ang Aming layunin.

Mag-ingat, O Aking mga minamahal, na baka hamakin ninyo ang mga kabutihan ng Aking marurunong na tagapaglingkod na mapagmahal na pinili ng Diyos upang maging mga tagapagtaguyod ng Kaniyang Pangalan, ‘ang Naghuhubog’ sa gitna ng sangkatauhan. Gamitin ang inyong sukdulang pagsisikap upang inyong mapaunlad ang gayong mga likhang-kamay at mga gawaing mapapakinabangan ng lahat ng tao, maging bata man o matanda. Wala Kaming kaugnayan sa mga mangmang na iyon na haling na nag-akalang ang Karunungan ay ang pagpapahayag ng kanilang walang-kabuluhang mga haka-haka at ang itatuwa ang Diyos, ang Panginoon ng lahat ng tao; tulad ng naririnig Namin mula sa ilang mga pabayang nagbibigay ng ganitong mga pahayag sa araw na ito.

Sabihin: Ang simula ng Karunungan at ang pinagmumulan nito ay ang pagtanggap sa anumang malinaw na inilahad ng Diyos, dahil sa pamamagitan ng bisa nito ang saligan ng mahusay na pamamahala sa bansa, na isang kalasag para sa pangangalaga sa lupon ng sangkatauhan, ay matibay na naitatag. Nilay-nilayin sandali upang iyong mabatid ang ipinahayag ng Aking pinakadakilang Panulat sa kamangha-manghang Tabletang ito. Sabihin, ang bawat bagay na nauugnay sa mga gawain ng bansa na iyong binanggit para talakayin ay napapailalim sa lilim ng isa sa mga salitang ipinadala mula sa kalangitan ng Kaniyang maluwalhati at dakilang pananalita. Kaya isinalaysay Namin sa iyo yaong magpapagalak sa iyong puso, magbibigay ng aliw sa iyong mga mata at magkakaloob ng kakayahan sa iyo upang magbangon para sa pagtataguyod ng Kaniyang Kapakanan sa lahat ng mga tao.

O Aking Nabíl! Huwag tulutang ika’y malumbay ng anumang bagay, sa halip ay magdiwang nang may labis na kagalakan, dahil binanggit Ko ang iyong pangalan, ibinaling ang Aking puso at ang Aking mukha sa iyo at kinausap ka sa pamamagitan nitong di-maitatatuwa at mahalagang paliwanag. Nilay-nilayin sa iyong puso ang mga pagsubok na Aking dinanas, ang pagkabilanggo at pagkabihag na Aking tiniis, ang mga pahirap na sumapit sa Akin at ang mga paratang na ibinintang ng mga tao sa Akin. Masdan, sila’y tunay na nababalot sa mabigat na lambong.

Nang umabot ang paliwanag sa yugtong ito, ang pamimitak ng banal na mga hiwaga ay lumitaw at ang liwanag ng pananalita ay napawi. Harinawang ang Kaniyang kaluwalhatian ay mapasakanila na mga tao ng karunungan ayon sa utos Niyang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinupuri sa Lahat.

Sabihin: Dakila ang Iyong Pangalan, o Panginoon, aking Panginoon! Sumasamo ako sa Iyo sa Iyong Pangalan na sa pamamagitan niyon ang karingalan ng liwanag ng karunungan ay maningning na nagliwanag nang ang mga kalangitan ng banal na pananalita ay pinakilos sa gitna ng sangkatauhan, na magiliw akong tulungan sa pamamagitan ng Iyong makalangit na mga pagpapatibay at bigyan ako ng kakayahang purihin ang Iyong Pangalan sa Iyong mga tagapaglingkod.

O Panginoon! Aking ibinaling sa Iyo ang aking mukha, nakatiwalag sa lahat liban sa Iyo, at nangangapit nang mahigpit sa laylayan ng kapa ng Iyong masaganang mga biyaya. Palayain kung gayon ang aking dila upang maipahayag yaong makabibighani sa mga isipan ng mga tao at makapagpapagalak sa kanilang mga kaluluwa at mga espiritu. Palakasin ako, kung gayon, sa Iyong Kapakanan, sa gayong gawi na hindi ako mapipigilan ng pananaig ng mga naniniil sa Iyong mga nilikha o mapipigilan ng pananalakay ng mga hindi sumasampalataya sa mga nananahan sa Iyong kaharian. Gawin akong tulad ng isang lamparang nagliliwanag sa Iyong mga lupain upang magabayan ng liwanag nito yaong ang mga puso ay naliliwanagan ng Iyong kaalaman at ang nagtatagal na pananabik sa Iyong pagmamahal ay mapatnubayan ng kaningningan nito.

Sa katunayan Ika’y makapangyarihan upang gawin ang anumang Iyong niloloob, at sa Iyong kamay ay hawak Mo ang kaharian ng nilikha. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Marunong sa Lahat.

AṢL-I-KULLU’L-KHAYR: Mga Salita ng Karunungan

Sa Ngalan ng Diyos, ang Dakila, ang Pinakamataas

Ang pinagmumulan ng lahat ng kabutihan ay ang pagtitiwala sa Diyos, ang pagsunod sa Kaniyang utos, at kapanatagan ng loob sa Kaniyang banal na kalooban at kasiyahan.

Ang buod ng karunungan ay ang takot sa Diyos, ang pagkasindak sa Kaniyang paghagupit at kaparusahan, at ang pangamba sa Kaniyang katarungan at utos.

Ang buod ng relihiyon ay ang patunayan yaong ipinahayag ng Panginoon, at sumunod doon sa itinadhana Niya sa Kaniyang makapangyarihang Aklat.

Ang bukal ng lahat ng kaluwalhatian ay ang pagtanggap sa anumang ipinagkaloob ng Panginoon, at kasiyahan doon sa anumang itinadhana ng Diyos.

Ang buod ng pag-ibig ay ang ibaling ng tao ang kaniyang puso sa Kaniya na Minamahal, at ihiwalay ang kaniyang sarili sa lahat liban sa Kaniya, at walang hangarin maliban doon sa naisin ng kaniyang Panginoon.

Ang tunay na paggunita ay ang pagbanggit sa Panginoon, ang Pinupuri ng Lahat, at ang paglimot sa lahat liban sa Kaniya.

Ang tunay na pagtitiwala ay ang pagtupad ng tagapaglingkod sa kaniyang propesyon at gawain sa daigdig na ito, ang mahigpit na manangan sa Panginoon, ang hanapin lamang ang Kaniyang pagpapala, dahil sa nasa Kaniyang mga Kamay ang kapalaran ng lahat ng Kaniyang mga tagapaglingkod.

Ang buod ng pagkatiwalag ay ang ibaling ng tao ang kaniyang mukha tungo sa mga bulwagan ng Panginoon, ang makapasok sa Kaniyang Kinaroroonan, ang mamasdan ang Kaniyang mukha, at maging saksi sa harap Niya.

Ang buod ng pagkaunawa ay ang patunayan ang kaniyang karalitaan, at sumailalim sa Kalooban ng Panginoon, ang Hari, ang Mapagpala, ang Malakas sa Lahat.

Ang pinagmumulan ng kagitingan at lakas ay ang pagtataguyod sa Salita ng Diyos, at katatagan sa Kaniyang pag-ibig.

Ang buod ng pagkakawanggawa ay ang isalaysay ng tagapaglingkod ang mga biyaya ng kaniyang Panginoon, at ang mag-alay ng pasasalamat sa Kaniya sa lahat ng panahon at sa ilalim ng anumang kalagayan.

Ang buod ng pananalig ay ang kaunting pananalita at karamihan ng mga gawa; siya na ang mga salita ay higit pa sa kaniyang mga gawa, alamin na, sa katunayan, ang kaniyang kamatayan ay higit na mabuti kaysa sa kaniyang buhay.

Ang buod ng tunay na kaligtasan ay ang pagiging tahimik, ang tingnan ang katapusan ng mga bagay at ang talikuran ang daigdig.

Ang simula ng kagandahang-loob ay kapag ginugol ng tao ang kaniyang kayamanan para sa kaniyang sarili, para sa kaniyang pamilya at para sa mahihirap na kapatid niya sa kaniyang Pananampalataya.

Ang buod ng kayamanan ay ang pag-ibig sa Akin, sinuman ang umiibig sa Akin ay nagmamay-ari ng lahat ng bagay, at siyang hindi nagmamahal sa Akin ay tunay na nagdarahop at nangangailangan. Ito yaong inihayag ng Daliri ng Kaluwalhatian at Karingalan.

Ang pinagmumulan ng lahat ng kasamaan ay ang paglayo ng tao sa Kaniyang Panginoon at ang pag-uukol ng kaniyang puso sa mga bagay na hindi maka-Diyos.

Ang pinakamainit na apoy ay ang mag-alinlangan sa mga palatandaan ng Diyos, ang makipagtalo nang walang-saysay tungkol sa ipinahayag Niya, ang itakwil Siya at palalong dalhin ang kaniyang sarili sa harapan Niya.

Ang pinagmumulan ng lahat ng karunungan ay ang kaalaman sa Diyos, dakila ang Kaniyang Kaluwalhatian, at ito’y hindi matatamo liban sa pamamagitan ng kaalaman sa Kaniyang Banal na Kahayagan.

Ang buod ng pagiging hamak ay ang umalis sa ilalim ng lilim ng Mahabagin at maghanap ng kanlungan doon sa Kaniya na Masama.

Ang pinagmumulan ng pagkakasala ay ang hindi pananalig sa Isang tunay na Diyos, ang umasa sa anuman liban sa Kaniya, at tumakas sa Kaniyang Utos.

Ang tunay na kawalan ay ang gugulin niya ng kaniyang mga araw sa ganap na kamangmangan ng kaniyang sarili.

Ang buod ng lahat ng Aming inihayag para sa inyo ay ang Katarungan, upang mapalaya ng tao ang kaniyang sarili mula sa walang-saysay na kahibangan at panggagaya, maunawaan sa pamamagitan ng mata ng kaisahan ang Kaniyang maluwalhating ginawa, at ang tingnan ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng nagsasaliksik na paningin.

Sa gayon Namin kayo tinuruan, inihayag sa inyo ang mga Salita ng Karunungan, upang maging mapagpasalamat kayo sa Panginoon, ang inyong Diyos, at magbigay-puri roon sa gitna ng lahat ng mga tao.

LAWḤ-I-MAQṢÚD: Tableta ni Maqṣúd

Bilang paggalang, ang mga Bahá’í, sa halip na sumusulat ng tuwiran kay Bahá’u’lláh, ay sumusulat sa Kaniyang amanuensis, si Mírzá Áqá Ján, na tinaguriang ‘Tagapaglingkod ng Diyos’ at ‘Tagapaglingkod na Nangangalaga’. Ang tugon ay nasa anyo ng liham mula kay Mírzá Áqá Ján na sinisipi ang mga salita ni Bahá’u’lláh, ngunit sa katotohanan ang kabuuan nito ay idinikta ni Bahá’u’lláh. Kung gayon ang lahat ng mga bahagi ng Tableta, kabilang ang mga bahagi na tila baga ay mga salita ni Mírzá Áqá Ján, ay mga Banal na Kasulatan na ipinahayag ni Bahá’u’lláh. Ang Tableta ni Maqṣúd ay nasa ganitong anyo. Ito’y ipinahayag para kay Mírzá Maqṣúd, isa sa mga unang mananampalatayang nakatira nang panahong iyon sa Damascus at Jerusalem. Siya ang Diyos, dakila Siya, ang Panginoon ng Kamaharlikaan at Kapangyarihan

Ang papuring higit na mataas kaysa sa lahat ng pagbanggit o paglalarawang nararapat sa Sinasamba, ang May-ari ng lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita, Yaong nagbigay ng kakayahan sa Panimulang Tuldok upang ipahayag ang di-mabilang na mga Aklat at mga Epistola at Yaong, sa pamamagitan ng lakas ng Kaniyang pinakadakilang Salita, ay lumalang sa buong nilikha, maging noong nauna o ng huling mga salinlahi. Bukod dito, sa bawat panahon at pag-inog ng panahon, sang-ayon sa Kaniyang nangingibabaw na karunungan, Siya’y nagpapadala ng isang banal na Sugo upang muling buhayin ang matamlay at walang-siglang mga kaluluwa sa pamamagitan ng nakabubuhay na mga tubig ng Kaniyang pananalita, Siya Na ang tunay na Tagapagpaliwanag, ang tunay na Nagpapakahulugan, yamang ang tao’y walang-kakayahang unawain ang dumaloy mula sa Panulat ng Kaluwalhatian at naitala sa Kaniyang makalangit na mga Aklat. Sa lahat ng panahon at sa lahat ng kalagayan ang mga tao ay nangangailangan ng isang magpapayo sa kanila, gagabay sa kanila at mangangarol at magtuturo sa kanila. Kaya ipinadadala Niya ang Kaniyang mga Sugo, ang Kaniyang mga Propeta at mga pinili upang maipaalam nila sa mga tao ang banal na layuning pinagbabatayan ng paghahayag ng mga Aklat at ang pagtataas ng mga Sugo, at upang mabatid sa bawat isa ang ipinagkatiwala ng Diyos na natatago sa ganap na katotohanan ng bawat kaluluwa.

Ang tao ay ang sukdulang Agimat. Subalit ang kakulangan ng wastong edukasyon ay ipinagkait sa kaniya yaong likas na taglay niya. Sa pamamagitan ng isang salita mula sa bibig ng Diyos siya’y nilikha, sa pamamagitan ng isa pang salita siya’y ginabayan upang makilala ang Pinagmulan ng kaniyang edukasyon; at sa pamamagitan ng isa pang salita ang kaniyang katayuan at kapalaran ay pinangalagaan. Sinabi ng Dakilang Maylikha: Ituring ang tao na tulad ng isang minahang masagana sa mga hiyas na di-mataya ang halaga. Ang edukasyon lamang ang makapagpapalitaw sa mga kayamanan nito, at gagawing makinabang dito ang sangkatauhan. Kung ninilay-nilayin ng sinuman yaong ipinahayag sa mga Banal na Kasulatang ipinadala mula sa langit ng banal na Kalooban ng Diyos, agad niyang tatanggapin na ang mga layunin nito ay upang ituring ang lahat ng tao na iisang kaluluwa, upang ang tatak na nagtataglay ng mga katagang ‘ang Kaharian ay mapapasa-Diyos’ ay maitatak sa bawat puso, at ang liwanag ng Banal na biyaya, ng pagpapala at ng habag ay bumalot sa buong sangkatauhan. Ang Isang tunay na Diyos, dakila ang Kaniyang kaluwalhatian, ay walang anumang hinahangad para sa Kaniyang sarili. Ang katapatan ng sangkatauha’y hindi nagbibigay ng kapakinabangan sa Kaniya, ni hindi Siya napipinsala ng kasamaan nito. Ang Ibon ng Kaharian ng Pananalita ay patuloy na binibigkas ang panawagang ito: ‘Ang lahat ng bagay ay Aking ipinagkaloob sa iyo, at ikaw, gayundin, para sa iyong sariling kapakanan.’ Kung ipahihintulot ng mga táong marurunong at sanay sa kamunduhan sa panahong ito na malanghap ng sangkatauhan ang halimuyak ng mabuting samahan at pag-ibig, ang bawat nakauunawang puso ay mababatid ang kahulugan ng tunay na kalayaan at matutuklasan ang lihim ng di-nababagabag na katahimikan at ganap na katiwasayan. Kung matatamo ng daigdig ang kalagayang ito at matatanglawan sa pamamagitan ng liwanag nito, tunay na masasabi sa gayon: ‘Ika’y walang makikitang mga kalambakan o nagtataasang mga bundok doon.’

Ang pagpapala at kapayapaan ay mapasa-Kaniya na sa pamamagitan ng Kaniyang pagdating ang Baṭḥá ay napuno ng mga ngiti, at ang mababangong halimuyak ng Kaniyang kasuotan ay nagsabog ng bango sa buong sangkatauhan—Siya Na dumating upang pangalagaan ang mga tao mula sa makapipinsala sa kanila sa ibaba. Dakila, napakadakila ang Kaniyang katayuan kaysa sa pagluwalhati ng lahat ng nilikha at ginawang dalisay mula sa papuri ng buong nilikha. Dahil sa Kaniyang pagsapit ang tabernakulo ng katiwasayan at kaayusan ay naitatag sa buong daigdig at ang bandila ng kaalaman ay naitaas sa mga bansa. Harinawang ang pagpapala ay mapasa-Kaniyang mga kaanak at Kaniyang mga kasamahan, na sa pamamagitan nila ang bandila ng kaisahan ng Diyos at ang Kaniyang pagkaisa ay naitaas at ang mga watawat ng makalangit na tagumpay ay nailadlad. Sa pamamagitan nila ang relihiyon ng Diyos ay matibay na naitatag sa Kaniyang mga nilikha at ang Kaniyang Pangalan ay dinakila sa gitna ng Kaniyang mga tagapaglingkod. Isinasamo ko sa Kaniya—Siya’y dakila—na ipagsanggalang ang Kaniyang Pananampalataya mula sa kasamaan ng mga kalaban Niya na humablot sa mga lambong, pinagpunit-punit ang mga ito at sa wakas ay naging sanhi na mabaligtad ang watawat ng Islám sa gitna ng mga tao.

Ang iyong liham na mula rito ay nalalanghap ang halimuyak ng muling-pagsasama ay natanggap na. Purihin ang Diyos na kasunod ng matibay na utos ng paghihiwalay, ang simoy ng paglalapit at pakikipagniig ay humihip at ang lupa ng puso ay nanariwa sa pamamagitan ng mga tubig ng kagalakan at tuwa. Nag-aalay Kami ng pasasalamat sa Diyos sa lahat ng kalagayan at itinatangi ang pag-asa na Siya—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—sa pamamagitan ng Kaniyang magiliw na pagpapala ay mapatnubayan ang lahat ng nananahan sa daigdig tungo roon sa katanggap-tanggap at kasiya-siya sa Kaniya.

Masdan ang mga kaguluhan na sa loob ng maraming mahahabang taon ay puminsala sa daigdig at sinaklot ng pagkatigatig ang mga tao nito. Kung hindi napinsala ng digmaan, ito’y pinahirapan ng bigla at di-akalaing mga sakuna. Bagaman ang daigdig ay nababalot sa pagdurusa at pighati, gayumpaman walang tao ang huminto upang nilay-nilayin kung ano ang sanhi o pinagmulan nito. Sa bawat pagbigkas ng isang salita ng pagpapaalaala ng Tunay na Tagapayo, masdan, Siya’y pinaratangan nilang lahat na isang gumagawa ng kasamaan at hindi nila tinanggap ang Kaniyang pahayag. Gaano nakalilito, gaano nakatataranta ang gayong asal. Walang dalawang tao ang matatagpuan na masasabing nagkakaisa kapuwa sa panlabas at panloob. Ang mga katibayan ng pagtatalo at masamang hangarin ay matatagpuan sa lahat ng dako, bagaman ang lahat ay nilikha para sa pagkakasundo at pagkakaisa. Sinabi ng Dakilang Maylikha: O kayong mga pinakamamahal! Ang tabernakulo ng pagkakaisa ay itinaas na; huwag ituring ang kapwa na mga di-kilala. Kayo’y mga bunga ng iisang puno, at mga dahon ng iisang sanga. Itinatangi Namin ang pag-asa na ang liwanag ng katarungan ay sisikat sa daigdig, at gagawing malinis ito mula sa paniniil. Kung ang mga namumuno at mga hari ng daigdig, ang mga sagisag ng kapangyarihan ng Diyos, dakila ang Kaniyang kaluwalhatian, ay magsisibangon at itatalaga ang kanilang mga sarili sa anumang magtataguyod ng pinakamataas na kapakanan ng buong sangkatauhan, ang paghahari ng katarungan ay tiyak na maitatatag sa mga anak ng tao, at ang ningning ng liwanag nito ay babalot sa buong daigdig. Sinabi ng Dakilang Maylikha: ang balangkas ng katatagan ng daigdig at sa kaayusan nito ay nasalalay, at patuloy na masasalalay, sa kambal na haligi ng gantimpala at parusa. At sa isang kaugnay na bagay, sinabi Niya ang sumusunod sa mahusay na pananalita : Ang katarungan ay may makapangyarihang hukbo na sumusunod sa utos nito. Ito’y walang iba kundi ang gantimpala at parusa sa mga gawain ng tao. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng hukbong ito ang tabernakulo ng kaayusan ay naitatatag sa buong daigdig, na ang masasama ay napipigilan ang kanilang mga likas na ugali dahilan sa takot sa parusa.

Sa iba pang sipi ay isinulat Niya: “Mag-ingat, O kalipunan ng mga namumuno sa daigdig. Walang lakas sa buong daigdig ang makapapantay sa nakalulupig na kapangyarihan ng katarungan at karunungan. Ako, sa katunayan, ay nagpapatotoo, na wala at kailanma’y hindi nagkaroon ng hukbo na higit na makapangyarihan pa kaysa roon sa hukbo ng katarungan at karunungan. Pinagpala ang haring nagmamartsa nang may bandila ng karunungang nakaladlad sa kaniyang harapan, at ang mga batalyon ng katarungan ay nasa kaniyang likuran. Siya sa katunayan ay ang palamuti na nakagayak sa noo ng kapayapaan at sa mukha ng kaligtasan. Hindi maaaring magkaroon ng anumang alinlangan na kung ang araw-bituin ng katarungan, na pinalabo ng mga ulap ng kalupitan, ay pasisikatin ang liwanag nito sa mga tao, ang balat ng lupa ay lubos na magbabagong-anyo.

Ang Dakilang Maylikha, na nagnanasang isiwalat ang mga unang kailangan para sa kapayapaan at katiwasayan ng daigdig at sa pag-unlad ng mga mamamayan nito, ay isinulat: Tiyak na darating ang panahon na ang mahigpit na pangangailangan para sa isang malawak at sumasaklaw-sa-lahat na pagpupulong ng mga tao ay mababatid ng lahat. Ang mga pinuno at ang mga hari ng daigdig ay kailangang dumalo rito, at sa pakikilahok sa mga sanggunian nito, ay kailangang pag-isipan ang gayong mga pamamaraang magtatatag sa mga saligan ng pandaigdig na Dakilang Kapayapaan sa mga tao. Hinihingi ng ganitong kapayapaan na pagtibayin ng mga Dakilang Lakas, alang-alang sa katiwasayan ng mga tao ng daigdig, na ganap na magkasundo ang kanilang mga sarili. Kung may haring magtataas ng mga sandata laban sa iba, ang lahat ay dapat magkaisang magbangon at pigilan siya. Kapag ito’y maisasakatuparan, ang mga bansa ng daigdig ay hindi na mangangailangan pa ng mga sandata, maliban para sa layunin ng pangangalaga ng kaligtasan ng kanilang mga kaharian at upang panatilihin ang kaayusan sa loob ng kanilang mga lupang nasasakupan. Ito ang makatitiyak sa kapayapaan at kahinahunan ng bawat tao, ng pamahalaan at ng bansa. Maligaya Kaming umaasa na ang mga hari at mga pinuno ng daigdig, ang mga salamin ng mapagmahal at makapangyarihan-sa-lahat na pangalan ng Diyos, ay matamo ang katayuang ito, at ipagsanggalang ang sangkatauhan laban sa pagsalakay ng paniniil.

Gayundin ay sinabi Niya: Kabilang sa mga bagay na makatutulong sa pagkakaisa at pagkakasundo at magiging sanhi na ipalagay ang buong kalupaan bilang isang bansa lamang ay yaong gawin ang magkakaibang mga wika na maging isang wika lamang at gayundin ang mga katitikan na ginagamit sa daigdig ay gawing iisa ang paraan ng pagsulat. Tungkulin ng lahat ng mga bansa na humirang ng ilang mga tao na may pang-unawa at may taglay na dunong na magdaos ng pagtitipon at sa pamamagitan ng pagsasanggunian ay pumili ng isang wika buhat sa iba’t ibang mga umiiral na wika o dili kaya’y lumikha ng isang panibagong wika, na ituturo sa mga bata sa lahat ng mga paaralan ng daigdig.

Nalalapit na ang araw kung kailan ang lahat ng mga tao ng daigdig ay pagtitibayin ang isang pandaigdig na wika at isang pangkalahatang paraan ng pagsulat. Sa panahong natamo na ito, kahit saan mang lunsod maglakbay ang isang tao, ay tulad na rin ng pagpasok niya sa sarili niyang tahanan. Ang mga bagay na ito ay tungkuling isagawa at lubhang kinakailangan. Tungkulin ng bawat táong may malalim na pang-unawa na sikaping maisalin yaong naisulat sa kaganapan at pagkilos.

Sa mga araw na ito, ang tabernakulo ng katarungan ay bumagsak sa mahigpit na pagkakahawak ng paniniil at pang-aapi. Magsumamo kayo sa Kaniya na tunay na Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—na huwag ipagkait sa sangkatauhan ang karagatan ng tunay na pang-unawa, dahil kung mauunawaan lamang ng mga tao kaagad nilang mababatid na ang anumang dumaloy at isinulat ng Panulat ng Kaluwalhatian ay katulad ng araw para sa buong daigdig at doon matatagpuan ang kabutihan, kaligtasan at tunay na kapakanan ng lahat ng tao; kung hindi ang daigdig ay pahihirapan araw-araw ng panibagong sakuna at ang walang-katulad na mga kaguluhan ay magsisimula. Harinawang ang mga tao ng daigdig ay buong-pagpapalang matulungan upang mapangalagaan ang liwanag ng Kaniyang mapagmahal na mga payo sa loob ng globo ng karunungan. Minimithi Namin ang pag-asa na ang bawat isa ay mapalamutian ng kasuotan ng tunay na karunungan, ang saligan ng pamamahala sa daigdig.

Sinabi ng Dakilang Maylikha: Ang langit ng mahusay na pamamalakad sa bansa ay ginagawang maningning at maringal sa pamamagitan ng kaningningan ng liwanag ng pinagpalang mga salitang ito na sumikat mula sa panimulang-bukal ng Kalooban ng Diyos: Tungkulin ng bawat namumuno na timbangin ang kaniyang sariling buhay araw-araw sa timbangan ng pagkamakatao at katarungan at pagkatapos ay maghatol sa pagitan ng mga tao at payuhan sila na gawin yaong maghahatid sa kanilang mga yapak sa landas ng karunungan at pagkakaunawaan. Ito ang batong panulok ng mahusay na pamamahala at ang pinakabuod niyon. Mula sa mga salitang ito ang bawat naliliwanagang tao ng karunungan ay agad na matatanto yaong magpapaunlad sa mga adhikain tulad ng kagalingan, katiwasayan at pangangalaga ng sangkatauhan at kaligtasan ng mga buhay ng tao. Kung ang mga táong may malinaw na pang-unawa ay lubos na iinumin ang kanilang bahagi mula sa karagatan ng mga panloob na kahulugang nakadambana sa mga salitang ito at mabatid ang mga iyon, masasaksihan nila ang karingalan at kahusayan ng pananalitang ito. Kung ilalahad ng hamak na ito yaong nababatid niya, ang lahat ay magpapatunay sa sukdulang karunungan ng Diyos. Ang mga lihim ng mahusay na pamamahala at yaong mga kinakailangan ng mga tao ay nababalot sa mga salitang ito. Ang hamak na tagapaglingkod na ito ay taimtim na lumuluhog sa Isang tunay na Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—na tanglawan ang mga mata ng mga tao ng daigdig sa pamamagitan ng karingalan ng liwanag ng karunungan upang sa gayon sila, bawat isa at lahat, ay mabatid yaong kailangang-kailangan sa araw na ito.

Ang tunay na tao, sa araw na ito, ay yaong iniaalay ang kaniyang sarili sa paglilingkod sa buong sangkatauhan. Sinabi ng Dakilang Maylikha: Pinagpala at maligaya siya na bumangon upang itaguyod ang pinakamabuting mga kapakanan ng mga tao at mga kaanak ng daigdig. Sa iba pang sipi ay ipinahayag Niya: Hindi para sa kaniya na ipagmalaki ang sarili dahil siya’y nagmamahal sa kaniyang sariling bansa, sa halip ay sa kaniya na nagmamahal sa buong daigdig. Ang daigdig ay isang bansa lamang, at ang sangkatauhan ay ang mga mamamayan nito.

Ang gayong mga payo para sa pagkakaisa at pagkakasundong itinala sa mga Aklat ng mga Propeta sa pamamagitan ng Panulat ng Pinakamataas ay tumutukoy sa tiyak na mga bagay; hindi isang pagbubuklod na hahantong sa kawalan ng pagkakaisa o ng isang kasunduang hahantong sa pag-aaway. Ito ang katayuan kung saan ang mga sukatan ay ibinigay sa lahat ng bagay, ang katayuan na kung saan ang bawat karapat-dapat na kaluluwa ay mabibigyan ng nararapat sa kaniya. Mapalad silang mga nakababatid sa kahulugan at nakauunawa sa pakay ng mga salitang ito, at pighati ang sasapit sa mga pabaya. Ang lahat ng mga katibayan ng kalikasan, sa pinakadiwa ng mga ito, ay lubos na sumasaksi rito. Ang bawat nakauunawang tao ng karunungan ay ganap na nababatid yaong binanggit Namin, ngunit hindi yaong mga naliligaw nang malayo mula sa nakabubuhay na bukal ng makatarungang isipan at hibang na nagpapagala-gala sa kagubatan ng kamangmangan at bulag na pagkapanatiko.

