Dakilain ang Iyong pangalan, O aking Diyos, sapagkat ipinamalas Mo ang Araw na Siyang Hari ng mga Araw, ang Araw na ipinahayag mo sa Iyong mga Hinirang at mga Propeta sa Iyong pinakamagaling na mga tableta, ang Araw na dito’y ibinubuhos Mo ang liwanag ng luwalhati ng lahat ng nilikhang mga bagay. Napakalaki ng kaniyang biyaya sinumang sinaayos ang kaniyang sarili patungo sa Iyo, at pumasok sa Iyong kinaroroonan, at naulinigan ang mga himig ng Iyong boses.
Ako ay sumasamo sa Iyo, O aking Panginoon, sa ngalan Niya na Siyang nililibitan sa pagsamba ang kaharian ng Iyong mga pangalan, na magiliw Mong tutulungan silang malapit sa Iyo na luwalhatiin ang Iyong salita sa Iyong mga tagapaglingkod at ikalat sa ibayong lugar ang pagpuri sa Iyo sa Iyong mga nilikha, upang ang mga lubos na kagalakan ng Iyong Rebelasyon ay mapuspos ang mga kaluluwa ng lahat ng naninira han sa Iyong sangkalupaan.
Ngayon na pinatnubayan Mo sila, O aking Panginoon, patungo sa mga buhay ng tubig ng Iyong pagpapala, ipagkaloob sa pamamagitan ng Iyong biyaya, na hindi sila mailayo sa Iyo; at ngayong ipinatawag Mo na sila sa kinaroroonan ng Iyong trono, huwag Mo silang palayasin sa Iyong harapan, sa pamamagitan ng Iyong mapagmahal na kabaitan. Ipadala Mo sa kanila yaong buong makapaglalayo sa kanila sa lahat maliban sa Iyo, at pahintulutan silang pumailanlang sa kalawakan ng Iyong kalapitan, sa isang paraan na kahit na ang tagumpay ng manlulupig o ang mga sulsol nila na mga hindi naniniwala sa Iyong pinakadakila at pinakamalakas na Sarili ay di-magkakaroon ng bisa na ilayo sila sa Iyo.
- Bahá'u'lláh
Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Isinasamo ko sa Iyo, sa Iyong Pangalan na walang sinumang tunay na nakakilala at ang kahalagahan ay hindi natarok ng sinumang kaluluwa; Isinasamo ko sa Iyo, sa Kaniya na Siyang Ulong-bukal ng Iyong Rebelasyon at Araw-Bukal ng Iyong mga tanda, na ang aking puso ay gawing isang sisidlan ng Iyong pag-ibig at ng gunita sa Iyo. Ihabi Mo ito, kung gayon, sa Iyong pinakadakilang Karagatan, upang dumaloy buhat doon ang buhay na tubig ng Iyong karunungan at ang mga kristal na daloy ng pagluwalhati at pagpupuri sa Iyo.
Ang aking mga paa at kamay ay saksi sa Iyong kaisahan, at ang aking buhok ay nagpapahayag ng lakas ng Iyong paghahari at kapangyarihan. Tumayo ako sa pintuan ng Iyong biyaya nang buong kaabahan, at walang pahalaga sa sarili, at nangapit sa laylayan ng Iyong pagpapala, at nagpako ng aking mga mata sa sugpungang-guhit ng Iyong mga handog.
Gawin Mong hantungan ko, O aking Diyos, yaong karapat-dapat sa kadakilaan ng Iyong kamahalan, at tulungan Mo ako, sa pamamagitan ng Iyong nagpapalakas na biyaya, na maituro ang Iyong Kapakanan upang ang mga patay ay magmadaling palabas sa kanilang mga libingan, at magsidagsang patungo sa Iyo, nagtitiwalang ganap sa Iyo, at nagpapako ng kanilang paningin sa silangan ng Iyong Kapakanan, at sa pook-liwayway ng Iyong Rebelasyon.