Sinabi ng Dakilang Maylikha: O kayong mga anak ng mga tao! Ang pangunahing layunin na nagbibigay-buhay sa Pananampalataya ng Diyos at sa Kaniyang Relihiyon ay ang pangalagaan ang kapakanan at itaguyod ang pagkakaisa ng sangkatauhan, at ang payamanin ang diwa ng pagmamahalan at mabuting pagsasamahan ng mga tao. Huwag itong tulutan na maging sanhi ng pagtatalo at di-pagkakaisa, ng pagkamuhi at pagkapoot. Ito ang tuwid na Landas, ang tiyak at di-nagbabagong saligan. Anuman ang itatag sa saligang ito, ang mga pagbabago at mga pangyayari ng daigdig ay hindi kailanman mapanghihina ang lakas nito, ni ang pag-inog ng di-mabilang na mga siglo ay hindi malalansag ang balangkas nito. Ang Aming pag-asa ay yaong ang mga pinuno ng mga relihiyon ng daigdig at ang mga namumuno sa mga iyon ay magkakaisa at magbabangon para sa pagbabago ng panahong ito at para sa pagsasaayos ng kapalaran nito. Matapos nilay-nilayin ang mga pangangailangan nito, hayaang magsanggunian sila sa isa’t isa, at sa pamamagitan ng nababahala at lubos na sanggunian ay kanilang ibigay sa isang may karamdaman at malubhang nagdurusang daigdig ang lunas na kailangan nito.

Sinabi ng Dakilang Maylikha: Ang kalangitan ng banal na karunungan ay natatanglawan ng dalawang maningning na bituin ng sanggunian at pagmamalasakit. Magsanggunian kayo sa lahat ng mga bagay, sapagkat ang pagsasanggunian ay ang lampara ng patnubay na umaakay sa landas at ito ang nagkakaloob ng pagkaunawa.

Sa pagsisimula ng bawat gawain, tungkuling pag-aralan ang layunin nito. Ang lahat ng mga sining at agham, ay nararapat pag-aralan ng mga bata yaong magbubunga ng kapakinabangan sa tao, makatitiyak sa kaniyang pagsulong at magtataas sa kaniyang kalagayan. Sa gayon ang nakapipinsalang mga katangian ng kawalang-kinikilalang batas ay mapapawi at sa gayon sa pamamagitan ng mararangal na mga pagsisikap ng mga pinuno ng bansa, ang lahat ay mananahan nang naaalagaan, ligtas at mapayapa.

Sinabi ng Dakilang Maylikha: Nararapat patnubayan ng marurunong ng kasalukuyang panahon ang mga tao na makamtan yaong mga sangay ng kaalaman na may kapakinabangan, upang kapuwa ang marurunong mismo at ang buong sangkatauha’y matamo ang mga kapakinabangan nito. Ang gayong mga gawaing pang-akademiko na nagsisimula sa salita at natatapos sa salita lamang ay hindi kailanman at magpakailanmang magkakaroon ng halaga. Ang karamihan ng marurunong na pantas ng Persiya ay itinalaga ang buong buhay nila sa pag-aaral ng isang pilosopiya na ang sukdulang bunga ay pawang mga salita lamang.

Tungkulin nilang mga maykapangyarihan na kumilos nang may kahinahunan sa lahat ng bagay. Ang anumang lumalabis sa mga hangganan ng kahinahunan ay hindi magdudulot ng mabuting bunga. Pag-aralan, halimbawa, ang gayong mga bagay tulad ng kalayaan, kabihasnan at mga katulad nito. Gaanuman ipalagay ng mga táong nakauunawa na nakabubuti ang mga ito, gayumpaman kung ang mga ito ay lumalabis, ito’y magbubunga ng nakapipinsalang impluwensiya sa mga tao.

Kung ang paksang ito ay ipaliliwanag, kakailanganin ang isang napakahabang paliwanag, ito’y pinangangambahan, na maaring makapagod. Taimtim na umaasa ang hamak na ito na ipagkaloob ng Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—sa lahat ng tao yaong nakabubuti. Sapagkat siyang pinagkalooban nito ay nagmamay-ari ng lahat ng bagay. Sinabi ng Dakilang Maylikha: Ipinahahayag ng Dila ng Karunungan: Siya na hindi Ako tinataglay ay salat sa lahat ng bagay. Talikuran ang lahat ng nasa daigdig at walang ibang hanapin kundi Ako. Ako ang Araw ng Karunungan at ang Karagatan ng Kaalaman. Pinalalakas Ko ang nanghihina at muling binubuhay ang patay. Ako ang namamatnubay na Liwanag na tumatanglaw sa landas. Ako ang maharlikang Limbas sa bisig ng Makapangyarihan sa Lahat. Aking inilaladlad ang nanlulupaypay na mga pakpak ng bawat nanghihinang ibon at pinakikilos ito sa paglipad nito.

At gayundin ay sinabi Niya: Ang kalangitan ng tunay na pang-unawa ay maningning na sumisikat sa pamamagitan ng liwanag ng dalawang maningning na bituin: pagpaparaya at pagkamakatarungan.

O aking kaibigan! Malawak na mga karagatan ang napapaloob sa maikling kasabihang ito. Pinagpala silang nakababatid sa kahalagahan nito, lubos na uminom mula rito at tantuin ang kahulugan nito, at kasawian ang sasapit sa pabaya. Ang hamak na ito ay lumuluhog sa mga tao ng daigdig na maging makatarungan, upang sa gayon ang kanilang magiliw, matalas at mahalagang pandinig na nilikha upang mapakinggan ang mga salita ng karunungan ay maging malaya mula sa mga hadlang at mula sa gayong mga pahiwatig, mga walang-saysay na guni-guni o walang-kabuluhang mga hinagap na ‘hindi nakapagpapataba ni hindi nakapapawi ng gutom,’ upang sa gayon ang tunay na Tagapayo ay magiliw na naising ilahad yaong bukal ng pagpapala sa sangkatauhan at ang pinakamataas na kabutihan para sa lahat ng mga bansa.

Sa kasalukuyan ang liwanag ng pagkakasundo ay nanlalabo sa karamihan ng mga bansa at ang ningning nito ay namatay habang ang apoy ng pag-aaway at kaguluhan ay pinagningas at naglalagablab. Dalawang kahanga-hangang kapangyarihan, na itinuturing ang kanilang mga sarili bilang mga tagapagtatag at mga nangunguna sa kabihasnan at bilang mga lumikha ng mga saligang batas, ay nagbangon laban sa mga sumusunod sa Pananampalataya ng nauugnay sa Kaniya Na nakipag-usap sa Diyos. Makinig sa babala, o mga táong may pang-unawa. Hindi karapat-dapat sa katayuan ng tao ang gumawa ng paniniil, sa halip ay nararapat sa kaniya ang sumunod sa pagiging makatao at madamitan ng kasuotan ng katarungan sa lahat ng pagkakataon. Sumamo kayo sa Isang tunay na Diyos na, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kamay ng mapagmahal na kagandahang-loob at espiritwal na edukasyon, ay gawing malinis at dalisay ang ilang mga kaluluwa mula sa dungis ng masasamang simbuyo ng damdamin at mga tiwaling hangarin, upang sila’y magbangon at palayain ang kanilang mga dila alang-alang sa Diyos, upang baka sakaling ang mga katibayan ng kawalan ng katarungan ay mapawi at ang karingalan ng liwanag ng katarungan ay magbigay ng luningning nito sa buong daigdig. Ang mga tao’y mangmang, at nangangailangan sila noong mga magpapaliwanag ng katotohanan.

Sinabi ng Dakilang Maylikha: Ang táong may ganap na kaalaman at ang paham na pinagkalooban ng matalas na karunungan ay ang dalawang mata sa katawan ng sangkatuhan. Harinawang ang daigdig ay hindi kailanman mangungulila sa dalawang pinakadakilang kaloob na ito. Yaong naipahayag na at yaong ipahahayag pa sa hinaharap ay pawang mga palatandaan lamang ng marubdob na hangarin ng Tagapaglingkod na ito na ialay ang Kaniyang sarili sa paglilingkod sa lahat ng mga kaanak ng daigdig.

O aking kaibigan! Sa lahat ng kalagayan ay nararapat na sunggaban ng isang tao ang bawat paraang magtataguyod sa kaligtasan at katiwasayan ng mga tao ng daigdig. Sinabi ng Dakilang Maylikha: Sa maluwalhating Araw na ito ang anumang makalilinis sa inyo mula sa kaimbihan at aakay sa inyo patungo sa kapayapaan at katiwasayan ay ang tunay na Tuwid na Landas.

Sa kapahintulutan ng Diyos, harinawang ang mga tao ng daigdig ay maakay, bunga ng dakilang mga pagsisikap ng kanilang mga pinuno at ng marurunong at mga pantas, na maunawaan ang sarili nilang mabuting kapakanan. Gaano katagal paiiralin ng sangkatauhan ang kaniyang kasuwailan? Gaano katagal mananatili ang kawalan ng katarungan? Gaano katagal maghahari ang kaguluhan at kalituhan sa mga tao? Gaano katagal babalisahin ng di-pagkakasundo ang mukha ng lipunan?

Ang hamak na tagapaglingkod na ito ay napuspos ng pagtataka, dahil ang lahat ng tao’y pinagkalooban ng kakayahang makakita at makarinig, ngunit natagpuan namin silang pinagkaitan ng karapatang gamitin ang mga kakayahang ito. Ang tagapaglingkod na ito ay napilitang isulat ang mga talatang ito bunga ng magiliw na pagmamahal na tinataglay niya para sa iyo. Ang mga hangin ng kawalan ng pag-asa, sa kasawiang-palad, ay umiihip mula sa lahat ng dako at ang pag-aaway na naghahati at nagpapahirap sa sangkatauhan ay dumarami araw-araw. Ang mga palatandaan ng papalapit na mga silakbo ng kaligaligan at kaguluhan ay naaaninag na, dahil sa ang umiiral na kaayusan ay lumilitaw na kalungkot-lungkot na may kakulangan. Nagsusumamo ako sa Diyos, dakila ang Kaniyang kaluwalhatian, na buong giliw Niyang pukawin ang mga tao ng daigdig, na harinawang ipagkaloob na ang kalalabasan ng kanilang mga gawain ay magbunga ng kapakinabangan sa kanila, at tulungan silang isagawa yaong karapat-dapat sa kanilang katayuan.

Kung pahahalagahan ng tao ang kadakilaan ng kaniyang katayuan at ang kataasan ng kaniyang kapalaran siya’y hindi magpapakita ng anuman liban sa mabuting ugali, dalisay na mga gawain, at karapat-dapat at kapuri-puring pagkilos. Kung ang mga dalubhasa at ang marurunong na tao na may mabuting hangarin ay magbibigay ng patnubay sa mga tao, ang buong daigdig ay ituturing na isang bansa lamang. Tunay na ito ay isang di-mapag-aalinlanganang katotohanan. Ipinakikiusap ng tagapaglingkod na ito sa bawat taimtim at nagsusumikap na kaluluwa na ibigay ang kaniyang sukdulang pagsisikap at magbangon upang isaayos ang mga kalagayan sa lahat ng dako at muling buhayin ang mga patay sa pamamagitan ng nakabubuhay na mga tubig ng karunungan at pananalita, alang-alang sa pagmamahal na itinatangi niya para sa Diyos, ang Iisa, ang Walang-kapantay, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya.

Walang marunong na tao ang maaaring magpakita ng kaniyang kaalaman liban sa pamamagitan ng mga salita. Ipinakikita nito ang kahalagahan ng Salita, tulad ng pinatunayan sa lahat ng mga Banal na Kasulatan, maging ng mga nakaraang panahon o kamakailan lamang. Sapagkat sa pamamagitan ng bisa nito at nagbibigay-buhay na espiritu nito na natamo ng mga tao ng daigdig ang isang napakadakilang katayuan. Bukod dito ang mga salita at ang pananalita ay dapat maging kapuwa makapukaw-damdamin at tumatagos sa puso. Gayumpaman, walang salita ang maaaring pagkalooban ng dalawang katangiang ito hanggang ito ay hindi lubos na sinasambit alang-alang sa Diyos at nang may ganap na pagsasaalang-alang sa mga pangangailangan ng pagkakataon at ng tao.

Sinabi ng Dakilang Maylikha: Ang pananalita ng tao ay isang diwang naghahangad na gamitin ang kapangyarihan nito at nangangailangan ng kahinahunan. Tungkol sa impluwensiya nito, ito’y nababatay sa kadalisayan, na ito nama’y nababatay sa mga pusong nakatiwalag at malilinis. Tungkol naman sa kahinahunan nito, ito’y dapat hinahaluan ng pag-iingat at karunungan alinsunod sa ipinapayo ng mga Banal na Kasulatan at mga Tableta.

Ang bawat salita ay pinagkalooban ng espiritu, kung gayon ang nagsasalita o ang nagpapaliwanag ay nararapat sabihin nang maingat ang kaniyang mga salita sa angkop na panahon at lugar, sapagkat ang impresyong ibinibigay ng bawat salita ay malinaw na nahahalata at nararamdaman. Sinabi ng Dakilang Maylikha: Ang isang salita ay maihahalintulad sa apoy, ang iba ay sa liwanag, at ang bisa ng dalawang ito ay nahahayag sa daigdig. Kung gayon, ang isang naliliwanagang tao na may karunungan ay nararapat munang bigkasin ang mga salita na kasimbanayad tulad ng gatas, upang ang mga anak ng tao ay maalagaan at mabigyan ng magandang halimbawa niyon at nang matamo ang talagang layunin ng buhay ng tao, iyon ay ang katayuan ng tunay na pang-unawa at kadakilaan. At gayundin, sinabi Niya: Ang isang salita ay tulad ng panahon ng tagsibol na dahilan upang ang murang mga halaman sa hardin ng rosas ng kaalaman ay maging luntian at lumago, samantalang ang isa pang salita ay tulad ng nakamamatay na lason. Nararapat sa isang mahinahon na táong may taglay na karunungan na magsalita nang may sukdulang kabaitan at kahinahunan upang ang katamisan ng kaniyang mga salita ay makahikayat sa lahat na makamtan yaong nararapat sa katayuan ng tao.

O aking kaibigan! Ang Salita ng Diyos ay ang hari ng mga salita at ang laganap na bisa nito ay hindi matataya. Ito kailanma’y nangingibabaw at patuloy na mangingibabaw sa kaharian ng nilikha. Sinabi ng Dakilang Maylikha: Ang Salita ay ang pinakamahalagang susi na nagbubukas sa lahat ng susian para sa buong daigdig, yayamang sa pamamagitan ng kapangyarihan nito ang mga pinto ng mga puso ng tao, na sa katotohanan ay mga pinto sa kalangitan, ay nabubuksan. Hindi pa natatagalan na ang isang kislap ng maningning na karingalan nito ay nagliwanag sa salamin ng pag-ibig ang pinagpalang salitang ‘Ako ang Pinakamamahal’ ay sumikat doon. Ito’y isang karagatan na walang pagkasaid ang mga kayamanan, nauunawaan ang lahat ng bagay. Ang bawat bagay na maaaring mabatid ay isang daloy ng liwanag lamang mula roon. Mataas, hindi matataya ang kataasan ng napakadakilang katayuang ito, na sa lilim nito ay kumikilos ang espiritu ng kataasan at karingalan, nababalot sa papuri at pagmamahal.

Aking naiisip na ang panlasa ng mga tao, sa aba, ay lubhang napinsala ng lagnat ng kapabayaan at kahangalan, sapagkat sila’y natagpuang ganap na walang-malay at pinagkaitan ng katamisan ng Kaniyang pananalita. Tunay na nakapanghihinayang na minarapat ng tao na hadlangan ang kaniyang sarili mula sa mga bunga ng puno ng karunungan habang ang kaniyang mga araw at mga oras ay mabilis na lumilipas. Sa kapahintulutan ng Diyos, harinawang ang kamay ng banal na kapangyarihan ay pangalagaan ang buong sangkatauhan at akayin ang kanilang mga hakbang tungo sa sugpungang-guhit ng tunay na pang-unawa.

Tunay na ang aming Panginoon ng Habag ay ang Tumutulong, ang Nakababatid, ang Marunong.

Nais kong idagdag na ang iyong pangalawang liham na ipinadala mula sa Jerusalem ay natanggap na at ang iyong isinulat at ipinahayag doon ay binasa sa Kaniyang harapan. Inatasan Niya akong isulat ang sumusunod:

O Maqṣúd! Narinig Namin ang iyong tinig at nahiwatigan ang himutok at hinagpis na iyong itinaas sa iyong pangungulila at pananabik. Purihin ang Diyos! Ang mababangong halimuyak ng pag-ibig ay nalalanghap sa bawat salita nito. Harinawang ang biyayang ito ay manatili magpakailanman. Ang Tagapaglingkod na Nag-aalaga ay binigkas ang mga bersong iyong isinulat. Madalas banggitin ang iyong pangalan sa harap Niyang Pinagkasalahang ito at ang mga sulyap ng Aming mapagmahal na kagandahang-loob at malasakit ay nakatuon sa iyo.

Dakila ang katayuan ng tao. Nararapat na maging dakila rin ang kaniyang mga pagsisikap para sa pagbabago ng daigdig at sa kagalingan ng mga bansa. Sumasamo Ako sa Isang Tunay na Diyos na ika’y buong-giliw na pagtibayin doon sa nararapat sa katayuan ng tao.

Mapatnubayan ka nawa ng karunungan sa lahat ng kalagayan, sapagkat ang mga táong nagkikimkim ng masasamang layunin ay naging at hanggang ngayo’y patuloy na gumagawa pa ng mga sabwatan. Mapagmahal na Diyos! Yaong lubhang dakilang Maylikha Na walang ibang hinahangad kundi ang pagyamanin ang espiritu ng pag-ibig at mabuting samahan ng mga tao, at muling buhayin ang daigdig at padakilain ang buhay nito, ay kanilang pinagbintangan ng gayong mga paratang na kahiya-hiyang banggitin ng dila o ng panulat.

Naaalaala ka Namin at binabanggit ka ngayon. Sumasamo Kami sa Kaniya—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—na ika’y pangalagaan sa pamamagitan ng mga kamay ng kapangyarihan at lakas at tulutang makilala mo yaong magbibigay ng pinakamabuting kapakinabangan sa iyo kapuwa sa daigdig na ito at sa susunod. Siya ang Panginoon ng Sangkatauhan, ang Nagmamay-ari ng Trono sa Kaitaasan at ng daigdig sa ibaba. Walang ibang Diyos liban sa Kaniya, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Malakas. Nawa’y itulot ng Diyos na sundin ng Siyang pinagkasalahang ito ang katapatan. Hindi Siya nakalimot ni hindi ka Niya malilimot kailanman.

Nabanggit mo ang iyong balak na manatili sa Damascus hanggang tagsibol, at pagkatapos ay magtungo sa Mosul, kung magkakaroon ng paraan. Sumasamo ang abang tagapaglingkod na ito sa Diyos—dakila ang Kaniyang Kaluwalhatian—na ipagkaloob ang gayong paraan upang matupad ito at ika’y tulungan. Siya ang Malakas at ang Makapangyarihan.

Kahit na ang lahat ng mga nananahan sa dakong ito ay pinakitunguhan nang may lubos na kabutihang-loob, gayumpaman walang patunay ng mabuting pakikisama ang napapansin mula sa kanila. Nararapat sa iyo na gawin ang pinakamahusay at maingat na pakikitungo at karunungan, sapagkat hangad nila na sa lahat ng pagkakataon ay siraan at itatuwa ang Kapakanan. Harinawang ipagkaloob ng Isang tunay na Diyos na sila’y maging makatarungan.

Tungkol sa iyong sariling mga gawain, kung ika’y masisiyahan sa anumang maaaring mangyari, ito’y kapuri-puri. Ang maging abala sa isang propesyon ay kahanga-hanga, sapagkat kung abala ang tao sa trabaho siya’y hindi makapag-iisip ng mga di-kasiya-siyang pananaw sa buhay. Harinawang ika’y dumanas ng kaligayahan at kaliwanagan, kasiyahan at kagalakan sa anumang lunsod o lupain na nagkataong iyong pansamantalang titigilan. Ang abang tagapaglingkod na ito ay hindi kailanman malilimot ang kagalang-galang at mabait na kaibigang iyon. Ika’y naaalaala at patuloy kang maaalaala Niya. Ang pag-uutos ay nasa Diyos, ang Panginoon ng lahat ng mga daigdig. Aking itinatangi ang pag-asang ipagkakaloob Niya ang banal na tulong at ibibigay ang pagpapatibay sa anumang kasiya-siya at katanggap-tanggap sa Kaniya.

Ang bawat salita sa iyong mga tula ay tunay na katulad ng isang salamin kung saan nailalarawan ang mga katibayan ng katapatan at pagmamahal na iyong itinatangi para sa Diyos at sa Kaniyang mga pinili. Mapalad ka na lubos na nakainom mula sa piling alak ng pananalita at nakisalo sa malumanay na daloy ng batis ng tunay na kaalaman. Maligaya siyang ininom ang kaniyang bahagi at nakarating sa Kaniya at kasawian ang sasapit sa pabaya. Ang pagbasa nito ay tunay na nagpatotoo sa lubhang makapukaw-damdamin na paghanga, dahil ito ang nagpakilala kapuwa sa liwanag ng muling-pagsasama at apoy ng paghihiwalay.

Malayo para sa atin sa anumang panahon ang mawalan ng pag-asa sa mga di-matayang mga tangkilik ng Diyos, sapagkat kung Kaniyang ninais magagawa Niya ang isang hamak na atomo na maging araw o ang isang patak na maging karagatan. Kaniyang binubuksan ang libu-libong mga pinto samantalang ang tao ay walang-kakayahang maisip ang kahit na isa lamang.

Lubhang pabaya ang tagapaglingkod na ito na sa mga salitang katulad nito ay hinangad niyang patunayan ang pinakadakilang kapangyarihan ng Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian. Sumasamo ako sa kapatawaran ng Diyos, ang Pinakadakila, para sa mga pahayag na ito at pinatutunayan na tinatanggap ng tagapaglingkod na ito sa lahat ng panahon ang kaniyang malubhang mga pagkakasala at masasamang gawa. Nagsusumamo siya sa kapatawaran ng kaniyang mga kasalanan buhat sa karagatan ng pagpapatawad ng Kaniyang Panginoon, ang Pinakadakila at nagmamakaawang ipagkaloob yaong gawin siyang maging ganap na matapat sa Diyos at mabigkas ang Kaniyang papuri, ibaling ang kaniyang sarili sa Kaniya at ibigay ang ganap na pagtitiwala niya sa Kaniya. Tunay na Siya ang Malakas, ang Nagpapatawad, ang Mahabagin. Purihin ang Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakababatid ng Lahat.

Binasa ng hamak na ito ang mga paglalarawan ng mga pakikipag-usap sa manlalakbay na iyong isinalaysay sa iyong liham sa aking Panginoon, harinawang maialay ang aking buhay alang-alang sa Kaniya. Ang mga paliwanag na ipinahayag ay nakapukaw sa mga tao mula sa pagkakatulog sa kapabayaan. Tunay na ang mga gawain ng tao mismo ay lumilikha ng napakaraming malademonyong lakas. Sapagkat kung susundin at isasagawa ng tao ang mga banal na Turo, ang bawat bahid ng kasamaan ay mapapawi sa balat ng lupa. Subalit ang laganap na mga pagkakaiba-ibang umiiral sa sangkatauhan at ang paglaganap ng panunulsol laban sa pamahalaan, pagtatalo, pag-aaway at ang mga katulad nito ay ang pangunahing mga dahilan ng paglitaw ng malademonyong espiritu. Ngunit laging iniiwasan ng Banal na Espiritu ang ganitong mga bagay. Ang daigdig na kung saan walang-mababatid liban sa alitan, pag-aaway at pagkabalakyot ay tiyak na magiging upuan sa trono, ang pinakakapitolyo, ni Satanas.

Gaano kalaki ang bilang ng mga minamahal at pinili ng Diyos na nagdalamhati at dumaing araw at gabi upang baka sakaling umihip ang matamis at mabangong simoy mula sa bulwagan ng Kaniyang mabuting kaluguran at tuluyang alisin ang kasuklam-suklam at mabahong mga amoy mula sa daigdig. Subalit ang pangunahing layuning ito ay hindi matatamo, at ang mga tao’y pinagkaitan nito dahil sa kanilang masasamang gawa, na nagdala sa kanila ng kaparusahan ng Diyos, ayon sa pinagbabatayang mga simulain ng Kaniyang banal na kautusan. Sa atin ay ang tungkuling manatiling mapagtiis sa mga kalagayang ito hanggang dumating ang kaginhawahan mula sa Diyos, ang Nagpapatawad, ang Mapagbigay-biyaya.

Dakila ang Iyong Pangalan, O Panginoon ng lahat ng nilalang at Hangarin ng lahat ng nilikhang bagay! Sumasamo Ako sa Iyo, sa pamamagitan ng Salita na naging sanhi upang lumakas ang Tinig ng Nag-aapoy na Palumpong at upang humiyaw ang Bato, na bunga nito ang mga pinagpala ay nagmadali upang makarating sa bulwagan ng Iyong kinaroroonan at ang mga dalisay ang puso sa panimulang-bukal ng liwanag ng Iyong mukha, at sa paghihimutok ng Iyong tunay na mga mangingibig sa pagkawalay nila sa Iyong mga pinili at sa paghihinagpis nilang mga nananabik na masilayan ang Iyong mukha sa harap ng namimitak na karingalan ng liwanag ng Iyong Rebelasyon, na buong-giliw na tulutan ang Iyong mga tagapaglingkod na makilala yaong itinalaga Mo para sa kanila sa pamamagitan ng Iyong biyaya at Iyong pagpapala. Iatas sa kanila, kung gayon, sa pamamagitan ng Iyong Panulat ng Kaluwalhatian, yaong aakay sa kanilang mga hakbang patungo sa karagatan ng Iyong kagandahang-loob at gagabay sa kanila patungo sa nakabubuhay na mga tubig ng Iyong makalangit na muling-pagsasama.

O Panginoon! Huwag tingnan ang mga bagay na kanilang ginawa, sa halip ay tingnan ang kataasan ng Iyong makalangit na biyayang nauna sa lahat ng nilikhang bagay, kapuwa ng nakikita at di-nakikita. O Panginoon! Tanglawan ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng maningning na liwanag ng Iyong kaalaman at paliwanagin ang kanilang mga mata sa pamamagitan ng kumikinang na karingalan ng araw-bituin ng Iyong mga tangkilik..

Isinasamo Ko sa Iyo, O Panginoon ng mga Pangalan at Maylikha ng mga kalangitan, sa pamamagitan ng dugong dumaloy sa Iyong Landas, at sa pamamagitan ng mga tinuhog na ulong itinaas ng mga sibat alang-alang sa Iyong pag-ibig, at sa pamamagitan ng mga kaluluwang natunaw sa kanilang pagkawalay sa Iyong mga minamahal, at sa pamamagitan ng mga pusong nawasak upang dakilain ang Iyong Salita, na ipagkaloob na ang mga nananahan sa Iyong kaharian ay magkaisa sa kanilang katapatan sa Iyong walang-kahambing na Salita, upang harinawang tanggapin nilang lahat ang Iyong pagkakaisa at ang Iyong kaisahan. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakadakila, ang Nakababatid, ang Marunong.

Ako’y maligayang umaasa na Siyang nakasasapat sa Lahat, ang Di-maaabot, ay diringgin ang panalangin nitong hamak na tagapaglingkod, na harinawang bihisan ang mga tao ng daigdig ng kasuotan ng mabubuting gawain, at linisin sila mula sa masasamang kagustuhan. Siya ang Makapangyarihan, ang Malakas, ang Marunong sa Lahat, ang Nakababatid ng Lahat. Siya ang Nakaririnig at Nakakikita; Siya ang Nakaririnig ng Lahat, ang Nakakikita sa Lahat.

SÚRIY-I-VAFÁ: Tableta kay Vafá

Siya ang Nakababatid ng Lahat

O Vafá! Magpasalamat sa iyong Panginoon dahil sa ika’y tinulungan upang tanggapin ang Kaniyang Kapakanan, iyong nagawang makilala ang Kahayagan ng Kaniyang Sarili Mismo at ika’y pinabangon upang dakilain Siya Na Pinakadakilang Alaala sa maluwalhating Patalastas na ito.

Pinagpala ka, O Vafá, dahil ika’y naging matapat sa Banal na Kasunduan ng Diyos at sa Kaniyang Testamento sa isang panahong nilabag ito ng lahat ng mga tao at itinatuwa Siya Na kanilang pinaniwalaan, at ito’y sa kabila ng pagsapit Niya nang taglay ang bawat katunayan, at sumikat mula sa sugpungang-guhit ng Rebelasyong nadaramitan ng hindi mapag-aalinlangan na dakilang kapangyarihan.

Nararapat sa iyo, gayumpaman, na ibigay ang lubos na pagsisikap upang makamtan ang pinakadiwa ng katapatan. Ipinahihiwatig nito ang pagiging ganap na nakatitiyak ang iyong puso at upang patunayan sa pamamagitan ng iyong dila yaong pinatunayan ng Diyos para sa Kaniya Mismong dakilang Sarili, ipinahahayag na: ‘Sa katunayan Ako’y sariling-ganap sa Kaharian ng Kaluwalhatian.’ Sinuman, sa mga araw na ito, na nagawang patunayan nang buong katapatan ang katotohanang ito ay nakamtan na ang lahat ng kabutihan, at ang makalangit na Espiritu ay bababa sa kaniya sa araw at sa gabi, buong-giliw siyang tutulungan na luwalhatiin ang Pangalan ng Kaniyang Panginoon at tutulutan siyang palayain ang kaniyang dila at ipagtanggol sa pamamagitan ng kaniyang mga salita ang Kapakanan ng kaniyang Panginoon, ang Mahabagin, ang Madamayin. At walang sinuman ang kailanma’y makapagtatamo nito maliban lamang sa kaniya na nilinis ang kaniyang puso mula sa anumang nalikha sa pagitan ng langit at lupa at ganap na itiniwalag ang kaniyang sarili mula sa lahat liban sa Diyos, ang dakilang makapangyarihang Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Magiliw.

Bumangon ka upang paglingkuran ang Kapakanan at sabihin: Isinusumpa ko sa pagkamakatarungan ng Diyos! Sa katunayan ito ang Panimulang Tuldok, nagagayakan ng Kaniyang bagong kasuotan at nahahayag sa Kaniyang maluwalhating Pangalan. Minamasdan Niya sa kasalukuyan ang lahat ng bagay buhat sa Sugpungang-guhit na ito. Tunay na Siya ang pinakamataas sa lahat ng mga bagay. Kabilang sa Kalipunan sa Kaitaasan, Siya’y kilala bilang ang Pinakadakilang Pahayag at sa mga Kaharian ng Kawalang-hanggan bilang ang Napakatandang Kagandahan, at sa harap ng Trono sa Pangalan na ito na naging dahilan upang madulas ang mga hakbang nilang mga pinagkalooban ng pang-unawa.

Sabihin: Isinusumpa ko sa Diyos! Sa Rebelasyong ito, bago pa ipinadala ang isang bersikulo mula sa kaharian ng kabanalan at kadakilaan, ang sukdulang pagpapatunay ng Diyos ay natupad na para sa lahat ng mga nananahan sa kalangitan at sa mga naninirahan sa kalupaan; bukod doon, ipinahayag Namin ang katumbas ng anumang ipinadala sa Dispensasyon ng Bayán. Matakot ka sa Diyos at huwag tulutang mawalan ng kabuluhan ang iyong mga gawain at huwag mabilang sa mga nakalugmok sa kapabayaan. Buksan ang iyong mga mata nang iyong makita ang Napakatandang Kagandahan buhat sa nagniningning at kumikinang na katayuang ito.

Sabihin, ang Diyos ang aking saksi! Siyang Ipinangako Mismo ay bumaba na mula sa langit, nakaupo sa crimson na ulap at kasama ang mga hukbo ng rebelasyon sa Kaniyang kanan at ang mga anghel ng inspirasyon sa Kaniyang kaliwa, at ang Utos ay natupad ayon sa kautusan ng Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas. At kapagdaka ang mga yapak ng bawat isa ay nadulas maliban lamang doon sa mga pinangalagaan ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang mapagmahal na habag at ibinilang doon sa mga tumanggap sa Kaniya sa pamamagitan ng Kaniyang Sarili at itiniwalag ang kanilang mga sarili sa lahat ng nauukol sa daigdig.

Pakinggan ang mga Salita ng iyong Panginoon at padalisayin ang iyong puso mula sa bawat maling akala upang ang maningning na liwanag ng paggunita ng iyong Panginoon, ay maisabog nito ang ningning dito, at matamo nito ang katayuan ng katiyakan.

Iyong alamin, bukod dito, na dumating ang iyong liham sa Aming kinaroroonan at Aming inunawa at binasa Namin ang mga nilalaman nito. Binigyang-pansin Namin ang mga katanungan na iyong itinatanong at ika’y agad na sasagutin. Nararapat sa bawat isa, sa Araw na ito, ang itanong sa Diyos yaong ninanais niya, at tutugunin ng iyong Panginoon ang kaniyang kahilingan sa pamamagitan ng kahanga-hanga at di-maitatatuwang mga bersikulo.

Iyong itinanong ang tungkol sa paksa ng pagbabalik. Alamin mo na ang wakas ay tulad ng simula. Kung paano mo pinag-isipan ang simula, gayundin na iyong dapat pag-isipan ang wakas, at mabilang sa kanila na mga tunay na nakauunawa. Hindi lamang iyon, kundi, ituring ang simula na mismong wakas, at ang kabaligtaran din nito, upang iyong makamtan ang malinaw na pagkaunawa. Iyong alamin, bukod dito, na ang bawat nilikhang bagay ay patuloy na ibinubunyag at ibinabalik sa utos ng iyong Panginoon, ang Diyos ng lakas at kapangyarihan.

Tungkol naman sa Pagbabalik, ayon sa nilayon ng Diyos sa Kaniyang banal at dakilang mga Tableta na kung saan ipinabatid Niya ang paksang ito sa Kaniyang mga tagapaglingkod; ang kahulugan nito ay ang pagbabalik ng lahat ng nilikhang bagay sa Araw ng Muling-pagkabuhay, at ito sa katunayan ay ang pinakadiwa ng Pagbabalik na tulad ng iyong sinaksihan sa mismong mga araw ng Diyos at ika’y kabilang sa kanila na mga sumasaksi sa katotohanang ito.

Tunay na ang Diyos ay may ganap na kakayahang gawin ang lahat ng mga pangalan na maging isang pangalan, at ang lahat ng kaluluwa na isang kaluluwa. Tiyak na malakas at makapangyarihan Siya. At ang Pagbabalik na ito ay natutupad ayon sa Kaniyang utos sa anumang anyo na Kaniyang loobin. Tunay na Siya Yaong gumagawa at nagtatadhana ng lahat ng bagay. Bukod dito, hindi mo dapat unawain ang katuparan ng Pagbabalik at Muling-pagkabuhay liban sa Salita ng iyong Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat. Halimbawa, kung Siya’y kukuha ng isang dakot na lupa at ipahahayag na ito ay Siya Na iyong sinusunod noong nakaraan, ito’y walang alinlangang tumpak at totoo, katulad ng Kaniyang tunay na Katauhan, at walang binigyan ng karapatan na mag-alinlangan sa Kaniyang kapangyarihan. Ginagawa Niya ang Kaniyang niloloob at itinatadhana ang anumang Kaniyang ninanais. Bukod dito, sa katayuang ito ika’y mag-ingat na hindi mo ibaling ang iyong paningin sa mga pagtatakda at mga pahiwatig, sa halip ay ituon doon sa katuparan ng Rebelasyon mismo at ika’y mabilang doon sa mga nakauunawa. Kung gayon ipinaliliwanag Namin sa iyo sa malinaw at tiyak na pananalita upang iyong maunawaan yaong hinihiling mo sa iyong napakatandang Panginoon.

Iyong nilay-nilayin ang Araw ng Muling-pagkabuhay. Kung ipahahayag ng Diyos na ang pinakahamak na mga nilikha sa matatapat na Siya ang Unang maniniwala sa Bayán, hindi ka dapat magkaroon ng anumang alinlangan dito at ika’y dapat maging kabilang sa kanila na mga tunay na naniniwala. Sa katayuang ito huwag tingnan ang mga pagtatakda ng tao at mga pangalan, sa halip ay roon sa katayuan Niya na Unang naniwala ay napatunayan, na iyon ay ang pananalig sa Diyos, at pagtanggap sa Kaniyang Pananatili at katiyakan sa katuparan ng Kaniyang di-mapipigilan at umiiral na utos.

Iyong muni-muniin ang Rebelasyon ng Panimulang Tuldok ng Bayán—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian. Ipinahayag Niya na ang Unang naniwala sa Kaniya ay si Muḥammad, ang Sugo ng Diyos. Nararapat ba sa isang tao na makipagtalo sa Kaniya at sabihing ang táong ito ay taga-Persiya, at ang Isa nama’y taga-Arabia, o ang isang ito ay nagngangalang Ḥusayn samantalang ang Isa nama’y nagngangalang Muḥammad? Hindi, Aking isinusumpa sa banal na Makapangyarihan sa Lahat na Diyos, ang Marangal, ang Pinakadakila. Tiyak na walang táong may talino at maliwanag na pagkaunawa ang magbibigay ng pansin kailanman sa mga pagtatakda o sa mga pangalan, sa halip ay roon sa ipinagkaloob kay Muḥammad, na walang iba kundi ang Kapakanan ng Diyos. Ang gayong táong may maliwanag na pang-unawa ay isasaalang-alang gayundin si Ḥusayn at ang katayuang pinanungkulan niya sa Kapakanan ng Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Dakila, ang Nakababatid, ang Marunong. At dahil sa Siya na Unang naniwala sa Diyos sa Dispensasyon ng Bayán ay pinagkalooban ng kapangyarihang katulad noong kay Muḥammad, ang Sugo ng Diyos, samakatwid ipinahayag ng Báb na siya na nga ang huling nabanggit, alalaong baga, ang Kaniyang pagbabalik at muling-pagkabuhay. Ang kalagayang ito ay ginawang banal mula sa bawat pagtatakda o pangalan, at walang makikita rito kundi ang Diyos, ang Iisa, ang Walang-katulad, ang Nakaaalam ng Lahat.

Bukod dito iyong alamin na sa Araw ng Rebelasyon kung ipahahayag Niya na ang isa sa mga dahon ay ang kinatawan ng lahat ng Kaniyang pinakamahusay na mga titulo, walang sinuman ang binigyan ng karapatang bumigkas ng bakit o sa anong dahilan, at kung gagawin ito ng isang tao siya’y ituturing na hindi naniniwala sa Diyos at mabibilang sa gayong mga nagtatuwa sa Kaniyang Katotohanan.

Mag-ingat, mag-ingat na baka ika’y kumilos nang katulad ng mga tao ng Bayán. Sapagkat tunay na sila’y malubhang nagkasala, iniligaw ang mga tao, ipinagwalang-bahala ang Banal na Kasunduan ng Diyos at ang Kaniyang Habilin, at nakipagpantay sa Kaniya, ang Iisa, ang Walang-kahambing, ang Nakaaalam ng Lahat. Sa katunayan sila’y nabigong kilalanin ang Panimulang Tuldok ng Bayán, dahil kung Siya’y tinanggap nila hindi nila tatanggihan ang Kaniyang kahayagan sa maningning at maringal na Katauhang ito. At dahil sa itinutok nila ang kanilang paningin sa mga pangalan, kung gayon, noong pinalitan Niya ang Kaniyang Pangalang “ang Pinakadakila” sa “ang Pinakamaluwalhati” ang mga mata nila’y nanlabo. Nabigo silang kilalanin Siya sa mga araw na ito at sila’y nabilang sa mga mamamatay. Tunay na kung nakilala lamang nila Siya sa pamamagitan ng Kaniyang Sarili Mismo o dahil sa Kaniyang ipinahayag, hindi sana nila itinatuwa Siya nang Siya’y nagpakita sa maluwalhati at walang-kahambing na Pangalang ito, na itinalaga ng Diyos na maging Espada ng Kaniyang Rebelasyon sa pagitan ng langit at lupa, at sa pamamagitan niyon ang katotohanan ay inihiwalay sa kamalian, kahit mula ngayon hanggang sa Araw na kung kailan ang sangkatauha’y tatayo sa harap ng Panginoon ng mga daigdig.

Bukod dito iyong alamin na sa Araw ng Kaniyang Paghahayag ang lahat ng nilikhang bagay liban sa Diyos ay pahaharapin at pagpapantay-pantayin, nang hindi isinasaalang-alang ang kani-kanilang mga katayuan bilang mataas o mababa. Ang Araw ng Pagbabalik ay di-malirip ng lahat ng tao hanggang hindi natutupad ang Banal na Rebelasyon. Siya sa katunayan ay ang Siyang nagtatalaga ng anumang niloloob Niya. Kapag ang Salita ng Diyos ay ipinahayag sa lahat ng nilikhang bagay, sinuman ang makinig at sumunod sa Panawagan ay tunay na nabibilang sa mga pinakamabunying mga kaluluwa, bagaman siya’y isang hamak na tagadala lamang ng abo. At siyang tumalikod ay nabibilang sa pinakamababa sa Kaniyang mga tagapaglingkod, kahit na siya’y isang hari sa mga tao at ang may-ari ng lahat ng mga aklat sa mga kalangitan at sa kalupaan.

Nararapat sa iyo na tumingin nang may banal at maliwanag na pang-unawa sa mga bagay na Aming ipinahayag at ipinadala sa iyo at hindi sa mga tao at doon sa laganap sa kanila. Sa araw na ito sila’y katulad ng isang bulag na tao na samantalang kumikilos sa sikat ng araw ay nagtatanong: Nasaan ang araw? Sumisikat ba ito? Itatatuwa niya at makikipagtalo siya tungkol sa katotohanan, at hindi siya mabibilang doon sa mga nakauunawa. Kailanma’y hindi niya matatanto ang araw o mauunawan yaong namagitan sa kaniya at dito. Tututulan niya ang kaniyang niloloob mismo, magsasabi ng mga pagsalungat, at mabibilang sa mga mapanghimagsik. Ganoon ang kalagayan ng mga táong ito. Hayaan sila sa kanilang mga sarili, at sabihin: Mapasainyo ang mga ninanais ninyo at mapasaamin ang mga ninanais namin. Tunay na napakasama ang kalagayan ng mga hindi maka-Diyos.

Iyong alamin bukod dito na pinagtibay ng nakaraang Kahayagan na ang pagbalik at pagbangon ng mga espiritu ay magaganap sa Araw ng Muling-pagkabuhay, samantalang sa katotohanan ay mayroong pagbabalik at muling-pagkabuhay sa bawat nilikhang bagay. Gayumpaman hindi Namin nais bumanggit ng anumang hindi ipinahayag sa Bayán, upang hindi magpalahaw ang mga táong may masasamang hangarin. O sana’y maalis ang mga hadlang sa pagitan ng mga anak ng tao at ng kanilang Maylikha nang sa gayo’y magawa nilang makita ang di-malupig na dakilang kapangyarihan at pamamahala ng Diyos, lubos na makainom mula sa bukal ng Kaniyang makalangit na batis, mawisikan ng mga pagbuhos ng karagatan ng tunay na pagkaunawa at maging malinis mula sa mga dungis ng mga hindi maka-Diyos at ng mga naghihinala.

Tungkol sa iyong katanungan hinggil sa mga daigdig ng Diyos. Iyong alamin bilang isang katotohanan na ang mga daigdig ng Diyos ay hindi mataya ang kanilang bilang at walang-hanggan ang kanilang lawak. Walang makabibilang o makauunawa sa kanila liban sa Diyos ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat. Pag-isipan ang iyong kalagayan kapag ika’y natutulog. Sa katunayan Aking sinasabi na ang kalagayang ito ay ang pinakamahiwagang palatandaan ng Diyos sa mga tao, kung ninilay-nilayin lamang nila ito sa kanilang mga puso. Masdan kung paano lubos na nagaganap ang mga nakita mo sa iyong panaginip makalipas ang mahabang panahon. Kung ang daigdig na kinaroroonan mo sa iyong panaginip ay ang mismong daigdig na kinalalagyan mo, kailangang maganap ang pangyayari sa panaginip na iyon sa daigdig na ito sa mismong panahon na nagaganap ito. Kung ganoon nga ito, ikaw mismo’y sumaksi na sana roon. Subalit dahil sa hindi ito ganito, samakatwid ang daigdig na kinalalagyan mo ay iba at hiwalay roon sa naranasan mo sa iyong panaginip. Ang huling nabanggit na daigdig na ito ay walang-simula o hangganan. Magiging totoo ito kung igigiit mo na ang daigdig ding iyon, sang-ayon sa utos ng Maluwalhati sa Lahat at Makapangyarihan sa Lahat na Diyos, ay napapaloob sa iyong sarili mismo at nababalot sa iyong loob. Gayundin magiging totoo ito kung sasabihin na ang iyong espiritu, dahil sa nalampasan ang mga hangganan ng pagtulog at yamang pinawi sa sarili ang lahat ng makalupang mga kinagigiliwan, sa pamamagitan ng utos ng Diyos, ay nagawang tawirin ang isang kahariang natatago sa kaibuturan ng ganap na katotohanan ng daigdig na ito. Tunay na Aking sinasabi, ang nilikha ng Diyos ay sumasaklaw sa mga daigdig bukod sa daigdig na ito, at mga nilalang bukod sa mga nilalang na ito. Sa bawat isa sa mga daigdig na ito ay iniatas Niya ang mga bagay na hindi matatagpuan ng sinuman liban sa Kaniya Mismo, ang Nagsasaliksik sa Lahat, ang Marunong sa Lahat. Iyong nilay-nilayin ang ipinahayag Namin sa iyo, nang sa gayo’y iyong matuklasan ang layunin ng Diyos, ang iyong Panginoon at ang Panginoon ng lahat ng mga daigdig. Sa mga salitang ito ang mga kahiwagaan ng Banal na Karunungan ay iningatan. Iniwasan Namin ang magsalita nang mahaba sa paksang ito dahil sa pighating pumalibot sa Amin sanhi ng mga kilos nilang mga nilikha sa pamamagitan ng Aming mga salita, kung ika’y nabibilang doon sa mga makikinig sa Aming Tinig.

Nasaan siyang makatutulong sa Akin at ipagsasanggalang Ako mula sa mga espada nitong di-matatapat na kaluluwa? Nasaan ang táong may maliwanag na pang-unawang titingin sa mga Salita ng Diyos sa pamamagitan ng sarili niyang mga mata at aalisin sa kaniyang sarili ang mga palagay at mga paniniwala ng mga tao ng daigdig?

O tagapaglingkod! Iyong balaan ang mga tagapaglingkod ng Diyos na huwag itatuwa yaong hindi nila nauunawaan. Sabihin, magsumamo sa Diyos na buksan sa inyong mga puso ang mga pinto ng tunay na pang-unawa upang mabatid ninyo ang hindi nababatid ng sinuman. Tunay na Siya ang Tagapagbigay, ang Nagpapatawad, ang Madamayin.

Bukod dito ay itinanong mo sa Akin ang tungkol sa mga alituntunin ng Diyos. Iyong alamin bilang isang katotohanan na anuman ang iniutos sa Aklat ay tunay na katotohanan, walang pag-aalinlangan dito, at tungkulin ng bawat isa ang sumunod doon sa ipinadala Niya na Tagapagpahayag, ang Marunong sa Lahat. Kung isasaisantabi ng isang tao ang mga ito sa kabila ng pagkakaalam niya rito, tunay na ang Diyos ay hindi magkakaroon ng kaugnayan sa kaniya at Kami rin ay hindi magkakaroon ng kaugnayan sa kaniya, dahil ang Kaniyang mga batas ay ang bumubuo sa mga bunga ng banal na Puno at walang iba kundi ang mga pabaya at mga suwail ang lilihis dito.

Tungkol sa Paraiso: Ito’y isang ganap na katotohanan at hindi maaaring mag-alinlangan dito, at ngayon sa daigdig na ito mauunawaan ito sa pamamagitan ng pag-ibig sa Akin at sa Aking mabuting-kaluguran. Sinuman ang makapagtamo nito ay tutulungan ng Diyos dito sa daigdig sa ibaba at sa pagyao ay tutulutan siyang makapasok sa Paraisong kasinlawak ng langit at lupa. Doon ang mga Dilag ng kaluwalhatian at kabanalan ay maglilingkod sa kaniya sa araw at gabi, samantalang ang araw-bituin ng di-kumukupas na kagandahan ng kaniyang Panginoon, sa lahat ng panahon, ay magsasabog ng kaningningan nito sa kaniya at siya’y magniningning nang may gayong liwanag na walang sinuman ang makapagbabatang tumingin sa kaniya. Ganoon ang pagpapala ng Maykapal, subalit ang mga tao’y nahahadlangan ng mabibigat na lambong. Gayundin iyong unawain ang uri ng apoy ng impiyerno at mabilang sa kanila na mga tunay na sumasampalataya. Sapagkat ang bawat kilos na isinagawa ay magkakaroon ng kabayaran sang-ayon sa pagtaya ng Diyos, at dito ang mismong mga alituntunin at pagbabawal na iniutos ng Makapangyarihan sa Lahat ay sumasaksi. Dahil tiyak na kung ang mga gawa ay hindi ginagantimpalaan at hindi nagbibigay ng bunga, samakatwid ang Kapakanan ng Diyos—Siya’y dakila—ay mapapatunayang walang-saysay. Hindi masukat ang kataasan ng Kaniyang kadakilaan buhat sa gayong mga kalapastanganan. Subalit sa kanila na malaya sa anumang mga kinagigiliwan, ang isang gawa, sa katunayan, ay ang sarili nitong gantimpala. Kung Aming ipaliliwanag ang paksang ito napakaraming mga Tableta ang kailangang maisulat.

Isinusumpa Ko sa pagkamakatarungan ng Diyos! Ang Panulat ay hindi makakilos dahil sa sinapit ng Panginoon nito, at ito’y matinding lumuha, at Ako rin ay lumuha, at lumuha, gayundin, ang mata Niya Na Pinakadiwa ng Karingalan sa likod ng Tabernakulo ng mga Pangalan habang nakaupo sa Trono ng Kaniyang maluwalhating Pangalan.

Linisin mo ang iyong puso upang magawa Naming bumulwak mula roon ang mga bukal ng karunungan at pananalita, sa gayo’y iyong magagawang palakasin ang iyong tinig sa buong sangkatauhan. Palayain ang iyong dila at ipahayag ang katotohanan alang-alang sa paggunita sa iyong mahabaging Panginoon. Huwag matakot sa kaninuman, ilagay ang iyong buong pagtitiwala sa Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakaaalam ng Lahat. Sabihin, O mga tao, isakatuparan ang anumang nauunawaan ninyo sa Persiyanong Bayán at ang anumang hindi ninyo nauunawaan ay itanong sa di-nagkakamaling Alaala na ito, upang malinaw Niyang mailahad ang nilalayon ng Diyos sa Kaniyang Aklat, dahil sa katotohanan nababatid Niya ang nakadambana sa Bayán dahil sa Kalooban Niyang Makapangyarihan sa Lahat, ang Malakas.

Iyong itinanong ang tungkol sa babalang ibinigay Namin sa mga tao sa panahon ng Aming pag-alis sa ‘Iráq, na iyon ay, kapag ang Araw ay naglaho na sa paningin, ang mga ibon ng kadiliman ay magsisikilos at ang mga bandila ni Sámirí ay mataas na itatayo. Isinusumpa Ko sa Diyos! Ang mga ibong iyon ay nagsisikilos na sa mga araw na ito at sinisimulan na ni Sámirí ang kaniyang pag-iingay. Mapalad siyang nakakilala at nabibilang sa mga táong nakauunawa. Binalaan din Namin sila tungkol sa paglitaw ng bisiro. Ang Diyos ay ang Aking saksi! Ang lahat ng Aming mga babala ay naganap at tunay na magaganap ang mga ito, dahil sa nagmula ang mga ito sa mga daliri ng kaluwalhatian at kapangyarihan. Magsumamo ka sa Diyos na ika’y mapangalagaan mula sa kasamaan ng mga táong ito at ika’y maging dalisay mula sa mga pasaring ng mga suwail. Palakasin kung gayon ang iyong balakang para sa pagtataguyod ng Kapakanan at huwag bigyan ng pansin ang mga salitang binibigkas ng mga tao ng Bayán, dahil sila’y tunay na walang-kakayahang makaunawa at nabigong maunawaan ang pinakadiwa ng Kapakanang ipinahayag dito sa kapita-pitagan, sa Pinakadakilang Patalastas na ito. Sa gayon ika’y Aming binigyan ng inspirasyon, at isinalin sa iyong puso yaong magpapalaya sa iyo mula sa mga parunggit ng sangkatauhan.

Ang luwalhati ng Diyos ay mapasaiyo at mapasakanilang nakikinig sa mga salitang iyong binibigkas alang-alang sa pagmamahal sa Diyos, ang iyong Panginoon, at manatiling matatag sa Kaniyang Kapakanan. Ang lahat ng papuri ay mapasa-Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig.

LAWḤ-I-SIYYID-I-MIHDÍY-I-DAHAJ: Tableta kay Siyyid-i-Mihdíy-i-Dahají

Siya ang Pinakabanal, ang Pinakadakila, ang Pinakamarangal, ang Pinakamataas

O Aking Pangalan! Magbigay-puri ka sa Diyos dahil sa magiliw ka Niyang pinili upang maging bukal ng biyaya roon sa inihasik Namin sa dalisay at pinagpalang lupa at ika’y tinulutang makapaglingkod bilang tagsibol ng mapagmahal na habag para sa kamangha-mangha at dakilang mga punong itinanim Namin. Sa katotohanan, lubhang dakila ang kagandahang-loob na ito na sa lahat ng nilikhang bagay sa daigdig ng nilikha, kailanma’y walang makaaasang makapantay rito. Bukod dito ay ibinigay Namin sa iyo upang inumin ang piling alak ng pananalita mula sa kalis ng makalangit na mga kaloob ng iyong mahabaging Panginoon, na walang iba kundi ang Dilang ito ng kabanalan—isang Dila na, sa sandaling pinalaya ito ay binigyang-buhay ang buong nilikha, pinakilos ang lahat ng nilalang at naging sanhi ng pag-awit ng Ruwisenyor ng kaniyang mga melodiya. Ito ang Bukal ng nakabubuhay na tubig para sa lahat ng nananahan sa daigdig ng nilikha.

LAWḤ-I-BURHÁN: Tableta ng Katibayan

Ang Tabletang ito ay ipinahayag pagkaraan ng pagiging martir ng Hari ng Mga Martir at ng Minamahal ng Mga Martir (tingnan ang God Passes By mga pahina 200-201) at isinulat kay Shaykh Muḥammad Báqir, na tinagurian ni Bahá’u’lláh bilang ang ‘Lobo’. Sa Tabletang ito tinutukoy ni Bahá’u’lláh si Mír Muḥammad Ḥusayn, ang Imám Jum’ih ng Iṣfáhán, pinangalanang ang ‘Babaeng Ahas’, na naging kasabwat ni Shaykh Muḥammad Báqir sa pag-usig sa mga Bahá’í. (Tingnan ang God Passes By, mga pahina 198, 200-201 at 219). Ang Epistle to the Son of the Wolf ay isinulat para kay Shaykh Muḥammad Taqíy-i-Najafí, ang anak ni Shaykh Muḥammad Báqir.

Siya ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat! Ang mga hangin ng pagkamuhi ay pumalibot sa Arko ng Baṭḥá, dahil doon sa nilikha ng mga kamay ng mga manlulupig. O Báqir! Ika’y naggawad ng hatol laban sa kanilang tinangisan ng mga aklat ng daigdig, at ang pagkiling sa kanila ay pinatunayan ng lahat ng mga banal na kasulatan ng lahat ng mga relihiyon. Ikaw, na lubhang naliligaw nang malayo, ay tunay na nababalot ng makapal na lambong. Saksi ang Diyos Mismo! Ika’y naggawad ng hatol laban sa kanila na sa pamamagitan nila ang sugpungang-guhit ng pananalig ay natanglawan. Sumasaksi rito Silang mga Pook ng Bukang-liwayway ng Rebelasyon at mga Kahayagan ng Kapakanan ng iyong Panginoon, ang Pinakamahabagin, Na ipinagpakasakit ang Kanilang mga kaluluwa at lahat ng Kanilang taglay para sa Kaniyang tuwid na Landas. Ang Pananampalataya ng Diyos ay lumuha sa lahat ng dako, dahil sa iyong paniniil, at gayunman, ika’y nagpasasa at nabilang sa mga nagpakagalak. Walang pagkamuhi sa Aking puso para sa iyo ni para sa kaninuman. Ang bawat marunong na tao ay minamasdan ka at ang mga katulad mo, na nilamon ng malinaw na kahangalan. Kung naunawaan mo lamang ang iyong ginawa, inihagis mo na sana ang iyong sarili sa apoy, o nilisan ang iyong tahanan at tumakas sa mga kabundukan, o dumaing hanggang makabalik ka roon sa pook na itinadhana para sa iyo Niya Na Panginoon ng lakas at ng kapangyarihan. O ikaw na halos katulad ng walang-halagang bagay! Pilas-pilasin ang mga lambong ng walang-kabuluhang mga hinagap at walang-saysay na mga guni-guni, upang magawa mong masilayan ang Araw-bituin ng kaalaman na nagliliwanag mula sa maningning na Sugpungang-guhit na ito. Pinagpira-piraso mo ang isang nalabing bahagi ng Propeta Mismo, at inakalang tinulungan mo ang Pananampalataya ng Diyos. Kung kaya ika’y naudyukan ng iyong kaluluwa, at tunay na ika’y isa sa mga pabaya. Ang iyong ginawa ay tumupok sa mga puso ng Kalipunan sa kaitaasan, at doon sa gayong mga umikot sa paligid ng Kapakanan ng Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig. Ang kaluluwa Niya na Dalisay ay natunaw dahil sa iyong kalupitan, at ang mga nananahan sa Paraiso ay matinding nanangis sa pinagpalang Pook na iyon.