Ikaw, tunay, ang Pinakamalakas, ang Kataas-taasan, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.
- Bahá'u'lláh
Luwalhatiin Ka, O Ikaw na Diyos ng daigdig at Hangarin ng mga bansa, O Ikaw na nahayag sa Pinakadakilang Pangalan, na sa pamamagitan niyon ay nagsilitaw ang mga perlas ng kadunungan at pananalita buhat sa mga kabibi ng malaking dagat ng Iyong kaalaman, at ang mga langit ng banal na rebelasyon ay napalamutihan ng liwanag ng paglitaw ng araw ng Iyong kaanyuan! Isinasamo ko sa Iyo, sa Salitang yaon na sa pamamagitan nito ang Iyong patunay ay ginawang ganap sa piling ng Iyong mga nilalang at ang Iyong pagsasaksi ay natupad sa Iyong mga tagapaglingkod, na palakasin ang Iyong mga tao sa isang paraang ang mukha ng Kapakanan ay magliliwanag sa Iyong nasasakupan at ang mga bandila ng Iyong pamamatnubay ay maitatatag sa kabuuan ng Iyong mga lupain sa Iyong mga tagapaglingkod.
O aking Diyos! Namamalas Mo silang nakapangapit sa lubid ng Iyong biyaya at mahigpit na nakahawak sa laylayan ng tapis ng Iyong pagpapala. Iatas Mo para sa kanila yaong makapaglalapit sa kanila sa Iyo, at ilayo Mo sila sa lahat ng iba pa liban sa Iyo.
Isinasamo ko sa Iyo, O Ikaw na Hari ng pagkabuhay at tagapagtanggol ng nakikita at di-nakikita, na ang sinumang magbangon upang maglingkod sa Iyong Kapakanan ay gawin Mong tulad ng isang dagat na pinakikilos ng Iyong hangarin; naglalagablab sa apoy ng Iyong Banal na Punongkahoy, sumisikat buhat sa sugpungang-guhit ng langit ng Iyong kalooban. Tunay na Ikaw ang Siyang Makapangyarihan, na kapwa hindi mapanlupaypay ng puwersa ng lahat sa daigdig ni ng lakas ng mga bansa. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Isa, ang Nag-iisa, ang Tagapagtanggol, ang Sariling-Ganap!
- Bahá'u'lláh
O Diyos, na May-Akda ng Lahat ng Kahayagan, at Pinagmulan ng lahat ng mga Pinagmulan, na Ulong-Bukal ng lahat ng Rebelasyon, at Pinagbubukalan ng lahat ng mga Liwanag! Sumasaksi ako na sa Iyong Pangalan ang langit ng pag-unawa ay pinalamutihan, at ang karagatan ng pananalita ay dumaluyong, at ang mga kaloob ng Iyong pagpapala ay pinalaganap sa mga tagasunod ng lahat ng relihiyon.
Isinasamo ko sa Iyo na payamanin Mo ako nang upang hindi na umasa sa lahat liban sa Iyo, at upang maging malaya ako sa anuman liban sa Iyong Sarili. Paulanin Mo, kung gayon, sa akin buhat sa mga alapaap ng Iyong pagpapala yaong pakikinabangan ko sa bawat daigdig ng Iyong mga daigdig. Tulungan Mo ako, kung gayon sa pamamagitan ng Iyong nagpapalakas na biyaya, upang makapaglingkod sa Iyong Kapakanan sa piling ng Iyong mga tagapaglingkod at nang maipakita ko yaong magtutulot na ako’y maalaala habang nananatili ang Iyong sariling Kaharian at nabubuhay ang Iyong mga sakop.