Madalas Naming ipasamyo sa iyo ang mababangong halimuyak ng Mahabagin sa Lahat, mula sa Sangang ito na kumikilos sa ibabaw ng Tableta ng iyong Panginoon, ang Makapangyarihan, ang Di-napipigilan. Saksi ang pagkamakatarungan ng Isang tunay na Diyos! Kung ang lahat ng nilikhang bagay, na kapuwa nakikita at di-nakikita, ay itutuon ang kanilang mga sarili tungo sa Kaniya, matatagpuan mo silang lumilipad patungo sa Kataas-taasang Layunin, ang Pook na kung saan ang banal na Puno ng Lote ay ibinubulalas ang: Tunay na walang Diyos liban sa Akin, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat.

Napakalaki ang iyong pagpapala, dahil sa ika’y naglalakbay sa mga lupain ng Diyos, at naging larawan ng kaligayahan at katiyakan sa mga tao ng Bahá na tinalikuran ang lahat liban sa Kaniya, at itinuon ang kanilang mga puso sa Bulwagang ito na nagsabog ng Kaniyang kaningningan sa lahat ng mga kaharian, at winisikan ang mga iyon mula sa umaalong mga tubig ng Karagatang ito kung saan ikaw mismo’y winisikan—isang Karagatang sumasaklaw sa lahat ng nilikhang bagay.

Ika’y maghatol nang makatarungan, Aking ipinag-uutos sa iyo sa ngalan ng Diyos. Anong katibayan ang ibinigay ng mga Hudyong teologo upang hatulan Siya Na Espiritu ng Diyos, nang dumating Siya sa kanilang taglay ang katotohanan? Ano kaya ang katibayang ipinakita ng mga Pariseo at ng mga paring sumasamba sa mga diyus-diyusan upang bigyang-katwiran ang kanilang pagtatatuwa kay Muḥammad, ang Apostol ng Diyos, nang Siya’y dumating sa kanila na taglay ang isang Aklat na nagpasiya nang makatarungan sa pagitan ng katotohanan at ng kasinungalingang pinagbago ang karimlan sa daigdig na maging liwanag, at pinagalak ang mga puso ng mga nakakilala sa Kaniya? Tunay na iyong ipinakita, sa araw na ito, ang gayunding mga katibayang iniharap ng hangal na mga teologo ng panahong iyon. Dito’y sumasaksi Siyang Hari ng kaharian ng pagpapala sa dakilang Bilangguang ito. Sa katotohanan iyong tinahak ang kanilang mga landas, hindi lamang iyon, kundi, iyong nahigitan sila sa kanilang kalupitan at itinuring ang iyong sarili na tumutulong sa Pananampalataya at ipinagtatanggol ang Batas ng Diyos, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat. Sa pamamagitan Niyang Katotohanan! Ang iyong kawalan ng katarungan ang naging sanhi ng pagdaing ni Gabriel, at nagpaiyak sa Batas ng Diyos, na sa pamamagitan nito ang mga simoy ng katarungan ay humihip sa lahat ng mga nasa langit at ng mga nasa lupa. Iyo bang inakala na ang hatol na ipinataw mo ay magbibigay ng kapakinabangan sa iyo? Hindi, saksi Siyang Hari ng lahat ng mga Pangalan. Sumasaksi sa iyong pagkariwara Siya Na ang kaalaman sa lahat ng bagay ay nasa Kaniya ayon sa nakatala sa pinangalagaang Tableta. Nang iyong isulat ang iyong hatol, ika’y isinakdal ng pinakasarili mong panulat. Sumasaksi rito ang Panulat ng Diyos, ang Pinakamataas, sa Kaniyang di-maaabot na katayuan.

O ikaw na naligaw! Alinman sa hindi mo Ako nakita, ni nakipag-ugnayan sa Akin, ni naging Aking kasama sa bahagyang sandali. Kung gayon, sa anong kadahilanang inatasan mo ang mga tao na Ako’y murahin? Iyo bang sinunod, sa bagay na ito, ang mga udyok ng iyong sariling mga hangarin, o iyo bang sinunod ang iyong Panginoon? Magpakita ka ng palatandaan, kung ika’y isa sa mga makatotohanan. Pinatutunayan Namin na inihagis mo sa iyong likuran ang Batas ng Diyos, at nangapit sa mga utos ng mga simbuyo ng iyong damdamin. Wala, sa katunayan, ang nakalalampas sa Kaniyang kaalaman; Siya, sa katunayan, ang Walang-kahambing, ang Nakababatid ng Lahat. O ikaw na pabaya! Makinig doon sa ipinahayag ng Mahabagin sa Qur’án: ‘Huwag sabihin sa iyong bawat nakakatagpo ang pagbati na “Ika’y hindi sumasampalataya.’” Ganiyan ang ipinag-utos Niya na nasa Kaniyang kamay ang mga kaharian ng Rebelasyon at ng nilikha, kung ika’y nabibilang sa kanila na nakikinig. Iyong isinaisantabi ang utos ng Diyos, at nangapit sa mga udyok ng sarili mong mga pagnanasa. Pighati, kung gayon, ang mapasasaiyo, O pabayang nag-aalinlangan! Kung Ako’y iyong itinatatuwa, sa anong katibayan mo mapatutunayan ang katotohanan na iyong dinadala? Ipakita ito, kung gayon, O ikaw na nakipantay sa Diyos, at lumayo mula sa Kaniyang dakilang kapangyarihan na sumaklaw sa mga daigdig!

Tunay na iyong nabatid ang kahulugan ng pagbibigay ng tulong sa Diyos at ika’y nagbangon upang matamo ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng karunungan at pananalita. Sabihin: Ang tulungan Ako ay ang ituro ang Aking Kapakanan. Ito’y isang paksang nilalaman ng kabuuan ng mga Tableta. Ito ay ang di-nagbabagong utos ng Diyos, walang-hanggan noong nakaraan, walang-hanggan sa hinaharap. Unawain ito, O mga táong may maliwanag na pang-unawa. Silang mga lumampas sa mga hangganan ng karunungan ay nabigong maunawaan ang kahulugan ng pagtulong sa Diyos na inilahad sa Aklat. Sabihin: Matakot sa Diyos at huwag maghasik ng mga binhi ng pag-aaway sa mga tao. Sundin yaong iniutos sa inyo ng inyong Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakaaalam ng Lahat. Kaniyang nababatid ang ganap na katotohanan ng tagumpay at itinuro ito sa inyo sa pamamagitan ng isang salita na hindi kailanman mapasasama ng mga walang-kabuluhang kathang-isip nilang mga lumbay na lumbay na nagpapagala-gala sa kaparangan ng pag-aalinlangan.

O Aking Pangalan! Tulutan na muling lubos na makainom ang lahat ng nilikhang bagay mula sa kalis na naging sanhi ng pagtaas ng mga karagatan. Pagningasin kung gayon, sa mga puso ang naglalagablab na apoy na sinindihan nitong crimson na Puno, nang sa gayon sila’y magsibangon upang purihin at dakilain ang Kaniyang Pangalan sa gitna ng mga sumusunod sa lahat ng mga Pananampalataya.

O ikaw na hangal! Iyong alamin na ang tunay na marunong ay siyang tumanggap sa Aking Rebelasyon, at uminom mula sa Karagatan ng Aking kaalaman, at pumailanlang sa himpapawid ng Aking pag-ibig, at itinapon ang lahat liban sa Akin, at nangapit nang mahigpit doon sa ipinadala mula sa Kaharian ng Aking kamangha-manghang pananalita. Siya, sa katunayan, ay katulad ng mata sa sangkatauhan, at bilang espiritu ng buhay sa katawan ng buong nilikha. Luwalhatiin ang Mahabagin sa Lahat Na nagbigay ng liwanag sa kaniya, at tinulutan siyang magbangon at maglingkod sa Kaniyang dakila at makapangyarihang Kapakanan. Tunay na ang gayong tao ay pinagpapala ng Kalipunan sa kaitaasan, at ng mga nananahan sa Tabernakulo ng Karingalan, yaong mga uminom mula sa Aking naselyohang Alak sa Aking Ngalan, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Malakas sa Lahat. O Báqir! Kung ika’y nabibilang doon sa mga nakaupo sa gayong napakadakilang katayuan, magpakita ng palatandaan mula sa Diyos, ang Maylikha ng mga kalangitan. At kung iyong tatanggapin ang iyong kawalan ng kapangyarihan, pigilan mo ang iyong mga simbuyo ng damdamin, at bumalik sa iyong Panginoon, upang baka sakali’y patawarin Niya ang iyong mga kasalanan na naging sanhi ng pagkatupok ng mga dahon ng Banal na Puno ng Lote, at ng pagtangis ng Bato, at ng pagluha ng mga mata ng mga táong nakauunawa. Dahil sa iyo ang Lambong ng Kabanalan ay napilas, at ang arko’y lumubog, at ang Babaeng Kamelyo ay napilayan at ang Espiritu ay dumaing sa Kaniyang dakilang pahingahan. Makikipagtalo ka ba sa Kaniya Na dumating sa iyo na taglay ang mga katibayan ng Diyos at ang Kaniyang mga palatandaang taglay mo at taglay nilang mga nananahan sa daigdig? Buksan ang iyong mga mata nang sa gayo’y masilayan mo Siyang Pinagkasalahang ito na nagliliwanag mula sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng kalooban ng Diyos, ang Hari, ang Katotohanan, ang Maningning. Buksan, kung gayon, ang tainga ng iyong puso upang iyong marinig ang salita ng Banal na Puno ng Lote na sa katotohanan ay pinalakas ng Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya. Tunay na ang Punong ito, sa kabila ng mga bagay na sumapit dito sanhi ng iyong kalupitan at ng mga paglabag ng mga katulad mo, ay malakas na nananawagan at tinatawag ang lahat ng mga tao tungo sa Sadratu’l-Muntahá at sa Kataas-taasang Sugpungang-guhit. Pinagpala ang kaluluwang nasilayan ang Pinakadakilang Palatandaan, at ang taingang nakarinig sa Kaniyang pinakamalamyos na Tinig, at pighati sa sinumang lumayo mula rito at gumawa nang masama.

O ikaw na lumayo sa Diyos! Kung ika’y titingin sa pamamagitan ng mata ng pagkamakatarungan sa Banal na Puno ng Lote, masisilayan mo ang mga tanda ng iyong espada sa mga sanga nito, at sa mga dahon nito, sa kabila ng pagkalikha sa iyo ng Diyos sa layuning kilalanin at paglingkuran ito. Magnilay-nilay, upang baka sakali’y matanto mo ang iyong kawalan ng katarungan at mabilang sa mga nagsisisi. Akala mo ba’y natatakot Kami sa iyong kalupitan? Iyong alamin at maging lubos na nakatitiyak na mula sa unang araw nang ang tinig ng Pinakadakilang Panulat ay pinalakas sa pagitan ng lupa at langit Aming inialay ang Aming mga kaluluwa, at ang Aming mga katawan, at ang Aming mga anak na lalaki, at ang Aming mga ari-arian sa landas ng Diyos, ang Maringal, ang Dakila, at Kami’y nagluluwalhati roon kasama ang lahat ng nilikhang bagay at ng Kalipunan sa kaitaasan. Sumasaksi rito ang mga bagay na dinanas Namin sa tuwid na Landas na ito. Saksi ang Diyos! Ang Aming mga puso ay natupok, at ang Aming mga katawan ay ipinako sa krus, at ang Aming dugo ay dumanak, habang ang Aming mga mata ay nakatuon sa sugpungang-guhit ng mapagmahal na pagkakandili ng kanilang Panginoon, ang Saksi, ang Nakakikita ng Lahat. Habang lumulubha ang kanilang mga pighati, higit na tumitindi ang pag-ibig ng mga tao ng Bahá. Sa kanilang katapatan ay sumasaksi ang ipinadala ng Mahabagin sa Lahat sa Qur’án. Sinabi niya: “Hangarin mo, kung gayon, ang kamatayan, kung ika’y matapat.” Sino ang dapat piliin, siyang ikinubli ang kaniyang sarili sa likod ng mga kurtina, o siyang inialay ang kaniyang sarili sa landas ng Diyos? Maghatol nang makatarungan, at huwag mabilang sa kanila na mga nagpapagala-gala nang ligalig sa kagubatan ng kasinungalingan. Lubhang natangay sila ng nabubuhay na mga tubig ng pagmamahal ng Pinakamahabagin, na hindi sila napigilan ng mga sandata ng daigdig ni ng mga espada ng mga bansa mula sa pagtutok ng kanilang mga mukha tungo sa karagatan ng biyaya ng kanilang Panginoon, ang Nagbibigay, ang Bukas-palad.

Napakaraming mga liham mula sa iyo ang ibinigay sa Aming Trono. Binasa Namin ito bilang isang tanda ng pagpapala mula sa Aming panig, at sa bawat pangalang iyong binanggit doon ay ipinahayag Namin yaong makapupukaw ng sigla sa mga kaisipan at magiging sanhi upang pumailanlang ang mga espiritu. Bukod dito ika’y paulit-ulit Naming tinulutang makinig sa mga awit ng mga ibon ng kalangitan at maikiling ang iyong tainga sa mga awit ng mga ruwisenyor habang pinadadaloy nila ang kanilang mga melodiya sa ibabaw ng mga sanga. Sa gayon ang Panulat ng Diyos ay pinakilos sa paggunita sa iyo upang harinawa’y iyong mapaalalahanan ang mga tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pananalitang ito na banal na itinadhana ng Maykapal na maging tagapagpahayag ng mga palatandaan ng Kaniyang kaluwalhatian.

Pinagpala ang pook kung saan ang awit ng Kaniyang papuri ay pinalakas, at pinagpala ang taingang nakinig doon sa ipinadala mula sa kalangitan ng mapagmahal na kagandahang-loob ng iyong Panginoon, ang Mahabagin sa Lahat.

Sa pamamagitan ng Diyos! Ang mga kaligaligan ay nabigong sirain ang Aking loob, at ang pagtatatuwa ng mga teologo ay walang lakas na papanghinain Ako. Ako’y nakapagsalita na, at patuloy na magsasalita pa sa harap ng mga tao: ‘Ang pinto ng Pagpapala ay nabuksan na at Siyang Panimulang-bukal ng Katarungan ay dumating na, taglay ang malinaw na mga palatandaan at hayag na mga pagpapatunay mula sa Diyos, ang Panginoon ng lakas at kapangyarihan!’ Iharap ang iyong sarili sa Akin, upang iyong marinig ang mga kahiwagaang narinig ng Anak ni ‘Imrán sa Sinai ng Karunungan. Sa gayon ika’y inaatasan Niya Na Pook ng Bukang-liwayway ng Kahayagan ng iyong Panginoon, ang Diyos ng Habag, mula sa Kaniyang Dakilang Bilangguan.

Ginawa ka bang palalo dahil sa pamumuno? Iyong basahin ang ipinahayag ng Diyos sa pinakamakapangyarihang Hari, ang Sulṭán ng Turkiya, na nagpakulong sa Akin dito sa pinatibay na muog, upang sa gayo’y iyong mabatid ang kalagayan Niyang Pinagkasalahang ito, sang-ayon sa utos ng Diyos, ang Iisa, ang Nag-iisa, ang Nakababatid ng Lahat. Nasisiyahan ka bang makita ang mga aba at walang-halaga bilang iyong mga tagasunod? Itinataguyod ka nila tulad ng mga táong nauna sa kanila, silang mga sumunod kay Annas, na kahit walang-malinaw na katibayan at pagpapatunay, ay naggawad ng hatol laban sa Espiritu.

Iyong payuhan ang mga tagapaglingkod ng Diyos doon sa ipinayo Namin sa iyo nang sa gayo’y makaiwas sila mula sa anumang ipinagbawal sa kanila sa Inang Aklat. Yaong mga nagsasagawa ng mga gawaing lilikha ng kaguluhan sa mga tao ay tunay na malayong nalilihis sa pagtulong sa Diyos at sa Kaniyang Kapakanan at nabibilang sa mga gumagawa ng kasamaan sa Tabletang itinalaga ng Diyos na maging pook ng bukang-liwayway ng lahat ng mga Tableta.

Sabihin: Kung Aming ikasisiya gagawin Naming magtagumpay ang Kapakanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng isang salita lamang mula sa Aming kinaroroonan. Siya sa katunayan ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nananaig sa Lahat. Kung hahangarin ito ng Diyos, lilitaw mula sa mga kagubatan ng makalangit na kapangyarihan ang di-malulupig na leon na ang lakas ng pag-atungal ay katulad ng dumadagundong na mga kulog sa mga kabundukan. Subalit dahil sa ang Aming mapagmahal na tangkilik ay nakahihigit sa lahat ng bagay, itinadhana Namin na ang ganap na tagumpay ay dapat makamtan sa pamamagitan ng pagsasalita at pananalita, upang sa gayon ang Aming mga tagapaglingkod sa buong daigdig, sa pamamagitan nito, ay maging tagatanggap ng banal na kabutihan. Ito’y pawang palatandaan lamang ng biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa kanila. Sa katunayan ang iyong Panginoon ang Nakasasapat sa Lahat, ang Pinakadakila.

Iyong basahin ang Kitáb-i-Íqán at yaong ipinadala ng Mahabagin sa Lahat sa Hari ng Paris at sa mga katulad niya, upang nawa’y mabatid mo ang mga bagay na naganap noong nakaraan at mahimok na hindi Namin nilayong magpalaganap ng kaguluhan sa bansa matapos itong maisaayos. Pinapayuhan Namin, alang-alang sa Diyos lamang, ang Kaniyang mga tagapaglingkod. Bayaan siyang nagnanais na bumaling sa Kaniya, at siyang nagnanais na lumayo rito. Ang Aming Pinginoon, ang Mahabagin, ay tunay na Nakasasapat sa Lahat, ang Pinupuri sa Lahat. O kalipunan ng mga teologo! Ito ang araw kung kailan walang bagay sa lahat ng mga bagay, ni walang pangalan sa lahat ng mga pangalan, ang inyong mapakikinabangan maliban lamang sa pamamagitan ng Pangalang ito na ginawa ng Diyos na maging Kahayagan ng Kaniyang Kapakanan at ang Panimulang-bukal ng Kaniyang Pinakamahusay na mga Titulo sa lahat ng nasa kaharian ng nilikha. Pinagpala yaong táong nakakilala sa halimuyak ng Mahabagin sa Lahat at nabilang sa mga matatag. Ang inyong mga agham ay hindi ninyo mapakikinabangan sa araw na ito, ni hindi ang inyong mga sining, ni hindi ang inyong mga kayamanan, ni hindi ang inyong kaluwalhatian. Itapon ang lahat ng mga ito sa inyong mga likuran, at itutok ang inyong mga mukha sa Pinakadakilang Salita, na sa pamamagitan nito ang mga Banal na Kasulatan at ang mga Aklat at ang maliwanag na Tabletang ito ay malinaw na inihayag. Itapon, O kalipunan ng mga teologo, ang mga bagay na isinulat sa pamamagitan ng mga panulat ng inyong walang-kabuluhang mga hinagap at walang-saysay na mga guni-guni. Sa pamamagitan ng Diyos! Ang Araw-bituin ng Kaalaman ay sumikat sa itaas ng sugpungang-guhit ng katiyakan.

O Báqir! Basahin at iyong gunitain yaong sinabi nang unang panahon ng isang mananampalataya na iyong kalahi: ‘Papatayin mo ba ang isang tao dahil sinabi niya na ang aking Panginoon ay ang Diyos, samantalang dumating na Siya sa inyo na taglay ang mga palatandaan ng iyong Panginoon? Kung siya’y sinungaling, mapapasakaniya ang kasinungalingan niya, ngunit kung siya’y táong makatotohanan, ang bahagi ng ibinabanta niya’y mapapasaiyo. Sa katotohanan hindi pinapatnubayan ng Diyos ang makasalanan, ang sinungaling.’

Sabihin: Matakot ka sa Diyos at huwag gumawa ng gayong mga gawaing magiging sanhi ng pagtangis ng Aking mga minamahal sa daigdig. Ganiyan ang habilin sa iyo nitong Panulat na nagpakilos sa Panulat ng Kaluwalhatian sa larangan ng karunungan at tunay na pang-unawa.

Ipaabot ang Aking mga pagbati sa kanila na ang mga mukha ay inilalarawan ang kaningningan ng Bahá, pagkatapos ay banggitin sa kanila ang pananalitang ito na nagbibigay-galak sa mga mata ng mga makatarungan. Ang luwalhati ng Diyos ay mapasaiyo at sa kanila na mga nangapit nang mahigpit sa Kordon ng Diyos, ang Nagpapahayag ng mga bersikulo.…

O ikaw na naliligaw ng landas! Kung ika’y may anumang alinlangan tungkol sa Aming kilos, alamin mo na sumasaksi Kami roon sa sinaksihan ng Diyos Mismo bago pa sa paglikha ng mga kalangitan at ang kalupaan, na walang ibang Diyos liban sa Kaniya, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat. Sumasaksi Kami na Siya’y Nag-iisa sa Kaniyang Pinakadiwa, Nag-iisa sa Kaniyang mga katangian. Walang makapapantay sa Kaniya sa buong sanlibutan, ni walang kabakas sa buong nilikha. Pinapunta Niya ang Kaniyang mga Tagapagpahayag, at ipinadala ang Kaniyang mga Aklat, upang harinawang maipahayag nila sa Kaniyang mga nilikha ang Tuwid na Landas.

Naipabatid na ba sa Sháh, at nagpasiyang ipikit ang kaniyang mga mata sa iyong mga ginawa? O siya ba’y sinakmal ng takot dahil sa pag-alulong ng pangkat ng mga lobong itinapon ang Landas ng Diyos sa kanilang mga likuran at sinunod ang iyong landas nang walang maliwanag na katibayan o Aklat? Narinig Namin na ang mga lalawigan ng Persiya ay nagagayakan ng palamuti ng katarungan. Nang masdan Namin nang mabuti, natuklasan Namin na ang mga ito ay mga pook ng bukang-liwayway ng paniniil at mga panimulang-bukal ng kawalan ng katarungan. Namamasdan Namin na ang katarungan ay mahigpit na hawak ng paniniil. Isinasamo Namin sa Diyos na palayain ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kaniyang lakas at Kaniyang kataas-taasang kapangyarihan. Siya, sa katunayan, ay nilililiman ang lahat ng nasa mga kalangitan at ng nasa kalupaan. Walang binigyan ng karapatang tumutol laban sa kaninuman kaugnay ng sinapit ng Kapakanan ng Diyos. Tungkulin ng sinumang nagbaling ng kaniyang mukha sa Maringal na Sugpungang-guhit na mangapit nang mahigpit sa kordon ng pagtitiyaga, at ilagay ang kaniyang pagtitiwala sa Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Di-napipigilan. O kayong mga minamahal ng Diyos! Inumin ang inyong bahagi mula sa bukal ng karunungan, at lumakad sa hardin ng karunungan, at pumailanlang kayo sa himpapawid ng karunungan, at magsalita nang may karunungan at kahusayan. Sa gayon kayo inaatasan ng inyong Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakaaalam ng Lahat.

Pigilan mo ang mga nananahan sa mga dakong iyon mula sa nakapupukaw ng poot na mga gawain, mula sa pag-aaway, pagtatalo o sa anupamang sanhi ng gulo. Yaong kapuri-puri sa mga araw na ito ay ang pagtataguyod sa Kapakanan. Halimbawa, kung ang mga táong iyon na nagsusulong ng ilang mga pakay ay itatalaga ang kanilang mga sarili sa pagtuturo ng Kapakanan, ang lahat ng mga nananahan sa mga dakong iyon, sa lalong madaling panahon, ay mapagkakalooban ng pandong ng pananalig.

Kung mababatid ng sinuman ang katamisan ng sumusunod na sipi sa Tabletang ipinahayag para kay Nabíl na taga Qá’in, agad niyang mauunawaan ang kahulugan ng pagtulong: Ang pananalita ng tao ay isang diwang naghahangad gamitin ang sarili nitong impluwensiya, at nangangailangan ito ng kahinahunan. Tungkol naman sa impluwensiya nito, ito’y nababatay sa kapinuhan, na nababatay naman sa mga pusong nakatiwalag at dalisay. Tungkol naman sa kahinahunan nito, ito’y kailangang sinasamahan ng mahusay na pakikitungo at karunungang ipinapayo sa mga Banal na Kasulatan at Tableta.

O Báqir! Huwag umasa sa iyong kaluwalhatian, at sa iyong kapangyarihan. Ika’y tulad ng huling bakas ng sikat ng araw sa tuktok ng bundok. Hindi magtatagal at ito’y maglalaho, sang-ayon sa utos ng Diyos, ang Nagmamay-ari ng Lahat, ang Pinakamataas. Ang iyong kaluwalhatian at ang kaluwalhatian ng mga katulad mo ay binawi na, at sa katotohanan ito ang itinalaga Niya Na ang Inang Tableta ay Kaniyang taglay. Saan matatagpuan siyang nakipagtalo sa Diyos, at saan pumunta siyang pinasinungalingan ang Kaniyang mga palatandaan, at lumayo sa Kaniyang dakilang kapangyarihan? Nasaan na silang mga pumatay sa Kaniyang mga pinili at pinadanak ang dugo ng Kaniyang mga banal? Magnilay-nilay, upang baka sakaling maunawaan mo ang mga bulong ng iyong mga kilos, O hangal na nag-aalinlangan! Dahil sa iyo ang Apostol ay umiyak, at Siyang Malinis ay nanangis, at ang mga bansa ay nawasak, at ang kadiliman ay sumapit sa lahat ng dako. O kalipunan ng mga teologo! Dahil sa inyo ang mga tao ay naging aba, at ang watawat ng Islám ay hinatak pababa, at ang makapangyarihang trono nito ay pinabagsak. Sa tuwing nagsikap ang isang tao na may maliwanag na pagkaunawa ay nangapit nang mahigpit doon sa magpapadakila sa Islám, nagsimula kayong maghiyawan, at sa gayon siya’y napigilang matamo ang kaniyang layunin, habang nanatiling nakalugmok ang bayan sa malinaw na pagkawasak.

Isipin ang Sulṭán ng Turkiya! Hindi niya nais ang digmaan, ngunit ang mga katulad mo’y hinangad ito. Nang sindihan ang mga apoy nito at ang mga lagablab nito ay tumaas, ang pamahalaan at ang mga mamamayan sa gayo’y nanghina. Sumasaksi rito ang bawat táong makatarungan at may pang-unawa. Ang mga kapahamakan nito ay napakalubha na ang usok nito ay pumalibot sa Lupain ng Hiwaga at sa paligid nito, at yaong ipinahayag sa Tableta sa Sulṭán ay ginawang mahayag. Ito sa gayo’y itinalaga sa Aklat, ayon sa utos ng Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

O Aking Pangalan! Ang pananalita ay dapat magtaglay ng tumatagos na kapangyarihan. Dahil kung salat sa katangiang ito, ito’y hindi magkakaroon ng impluwensiya. At ang tumatagos na impluwensiyang ito ay nababatay sa dalisay na espiritu at pusong walang dungis. Kailangan nito, gayundin, ang kahinahunan, na kung wala ito, hindi ito mababata ng nakikinig, sa halip ay magpapakita siya ng pagtutol mula sa pinakasimula. At ang kahinahunan ay matatamo sa pamamagitan ng paghahalo ng pananalita sa mga palatandaan ng banal na karunungan na nakatala sa banal na mga Aklat at mga Tableta. Samakatwid kung ang diwa ng pananalita ng isa ay pinagkalooban nitong dalawang kinakailangan, ito’y magiging ganap na mabisa at ito’y magiging pangunahing dahilan ng pagbabago ng mga kaluluwa ng tao. Ito ang kalagayan ng sukdulang tagumpay at makalangit na kapangyarihan. Sinuman ang nakatamo nito ay pinagkalooban ng kapangyarihang ituro ang Kapakanan ng Diyos at manaig sa mga puso at mga kaisipan ng mga tao.

O Aking Pangalan! Ang Araw-bituin ng pananalita, na sumisikat nang maningning mula sa panimulang-bukal ng banal na Kahayagan, ay lubhang pinagliwanag ang mga Pergamino at mga Tableta na ang kaharian ng pananalita at ang marangal na kapangyarihan ng pang-unawa ay sumisikdo sa galak at lubos na kaligayahan at nagliliwanag sa karingalan ng Kaniyang liwanag, ngunit hindi nauunawaan ng karamihan ng mga tao.

O Aking Kataas-taasang Panulat! Ihinto ang pagbanggit sa Lobo at Iyong gunitain ang Babaeng-Ahas na ang kalupitan ay naging sanhi ng pagdaing ng lahat ng nilikhang bagay, at ang pangangatal ng mga bisig ng mga banal. Sa gayon ika’y inaatasan ng Panginoon ng lahat ng pangalan sa maluwalhating katayuang ito. Siyang Malinis ay humiyaw dahil sa iyong kawalang-katarungan, at gayon pa man iyong inaakala na bahagi ka ng pamilya ng Apostol ng Diyos! Sa ganoon ka inuudyukan ng iyong kaluluwa, O ikaw na inilayo ang iyong sarili sa Diyos, ang Panginoon ng lahat ng naging at ng magiging. Maghatol ka nang makatarungan, O Babaeng-Ahas! Sa anong kasalanan na tinuklaw mo ang mga anak ng Apostol ng Diyos, at dinambong ang kanilang mga ari-arian? Itinatuwa mo ba Siyang lumikha sa iyo sa pamamagitan ng Kaniyang utos, ‘maging at ito’y naging’? Pinakitunguhan mo ang mga anak ng Apostol ng Diyos sa paraang di-maihahalintulad sa pakikitungo ni ‘Ád kay Húd, ni si Thámúd kay Ṣáliḥ, ni ng mga Hudyo sa Espiritu ng Diyos, ang Panginoon ng lahat ng nilalang. Tinututulan mo ba ang mga palatandaan ng iyong Panginoon na sa mismong pagbaba ng mga ito mula sa kalangitan ng Kaniyang Kapakanan ang lahat ng mga aklat ng daigdig ay yumuko sa harap ng mga iyon? Nilay-nilayin, nang iyong mabatid ang mga ginawa mo, O pabayang itinapon! Hindi magtatagal at ang mga bulong ng kaparusahan ay susunggaban ka, tulad ng pagsunggab nila sa ibang mga nauna sa iyo. Maghintay, O ikaw na nakipantay sa Diyos, ang Panginoon ng nakikita at ng di-nakikita. Ito ang araw na ipinatalastas ng Diyos sa pamamagitan ng dila ng Kaniyang Apostol. Magmuni-muni, upang iyong maunawaan ang ipinadala ng Mahabagin sa Lahat sa Qur’án at sa iniukit na Tabletang ito. Ito ang araw na kung kailan Siya Na Panimulang-bukal ng Rebelasyon ay dumating na taglay ang maliwanag na mga palatandaang di-mabilang ng sinuman. Ito ang araw na kung kailan ang bawat táong pinagkalooban ng kakayahang makabatid ay natuklasan ang halimuyak ng simoy ng Mahabagin sa Lahat sa daigdig ng nilikha, at ang bawat tao na may maliwanag na pagkaunawa ay nagmadali patungo sa nakabubuhay na mga tubig ng habag ng Kaniyang Panginoon, ang Hari ng Mga Hari. O ikaw na pabaya! Ang kuwento ng Pag-aalay ay muling isinalaysay, at siya na dapat ialay ay idinako ang kaniyang mga hakbang sa pook ng pag-aalay, at hindi bumalik, dahil sa ginawa ng iyong kamay, O suwail na namumuhi! Iyo bang inakala na magagawang hamakin ng pagmamartir ang Kapakanang ito? Hindi, sa pamamagitan Niya Na ginawa ng Diyos na maging Repositoryo ng Kaniyang Rebelasyon, kung ika’y nabibilang sa kanilang mga nakauunawa. Pighati ang sasapit sa iyo, O ikaw na nakipantay sa Diyos, at pighati ang sasapit sa kanila na mga kumilala sa iyo bilang kanilang pinuno, nang walang-malinaw na palatandaan o hayag na Aklat. Gaano karami ang mga maniniil na nauna sa iyong nagsibangon upang patayin ang liwanag ng Diyos, at gaano karami ang mga hindi maka-Diyos na pumatay at nandambong hanggang ang mga puso at ang mga kaluluwa ng tao ay dumaing dahil sa kalupitan nila! Ang araw ng katarungan ay pinalabo, dahil ang kinatawan ng paniniil ay naitaguyod sa trono ng pagkamuhi, at gayon pa man ang mga tao ay hindi nakaunawa. Ang mga anak ng Apostol ay pinatay at ang kanilang mga ari-arian ay dinambong. Sabihin: Sa iyong pagtaya, ang mga ari-arian ba nila o sila mismo yaong nagtatuwa sa Diyos? Maghatol nang makatarungan, o mangmang na natabingan ng lambong mula sa Diyos. Nangapit ka sa paniniil at itinapon ang katarungan, dahil dito ang lahat ng nilikhang bagay ay nanangis at ika’y patuloy pa ring nabibilang sa mga naliligaw ng landas. Ipinapatay mo ang matatanda, at ninakawan mo ang mga bata. Akala mo ba’y iyong magagamit ang natipon mo sa pamamagitan ng iyong kawalan ng katarungan? Hindi, saksi ang Aking Sarili! Sa gayon ipinababatid sa iyo Niya Na nakababatid ng lahat. Saksi ang Diyos! Ang mga bagay na iyong tinataglay ay hindi magbibigay ng kapakinabangan sa iyo, ni hindi ang mga natipon mo sa pamamagitan ng iyong kalupitan. Sumasaksi rito ang Iyong Panginoon, ang Nakaaalam ng Lahat. Ika’y nagbangon upang patayin ang liwanag ng Kapakanang ito; hindi magtatagal at ang iyong sariling apoy ay maaapula, ayon sa Kaniyang utos. Siya, sa katunayan, ay ang Panginoon ng lakas at ng kapangyarihan. Ang mga pagbabago at mga pagkakataon ng daigdig, at ang mga lakas ng mga bansa, ay hindi makahahadlang sa Kaniya. Ginagawa Niya ang Kaniyang ninanais, at iniuutos ang Kaniyang niloloob sa pamamagitan ng lakas ng Kaniyang dakilang kapangyarihan. Pag-isipan ang babaeng-kamelyo. Bagaman hayop lamang, subalit siya’y dinakila ng Mahabagin sa Lahat sa gayong mataas na katayuan na ang mga dila ng daigdig ay binanggit siya at ipinagdiwang ang kaniyang papuri. Sa katunayan, nilililiman Niya ang lahat ng nasa mga kalangitan at ng nasa kalupaan. Walang ibang Diyos liban sa Kaniya, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Dakila. Sa gayon pinalamutian Namin ang kalangitan ng Aming Tableta sa pamamagitan ng mga araw ng Aming mga salita. Pinagpala siyang nakapagtamo nito at naliwanagan sa pamamagitan ng kanilang liwanag, at pighati ang sasapit sa gayong mga lumayo, at tumanggi sa Kaniya, at naligaw nang malayo mula sa Kaniya. Purihin ang Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig!

Ang dahilan kung bakit ang paksa ng tulong at saklolo ay muli’t muling dumaloy at patuloy na dadaloy mula sa Panulat ng Maykapal ay upang balaan ang mga kaibigan ng Diyos na huwag silang makilahok sa mga gawaing magbubunga ng pag-aaway at kaguluhan. Tungkulin nila, ng bawat isa at ng lahat, na lubos na magpunyaging matamo ang mga pamamaraang makatutulong sa Kapakanan ng Diyos sa gayong gawi na Aming ipinaliwanag. Ito’y isang palatandaan lamang ng Kaniyang biyaya na tanging ipinagkaloob sa Kaniyang mga minamahal upang sa gayon ang bawat isa sa kanila ay matamo ang katayuang inilalarawan ng mga salitang: ‘Sinuman ang nagbigay-sigla sa isang kaluluwa ay tunay na binigyang-sigla ang buong sangkatauhan.’

Ang makalupang kapangyarihan ay naging at magpapatuloy na mapailalim sa anino ng katayuang ito. Ang takdang oras nito ay naitadhana na sa Aklat ng Diyos. Tunay na Kaniyang nababatid ito at ito’y maihahayag sa pamamagitan ng lakas ng Kaniyang kapangyarihan. Siya ang Malakas, ang Sumusupil sa Lahat, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat.

Nararapat na pag-isip-isipan at nilay-nilayin ng banal na mga kaluluwa sa kani-kanilang mga puso ang tungkol sa mga pamamaraan ng pagtuturo. Mula sa mga teksto ng kamangha-mangha, at makalangit na mga Kasulatan ay dapat nilang isaulo ang mga parirala at mga sipi kaugnay ng iba’t ibang kalagayan, upang habang nagsasalita sila’y mabibigkas nila ang banal na mga bersikulo kailanman ito hingiin ng pagkakataon, dahil sa ang banal na mga bersikulong ito ay ang pinakamabisang lunas, ang pinakadakila at pinakamakapangyarihang agimat. Ganoon kabisa ang impluwensiya ng mga ito na ang nakikinig ay hindi magkakaroon ng anumang dahilan upang mag-atubili. Isinusumpa Ko sa Aking buhay! Ang Rebelasyong ito ay pinagkalooban ng gayong kapangyarihan na ito ay kikilos bilang batubalani sa lahat ng mga bansa at mga kaanak ng daigdig. Kung ang isang tao ay hihinto sandali upang magninilay-nilay nang malalim, kaniyang mababatid na sa pagtakas ng sinuman walang pook, ni hindi maaaring magkaroon, na mapatutunguhan.

Sa ganitong gawi ipinahayag ang Kitáb-i-Aqdas na nahahalina at nasasaklaw ang lahat ng banal na itinadhanang mga Dispensasyon. Pinagpala yaong mga makababasa nito. Pinagpala silang mga nakauunawa rito. Pinagpala yaong mga magmumuni-muni rito. Pinagpala yaong magninilay-nilay sa kahulugan nito. Lubhang napakalawak ang saklaw nito na napaligiran nito ang lahat ng tao bago pa nila nakilala ito. Hindi maglalaon ang pinakadakilang lakas nito, ang laganap na bisa nito at ang kadakilaan ng kapangyarihan nito ay mahahayag sa kalupaan. Sa katunayan ang iyong Diyos ang Nakaaalam ng Lahat, ang Nakababatid ng Lahat.

O Aking Pangalan! Makinig ka sa Aking Tinig na nagmumula sa dako ng Aking Trono. Hangad Niyang banggitin ang iyong pangalan sa lahat ng panahon dahil pinatunayan mo na ika’y matatag sa lubos na pagpupuri sa Kaniyang mga katangian sa mga tao. Tunay na minamahal ng iyong Panginoon ang katapatang natagpuan sa kaharian ng nilikha, at binigyan Niya ito ng karapatang mauna sa karamihan ng kapuri-puring mga katangian. Tunay na Siya ang Malakas at Makapangyarihan.

Bukod dito iyong alamin na narinig Namin ang papuring inusal mo sa iyong pakikipagniig sa Diyos, ang iyong Panginoon, ang Dakila, ang Magiliw. Tunay na napakalaki ang pagpapalang naghihintay sa iyo, dahil iyong binawasan ang sarili mong mga gawain alang-alang dito sa di-malalabag, dito sa makapangyarihan at nagliliwanag na Kapakanan. Isinasamo Namin sa Diyos na gawing batubalani ang iyong panawagan na aakit sa mga sagisag ng mga pangalan sa daigdig ng nilalang upang ang lahat ng nilikhang bagay ay kusang-loob na magmadaling sumunod dito. Walang ibang Diyos liban sa Kaniya, ang Dakila, ang Mataas sa Lahat, ang Pinagpala, ang Maringal, ang Pinakakagalang-galang, ang Pinakamaluwalhati, ang Pinakamapagbigay-biyaya, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Nakababatid sa Lahat.

KITÁB-I-‘AHD: Ang Aklat ng Banal na Kasunduan

Kahit pa ang Kaharian ng Kaluwalhatian ay walang mga karangyaan ng daigdig, gayumpaman sa loob ng ingatang-yaman ng pagtitiwala at ganap na pagsang-ayon ng kalooban ay iniwan Namin sa Aming mga tagapagmana ang isang napakahusay at walang-kasinghalagang handog. Ang mga kayamanan ng daigdig ay hindi Namin ipinamana, ni hindi rin Namin idinagdag ang gayong mga alalahanin na kakailanganin ng mga ito. Saksi ang Diyos! Sa makalupang kayamanan ang takot ay natatago at ang panganib ay nalilihim. Nilay-nilayin ninyo at alalahanin yaong ipinahayag ng Mahabagin sa Lahat sa Qur’án ‘Kapighatian ang mararanasan ng bawat nagsisinungaling at naninirang-puri, siya na nag-iimpok ng mga kayamanan at nagbibilang ng mga iyon.’ Panandalian ang mga kayamanan ng daigdig; ang lahat ng naglalaho at nagbabago ay hindi, at kailanma’y hindi naging karapat-dapat sa pagpapahalaga, maliban lamang sa isang naitakdang sukat.

Ang layunin Niyang Pinagkasalahang ito sa pagbabata ng mga pighati at mga paghihirap, sa pagpapahayag ng mga Banal na Bersikulo at sa pagpapakita ng mga katibayan ay walang iba kundi ang pawiin ang lagablab ng pagkamuhi at poot, upang ang guhit-tagpuan ng mga puso ng tao ay maliwanagan ng liwanag ng pagkakasundo at matamo ang tunay na kapayapaan at katiwasayan. Mula sa pook ng bukang-liwayway ng banal na Tableta ang araw-bituin ng pananalitang ito ay buong-dingal na nagniningning, at nararapat sa bawat isa na ituon ang kaniyang paningin dito. Pinapayuhan Namin kayo, O mga tao ng daigdig, na gawin yaong makapagpapataas ng inyong katayuan. Mangapit nang mahigpit sa takot sa Diyos at matatag na panindigan yaong tumpak. Tunay na sinasabi Ko, ang dila ay para sa pagbanggit ng kabutihan, huwag itong dungisan ng hindi kanais-nais na pananalita. Pinatawad na ng Diyos ang nakaraan. Mula ngayon ang bawat isa ay dapat sabihin yaong karapat-dapat at kanais-nais, at dapat magpigil sa paninirang-puri, pagmamalabis at anumang makapagdudulot ng kalungkutan sa mga tao. Lubhang marangal ang katayuan ng tao! Hindi pa natatagalan na ang dakilang Salita na ito ay dumaloy mula sa ingatang-yaman ng Aming Panulat ng Kaluwalhatian: Dakila at pinagpala ang Araw na ito—ang Araw nang ang lahat ng natatago sa loob ng tao ay ibinunyag at gagawing mabunyag. Napakataas ang katayuan ng tao, kung siya’y mahigpit na mangangapit sa katarungan at katotohanan at mananatiling matatag at tapat sa Kapakanan. Sa mga mata ng Mahabagin sa Lahat, ang tunay na tao ay nagmimistulang isang kalangitan; ang araw at buwan nito ay ang kaniyang paningin at pandinig, at ang kaniyang nagniningning at kumikinang na ugali ang mga bituin nito. Nasa sa kaniya ang pinakamatayog na katayuan, at ang kaniyang impluwensiya ang magtuturo sa daigdig ng nilikha.

Ang bawat handang tumanggap na kaluluwang nakalanghap ng halimuyak ng Kaniyang damit sa Araw na ito at, nang may dalisay na puso, ay nagbaling ng kaniyang mukha tungo sa maluwalhati sa lahat na Guhit-tagpuan, ay ipinalagay na kabilang sa mga tao ng Bahá sa loob ng Crimson na Aklat. Hawakan ninyo, sa Aking Ngalan, ang kalis ng Aking mapagmahal na kagandahang-loob, at inumin, kung gayon, ang inyong bahagi sa Aking maluwalhati at kamangha-manghang alaala.

O kayong mga nananahan sa daigdig! Ang relihiyon ng Diyos ay para sa pag-ibig at pagkakaisa, huwag itong gawing sanhi ng pagkamuhi o pagtatalo. Sa mga mata ng mga táong may malinaw na pagkaunawa at sa mga nakakita sa Pinakadakilang Pangitain, anuman ang mabisang mga pamamaraan ng pangangalaga at pagtataguyod ng kaligayahan at kagalingan ng mga anak ng tao ay naipahayag na ng Panulat ng Kaluwalhatian. Ngunit ang mga hangal ng daigdig, dahil sa pinalaki sa masasamang simbuyo ng damdamin at hangarin, ay nananatiling pabaya sa ganap na karunungan Niya, na sa katotohanan, ay ang Siya na Marunong sa Lahat, samantalang ang kanilang mga salita at mga gawa ay inuudyukan ng mga walang-kabuluhang guniguni at walang-saysay na mga haka-haka.

O kayong mga minamahal at mga pinagkakatiwalaan ng Diyos! Ang mga hari ay ang mga kahayagan ng lakas, at ang mga panimulang-bukal ng kapangyarihan at kayamanan, ng Diyos. Manalangin kayo para sa kanila. Ipinagkaloob Niya sa kanila ang pamumuno sa daigdig at pinili Niya ang mga puso ng tao para sa Kaniyang Sariling kaharian.

Ang pag-aaway at pagtatalo ay walang-pasubaling ipinagbabawal sa Kaniyang Aklat. Ito ang utos ng Diyos sa Pinakadakilang Rebelasyong ito. Ito’y banal na pinangangalagaan mula sa pagpapawalang-bisa at pinagkalooban Niya ito ng kaluwalhatian ng Kaniyang pagpapatibay. Tunay na Siya ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat.

Tungkulin ng bawat isa na tulungan yaong mga pinanggagalingan ng kapangyarihan at mga pinagmumulan ng pamumuno na nagagayakan ng palamuti ng pagkamakatao at ng katarungan. Pinagpala ang mga pinuno at mga pantas sa mga tao ng Bahá. Sila ang Aking mga katiwala sa Aking mga tagapaglingkod at mga kahayagan ng Aking mga kautusan sa Aking mga tao. Harinawang mapasakanila ang Aking luwalhati, ang Aking mga pagpapala at ang Aking biyayang lumaganap sa daigdig ng nilalang. Kaugnay nito ang mga wikang ipinahayag sa Kitáb-i-Aqdas ay ganoon na mula sa guhit-tagpuan ng kanilang mga salita, ang liwanag ng banal na biyaya ay nagliliwanag nang maningning at maringal.

O kayong mga Sanga Ko! Isang makapangyarihang lakas, isang sukdulang kapangyarihan ang natatago sa daigdig ng nilalang. Ituon ang inyong mga paningin dito at sa nakapagbubuklod na bisa nito, at hindi sa mga pagkakaiba na lumilitaw mula rito.

Ang Habilin ng banal na May-akda ng Testamento ay ito: Tungkulin ng mga Aghsán, ng mga Afnán at ng Aking mga kaanak na ibaling ng bawat isa at ng lahat, ang kanilang mga mukha sa Pinakamakapangyarihang Sanga. Nilay-nilayin yaong ipinahayag Namin sa Aming Pinakabanal na Aklat: ‘Kapag ang karagatan ng Aking pagiging kapiling ninyo ay kumáti na at ang Aklat ng Aking Rebelasyon ay nagwakas na, ibaling ang inyong mga mukha sa Kaniya na nilayon ng Diyos, Siyang nagsanga mula sa Napakatandang Ugat na ito.’ Ang tinutukoy ng banal na bersikulong ito ay walang iba kundi ang Pinakamakapangyarihang Sanga [‘Abdu'l-Bahá]. Samakatwid, magiliw Naming ipinahayag sa inyo ang Aming makapangyarihang Habilin, at Ako sa katunayan ang Magiliw, ang Makapangyarihan sa Lahat. Tunay na itinalaga ng Diyos na ang katayuan ng Higit na Dakilang Sanga [Muḥammad ‘Alí] ay mapasailalim doon sa Pinakadakilang Sanga [‘Abdu'l-Bahá]. Siya sa katunayan ang Nagtatalaga, ang Marunong sa Lahat. Pinili Namin na ang “Higit na Dakila” na sumunod sa “Pinakadakila”, sang-ayon sa iniatas Niya Na Nakaaalam ng Lahat, ang Nakababatid ng Lahat.

Ipinag-uutos sa lahat na magpakita ng pagmamahal sa mga Aghsán, ngunit hindi sila binigyan ng Diyos ng karapatan sa mga ari-arian ng iba.

O kayo na Aking mga Aghsán, Aking mga Afnán at Aking mga Kamag-anakan! Pinapayuhan Namin kayong matakot sa Diyos, gumawa ng kapuri-puring mga gawain at isagawa yaong nararapat at naaangkop na magpapadakila sa inyong katayuan. Tunay na Aking sinasabi, ang takot sa Diyos ang pinakadakilang pinuno na makapagbibigay ng tagumpay sa Kapakanan ng Diyos, at ang mga hukbo na lagi at hanggang ngayon ay nararapat sa pinunong ito ay ang matuwid na ugali at ang dalisay at mabuting mga gawa.

Sabihin: O mga tagapaglingkod! Huwag tulutan ang pamamaraan ng kaayusan na maging dahilan ng kaguluhan at ang kaparaanan ng pagkakaisa na maging sanhi ng pagtatalo. Maligaya Kaming umaasa na papatnubayan ang mga tao ng Bahá ng banal na mga salitang: ‘Sabihin: ang lahat ng bagay ay mula sa Diyos.’ Ang dakilang pahayag na ito ay tulad ng tubig na sumusugpo sa apoy ng pagkamuhi at poot na nagbabaga sa mga puso at mga dibdib ng mga tao. Sa pamamagitan ng nag-iisang pahayag na ito, ang nag-aaway na mga tao at mga kaanak ay matatamo ang liwanag ng tunay na pagkakaisa. Tunay na Siya’y nagsasabi ng katotohanan at nag-aakay sa landas. Siya ang Malakas sa Lahat, ang Dakila, ang Magiliw.

Tungkulin ng bawat isa na magpakita ng paggalang at magkaroon ng pagpapahalaga sa mga Aghsán, upang sa ganoo’y luwalhatiin ang Kapakanan ng Diyos at dakilain ang Kaniyang Salita. Ang utos na ito ay muli't muling binanggit at itinala sa Banal na Kasulatan. Mapalad siyang makatutupad sa iniatas sa kaniya ng Nagtatalaga, ang Napakatanda sa Mga Araw. Bukod dito, inaatasan kayong igalang ang mga kasapi ng Banal na Sambahayan, ang mga Afnán at ang mga kamag-anakan. Pinapaalalahanan din Namin kayo na paglingkuran ang lahat ng mga bansa at magsikap para sa pagpapabuti ng daigdig.

Yaong makatutulong sa pagbabago ng daigdig at sa kaligtasan ng mga tao at ng mga kaanak ng daigdig ay ipinadala na mula sa kalangitan ng pananalita Niya Na Hangarin ng daigdig. Ibaling ang nakikinig na tainga sa mga payo ng Panulat ng Kaluwalhatian. Higit na mabuti ito para sa inyo kaysa sa lahat ng nasa daigdig. Sumasaksi rito ang Aking maluwalhati at kamangha-manghang Aklat.

LAWḤ-I-ARḌ-I-BÁ: Tableta sa Lupain ng Bá

Purihin Siyang pinarangalan ang Lupain ng Bá sa pamamagitan ng pagiging naroroon Niya na kung Kanino ang lahat ng mga pangalan ay umiinog. Ang lahat ng mga atomo ng kalupaan ay ipinahayag sa lahat ng nilikhang bagay na mula sa likod ng pinto ng Piitang-lunsod ay lumitaw, at mula sa ibabaw ng guhit-tagpuan nito, ay sumikat ang Globo ng kagandahan ng dakila, ng Pinakamakapangyarihang Sanga ng Diyos—ang Kaniyang napakatanda at di-mababagong Hiwaga—sa patuloy sa pagtungo nito sa ibang lupain. Ang kalungkutan, sa gayon, ay bumalot sa Piitang-lunsod na ito, habang ang ibang lupain ay nagsasaya. Dakila, di-masukat ang kadakilaan ng aming Panginoon, ang Naghugis ng mga kalangitan at ang Maylikha ng lahat ng bagay, Siya Na sa pamamagitan ng Kaniyang dakilang kapangyarihan ang mga pinto ng bilangguan ay nabuksan, at sa pamamagitan nito ang mga ipinangako sa mga Tableta noong naunang panahon ay natupad. Siya sa katunayan ay ang makapangyarihan sa anumang niloloob Niya, at sa Kaniyang kamay ay ang pangingibabaw sa buong nilikha. Siya ang Malakas sa Lahat, ang Nakaaalam sa Lahat, ang Marunong sa Lahat.

Pinagpala, ibayong pinagpala, ang lupaing tinapakan ng Kaniyang mga paa, ang matang lumigaya dahil sa kagandahan ng Kaniyang mukha, ang taingang pinarangalan dahil sa pakikinig sa Kaniyang panawagan, ang pusong nakatikim ng katamisan ng Kaniyang pagmamahal, ang dibdib na lumaki dahil sa Kaniyang paggunita, ang panulat na nagpahayag ng papuri sa Kaniya, ang pergaminong nagtataglay ng patotoo sa Kaniyang mga kasulatan. Isinasamo Namin sa Diyos—pinagpala at dakila Siya—na harinawang parangalan Niya kami na makita Siya sa madaling panahon. Siya, sa katotohanan, ay ang Nakaririnig ng Lahat, ang Makapangyarihan sa Lahat, Siya Na handang tumugon.

MGA HALAW MULA SA IBANG: MGA TABLETA

Pinatutunayan ng Diyos na walang ibang Diyos liban sa Kaniya, at Siya Na dumating mula sa kalangitan ng banal na rebelasyon ay ang Natatagong Lihim, ang Di-malirip na Hiwaga, Na ang Kaniyang pagsapit ay inihula sa mga Aklat ng Diyos at ibinalita ng Kaniyang mga Propeta at mga Sugo. Sa pamamagitan Niya ang mga kahiwagaan ay nalutas, ang mga lambong ay nagkapunit-punit at ang mga palatandaan at mga katibayan ay naisiwalat. Masdan! Siya’y naipahayag na ngayon. Ibinubunyag Niya ang anumang niloloob Niya, at nilalakad Niya ang matayog na mga pook ng kalupaan, nang taglay ang nangingibabaw na kamaharlikaan at kapangyarihan.

Pinagpala yaong malakas na dudurog sa mga diyus-diyusan ng walang-kabuluhang mga hinagap sa pamamagitan ng bisa ng Pangalan ng kaniyang Panginoon, Siyang nakapangyayari sa lahat ng mga tao.

O Aking Afnán! Maligaya Kaming banggitin ang iyong pangalan bilang tanda ng kagandahang-loob mula sa Aming panig, upang ang matatamis na halimuyak ng Aking alaala ay makaaakit sa iyo tungo sa Aking kaharian at maglalapit sa iyo sa Tabernakulo ng Aking kamaharlikaan na itinaas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pangalang ito—isang Pangalan na naging sanhi ng pagkayanig ng bawat saligan.

Sabihin: O mga tao ng daigdig! Sa pagkamakatarungan ng Diyos! Anuman ang ipinangako sa inyo sa mga Aklat ng inyong Panginoon, ang Hari ng Araw ng Pagbabalik, ay sumapit na at ginawang mahayag. Mag-ingat na baka ang mga pagbabago at mga pagkakataon ng daigdig ay makahadlang sa inyo mula sa Kaniya Na Pinakadakilang Katotohanan. Hindi magtatagal at ang lahat ng nakikita ay maglalaho at yaong ipinahayag lamang ng Diyos, ang Panginoon ng mga panginoon, ang mananatili.

Sabihin: Ito ang Araw ng mabuting mga gawa, kung iyo lamang nalalaman. Ito ang Araw ng pagluluwalhati sa Diyos, at pagpapaliwanag sa Kaniyang Salita, kung iyo lamang nababatid. Itapon ang mga bagay na laganap sa mga tao at mangapit nang mahigpit doon sa iniatas sa iyo ng Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap. Ang Araw ay mabilis na nalalapit kung kailan ang lahat ng mga kayamanan ng daigdig ay hindi magbibigay ng kapakinabangan sa iyo. Sumasaksi rito ang Panginoon, Siya na nagpapahayag ng: Sa katunayan walang Diyos liban sa Kaniya, ang Pinakadakilang Katotohanan, ang Nakaaalam sa mga bagay na di-nakikita.

Pinagpala ka, O Aking Afnán, yayamang ika’y labis na iginalang dahil sa iyong pagtanggap sa Aking mga Banal na Bersikulo, nilanghap ang matatamis na mga halimuyak ng Aking Rebelasyon at tumugon sa Aking Panawagan sa isang panahon na ang Aking mga tagapaglingkod at ang Aking mga nilikha, nang itinapon ang Inang Aklat sa kanilang likuran at nangapit sa mga utos ng mga tagapagtaguyod ng walang-kabuluhang mga hinagap at walang-saysay na guni-guni, ay binatikos Ako. Sa gayon ang Dila ng Karingalan ay nagsalita sa kaharian ng pananalita sang-ayon sa utos ng Diyos, ang Panginoon ng Nilikha.

Magpatuloy nang buong katapatan sa paglilingkod sa Kapakanan at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pangalan ng iyong Panginoon, ang May-ari ng lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita, ay pangalagaan ang katayuang ipinagkaloob sa iyo. Isinusumpa Ko sa pagkamakatarungan ng Diyos! Kung ipinaalam lamang sa sinuman yaong nalalambungan mula sa mga mata ng tao, siya’y lubhang magagalak na lilipad siya patungo sa Diyos, ang Panginoon ng lahat ng naging at ng magiging.