Ito ang Iyong mga tagapaglingkod, O aking Panginoon, na nagbaling ng kanilang buong katauhan sa sugpungang guhit ng Iyong pagpapala at sa karagatan ng Iyong biyaya at sa langit ng Iyong mga kaloob. Gawin Mo sa akin, kung gayon, ang minamarapat ng Iyong kamahalan, at ng Iyong kaluwalhatian at ng Iyong pagpapala, at ng Iyong biyaya.
Ikaw, sa katotohanan, ang Diyos ng lakas at kapangyarihan, na nakatutugon sa lahat ng nagsisidalangin sa Iyo. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.
- Bahá'u'lláh
O aking Diyos, tulungan Mo ang Iyong mga tagapaglingkod na itaguyod ang Salita, at pabulaanan ang kapalaluan at kasinungalingan, itatag ang katotohanan, ipalaganap ang mga banal na taludtod sa ibayong lugar, ipahayag ang mga kaluwalhatian, at gawin ang liwanag ng umaga na mamitak sa mga puso ng mga matuwid na Kapulungan sa kaitaasan.
Ikaw, sa katunayan, ang Mapagbigay, ang Mapagpatawad.
- `Abdu'l-Bahá
O Diyos, aking Diyos! Tulungan Mo ang Iyong pinankakatiwalaang mga tagapaglingkod na magkaroon ng mapagmahal at mahabaging mga puso. Tulungan Mo silang ipalaganap, sa mga bansa sa sangkalupaan, ang liwanag ng patnubay na galing sa Samahan sa Kaitaasan. Sa katunayan, Ikaw ang Matibay, ang Makapangyarihan, ang Napakalakas, ang Sumusugpo sa lahat, ang Laging Nagkakaloob. Sa katunayan, Ikaw ang Mapagbigay, ang Mahinahon, ang Mahabagin, ang Pinakamasagana.
- `Abdu'l-Bahá
Nakikita Mo ako, o aking Diyos, na nakayukod sa kababaan, nagpapakumbaba sa harap ng Iyong mga utos, nagpapasaklaw sa Iyong kapangyarihan, nanginginig sa lakas ng Iyong pamamahala, patakbong lumalayo sa Iyong galit, nagsusumamo sa Iyong pagpapala, umaasa sa Iyong pagpapatawad, nangangatal sa pagkasindak sa Iyong matinding galit. Nagsusumamo ako sa Iyo nang may malakas na tibok ng puso, nang may umaagos na mga luha, at nananabik na kaluluwa at buong pagkawalay sa lahat ng mga bagay, na gawin ang Iyong mga mangingibig na tulad ng silahis ng liwanag sa kalawakanng Iyong mga nasasakupan, at tulungan ang Iyong hinirang na mga tagapaglingkod na parangalan ang Iyong Salita, nang ang kanilang mga mukha ay maging magaganda at maliliwanag na may luningning, nang ang kanilang mga puso ay mapuspos ng hiwaga, nang ang bawat kaluluwa ay maibaba ang pasanin ng kasalanan nito. Pangalagaan sila kung gayon sa mga mananalakay, sa kaniya na nawalan na ng hiya at lapastangan sa Diyos na gumagawa ng kamalian.
Sa katunayan, ang Iyong mga mangingibig ay nauuhaw, O aking Panginoon; akayin sila sa pinagbubukalan ng biyaya at pagpapala. Sa katunayan, sila ay gutom, ipadala Mo sa kanila ang Iyong makalangit nga habag. Sa katunayan, sila ay hubad; bihisan Mo sila sa mga damit ng pagkatuto at kaalaman.
Mga bayani sila, O aking Panginoon, akayin Mo sila sa larangan ng digmaan. Tagapatnubay sila, pasalitain Mo sila nang may mga katuwiran at katibayan. Mga tumutulong na tagapaglingkod sila, mangyaring ipaabot nila sa lahat ng nakalibot ang kopa na punong-puno ng alak ng katiyakan. O aking Diyos, gawin silang manganganta na umaawit sa mga magagandang hardin, gawin silang mga leon na naninirahan sa masukal na lugar, mga balyena na sumisisid sa malawak na kailaliman.
Sa katunayan, Ikaw yaong may walang hanggang pagpapala. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Malakas, ang Makapangyarihan, ang Laging Nagbibigay.
- `Abdu'l-Bahá
O Ikaw na walang kahambing na Diyos! O Ikaw na Panginoon ng Kaharian! Ang mga kaluluwang ito ang Iyong hukbo sa langit. Tulungan sila at sa pamamagitan ng mga pangkat ng Kataas-taasang Kalipunan ay pagtagumpayin sila; upang ang bawat isa sa kanila ay maging tulad ng isang rehimyento at masakop ang mga bansang ito sa pamamagitan ng pag-ibig ng Diyos at pagtanglaw ng mga banal na aral.
O Diyos! Ikaw ang maging tagatangkilik at katulong nila, at sa ilang, sa bundok, sa kalambakan, sa mga gubat, sa malalawak na damuhan at sa mga dagat, Ikaw ang kanilang maging katapatang-lihim—upang sila’y makasigaw sa pamamagitan ng kapangyarihan at hininga ng Banal na Espiritu!
Tunay na Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan at ang Nakababatid ng Lahat, at Ikaw ang Madunong, ang Nakaririnig at ang Nakakikita.
- `Abdu'l-Bahá
O Diyos! O Diyos! Nakikita Mo akong nababalani at naaakit sa Iyong kaharian, ang El-Abhá, pinagniningas ng apoy ng Iyong pag-ibig sa sangkatauhan, isang tagapagbalita ng Iyong Kaharian sa malapad at malawak na mga bansang ito, hiwalay sa anuman liban sa Iyo, nananangan sa Iyo, nag-iwan ng kapahingahan at kaginhawahan, malayo sa aking sariling tahanan, isang lagalag sa mga pook na ito, isang dayuhang nabuwal sa lupa, hamak sa harap ng Iyong maluwalhating pintuan, mapagkumbaba sa Iyong pinakamataas na lupain, nagsusumamo sa Iyo sa kalaliman ng gabi at sa pagbubukang-liwayway, namamanhik at nananawagan sa Iyo sa umaga at gabi upang buong giliw na tulungan Mo ako sa paglilingkod sa Iyong Kapakanan, sa pagpapalaganap ng Iyong mga Turo at sa pagluwalhaati sa Iyong Salita sa kabuuan ng Silangan at ng Kanluran.
O Panginoon! Palakasin ang aking likod at pagtibayin ako sa aking paglilingkod na lakip ang lahat kong pagsisikap, at huwag Mo akong iwanang walang kasama, nag-iisa at walang kakayahan sa sa mga rehiyon na ito.
O Panginoon! Pagkalooban ako ng pakikipag-niig sa Iyo sa aking pag-iisa at samahan ako sa aking mga paglalakbay sa banyagang mga lupang ito.
Tunay na Ikaw ang Tagapagpatibay ng sinumang loobin Mo sa anumang Iyong hinahangad, at tunay na Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan sa Lahat.
- `Abdu'l-Bahá
O Diyos, O Diyos! Nakikita Mo ang aking kahinaan, kababaan at pagkahamak sa harap ng Iyong mga nilalang; gayon man ay nagtiwala ako sa Iyo at nagbangon sa pagpapalaganap ng Iyong mga Turo sa Iyong malalakas na tagapaglingkod, nananangan sa Iyong lakas at kapangyarihan!
O Panginoon! Ako ay isang ibong may baling bagwis at nagnanais na lumipad dito sa Iyong kalawakang walang hanggan. Paano ko magagawa ito kung hindi sa pamamagitan ng Iyong pamamatnubay at biyaya, ng Iyong pagpapatibay at pagtulong!
O Panginoon! Maawa sa aking kahinaan at palakasin ako sa pamamagitan ng Iyong lakas!