Harinawang ang Kaniyang kaluwalhatian ay mapasaiyo at sa gayong mga nakalapit sa Kaniya at naunawaan ang kahulugan noong itinala sa Tabletang ito ng dakilang Panulat ng Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nagmamahal sa Lahat.

---------------

Ang lahat ng papuri ay mapasa-Iyo, O aking Diyos, yamang Iyong pinalamutian ang daigdig ng karingalan ng bukang-liwayway na sumunod sa gabi nang isilang Siya Na nagbalita sa Kahayagan ng Iyong nangingibabaw na dakilang kapangyarihan, ang Panimulang-bukal ng Iyong banal na Diwa at ang Rebelasyon ng Iyong kataas-taasang pagka-Panginoon. Isinasamo Ko sa Iyo, O Maylikha ng mga kalangitan at Tagapaghugis ng mga pangalan, na buong-giliw na tulungan yaong mga nanganlong sa lilim ng Iyong masaganang habag at palakasin ang kanilang mga tinig sa gitna ng mga tao ng daigdig upang luwalhatiin ang Iyong Pangalan.

O Aking Diyos! Iyong namamasdan ang Panginoon ng buong sangkatauhan na nakapiit sa Kaniyang Pinakadakilang Bilangguan, malakas na tinatawag ang Iyong Pangalan, minamasdan ang Iyong mukha, ipinahahayag yaong masidhing nakapagpagalak sa mga nananahan sa Iyong mga kaharian ng paghahayag at ng nilikha. O Aking Diyos! Nakikita Ko ang Aking Sarili na bihag sa mga kamay ng Iyong mga tagapaglingkod, subalit ang liwanag ng Iyong kataas-taasang kapangyarihan at ang mga kahayagan ng Iyong di-malulupig na kapangyarihan ay sumisikat nang maningning mula sa Kaniyang mukha, tinutulutan na makatiyak ang lahat na Ikaw ay ang Diyos, at walang ibang Diyos liban sa Iyo. Ang lakas ng makapangyarihan ay walang-kakayahang makabigo sa Iyo, ni ang pangingibabaw ng mga pinuno ay hindi mananaig laban sa Iyo. Iyong ginagawa ang anumang Iyong niloloob sa pamamagitan ng Iyong kataas-taasang kapangyarihan na sumasaklaw sa lahat ng nilikhang bagay, at itinatadhana yaong Iyong ninanais sa pamamagitan ng lakas ng Iyong utos na laganap sa buong nilikha.

Ako’y lumuluhog sa Iyo sa pamamagitan ng luwalhati ng Iyong Kahayagan at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iyong lakas, ng Iyong kataas-taasang kapangyarihan at ng Iyong kadakilaan, na gawing matagumpay ang mga nagsibangon upang maglingkod sa Iyo, na tumulong sa Iyong Kapakanan at nagpakumbaba sa harap ng karingalan ng liwanag ng Iyong mukha. Gawin sila, kung gayon, O Aking Diyos, na maging matagumpay sa Iyong mga kaaway at gawin silang matatag sa paglilingkod sa Iyo, upang sa pamamagitan nila ang mga katibayan ng Iyong kapangyarihan ay maitatag sa kabuuan ng Iyong kaharian at ang mga tanda ng Iyong di-malulupig na lakas ay maihayag sa Iyong mga lupain. Tunay na Ika’y malakas upang gawin ang Iyong niloloob; walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

Ang maluwalhating Tabletang ito ay ipinahayag sa Anibersaryo ng Kaarawan [ng Báb] upang nawa’y iyong usalin ito sa espiritu ng pagpapakumbaba at pagmamakaawa at magbigay pasasalamat sa Iyong Panginoon, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Nakababatid ng lahat. Gawin ang bawat pagsisikap upang makapaglingkod sa Diyos, nang mula sa iyo ay lumitaw yaong magpapanatiling buhay sa iyong alaala ang Kaniyang maluwalhati at dakilang kalangitan.

Sabihin: Luwalhatiin Ka nawa, O aking Diyos! Lumuluhog ako sa Iyo, sa pamamagitan ng Pook ng Bukang-liwayway ng Iyong mga palatandaan at sa pamamagitan ng Tagapaghayag ng Iyong malinaw na mga palatandaan, na ipagkaloob na aking magawang mangapit nang mahigpit, sa lahat ng pagkakataon, sa kordon ng Iyong mapagmahal na pagkakandili, at mangapit nang mahigpit sa laylayan ng Iyong pagiging bukas-palad. Ibilang ako, kung gayon, sa mga di-napigilan ng mga pagbabago at mga pagkakataon ng daigdig mula sa paglilingkod sa Iyo at sa pagiging matapat sa Iyo, na ang pananalakay ng mga tao ay walang-kapangyarihang pigilan sila mula sa pagdakila sa Iyong Pangalan at sa pagdiriwang sa Iyong papuri. Buong-giliw akong tulungan, O aking Panginoon, na magawa ang anumang Iyong minamahal at ninanais. Tulutan akong tuparin yaong magpapadakila sa Iyong Pangalan at magpapaningas sa apoy ng Iyong pag-ibig.

Ikaw sa katotohanan ang Nagpapatawad, ang Mapagbigay-biyaya.

----------------

O Ḥusayn! Ipagkaloob nawa ng Diyos na ika’y laging manatiling nagliliwanag at nagniningning, nasisinagan ng liwanag ng Araw ng Katotohanan, at harinawang mapalaya ang iyong dila sa pagdakila sa Pangalan ng Diyos, na iyon ay pinakakapuri-puri sa lahat ng mga gawain.

Isipin ang napakaraming mga kaluluwa na wari ay masidhing nananabik at nauuhaw, subalit nang umalon ang Karagatan ng nakabubuhay na mga tubig sa daigdig ng nilalang, sila’y nanatiling napagkaitan niyon, dahil sa sila’y nabigong talikuran ang walang-kabuluhang mga hinagap at maging lubos na may kamalayang makilala Siya Na Pakay ng lahat ng kaalaman. Ang kabiguang ito ay bilang kabayaran sa mga gawang nilikha ng kanilang mga kamay noon.

Ika’y magpasalamat sa Minamahal ng daigdig dahil buong-giliw ka Niyang tinulungan upang makamtan ang katiyakan sa maluwalhating Kapakanang ito. Magsumamo sa Kaniya na bukod dito ay gawin Niyang matatag doon ang Kaniyang mga minamahal, dahil ang mga nanunulsol na mga kasulatan ng mga gumagawa ng masama ay laganap at ang pag-iingay ng mga naghuhula ng kasamaan ay pinalakas. Maligaya silang itinapon sa kanilang likuran ang lahat liban sa Diyos at nangapit nang mahigpit doon sa iniutos sa kanila ng Panginoon ng lakas at kapangyarihan.

Ang Kaniyang kaluwalhatian ay mapasaiyo at mapasakanila na nagawang makilala at matanggap ang makapangyarihang Kapakanang ito.

----------------

Ito’y isang Tabletang ipinadala ng Panginoon ng lahat ng nilikha mula sa Kaniyang maluwalhating katayuan bilang parangal sa kaniya na naniwala sa Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nagmamahal sa Lahat.

Pinagpala ang manlalakbay na kinilala Siyang Hinahangad, at ang naghahanap na nakinig sa Panawagan Niyang Nilalayon ng buong sangkatauhan, at ang pantas na naniwala sa Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.

Gaano karami ang bilang ng mga marunong na lumihis sa landas ng Diyos at gaano karami ang mga táong salat sa karunungan ang nakabatid sa katotohanan at nagmadali patungo sa Kaniya, sinasabing, ‘Purihin Ka nawa, O Panginoon ng lahat ng mga bagay na nakikita at di-nakikita.’

Sa pagkamakatarungan ng Diyos! Ang guhit-tagpuan ng daigdig ay kumikinang sa liwanag ng Pinakadakilang Bituin, ngunit ang karamihan ng sangkatauhan ay hindi nakababatid nito. Sa katunayan Siya Na Pinakamakapangyarihang Katotohanan ay kumikilos sa harap ng mga mata ng lahat ng tao. Sumasaksi rito Siyang nagpapahayag sa pinakakaibuturan ng daigdig na, ‘Sa katotohanan walang ibang Diyos liban sa Akin, ang Makapangyarihan sa lahat ng bagay, maging ng nakaraan o ng hinaharap.’

Napakalaki ng pagpapala ng mananampalataya na itinutok ang kaniyang sarili tungo sa Kaniya at nakapasok sa Kaniyang kinaroroonan, at kasawian ang sasapit sa bawat di-sumasampalataya na tumalikod sa Diyos at sumunod sa suwail at sa itinakwil.

----------------

O kaibigan! Sa Bayán ay iniatas Namin sa bawat isa sa Pinakadakilang Rebelasyong ito na tumingin sa pamamagitan ng sarili niyang mga mata at makinig sa pamamagitan ng sarili niyang mga tainga. Ngunit nang ang sugpungang-guhit ng daigdig ay tinanglawan ng maningning na liwanag ng Rebelasyong ito, maraming tao ang nakalimot sa banal na utos na ito at inilubog ang kanilang mga sarili sa walang-kabuluhang mga hinagap na nilikha ng sarili nilang mga isipan. Tunay na ang mukha ng araw ng katarungan at walang-pagkiling ay natatago sa likod ng mga ulap ng walang-kabuluhang mga hinagap na naisip ng mga hangal. Samakatwid hindi na dapat pagtakahan na ang mga kilos ng mga ibon ng kadiliman ay tumatawag ng pansin. Sa pamamagitan ng lakas ng Pangalan ng Pinakamamahal, iyong anyayahan ang mga kaluluwang handang tumanggap sa banal na bulwagan ng Diyos, upang baka sakaling hindi sila manatiling napagkaitan sa makalangit na Bukal ng nakabubuhay na tubig. Siya sa katotohanan ang Magiliw, ang Nagpapatawad.

Ang masidhing pagtingin ng mapagmahal na kagandahang-loob ng Diyos—dakila at maluwalhati Siya—ay patuloy na nakatuon sa Kaniyang minamahal na mga kaibigan; tunay na Siya Yaong nakababatid at nakaaalaala.

---------------

O Javád! Ganoon ang kadakilaan ng Araw na ito na ang Oras mismo ay sinakmal ng linggatong, at ang lahat ng makalangit na Banal na Kasulatan ay pinatutunayan ang nakagagahis na kamaharlikaan nito. Sa Araw na ito ang Aklat ay taimtim na pinagtibay ang Kaniyang kaluwalhatian at ang Timbangan ay pinukaw na palakasin ang kaniyang tinig. Ito ang Araw kung kailan ang Ṣiráṭ ay nanawagan nang malakas: ‘Ako ang Tuwid na Landas’ at ang Bundok Sinai ay ibinulalas ang: ‘Sa katunayan dumating na ang Panginoon ng Rebelasyon.’

Nagapi ng kalasingan sa tiwaling mga pagnanasa, natagpuan ng mga tao ng daigdig ang kanilang mga sarili na nasa kalagayang natutulala. Sila, samakatwid, ay nahadlangan mula sa kamangha-manghang mga palatandaan ng Diyos, napigilang matamo ang sukdulang layunin, at napagkaitan ng masaganang mga pagdaloy ng banal na biyaya.

Nararapat sa mga tao ng Diyos ang maging mahinahon. Dapat nilang ibahagi ang Salita ng Diyos sang-ayon sa tanging sukat ng pagkaunawa at kakayahan ng tagapakinig, upang baka sakaling ang mga anak ng tao ay magising mula sa kanilang kapabayaan at ituon ang kanilang mga mukha sa Sugpungang-guhit na ito na di-masukat ang kadakilaang higit sa lahat ng sugpungang-guhit.

O Javád! Ang napakaraming mga biyaya ng Diyos ay naging palagian at patuloy na palaging ipagkakaloob sa iyo. Purihin ang Diyos! Ika’y ipinagsanggalang mula sa pinakamatinding pagkasindak at nagtagumpay na makalapit sa Pinakadakilang Biyaya sa isang panahon na ang lahat ng mga tao ay nahadlangan mula sa pagkilala sa walang-maliw na Hari dahil sa nakaharang na mga lambong ng panlabas na kaluwalhatian, alalaong baga ay ang mga teologo ng araw na ito. Iyong pakamahalin nang tulad ng sarili mong buhay itong patotoong ipinahayag ng Pinakamaluwalhating Panulat at pagsikapan mo nang buong lakas na pangalagaan ito sa pamamagitan ng bisa ng Pangalan Niyang Minamahal ng buong nilikha, upang ang sukdulang karangalang ito ay maging pananggol laban sa mga mata at mga kamay ng mga magnanakaw. Sa katunayan ang iyong Panginoon ay ang Tagapagpaliwanag, ang Nakaaalam ng Lahat.

Ipaabot ang mga pagbati Niyang Pinagkasalahang ito sa lahat ng minamahal na mga kaibigan sa pook na iyan at pukawin sa kanilang mga isipan ang Aming kamangha-mangha at dakilang mga alaala, upang baka sakaling matalikuran nila ang mga bagay-bagay na laganap ngayon sa kanila, maituon ang kanilang mga puso roon sa nauukol sa Diyos at manatiling nalilinis mula sa mga hindi kanais-nais na mga gawain at mga adhikain.

Harinawang ang kaluwalhatian ng Makapangyarihan sa Lahat, ang Marunong sa Lahat, ay mapasaiyo at sa kanila na mga nauugnay sa iyo.

-----------------

Binabanggit Namin siya na naakit sa Aming Panawagan nang ito’y pinalakas mula sa tugatog ng pumapailanlang na kaluwalhatian at itinuon ang kaniyang mukha sa Diyos, ang Panginoon ng nilikha. Siya’y nabibilang sa mga nakarinig at tumugon sa panawagan ng kanilang Panginoon sa isang panahon nang ang mga tao ng daigdig ay nababalot sa nadaramang mga lambong. Sumasaksi siya roon sa sinasaksihan ng Diyos, at kinikilala ang kaniyang pananalig doon sa inusal ng Dila ng Karingalan. Sumasaksi rito ang Panginoon ng mga Pangalan sa kamangha-manghang Tabletang ito.

O Aking dakilang Panulat! Ihatid sa kaniya, mula sa Akin, ang maligayang balita tungkol sa bagay na inilaan sa kaniya ng Diyos, ang Malakas, ang Makapangyarihan sa Lahat. Tunay na siya’y madalas na napalilibutan ng napakaraming pighati, at tunay na ang kaniyang mahabaging Panginoon ay Siya Na nakakikita at nakababatid ng lahat ng bagay. Magdiwang nang may labis na kaligayahan dahil ibinaling Niya Na Pinagkasalahang ito ang Kaniyang mukha sa iyo, binanggit ang iyong pangalan noong una at binabanggit sa sandaling ito mismo.

Sa Aking minamahal na mga kaibigan ay ibigay ang mga alaala sa Ngalan Ko at ipabatid sa kanila ang mga balita ng magiliw na mga biyaya ng kanilang Panginoon, ang Tagapagbigay, ang Bukas-palad sa Lahat. Mula sa dakilang katayuang ito ay ipinadadala Namin ang Aming mga pagbati sa mga mananampalatayang iyon na nangapit nang mahigpit sa Tiyak na Hawakan at uminom sa piling alak ng katapatan mula sa kamay ng pagkakandili ng kanilang Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinupuri sa Lahat.

Sa Araw na ito ang kakayahang makarinig ay bumulalas, ‘Ito ang aking Araw, kung kailan ako’y nakikinig sa kamangha-manghang Tinig na nagbubuhat sa bakuran ng Bilangguan ng aking Panginoon, ang Nakauunawa, ang Nakaririnig.’ At ang kakayahang makakita ay malakas na nanawagan, ‘Tunay na ito ang aking Araw, dahil nasisilayan ko ang Panimulang-bukal ng kaluwalhatian na sumisikat nang maningning ayon sa utos Niyang Nagtatadhana, ang Makapangyarihan sa Lahat.’ Pinagpala ang taingang nakarinig sa panawagan na, ‘Masdan, at makikita mo Ako.’ at maligaya ang matáng namasdan ang lubhang kamangha-mangang Palatandaan, na namimitak mula sa maningning na guhit-tagpuang ito.

Sabihin: O kalipunan ng mga pinuno at mga pantas at mga marunong! Ang Ipinangakong Araw ay dumating na at ang Panginoon ng mga Hukbo ay nagpakita na. Magdiwang nang may masidhing kagalakan dahil sa sukdulang kaligayahang ito. Tulungan Siya kung gayon sa pamamagitan ng lakas ng karunungan at ng pananalita. Sa gayon kayo’y inatasan Niya Na palaging nagpapahayag na, ‘Tunay na walang ibang Diyos liban sa Akin, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat.’

Harinawang ang Kaniyang kaluwalhatian ay mapasaiyo at doon sa iyong mga kasama at sa gayong mga nagtatangi sa iyo at nakikinig sa mga salita na iyong binibigkas sa pagluwalhati sa makapangyarihan at nangingibabaw na Rebelasyong ito.

------------------

O ikaw na nagtataglay ng Aking Pangalan, Júd [Biyaya]! Mapasaiyo ang Aking Kaluwalhatian. Makinig doon sa iyong narinig noong una nang ang Araw-bituin ng pagpapatunay ay maringal na nagniningning sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng ‘Iráq, nang ang Baghdád ay ang naging Luklukan ng Trono ng iyong Panginoon, ang Dakila, ang Makapangyarihan.

Sumasaksi Ako na ika’y nakinig sa melodiya ng Diyos at sa Kaniyang malamyos na mga punto, ibinaling ang iyong tainga sa huni ng Kalapati ng banal na Kahayagan at narinig ang Ruwisenyor ng katapatan na umaawit sa Sanga ng Kaluwalhatian: Tunay na walang ibang Diyos liban sa Akin, ang Walang-kahambing, ang Nakababatid ng Lahat.

O ikaw na nagtataglay ng Aking Pangalan! Ang mga sulyap ng mapagmahal na kagandahang-loob ng Diyos ay idinako at patuloy na idadako sa iyo. Habang nasa Kaniyang kinaroroonan ay iyong narinig ang Tinig ng Isang tunay na Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—at namasdan ang di-nalalambungang karingalan ng Liwanag ng banal na kaalaman. Saglit na magnilay-nilay! Gaano kadakila ang Pananalita Niya Na Pinakamakapangyarihang Katotohanan at gaano kaaba-aba ang walang-kabuluhang mga pangangatwiran ng mga tao! Ang natipong mga walang-saysay na hinagap ay binarahan ang mga tainga ng tao at pinigilan sila upang mapakinggan ang Tinig ng Diyos, at ang mga lambong ng karunungan ng tao at maling mga palagay ay hinadlangan ang kanilang mga mata na mamasdan ang karingalan ng liwanag ng Kaniyang mukha. Sa pamamagitan ng bisig ng kapangyarihan at lakas, iniligtas Namin ang ilang mga kaluluwa mula sa lusak ng napipintong pagkalipol at tinulutan silang makaabot sa Panimulang-bukal ng kaluwalhatian. Bukod dito ay inilahad Namin ang mga banal na kahiwagaan at sa pinakamalinaw na pananalita ay inihula ang mga magaganap sa hinaharap, nang sa gayon ni ang mga pag-aalinlangan ng di-matapat, ni ang mga pagtatatuwa ng mga suwail, ni ang mga bulong ng mga pabaya ay hindi maaaring makapigil sa mga naghahanap ng katotohanan mula sa Pinagmumulan ng liwanag ng Isang tunay na Diyos. Gayumpaman ang ilang mga tao ay waring sinakmal ng epilepsiya, ang iba nama’y binunot na tulad ng hungkag na mga tuod ng punongkahoy. Tinalikuran nila ang Diyos, ang Pinakadakila—Siya Na sa harap ng Kaniyang pagpapahayag ng isang bersikulo lamang, ang lahat ng mga Banal na Kasulatan ng naunang mga panahon at ng kamakailan lamang ay unti-unting napawi sa pagkaaba at kawalang-halaga—at itinuon ang kanilang mga puso sa bulaang mga kuwento at sumunod sa mga hungkag na pananalita.

Ika’y tiyak na uminom sa karagatan ng Aking pananalita at nasaksihan ang maningning na karingalan ng araw ng Aking karunungan. Narinig mo rin ang mga kasabihan ng mga di-naniniwala sa Diyos, na alinman sa hindi nalalaman ang mga saligan ng Pananampalataya o hindi natikman itong piniling Alak na ang selyo ay sinira sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Aking Pangalan, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap. Ika’y sumamo sa Diyos na ang mga mananampalatayang pinagkalooban ng tunay na pagkaunawa ay mapagpalang tutulutan na maisagawa yaong kasiya-siya sa Kaniya.

Nakapagtataka na, sa kabila nitong umaalingawngaw na Panawagan, sa kabila ng paglitaw ng kamangha-manghang Rebelasyong ito, napansin Namin na ang mga tao, ang karamihan sa kanila, ay itinutok ang kanilang mga puso sa mga kapalaluan ng daigdig at ganap na nasiraan ng loob at nabagabag dahil sa umiiral na mga pag-aalinlangan at masasamang mga mungkahi. Sabihin: Ito ang Araw ng Diyos Mismo; matakot kayo sa Diyos at huwag mabilang sa kanilang mga di-naniwala sa Kaniya. Itapon ang walang-kabuluhang mga kuwento sa inyong mga likuran at masdan ang Aking Rebelasyon sa pamamagitan ng Aking mga mata. Dito’y pinapayuhan kayo sa lahat ng makalangit na mga Aklat at Banal na mga Kasulatan, sa mga Pergamino at mga Tableta.

Bumangon upang paglingkuran ang Kapakanan ng iyong Panginoon; pagkatapos ay ibigay sa mga tao ang masayang balita tungkol sa maningning na Liwanag na ito na ang pagbubunyag nito ay ipinatalastas ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang mga Propeta at mga Sugo. Bukod dito paalalahanan ang lahat na maging mahinahon tulad ng ipinag-utos Niya, at sa Ngalan ng Diyos ay payuhan sila, nagsasabing: Tungkulin ng bawat isa sa Araw na ito ng Diyos na italaga ang kaniyang sarili sa pagtuturo ng Kapakanan nang may sukdulang pag-iingat at katatagan. Kung matutuklasan niya ang dalisay na lupa, hayaang ihasik niya ang binhi ng Salita ng Diyos, kung hindi higit na mabuti ang manatiling tahimik.

Kamakailan lamang ang pinakadakilang Salita na ito ay ipinahayag sa Crimson na Aklat ng Panulat na Maluwalhati sa Lahat: ‘Ang langit ng banal na karunungan ay natatanglawan ng dalawang bituin: ang pagsasanggunian at ang pagmamalasakit.’ Harinawang itulot ng Diyos na ang lahat ay matulungang makasunod sa mahalaga at pinagpalang salita na ito.

Ang ilang mga tao ay waring ganap na salat sa pang-unawa. Sa pangangapit sa kordon ng walang-kabuluhang hinagap hinadlangan nila ang kanilang mga sarili mula sa Tiyak na Hawakan. Isinusumpa Ko sa Aking buhay! Kung saglit nilang ninilay-nilayin nang may katarungan yaong ipinadala ng Mahabagin sa Lahat, sila, ang bawat isa at ang lahat, ay kusang bibigkasin ang mga salitang ito: ‘Tunay na Ikaw ang Katotohanan, ang hayag na Katotohanan.’

Nararapat sa iyo na ibaling ang iyong paningin sa lahat ng kalagayan sa Isang tunay na Diyos, at buong-sigasig na magsikap upang paglingkuran ang Kaniyang Kapakanan. Iyong gunitain noong ika’y nasa Aking kinaroroonan, sa loob ng Tabernakulo ng Kaluwalhatian, at narinig mula sa Akin yaong narinig Niya Na nakipag-usap sa Diyos [Moises] sa Sinai ng banal na kaalaman. Sa gayon ika’y Aming buong-giliw na tinulungan, ika’y tinulutang makilala ang katotohanan at binalaan ka, nang sa gayo’y makapagbigay ka ng pasasalamat sa iyong mapagbigay-biyayang Panginoon. Dapat mong pangalagaan ang napakadakilang katayuang ito sa pamamagitan ng lakas ng Aking Pangalan, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Matapat.

Ipaabot ang Aking mga pagbati sa Aking mga minamahal at tulutang mapakinggan nila ang Aking malamyos na Tinig. Sa gayon ika’y inaatasan Niya Na nag-atas sa iyo noong nakaraan; Ako sa katotohanan ay ang Nagtatadhana, ang Nakababatid ng Lahat. Ang kaluwalhatian ay mapasaiyo at mapasakanila na mga nakinig sa iyong mga salita tungkol sa napakahalagang Kapakanan na ito at yaong nagmamahal sa iyo alang-alang sa Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig.

-----------

O Ḥaydar! Narinig Niyang Pinagkasalahang ito ang iyong tinig na pinalakas sa paglilingkod sa Kapakanan ng Diyos at ganap na nababatid ang kaligayahang pinukaw ng Kaniyang pag-ibig sa iyong puso at ang iyong matitinding kirot ng paghihinagpis dahil sa sinapit ng Kaniyang mga minamahal. Isinusumpa Ko sa Panginoon ng habag! Ang buong daigdig ay nagapi ng dalamhati habang ang sangkatauha’y nataranta sa mga pag-aalinlangan at mga pagtatalo. Gayon kalubha ang pagsalakay ng mga kaaway sa mga tao ng Diyos, ang Panginoon ng mga Pangalan, na ang sukdulang Paraiso ay nananangis at ang mga nananahan sa pinakamataas na Kalangitan at sila na mga umiikot, araw at gabi, sa Trono ay malakas na dumaraing.

O ‘Alí! Ang mga kasawian at mga dalamhati ay walang-lakas na pigilan ang iyong Panginoon, ang Mahabagin sa Lahat. Tunay na Siya’y nagbangon upang itaguyod ang Pananampalataya ng Diyos sa ganoong paraan na ni ang nakagagahis na kapangyarihan ng daigdig ni ang panlulupig ng mga bansa ay hindi kailanman makababagabag sa Kaniya. Nananawagan Siya nang malakas sa pagitan ng lupa at langit, sinasabing: Ang Ipinangakong Araw ay dumating na. Ipinapahayag ng Panginoon ng nilikha na, sa katunayan, walang ibang Diyos liban sa Akin, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat.

O ‘Alí! Ang wala pa sa hustong gulang na kaisipan ay nais na patayin ang liwanag ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga bibig at apulain sa pamamagitan ng kanilang mga kilos ang lagablab ng Nag-aapoy na Palumpong. Sabihin, tunay na kahabag-habag ang inyong kalagayan, O kayong mga sagisag ng panlilinlang. Matakot kayo sa Diyos at huwag itatuwa ang makalangit na pagpapalang nagsabog ng liwanag sa lahat ng dako. Sabihin, Siyang Tagapagtaguyod ng natatagong Pangalan ay nagpakita na, kung nababatid lamang ninyo. Siya Na ang Kaniyang pagdating ay inihula sa makalangit na mga Banal na Kasulatan ay sumapit na, kung nauunawaan lamang ninyo. Ang sugpungang-guhit ng daigdig ay naliliwanagan ng mga karingalan nitong Pinakadakilang Kahayagan. Magmadali kayo nang may maningning na mga puso at huwag mabilang sa kanila na mga pinagkaitan ng pang-unawa. Ang takdang Oras ay dumating na at ang sangkatauha’y nagpahapay-hapay. Dito’y sumasaksi ang pinarangalang mga tagapaglingkod ng Diyos.

O Ḥaydar-‘Alí! Isinusumpa ko sa pagkamakatarungan ng Diyos! Hinipan na ng Pakakak ng Bayán ang Malakas na Tunog sang-ayon sa utos ng Panginoon, ang Mahabagin, at lahat ng nasa kalangitan at ng nasa kalupaan ay hinimatay maliban lamang sa ganoong itiniwalag ang kanilang mga sarili sa daigdig, nangangapit nang mahigpit sa Kordon ng Diyos, ang Panginoon ng sangkatauhan. Ito ang Araw na kung kailan ang kalupaan ay sumisikat nang maningning sa maringal na liwanag ng iyong Panginoon, ngunit ang mga tao’y naliligaw sa pagkakamali at nahahadlangan ng lambong. Hangad Namin na muling buhayin ang daigdig, subalit sila’y nagtikang wakasan ang Aking buhay. Sa gayon inudyukan sila ng kanilang mga puso sa Araw na ito—isang Araw na ginawang makinang ng maningning na liwanag ng mukha ng kaniyang Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas, ang Di-napipigilan. Pinalakas ng Inang Aklat ang Tinig nito, ngunit ang mga tao ay pinagkaitan ng pandinig. Ang Pinangalagaang Tableta ay makatotohanang ipinahayag, ngunit hindi ito binabasa ng karamihan sa sangkatauhan. Tinanggihan nila ang mapagmahal na tangkilik ng Diyos matapos itong ipadala sa kanila at nilayuan nila ang Diyos, ang Nakababatid ng mga bagay na di-nakikita. Nangapit sila nang mahigpit sa laylayan ng walang-kabuluhang mga hinagap, tinatalikuran nila ang natatagong Pangalan ng Diyos.