O Panginoon! Maawa sa aking kawalang-kakayahan at tulungan ako sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihan at kamahalan!
O Panginoon! Kung ang mga hininga ng Banal na Espiritu ay magpapatibay sa pinakamahina sa mga nilalang, siya ay makararating sa pinakamataas na himpilan ng kadakilaan at magtatamo ng anumang kaniyang naisin. Tunay, tinulungan Mo ang Iyong mga tagapaglingkod sa nakaraan, at sila ay pinakamahina sa Iyong mga nilalang, pinakaaba sa Iyong mga tagapaglingkod at pinakawalang-katuturan sa lahat ng nabuhay sa lupa; ngunit sa pamamagitan ng Iyong pagpapahintulot at bisa ay nauna sila sa pinakamaluwalhati sa Iyong mga tao at pinakadakila sa Iyong sangkatauhan. Bagaman sila’y dating tulad ng mga gamu-gamu, sila’y naging maharlikang mga falcon, at bagaman sila’y dating tulad ng mga batis sila’y naging mga dagat. Sa pamamagitan ng Iyong kaloob, Iyong habag at Iyong pinakadakilang pagtatangkilik, sila’y naging mga bituing nagniningning sa sugpungang-guhit ng pamamatnubay, mga ibong nagsisiawit sa mga hardin ng rosas ng kawalang-kamatayan, mga leon na nagsisiatungal sa mga gubat ng kaalaman at karunungan at mga balyenang nagsisilangoy sa mga karagatan ng buhay.
Tunay na Ikaw ang Mapagbigay, ang Malakas, ang Makapangyarihan, ang Pinakamahabagin sa Dilang Mahabagin!
- `Abdu'l-Bahá
O Diyos! O Diyos! Nakikita Mo na ang maitim na karimlan ay kumukubkob sa lahat ng pook, lahat ng bansa ay nasisilab sa sunog ng kasuwailan at ang apoy ng digmaan at pagpatay ay nagsiklab sa mga silangan ng lupa at mga kanluran niyon. Ang dugo ay nabububo, at ang mga bangkay ay nagratay sa lupa at ang mga pugot na ulo ay nagsibagsakan sa alabok ng larangan ng digmaan.
O Panginoon! Magdalang-habag sa mga walang muwang na ito, itunghay sa kanila ang mata ng pagpapaumanhin at pagpapatawad. Subhan ang apoy na ito upang ang mapapanglaw na ulap na nakatakip sa sugpungang guhit ay maikalat; ang Araw ng Katotohanan ay makasikat na taglay ang mga sinag ng pagkakasundo; ang karimlang ito ay mapunit at lahat ng bansa ay matanglawan ng mga liwanag ng kapayapaan.
O Panginoon! Hanguin sila buhat sa mga kalaliman ng dagat ng pagkamuhi at pakikipag-away, at iligtas sila sa di mapasok na kadilimang ito, pagkaisahin ang kanilang mga puso at liwanagan ang kanilang mga mata sa pamamagitan ng ilaw ng kapayapaan at pagkakasundo.
O Panginoon! Iligtas sila buhat sa mga kalaliman ng digmaan at pagdanak ng dugo, at palayain sila buhat sa dilim ng pagkakamali, punitin ang lambong sa kanilang mga mata, paningningin ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng liwanag ng pamamatnubay, pakitunguhan sila sa pamamagitan ng Iyong masuyong habag at pakikiramay, at sila’y huwag pakitunguhan ayon sa Iyong katarungan at galit na pinangatal ang mga kamay at paa ng mga makapangyarihan!
O Panginoon! Tunay na ang mga digmaan ay tumagal, ang mga kapahamakan ay dumami, at bawat gusali ay naaguho.
O Panginoon! tunay na ang mga dibdib ay balisa at ang mga kaluluwa ay namimilipit sa sakit. Mahabag sa mga kaawa-awang mga kaluluwa na ito at huwag silang pabayaan sa mga kalabisan ng kanilang sariling mga kagustuhan!
O Panginoon! Gawing hayag sa Iyong mga bansa ang mapagkumbaba at mapagpahinuhod na mga kaluluwa, ang kanilang mga mukha ay naliliwanagan ng mga sinag ng pamamatnubay, hiwalay sa daigdig, dinadakila ang Iyong Pangalan, bumibigkas ng Iyong papuri, at nagpapalaganap ng Iyong mga banal na kabanguhan sa sangkatauhan!
O Panginoon! Palakasin ang kanilang mga likod, palakasin ang kanilang mga balakang at papintigin ang kanilang mga puso sa mga tanda ng Iyong pinakadakilang pag-ibig.
O Panginoon! Tunay na sila’y mahina at Ikaw ang Malakas at Makapangyarihan; at sila’y walang kakayahan at Ikaw ang Tumutulong at ang Mahabagin!
O Panginoon! Tunay na ang dagat ng pagsalansang ay umaalon nang mataas at ang mga unos na ito ay hindi mapapayapa liban sa pamamagitan ng Iyong walang hanggang biyaya na sumasaklaw sa lahat ng mga dako!
O Panginoon! Tunay na ang mga tao ay nasa malalim na bangin ng pagnanasa at walang makapagliligtas sa kanila liban sa Iyong walang hanggang mga pagpapala.
O Panginoon! Pawiin ang mga karimlan nitong balakyot na mga hangarin at liwanagan ang mga puso ng tanglaw ng Iyong pag-ibig, na nagbibigay ng liwanag sa lahat ng mga bansa. Pagtibayin, gayundin, ang Iyong mga minamahal, yaon na lumisan sa kanilang mga bansa, sa kanilang mga pamilya, at sa kanilang mga anak, naglalakbay sa mga banyagang lupa nang dahil sa pag-ibig sa Iyong kagandahan, sa pagkakalat ng Iyong mga kabanguhan, at sa pagpapalaganap ng Iyong mga turo. Ikaw ang maging kasama nila sa kanilang pangungulila, katulong nila sa isang banyagang lupa, tagapawi ng kanilang kalungkutan, kanilang tagaaliw sa kalamidad. Ikaw ay maging tagatighaw ng kanilang pagkauhaw, tagapagpagaling ng kanilang karamdaman at pang-alo ng apoy ng kanilang paghahangad.
Tunay na Ikaw ang Pinaka Bukas Palad, ang Panginoon ng Masaganang Biyaya, at tunay na Ikaw ang Madamayin at ang Mahabagin.
- `Abdu'l-Bahá
O Ikaw na maawaing Panginoon! Purihin Ka sa pagpapakita Mo sa amin ng malawak na daan ng pamamatnubay, sa pagbubukas sa mga pinto ng Kaharian at sa pagpapahayag ng Iyong sarili sa pamamagitan ng Araw ng Katotohanan. Sa bulag ay nagkaloob Ka ng paningin; sa bingi ay nagbigay Ka ng pandinig; muli Mong binuhay ang patay; pinayaman Mo ang mahirap; ipinakita Mo ang daan sa mga naligaw; inakay Mo yaong may mga tigang na labi tungo sa bukal ng pamamatnubay; pinahintulutan Mong ang nauuhaw na isda ay makarating sa karagatan ng katotohanan at inanyayahan Mo ang nagsisigalang ibon sa halamanan ng rosas ng biyaya.