Sabihin, O kalipunan ng mga teologo! Maging makatarungan sa inyong paghatol, iniuutos Ko sa inyo sa pamamagitan ng Diyos. Ilahad kung gayon ang anumang mga pagpapatibay at mga pagpapatunay na inyong taglay, kung kayo’y nararapat na mabilang sa mga nananahan sa maluwalhating tahanang ito. Ituon ang inyong mga puso sa Panimulang-bukal ng Banal na Kahayagan upang maibunyag Namin sa inyong mga mata ang katumbas ng lahat ng ganoong mga bersikulo, mga katibayan, mga pagpapatunay, mga patotoo at mga palatandaan na taglay ninyo at ng mga kaanak ng daigdig. Matakot sa Diyos at huwag mabilang sa kanila na mga nararapat bigyan ng kaparusahan ng Diyos, ang Panginoon ng nilikha.

Ito ang Araw na kung kailan pinalakas ng Karagatan ng kaalaman ang Tinig nito at ibinunyag ang mga perlas nito. Kung inyo lamang nababatid ito! Ang kalangitan ng Bayán sa katotohanan ay itinaas sang-ayon sa utos ng Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap. Sumusumpa ako sa Diyos! Ang Pinakadiwa ng kaalaman ay bumulalas at nagsabi: Masdan! Siyang Pakay ng lahat ng kaalaman ay dumating na at sa pamamagitan ng Kaniyang pagdating ang mga Banal na Aklat ng Diyos, ang Magiliw, ang Mapagmahal, ay napalamutian. Ang bawat rebelasyon ng biyaya, ang bawat katibayan ng mabubuting biyaya ay nagbubuhat sa Kaniya at ito’y bumabalik sa Kaniya.

Matakot kayo sa Diyos, O kalipunan ng mga hangal, at huwag palasapin ng mga pagdurusa yaong mga walang ibang hinangad kundi ang niloloob ng Diyos. Bukod dito, kung makikinig kayo sa Aking panawagan, huwag ninyong sundin ang inyong makasariling mga hangarin. Ang araw ay nalalapit kung kailan ang lahat ng bagay na nakikita ngayon ay maglalaho at kayo’y mananangis dahil sa inyong pagkabigo sa inyong tungkulin sa Diyos. Dito’y sumasaksi ang iniukit na Tabletang ito.

Ika’y magdiwang nang may lubos na kagalakan dahil sa ika’y nagunita Namin ngayon at noong nakaraan. Tunay na ang kalugod-lugod na mga halimuyak ng alaalang ito ay mananatili at di-magbabago sa buong kawalang-hanggan ng mga Pangalan ng Diyos, ang Panginoon ng sangkatauhan. Magiliw na tinanggap Namin ang iyong mga dalangin, ang iyong papuri, ang iyong pagtuturo at ang mga paglilingkod na iyong ginawa alang-alang sa makapangyarihang Pahayag na ito. Pinakinggan din Namin yaong binigkas ng iyong dila sa mga pagpupulong at sa mga pagtitipon. Tunay na naririnig at nakikita ng iyong Panginoon ang lahat ng bagay. Binihisan ka Namin ng kasuotan ng Aking mabuting-kaluguran sa Aking makalangit na Kaharian, at mula sa Banal na Punong-Lote na inalagaan sa mga hangganan ng lambak ng kaligtasan at kapayapaan, na matatagpuan sa maningning na Pook sa ibayo ng maluwalhating Lungsod, ika’y malakas na tinatawag Namin at sinasabing: Sa katotohanan walang ibang Diyos liban sa Akin, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat. Nilikha ka Namin upang maglingkod sa Akin, upang luwalhatiin ang Aking Salita at upang ipahayag ang Aking Kapakanan. Itutok ang iyong mga lakas doon sa dahilan ng pagkalalang sa iyo sa pamamagitan ng Kalooban ng kataas-taasang Nagtatadhana, ang Napakatanda sa Mga Araw.

Sa sandaling ito Aming ginugunita ang mga minamahal Namin at ipinaaabot sa kanila ang masayang balita ng walang-maliw na pagpapala ng Diyos at ang mga bagay na inilaan sa kanila sa Aking maliwanag na Aklat. Pinagtiisan ninyo ang pangungutya ng mga kaaway alang-alang sa Aking pag-ibig at buong-katatagang nagbata sa Aking Landas ng napakatinding mga pahirap na ipinalasap sa inyo ng mga hindi maka-Diyos. Ako mismo’y sumasaksi rito, at Ako ang Nakaaalam ng Lahat. Gaano karami ang bilang ng mga pook na pinarangalan sa pamamagitan ng inyong dugo alang-alang sa Diyos. Gaano karami ang mga lunsod na kung saan pinalakas ang tinig ng inyong paghihinagpis at pinailanlang ang taghoy ng inyong pighati. Gaano karami ang mga bilangguan na kung saan kayo itinapon ng mga hukbo ng paniniil. Alamin ninyo nang may buong katiyakan na gagawin Niya kayong matagumpay, dadakilain kayo sa mga tao ng daigdig at ipakikilala ang inyong mataas na katayuan sa harap ng paningin ng lahat ng mga bansa. Tiyak na hindi Niya hahayaang mawala ang gantimpala sa Kaniyang mga tinatangkilik.

Mag-ingat na baka iyong ikalungkot ang mga gawang nilikha ng mga sagisag ng walang-kabuluhang hinagap o iyong ikalumbay ang mga kilos na isinagawa ng bawat suwail na maniniil. Iyong sunggaban ang kalis ng katapatan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kaniyang Pangalan, uminom kung gayon mula roon sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Diyos, ang Makapangyarihan, ang Pinakamalakas. Sa gayon ang Araw-bituin ng Aking mahabaging pagmamalasakit at mapagmahal na kagandahang-loob sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng Tabletang ito ay magliliwanag upang sa ganoo’y makapagbigay ka ng pasasalamat sa iyong Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat.

Ang luwalhating namitak nang buong-kaningningan buhat sa kalangitan ng Aking pananalita ay harinawang mapasaiyo at sa kanila na mga idinako ang kanilang mga sarili sa iyo at ibinaling ang kanilang mga tainga sa mga katagang binigkas ng iyong bibig tungkol sa maluwalhati, sa dakilang Kahayagang ito.

------------------

Sa pagkamakatwiran ng Diyos! Ang Inang Aklat ay ginawang mahayag, tinatawag ang sangkatauhan sa Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig, samantalang ipinapahayag ng mga karagatan: Ang Pinakadakilang Karagatan ay lumitaw na, na mula sa mga alon nito ay maririnig ang umaalingawngaw na panawagan: ‘Sa katunayan walang ibang Diyos liban sa Akin, ang Walang-kahambing, ang Nakaaalam ng Lahat.’ At ang mga punongkahoy na pinalalakas ang kanilang hiyawan ay nagsasabi: O mga tao ng daigdig! Ang tinig ng Banal na Punong-Lote ay malinaw na umuugong at ang nakatutulig na panawagan ng Panulat ng Kaluwalhatian ay malakas na umaalingawngaw: O mga tao ng daigdig! Makinig kayo at huwag mabilang sa mga pabaya. Ang araw ay nananawagan: O kalipunan ng mga teologo! Ang kalangitan ng relihiyon ay nahati at ang buwan ay nagkabiyak-biyak at ang mga tao ng daigdig ay natipon para sa bagong muling-pagkabuhay. Matakot kayo sa Diyos at huwag sundin ang mga udyok ng simbuyo ng inyong damdamin, bagkus ay sundin Siya Na sa Kaniya ay sumaksi ang mga Banal na Kasulatan ng Diyos, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat.

Ang pangyayari sa Sinai ay muling naganap sa Rebelasyong ito at Siyang nakipag-usap sa Bundok ay nananawagan nang malakas: Sa katunayan Siyang Hinahangad ay sumapit na, nakaluklok sa trono ng katiyakan, kung nababatid lamang ninyo. Pinayuhan Niya ang lahat ng tao na gawin yaong makatutulong sa pagdakila sa Pananampalataya ng Diyos at mamamatnubay sa sangkatauhan sa Kaniyang Tuwid na Landas.

Gaano kalaki ang bilang ng mga aping napuspos ng masidhing kagalakan dahil sa Panawagan ng Diyos! Gaano karami ang mga haring nagsibangon upang gumawa ng mga pananalakay na naging sanhi ng pagtangis ng mga kasamahan sa mataas sa lahat na Paraiso at ang pagtaghoy nang namimighating mga nananahan sa maluwalhating tahanang ito! Gaano kalaki ang napakaraming mahihirap na uminom sa piling alak ng banal na rebelasyon at gaano karami ang mayayaman na nilayuan, itinatuwa ang katotohanan at sinabi ang kanilang kawalan ng paniniwala sa Diyos, ang Panginoon nitong pinagpala at kamangha-manghang Araw!

Sabihin: Matakot kayo sa Diyos, pagkatapos ay sundin ang pagkamakatarungan sa inyong paghatol sa Dakilang Patalastas na ito, na kagyat na sumikat ito, ang bawat mahalagang patalastas ay yumuko nang mababa sa pagsamba. Sabihin: O kalipunan ng mga hangal! Kung itatatuwa ninyo Siya, sa anong katibayan ninyo patutunayan ang inyong katapatan sa naunang mga Sugo ng Diyos o paninindigan ang inyong pananalig doon sa ipinadala Niya buhat sa Kaniyang makapangyarihan at dakilang kaharian? Anong pakinabang ang ipinagkaloob sa inyo ng inyong mga ari-arian? Anong pagtatanggol ang ibinibigay sa inyo ng inyong mga kayamanan? Wala, isinusumpa ko sa Espiritu ng Diyos na lumaganap sa lahat ng nasa mga kalangitan at ng nasa kalupaan. Itapon ang mga tinipon ninyo sa pamamagitan ng mga kamay ng walang-kabuluhang mga hinagap at walang-saysay na mga haka-haka at mangapit nang mahigpit sa Aklat ng Diyos na ipinadala sa pamamagitan ng Kaniyang nananaig sa lahat at di-matitinag na kapangyarihan.

Ang iyong liham ay iniharap sa Kaniya Na Pinagkasalahang ito at ipinahayag Namin ang Tabletang ito bilang parangal sa iyo na mula rito ay isinabog ang halimuyak ng magiliw na tangkilik ng iyong Panginoon, ang Mapagmalasakit, ang Mapagbigay-biyaya. Isinasamo Namin sa Diyos na ika’y gawing tulad ng isang bandilang nakataas sa lunsod ng Kaniyang alaala, at dakilain ang iyong katayuan sa Kapakanang ito—isang Kapakanan na buhat sa lilim ng anino nito ay mamamasdan ng matatapat sa Diyos ang mga tao at mga kaanak ng daigdig na naghahanap ng masisilungan. Sa katunayan, ang iyong Panginoon ang nakaaalam at nakababatid. Bukod dito ay isinasamo Namin sa Kaniya na ika’y palusugin sa pamamagitan noong pinakamahusay na iningatan sa Kaniyang Aklat. Siya sa katotohanan ang nakaririnig at tumutugon sa panawagan.

Ika’y patuloy na magtiyaga sa pagtulong sa Kaniyang Kapakanan sa pamamagitan ng nagbibigay-lakas na kapangyarihan ng mga hukbo ng karunungan at pananalita. Sa gayon ito’y ipinag-uutos ng Diyos, ang Magiliw, ang Pinupuri sa Lahat. Pinagpala ang mananampalatayang yumakap sa Katotohanan sa Araw na ito, at ang táong may matibay na pagtitika na hindi kayang takutin ng mga hukbo ng paniniil.

Ang luwalhating sumikat sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng pananalita ay mapasaiyo at sa gayong mga mananampalataya na biglang hinawakan ang kalis ng Kaniyang naseselyohang alak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kaniyang Pangalan, ang Sariling-Ganap, at lubos na uminom sa kabila noong mga nagtakwil sa Kaniya Na dati nilang pinaniwalaan—silang mga nakipagtalo tungkol sa katotohanan ng Dakilang Pahayag na ito na pinagtibay ng Diyos sa Kaniyang itinatangi at napakatandang Aklat.

--------------

O Muḥammad Ḥusayn! Maging handa ka sa pagtanggap ng mga pagbuhos ng mapagmahal na kagandahang-loob ng Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig. Minarapat ng Mahabagin sa Lahat na ipagkaloob sa iyo ang mga perlas ng kaalaman mula sa Karagatan ng pagpapala ng Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakadakila.

Nasaan ang táong may maliwanag na pang-unawa na makakikilala at makauunawa sa katotohanan? Saan matatagpuan ang táong may pandinig na makikinig sa Aking kamangha-manghang Tinig na nananawagan mula sa kaharian ng kaluwalhatian? Nasaan ang kaluluwang magtutuon ng kaniyang mukha sa Banal na Punong-Lote sa ganoong gawi na alinman sa nakagagahis na kapangyarihan ng mga hari, o ng mararahas na kaguluhan ng kanilang mga mamamayan ay hindi makabibigo sa kaniya, pinalalakas ang kaniyang tinig sa gitna ng buong nilikha sa pamamagitan ng lakas ng karunungan at pananalita at pinatutunayan yaong pinatunayan ng Diyos, na sa katunayan ay walang ibang Diyos liban sa Kaniya, ang Malakas, ang Di-malulupig, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakaaalam, ang Marunong.

O Ḥusayn! Ang iyong pangalan ay binanggit sa Pinakadakilang Bilangguan sa harap Niya Na Pinagkasalahang ito at Aming ipinahayag sa iyo yaong walang mga aklat sa daigdig ang maaaring makatulad. Sumasaksi rito ang Hari ng kawalang-hanggan; subalit ang karamihan ng sangkatauha’y nabibilang sa mga pabaya. Mula sa pook ng bukang-liwayway ng pagpapatunay ay pinalakas Namin ang Panawagan sa lahat ng nananahan sa kaharian ng nilikha. Nabibilang sa mga tao ay yaong mga natangay ng halimuyak ng pananalita ng kanilang Panginoon sa gayong gawi na nilisan nila ang lahat ng nauugnay sa mga tao sa kanilang kasabikan na makarating sa bulwagang kinaroroonan ng Diyos, ang Panginoon ng makapangyarihang trono. Sa kanila’y mayroon ding mga lubhang natataranta at nag-aatubili. Ang iba’y nagmadaling lumipad sa pagtugon sa panawagan ng kanilang Panginoon, ang Napakatanda sa Mga Araw. Ang iba pa’y tinalikuran, itinatuwa ang katotohanan at sa katapusa’y hindi naniwala sa Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinupuri sa Lahat. At mayroon pang iba na naggawad ng hatol laban sa Kaniya nang may ganoong kalupitan na ang bawat marunong at nakababatid na kaluluwa ay nabagbag ang loob na maghinagpis. Buong giliw Namin silang tinawag sa ilog ng tunay na buhay, samantalang sila na may hayag na kawalan ng katarungan ay nag-utos na patuluin ang Aking dugo. Sa gayon ang Araw-bituin ng karunungan ay sumikat sa ibabaw ng sugpungang-guhit ng pananalita ng iyong Panginoon, ang Mahabagin sa Lahat. Kung iyong maaabot ang liwanag na ito, nararapat sa iyo na dakilain ang papuri ng iyong Panginoon at sabihin, nagbibigay ako ng pasasalamat sa Iyo, O Diyos ng mga daigidig.

Pinagpala ka at sila na mga nabigong hadlangan ng daigdig at ng mga kapalaluan nito mula rito sa maningning na Sugpungang-guhit.

Ipaabot ang Aking mga pagbati sa Aking mga minamahal. Pinapayuhan Namin silang gamitin ang karunungan ayon sa ipinag-utos sa Aking kamangha-manghang Aklat.

----------------

O Aking tagapaglingkod na babae at Aking dahon! Magdiwang nang may lubos na kagalakan yayamang ang iyong panawagan ay pumailanlang sa Banal na Punong Lote at tinugon mula sa maluwalhati-sa-lahat na Sugpungang-guhit. Tunay na walang ibang Diyos liban sa Akin, ang Siyang Pinagkasalahan, ang Itinapon.

Ibinunyag Namin ang Aming Sarili sa mga tao, inalis ang lambong ng Kapakanan; pinatnubayan ang buong sangkatauhan tungo sa Tuwid na Landas ng Diyos, ipinahayag ang mga batas at iniatas sa lahat yaong tunay na makabubuti sa kanila kapuwa sa daigdig na ito at sa susunod; subalit sila’y naggawad ng hatol na patuluin ang Aking dugo, kung kaya ang Dilag ng Langit ay masidhing nanangis, ang Sinai ay nalumbay at ang Matapat na Espiritu ay naghimutok nang namimighati.

Sa mga araw na ito hinadlangan ng mga tao ang kani-kanilang mga sarili buhat sa mga pagbuhos ng banal na pagpapala dahil sa pagsunod sa mga yapak ng bawat mangmang na naligaw ng landas. Itinapon nila ang Karagatan ng banal na kaalaman sa kanilang likuran at itinutok ang kanilang mga mata sa ganoong mga hangal na tao na nagpahayag bilang mga sanay at marurunong nang walang katibayan mula sa Diyos, ang Panginoon ng sangkatauhan.

Mapalad ka dahil sa tinalikuran mo ang mga walang-kabuluhang hinagap at nangapit nang mahigpit sa Kordon ng Diyos na di-mapuputol ng sinuman. Isaalang-alang ang mapagmahal na tangkilik ng Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian. Gaano karami ang mga hari’t reyna ng daigdig na, sa kabila ng masidhing pagnanasa, pananabik at paghihintay, ay nahadlangan sa Kaniya Na Hangarin ng daigdig, samantalang ito’y iyong natamo. Sa kalooban ng Diyos, harinawang iyong matupad ang isang gawa na ang halimuyak nito ay magtatagal ng kasintagal ng pananatili ng Pangalan ng Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian! Sa pagkamakatarungan ng Diyos! Ang taguring ‘O Aking tagapaglingkod na babae’ ay lubhang higit na mahusay kaysa sa anumang makikita sa daigdig. Hindi magtatagal at ang mga mata ng sangkatauhan ay maliliwanagan at magagalak sa pagtanggap doon sa ipinahayag ng Aming Panulat ng Kaluwalhatian.

Pinagpala ka at pinagpala ang inang nag-aruga sa iyo. Pahalagahan ang katayuang ito at magbangon upang paglingkuran ang Kaniyang Kapakanan sa ganoong paraan na ang walang-kabuluhang mga hinagap at mga pahiwatig ng mga nag-aalinlangan ay hindi makapigil sa iyo mula sa dakilang adhikaing ito. Ang Araw-bituin ng katiyakan ay sumisikat nang buong ningning subalit ang mga tao ng daigdig ay nangangapit pa nang mahigpit sa walang-kabuluhang mga guni-guni. Ang Karagatan ng banal na kaalaman ay tumaas na samantalang ang mga anak ng tao ay nangangapit pa sa laylayan ng mga hangal. Kung hindi sa walang-maliw na biyaya ng Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—walang lunas ang makagagamot kailanman sa talamak na mga sakit na ito.

Ipaabot ang Aking mga pagbati sa mga tagapaglingkod na babae ng Diyos sa dakong iyan at ibigay sa kanila ang masayang balita na ang Kaniyang mapagmahal na habag at pagpapala ay ipinagkaloob sa kanila. Tunay na dakila ang katayuang itinadhana Namin sa iyo. Nararapat sa iyo na magbigay ng papuri at pasasalamat sa iyong Panginoon, ang Mapagbigay-biyaya, ang Pinakabukas-palad. Luwalhatiin ang Diyos, ang Marangal, ang Dakila.

-----------------

Sa isang pagkakataon ang napakadakilang Salita na ito ay narinig mula sa Dila Niyang Nagmamay-ari ng lahat ng nilikha at ang Panginoon ng trono sa kaitaasan at ng kalupaan sa ibaba—dakila ang kaluwalhatian ng Kaniyang pananalita: Ang pagiging maka-Diyos at ang pagiging tiwalag sa lahat liban sa Diyos ay tulad ng dalawang pinakamaliwanag na mga bituin sa kalangitan ng pagtuturo. Pinagpala siyang nakapagtamo ng napakataas na katayuang ito, ang tahanang ito ng nangingibabaw na kabanalan at kadakilaan.

---------------------

Ito’y isang Tabletang ipinadala ng Mahabagin sa Lahat buhat sa Kaharian ng pananalita para sa lahat ng nananahan sa daigdig. Maligaya ang táong nakikinig at sumusunod at kasawian ang sasapit sa kaniya na nagkamali at nag-alinlangan. Ito ang Araw na tinanglawan ng maningning na liwanag ng Mukha ng Diyos—ang Araw na kung kailan ang Dila ng Karingalan ay malakas na nananawagan: Ang Kaharian ay sa Diyos, ang Panginoon ng Araw ng Muling-pagkabuhay.

Ang iyong pangalan ay binanggit sa Aming Harapan at minabuti Naming ipahayag sa iyo yaong di-maisasalaysay ng dila ng sinuman sa mga tao ng daigdig. Magsaya nang may labis na kagalakan dahil sa ika’y naalaala sa Pinakadakilang Bilangguan at ang Mukha ng Napakatanda sa Mga Araw ay bumaling sa iyo mula rito sa dakilang tirahan.

Tunay na ipinahayag Namin ang mga palatandaan, ipinakita ang di-mapabubulaanang mga katibayan at tinawag ang lahat ng mga tao tungo sa tuwid na Landas. Kabilang sa mga tao ay yaong mga tumalikod at itinatuwa ang katotohanan, ang iba’y naggawad ng hatol laban sa Amin nang walang pagpapatunay o pagpapatibay. Ang unang tumalikod sa Amin ay yaong mga espiritwal na pinuno ng daigdig—silang mga nananawagan sa Amin sa araw at sa gabi at binabanggit ang Aking Pangalan habang namamahinga sa kani-kanilang matatayog na trono. Ngunit nang ipahayag Ko ang Aking Sarili sa mga tao sila’y nagsibangon laban sa Akin sa ganoong gawi na kahit ang bato ay dumaing at mapait na naghinagpis.

Napakalaki ng iyong pagpapala dahil sa iyong pinakinggan ang Kaniyang Tinig, itinuon ang iyong mukha sa Kaniya at nakinig sa Panawagan ng iyong Panginoon nang Siya’y dumating na taglay ang di-malulupig na kapangyarihan at paghahari.

------------

O Aking tagapaglingkod na babae, O Aking dahon! Magbigay-pasasalamat ka sa Pinakamamahal ng daigdig dahil sa pagkakatamo ang walang-hanggang pagpapalang ito sa isang panahon nang ang marurunong at pinakabantog na mga tao sa daigdig ay nanatiling pinagkaitan nito. Ika’y tinagurian Namin na ‘isang dahon’ nang sa gayon, tulad ng mga dahon, ika’y pakilusin ng mahinay na hangin ng Kalooban ng Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—katulad ng mga dahon ng mga punong pinagagalaw ng paghihip ng malalakas na hangin. Magpasalamat ka sa iyong Panginoon dahil sa maningning na pananalitang ito. Kung mababatid mo lamang ang katamisan ng taguring ‘O Aking tagapaglingkod na babae’ matatagpuan mo ang iyong sarili na nakatiwalag sa buong sangkatauhan, taimtim na nakikipagniig araw at gabi sa Kaniya Na tanging Hangarin ng daigdig.

Sa mga katagang walang-katumbas ang kagandahan ay nagbigay Kami ng naaangkop na pagbanggit sa ganoong mga dahon at mga tagapaglingkod na babae na lubos na uminom mula sa nakabubuhay na mga tubig ng makalangit na biyaya at pinanatiling nakatuon ang kanilang mga mata sa Diyos. Tunay na maligaya at pinagpala sila. Hindi magtatagal at ipahahayag ng Diyos ang kanilang katayuan na di-mabibigkas nang angkop ng anumang salita ni di-mailalarawan nang sapat ng anumang paglalarawan.

Pinapayuhan ka Namin na gawin yaong paglilingkod na magtataguyod sa mga ikabubuti ng Kapakanan ng Diyos sa mga kalalakihan at kababaihan. Naririnig Niya ang panawagan ng mga kaibigan at nakikita ang kanilang mga kilos. Tunay na Siya ang Nakaririnig at ang Nakakikita.

Nawa’y mapasaiyo at mapasakanila ang kaluwalhatian ng Diyos, ang Makapangyarihan, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat.

----------------

O tagapaglingkod na babae ng Diyos! Makinig sa Tinig ng Panginoon ng mga Pangalan, na mula sa Kaniyang Bilangguan ay itinuon ang Kaniyang paningin sa iyo at ika’y binabanggit.

Ibinigay Niya ang tulong sa bawat manlalakbay, mapagmahal na tumugon sa bawat nananalangin at tinulutang makapasok ang bawat naghahanap ng katotohanan. Sa araw na ito ang Tuwid na Landas ay ginawang mahayag, ang Timbangan ng banal na katarungan ay inihanda at ang liwanag ng araw na Kaniyang biyaya ay pinagningning, subalit ang nagpapahirap na lagim ng mga tao ng paniniil, katulad ng mga ulap, ay namagitan at naging sanhi ng matinding hadlang sa pagitan ng Araw-bituin ng makalangit na pagpapala at ng mga tao ng daigdig. Pinagpala siyang pinunit ang namamagitang mga lambong at tinanglawan ng maningning na liwanag ng banal na Kahayagan. Isipin kung gaano karami ang mga nagpalagay sa kanilang mga sarili na kabilang sa mga marunong at mga dalubhasa, ngunit sa Araw ng Diyos sila’y pinagkaitan ng mga pagbuhos ng makalangit na mga biyaya.

O Aking dahon, O Aking tagapaglingkod na babae! Pasalamatan ang kahalagahan ng pagpapalang ito at ang mapagmahal na habag na ito na nakapalibot sa iyo at namatnubay sa iyong mga hakbang tungo sa Panimulang-bukal ng kaluwalhatian.

Ipaabot ang mga pagbati Niyang Pinagkasalahang ito sa gayong mga tagapaglingkod na babae na sumasamba sa Diyos at pagalakin ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng katiyakan ng Kaniyang mapagmahal na pagkakandili.

--------------

Ipako ang iyong paningin sa karunungan sa lahat ng bagay, dahil ito ay ang maaasahang lunas. Gaano kadalas nito ginawang maging mananampalataya ang di-sumasampalataya o ang kaaway na maging kaibigan? Ang pagsunod dito ay lubhang kinakailangan, yamang ang paksang ito ay inilahad sa napakaraming mga Tabletang ipinahayag buhat sa pinakamataas na kalangitan ng Kalooban Niya Na Kahayagan ng liwanag ng banal na pagkakaisa. Pinagpala silang mga kumikilos nang naaayon.

Patuloy na itutok ang iyong pansin doon sa magpapadakila sa Salita ng Diyos. Sa Pinakadakilang Rebelasyong ito ang mabuting mga gawa at kapuri-puring ugali ay itinuturing na mga hukbo ng Diyos, gayundin ang Kaniyang pinagpala at banal na Salita. Ang mga hukbong ito ay ang batubalani ng mga puso ng tao at ang mabisang paraan para sa pagbubukas ng mga pinto. Sa lahat ng mga sandata ng daigdig ito ang pinakamatalas.

Ika’y lumuhog sa Diyos na mapagmahal na tulungan ang lahat ng táong masunod yaong itinala ng Kaniyang maluwalhati sa lahat na Panulat sa banal na mga Aklat at mga Tableta.

--------------

Binabanggit Niya Na Pinagkasalahang ito siyang nagtuon ng kaniyang mukha sa Walang-kahambing, sa Nakaaalam ng Lahat, siyang sumasaksi sa Kaniyang kaisahan katulad ng pagsaksi ng Maluwalhati sa Lahat na Panulat habang ito ay mabilis na kumikilos sa larangan ng pananalita. Pinagpala ang kaluluwang nakakilala sa kaniyang Panginoon at pighati ang sasapit sa malubhang nagkamali at nag-alinlangan.

Ang tao’y katulad ng isang puno. Kung siya’y mapapalamutian ng mga bunga, siya’y naging at kailanma’y magiging karapat-dapat sa papuri at parangal. Kung hindi, ang punong walang bunga ay nararapat lamang sa apoy. Ang mga bunga ng puno ng tao ay katangi-tangi, lubhang minimithi at lubos na minamahal. Kabilang sa mga ito ay ang makatarungang pag-uugali, mabuting mga gawa at isang kanais-nais na pananalita. Ang panahon ng tagsibol para sa makalupang mga puno ng daigdig ay nagaganap minsan sa isang taon, samantalang ang para sa mga puno ng tao ay sumasapit sa mga Araw ng Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian. Kung ang mga puno ng buhay ng mga tao ay mapapalamutian sa banal na Tagsibol na ito ng mga bungang nabanggit, ang maningning na karingalan ng liwanag ng Katarungan ay tiyak na maliliwanagan ang lahat ng nananahan sa kalupaan at ang lahat ay mananahan nang mapayapa at masisiyahan sa ilalim ng nanganganlong na lilim Niya Na Hangarin ng buong sangkatauhan. Ang Tubig para sa mga punong ito ay ang nakabubuhay na tubig ng mga banal na Salita na binigkas ng Minamahal ng daigdig. Sa isang iglap ang gayong mga puno ay naitanim at ang kasunod na mga sanga nito ay umaabot na sa mga kalangitan sa pamamagitan ng pagbuhos ng mga ulan ng banal na habag. Ang tuyot na puno, gayumpaman, kailanma’y hindi naging o magiging karapat-dapat sa anumang pagbanggit.