O Ikaw na Makapangyarihan sa Lahat! Kami ay Iyong mga tagapaglingkod at Iyong mga dukha! Kami ay malayo at nagnanais na makasama Ka; kami’y nauuhaw sa tubig ng Iyong bukal; kami’y may sakit, nagnanais ng Iyong pagpapagaling. Kami’y lumalakad sa Iyong landas at walang layunin o pag-asa kundi ang maikalat ang Iyong mga kabanguhan upang ang mga kaluluwa ay isigaw ang: “O Diyos! Akayin kami sa tuwid na landas!” Nawa’y buksan nila ang kanilang mga mata sa pagmalas sa mga liwanag at maging malaya sila sa karimlan ng kamangmangan! Nawa’y lumakad silang palibot sa ilaw ng pamamatnubay! Nawa’y ang bawat walang bahagi ay tumanggap ng isang bahagi. Nawa’y ang mga pinagkaitan ay maging mga katapatang-lihim ng Iyong mga hiwaga!
O Makapangyarihan sa Lahat! Itunghay sa amin ang sulyap ng kahabagan! Pagkalooban kami ng makalangit na pagpapatibay! Ipagkaloob sa amin ang mga hininga ng banal na Espiritu, upang matulungan kami sa paglilingkod sa Iyo at tulad ng maningning na mga bituin ay sumikat kami sa mga pook na yaon sa liwanag ng Iyong pamamatnubay. Tunay, Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan, at Ikaw ang Madunong at ang Nakakikita!
- `Abdu'l-Bahá
O aking Diyos! O aking Diyos! Nakikita Mo ako sa aking kababaan at kahinaan, na abala sa pinakadakilang Gawain, nagtitikang itaas ang Iyong salita sa mga karamihan at ikalat ang Iyong mga turo sa Iyong mga tao. Paano ako magtatagumpay kung hindi Mo ako tutulungan sa pamamagitan ng hininga ng Banal na Espiritu, tulungan akong magtagumpay sa pamamagitan ng mga hukbo ng Iyong maluwalhating kaharian, at paulanin sa akin ang Iyong mga pagpapatibay, na sila lamang ang makapagpapabago ng niknik upang maging isang agila, isang patak ng tubig upang maging mga ilog at mga dagat, at ng isang atomo upang maging mga liwanag at mga araw? O aking Panginoon! Tulungan ako sa pamamagitan ng Iyong matagumpay at mabisang lakas, nang sa gayon ang dila ko ay bumigkas ng Iyong mga papuri at mga katangian sa lahat ng mga tao at ang kaluluwa ko ay umapaw sa alak ng Iyong pag-ibig at kaalaman.
Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat at ang Gumagawa ng anumang ninanais Mo.
- `Abdu'l-Bahá
O Panginoon, aking Diyos! Ang papuri at pasasalamat ay suma-Iyo dahil sa pinamtnubayan Mo ako sa malawak na daan ng Kaharian, pinahintulutan akong lumakad sa tuwid at mahabang landas na ito, niliwanagan ang aking mata sa pagkamalas ng mga karingalan ng Iyong liwanag, hinayaan akong makinig sa mga awitin ng mga ibon ng kabanalan buhat sa Kaharian ng mga Hiwaga at inakit ang aking puso sa Iyong Pag-ibig sa piling ng mga nasa katuwiran.
O Panginoon! Pagtibayin ako sa Banal na Espiritu, upang makatawag ako sa Iyong Pangalan sa mga bansa at makapagbigay ng masasayang balita ng paghahayag ng Iyong Kaharian sa palibot ng mga tao.
O Panginoon! Ako ay mahina, palakasin ako ng Iyong lakas at kakayahan. Ang aking dila ay nauumid, pahintulutang mausal ko ang paggunita at pagpuri sa Iyo. Ako ay aba, parangalan ako sa pamamagitan ng pagpasok sa Iyong Kaharian. Ako ay nalalayo, hayaang makalapit ako sa pintuan ng Iyong pagkamahabagin. O Panginoon! Gawin akong isang makinang na ilawan at isang maningning na bituin at isang pinagpalang punong kahoy, napapalamutian ng mga bunga, ang mga sanga ay nakalilim sa lahat ng pook! Tunay, Ikaw ang Makapangyarihan, ang Malakas at ang Di-mapipigilan!
- `Abdu'l-Bahá
O Diyos, O Diyos! Ito ay isang ibong may baling bagwis at ang kaniyang paglipad ay napakabagal—tulungan siya upang makalipad tungo sa tugatog ng kasaganaan at pagkaligtas, bigyang bagwis siya sa kaniyang landas na lakip ang pinakasukdulang tuwa at kaligayahan sa walang hangganang kalawakan, itaas ang kaniyang awitin sa Iyong Kataas-taasang Pangalan sa lahat ng pook, pasiglahin ang mga tainga sa tawag na ito, at paningningin ang mga mata sa pagkamalas sa mga tanda ng pamamatnubay!
O Panginoon! Ako’y walang kasama, nag-iisa at aba. Para sa akin, walang gabay kundi Ikaw, walang katulong liban sa Iyo at walang tagapagtaguyod kundi Ikaw. Pagtibayin ako sa paglilingkod sa Iyo, tulungan ako sa pamamagitan ng mga pangkat ng Iyong mga anghel, pagtagumpayin ako sa pagpapalaganap ng Iyong Salita at itulot na maisaysay ko ang Iyong kadunungan sa Iyong mga nilalang. Tunay, Ikaw ang tagapagkupkop ng mga dukha at tagapagtanggol ng mga mumunti, at tunay na Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan at ang Di-mapipigilan!
- `Abdu'l-Bahá
Luwalhatiin Ka, O aking Diyos! Ito ay Iyong mga tagapaglingkod, na naakit ng mga kabanguhan ng Iyong pagkamahabagin, pinagningas ng apoy na naglalagablab sa punung-kahoy ng Iyong pagiging nag-iisa at ang kanilang mga mata ay pinakinang ng pagkamalas sa kaluningningan ng liwanag na kumi kislap sa Sinai ng Iyong pagkaisa!
O Panginoon! Pakawalan ang kanilang mga dila sa paggunita sa Iyo sa nakapalibot sa Iyong mga tao; tulutang maisaysay nila ang Iyong kapurihan sa pamamagitan ng Iyong pagtatangkilik at biyaya, tulungan sila sa pamamagitan ng mga pangkat ng Iyong mga anghel, palakasin ang kanilang mga balakang sa paglilingkod sa Iyo at gawin silang mga tanda ng Iyong pamamatnubay sa Iyong mga nilalang!
Tunay, Ikaw ang Malakas, ang Maluwalhati, ang Tagapagpatawad at ang Mahabagin!
- `Abdu'l-Bahá
O Diyos, aking Diyos! Nakikita Mo ang mahinang ito na namamalimos ng makalangit na lakas sa Iyong Kaharian! Ang dukhang ito na humihiling ng mga kayamanan sa Iyong langit! Ang nauuhaw na ito na nagnanais ng bukal ng walang hanggang buhay! Ang maysakit na ito na nananabik sa Iyong ipinangakong pagpapagaling sa pamamagitan ng Iyong walang hanggang kahabagan, na itinalaga Mo para sa Iyong mga piling tagapaglingkod sa Iyong Kataas-taasang Kaharian.
O Panginoon! Wala akong ibang katulong liban sa Iyo, walang kanlungan liban sa Iyo at walang ibang tagapagtaguyod maliban sa Iyo. Tulungan Mo ako sa pamamagitan ng Iyong mga anghel sa pagkakalat ng Iyong mga banal na kabanguhan at sa pagpapalaganap ng Iyong mga turo sa pinakapili sa Iyong mga tao!
O aking Panginoon! Tulutang makakalas ako sa anuman liban sa Iyo, makapangapit nang mahigpit sa laylayan ng Iyong biyaya; gawin akong matapat sa Iyong pananampalataya, matatag sa Iyong pag-ibig at namumuhay nang alinsunod sa iniutos Mo sa Iyong Aklat.
Tunay, Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan at Pinakamabisa.
- `Abdu'l-Bahá