Maligaya siyang matapat na nadaramitan ng kasuotan ng dakilang pagsisikap at nagbangon upang paglingkuran ang Kapakanang ito. Ang gayong kaluluwa ay tunay na natamo ang minimithing Layunin at naunawaan ang Pakay na dahilan ng pagkalikha nito. Ngunit, sa aba, sa di-mabilang na beses, ang mga suwail ay bumagsak sa alabok tulad ng mga tuyot na dahon. Hindi magtatagal at ang nakamamatay na mga bugso ng hangin ay tatangayin sila patungo sa pook na itinalaga para sa kanila. Mangmang silang dumating, mangmang silang magpapalakad-lakad, at mangmang silang babalik sa kanilang mga tahanan.

Ang daigdig ay patuloy na nagpapahayag ng mga salitang ito: Mag-ingat, ako’y naglalaho at gayundin ang lahat ng aking mga panlabas na anyo at kulay. Unawain ninyo ang mga pagbabago at mga pagkakataong nagaganap sa akin at gumising kayo mula sa inyong pagkahimbing. Gayumpaman, walang nakauunawang mata ang nakakikita ni walang-nakaririnig na tainga ang nakikinig.

Sa Araw na ito ang panloob na tainga ay bumubulalas at nagsasabi: Tunay na mapalad ako, ang araw na ito ay aking araw, dahil ang Tinig ng Diyos ay nananawagan nang malakas. At ang pinakabuod ng nakini-kinita ay nananawagan: Pinagpala ako, ito’y aking araw sapagkat ang Napakatandang Kagandahan ay maringal na nagniningning mula sa pinakadakilang Sugpungang-guhit.

Tungkulin ng mga tao ng Bahá na manalangin at magsumamo sa Panginoon ng mga Pangalan na baka sakaling ang mga tao ng daigdig ay di-pagkaitan ng masaganang mga daloy ng pagpapala sa Kaniyang mga araw.

Noong nakaraan ang mga teologo ay nataranta sa tanong na ito, isang katanungan na Siyang Pinakadakilang Katotohanan, noong mga unang taon ng Kaniyang buhay, ay narinig Niya Mismo na paulit-ulit na itinanong: ‘Ano ang Salitang iyon na bibigkasin ng Qaím na magpapatakas sa mga pinuno ng relihiyon?’ Sabihin, ang Salitang iyon ay naipahayag na ngayon at kayo’y tumakas bago pa ninyo narinig na bigkasin iyon, kahit pa hindi ninyo iyon nauunawaan. At ang pinagpala, ang natatago, ang lihim at iniingatang Salita ay ito: ‘“SIYA” ay lumitaw ngayon sa kasuotan ng “AKO”. Siyang natatago mula sa mga mata ng tao ay bumulalas: Masdan! Ako ang Nahahayag sa Lahat.’ Ito ang Salita na sanhi upang mayanig ang mga bisig ng mga di-nananampalataya. Maluwalhati ang Diyos! Ang lahat ng makalangit na Banal na Kasulatan ng nakaraan ay nagpapatunay sa kadakilaan ng Araw na ito, sa kadakilaan ng Kahayagang ito, sa kadakilaan ng Kaniyang mga palatandaan, sa kadakilaan ng Kaniyang Salita, sa kadakilaan ng Kaniyang pagtitiyaga, sa kadakilaan ng Kaniyang mataas sa lahat na katayuan. Subalit sa kabila ng lahat ng ito ang mga tao ay nanatiling pabaya at nahadlangan ng katulad ng isang lambong. Tunay na lahat ng mga Propeta ay pinanabikang makamtan ang Araw na ito. Sinabi ni David: ‘Sino ang maghahatid sa akin sa Matibay na Lunsod?’ Ang kahulugan ng Matibay na Lunsod ay ang ‘Akká. Ang mga muog nito ay napakatibay at Siyang Pinagkasalahang ito ay nakapiit sa loob ng mga pader nito. Gayundin, ipinahayag sa Qur’án: ‘Akayin ang iyong mga tao mula sa kadiliman patungo sa liwanag at ipahayag sa kanila ang mga araw ng Diyos.’

Ang luwalhating ipinagkaloob ng Araw na ito ay malinaw na binanggit at maliwanag na ipinahayag sa karamihan ng makalangit na mga Aklat at Banal na mga Kasulatan. Subalit ang mga teologo ng panahon ay hinadlangan ang mga tao buhat sa nangingibabaw na katayuang ito, at pinigilan sila mula sa Tugatog ng Kaluwalhatian, sa Pinakadakilang Layuning ito.

Pinagpala ka dahil sa ang karimlan ng walang-kabuluhang mga hinagap ay walang-kapangyarihang pigilan ka mula sa liwanag ng katiyakan, at ang pananalakay ng mga tao ay nabigo sa pagpigil sa iyo mula sa Panginoon ng sangkatauhan. Pasalamatan mo ang kahalagahan nitong dakilang katayuan at sumamo sa Diyos—dakila ang Kaniyang kaluwalhatian—na ika’y mapagmahal na tulutang mapangalagaan ito. Ang walang-kamatayang kapangyarihan ay tanging tumutukoy lamang sa Isang tunay na Diyos at ang Kaniyang mga minamahal at patuloy na tutukuyin sila nang walang-hanggan.

Ang kaluwalhatiang sumikat mula sa sugpungang-guhit ng kawalang-hanggan ay mapasaiyo at sa kanilang mga nangapit nang mahigpit sa Kordon ng Diyos na di-mapuputol ng sinuman.

-----------------

Siyang umaakay patungo sa tunay na tagumpay ay dumating na. Sa pagkamakatarungan ng Diyos! Siya’y may ganap na kakayahang baguhin nang lubusan ang daigdig sa pamamagitan ng kapangyarihan ng isang Salita. Yamang inatasan ang lahat ng tao na gumamit ng karunungan, Siya Mismo’y nangapit sa kordon ng pagtitiyaga at buong kahinahunan.

Ang mga tingkal ng luwad ng daigdig ay sumulong upang dalawin ang pinalamutian, ang kumikinang, ang pulang Lunsod ng Diyos, at ang ilang mga sugo mula sa Persiya ay palihim na nagsisimula ng kasamaan, habang sa panlabas na anyo ay nagkukunwari silang mabait at mapagpakumbaba. Mapagmahal na Diyos! Kailan mababago itong mapanlinlang na salot ng daigdig upang maging matapat? Ang mga paalaala ng Diyos, Siyang Tunay, ay pumalibot sa daigdig, subalit hanggang ngayon ang kanilang impluwensiya ay hindi pa nailalahad. Ang hindi kanais-nais na mga gawain ng mga tao ay pumigil sa kanila upang makarating sa Kaniya. Nagsusumamo Kami sa Diyos—dakila at maluwalhati Siya—na ibuhos mula sa mga ulap ng banal na biyaya ang umaapaw na ulan ng Kaniyang biyaya sa lahat ng Kaniyang mga tagapaglingkod: Sa katunayan Siya ang malakas sa lahat ng bagay.

O ‘Alí Ḥaydar! O ikaw na bumangon upang paglingkuran ang Aking Kapakanan at abala sa pagdakila sa papuri ng Diyos, ang Panginoon ng makapangyarihang trono! Sa mga sagisag ng katarungan at sa mga tagapagtaguyod ng katarungan hindi mapag-aalinlanganang malinaw at hayag na Siyang Pinagkasalahang ito, pinalakas ng nangingibabaw na kapangyarihan ng Kaharian, ay sinisikap na pawiin mula sa mga tao at mga kaanak ng daigdig ang bawat bakas ng kaguluhan, pagtatalo, pag-aaway, pagkakaiba o hidwaan; at walang ibang dahilan maliban dito sa dakila, dito sa mahalagang layunin na Siya’y muli’t muling itinapon sa bilangguan at maraming araw at gabing pinarusahan ng mga kadena at pataw sa paa. Pinagpala silang mga maggagawad ng hatol sa di-maigugupong Kapakanan na ito, sa maluwalhating Pahayag na ito, nang walang-pagkiling at makatarungan.

---------------

Ito’y isang Tabletang ipinadala ng Panginoon ng habag upang magawa ng mga tao ng daigdig na makalapit sa Karagatang ito na dumadaluyong sa pamamagitan ng malakas na bisa ng Kaniyang dakilang Pangalan. Kabilang sa mga tao ay yaong mga tumalikod sa Kaniya at tumutol sa Kaniyang pagpapatunay, habang ang iba’y lubos na uminom ng alak ng katiyakan sa kaluwalhatian ng Kaniyang Pangalan na laganap sa lahat ng nilikhang bagay. Isang matinding kasawian ang tunay na dinanas nilang mga nagbaling ng kanilang mga paningin sa huni ng uwak, at tumangging pakinggan ang malalamyos na awit ng Ibon ng Paraiso na umaawit mula sa maliliit na sanga ng Puno ng kawalang-hanggan: Sa katunayan walang ibang Diyos liban sa Akin, ang Nakaaalam ng Lahat, ang Marunong sa Lahat. Ito ang Araw na nagliwanag sa pamamagitan ng mga kaningningan ng liwanag ng Aming mukha—ang Araw na sa paligid nito ay umiikot sa pagsamba ang lahat ng mga araw at gabi. Pinagpala ang táong may maliwanag na pagkaunawa na nakabatid nito, at ang uhaw na lubos na uminom dito sa nagniningning na Bukal. Pinagpala ang táong kumilala sa katotohanan, na buong sigasig na nagsisikap na paglingkuran ang Kapakanan ng kaniyang Panginoon, ang Malakas, ang Makapangyarihan sa Lahat.

O tagapaglingkod na itinutok ang kaniyang paningin sa Aking mukha! Makinig sa Tinig ng iyong Panginoon, ang Maluwalhati sa Lahat, na nananawagan nang malakas mula sa panimulang-bukal ng karingalan at kamaharlikaan. Sa katunayan ang Kaniyang Panawagan ay maglalapit sa iyo sa kaharian ng kaluwalhatian at magiging sanhi ito ng iyong pagbanggit sa Kaniyang papuri sa gayong gawi na ang bawat nilikhang bagay ay mabibighani, at ang pagdakila sa Kaniyang kaluwalhatian sa gayong gawi na magkakaroon ito ng bisa sa buong nilikha. Tunay na ang iyong Panginoon ay ang Tagapagtanggol, ang Magiliw, ang Nakababatid ng Lahat.

Iyong tipunin ang mga kaibigan ng Diyos sa lupaing iyan at ipaalam sa kanila ang Aking walang-kahambing na paggunita. Nagpahayag Kami ng Tableta para sa kanila na mula rito ang halimuyak ng Mahabagin sa Lahat ay sumimoy sa kaharian ng nilikha, nang sa gayo’y magdiwang sila nang may lubos na kagalakan at manatiling matatag sa kamangha-manghang Kapakanang ito.

Habang nasa bilangguan Kami’y nagpahayag ng isang Aklat na Aming pinamagatang ‘Ang Pinakabanal na Aklat’. Doo’y gumawa Kami ng mga batas at pinalamutian ito ng mga utos ng iyong Panginoon, Na ginagamit ang kapangyarihan sa lahat ng mga nasa kalangitan at nasa kalupaan. Sabihin: Mangapit dito, O mga tao, at sundin yaong itinala rito buhat sa mga kamangha-manghang mga alituntunin ng inyong Panginoon, ang Nagpapatawad, ang Mapagbigay-biyaya. Tunay na pagyayamanin kayo nito kapuwa sa daigdig na ito at sa susunod at lilinisin kayo mula sa anumang hindi karapat-dapat sa inyo. Tunay na Siya ang Nagtatadhana, ang Tagapagpaliwanag, ang Tagapagbigay, ang Bukas-palad, ang Magiliw, ang Pinupuri sa Lahat.

Napakalaki ng iyong pagpapala dahil sa ika’y naging matapat sa Banal na Kasunduan ng Diyos at sa Kaniyang Testamento at dahil sa ika’y pinarangalan sa pagkakaloob ng Tabletang ito na sa pamamagitan nito ang iyong pangalan ay naitala sa Aking Pinangalagaang Tableta. Italaga ang iyong sarili sa paglilingkod sa Kapakanan ng iyong Panginoon, itangi ang Kaniyang alaala sa iyong puso at ipagdiwang ang Kaniyang papuri sa gayong gawi na ang bawat naliligaw at suwail na kaluluwa ay mapupukaw sa kaniyang pagkahimbing.

Sa gayon minabuti Namin na ipagkaloob sa iyo ang isang tanda ng pagtangkilik mula sa Aming kinaroroonan; at tunay na Ako ang Nagpapatawad, ang Mahabagin sa Lahat.

-------------------

Nais Naming banggitin siyang ibinaling ang kaniyang mukha sa Amin at tulutan siya na muling makainom nang lubos mula sa nagbibigay-buhay na mga tubig ng Aming magiliw na pagkakandili nang sa gayo’y magawa niyang makalapit sa Aking Sugpungang-guhit, mapalamutian ng Aking mga katangian, makapailanlang sa Aking himpapawid, maging matatag doon sa magiging sanhi na mahayag ang kabanalan ng Aking Kapakanan sa harap ng Aking mga tao at maipagdiwang ang Aking papuri sa gayong gawi na ang bawat nag-aatubiling kaluluwa ay magmadali, ang bawat nilikhang di-kumikilos ay makapailanglang, ang bawat katawan ng tao ay matupok, ang bawat pusong nanlalamig ay mapukaw na mabuhay at ang bawat espiritung nanlulumo ay sumilakbo nang may kagalakan. Sa gayon ito ang kinakailangan niya na nagbaling ng kaniyang mukha sa Akin, na nakapasok sa ilalim ng lilim ng Aking mapagmahal na pagkakandili at natanggap ang Aking mga bersikulong lumaganap sa buong daigdig.

O ‘Alí! Siyang Panimulang-bukal ng banal na Kahayagan ay nananawagan sa iyo sa pamamagitan nitong lubhang kamangha-manghang pananalita. Sa pagkamakatarungan ng Diyos! Kung ika’y naroon sa harap ng Aking Trono at napakinggan ang Dila ng kapangyarihan at karingalan, ipagpapakasakit mo ang iyong katawan, ang iyong kaluluwa, ang iyong buong sarili bilang tanda ng iyong pag-ibig sa Diyos, ang Hari, ang Tagapagtanggol, ang Nakaaalam sa Lahat, ang Marunong sa Lahat, at ika’y manginginig sa pagkabighani sa Kaniyang Tinig na ang bawat panulat ay walang-kakayahang isalaysay ang iyong kalagayan at ang bawat mahusay na magsalitang mananalumpati ay malilito sa pagsisikap niyang ilarawan ito. Saglit na nilay-nilayin ang Rebelasyong ito at ang di-malulupig na kataas-taasang kapangyarihan nito; tulungan ito kung gayon sa paraang nararapat sa iyong Panginoon, ang Mapagmahal, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat. Iyong akayin ang mga tao tungo sa Panimulang-bukal ng kaluwalhatian. Sa katunayan Siya Mismo Yaong nakaluklok sa Kaniyang makapangyarihang Trono. Sa pamamagitan Niya ang sugpungang-guhit ng Bilangguang ito ay ginawang magningning at sa pamamagitan Niya ang lahat ng nasa mga kalangitan at nasa kalupaan ay naliwanagan.

Minarapat Naming banggitin ang iyong pangalan noong nakaraan at gayundin sa magiliw na Tabletang ito upang iyong malanghap muli ang mabangong halimuyak ng Mahabagin sa Lahat. Ito’y isang tanda lamang ng Aking pagtangkilik sa iyo. Ika’y magpasalamat sa iyong Panginoon, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat, ang Nakakikita sa Lahat.

Huwag malumbay dahil sa pagkabigo ng mga táong maunawaan ang Katotohanan. Hindi magtatagal at iyong makikita na bumabaling sila sa Diyos, ang Panginoon ng buong sangkatauhan. Tunay na sa pamamagitan ng lakas ng Pinakadakilang Salita, Aming pinaligiran ang buong daigdig at ang oras ay nalalapit kung kailan masusupil na ng Diyos ang mga puso ng lahat ng nananahan sa daigdig. Siya sa katotohanan ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Malakas sa Lahat.

Naaalaala rin Namin ang iyong kapatid na lalaki mula sa lupaing ito na harinawang siya’y magalak sa Aking pagbanggit sa kaniya at mabilang siya sa kanila na nagmumuni-muni.

O kaibigan! Ang Pinakamamahal ay nananawagan sa iyo mula sa Kaniyang Pinakadakilang Bilangguan at ika’y pinapayuhang sundin yaong ipinahayag ng Aking dakilang Panulat doon sa Aking Pinakabanal na Aklat upang sa gayo’y mangapit ka roon nang may gayong pagtitika at lakas na mula sa Akin; at Ako sa katunayan ay ang Nagtatadhana, ang Marunong sa Lahat.

Tunay na napakalaki ng iyong pagpapala yayamang ang Kaniyang walang-maliw na biyaya ay ipinagkaloob sa iyo at ika’y natulungang kilalanin ang Kapakanang ito—isang Kapakanan na sa pamamagitan ng malakas na bisa nito ang mga kalangitan ay sama-samang tiniklop at ang bawat napakatayog at napakataas na bundok ay naging alabok na ikinalat.

Bukod dito sa pamamagitan ng Aming walang-hanggang biyaya binabanggit Namin ang iyong ina na nagkaroon ng tanging karapatang makilala ang Diyos. Ipinaaabot Namin sa kaniya ang Aming mga pagbati mula sa maluwalhating katayuang ito. Naaalaala Namin ang bawat isa sa inyo, mga lalaki at mga babae, at mula sa Pook na ito—ang Tagpo ng walang-katulad na kaluwalhatian—ay itinuturing kayong lahat na iisang kaluluwa at ipinadadala sa inyo ang masayang balita ng banal na mga pagpapalang nauna sa lahat ng nilikhang bagay, at ang Aking Alaala na lumalaganap sa bawat isa, maging bata man o matanda. Harinawang mapasainyo ang kaluwalhatian ng Diyos, O mga tao ng Bahá. Magdiwang nang may sukdulang kaligayahan sa pamamagitan ng Aking alaala, sapagkat tunay na Siya’y kasama ninyo sa lahat ng panahon.

--------------

Makinig doon sa ipinahahayag sa iyo ng Espiritu mula sa mga bersikulo ng Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap, upang ang Kaniyang Panawagan ay makaakit sa iyo tungo sa Rurok ng nangingibabaw na kaluwalhatian at maglalapit sa iyo tungo sa Katayuan na kung saan iyong mamamasdan ang iyong buong pagkatao na nagliliyab sa apoy ng pagmamahal sa Diyos sa gayong gawi na alinman sa pangingibabaw ng mga pinuno ni ang mga bulong ng kanilang mga tagapaglingkod ay hindi ito mapapatay, at ika’y magbabangon sa gitna ng mga tao ng daigdig upang ipagdiwang ang papuri ng iyong Panginoon, ang Nagmamay-ari ng mga Pangalan. Ito yaong nararapat sa iyo sa Araw na ito.

Isasalaysay Namin sa iyo ang bagay na naganap noong nakaraan upang iyong mabatid ang katamisan ng pananalitang ito at matanto ang gayong mga pangyayaring naganap noong nakaraang mga panahon. Sa katunayan ang iyong Panginoon ang Tagapagpaalaala, ang Magiliw, ang Pinakamamahal.

Gunitain ang mga araw nang Siya na nakipag-usap sa Diyos ay nag-aalaga, sa kaparangan, ng mga tupa ni Jethro, ang Kaniyang biyenang-lalaki. Narinig Niya ang Tinig ng Panginoon ng sangkatauhan na nagbuhat sa nag-aapoy na Palumpong na nakatayo sa ibabaw ng Banal na Lupain, na nagsasabing, ‘O Moises! Sa katunayan Ako ang Diyos, ang iyong Panginoon at ang Panginoon ng iyong mga ninuno, sina Abraham, Isaac at Jacob.’ Siya’y lubhang natangay ng nakabibighaning punto ng Tinig na itiniwalag Niya ang kaniyang sarili mula sa daigdig at sumulong patungo sa Paraon at sa kaniyang mga tao, taglay ang kapangyarihan ng iyong Panginoon Na makapangyarihang naghahari sa lahat ng naging at magiging. Naririnig ngayon ng mga tao ng daigdig yaong narinig ni Moises subalit hindi sila nakauunawa.

Sabihin, isinusumpa Ko sa pagkamakatarungan ng Diyos! Hindi magtatagal at ang karangyaan ng mga ministro ng pamahalaan at ang pangingibabaw ng mga pinuno ay maglalaho, ang mga palasyo ng mga hari ay mawawasak at ang maringal na mga gusali ng mga emperador ay magiging alabok lamang, subalit ang magtatagal ay yaong itinadhana Namin sa iyo sa Kaharian. Tungkulin ninyo, O mga tao, na gawin ang sukdulang pagsisikap nang sa gayon ang inyong mga pangalan ay mabanggit sa harap ng Trono at harinawang magawa ninyo yaong magpapanatiling buhay sa inyong mga alaala sa buong kawalang-hanggan ng Diyos, ang Panginoon ng lahat ng nilikha.

Iyong gunitain sa Aking ngalan ang mga minamahal sa lupaing iyan, ipaabot ang Aking mga pagbati sa kanila at pagalakin ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng mga balitang ipinahayag para sa kanila mula sa maluwalhating katayuang ito.

Sabihin, mag-ingat na baka ika’y matakot sa nakagagaping kapangyarihan ng mga maniniil. Ang araw ay nalalapit kung kailan ang bawat sagisag ng kapalaluan ay mawawala; sa pagkakataong iyon ay iyong masisilayan ang di-malulupig na kapangyarihan ng iyong Panginoon na naghahari sa lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita.

Mag-ingat na baka ika’y mahadlangan ng mga lambong mula sa mga pagbuhos ng Kaniyang biyaya sa Araw na ito. Itapon ang mga bagay na makahahadlang sa iyo mula sa Diyos at maging matiyaga ka rito sa Pamamaraan na malayo ang inaabot. Wala Kaming hinahangad para sa iyo kundi yaong makabubuti sa iyo tulad ng nakatala sa Kaniyang Pinangalagaang Tableta. Madalas Naming naaalaala ang Aming mga minamahal; subalit natagpuan Namin sila na nagkukulang doon sa karapat-dapat sa kanila sa Bulwagan ng biyaya ng kanilang Panginoon, ang Magiliw, ang Mapagpatawad, maliban doon sa mga ninanais ng Diyos na palibrihin. Tunay na makapangyarihan Siya na gawin ang Kaniyang naisin. Siya ang nagbibigay at ang nagkakait. Tunay na Siya ang Walang-kamatayang Katotohanan, ang Nakababatid sa mga bagay na di-nakikita.

Sunggaban, O mga minamahal ng Mahabagin sa Lahat, ang kalis ng walang-hanggang buhay na iniaalok ng kamay ng masaganang mga biyaya ng inyong Panginoon, ang May-ari ng buong nilikha, kung gayo’y uminom kayo nang malalim mula roon. Isinusumpa ko sa Diyos, lubha itong magpapagalak sa inyo na babangon kayo upang dakilain ang Kaniyang Pangalan at ipahahayag ang Kaniyang mga salita sa gitna ng mga tao ng daigdig at sasakupin ang mga lunsod ng mga puso ng mga tao sa ngalan ng inyong Panginoon, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinupuri sa Lahat.

Bukod dito, ipinatatalastas Namin sa lahat ang masayang balita tungkol sa ipinahayag Namin sa Aming Pinakabanal na Aklat—isang Aklat na mula sa ibabaw ng sugpungang-guhit nito ang araw-bituin ng Aking mga utos ay sumisikat sa bawat nagmamasid at bawat napagmamasdan. Mangapit kayo nang mahigpit dito at tuparin yaong ipinahayag doon. Tunay na higit na mabuti ito para sa inyo kaysa sa anumang nilikha sa daigdig, kung nababatid lamang ninyo ito. Mag-ingat na baka ang naglalahong mga bagay sa buhay ng tao ay makapigil sa inyo mula sa pagbaling sa Diyos, Siyang Tunay. Nilay-nilayin sa inyong mga puso ang daigdig at ang mga tunggalian at mga pagbabago nito, nang sa gayo’y matanto ninyo ang kahalagahan nito at ang katayuan nila na mga nagtuon ng kanilang mga puso rito at tumalikod doon sa ipinadala sa Aming Pinangalagaang Tableta.

Kaya ipinahayag Namin ang mga banal na bersikulong ito at ipinadala sa inyo nang sa gayo’y magbangon kayo upang luwalhatiin ang Pangalan ng Diyos, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap. Ang luwalhati ng Diyos ay mapasainyo at sa kanila na mga nakibahagi rito sa pinili, sa selyadong Alak.

-------------

Binasa Niya Na Pinagkasalahang ito sa Pinakadakilang Bilangguan ang iyong liham at nabatid ang iyong katanungan tungkol sa mga utos ng Diyos hinggil sa mga paksa ng muling-pagkabuhay at sa paraan ng paghahanapbuhay. Nakagawa ka nang mabuti sa pagtatanong ng mga katanungang ito, dahil ang kapakinabangan niyon ay matatamo mo at gayundin ng ibang mga tagapaglingkod ng Diyos, kapuwa sa panlabas at panloob. Sa katunayan nababatid ng iyong Panginoon ang lahat ng bagay at agad tumutugon sa panawagan.

Ang pinakadakilang dahilan sa paglikha ng daigdig at ng lahat ng naroroon ay upang makilala ng tao ang Diyos. Sa araw na ito sinuman ang pinatnubayan ng halimuyak ng kasuotan ng Kaniyang habag upang makapasok sa dalisay na Tahanan, na katayuan ng pagtanggap sa Pinagmumulan ng banal na mga utos at sa Panimulang-bukal ng Kaniyang Rebelasyon, ay walang-hanggang nakapagtamo ng lahat ng kabutihan. Dahil sa natamo ang mataas na katayuang ito, dalawang tungkulin ang ibinigay sa bawat kaluluwa. Ang una ay ang pagiging matatag sa Kapakanan nang may gayong katatagan na kung ang lahat ng mga tao ng daigdig ay tatangkaing pigilan siya sa pagbaling sa Pinagmumulan ng Rebelasyon, sila’y hindi magkakaroon ng kakayahang gawin ito. Ang isa pa ay ang pagsunod sa mga banal na batas na dumaloy mula sa bukal ng Kaniyang Panulat na makalangit na pinakikilos. Sapagkat ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos ay hindi maaaring umunlad nang ganap at sapat maliban lamang sa pagsunod sa anumang itinadhana Niya at ipinahayag sa Kaniyang makalangit na Aklat.

Nang nakaraang taon ang Pinakabanal na Aklat ay ipinadala mula sa kalangitan ng biyaya ng Panginoon ng mga Pangalan. Harinawang ika’y buong giliw na tulutang matupad yaong ipinahayag dito.

Tungkol sa pamamaraan ng paghahanapbuhay, habang iyong inilalagay ang buong tiwala mo sa Diyos ika’y nararapat na maging abala sa ilang hanapbuhay. Tiyak na ipadadala Niya sa iyo mula sa kalangitan ng Kaniyang biyaya yaong itinadhana sa iyo. Siya sa katunayan ang Diyos ng kapangyarihan at lakas.

Magbigay ka ng pasasalamat sa Diyos na ang iyong liham ay nakarating sa piling ng Bilanggong ito at mula sa Luklukan ng banal na kapangyarihan ang tugon ay ipinahayag at ipinadadala sa iyo. Ito’y isang di-masukat na biyayang kaloob ng Diyos. Bagaman ito’y hindi hayag sa kasalukuyan, hindi magtatagal at ito’y mahahayag. Dapat mong usalin ang:

Dakilain nawa ang Iyong Pangalan, O Panginoon, aking Diyos! Ako yaong nagbaling ng aking mukha sa Iyo at ibinigay ang kaniyang buong tiwala sa Iyo. Lumuluhog ako sa Iyo sa Iyong Pangalan na sa pamamagitan nito ang karagatan ng Iyong pananalita ay dumaluyong at ang mga simoy ng Iyong kaalaman ay humihip, na ipagkaloob na harinawang buong-giliw akong matulungang makapaglingkod sa Iyong Kapakanan at mabigyang-sigla na gunitain Ka at purihin Ka. Ipadala sa akin, kung gayon, mula sa kalangitan ng Iyong kabutihang-loob, yaong magliligtas sa akin mula sa sinuman liban sa Iyo at magbibigay ng kabutihan sa akin sa lahat ng Iyong mga daigdig.

Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan, ang Di-maaabot, ang Kataas-taasan, ang Nakaaalam, ang Marunong.

Bahá'u'lláh

Windows / Mac